Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

May Masama Ba sa Okultismo?

May Masama Ba sa Okultismo?

Ano sa palagay mo?

  • May masama ba sa pagtingin ng horoscope, paglalaro ng Ouija board, o pagkonsulta sa mga psychic?

  • Ang mga kuwento ba tungkol sa okultismo ay pagsasalarawan lang ng labanan sa pagitan ng mabuti at masama? O may panganib dito?

Tatalakayin ng artikulong ito kung bakit parang nakakaakit ang espiritismo at kung bakit kailangan kang mag-ingat.

 Bakit ito nakakaakit?

Malaki ang kinikita ng entertainment industry dahil sa okultismo. Ginagawa nila itong pangunahing bahagi ng mga pelikula, programa sa TV, video game, at mga aklat. Bilang resulta, maraming kabataan ang nagkakainteres sa mga bagay na may kinalaman sa astrolohiya, demonyo, bampira, at witchcraft, o pangkukulam. Bakit? Ang dahilan:

  • Pagiging mausisa: Para malaman kung talagang umiiral ang daigdig ng mga espiritu

  • Pagkabahala: Para malaman kung ano ang mangyayari sa hinaharap

  • Pagnanais na makipag-ugnayan: Para makausap ang namatay na minamahal sa buhay

Wala namang mali sa mga dahilang ito. Halimbawa, normal lang na pag-isipan ang mangyayari sa hinaharap o ma-miss ang isang namatay na minamahal sa buhay. Pero may mga panganib na kailangan mong malaman.

 Bakit kailangang mag-ingat?

Nagbigay ang Bibliya ng mga babala tungkol sa anumang bagay na may kinalaman sa espiritismo. Halimbawa, mababasa natin:

“Hindi dapat magkaroon sa gitna ninyo ng sinumang . . . manghuhula, mahiko, naghahanap ng tanda, mangkukulam, nanggagayuma, kumokonsulta sa espiritista o manghuhula, o nakikipag-usap sa patay. Dahil kasuklam-suklam kay Jehova ang lahat ng gumagawa ng mga ito.”—Deuteronomio 18:10-12.

Bakit hinahatulan ng Bibliya ang espiritismo?

  • Itinataguyod ng espiritismo ang pakikipagkaibigan sa mga demonyo. Sinasabi sa Bibliya na may mga anghel na nagrebelde sa Diyos at naging mga kaaway niya. (Genesis 6:2; Judas 6) Ang masasamang anghel na iyon ay tinatawag na mga demonyo. Ginagamit nila ang mga espiritista, manghuhula, at mga nagsasagawa ng astrolohiya para iligaw ang mga tao. Kapag ginagawa natin ang mga ito, nagiging kaaway tayo ng Diyos.

  • Pinaniniwala ng espiritismo ang mga tao na kaya nilang malaman ang mangyayari sa hinaharap. Pero Diyos lang ang makapagsasabi: “Mula sa pasimula ay sinasabi ko na ang mangyayari, at mula noong sinaunang panahon, ang mga bagay na hindi pa nagagawa.”—Isaias 46:10; Santiago 4:13, 14.

  • Pinaniniwala ng espiritismo ang mga tao na puwede nating makausap ang mga patay. Pero sinasabi ng Bibliya: “Walang alam ang mga patay . . . Wala nang gawain, pagpaplano, kaalaman, o karunungan sa Libingan.”—Eclesiastes 9:5, 10.

Ito ang mga dahilan kung bakit umiiwas ang mga Saksi ni Jehova sa anumang gawaing may kinalaman sa espiritismo. Iniiwasan din nila ang mga palabas na may mga zombie, bampira, at paranormal, o kababalaghan. “Kung may bahid ito ng espiritismo,” ang sabi ng kabataang si Maria, “hindi ko na ito papanoorin.” a

Kung paanong kaya ng isang kriminal na magkunwaring ibang tao para dayain ka, nagkukunwari din ang mga demonyo na sila ang namatay mong mahal sa buhay

 Ang puwede mong gawin

  • Maging determinadong iwasan ang anumang gawain o libangan na may bahid ng okultismo para “magkaroon ng malinis na konsensiya” sa harap ni Jehova.—Gawa 24:16.

  • Itapon o i-delete ang anumang pag-aari mo na may kinalaman sa okultismo. Basahin ang Gawa 19:19, 20, at pansinin ang halimbawang ipinakita ng unang-siglong mga Kristiyano.

Tandaan: Kapag iniiwasan mo ang mga gawain at libangan na may kinalaman sa okultismo, sinusuportahan mo si Jehova at pinasasaya mo siya!—Kawikaan 27:11.

a Hindi naman lahat ng kuwentong kathang-isip ay nagtataguyod ng espiritismo. Kaya kailangang gamitin ng mga Kristiyano ang kanilang konsensiya na sinanay sa Bibliya para maiwasan ang anumang gawain o libangan na may bahid ng espiritismo.—2 Corinto 6:17; Hebreo 5:14.