Liham sa mga Taga-Colosas 3:1-25

3  Gayunman, kung ibinangon kayong kasama ng Kristo,+ patuloy na hanapin ang mga bagay sa itaas, kung saan nakaupo ang Kristo sa kanan ng Diyos.+  Laging ituon ang inyong isip sa mga bagay sa itaas,+ hindi sa mga bagay sa lupa.+  Dahil namatay kayo, at ang buhay ninyo ay nasa kamay ng Kristo, ayon sa kalooban ng Diyos.  Kapag ipinakita na ng Kristo, na siyang buhay natin,+ ang kapangyarihan niya,* mahahayag din na kabahagi niya kayo sa kaluwalhatian niya.+  Kaya patayin ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan*+ na umaakay sa seksuwal na imoralidad, karumihan, di-makontrol na seksuwal na pagnanasa,+ nakasasakit na pagnanasa, at kasakiman, na isang uri ng idolatriya.  Ilalabas ng Diyos ang kaniyang poot dahil sa mga bagay na iyon.+  Ganiyan din ang ginagawa ninyo noon.+  Pero ngayon, dapat ninyong alisin ang lahat ng ito: poot, galit, kasamaan,+ mapang-abusong pananalita,+ at malaswang pananalita.+  Huwag kayong magsinungaling sa isa’t isa.+ Hubarin ninyo ang lumang personalidad,+ pati na ang mga gawain nito, 10  at isuot ninyo ang bagong personalidad,+ na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay nagiging bago at mas katulad ng personalidad ng Isa na lumikha nito.+ 11  Sa bagong personalidad, walang pagkakaiba ang Griego at Judio, tuli at di-tuli, banyaga, Scita, alipin, at taong malaya; kundi si Kristo ang lahat ng bagay at nasa lahat.+ 12  At bilang mga pinili ng Diyos,+ mga banal at minamahal, magpakita kayo* ng tunay na pagmamalasakit,*+ kabaitan, kapakumbabaan,+ kahinahunan,+ at pagtitiis.+ 13  Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa+ kahit pa may dahilan kayo para magreklamo laban sa inyong kapuwa.+ Kung paanong lubusan kayong pinatawad ni Jehova, dapat na ganoon din ang gawin ninyo.+ 14  Pero bukod sa mga ito, magpakita kayo ng pag-ibig,+ dahil lubusan nitong pinagkakaisa ang mga tao.+ 15  Gayundin, hayaang maghari sa puso ninyo ang kapayapaan ng Kristo,+ dahil tinawag kayo para maging isang katawan at magkaroon ng kapayapaan. At ipakita ninyong mapagpasalamat kayo. 16  Punuin ninyo ang inyong sarili ng salita ng Kristo at sa gayon ay magiging marunong kayo. Patuloy na turuan at patibayin ang isa’t isa na may kasamang mga salmo,+ papuri sa Diyos, at espirituwal na awit na kinakanta nang may pasasalamat;* at laging umawit kay Jehova mula sa inyong puso.+ 17  Anuman ang inyong sabihin o gawin, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ngalan ng Panginoong Jesus at pasalamatan ang Diyos na Ama sa pamamagitan niya.+ 18  Kayong mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong asawang lalaki,+ gaya ng inaasahan sa mga tagasunod ng Panginoon. 19  Kayong mga asawang lalaki, patuloy na mahalin ang inyong asawang babae+ at huwag kayong magalit nang husto* sa kanila.+ 20  Kayong mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng bagay,+ dahil talagang nakapagpapasaya ito sa Panginoon. 21  Kayong mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak+ para hindi sila masiraan ng loob. 22  Kayong mga alipin, maging masunurin kayo sa mga panginoon ninyo sa lahat ng bagay,+ hindi lang kapag nakatingin sila, para matuwa sa inyo ang mga tao, kundi nang buong puso, na may takot kay Jehova. 23  Anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ito nang buong kaluluwa na parang kay Jehova kayo naglilingkod+ at hindi sa mga tao, 24  dahil alam ninyong si Jehova ang magbibigay sa inyo ng mana bilang gantimpala.+ Magpaalipin kayo sa Panginoon, kay Kristo. 25  Ang gumawa ng mali ay tiyak na paparusahan dahil sa ginawa niya;+ walang pagtatangi.+

Talababa

Lit., “Kapag nahayag na ang Kristo, na siyang buhay natin.”
Lit., “mga bahagi ng inyong katawan na nasa lupa.”
O “damtan ninyo ang inyong sarili.”
O “ng matinding habag.”
O “kagandahang-loob.”
O “maging malupit.”

Study Notes

mga bagay sa itaas: Hinimok ni Pablo ang pinahirang mga Kristiyano sa Colosas na magpokus sa pag-asa nila. Sa liham niya sa mga taga-Filipos, binanggit niya rin ang “gantimpala ng makalangit na pagtawag,” o ang pag-asa na mamahala sa langit kasama ni Kristo. (Fil 3:14; Col 1:4, 5) Sa utos na laging ituon ang inyong isip, panahunang pangkasalukuyan ang ginamit ni Pablo para ipakitang kailangan dito ang patuluyang pagkilos. Kung mananatili silang nakapokus, hindi sila magagambala ng mga bagay sa lupa, gaya ng pilosopiya at walang-kabuluhang tradisyon ng tao, kaya mananatili silang matatag at hindi nila maiwawala ang napakagandang pag-asa nila.—Col 2:8.

seksuwal na imoralidad: Sa Bibliya, ang salitang Griego na por·neiʹa ay sumasaklaw sa lahat ng seksuwal na gawain na labag sa pamantayan ng Diyos. Ayon sa isang diksyunaryo, ang por·neiʹa ay tumutukoy sa “prostitusyon, karumihan, pakikiapid” at sumasaklaw sa “lahat ng uri ng bawal na pagtatalik.” Bukod sa prostitusyon, pangangalunya, at pagtatalik ng mga walang asawa, kasama rin dito ang homoseksuwal na mga gawain at pakikipagtalik sa hayop, na hinahatulan ng Kasulatan. (Lev 18:6, 22, 23; 20:15, 16; 1Co 6:9; tingnan sa Glosari.) Ipinakita ni Jesus na napakasama ng seksuwal na imoralidad, dahil inihanay niya ito sa pagpatay, pagnanakaw, at pamumusong.—Mat 15:19, 20; Mar 7:21-23.

karumihan: O “kasalaulaan; kahalayan.” Sa unang tatlong “gawa ng laman” na binanggit sa talatang ito, ang “karumihan” (sa Griego, a·ka·thar·siʹa) ang may pinakamalawak na kahulugan. Ang salitang ito ay lumitaw nang 10 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa literal, tumutukoy ito sa pisikal na karumihan. (Mat 23:27) Sa makasagisag na diwa nito, puwede itong tumukoy sa anumang uri ng karumihan—seksuwal na gawain, pananalita, pagkilos, o pagsamba, gaya ng pagsamba sa diyos-diyusan. (Ro 1:24; 6:19; 2Co 6:17; 12:21; Efe 4:19; 5:3; Col 3:5; 1Te 2:3; 4:7) Kaya ang “karumihan” ay puwedeng tumukoy sa iba’t ibang uri ng kasalanan, at may iba’t iba itong antas. (Tingnan ang study note sa Efe 4:19.) Idiniriin nito ang pagiging kasuklam-suklam ng isang kalagayan o maling gawain.—Tingnan sa Glosari, “Marumi.”

bawat uri ng karumihan: Malawak ang kahulugan ng terminong “karumihan” (sa Griego, a·ka·thar·siʹa). Dito, ginamit ito sa makasagisag na paraan para tukuyin ang anumang uri ng karumihan pagdating sa seksuwal na gawain, pananalita, pagkilos, o pagsamba. (Ihambing ang 1Co 7:14; 2Co 6:17; 1Te 2:3.) Idiniriin nito ang pagiging kasuklam-suklam ng isang kalagayan o maling gawain. (Tingnan ang study note sa Gal 5:19.) Sinabi ni Pablo na ang nagtutulak sa gumagawa nito ay kasakiman. Ang salitang Griego na ple·o·ne·xiʹa, na isinaling “kasakiman,” ay tumutukoy sa di-masapatang pagnanasa. Dahil iniugnay ni Pablo ang “kasakiman” sa “karumihan,” ipinakita niyang may iba’t ibang antas ang kasalanang ito.—Tingnan ang study note sa Ro 1:29.

