Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paano Kung May Problema Ako sa Kalusugan? (Bahagi 2)

Paano Kung May Problema Ako sa Kalusugan? (Bahagi 2)

Iba’t iba ang mga problema sa kalusugan.

  • May mga sintomas na nakikita agad sa panlabas na hitsura, at mayroon din namang nararamdaman lang sa loob ng katawan.

  • Ang ilang problema sa kalusugan ay pansamantala lang, pero ang iba ay permanente na at araw-araw na nagpapahirap sa isa.

  • Nagagamot ang ilan o kahit paano ay napipigilang lumubha, pero ang iba ay talagang lumalala—at puwede pa ngang ikamatay ng isa.

Puwede ring maranasan ng mga kabataan ang mga problema sa kalusugan na binanggit dito. Sa artikulong ito, makikilala mo ang apat na kabataang may gayong problema. Kung ganiyan din ang sitwasyon mo, makakatulong sa iyo ang mga sinabi nila.

 GUÉNAELLE

Pinakamahirap para sa akin ang tanggapin ang mga limitasyon ko. Marami akong gustong gawin, pero araw-araw kailangan kong mag-adjust sa kondisyon ko.

May motor-neuromuscular disorder ako. Dahil dito maling impormasyon ang ipinapasa ng utak ko sa aking katawan. Kung minsan, nanginginig o napaparalisa ang iba’t ibang parte ng katawan ko, mula ulo hanggang paa. Hiráp akong gawin ang karaniwang ginagawa ng isang tao, gaya ng paggalaw, pagsasalita, pagbabasa, pagsusulat, at pag-unawa sa sinasabi ng iba. Kapag hirap na hirap ako, sinasamahan akong manalangin ng mga elder sa aming kongregasyon. Kapag ginagawa nila iyon, kumakalma agad ako.

Sa anumang pagsubok, nadarama kong lagi akong inaalalayan ng Diyos na Jehova. Ayokong makasagabal ang sakit ko sa paglilingkod ko sa kaniya. Priyoridad kong tulungan ang iba na malaman ang pangako ng Bibliya—na hindi na magtatagal at gagawing paraiso ng Diyos na Jehova ang lupa, at doo’y wala nang magdurusa.—Apocalipsis 21:1-4.

Pag-isipan: Gaya ni Guénaelle, paano mo maipapakita ang malasakit mo sa iba?—1 Corinto 10:24.

 ZACHARY

Noong 16 anyos ako, natuklasang may agresibong uri ako ng kanser sa utak. Sinabi ng mga doktor na walong buwan na lang akong mabubuhay. Noon nagsimula ang paghihirap ko.

Dahil sa lokasyon ng mga tumor, naparalisa ang kanang parte ng katawan ko. Hindi na ako nakakalakad kaya kailangang lagi akong may kasama sa bahay.

Lumala ang sakit ko at dahil dito ay hindi na ako makapagsalita nang maayos. Noon, napakaaktibo ko at gustung-gusto ko ang waterskiing, basketball, at volleyball. Dahil isa akong Saksi ni Jehova, aktibo rin ako sa ministeryong Kristiyano. Tingin ko hindi maiintindihan ng karamihan sa mga tao kung ano ang pakiramdam kapag hindi mo na magawa ang mga bagay na gustung-gusto mong gawin.

Napapatibay ako ng Isaias 57:15 dahil tinitiyak nito sa akin na ang Diyos na Jehova ay laging naririyan para sa mga ‘nasisiil ang espiritu’ at na nagmamalasakit siya sa akin. Sa Isaias 35:6 naman, si Jehova ay nangangakong muli akong makakalakad at makakapaglingkod sa kaniya nang may perpektong kalusugan.

Kung minsan, hirap na hirap talaga ako sa sakit ko, pero sigurado akong inaalalayan ako ni Jehova. Sa tulong ng panalangin, lagi akong may nakakausap kapag nalulungkot ako o natatakot mamatay. Walang makapaghihiwalay sa akin sa pag-ibig ni Jehova.—Roma 8:39.

