Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paglalang o Ebolusyon?—Bahagi 3: Bakit Dapat Maniwala sa Paglalang?

Paglalang o Ebolusyon?—Bahagi 3: Bakit Dapat Maniwala sa Paglalang?

“Kapag naniniwala ka sa paglalang, iisipin ng mga tao na ignorante ka, na nagpapaniwalâ ka sa mga kuwentong pambata na itinuro sa ’yo ng mga magulang mo, o na-brainwash ka ng relihiyon mo.”—Jeanette.

Sang-ayon ka ba kay Jeanette? Kung oo, baka nag-aalinlangan ka na sa paglalang. Sino ba naman ang gustong magmukhang ignorante? Ano ang makatutulong sa iyo?

 Mga pagtutol

1. Kapag naniniwala ka sa paglalang, iisipin ng mga tao na kinokontra mo ang siyensiya.

“Sabi ng teacher ko, naniniwala ang mga tao sa paglalang kasi ayaw na nilang alamin pa kung paano gumagana ang mga bagay-bagay sa mundo.”—Maria.

Ang dapat mong malaman: Ang mga nagsasabi niyan ay walang alam kung ano talaga ang totoo. Ang mga kilaláng siyentipiko na gaya nina Galileo at Isaac Newton ay naniniwala sa Maylalang. At hindi naman iyan salungat sa pagpapahalaga nila sa siyensiya. May mga siyentipiko rin ngayon na walang nakikitang pagkakasalungatan sa siyensiya at sa paglalang.

Subukan ito: I-type ang pananalita (kasama ang mga quotation mark) na “ang paniniwala ng” sa search box ng Watchtower ONLINE LIBRARY para sa mga halimbawa ng mga taong nasa larangan ng medisina at siyensiya na naniniwala sa paglalang. Pansinin kung ano ang nakatulong sa kanila para maniwala.

Tandaan: Kung naniniwala ka sa paglalang, hindi ibig sabihin nito na kinokontra mo ang siyensiya. Sa katunayan, habang natututuhan mo ang tungkol sa kalikasan, lalo kang maniniwalang totoo nga ang paglalang.—Roma 1:20.

2. Kapag naniniwala ka sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa paglalang, iisipin ng mga tao na panatiko ka.

“Para sa marami, kalokohan ang maniwala sa paglalang. Iniisip nila na isa lamang kuwento ang sinasabi sa Genesis.”—Jasmine.

Ang dapat mong malaman: Kadalasan nang may maling palagay ang mga tao tungkol sa sinasabi ng Bibliya hinggil sa paglalang. Halimbawa, may mga creationist na nagsasabing kailan lang nilalang ang lupa o na ang buhay ay nilalang sa loob ng anim na araw na tig-24 na oras. Parehong hindi iyan sinusuportahan ng Bibliya.

  • Simple lang ang sinasabi ng Genesis 1:1: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” Kaayon iyan ng siyentipikong ebidensiya na ang lupa ay bilyon-bilyong taon nang umiiral.

  • Ang salitang “araw” na ginamit sa Genesis ay maaaring tumukoy sa mahahabang yugto ng panahon. Sa katunayan, ang salitang “araw” ay ginamit sa Genesis 2:4 para tumukoy sa kabuuang anim na araw ng paglalang.

Tandaan: Ang ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang ay kaayon ng mga katotohanan sa siyensiya.

 Suriin ang iyong paniniwala

Hindi tamang basta na lang maniwala sa paglalang. Sa halip, kailangan dito ang lohikal na pangangatuwiran. Isipin ito:

Ang lahat ng bagay sa mundo ay nagtuturo sa iyo na kapag may disenyo, mayroon ding nagdisenyo. Kapag nakakita ka ng camera, eroplano, o bahay, iniisip mong may nagdisenyo nito. Bakit mo isasaisantabi ang lohikang iyan kapag nakikita mo ang mata ng tao, ibon sa langit, o ang planetang Lupa?

Pag-isipan: Kadalasan nang kinokopya ng mga inhinyero ang mga katangiang nakikita nila sa kalikasan para mapahusay nila ang kanilang imbensiyon, at natural lang na gusto nilang kilalanin ng iba ang kanilang mga nagawa. Makatuwiran bang kilalanin ang taong nakaimbento at ang nagawa niya pero hindi naman kinikilala ang Maylalang at ang Kaniyang di-hamak na nakahihigit na mga disenyo?

Makatuwiran bang isipin na ang isang eroplano ay dinisenyo pero ang isang ibon ay hindi?

 Mga pantulong para masuri ang ebidensiya

Mapatitibay mo ang iyong paniniwala sa paglalang kung susuriin mo ang ebidensiyang makikita sa kalikasan.

Subukan ito: I-type ang pananalita (kasama ang mga quotation mark) na “may nagdisenyo ba nito” sa search box ng Watchtower ONLINE LIBRARY. Pumili ng ilang nagustuhan mong pamagat mula sa serye ng Gumising! na “May Nagdisenyo ba Nito?” Sa bawat artikulo, alamin kung ano ang kahanga-hanga sa aspekto ng kalikasan na tinatalakay roon. Paano ito nakakumbinsi sa iyo na may Disenyador?

Pag-aralang mabuti: Gamitin ang sumusunod na brosyur para mas detalyadong masuri ang ebidensiya tungkol sa paglalang.

  • Saan Nagmula ang Buhay?

    • Tamang-tama ang lokasyon ng lupa at kayang-kaya nitong sustinihan ang buhay.—Tingnan ang pahina 4-10.

    • Makikita sa kalikasan ang mga halimbawa ng disenyo.—Tingnan ang pahina 11-17.

    • Ang ulat ng Bibliya sa Genesis tungkol sa paglalang ay kaayon ng siyensiya.—Tingnan ang pahina 24-28.

  • The Origin of Life—Five Questions Worth Asking

    • Hindi maaaring basta na lang nagsimula ang buhay mula sa walang-buhay na materya.—Tingnan ang pahina 4-7.

    • Napakakomplikado ng nabubuhay na mga organismo para sabihing di-sinasadyang nabuo ang mga ito.—Tingnan ang pahina 8-12.

    • Walang sinabi ang makabagong teknolohiya sa kakayahan ng genetic code na mag-imbak ng impormasyon.—Tingnan ang pahina 13-21.

    • Ang lahat ng buhay ay hindi nagmula sa iisang ninuno. Ipinakikita ng rekord ng mga fosil na ang mga pangunahing grupo ng hayop ay nilalang at hindi unti-unting lumitaw.—Tingnan ang pahina 22-29.

“Ang talagang nakakumbinsi sa ’kin na may Diyos ay ang kalikasan, mula sa mga hayop sa lupa hanggang sa uniberso at sa kaayusang umiiral dito.”—Thomas.