kahiya-hiyang seksuwal na pagnanasa: Ang salitang Griego na paʹthos ay tumutukoy sa matindi, o di-makontrol, na pagnanasa. Maliwanag sa konteksto na tumutukoy ito sa seksuwal na pagnanasa. Dito, ang ganitong pagnanasa ay tinawag na ‘kahiya-hiya’ (sa Griego, a·ti·miʹa, “kahihiyan”), dahil nagdudulot ito ng kahihiyan sa isang tao.

kasakiman: O “kaimbutan.” Ang salitang Griego na ple·o·ne·xiʹa ay literal na nangangahulugang “pagkakaroon ng higit” at tumutukoy sa di-masapatang pagnanasa. Ginamit din ang terminong ito sa Efe 4:19; 5:3. Sa Col 3:5, sinabi ni Pablo na ang “kasakiman” ay “isang uri ng idolatriya.”

sakim, na katumbas ng sumasamba sa idolo: Ginagawang diyos ng isang taong sakim ang bagay na gusto niyang makuha dahil mas mahalaga pa ito sa kaniya kaysa pagsamba niya kay Jehova. Nakapokus siya sa pagkuha nito. (Ro 1:24, 25; Col 3:5) Karaniwan nang ang dahilan ng kasakiman ng tao ay pag-ibig sa pera at materyal na mga bagay, pero puwede ring pagkain at inumin, posisyon at awtoridad, pakikipagtalik, o anumang bagay na puwedeng makahadlang sa pagsamba niya kay Jehova.—Tingnan ang study note sa Ro 1:29.

patayin: Mapuwersang pananalita ang ginamit dito ni Pablo para ipakita na matinding pagsisikap ang kailangan para madaig ang maling mga pagnanasa ng laman.—Gal 5:24; ihambing ang Mat 5:29, 30; 18:8, 9; Mar 9:43, 45, 47.

seksuwal na imoralidad: Ang salitang Griego na por·neiʹa ay sumasaklaw sa lahat ng seksuwal na gawaing labag sa sinasabi ng Bibliya, gaya ng pangangalunya, seksuwal na mga gawain sa pagitan ng mga walang asawa, homoseksuwalidad, at iba pang kasalanang may kaugnayan sa pagtatalik.—Tingnan sa Glosari at study note sa Gal 5:19.

karumihan: O “kasalaulaan; kahalayan.” Sa makasagisag na diwa, ang “karumihan” (sa Griego, a·ka·thar·siʹa) ay puwedeng tumukoy sa anumang uri ng karumihan—seksuwal na gawain, pananalita, pagkilos, o pagsamba. (Ihambing ang 1Co 7:14; 2Co 6:17; 1Te 2:3.) Kaya ang “karumihan” ay puwedeng tumukoy sa iba’t ibang uri ng kasalanan, at may iba’t iba itong antas. Idiniriin nito ang pagiging kasuklam-suklam ng isang kalagayan o maling gawain.—Tingnan sa Glosari, “Marumi,” at study note sa Gal 5:19; Efe 4:19.

di-makontrol na seksuwal na pagnanasa: Tingnan ang study note sa Ro 1:26; ihambing ang Gen 39:7-12; 2Sa 13:10-14.

kasakiman, na isang uri ng idolatriya: Ang salitang Griego na ple·o·ne·xiʹa, na isinalin ditong “kasakiman,” ay tumutukoy sa di-masapatang pagnanasa. (Tingnan ang study note sa Ro 1:29.) Ipinaliwanag ni Pablo na ang kasakiman ay matatawag na idolatriya dahil ginagawang diyos ng isang taong sakim ang bagay na gusto niyang makuha—mas mahalaga pa ito sa kaniya kaysa pagsamba niya kay Jehova at nakapokus siya sa pagkuha nito.—Tingnan ang study note sa Efe 5:5.

napoot: Sinipi ni Pablo ang Aw 4:4 para ipakitang hindi mali na magalit ang isang Kristiyano. Nagagalit din si Jehova at si Jesus dahil sa kasamaan at kawalang-katarungan, pero balanse iyon dahil laging matuwid ang hatol nila. (Eze 38:18, 19; tingnan ang study note sa Mar 3:5.) May mga pagkakataong tama lang na magalit ang mga Kristiyano, pero pinayuhan sila ni Pablo na huwag . . . magkasala. Hindi hinahayaan ng mga Kristiyano na sumiklab ang galit nila at mauwi ito sa masakit na pananalita at karahasan. (Efe 4:31) Sa Aw 4:4, pinapayuhan ang mga lingkod ng Diyos na sabihin sa personal na panalangin nila kay Jehova ang dahilan kung bakit sila nagagalit.

huwag hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo: Ang isang buong araw ng mga Judio noon ay nagtatapos sa paglubog ng araw. Kaya nagbababala si Pablo dito na huwag paabutin ng susunod na araw ang galit. Ang totoo, binabalaan din ni Jesus ang mga alagad niya na hindi tamang patuloy na magalit sa kapuwa nila. (Mat 5:22) Kapag nagkikimkim ng galit ang isa, hindi mawawala ang sama ng loob niya, masisira ang kaugnayan niya sa kapuwa niya, at puwede itong maging dahilan ng pagkakabaha-bahagi sa kongregasyon. (Lev 19:18; Aw 36:4; Gal 5:19-21) Nagbigay ng payo si Pablo kung ano ang puwedeng gawin para maayos agad ng mga Kristiyano ang mga di-pagkakasundo, sa mismong araw ding iyon kung posible.—Ro 12:17-21; Efe 4:2, 3.

Huwag man lang mabanggit sa gitna ninyo: Katanggap-tanggap noon sa Efeso ang bulgar na pananalita at “malaswang pagbibiro.” (Efe 5:4) May malaswang pananalita na maririnig sa mga palabas sa teatro at sa relihiyosong mga kapistahan, gaya ng Thesmophoria, isang kapistahan na para sa diyosang Griego na si Demeter. Sinasabing napapatawa ng ganitong malalaswang pagbibiro ang diyosa. Sinasabi ni Pablo na hindi man lang dapat banggitin ng mga Kristiyano ang ganoong imoral na mga bagay, kaya lalo nang hindi sila dapat matuwa doon. Ang pananalitang Griego na ginamit dito ay puwede ring mangahulugan na hindi dapat gumawa ng imoralidad ang mga Kristiyano.—Efe 5:3-5.

bulok na pananalita: Ang salitang Griego para sa “bulok” ay puwedeng tumukoy sa prutas, isda, o karne na umaalingasaw dahil nabubulok na ito. (Mat 7:17, 18; 12:33; Luc 6:43) Malinaw na nailalarawan ng terminong ito ang di-kaayaaya, mapang-abuso, o malaswang pananalita na dapat iwasan ng isang Kristiyano. Ang dapat lang na lumabas sa bibig niya ay “mabubuting bagay na nakapagpapatibay” at ‘kapaki-pakinabang’ sa iba—mga pananalitang ‘tinimplahan ng asin.’—Col 4:6 at study note.

alisin ang lahat ng ito: Dito, gumamit si Pablo ng isang pandiwang Griego na nangangahulugang “tanggalin sa katawan ang isang bagay” o “ilayo ang isang bagay,” gaya ng lumang damit. Ang metaporang ito tungkol sa paghuhubad ng maruming damit at pagsusuot ng angkop na damit ay ginamit ni Pablo nang paulit-ulit sa talata 9, 10, 12, at 14. Gusto ni Pablo na ituring ng mga Kristiyano sa Colosas ang limang bagay na binanggit niya na gaya ng marumi at mabahong damit na hindi hahayaan ng isang Kristiyano na magtagal sa katawan niya. (Tingnan ang sumusunod na mga study note sa talatang ito.) Maraming pagkakatulad ang payong iyan (Col 3:8-10, 12, 13) sa nasa Efe 4:20-25, 31, 32. Sinusuportahan nito ang konklusyong halos sabay na isinulat ni Pablo ang dalawang liham na ito.—Efe 6:21; Col 4:7-9.

