Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Dapat Ba Kaming Maghiwalay? (Bahagi 1)

Dapat Ba Kaming Maghiwalay? (Bahagi 1)

Kung minsan, mas mabuti pa ang maghiwalay. Pansinin ang karanasan ni Jill. “Noong una,” ang sabi niya, “natutuwa ako dahil laging nag-aalalá ang kasintahan ko kung nasaan ako, kung ano ang ginagawa ko, at kung sino ang kasama ko. Pero umabot ito sa punto na wala na akong nakakasamang iba kundi siya. Nagseselos pa nga siya kapag kasama ko ang pamilya ko—lalo na kapag kasama ko ang tatay ko. Nang tapusin ko ang relasyon namin, para bang nabunutan ako ng tinik!”

Ganiyan din ang nangyari kay Sarah. Naobserbahan niya na ang kasintahan niyang si John ay sarkastiko, mapaghanap, at walang modo. “Minsan,” ang naalaala ni Sarah, “atrasado siya nang tatlong oras sa pagsundo sa akin sa bahay namin! Hindi man lamang niya binati ang nanay ko nang pagbuksan siya ng pinto, at pagkatapos ay sinabi niya: ‘Tara na. Late na tayo.’ Hindi niya sinabing, ‘Late ako,’ kundi ‘Late na tayo.’ Humingi man lang sana siya ng paumanhin o nagpaliwanag. Higit sa lahat, iginalang man lang sana niya ang nanay ko!”

Sabihin pa, hindi naman basta masisira ang isang relasyon dahil minsang gumawi nang hindi maganda ang kasintahan mo. (Awit 130:3) Pero nang matanto ni Sarah na magaspang talaga ang ugali ni John, nagpasiya si Sarah na tapusin na ang kanilang relasyon.

Paano kung mapagtanto mo, gaya nina Jill at Sarah, na ang kasintahan mo ay hindi pala magiging mabuting asawa? Kung gayon, huwag ipagwalang-bahala ang iyong damdamin! Bagaman masakit, baka mas makabubuting putulin na ang inyong relasyon. Sinasabi ng Kawikaan 22:3: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli.”

Totoo, hindi madaling makipaghiwalay. Ngunit panghabambuhay ang pag-aasawa. Mas mabuti nang pansamantalang masaktan ngayon kaysa sa magsisi habambuhay!