Dalawang buwan matapos ang interview kay Zachary, siya ay namatay sa edad na 18. Ang pananampalataya niya sa pangako ng Diyos na bubuhaying muli ang mga patay sa paraisong lupa ay nanatiling matatag hanggang sa kaniyang kamatayan.

Pag-isipan: Gaya ni Zachary, paano ka matutulungan ng panalangin na manatili sa pag-ibig ng Diyos?

 ANAÏS

Ilang araw pa lang mula nang ipanganak ako, nagkaroon ako ng brain hemorrhage. Naapektuhan nito ang buong katawan ko, lalo na ang aking mga binti.

Sa ngayon, nakakalakad ako nang kaunti kapag may walker, pero kadalasa’y naka-wheelchair ako. Dahil naman sa panginginig, hiráp akong gawin ang ilang bagay tulad ng pagsusulat.

Bukod sa nakaka-stress ang kondisyon ko, naging hamon din sa akin ang pagpapagamot. Nakamulatan ko na ang pagpapa-therapy nang ilang ulit linggu-linggo. Limang taon pa lang ako ay sumailalim na ako sa isang major surgery, at nasundan pa ito ng tatlo. Naging mas mahirap sa akin ang huling dalawang operasyon. Tatlong buwan kasi akong nalayo sa pamilya ko habang nagpapagaling.

Malaking tulong sa akin ang pamilya ko. Talagang napapasaya ako ng mga tawanan namin kapag nalulungkot ako. Inaayusan din ako ni Inay at ng mga kapatid kong babae kasi hindi ko ito kayang gawin. Gustung-gusto ko rin sanang mag-high heels. Nagawa ko naman iyon minsan noong bata pa ako; gumapang akong nakasapatos ang mga kamay, at tawa kami nang tawa!

Sinikap kong huwag magpokus sa sakit ko. Nag-aaral ako ng ibang mga wika. Kahit hindi ako puwedeng mag-surf o mag-snowboard, nakakalangoy naman ako. Bilang Saksi ni Jehova, gustung-gusto ko ring sinasabi sa iba ang mga paniniwala ko. Parang nakikinig naman silang mabuti kapag nagsasalita ako.

Bata pa lang ako, itinuro na sa akin ng mga magulang ko na pansamantala lang ang sakit ko. Mula noon, nanampalataya ako kay Jehova at sa kaniyang pangako na aalisin niya ang lahat ng pagdurusa, pati na ang sa akin. Ito ang nagbibigay sa akin ng lakas.—Apocalipsis 21:3, 4.

Pag-isipan: Gaya ni Anaïs, paano mo magagawang hindi magpokus sa sakit mo?

 JULIANA

Mayroon akong autoimmune disorder. Masakit ito at puwedeng maapektuhan ang puso, baga, at dugo ko. Naapektuhan na nito ang mga bato ko.

Sampung taóng gulang ako nang matuklasang mayroon akong lupus. Dahil dito nananakit ang katawan ko, lagi akong pagód, at paiba-iba ang mood ko. Minsan, pakiramdam ko wala akong silbi.

Noong 13 anyos ako, isang Saksi ni Jehova ang pumunta sa bahay. Binasa niya sa akin ang Isaias 41:10, kung saan sinasabi doon ng Diyos na Jehova: “Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo. . . . Talagang aalalayan kitang mabuti sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng katuwiran.” Noon ako nagsimulang makipag-Bible study sa mga Saksi ni Jehova. Sa ngayon, pagkalipas ng mga walong taon, naglilingkod na ako nang buong-puso sa Diyos, at determinado akong huwag makontrol ng aking sakit. Pakiramdam ko’y binibigyan ako ni Jehova ng “lakas na higit sa karaniwan” para manatili akong positibo.—2 Corinto 4:7.

Pag-isipan: Gaya ni Juliana, paano ka matutulungan ng Isaias 41:10 na manatiling positibo?