Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paano Kaya Ako Magkakaroon ng Privacy?

Paano Kaya Ako Magkakaroon ng Privacy?

 Bakit nakikialam ang mga magulang?

Sinasabi ng mga magulang mo na nagmamalasakit lang sila. Pero para sa iyo, hindi ka nila binibigyan ng privacy. Halimbawa:

  • “Kinukuha ni Dad ang phone ko, hinihingi ang password ko, at tinitingnan ang lahat ng message ko,” ang sabi ng tin-edyer na si Erin. “Kapag nagreklamo ako, iniisip niyang may itinatago ako.”

  • Naaalala ni Denise, mahigit 20 anyos na ngayon, na tinitingnang mabuti ng mommy niya ang phone bill. “Tinitingnan niya ang mga phone number. Pagkatapos, tatanungin niya ako kung sino ang mga iyon at kung ano ang pinag-usapan namin.”

  • Sinabi ng tin-edyer na si Kayla na binasa ng mommy niya ang isa sa mga diary niya. “Isinusulat ko do’n ang mga nararamdaman ko—at kung minsan kahit tungkol sa kaniya! Pagkatapos no’n, hindi na ako nagsulat sa diary na ’yon.”

Tandaan: Pananagutan ng mga magulang mo na mapabuti ka, at hindi ikaw ang magpapasiya kung paano nila gagampanan ang responsibilidad nila sa iyo. Kung minsan ba, parang sumosobra na sila? Baka nga. Pero may magagawa ka para mabawasan ang pakiramdam mo na nawawalan ka ng privacy.

 Ang puwede mong gawin

Maging open. Pinapayuhan tayo ng Bibliya na “gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18) Sikapin mong maging tapat sa mga magulang mo. Kapag tapat ka at nagsasabi sa kanila, mas malamang na bibigyan ka nila ng higit na privacy.

Pag-isipan: Napatunayan mo na ba sa kanila na mapagkakatiwalaan ka? Lumalampas ka ba sa curfew? malihim tungkol sa mga kaibigan? at hindi nagsasabi kung saan ang lakad mo?

“Nakikipag-usap akong mabuti sa mga magulang ko para magkasundo kami sa isang bagay. Open ako sa kanila tungkol sa mga nangyayari sa akin. Sinasabi ko sa kanila kung ano ang gusto nilang malaman, at dahil doon, nagtitiwala sila sa akin at binibigyan nila ako ng privacy.”Delia.

Matutong maghintay. Sinasabi ng Bibliya: “Patuloy na patunayan kung ano nga kayo.” (2 Corinto 13:5) Kailangan ng panahon para mapatunayan mong mapagkakatiwalaan ka, pero sulit ang pagsisikap.

Pag-isipan: Naging tin-edyer din ang mga magulang mo. Ano kaya sa tingin mo ang kaugnayan nito sa pag-aalala nila para sa iyo?

“Sa tingin ko, naaalala ng mga magulang ang mga pagkakamaling nagawa nila noon at ayaw nilang maranasan iyon ng mga anak nilang tin-edyer.”—Daniel.

Intindihin sila. Subukan mong ilagay ang sarili mo sa posisyon nila. Sinasabi ng Bibliya na ang marunong na asawang babae ay ‘nagbabantay sa lakad ng kaniyang sambahayan’ at pinalalaki ng isang mabuting ama ang mga anak niya ayon “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Kawikaan 31:27; Efeso 6:4) Para magawa ito, talagang kailangan ng mga magulang mo na alamin ang nangyayari sa iyo.

Pag-isipan: Kung isa kang magulang—at alam mo ang nangyayari sa mga tin-edyer—hahayaan mo ba ang anak mo na magkaroon ng lubos na privacy, at hindi mo aalamin ang nangyayari sa kaniya?

“Kapag tin-edyer ka, pakiramdam mo hindi ka binibigyan ng mga magulang mo ng privacy. Pero ngayong adulto na ako, naiintindihan ko na kung bakit kailangang gawin iyon ng mga magulang. Mahal kasi nila tayo.”—James.