Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa Sexting?

Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa Sexting?

 Ano ang sexting?

Ang “sexting” ay ang pagpapadala ng mahahalay na mensahe, litrato, o video gamit ang cellphone. “Normal na lang ito ngayon,” ang sabi ng isang lalaki. “Sa umpisa, pa-text-text lang muna kayo sa isa’t isa pero di-magtatagal, magpapalitan na kayo ng erotikong mga litrato.”

Bakit kaya nila ito ginagawa? Iniisip ng mga tin-edyer na “ang hubad na litrato ng iyong boyfriend o girlfriend sa cellphone mo ay nagpapakitang nakikipag-sex ka na,” ang sabi ng isang makaranasang abogado na sinipi sa The New York Times. “Isa itong electronic kiss mark.” Sinabi pa nga ng isang tin-edyer na isa itong uri ng “safe sex.” Tutal, ang sabi niya, “hindi ka mabubuntis at hindi ka makakahawa ng S.T.D.”

Narito ang iba pang dahilan kung bakit nagse-sexting ang mga tin-edyer:

  • Para mag-flirt sa taong gusto nilang makarelasyon.

  • Dahil may nagpadala sa kanila ng mahalay na larawan at nape-pressure din silang magpadala.

 Ano ang masasamang resulta ng sexting?

Kapag naipadala mo na ang isang litrato gamit ang cellphone, hindi na ikaw ang may-ari nito at hindi mo na rin kontrolado kung saan ito gagamitin—o kung ano ang magiging epekto nito sa reputasyon mo. “Napakadali nang i-send at i-save ang ebidensiya ng mga nagawang pagkakamali at kasalanan,” ang sabi ni Amanda Lenhart, mananaliksik at awtor ng isang report ng Pew Research Center tungkol sa sexting.

Sa ilang kaso

  •   Ipino-forward ng lalaki sa mga kaibigan niya ang mga hubad na litratong natanggap niya bilang katuwaan.

  •   Ipinamamahagi ng mga hiniwalayang boyfriend ang mga hubad na litrato ng dati nilang girlfriend para maghiganti.

ALAM MO BA? Sa maraming kaso, ang pagse-sext ng mga hubad na litrato ay para na ring pang-aabuso sa mga bata o pagpapakalat ng child pornography. Ang ilang menor-de-edad na nag-sexting ay idinemanda bilang mga sex offender.

 Ano ang sinasabi ng Bibliya?

Hindi hinahatulan ng Bibliya ang seksuwal na pagtatalik ng mag-asawa. (Kawikaan 5:18) Pero mayroon itong malinaw na pamantayan pagdating sa seksuwal na paggawi sa pagitan ng mga di-mag-asawa. Tingnan natin ang sumusunod na mga talata sa Bibliya:

  • “Ang pakikiapid at bawat uri ng karumihan o kasakiman ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo, . . . ni ang kahiya-hiyang paggawi ni ang mangmang na usapan ni ang malaswang pagbibiro.”—Efeso 5:3, 4.

  • “Patayin ninyo . . . ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pita sa sekso, nakasasakit na pagnanasa, at kaimbutan.”—Colosas 3:5.

Ang mga talatang iyan ay nagbababala hindi lang laban sa “pakikiapid” (pagtatalik ng di-mag-asawa) kundi pati sa mga bagay na gaya ng “karumihan” (isang malawak na terminong tumutukoy sa anumang uri ng karumihan sa moral) at “pita sa sekso” (tumutukoy hindi sa normal na romantikong damdamin sa pagitan ng mag-asawa kundi sa seksuwal na pagnanasang aakay sa maling paggawi).

Tanungin ang sarili:

  • Bakit masasabing isang uri ng “karumihan” ang pagpapadala ng mga hubad na litrato?

  • Sa anong paraan nito pinagniningas ang maling “pita sa sekso”?

  • Bakit “nakasasakit” ang pagnanasang tumingin o mamahagi ng mga hubad na litrato?

Ang sumusunod na mga teksto sa Bibliya ay nagbibigay ng mas mahigpit na dahilan para umiwas sa sexting.

  • “Gawin mo ang iyong buong makakaya na iharap sa Diyos ang iyong sarili bilang sinang-ayunan, manggagawa na walang anumang ikinahihiya.”—2 Timoteo 2:15.