poot, galit: Halos magkasingkahulugan ang dalawang terminong ginamit dito ni Pablo. Sinasabi ng ilang iskolar na ang unang termino, or·geʹ, ay orihinal na tumutukoy sa nararamdaman ng isa, at ang ikalawang termino, thy·mosʹ, ay tumutukoy naman sa paglalabas ng damdaming iyon. Pero nang panahong isinusulat ni Pablo ang liham na ito, posibleng hindi na malinaw ang pagkakaibang iyan. Ginamit ni Pablo ang dalawang salitang ito para babalaan ang mga Kristiyano laban sa pagkadama ng poot, o pagkikimkim ng galit, hanggang sa sumabog ito.—Efe 4:31; tingnan ang mga study note sa Efe 4:26.

kasamaan: Ang salitang Griego na ka·kiʹa, na isinalin ditong “kasamaan,” ay puwedeng tumukoy sa masamang intensiyon, poot, at pagnanais na ipahamak ang iba. Sa katulad na payo sa Efe 4:31, ito rin ang salitang Griego na ginamit ni Pablo sa pariralang “anumang puwedeng makapinsala.” (Tingnan din ang Ro 1:29; 1Co 14:20.) Ayon sa isang reperensiya, ang salitang ito batay sa konteksto ay tumutukoy sa “isang napakasamang puwersa na sumisira sa pagkakaibigan.”

mapang-abusong pananalita: Ang ginamit dito ni Pablo na salitang Griego ay bla·sphe·miʹa, na kadalasang isinasaling “pamumusong” kapag tumutukoy ito sa walang-galang na pananalita laban sa Diyos. (Apo 13:6) Pero noon, hindi lang tumutukoy sa pang-iinsulto sa Diyos ang terminong ito. Puwede rin itong tumukoy sa pagsasabi ng masama o paninira sa kapuwa, at ganiyan ang pagkakagamit ni Pablo sa salitang ito batay sa konteksto. (Tingnan din ang Efe 4:31.) Sa ibang salin, ang ginamit sa talatang ito ay “paninirang-puri” at “pang-iinsulto.” Ganito ang sinabi ng isang reperensiya tungkol sa terminong ito: “Ipinapahiwatig nito ang panghahamak ng isa sa kapuwa niya at ang pagsisikap niyang sirain ang reputasyon nito.”

malaswang pananalita: Ang salitang Griego na isinalin ditong “malaswang pananalita” ay dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Tumutukoy ito sa pananalitang bastos, bulgar, o kung minsan ay mapang-abuso. Karaniwan lang na makarinig noon ng malaswang pananalita sa mga dula na nagtatanghal ng imoralidad, at nakakatawa iyon para sa ilan. Puwede ring makapagsalita ng malaswa ang isang tao kapag galít siya, at nagbabala rin si Pablo laban dito. (Tingnan ang study note sa poot, galit sa talatang ito.) Kailangan talagang ibigay ni Pablo ang babalang ito para maiwasan ng mga Kristiyano noon ang masamang impluwensiya ng mga tao sa paligid nila. (Tingnan ang study note sa Efe 5:3.) Sa Efe 4:29 (tingnan ang study note), nagbigay si Pablo ng katulad na payo sa mga Kristiyano: “Huwag hayaang lumabas sa bibig ninyo ang bulok na pananalita.”

alisin ang lahat ng ito: Dito, gumamit si Pablo ng isang pandiwang Griego na nangangahulugang “tanggalin sa katawan ang isang bagay” o “ilayo ang isang bagay,” gaya ng lumang damit. Ang metaporang ito tungkol sa paghuhubad ng maruming damit at pagsusuot ng angkop na damit ay ginamit ni Pablo nang paulit-ulit sa talata 9, 10, 12, at 14. Gusto ni Pablo na ituring ng mga Kristiyano sa Colosas ang limang bagay na binanggit niya na gaya ng marumi at mabahong damit na hindi hahayaan ng isang Kristiyano na magtagal sa katawan niya. (Tingnan ang sumusunod na mga study note sa talatang ito.) Maraming pagkakatulad ang payong iyan (Col 3:8-10, 12, 13) sa nasa Efe 4:20-25, 31, 32. Sinusuportahan nito ang konklusyong halos sabay na isinulat ni Pablo ang dalawang liham na ito.—Efe 6:21; Col 4:7-9.

lumang personalidad: O “dating sarili; dating pagkatao.” Lit., “dating tao.” Ang salitang Griego na anʹthro·pos ay pangunahin nang tumutukoy sa isang “tao,” lalaki man o babae.

ipinako sa tulos na kasama niya: Ginamit sa mga Ebanghelyo ang pandiwang Griego na syn·stau·roʹo para tumukoy sa mga literal na ipinako sa tulos katabi ni Jesus. (Mat 27:44; Mar 15:32; Ju 19:32) Maraming beses na binanggit ni Pablo sa mga liham niya ang pagpapako kay Jesus sa tulos (1Co 1:13, 23; 2:2; 2Co 13:4), pero dito, ginamit niya ang terminong ito sa makasagisag na diwa. Sinasabi niya rito na pinapatay, o pinapalitan, ng mga Kristiyano ang kanilang lumang personalidad sa pamamagitan ng pananampalataya sa pinatay na si Kristo. Ganito rin ang pagkakagamit ni Pablo sa terminong ito sa liham niya sa mga taga-Galacia. Sinabi niya: “Ipinako ako sa tulos kasama ni Kristo.”​—Gal 2:20.

Hubarin ninyo ang lumang personalidad: Ipinagpatuloy dito ni Pablo ang ilustrasyon niya tungkol sa paghuhubad at pagsusuot ng damit. (Tingnan ang study note sa Col 3:8.) Ang salitang isinalin ditong “personalidad” ay literal na nangangahulugang “tao.” Ginagamit ni Pablo sa makasagisag na paraan ang terminong “tao,” gaya ng sinasabi ng isang reperensiya: “Ang ‘lumang tao’ dito, pati na sa Roma 6:6 at Efeso 4:22, ay tumutukoy sa buong pagkatao ng isa kapag nagpapaalipin siya sa kasalanan.” (Tingnan ang mga study note sa Ro 6:6.) Makikita sa sinabi ni Pablo na sa tulong ng espiritu ng Diyos, kayang “hubarin” ng mga Kristiyano kahit ang mga ugali at makasalanang paggawi na malalim ang pagkakaugat.

bagong personalidad: Lit., “bagong tao.” Hindi lang aalisin ng isang Kristiyano ang “lumang personalidad” (lit., “lumang tao”) niya kasama ang masasamang gawain niya noon (Efe 4:22), kundi dapat din niyang “isuot ang bagong personalidad.” Nakikita sa bagong personalidad “na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos” ang personalidad ng Diyos na Jehova. (Col 3:9, 10) Gusto ng Diyos na tularan siya ng mga lingkod niya at ipakita ang magagandang katangian niya, gaya ng mga binanggit sa Gal 5:22, 23.—Tingnan ang study note sa Gal 5:22; Efe 4:23.

Hubarin ninyo ang lumang personalidad: Ipinagpatuloy dito ni Pablo ang ilustrasyon niya tungkol sa paghuhubad at pagsusuot ng damit. (Tingnan ang study note sa Col 3:8.) Ang salitang isinalin ditong “personalidad” ay literal na nangangahulugang “tao.” Ginagamit ni Pablo sa makasagisag na paraan ang terminong “tao,” gaya ng sinasabi ng isang reperensiya: “Ang ‘lumang tao’ dito, pati na sa Roma 6:6 at Efeso 4:22, ay tumutukoy sa buong pagkatao ng isa kapag nagpapaalipin siya sa kasalanan.” (Tingnan ang mga study note sa Ro 6:6.) Makikita sa sinabi ni Pablo na sa tulong ng espiritu ng Diyos, kayang “hubarin” ng mga Kristiyano kahit ang mga ugali at makasalanang paggawi na malalim ang pagkakaugat.

