Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Magiging Mabuti Kaya Siyang Asawa?

Magiging Mabuti Kaya Siyang Asawa?

Nakakita ka na ba ng puwedeng maging isang mabuting asawa? Kung oo, paano mo masisigurong siya na nga ang para sa iyo?

Mahalagang huwag ka lang tumingin sa panlabas na mga katangian. Posible kasing ang pinakamagandang dalagang nakita mo ay hindi mapagkakatiwalaan o ang pinakapopular na binata sa inyo ay maraming ginagawang kalokohan. Siyempre, ang gusto mong makasama ay yaong makakasundo mo—isa na tamang-tama sa iyong personalidad at kapareho mo ng tunguhin.—Genesis 2:18; Mateo 19:4-6.

Huwag Tumingin sa Panlabas Lamang

Kilalaning mabuti ang iyong nagugustuhan. Pero mag-ingat! Baka ang nakikita mo lang ay ang gusto mong makita. Kaya huwag magmadali. Sikaping kilalanin ang tunay na pagkatao ng iyong nagugustuhan.

Marami sa mga nagde-date ang tumitingin lang sa panlabas na katangian. Ang nakikita nila agad ay ang kanilang pagkakatulad: “Pareho ang musikang gusto namin.” “Pareho kami ng paboritong gawin.” “Nagkakasundo kami sa lahat ng bagay!” Pero hindi lang ang panlabas na mga katangian ang dapat mong tingnan. Kailangan mong kilalanin ang “lihim na pagkatao ng puso.” (1 Pedro 3:4; Efeso 3:16) Sa halip na magpokus sa mga bagay na pinagkakasunduan ninyo, mas makikilala mo siya sa mga bagay na hindi kayo nagkakasundo.

Halimbawa, isaalang-alang ang sumusunod:

  • Ano ang reaksiyon niya kapag may pinagtatalunan kayo—ipinipilit ba niya ang gusto niya, marahil ay nagpapadala sa “silakbo ng galit” o nagbibitiw ng “mapang-abusong pananalita”? (Galacia 5:19, 20; Colosas 3:8) O makatuwiran siya—handang magparaya alang-alang sa kapayapaan kung wala namang nalalabag na mga simulain ng Bibliya?—Santiago 3:17.

  • Ang tao bang ito ay dominante, seloso, o mahilig mangmaniobra ng ibang tao? Gusto ba niyang malaman ang lahat ng kilos mo? “May alam akong mga magkasintahan na nag-aaway dahil naiinis y’ong isa kapag hindi ipinaaalam ng kasintahan niya kung saan ito nagpupunta,” ang sabi ni Nicole. “Sa palagay ko, malaking problema iyon.”—1 Corinto 13:4.

  • Ano ang tingin sa kaniya ng iba? Baka magandang kausapin mo ang mga medyo matagal nang nakakakilala sa taong ito, gaya ng mga maygulang na sa kongregasyon. Sa ganoong paraan, malalaman mo kung siya ay “may mabuting ulat.”—Gawa 16:1, 2.