  •   “Ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon!”—2 Pedro 3:11.

Inilalarawan ng mga talatang iyan ang magagandang resulta ng pagiging malinis sa moral. Kapag kapuri-puri ang paggawi mo, wala kang dapat ikatakot sa mga ikinikilos mo.—Galacia 6:7.

Tanungin ang sarili:

  •   Anong uri ako ng tao?

  •   Mahalaga ba sa akin ang reputasyon ng iba?

  •   Natutuwa ba ako sa mga bagay na nakasasakit sa iba?

  •   Paano maaaring maapektuhan ng sexting ang reputasyon ko?

  •   Paano maaaring sirain ng sexting ang tiwala sa akin ng mga magulang ko?

KARANASAN “May kaibigan ako na lihim na nakipag-boyfriend. Pinadalhan niya ito ng hubad na litrato niya, at nagpadala rin ito sa kaniya. Wala pang 48 oras pagkatapos, naisipang i-check ng kaniyang tatay ang phone niya. Nakita nito ang mga text, at nanlumo ito. Kinausap niya ang kaibigan ko, at umamin naman ito. Alam kong nagsisisi siya sa kaniyang ginawa, pero talagang na-shock ang mga magulang niya at galit na galit sila! Hindi na nga nila alam kung mapagkakatiwalaan pa nila siya.”

Tandaan: Ang sexting ay nagpapababa sa pagkatao ng nagpapadala at ng tumitingin dito. “Nandidiri ako at nadidismaya sa sarili ko,” ang sabi ng isang tin-edyer na pinilit ng kaniyang boyfriend na makipag-sexting.

Dahil sa masamang resulta ng sexting at sa posibilidad na makasuhan ang gumagawa nito, makabubuting sundin ang payo ng Bibliya:

  • “Tumakas ka mula sa mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan.”—2 Timoteo 2:22.

  • “Palampasin mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan.”—Awit 119:37.

 Ano ang gagawin mo?

Ikapit ang payo ng Bibliya sa sumusunod na sitwasyon. Basahin ang sinabi ni Janet, at saka piliin ang opsyon na sa tingin mo’y pinakamabuting gawin.

“Minsan, may nakilala akong kabataang lalaki, at nagpalitan kami ng phone number. Wala pang isang linggo, hinihingan na niya ako ng mga litrato kong nakabikini.”—Janet.

Ano sa tingin mo ang dapat gawin ni Janet? Ano ang gagawin mo?

  • OPSYON A Puwede mong ikatuwiran: ‘Wala namang masama do’n. Tutal, makikita rin naman niya akong naka-swimsuit kung pupunta kami sa beach.’

  • OPSYON B Puwede mong ikatuwiran: ‘Ano kaya ang nasa isip niya? Padalhan ko kaya siya ng litrato na hindi gano’n ka-revealing at tingnan ko kung ano ang mangyayari.’

  • OPSYON C Puwede mong ikatuwiran: ‘Sex lang ang habol ng lalaking ’to. Ide-delete ko ang text niya.’

Mukhang Opsyon C ang pinakamabuting gawin, ’di ba? Tutal, sinasabi ng Bibliya: “Makikita ng matalinong tao ang kapahamakan at iiwasan ito, ngunit ang taong hindi nag-iisip ay nagpapatuloy at saka pinagsisisihan ito.”—Kawikaan 22:3, Good News Translation.

Ipinakikita ng sitwasyong iyan ang isang isyu na kadalasa’y sanhi ng sexting at ng iba pang maling paggawi: Pihikan ka ba sa pagpili ng mga kaibigan? (Kawikaan 13:20) “Makisama sa mga taong alam mong hindi mangungunsinti sa maling paggawi,” ang sabi ng 27-anyos na si Sarah. Sang-ayon diyan ang 24-anyos na si Delia. “May mga nagkukunwaring kaibigan na sa halip na tulungan kang mapanatili ang malinis na moral, sinisira pa nila ito,” ang sabi niya. “Kung ang paggawi nila ay labag sa mga kautusan ng Diyos, tuturuan ka nilang gumawa ng mali. Gusto mo ba ’yon?”