Kaya tularan ninyo ang Diyos: Sa naunang kabanata, tinalakay ni Pablo ang ilan sa mga katangian ng Diyos, gaya ng pagiging mabait, mapagmalasakit, at mapagpatawad. (Efe 4:32) Kaya nang simulan ni Pablo ang kabanatang ito sa salitang “kaya,” ipinapakita niya na makakatulong sa mga Kristiyano ang pagbubulay-bulay sa magagandang katangian ng Diyos para matularan nila siya, dahil siya ang pinakamahusay na huwaran. (Aw 103:12, 13; Isa 49:15; Efe 1:3, 7) Nang sabihin ni Pablo na dapat “tularan” ng mga Kristiyano ang Diyos, hindi ito nangangahulugang kailangan nila Siyang tularan nang eksakto, kundi “bilang minamahal na mga anak.” Hindi matutularan ng anak ang magulang niya nang eksaktong-eksakto. Pero kapag nagsisikap siya, siguradong mapapasaya niya ang magulang niya.—Ihambing ang Aw 147:11.

ang puso at isip natin ay nagkakaroon ng panibagong lakas: Idiniriin dito ni Pablo na kahit “nanghihina” ang katawan ng mga naglilingkod kay Jehova, binibigyan sila ng Diyos araw-araw ng panibagong lakas sa espirituwal. (Aw 92:12-14) “Ang puso at isip” ay tumutukoy sa ating espirituwalidad, pagkatao, at katatagan. Kaugnay ito ng “bagong personalidad” na isinusuot ng mga Kristiyano. (Col 3:9, 10) Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na magpokus sa “mga bagay na di-nakikita,” ang napakagandang gantimpala sa hinaharap na ipinangako ng Diyos.—Tingnan ang study note sa 2Co 4:18.

bagong personalidad: Ito ang makasagisag na kasuotang ipapalit ng isa sa hinubad niyang “lumang personalidad.” (Tingnan ang study note sa Efe 4:24; Col 3:9.) Ang “bagong personalidad” na ito ay binubuo ng magagandang katangian ng Diyos, kaya “katulad [ito] ng personalidad” ng Diyos na Jehova. Ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo ay ginamit din ng Septuagint sa Gen 1:26 para sa “larawan.” Kaya naipaalala ni Pablo sa mga Kristiyano sa Colosas na kahit di-perpekto ang mga tao, puwede pa rin nilang pagsikapang tularan ang magagandang katangian ng Diyos.—Tingnan ang study note sa Efe 5:1.

nagiging bago: Gumamit dito si Pablo ng isang salitang Griego na hindi pa ginagamit noon sa mga sinaunang literaturang Griego. Ang anyo ng pandiwang ginamit dito ay nagpapahiwatig na hindi lang ito gagawin nang minsan, kundi isa itong patuluyang proseso. Kung hihinto ang isang Kristiyano sa pagsisikap na magkaroon ng bagong personalidad, malamang na lumitaw ulit ang luma niyang personalidad. (Gen 8:21; Ro 7:21-25) Kaya idinidiin dito ni Pablo sa mga Kristiyano na mahalagang patuloy nilang isabuhay ang tumpak na kaalamang natutuhan nila tungkol sa Kristiyanong personalidad. Kailangan nilang magsikap nang husto para magkaroon sila ng mga katangiang binanggit ni Pablo sa talata 12-15.—Tingnan ang study note sa 2Co 4:16.

banyaga: O “di-Griego.” Sa ilang mas lumang salin ng Bibliya, isinaling “Barbaro” ang salitang Griegong barʹba·ros na ginamit dito. Ang pag-uulit ng pantig, “bar bar,” sa salitang Griegong ito ay nagpapahiwatig ng pagkabulol o di-maintindihang pagsasalita, kaya noong una, ginagamit ng mga Griego ang terminong ito para tumukoy sa isang dayuhan na nagsasalita ng ibang wika. Nang panahong iyon, hindi ito tumutukoy sa mga taong di-sibilisado, magaspang, o walang modo; hindi rin ito mapanlait na termino. Ginagamit lang ang salitang barʹba·ros para tukuyin ang isang tao na hindi Griego. Tinatawag ng ilang Judiong manunulat, gaya ni Josephus, ang sarili nila sa ganitong termino. Sa katunayan, tinatawag ng mga Romano na barbaro ang sarili nila bago nila yakapin ang kultura ng mga Griego. At ganito ang pagkakagamit ni Pablo sa terminong barʹba·ros sa ekspresyong tumutukoy sa lahat ng tao: “Mga Griego at mga banyaga.”

banyaga: Lit., “barbaro.”—Tingnan ang study note sa Ro 1:14.

Scita: Noong panahon ni Pablo, ang salitang “Scita” ay tumutukoy sa mararahas at di-sibilisadong tao. Ang mga Scita ay isang grupo ng tao na kilaláng nagpapagala-gala, at ayon sa sinaunang mga manunulat, karaniwan nang makikita sila sa hilaga at silangan ng Dagat na Itim. May mga ebidensiyang nakarating pa sila sa kanlurang bahagi ng Siberia malapit sa hangganan ng Mongolia. Sa mga Griego at Romano noon, ang terminong “Scita” ay nangahulugan nang “nakakakilabot.” Sa talatang ito, may binanggit si Pablo na iba’t ibang grupo na pinagpares-pares niya—mga Griego at Judio, mga tuli at di-tuli, mga banyaga at Scita, at mga alipin at taong malaya. Nang sabihin ni Pablo na walang kaibahan ang lahat ng ito, ipinapakita niyang hindi na dapat pagmulan ng pagkakabaha-bahagi sa mga Kristiyanong nagbihis ng bagong personalidad ang lahi, dating relihiyon, kultura, at katayuan sa lipunan.

alisin ang lahat ng ito: Dito, gumamit si Pablo ng isang pandiwang Griego na nangangahulugang “tanggalin sa katawan ang isang bagay” o “ilayo ang isang bagay,” gaya ng lumang damit. Ang metaporang ito tungkol sa paghuhubad ng maruming damit at pagsusuot ng angkop na damit ay ginamit ni Pablo nang paulit-ulit sa talata 9, 10, 12, at 14. Gusto ni Pablo na ituring ng mga Kristiyano sa Colosas ang limang bagay na binanggit niya na gaya ng marumi at mabahong damit na hindi hahayaan ng isang Kristiyano na magtagal sa katawan niya. (Tingnan ang sumusunod na mga study note sa talatang ito.) Maraming pagkakatulad ang payong iyan (Col 3:8-10, 12, 13) sa nasa Efe 4:20-25, 31, 32. Sinusuportahan nito ang konklusyong halos sabay na isinulat ni Pablo ang dalawang liham na ito.—Efe 6:21; Col 4:7-9.

kapakumbabaan: Ang isang taong mapagpakumbaba ay hindi mapagmataas o arogante. Makikita ang kapakumbabaan sa pananaw ng isang tao sa sarili niya kung ikukumpara sa Diyos at sa iba. Hindi ito kahinaan, kundi isang kalagayan ng isip na kalugod-lugod sa Diyos. Ang mga Kristiyanong tunay na mapagpakumbaba ay nakakagawang magkakasama nang may pagkakaisa. (Efe 4:2; Fil 2:3; Col 3:12; 1Pe 5:5) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang ta·pei·no·phro·syʹne, na isinalin ditong “kapakumbabaan,” ay mula sa mga salitang ta·pei·noʹo, “gawing mababa,” at phren, “ang isip.” Kaya ang literal na salin nito ay “kababaan ng isip.” Ang kaugnay na terminong ta·pei·nosʹ ay isinalin ding “mapagpakumbaba.”—Mat 11:29; San 4:6; 1Pe 5:5; tingnan ang study note sa Mat 11:29.

magpakita kayo: O “damtan ninyo ang inyong sarili.” Ipinagpatuloy dito ni Pablo ang ilustrasyon niya tungkol sa damit, na sinimulan niya sa Col 3:8. (Tingnan ang study note.) Binanggit ni Pablo dito ang espesipikong mga katangian na bumubuo sa “bagong personalidad” na dapat isuot, o ipakita, ng lahat ng tagasunod ni Kristo. (Col 3:10) Nagmumula sa puso ang mga tulad-Kristong katangiang ito, pero dapat na malinaw na makita ang mga ito na gaya ng nakasuot na damit. Ayon sa ilang reperensiya na nagpapaliwanag sa Bibliya, makikita sa pagkakasabi ni Pablo sa utos na “damtan ninyo ang inyong sarili” na dapat itong gawin agad at na permanente ang pagbabagong ito. Kaya lumilitaw na gusto ni Pablo na sundin agad ng mga taga-Colosas ang payong ito at maging permanenteng bahagi ng personalidad nila bilang mga Kristiyano ang mga katangiang ito.

kapakumbabaan: O “kababaan ng isip.”—Tingnan ang study note sa Gaw 20:19.

pinagpaumanhinan: O “pinatawad.” Ang salitang Griego na a·phiʹe·mi ay pangunahin nang nangangahulugang “pakawalan” (Ju 11:44; 18:8), pero puwede rin itong mangahulugang “kanselahin ang utang” (Mat 18:27, 32) at “patawarin” ang kasalanan (Mat 6:12). (Tingnan ang mga study note sa Mat 6:12.) Ginamit din ang terminong ito sa salin ng Septuagint sa Aw 32:1 (31:1, LXX), na sinipi ni Pablo.

Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa: Dito, hinihimok ni Pablo ang mga Kristiyano sa Colosas na maging mapagpasensiya, o pagtiisan ang mga pagkakamali ng iba at ang mga ugali nila na nakakainis. Ang pandiwang Griego dito ay ginamit din sa 1Co 4:12, kung saan isinalin itong “nagtitiis.” Dahil di-perpekto at nagkakamali ang lahat ng Kristiyano (San 3:2), kailangan talagang maging makatuwiran sa mga inaasahan natin sa iba (Fil 4:5).

kahit pa may dahilan kayo para magreklamo laban sa inyong kapuwa: Alam ni Pablo na kung minsan, may dahilan talaga ang ilang taga-Colosas para “magreklamo laban” sa mga kapananampalataya nila. May mga pagkakataon na hindi nakakapagpakita ng Kristiyanong katangian ang isa o nakakasakit siya ng damdamin ng iba, sinasadya man ito o hindi. Kahit sa ganitong mga sitwasyon, pinagsisikapan pa rin ng mga Kristiyano na tularan si Jehova at lubusang magpatawad.—Mat 5:23, 24; 18:21-35; Efe 4:32; 1Pe 4:8.

Kung paanong lubusan kayong pinatawad ni Jehova: Madalas banggitin sa Bibliya na pinapatawad ng Diyos na Jehova ang kasalanan ng mga tao. (Bil 14:19, 20; 2Sa 12:13; Aw 130:4; Dan 9:9) Inilarawan pa nga siya na “handang magpatawad” (Ne 9:17; Aw 86:5) at ‘nagpapatawad nang lubusan’ (Isa 55:7). Ang pandiwang Griego na ginamit dito ni Pablo para sa ‘lubusang pinatawad’ ay hindi ang karaniwang salita para sa “magpatawad,” gaya ng makikita sa Mat 6:12, 14 o Ro 4:7 (tingnan ang study note). Sa halip, ginamit dito ang pandiwang kaugnay ng salitang Griego na khaʹris, na madalas na isinasaling “walang-kapantay na kabaitan” o “pabor.” Kapag iniuugnay sa pagpapatawad, ang pandiwang ito ay tumutukoy sa pagpapatawad nang lubusan, o bukal sa loob, gaya ng kapag nagreregalo sa iba. Ginamit din ni Pablo ang terminong ito sa Col 2:13 nang sabihin niyang “buong puso niyang [Diyos] pinatawad ang lahat ng kasalanan natin.”—Efe 4:32; para sa paliwanag kung bakit ginamit dito ang pangalan ng Diyos, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Col 3:13.

magpakita kayo: O “damtan ninyo ang inyong sarili.” Ipinagpatuloy dito ni Pablo ang ilustrasyon niya tungkol sa damit, na sinimulan niya sa Col 3:8. (Tingnan ang study note.) Binanggit ni Pablo dito ang espesipikong mga katangian na bumubuo sa “bagong personalidad” na dapat isuot, o ipakita, ng lahat ng tagasunod ni Kristo. (Col 3:10) Nagmumula sa puso ang mga tulad-Kristong katangiang ito, pero dapat na malinaw na makita ang mga ito na gaya ng nakasuot na damit. Ayon sa ilang reperensiya na nagpapaliwanag sa Bibliya, makikita sa pagkakasabi ni Pablo sa utos na “damtan ninyo ang inyong sarili” na dapat itong gawin agad at na permanente ang pagbabagong ito. Kaya lumilitaw na gusto ni Pablo na sundin agad ng mga taga-Colosas ang payong ito at maging permanenteng bahagi ng personalidad nila bilang mga Kristiyano ang mga katangiang ito.

mapanatili ang kapayapaan: Ang salitang Griego na ginamit dito ay tumutukoy sa “isang bagay na kayang magbuklod o nagsisilbing pandikit.” Sa ganitong diwa ginamit ang salitang ito sa Col 2:19, kung saan isinalin itong “litid,” isang matibay na tissue na nagdurugtong sa mga buto. Parang ganiyan ang kapayapaan dahil kaya nitong pagbuklurin ang mga miyembro ng kongregasyon. Hindi lang ito basta nangangahulugang walang awayan. Ang ganitong kapayapaan ay nakasalig sa pag-ibig, at kailangan ang pagsisikap para mapanatili ito. (Efe 4:2) Ginamit din ni Pablo ang salitang Griego na ito sa Col 3:14, kung saan sinabi niya na ‘lubusang pinagkakaisa’ ng pag-ibig ang mga tao.

lubusan silang magkaisa: O “mapasakdal ang kanilang pagkakaisa.” Sa talatang ito, ang lubos na pagkakaisa ay iniugnay ni Jesus sa pag-ibig ng Ama. Kaayon ito ng sinasabi sa Col 3:14: ‘Lubusang pinagkakaisa ng pag-ibig ang mga tao.’ Kapag sinabing ‘lubusang nagkakaisa,’ hindi ibig sabihin na wala nang pagkakaiba-iba ang personalidad ng mga indibidwal—ang kanilang kakayahan, kaugalian, at konsensiya. Nangangahulugan lang ito na ang mga tagasunod ni Jesus ay nagkakaisa sa pagkilos, paniniwala, at turo.—Ro 15:5, 6; 1Co 1:10; Efe 4:3; Fil 1:27.

magpakita kayo ng pag-ibig: O “damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig.” Tingnan ang study note sa Col 3:12.

lubusan nitong pinagkakaisa ang mga tao: O “ito ay perpektong bigkis ng pagkakaisa.” Sa liham ni Pablo sa mga taga-Efeso, idiniin niya kung gaano kahalaga ang kapayapaan para magkaisa ang kongregasyon. (Tingnan ang study note sa Efe 4:3.) Dito naman, nagpokus si Pablo sa pag-ibig, na isang kamangha-manghang katangian, at sa kakayahan nitong magdulot ng pagkakaisa. Ang pinakamagandang halimbawa nito ay ang matibay na ugnayan ni Jehova at ng kaisa-isa niyang Anak; ito ang pinakamatibay na buklod ng pag-ibig. (Ju 3:35) Noong gabi bago mamatay si Jesus, nagsumamo siya sa Ama niya na tulungan ang mga tagasunod niya na magkaisa rin, gaya nilang dalawa.—Ju 17:11, 22; tingnan ang study note sa Ju 17:23.

maghari sa puso ninyo ang kapayapaan ng Kristo: O “kontrolin ng kapayapaan ng Kristo ang puso ninyo.” Hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano na hayaang kontrolin ng kapayapaan ng Kristo ang puso nila. Ang terminong Griego na isinaling “maghari” ay kaugnay ng salita para sa isang umpire, o hurado, na siyang tumitiyak na maayos ang takbo ng palaro at siya ring naggagawad ng parangal. Kapag naghari sa puso ng mga Kristiyano ang kapayapaang ito na gaya ng isang umpire, o hurado, titiyakin nilang ang mga desisyong gagawin nila ay hindi makakasira sa kapayapaan at pagkakaisa ng mga kapananampalataya nila.

kapayapaan ng Kristo: Tumutukoy ito sa kapayapaan ng isip at pagiging panatag ng isa dahil sa pagiging alagad ng Anak ng Diyos. Ganiyan ang nararamdaman ng mga lingkod ng Diyos dahil alam nilang minamahal sila at sinasang-ayunan ng Diyos na Jehova at ng Anak niya.—Aw 149:4; Ju 14:27; Ro 5:3, 4.

