Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paano Ko Haharapin ang Trahedya?

Paano Ko Haharapin ang Trahedya?

Lahat ay puwedeng makaranas ng trahedya. “Ang takbuhan ay hindi sa matutulin, ni ang pagbabaka ay sa mga makapangyarihan,” ang sabi ng Bibliya. “Ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa kanilang lahat.” (Eclesiastes 9:11) Kasama na diyan ang ilang kabataan na nakaranas ng trahedya. Paano nila ito hinarap? Pansinin ang dalawang halimbawa.

 REBEKAH

Noong 14 ako, nagdiborsiyo ang mga magulang ko.

Sinabi ko sa sarili ko na hindi naman talaga nagdiborsiyo ang mga magulang ko, na kailangan lang ni Daddy ng kaunting panahon para sa sarili niya. Mahal niya si Mommy—bakit niya ito iiwanan? Bakit niya ako iiwanan?

Napakahirap para sa akin na ikuwento sa iba ang nangyari. Ayokong isipin ito. Galít ako, pero hindi ko iyon namamalayan. Nagsimula akong mabalisa, at nahirapan akong makatulog.

Noong 19 ako, namatay si Mommy dahil sa cancer. Siya ang best friend ko.

Nang magdiborsiyo ang mga magulang ko, masakit iyon. Pero nang mamatay si Mommy, sobrang sakit talaga. Hindi ko pa rin makalimutan iyon. Lalo akong hindi nakatulog, at balisang-balisa pa rin ako.

Pero may mga nakatulong sa akin. Halimbawa, sinasabi ng Kawikaan 18:1 na huwag nating ibukod ang ating sarili, kaya sinusunod ko ang payong iyon.

Bilang isang Saksi ni Jehova, binabasa ko rin ang nakapagpapatibay na mga babasahin namin na batay sa Bibliya. Nang magdiborsiyo ang mga magulang ko, ang isang nakatulong sa akin ay ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas. Natatandaan ko pa na binasa ko ang isang kabanata sa Tomo 2 na may pamagat na “Puwede Bang Maging Masaya Kahit Iisa Lang ang Magulang?”

Ang isa sa paborito kong teksto para maharap ang kabalisahan ay ang Mateo 6:25-34. Sa talata 27, nagtanong si Jesus: “Sino sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko a sa haba ng kaniyang buhay?”

Hindi natin maiiwasan ang masasamang pangyayari, pero natutuhan ko kay Mommy na mahalaga kung paano natin hinaharap ang mga problemang iyon. Marami siyang pinagdaanan—diborsiyo at malubhang sakit—pero positibo pa rin siya, at matibay ang pananampalataya niya sa Diyos hanggang mamatay siya. Hinding-hindi ko makakalimutan ang mga bagay na itinuro niya sa akin tungkol kay Jehova.

Pag-isipan: Paano makatutulong sa iyo ang pagbabasa ng Bibliya at mga babasahin na batay sa Bibliya para maharap ang trahedya?—Awit 94:19.

 CORDELL

Noong 17 ako, nakita kong nalagutan ng hininga si Daddy. Iyon ang pinakamasaklap na nangyari sa buhay ko. Ang sakit-sakit!

Para sa akin, hindi talaga siya patay, at hindi si Daddy ang nasa ilalim ng kumot nang takpan nila ang katawan. Sabi ko sa sarili ko, ‘Gigising din siya bukas.’ Nanlumo ako, at hindi ko alam ang gagawin ko.

Mga Saksi ni Jehova kami, at napakalaki ng naitulong ng mga kakongregasyon namin nang mamatay si Daddy. Binigyan nila kami ng pagkain, nag-alok na samahan kami, at hindi nila kami iniwan hanggang makarekober kami. Para sa akin, ang kanilang tulong ay patotoo na tunay na mga Kristiyano ang mga Saksi ni Jehova.—Juan 13:35.

Isang teksto na talagang nakatulong sa akin ay ang 2 Corinto 4:17, 18. Ang sabi doon: “Bagaman ang kapighatian ay panandalian at magaan, ito ay gumagawa sa amin ng isang kaluwalhatian na may lalo pang nakahihigit na bigat at ito ay walang hanggan; habang itinutuon namin ang aming mga mata, hindi sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na di-nakikita. Sapagkat ang mga bagay na nakikita ay pansamantala, ngunit ang mga bagay na di-nakikita ay walang hanggan.”

Malaki ang epekto sa akin ng talata 18. Pansamantala lang ang pagdurusa ni Daddy, pero walang hanggan naman ang pangako ng Diyos sa hinaharap. Dahil sa pagkamatay ni Daddy, napag-isip-isip ko kung paano ko ginagamit ang buhay ko, kaya binago ko ang mga tunguhin ko.

Pag-isipan: Kapag dumaranas ka ng trahedya, paano ito makatutulong sa iyo na muling suriin ang mga tunguhin mo sa buhay?—1 Juan 2:17.

a Ang isang siko ay isang panukat na katumbas ng mga 45 sentimetro, o mga 1.5 piye.