Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paano Makakatulong sa Akin ang Bibliya?​—Bahagi 3: Kung Paano Makikinabang Nang Husto sa Pagbabasa ng Bibliya

Paano Makakatulong sa Akin ang Bibliya?​—Bahagi 3: Kung Paano Makikinabang Nang Husto sa Pagbabasa ng Bibliya

 Kapag binuksan mo ang Bibliya, puro letra at salita ang makikita mo. Pero huwag kang mawalan agad ng gana! Isiping parang buffet ang laman ng Bibliya. Hindi mo makakain ang lahat ng nakikita mo. Pero puwede mong piliin ang mga pinakagusto mo.

 Para makinabang nang husto sa pagbabasa mo ng Bibliya, kailangan mong magpokus sa mga binabasa mo. Matutulungan ka ng artikulong ito na magawa iyan.

Sa artikulong ito

 Bakit kailangan mong magpokus sa mga binabasa mo sa Bibliya?

 Kapag mas nagsisikap ka na magbasa ng Bibliya, mas makikinabang ka. Pag-isipan ito: Kung saglit mo lang ilalagay ang tsaa sa mainit na tubig, magkakalasa naman ito nang kaunti. Pero mas magiging masarap ang tsaa kung ibababad mo ito.

 Ganiyan din sa pagbabasa ng Bibliya. Imbes na magmadali sa pagbabasa ng Bibliya, magbigay ng panahon para pag-isipan ang binabasa mo. Iyan ang ginawa ng manunulat na Awit 119. Sinabi niya tungkol sa mga utos ng Diyos: “Binubulay-bulay ko ito buong araw.”​—Awit 119:97.

 Pero hindi naman ibig sabihin nito na kailangan mong basahin nang buong araw ang Bibliya at pag-isipan ang binabasa mo. Ito ang punto: Nagbigay ng panahon ang salmista para pag-isipan ang Salita ng Diyos. Nakatulong sa kaniya ito para makagawa ng mga tamang desisyon.​—Awit 119:98-100.

 “Sinabi sa akin ng nanay ko, ‘May pitong araw ka sa isang linggo, at sa panahong iyon, napakarami mong ginagawa para sa sarili mo. Bakit hindi mo ibigay kay Jehova ang ilang oras mo? At tama lang naman iyon!’”—Melanie.

 Mas makakagawa ka ng mga tamang desisyon kapag lagi mong pinag-iisipan ang mga prinsipyo sa Bibliya—halimbawa, kapag pipili ka ng mga kaibigan mo o kaya kapag natutukso kang gumawa ng mali.

 Paano ka makikinabang nang husto sa pagbabasa mo ng Bibliya?

  •   Magplano. “Gumawa ng schedule sa pagbabasa ng Bibliya,” ang sabi ng teenager na si Julia. “Alamin mo kung ano y’ong babasahin mo, kailan mo ito babasahin, at kung saan ka magbabasa.”

  •   Gumawa ng paraan para makapagpokus. “Maghanap ng tahimik na lugar,” sabi ni Gianna. “Tapos, sabihin sa pamilya mo ang schedule mo ng pagbabasa para hindi ka nila maistorbo.”

     I-off ang lahat ng notification kapag gumagamit ka ng gadyet. Pero puwede ka rin namang gumamit ng nakaimprentang Bibliya. Sabi sa research, kapag nagbabasa ka ng nakaimprentang publikasyon, mas maiintindihan mo ang binabasa mo. Pero kung magbabasa ka sa gadyet, baka mas mahirapan kang makapagpokus sa binabasa mo.

     “Hindi ako makapagpokus kapag nagbabasa ako sa gadyet. Marami akong nakikitang notification. Minsan, nalo-low bat pa y’ong gadyet. At humihina rin ang Internet. Pero kapag nagbabasa ako ng mga nakaimprentang publikasyon, ang iniisip ko lang ay makahanap ng sapat na liwanag.”​—Elena.

  •   Manalangin muna. Humingi ng tulong kay Jehova para maintindihan, maalala, at matuto sa mga plano mong basahin sa Bibliya.​—Santiago 1:5.

     Para magawa ang mga ipinanalangin mo, pag-aralang mabuti ang mga binabasa mo. Paano mo iyan gagawin? Kapag gumagamit ka ng JW Library o nagbabasa ng Bibliya online, puwede mong pindutin ang isang teksto para sa karagdagang impormasyon at mga artikulo tungkol doon.

  •   Magtanong. Halimbawa: ‘Ano ang natutuhan ko dito tungkol kay Jehova? May katangian ba siya rito na puwede kong tularan?’ (Efeso 5:1) ‘Ano kayang mga aral dito ang puwede kong magamit sa buhay?’ (Awit 119:105) ‘Magagamit ko ba ang mga nabasa ko para tulungan ang iba?’—Roma 1:11.

     Tanungin din ang sarili, ‘Ano ang koneksiyon ng binabasa ko sa pangunahing mensahe ng Bibliya?’ Bakit napakahalaga ng tanong na iyan? Kasi lahat ng nasa Bibliya—mula Genesis hanggang Apocalipsis—ay konektado sa isang pangunahing mensahe: Kung paano pababanalin ni Jehova ang kaniyang pangalan sa pamamagitan ng kaniyang makalangit na Kaharian at patutunayang siya lang ang may karapatang mamahala at na ang pamamahala niya ang pinakamahusay.