Kristo: Sa ilang sinaunang manuskrito, “Diyos” ang mababasa dito. May ilang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J7, 8 sa Ap. C4) na gumamit dito ng pangalan ng Diyos. Pero kung pagbabatayan ang iba pang manuskrito, mas matibay ang basehan ng saling “Kristo.”

pagkatapos umawit ng mga papuri: O “pagkatapos umawit ng mga himno (salmo).” Ayon sa tradisyon ng mga Judio, ang una sa mga Salmong Hallel (113, 114) ay inaawit, o binibigkas, sa panahong kinakain ang hapunan ng Paskuwa; ang ikalawang bahagi naman, na binubuo ng apat na salmo, (115-118) ay sa pagtatapos nito. Ang ikalawang bahagi ay naglalaman ng ilang hula tungkol sa Mesiyas. Ang Aw 118 ay nagsisimula at nagtatapos sa ganitong pananalita: “Magpasalamat kayo kay Jehova, dahil siya ay mabuti; ang kaniyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.” (Aw 118:1, 29) Malamang na ito ang huling papuri ni Jesus na inawit niya kasama ang tapat na mga apostol niya sa gabi bago siya mamatay.

patnubay: O “tagubilin; payo; pagsasanay.” Lit., “ilagay sa kanila ang kaisipan.” Ang salitang Griego na ginamit dito (nou·the·siʹa) ay kombinasyon ng mga salita para sa “isip” (nous) at “ilagay” (tiʹthe·mi). Sa kontekstong ito, ipinapakita ng paggamit ng salitang ito na kailangang tulungan ng mga Kristiyanong ama ang anak nila na maintindihan ang kaisipan ng Diyos. Para bang inilalagay nila ang kaisipan ng Diyos na Jehova sa isip ng mga anak nila.

mga salmo, papuri sa Diyos, at espirituwal na mga awit: Naging bahagi rin ng pagsamba ng unang-siglong mga Kristiyano ang pag-awit ng papuri kay Jehova. Ang salitang Griego para sa “salmo” (psal·mosʹ), na ginamit din sa Luc 20:42; 24:44; at Gaw 13:33, ay tumutukoy sa mga awit sa Hebreong Kasulatan. Pero may mga nagawa ring awit ang mga Kristiyano noon—mga “papuri sa Diyos,” o himno, at “espirituwal na mga awit,” o mga awit tungkol sa espirituwal na mga bagay. Sa sulat ni Pablo sa mga taga-Colosas, pinayuhan niya ang mga Kristiyano na turuan at patibayin ang isa’t isa sa pamamagitan ng “mga salmo, papuri sa Diyos, at espirituwal na awit.”—Col 3:16.

umawit . . . kay Jehova: Ang pariralang ito at ang iba pang kahawig na ekspresyon ay madalas lumitaw sa Hebreong Kasulatan. Tumutukoy ang mga ito sa pagpuri kay Jehova sa pamamagitan ng awit. (Exo 15:1; 1Cr 16:23; Aw 13:6; 96:1; 104:33; 149:1; Jer 20:13) Mga 10 porsiyento ng nilalaman ng Bibliya ay mga awit para sa pagsamba kay Jehova; ang karamihan nito ay makikita sa Awit, Awit ni Solomon, at Panaghoy. Lumilitaw na umaawit din ng papuri sa Diyos ang mga lingkod niya noong panahon ni Jesus. (Tingnan ang study note sa Mat 26:30.) Ipinapahiwatig ng sinabi ni Pablo sa 1Co 14:15 na regular na bahagi ng pagsamba ng mga Kristiyano ang pag-awit.—Gaw 16:25; Col 3:16; para sa paliwanag kung bakit ginamit ang pangalan ng Diyos sa talatang ito, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Efe 5:19.

mula sa inyong puso: O “sa inyong puso.” Sa Bibliya, kapag ginagamit ang terminong “puso” sa makasagisag na paraan, karaniwan nang tumutukoy ito sa panloob na pagkatao, kasama na ang mga kaisipan, motibo, katangian, damdamin, at emosyon. (Ihambing ang Aw 103:1, 2, 22.) Malawak ang kahulugan ng ekspresyong Griego na ginamit dito at sa Col 3:16, at puwede itong tumukoy sa pag-awit nang tahimik. Ibig sabihin, punô ng pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay ang puso at isip ng isa na umaawit ng papuri sa Diyos, na sinasaliwan ng musika. Puwede ring isalin ang ekspresyong Griegong ito na “nang may puso,” at nagpapahiwatig ito ng taos-pusong pag-awit nang may tamang saloobin.

salita ng Kristo: Ang ekspresyong ito, na dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay tumutukoy sa mensahe mula at tungkol kay Jesu-Kristo. Kasama sa “salita” na ito ang halimbawang iniwan ni Jesus kung paano mamumuhay at isasagawa ang ministeryo. Sinabi ni Pablo sa mga Kristiyano na dapat nilang punuin ang sarili nila ng mga turo ni Kristo, ibig sabihin, dapat na maging bahagi ng pagkatao nila ang lahat ng turong iyon. Magagawa nila ito kung bubulay-bulayin nila at isasabuhay ang mga katotohanang mula kay Kristo. Ganito ang paliwanag ng isang reperensiya tungkol sa sinabi ni Pablo: “Ang salita ni Kristo ay dapat na maging isang malakas at di-nawawalang puwersa sa puso nila; hindi ito dapat maging pakitang-tao o rutin lang.”

Patuloy na turuan at patibayin ang isa’t isa: Dito, pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na turuan, patibayin, at paalalahanan ang isa’t isa sa pamamagitan ng pag-awit ng mga kantang batay sa Kasulatan. Ang ilan sa mga awit na ginagamit ng mga Kristiyano sa pagsamba noong unang siglo ay mga salmo na galing sa Hebreong Kasulatan. Marami sa mga salmong ito ang nagpapasigla sa kanila na purihin ang Diyos, magpasalamat sa kaniya, at magsaya dahil sa kaniya.—Aw 32:11; 106:1; 107:1; tingnan ang study note sa Mat 26:30.

patibayin: O “paalalahanan.” Ang salitang Griego na ginamit dito (nou·the·teʹo) ay kombinasyon ng mga salita para sa “isip” (nous) at “ilagay” (tiʹthe·mi) at puwedeng literal na isaling “ilagay ang kaisipan sa.” Sa kontekstong ito, kasama sa pagpapatibay ang pagpapaalala sa isa’t isa ng nakaaaliw na mga turo at payo mula sa Kasulatan. Ang kaugnay nitong pangngalan ay ginamit sa Efe 6:4 (tingnan ang study note) at isinaling “patnubay.”

salmo, papuri sa Diyos, at espirituwal na awit: Tingnan ang study note sa Efe 5:19.

umawit kay Jehova: Tingnan ang study note sa Efe 5:19; tingnan din ang introduksiyon sa Ap. C3; Col 3:16.

mula sa inyong puso: O “sa inyong puso.” Tingnan ang study note sa Efe 5:19.

pangalang: Sa Bibliya, malawak ang kahulugan ng terminong ‘pangalan.’ (Tingnan ang study note sa Mat 24:9.) Dito, ang “pangalang” tinanggap ni Jesus mula sa Diyos ay kumakatawan sa awtoridad at posisyong ibinigay sa kaniya ng kaniyang Ama. Ipinapakita ng konteksto sa kabanata 2 ng Filipos na tinanggap ni Jesus ang “pangalang nakahihigit sa lahat” matapos siyang buhaying muli.—Mat 28:18; Fil 2:8, 10, 11; Heb 1:3, 4.

sa ngalan ng Panginoong Jesus: Sa Bibliya, ang terminong “pangalan” ay tumutukoy kung minsan sa mismong indibidwal na nagtataglay nito, sa reputasyon niya, at sa lahat ng kinakatawan niya. Ang “ngalan ng Panginoong Jesus” ay tumutukoy sa awtoridad na tinanggap ni Kristo dahil ibinigay niya ang buhay niya para matubos ang mga tao mula sa kasalanan. Tumutukoy din ito sa posisyon niya bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. (Mat 28:18; Gaw 4:12; 1Co 7:22, 23; Heb 1:3, 4; tingnan ang study note sa Fil 2:9.) Anuman ang sinasabi at ginagawa ng isang Kristiyano, dapat niya itong gawin “sa ngalan ng Panginoong Jesus,” ibig sabihin, bilang kinatawan niya.

