Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paglalang o Ebolusyon?—Bahagi 2: Bakit Dapat Kuwestiyunin ang Ebolusyon?

Paglalang o Ebolusyon?—Bahagi 2: Bakit Dapat Kuwestiyunin ang Ebolusyon?

Nalilito si Alex. Noon pa man ay naniniwala na siya sa Diyos at sa paglalang. Pero tahasang sinabi ng biology teacher niya na totoo ang ebolusyon, at na salig ito sa maaasahang pagsasaliksik ng siyensiya. Ayaw ni Alex na magmukha siyang ignorante. ‘Tutal,’ ang sabi niya sa sarili, ‘kung napatunayan na ng mga scientist ang ebolusyon, sino naman ako para kuwestiyunin sila?’

Nalagay ka na rin ba sa ganiyang sitwasyon? Baka buong buhay mo, naniniwala ka sa sinasabi ng Bibliya: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Pero ngayon, kinukumbinsi ka ng mga tao na alamat lang ang paglalang at totoo ang ebolusyon. Dapat ka bang maniwala sa kanila? Bakit dapat kuwestiyunin ang ebolusyon?

 Dalawang dahilan para kuwestiyunin ang ebolusyon

  1. Hindi nagkakasundo ang mga siyentipiko tungkol sa ebolusyon. Sa kabila ng maraming taóng pananaliksik, ang mga siyentipiko ay wala pa ring mapagkasunduang paliwanag tungkol sa ebolusyon.

    Pag-isipan: Kung hindi nagkakasundo tungkol sa ebolusyon ang mga siyentipiko—na itinuturing na mga eksperto—mali bang kuwestiyunin mo ang teoriyang ito?—Awit 10:4.

  2. Mahalaga kung ano ang pinaniniwalaan mo. “Kung nagkataon lang ang buhay, ibig sabihin, ang buhay natin—at ang lahat ng nasa uniberso—ay walang kabuluhan,” ang sabi ni Zachary. May katuwiran siya. Dahil kung totoo ang ebolusyon, parang walang tunay na layunin ang buhay. (1 Corinto 15:32) Pero kung totoo ang paglalang, makakakita tayo ng kasiya-siyang sagot sa mga tanong tungkol sa layunin ng buhay at sa mga mangyayari sa hinaharap.—Jeremias 29:11.

    Pag-isipan: Bakit mahalagang malaman mo ang katotohanan tungkol sa ebolusyon at paglalang?—Hebreo 11:1.

 Mga tanong na dapat pag-isipan

SINASABI NG IBA: ‘Lahat ng bagay sa uniberso ay resulta ng big bang.’

  • Sino o ano ang sanhi ng big bang?

  • Alin ang mas makatuwiran—ang lahat ay nagmula sa wala o ang lahat ng bagay ay may pinagmulan o may nagpasimula?

SINASABI NG IBA: ‘Ang tao ay nag-evolve mula sa hayop.’

  • Kung ang tao ay nag-evolve mula sa hayop—halimbawa, mula sa unggoy—bakit napakalaki ng agwat ng intelektuwal na kakayahan ng mga tao at ng mga unggoy? a

  • Bakit napakasalimuot kahit ang mga “pinakasimpleng” anyo ng buhay? b

SINASABI NG IBA: ‘Ang ebolusyon ay totoong-totoo.’

  • Nasuri ba ng taong nagsasabi nito ang mga katibayan?

  • Gaano karami ang naniniwala sa ebolusyon dahil lang sa may nagsabi sa kanila na naniniwala rito ang lahat ng matatalinong tao?

a Baka sabihin ng iba na mas matalino ang mga tao dahil mas malaki ang utak nila kaysa sa utak ng mga unggoy. Pero para malaman kung bakit hindi makatuwiran ang argumentong iyan, tingnan ang brosyur na The Origin of Life—Five Questions Worth Asking, pahina 28.