Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Bakit Kailangan Kong Manalangin?

Bakit Kailangan Kong Manalangin?

Ayon sa isang surbey, 80 porsiyento ng mga tin-edyer sa Amerika ang nananalangin, pero kalahati lang sa mga ito ang nananalangin araw-araw. Kaya malamang na naitatanong ng ilan sa kanila: ‘Ang panalangin ba ay pampagaan lang ng loob, o may iba pa itong layunin?’

 Ano ang panalangin?

Ang panalangin ay komunikasyon sa Maylikha ng lahat ng bagay. Isipin ang ibig sabihin nito! Si Jehova ay nakakahigit sa mga tao, pero “hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:27) Sa katunayan, may magandang paanyaya ang Bibliya: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”—Santiago 4:8.

Paano ka mapapalapít sa Diyos?

  • Ang isang paraan ay pananalangin—sa pamamagitan nito, nakakausap mo ang Diyos.

  • Ang isa pang paraan ay pag-aaral ng Bibliya—sa pamamagitan nito, “kinakausap” ka ng Diyos.

Ang ganitong komunikasyon—pananalangin at pag-aaral ng Bibliya—ay tutulong sa iyo para maging matalik na kaibigan mo ang Diyos.

“Ang pakikipag-usap kay Jehova—ang Kataas-taasan—ay isa sa mga pinakadakilang pribilehiyo para sa mga tao.”—Jeremy.

“Mas napapalapít ako kay Jehova kapag ipinapanalangin ko sa kaniya ang mga niloloob ko.”—Miranda.

 Nakikinig ba ang Diyos?

Kahit naniniwala ka sa Diyos—at kahit nananalangin ka sa kaniya—baka mahirapan ka pa ring tanggapin ang ideya na talagang pinakikinggan ka niya. Pero tinatawag ng Bibliya si Jehova na “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Inaanyayahan ka rin nito na ‘ihagis sa kaniya ang lahat ng iyong kabalisahan.’ Bakit? Dahil ‘siya ay nagmamalasakit sa iyo.’1 Pedro 5:7.

Pag-isipan ito: Naglalaan ka ba ng panahon para makausap nang regular ang malalapít mong kaibigan? Puwede mo ring regular na kausapin ang Diyos sa panalangin, at gamitin ang kaniyang pangalan, Jehova. (Awit 86:5-7; 88:9) Oo, inaanyayahan ka ng Bibliya na ‘manalangin nang walang lubay.’—1 Tesalonica 5:17.

“Sa panalangin, nakakausap ko ang Ama ko sa langit. Dito ko naibubuhos ang laman ng puso ko.”—Moises.

“Nakakausap ko nang malalim si Jehova, gaya ng pakikipag-usap ko sa nanay ko o sa isang matalik na kaibigan.”—Karen.

 Ano ang puwede kong ipanalangin?

Sinasabi ng Bibliya: “Sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.”—Filipos 4:6.

Ibig bang sabihin nito, OK lang na ipanalangin ang mga problema mo? Oo! Sinasabi pa nga ng Bibliya: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo.”—Awit 55:22.

Siyempre pa, hindi lang puro tungkol sa mga problema ang dapat mong ipanalangin sa Diyos. “Kung puro paghingi na lang ng tulong ang ipinapanalangin ko kay Jehova, hindi masasabing tunay ang pakikipagkaibigan ko sa kaniya,” ang sabi ng kabataang si Chantelle. “Dapat na magpasalamat muna sa kaniya—at maraming bagay akong dapat ipagpasalamat.”

Pag-isipan ito: Anong mga bagay sa buhay mo ang ipinagpapasalamat mo? Mag-isip ng tatlong bagay na maipagpapasalamat mo kay Jehova ngayon.

“Kahit simpleng bagay lang, gaya ng nakita mong magandang bulaklak, puwede kang manalangin para pasalamatan si Jehova.”—Anita.

“Bulay-bulayin ang isang kamangha-manghang likha ng Diyos o ang isang teksto sa Bibliya na nakaantig sa iyo, pagkatapos, pasalamatan mo si Jehova dahil dito.”—Brian.