Pumunta sa nilalaman

Bakit Ayaw ng mga Magulang Ko na Mag-enjoy Ako?

Bakit Ayaw ng mga Magulang Ko na Mag-enjoy Ako?

Ipagpalagay:

Gusto mong pumunta sa isang party pero hindi mo alam kung papayag ang mga magulang mo. Ano ang gagawin mo?

  1.  HUWAG MAGPAALAM—SAMA KA NA LANG

  2.  HUWAG MAGPAALAM—HUWAG SUMAMA

  3.  MAGPAALAM—MAGBAKA-SAKALI

 1. HUWAG MAGPAALAM—SAMA KA NA LANG

Kung bakit maiisip mo ang opsiyong ito: Gusto mong magpasikat sa mga kaibigan mo at ipakitang kaya mo nang magdesisyon. Iniisip mong mas marunong ka sa iyong mga magulang, o hindi ka gaanong bilib sa desisyon nila.—Kawikaan 14:18.

Ang posibleng resulta: Baka nga humanga sa iyo ang mga kaibigan mo, pero makikita naman nila na kaya mo palang lokohin ang mga magulang mo. At kung kaya mo itong gawin sa iyong mga magulang, iisipin nila na kaya mo rin itong gawin sa kanila. Isa pa, kapag nabisto ka ng mga magulang mo, masasaktan sila at malamang na maparusahan ka pa!—Kawikaan 12:15.

 2. HUWAG MAGPAALAM—HUWAG SUMAMA

Kung bakit maiisip mo ang opsiyong ito: Sa tingin mo, kuwestiyunable ang gustong gawin ng mga kaibigan mo at ang ilan sa mga makakasama ninyo ay hindi mabuting impluwensiya. (1 Corinto 15:33; Filipos 4:8) O baka naman gusto mong sumama pero takót kang magpaalam.

Ang posibleng resulta: Kung hindi ka sasama dahil sa tingin mo ay mali ito, hindi ka mahihirapang magpaliwanag sa mga kaibigan mo. Pero kung hindi ka sasama dahil takót ka lang magpaalam, baka magmukmok ka na lang sa bahay at maawa sa sarili mo.

 3. MAGPAALAM—MAGBAKA-SAKALI

Kung bakit maiisip mo ang opsiyong ito: Kinikilala mo ang awtoridad ng iyong mga magulang at mahalaga sa iyo ang kanilang desisyon. (Colosas 3:20) Mahal mo sila at alam mong masasaktan sila kung basta ka na lang sasama sa mga kaibigan mo. (Kawikaan 10:1) Kung magpapaalam ka, may pagkakataon ka ring magpaliwanag.

Ang posibleng resulta: Mararamdaman ng mga magulang mo na minamahal mo sila at iginagalang. At kung sa tingin nila ay makatuwiran naman ang paalam mo, baka payagan ka nila.

Bakit Hindi Sila Payag Kung Minsan?

Tulad ng mga lifeguard sa beach, mas nakikita ng mga magulang mo ang panganib

Ilarawan natin ang isang dahilan: Kung magsu-swimming ka sa beach, malamang na mas gusto mo na may mga lifeguard. Bakit? Dahil nakikita ng mga lifeguard ang panganib na hindi mo mapapansin kapag nasa tubig ka na at nag-e-enjoy. Sa katulad na paraan, dahil mas marunong at makaranasan ang mga magulang mo, mas nakikita nila ang panganib. Tulad ng mga lifeguard sa beach, gusto nilang mag-enjoy ka. Pero gusto rin nila na makaiwas ka sa mga panganib na makakasira ng kaligayahan mo sa buhay.

Ito pa ang isang dahilan: Gusto kang protektahan ng mga magulang mo. Hangga’t maaari, gusto ka nilang pagbigyan dahil mahal ka nila. Pero nag-iisip muna silang mabuti, kasi ayaw nilang magsisi sa bandang huli. Papayag lang sila kung natitiyak nilang hindi ka mapapahamak.

Paano Mo Sila Mapapapayag?

Ang puwede mong gawin

Maging tapat: Tanungin ang sarili: ‘Ano ba ang totoong dahilan ko? Gusto ko bang sumama dahil iyon talaga ang gusto kong gawin, o gusto ko lang maging “in”? O baka naman dahil nando’n ang crush ko?’ Maging tapat ka rin sa mga magulang mo. Malalaman at malalaman nila kung bakit mo gustong sumama. Kasi dumaan din sila sa pagiging kabataan, at kilalá ka nila. Kung magsasabi ka ng totoo, matutuwa sila at makikinabang ka sa kanilang payo. (Kawikaan 7:1, 2) Pero kung magsisinungaling ka, mawawalan sila ng tiwala sa iyo at lalo ka nilang hindi papayagan.

Humanap ng tiyempo: Huwag kulitin ang iyong mga magulang kung busy sila o kauuwi lang mula sa trabaho. Hintayin mo muna silang marelaks. Huwag ka ring magpapaalam kung kailan gipit na sa panahon. Ayaw ng mga magulang mo na minamadali sila sa pagdedesisyon. Pahahalagahan nila kung magpapaalam ka nang maaga.

Maging espesipiko: Huwag maglihim. Ipaliwanag sa kanila kung ano talaga ang gusto mong gawin. Ayaw ng mga magulang ang sagot na “Hindi ko po alam,” lalo na kapag itinatanong nila: “Sino’ng mga kasama mo?” “May kasama ba kayong matanda?” o “Anong oras kayo uuwi?”

Magkaroon ng tamang saloobin: Huwag isiping kontrabida ang mga magulang mo. Ituring mo silang kakampi—dahil kakampi mo naman talaga sila. Kung ganiyan ang saloobin mo, hindi ka magiging palaban at mas malamang na pumayag sila.

Ipakita sa iyong mga magulang na nauunawaan at nirerespeto mo ang kanilang desisyon. Sa gayon, irerespeto ka rin nila. At sa susunod na magpaalam ka, mas malamang na pumayag sila.