Magpasakop kayo: Ipinapahiwatig ng ekspresyong Griego na ginamit dito na hindi sapilitan ang pagpapasakop na ito. Bago talakayin ni Pablo ang tungkol sa pagpapasakop sa asawa (Efe 5:22-33), ipinakita niya na ang prinsipyo ng pagpapasakop ay sinusunod sa loob ng kongregasyong Kristiyano. (Ihambing ang Heb 13:17; 1Pe 5:5.) Kaya maliwanag na gusto rin ng Diyos ng kapayapaan na sundin ang prinsipyong ito sa loob ng pamilya.—1Co 11:3; 14:33; Efe 5:22-24.

hindi man lang niya inisip na maging kapantay ng Diyos: O “hindi niya inisip na puwede niyang maabót ang posisyon ng Diyos.” Dito, pinapasigla ni Pablo ang mga taga-Filipos na tularan ang napakagandang katangiang ito ni Jesus. Sa Fil 2:3, sinabi sa kanila ni Pablo: “Maging mapagpakumbaba at ituring ang iba na nakatataas sa inyo.” Sinabi pa niya sa talata 5: “Patuloy ninyong tularan ang pag-iisip ni Kristo Jesus.” Malinaw kay Jesus na nakatataas sa kaniya ang Diyos, at hindi niya ginusto na “maging kapantay ng Diyos.” Sa halip, “nagpakababa siya at naging masunurin hanggang kamatayan.” (Fil 2:8; Ju 5:30; 14:28; 1Co 15:24-28) Ibang-iba si Jesus sa Diyablo, na nanulsol kay Eva na pantayan ang Diyos. (Gen 3:5) Kitang-kita kay Jesus ang puntong idinidiin ni Pablo—napakahalaga ng kapakumbabaan at pagkamasunurin sa Maylalang, ang Diyos na Jehova.—Tingnan ang study note sa maging sa talatang ito.

magpasakop: Tinutukoy dito ni Pablo ang bukal-sa-pusong pagpapasakop ng mga Kristiyanong asawang babae sa asawa nilang lalaki dahil sa awtoridad na ibinigay ng Diyos sa mga ito. Sinusunod naman ng mga Kristiyanong asawang lalaki ang halimbawa ni Kristo pagdating sa pagkaulo; buong puso din silang nagpapasakop kay Kristo.—1Co 11:3; Efe 5:22, 23; tingnan ang study note sa Efe 5:21.

gaya ng inaasahan sa mga tagasunod ng Panginoon: Ang ekspresyong ginamit dito ni Pablo para sa “inaasahan” ay puwede ring isaling “angkop” o “nababagay.” Idinagdag ni Pablo ang ekspresyong tagasunod ng Panginoon para ipakita na kapag ginagampanan ng mga Kristiyanong asawang babae ang makakasulatang papel nila, napapasaya nila ang kanilang Panginoong si Jesu-Kristo, na magandang halimbawa sa pagpapasakop sa Ama niya.—Efe 5:22; tingnan ang study note sa Fil 2:6.

patuloy siyang naging masunurin: O “patuloy siyang nagpasakop.” Ang anyong patuluyan ng pandiwang Griego ay nagpapakitang matapos mamangha kay Jesus ang mga guro sa templo dahil sa kaalaman niya sa Salita ng Diyos, umuwi siya at mapagpakumbabang nagpasakop sa mga magulang niya. Namumukod-tangi ang pagkamasunurin ni Jesus kumpara sa lahat ng iba pang bata; ipinapakita nito na tinupad ni Jesus ang bawat detalye ng Kautusang Mosaiko.​—Exo 20:12; Gal 4:4.

maging masunurin: Ang ekspresyong Griego na ginamit dito ay galing sa isang pandiwa na pangunahin nang nangangahulugang “makinig.” Dito, tumutukoy ito sa pakikinig at pagsunod sa lahat ng sinasabi ng magulang. Siyempre, tumutukoy ito sa “lahat ng bagay” na kaayon ng kalooban ng Diyos; hindi sinasabi ni Pablo na kasama sa mga susunding utos ang salungat sa sinasabi ng Diyos. Siguradong nauunawaan ng mga mambabasa ni Pablo na hindi “nakapagpapasaya . . . sa Panginoon” ang pagsunod sa utos ng magulang kung labag naman ito sa utos ng Diyos.—Ihambing ang Luc 2:51 at study note; Gaw 5:28, 29; Efe 6:1, 2.

huwag ninyong inisin: Ang salitang Griego para sa “inisin” ay puwede ring isaling “galitin” o “yamutin.” Hindi tinutukoy dito ni Pablo ang epekto ng disiplinang ibinibigay ng mapagmahal na magulang. (Ihambing ang Kaw 13:24.) Sa halip, tinutukoy niya ang masamang epekto sa mga bata ng pagiging di-makatuwiran ng mga magulang o ng malupit na pakikitungo nila. Kapag ganiyan ang mga magulang, hindi nila natutularan ang maibiging pakikitungo ni Jehova sa mga lingkod niya (Aw 103:13; San 5:11) o sa mismong Anak niya (Mat 3:17; 17:5) na mababasa sa Bibliya.

masiraan ng loob: Gumamit si Pablo ng isang salita na dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at puwede rin itong isaling “panghinaan ng loob.” Tumutukoy ito sa matinding pagkasira ng loob na posibleng may malalim na epekto sa bata habang lumalaki siya. Gaya ng makikita sa konteksto, puwedeng resulta ito ng maling pakikitungo ng magulang sa mga anak. Ayon sa isang reperensiya, maaaring maitanim sa isip ng bata na imposible niyang mapasaya ang mga magulang niya dahil sa ‘nakakainis’ na pakikitungo na binanggit dito ni Pablo. Dahil diyan, posibleng masiraan ng loob ang bata at tuluyan na siyang mawalan ng pag-asa.—Tingnan ang study note sa huwag ninyong inisin sa talatang ito.

mga panginoon ninyo: O “mga taong panginoon ninyo.” Dito, pinapayuhan ni Pablo ang mga aliping Kristiyano na maging masunurin sa mga panginoon nila sa lupa. Pero kailangang tandaan ng mga aliping Kristiyano, pati na ng mga panginoon nila, na may mas mataas silang Panginoon na nasa langit.—Efe 6:9.

hindi lang kapag may nakatingin sa inyo, para matuwa sa inyo ang mga tao: Ang isang aliping Kristiyano ay dapat na maging masunurin at masipag, hindi lang kapag nakatingin ang panginoon niya. Sa halip, dapat siyang maglingkod nang ‘buong kaluluwa’ at may takot kay Jehova.—Efe 6:5-8; Col 3:22-25.

takot kay Jehova: Ang ekspresyong “takot kay Jehova” ay lumitaw nang maraming beses sa Hebreong Kasulatan. Kombinasyon ito ng salitang Hebreo para sa “takot” at ng Tetragrammaton. (Ang ilang halimbawa ay mababasa sa 2Cr 19:7, 9; Aw 19:9; 111:10; Kaw 2:5; 8:13; 9:10; 10:27; 19:23; Isa 11:2, 3.) Pero ang ekspresyong “takot sa Panginoon” ay hindi kailanman lumitaw sa Hebreong Kasulatan. Para sa paliwanag kung bakit ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang ekspresyong “takot kay Jehova” sa mismong teksto ng Gaw 9:31, kahit na ang ginamit sa karamihan ng manuskritong Griego ay “takot sa Panginoon,” tingnan ang Ap. C1 at introduksiyon sa C3; Gaw 9:31.

panginoon: O “taong panginoon.” Dito, ang salitang Griego na kyʹri·os (panginoon) ay tumutukoy sa mga tao na may awtoridad sa iba.—Tingnan ang study note sa Efe 6:5.

hindi lang kapag nakatingin sila, para matuwa sa inyo ang mga tao: Tingnan ang study note sa Efe 6:6.

may takot kay Jehova: Tumutukoy ito sa matinding paggalang sa Diyos at sa takot na mapalungkot siya. Nagkakaroon ng ganitong pagkatakot ang isang tao dahil sa pananampalataya at pag-ibig niya sa Diyos, at ito ang nag-uudyok sa kaniya na sambahin at sundin Siya. Madalas banggitin sa Hebreong Kasulatan ang pagkatakot sa Diyos. Ang ilang halimbawa ay mababasa sa Deu 6:13; 10:12, 20; 13:4; Aw 19:9; Kaw 1:7; 8:13; 22:4. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pandiwang Griego para sa “matakot” ay kadalasan nang tumutukoy sa pagkatakot sa Diyos nang may matinding paggalang.—Luc 1:50; Gaw 10:2, 35; Apo 14:7; tingnan ang study note sa Gaw 9:31; para sa paliwanag kung bakit ginamit ang pangalan ng Diyos sa Col 3:22, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Col 3:22.

