Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paano Ko Kakausapin ang mga Magulang Ko Tungkol sa Kanilang mga Patakaran?

Paano Ko Kakausapin ang mga Magulang Ko Tungkol sa Kanilang mga Patakaran?

“Okey sa akin ang mga patakaran ng mga magulang ko noong 15 anyos ako, pero ngayong 19 na ako, dapat siguro maging mas malaya na ako.”—Sylvia.

Ganiyan din ba ang nadarama mo? Kung oo, tutulungan ka ng artikulong ito na ipakipag-usap ang bagay na ito sa mga magulang mo.

 Ang dapat mong malaman

Bago mo kausapin ang mga magulang mo tungkol sa kanilang mga patakaran, pag-isipan ito:

  • Magiging magulo ang buhay kung walang mga patakaran. Isipin ang isang highway na maraming nagdaraang sasakyan. Paano kung walang mga sign, stoplight, at speed limit? Gaya ng mga batas-trapiko, ang mga patakaran sa bahay ay nakakatulong para mapanatili ang kaayusan.

  • Ang mga patakaran ay tanda na mahal ka ng mga magulang mo. Kung wala silang patakaran, baka wala silang pakialam sa iyo. Kung gayon, masasabi bang mabuting magulang sila?

ALAM MO BA? May sinusunod ding mga patakaran ang mga magulang mo! Kung hindi ka naniniwala, basahin ang Genesis 2:24; Deuteronomio 6:6, 7; Efeso 6:4; at 1 Timoteo 5:8.

Pero paano kung sa tingin mo ay hindi pa rin makatuwiran ang mga patakaran nila?

 Ang puwede mong gawin

Mag-isip bago makipag-usap. Pagdating sa pagsunod sa mga patakaran ng mga magulang mo, ano na ang naipakita mo? Kung hindi ito gaanong maganda, hindi ngayon ang panahon para humingi ng higit na kalayaan. Tingnan ang artikulong “Paano Ko Makukuha ang Tiwala ng mga Magulang Ko?

Kung maganda naman ang naipakita mo, ihanda ang mga gusto mong sabihin sa mga magulang mo. Kung pag-iisipan mo muna ang mga sasabihin mo, makikita mo kung makatuwiran ang hinihiling mo. Pagkatapos, hilingin sa iyong mga magulang na pumili ng oras at lugar na puwede kayong mag-usap nang kalmado at komportable. Kapag kaharap mo na sila, tandaan ang mga sumusunod:

Maging magalang. Sinasabi ng Bibliya: “Ang salitang nakasasakit ay pumupukaw ng galit.” (Kawikaan 15:1) Tandaan: Kung makikipagtalo ka sa iyong mga magulang o sasabihin mong unfair sila, hindi maganda ang kalalabasan ng pag-uusap ninyo.

“Kapag iginagalang ko ang mga magulang ko, nirerespeto rin nila ako. Mas madali kaming magkasundo kapag may respeto kami sa isa’t isa.”—Bianca, 19.

Makinig. Sinasabi ng Bibliya na “dapat [tayong] maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.” (Santiago 1:19) Tandaan, nakikipag-usap ka sa mga magulang mo, hindi nagle-lecture.

“Habang lumalaki tayo, akala natin mas marami na tayong alam kaysa sa mga magulang natin, pero hindi ito totoo. Makabubuting makinig tayo sa payo nila.”—Devan, 20.

Unawain sila. Sikaping tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw ng mga magulang mo. Sundin ang payo ng Bibliya na ituon “ang mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng inyong sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba”—sa kasong ito, ang kapakanan ng mga magulang mo.—Filipos 2:4.

Sa palagay mo, aling paraan ang mas magtatagumpay?

“Dati, kalaban ang tingin ko sa mga magulang ko at hindi kakampi. Pero ngayon, nakita ko na sinisikap lang nilang maging mabuting magulang kung paanong sinisikap kong maging responsableng adulto. Lahat ng ginagawa nila ay dahil mahal ka nila.”—Joshua, 21.

Mag-alok ng solusyon. Ipagpalagay na sinabi ng mga magulang mo na ayaw nilang magmaneho ka nang isang oras papunta sa isang party na gusto mong daluhan. Alamin kung ano talaga ang ikinababahala nila—ang pagmamaneho ba o ang party?

  • Kung pagmamaneho ang ikinababahala nila, papayag kaya sila kung may kasama ka na mahusay magmaneho?

  • Kung ang party naman ang ikinababahala nila, makakatulong ba kung sasabihin mo kung sino ang mga pupunta at kung sino ang mangangasiwa roon?

Maging magalang sa iyong pakikipag-usap at matiyagang makinig sa mga magulang mo. “Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina” sa salita at sa iyong paggawi. (Efeso 6:2, 3) Magbabago kaya ang isip nila? Siguro. Puwede ring hindi. Anuman ang mangyari . . .

Magalang na tanggapin ang desisyon ng mga magulang mo. Napakahalaga nito pero madalas bale-walain. Kapag hindi mo nakuha ang gusto mo at nakipagtalo ka sa mga magulang mo, mas magiging mahirap para sa iyo na makipag-usap sa kanila sa susunod. Pero kung susunod ka nang maluwag sa kalooban mo, baka mas pagbigyan ka nila sa hinaharap.