Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paano Ko Makakayanan ang Sobrang Kalungkutan?

Paano Ko Makakayanan ang Sobrang Kalungkutan?

 Kamamatay lang ba ng kaibigan mo o ng kapamilya mo? Kung oo, makakatulong sa iyo ang artikulong ito na makayanan ang kalungkutang nararamdaman mo.

Sa artikulong ito

 Sobra-sobra ba akong nalulungkot?

 Maraming tao sa ngayon ang sobrang nalulungkot kapag namatayan ng isang mahal sa buhay at hindi ito basta nawawala.

 “Walang araw na hindi ko naiisip si lolo. Dalawang taon na n’ong mamatay siya, pero naiiyak pa rin ako kapag pinag-uusapan siya.”—Olivia.

 “Lagi akong sinusuportahan ni lola sa mga goal ko, pero hindi na niya nakitang maabot ko ang alinman sa mga iyon. Tuwing may naaabot akong goal, nalulungkot ako kasi wala na siya para makita iyon.”—Alison.

 Kapag namatayan ka, puwede kang makadama ng iba’t ibang emosyon. Tingnan ang ilang halimbawa:

 “N’ong mamatay si tito, hindi ako makapaniwala, at matagal bago ko natanggap iyon. Ito ang unang beses na namatayan ako ng mahal sa buhay, para akong nasagasaan ng tren.”—Nadine.

 “Nagalit ako kay lolo noong namatay siya, kasi hindi niya inalagaan ang sarili niya, kahit sinabihan na namin siya.”—Carlos.

 “Kami lang ni ate ang wala sa pamilya n’ong mamatay si lolo. Na-guilty ako kasi pakiramdam ko hindi man lang ako nakapagpaalam sa kaniya nang maayos.”—Adriana.

 “Namatay sa isang aksidente sa sasakyan ang isang mag-asawa na parang kapamilya na namin. Kaya natatakot ako kapag may kapamilya akong umaalis ng bahay, pakiramdam ko baka mamatay rin sila.”—Jared.

 “N’ong mamatay si lola tatlong taon na ang nakakaraan, sising-sisi ako kasi hindi ko man lang siya nakasama nang matagal n’ong nabubuhay pa siya.”—Julianna.

 Normal lang sa isang namatayan na magulat, magalit, magsisi, matakot, at manghinayang. Kung nararamdaman mo ang alinman sa mga ito, huwag mag-alala, unti-unti ring mababawasan ang sakit na nararamdaman mo. Pero sa ngayon, paano mo kaya makakayanan ang sobrang kalungkutan?

 Ang mga puwede mong gawin

 Lumapit sa isang kaibigan. Sinasabi ng Bibliya na ang tunay na kaibigan ay “maaasahan kapag may problema.” (Kaw. 17:17) Makakatulong sa iyo ang pakikipag-usap sa isang kaibigan para makuha ang suportang kailangan mo.

 “Normal lang malungkot kapag namatayan. Minsan makakaya mo itong mag-isa, pero baka maisip mong hindi na magbabago ang kalagayan mo. Kaya makakabuting makipag-usap sa iba.”—Yvette.

 Alalahanin ang mahal mo sa buhay. Sinasabi ng Bibliya na ‘ang mabuting tao ay may mabubuting bagay na nasa kaniyang puso.’ (Luc. 6:45) Puwede mong isulat ang magagandang alaala ninyo o gumawa ng isang scrapbook.

 “Isinulat ko lahat ng itinuro ng kaibigan ko sa akin bago siya mamatay, kaya nakikinabang pa rin ako sa mabuting halimbawa niya. Tumulong sa akin ang pagsusulat para makayanan ang kalungkutan.”—Jeffrey.

 Huwag pabayaan ang kalusugan mo. Sinasabi ng Bibliya na may pakinabang ang pag-e-exercise. (1 Timoteo 4:8) Kaya siguraduhing nakakakain ka nang tama, nakakapag-exercise, at nakakapagpahinga nang sapat.

 “Kapag namatayan ka, baka sa sobrang lungkot mo hindi ka makapag-isip nang tama. Kaya hindi mo dapat pabayaan ang kalusugan mo. Huwag kalimutang kumain at magkaroon ng sapat na pahinga.”—Maria.

 Tumulong sa iba. Sinasabi ng Bibliya: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.

 “Tingnan kung ano ang puwede mong itulong sa iba, lalo na doon sa mga namatayan din. Tutulong ito sa iyo na maalala na hindi lang ikaw ang may pinagdaraanan.”—Carlos.

 Ibuhos ang nararamdaman mo sa panalangin. Tinatawag ng Bibliya ang Diyos na Jehova bilang ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Sinasabi rin nito na “pinagagaling niya ang mga may pusong nasasaktan; tinatalian niya ang mga sugat nila.”—Awit 147:3.

 “Hilingin kay Jehova ang tulong at pampatibay na kailangan mo. Minsan may mga araw na mas mahirap, pero laging nandiyan si Jehova para sa atin.”—Jeanette.

 Maging makatuwiran. Tandaan na iba-iba ang pagdadalamhati ng bawat isa. Sinasabi ng Bibliya na noong akala ni Jacob na namatay ang anak niyang lalaki, ‘tumanggi siya sa pang-aaliw ng iba.’ (Genesis 37:35) Kaya huwag magtaka kapag hindi agad nawala ang kalungkutan mo.

 “Napansin kong may mga lugar na nagpapaalala sa akin sa lola ko, kahit 15 taon na mula n’ong mamatay siya.”—Taylor.

 Isiping nabalian ka ng buto. Siguradong masakit iyon, at kailangan ng panahon para gumaling iyon. Baka sabihin sa iyo ng doktor kung ano ang mga makakatulong para gumaling ka agad.

 Parang ganiyan din kapag namatayan ka ng isang mahal sa buhay. Kailangan nito ng panahon para mawala ang sakit. Kaya maging matiisin. Pag-isipan kung anong mungkahi sa artikulong ito ang pinakamakakatulong sa iyo.