buong kaluluwang: Ang ekspresyong Griego dito na isinaling ‘buong kaluluwa’ ay lumitaw nang dalawang beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito at sa Col 3:23. Sa ekspresyong ito, ang ‘kaluluwa’ ay tumutukoy sa buong pagkatao, kasama na ang pisikal at mental na kakayahan; kaya sa ilang Bibliya, isinalin itong “buong puso.” Kaya ang paglilingkod nang buong kaluluwa ay nangangahulugan na ang isang tao ay maglilingkod nang buong buhay niya at lubusan niyang gagamitin ang lahat ng kakayahan at lakas niya.—Deu 6:5; Mat 22:37; Mar 12:29, 30; tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

buong kaluluwa: Tingnan ang study note sa Efe 6:6.

na parang kay Jehova kayo naglilingkod at hindi sa mga tao: Dito, idiniriin ni Pablo na anuman ang ginagawa ng isang alipin, dapat niyang alalahanin ang kaugnayan niya sa Diyos na Jehova. Kasama diyan ang pagiging masunurin at paglilingkod “nang buong puso” sa taong “panginoon” niya. Kung gagawin niya iyan, hindi masisiraang-puri ang “pangalan ng Diyos.” (Col 3:22; 1Ti 6:1) May ganito ring payo si Pablo sa liham niya sa mga taga-Efeso, na isinulat niya na halos kasabay ng liham niya sa mga taga-Colosas.—Efe 6:6, 7; tingnan ang “Introduksiyon sa Colosas”; para sa paliwanag kung bakit ginamit ang pangalan ng Diyos, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Col 3:23.

isang alipin ni Kristo Jesus: Kadalasan na, ang terminong Griego na douʹlos, na isinasaling “isang alipin,” ay tumutukoy sa isang tao na pag-aari ng iba, karaniwan na, sa isang alipin na binili. (Mat 8:9; 10:24, 25; 13:27) Ginagamit din ang terminong ito sa makasagisag na paraan para tumukoy sa nakaalay na mga lingkod ng Diyos at ni Jesu-Kristo. (Gaw 2:18; 4:29; Gal 1:10; Apo 19:10) Binili ni Jesus ang lahat ng Kristiyano nang ibigay niya ang buhay niya bilang haing pantubos. Kaya hindi na pag-aari ng mga Kristiyano ang sarili nila, kundi itinuturing nila ang sarili nila na “alipin ni Kristo.” (Efe 6:6; 1Co 6:19, 20; 7:23; Gal 3:13) Sa mga liham sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na naglalaman ng payo sa mga kongregasyon, tinukoy ng mga manunulat ang sarili nila bilang “alipin ni Kristo” nang di-bababa sa isang beses. Ipinapakita lang nito na nagpapasakop sila kay Kristo, na kanilang Panginoon.​—Ro 1:1; Gal 1:10; San 1:1; 2Pe 1:1; Jud 1; Apo 1:1.

si Jehova ang magbibigay sa inyo ng mana bilang gantimpala: Sa buong Bibliya, inilalarawan ang Diyos na Jehova na nagbibigay ng gantimpala sa mga tapat na lingkod niya na gumagawa ng mabuti. Ang ilang halimbawa ay makikita sa Ru 2:12; Aw 24:1-5; Jer 31:16. Ganito rin ang pagkakalarawan ni Jesus sa Ama niya.—Mat 6:4; Luc 6:35; para sa paliwanag kung bakit ginamit ang pangalan ng Diyos sa talatang ito, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Col 3:24.

Magpaalipin kayo sa Panginoon, kay Kristo: Dito, ipinapaalala ni Pablo sa mga aliping Kristiyano na ang totoong Panginoon nila ay si Kristo. Sa katulad na payo ni Pablo sa Efe 6:5, 6, ipinaalala niya sa mga alipin na dapat silang ‘maging masunurin sa mga taong panginoon nila gaya ng alipin ni Kristo, na buong kaluluwang ginagawa ang kalooban ng Diyos.’ Sa halip na mapabigatan ang mga nagpasiyang magpaalipin kay Kristo, nagiginhawahan pa sila.—Mat 11:28-30; ihambing ang study note sa Ro 1:1.

hindi nagtatangi ang Diyos: Ang ekspresyong Griego para sa “nagtatangi” (pro·so·po·lem·psiʹa) ay puwedeng literal na isaling “tumatanggap ng mukha.” (Ang kaugnay nitong salita ay tinalakay sa study note sa Gaw 10:34.) Ang ekspresyong ito ay galing sa pariralang Hebreo na na·saʼʹ pa·nimʹ, na literal na nangangahulugang “itaas ang mukha” at isinaling “kakampihan” sa Lev 19:15. Sa mga taga-Silangan, karaniwang pagbati sa nakatataas ang pagyuko. Para ipakita ng nakatataas na tinatanggap niya ang pagbating ito, itataas niya ang mukha ng yumuko. Pero ginamit ng mga taong tiwali ang kaugaliang ito para magpakita ng pagtatangi, kaya nang maglaon, dito na tumukoy ang ekspresyong ito. Gustong ituro dito ni Pablo na walang paborito ang Diyos, na hindi niya itinataas ang mukha ng ilan pero binabale-wala ang iba. Pareho niyang tinatanggap ang mga Judio at mga Griego. Paulit-ulit ang paksang ito sa mga liham ni Pablo.​—Efe 6:9.

walang pagtatangi: Ipinapakita sa talatang ito na hindi makakatakas sa paghatol ang sinumang gumagawa ng mali—gaya ng mga panginoon na minamaltrato ang mga alipin nila. Katulad ito ng sinasabi sa Ro 2:11 at Efe 6:9, kung saan makikita na ang Diyos ay humahatol sa ganoong mga tao nang walang pagtatangi o paboritismo.—Para sa impormasyon tungkol sa ekspresyong Griego na isinaling “pagtatangi,” tingnan ang study note sa Ro 2:11.

Media

Umaawit ng Papuri kay Jehova ang mga Kristiyano sa Colosas
Umaawit ng Papuri kay Jehova ang mga Kristiyano sa Colosas

Sama-samang umaawit ng papuri ang mga bata at matanda sa kongregasyon sa Colosas. Malamang na sa simpleng bahay lang nagtitipon ang mga Kristiyanong ito para sumamba at hindi sa magagarbong gusali. Sa liham ni Pablo sa mga taga-Colosas, pinasigla niya silang “patuloy na turuan at patibayin ang isa’t isa na may kasamang mga salmo, papuri sa Diyos, at espirituwal na awit.” (Col 3:16) Kaya bukod sa mga awit na nasa Hebreong Kasulatan, posibleng may kinakanta rin silang mga bagong komposisyon na may temang pang-Kristiyano. (Mar 14:26) Alam na alam ni Pablo na talagang nakakapagpatibay at nakakaaliw ang ‘pag-awit ng papuri sa Diyos.’—Gaw 16:25.

Trabaho ng Isang Alipin
Trabaho ng Isang Alipin

Sa Imperyo ng Roma, karaniwan lang ang pagkakaroon ng alipin at pagiging alipin. May mga batas ang Roma para sa mga alipin at panginoon nila. Mga alipin ang gumagawa ng karamihan sa trabaho sa bahay ng mayayamang pamilya sa teritoryo ng Imperyo ng Roma. Ang mga alipin ay nagluluto, naglilinis, at nag-aalaga ng mga bata. Ang iba ay nagtatrabaho sa mga pagawaan, minahan, o bukid. Ang mga nakapag-aral na alipin ay naglilingkod bilang mga doktor, guro, o sekretarya. Ang totoo, puwedeng gawin ng mga alipin ang kahit anong trabaho, maliban sa pagsusundalo. Sa ilang pagkakataon, puwedeng mapalaya ang mga alipin. (Tingnan sa Glosari, “Malaya; Pinalaya.”) Hindi kinakalaban ng mga Kristiyano noong unang siglo ang batas ng gobyerno para sa mga alipin, at hindi rin nila pinapasigla ang mga alipin na mag-alsa. (1Co 7:21) Iginagalang ng mga Kristiyano noon ang legal na karapatan ng iba, kasama na ang mga kapuwa nila Kristiyano, na magkaroon ng alipin. Kaya pinabalik ni apostol Pablo ang aliping si Onesimo sa panginoon niya, si Filemon. Dahil isa nang Kristiyano si Onesimo, bukal sa puso siyang bumalik sa panginoon niya na Kristiyano rin at nagpasakop dito bilang alipin. (Flm 10-17) Pinayuhan ni Pablo ang mga alipin na maging tapat at masipag sa trabaho.—Tit 2:9, 10.