Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Mali Ba ang Homoseksuwalidad?

Mali Ba ang Homoseksuwalidad?

 “Habang lumalaki ako, isa sa pinakamahirap na naging problema ko ay nagkakagusto ako sa mga kapuwa ko lalaki. Akala ko no’n, lilipas din iyon. Pero hanggang ngayon, nararamdaman ko pa rin iyon.”​—David, 23.

 Kristiyano si David, at gusto niyang mapasaya ang Diyos. Magagawa niya ba iyan kung nagkakagusto pa rin siya sa kapuwa niya lalaki? Ano ba ang tingin ng Diyos sa homoseksuwalidad?

 Ano ang sinasabi ng Bibliya?

 Ang mga pananaw tungkol sa homoseksuwalidad ay nagkakaiba-iba depende sa kultura o panahong kinabubuhayan ng isa. Pero hindi diyan ibinabase ng mga Kristiyano ang paniniwala nila. Hindi sila “dinadala ng hangin kung saan-saan dahil sa pakikinig sa mga turo.” (Efeso 4:14) Sa halip, ibinabase nila ang pananaw nila tungkol sa homoseksuwalidad (o anumang paggawi) sa mga pamantayang makikita sa Bibliya.

 Malinaw ang pamantayan ng Bibliya tungkol sa gawaing homoseksuwal. Sinasabi ng Salita ng Diyos:

  •  “Huwag kang sisiping sa kapuwa mo lalaki, kung paanong sumisiping ka sa isang babae.”—Levitico 18:22.

  •  “Dahil gusto nilang sundin ang puso nila, . . . pinabayaan na sila ng Diyos na magpadala sa kanilang kahiya-hiyang seksuwal na pagnanasa, dahil ang mga babae sa kanila ay gumawi nang salungat sa likas na pagkakadisenyo sa kanila.”​—Roma 1:24, 26.

  •  “Huwag kayong magpalinlang. Ang mga imoral, sumasamba sa idolo, mangangalunya, lalaking nagpapagamit sa kapuwa lalaki, lalaking nagsasagawa ng gawaing homoseksuwal, magnanakaw, sakim, lasenggo, manlalait, at mangingikil ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos.”—1 Corinto 6:9, 10.

 Ang mga pamantayan ng Diyos ay kapit sa lahat ng tao, nagkakagusto man sila sa kasekso nila o hindi. Ang totoo, ang lahat ay dapat na magkaroon ng kontrol sa sarili at huwag magpadala sa tuksong gumawa ng mga bagay na kinapopootan ng Diyos.—Colosas 3:5.

 Ibig bang sabihin, . . . ?

 Ibig bang sabihin, itinuturo ng Bibliya na dapat kapootan ang mga homoseksuwal?

 Hindi. Ang totoo, hindi itinuturo ng Bibliya na mapoot tayo sa sinuman—homoseksuwal man o hindi. Sa halip, itinuturo nito na “makipagpayapaan [tayo] sa lahat ng tao,” anuman ang lifestyle nila. (Hebreo 12:14) Kaya mali ang pambu-bully, pananakit, o anumang pagmamaltrato sa mga homoseksuwal.

 Ibig bang sabihin, dapat kumontra ang mga Kristiyano sa mga batas na nagpapahintulot na ikasal ang magkasekso?

 Itinuturo ng Bibliya ang pamantayan ng Diyos sa pag-aasawa. Ito ay dapat na sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. (Mateo 19:4-6) Pero ang usapin tungkol sa batas ng tao may kinalaman sa same-sex marriage ay isang politikal na isyu, at hindi isang moral na usapin. Itinuturo ng Bibliya na ang mga Kristiyano ay dapat manatiling neutral sa politika. (Juan 18:36) Kaya hindi sila sumusuporta o kumokontra sa mga batas na ipinapatupad ng gobyerno may kinalaman sa same-sex marriage o homoseksuwal na mga gawain.

 Pero paano kung . . . ?

 Pero paano kung ang isa ay nagsasagawa ng gawaing homoseksuwal? Posible pa kaya siyang magbago?

 Oo. Ang totoo, may mga nakagawa niyan noong unang siglo. Pagkatapos sabihin na hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos ang mga nagsasagawa ng gawaing homoseksuwal, sinabi ng Bibliya: “Ganiyan ang ilan sa inyo noon.”​—1 Corinto 6:11.

 Ibig bang sabihin kapag tumigil na ang isa sa pagsasagawa ng gawaing homoseksuwal, hindi na siya matutuksong gawin ulit iyon? Hindi. Sinasabi ng Bibliya: “Isuot ninyo ang bagong personalidad, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay nagiging bago.” (Colosas 3:10) Ang pagbabago ay patuluyang ginagawa.

 Pero paano kung gustong sundin ng isa ang pamantayan ng Diyos pero mayroon pa rin siyang homoseksuwal na pagnanasa?

 Gaya din ng ibang pagnanasa, puwedeng piliin ng isa na huwag itong patuloy na isipin o huwag magpadala dito. Paano? Sinasabi ng Bibliya: “Patuloy na lumakad ayon sa espiritu at hindi ninyo kailanman maisasagawa ang inyong makalamang mga pagnanasa.”​—Galacia 5:16.

 Pansinin na hindi sinasabi sa teksto na hindi magkakaroon ng makalamang pagnanasa ang isang tao. Sa halip, nagpapayo ito na malalabanan niya ang mga pagnanasang iyon kung mayroon siyang magandang espirituwal na rutin ng pag-aaral ng Bibliya at pananalangin.

 Napatunayan iyan ni David, na binanggit kanina—lalo na nang sabihin niya sa kaniyang Kristiyanong mga magulang ang pinaglalabanan niyang pagnanasa. “Napakabigat nitong dalhin,” ang sabi niya, “at malamang na mas na-enjoy ko ang pagiging teenager kung sinabi ko agad ito sa kanila.”

 Sa bandang huli, mas magiging masaya tayo kung susundin natin ang mga pamantayan ni Jehova. Kumbinsido tayo na “ang mga utos ni Jehova ay matuwid [at] nagpapasaya ng puso.” Kung susundin natin ang mga iyon, tatanggap tayo ng “malaking gantimpala.”—Awit 19:8, 11.