Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa Multitasking?

Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa Multitasking?

 Marunong ka bang mag-multitask?

Marunong ka bang mag-multitask—ginagawa ang ilang bagay nang sabay-sabay? Iniisip ng ilan na mas magaling mag-multitask ang mga taong gumagamit na ng teknolohiya mula pagkabata kaysa sa mga natuto na lang nito paglaki nila. Pero totoo nga ba iyon?

TAMA o MALI?

  • Mas marami kang magagawa kung magmu-multitask ka.

  • Kapag lagi mo na itong ginagawa, mas gagaling kang mag-multitask.

  • Mas magaling mag-multitask ang mga kabataan kaysa sa matatanda.

Kung “tama” ang sagot mo sa mga iyan, baka napaniwala ka na sa maling akala ng mga tao tungkol sa multitasking.

 Maling akala tungkol sa multitasking

Kaya mo ba talagang gawin nang sabay ang dalawang bagay? May ilang gawain na kaya mong pagsabayin nang hindi nawawala sa pokus. Halimbawa, kung nakikinig ka ng music habang naglilinis ng kuwarto, malamang na magiging malinis naman ang kuwarto mo.

Pero kapag pinagsabay mo ang dalawang gawain na kailangan ng pokus, malamang na hindi mo magagawa nang maayos ang dalawang iyon. Kaya siguro nasabi ng kabataang si Katherine na ang multitasking ay “isang paraan para sabay-sabay na sumablay sa mga gawain mo.”

“Minsan, may kausap ako nang biglang may magtext at kailangan kong mag-reply agad. Sinubukan kong gawin iyon nang sabay. Kaya ang nangyari, hindi ko na naintindihan ang sinasabi ng kausap ko at mali-mali na ang tina-type ko.”​—Caleb.

Isinulat ng ekspertong si Sherry Turkle: “Kapag iniisip nating magmu-multitask tayo, . . . pabawas nang pabawas ang atensiyon natin sa bawat gawaing nadaragdag. Kapag nagmu-multitask tayo, mas ginaganahan tayo. Kaya ang tingin natin, gumaganda nang gumaganda ang ginagawa natin, pero ang totoo, papangít ito nang papangít.” a

“Minsan, iniisip kong kaya kong magtext habang may kinakausap ako. ’Tapos, na-realize ko na nasabi ko sa kausap ko ang ire-reply ko, at natext ko naman ang dapat na sasabihin ko sa kausap ko!”—Tamara.

Mas mahihirapan lang tayo kapag nagmu-multitask tayo. Halimbawa, mas matatagalan lang tayo sa paggawa ng assignment natin. O baka kailangan pa natin itong ulitin kasi hindi maganda ang ginawa natin. Bandang huli, mas malaki pa ang nasayang nating panahon!

Sinabi ni Thomas Kersting, isang psychotherapist at school counselor: “Kung ang utak ay isang file cabinet na naglalaman ng impormasyon, ang utak ng mga taong madalas mag-multitask ay magulo.” b

“Habang mas marami kang ginagawa nang sabay-sabay, mas marami kang detalye na malalampasan. Kaya madaragdagan lang ang ginagawa mo. At bandang huli, hindi ka rin nakatipid nang oras.”​—Teresa.

Ang pagmu-multitask ay parang pagmamaneho sa dalawang kalsada nang sabay

 Ang mas magandang paraan

  • Sanayin ang iyong sarili na magpokus sa iisang gawain. Baka mahirapan kang gawin iyan, lalo na kung sanay ka nang pagsabay-sabayin ang mga ginagawa mo—halimbawa, nagtetext habang nag-aaral. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ‘tiyakin kung ano ang mas mahahalagang bagay.’ (Filipos 1:10, talababa) May mga bagay na mas mahalaga kaysa sa iba. Kaya pag-isipan kung anong gawain ang priyoridad mo, at magpokus lang muna doon hanggang sa matapos ito.

    “Ang isip na hindi nakapokus ay parang isang makulit na bata. Minsan, kailangang maging istrikto, kahit na parang mas madali itong hayaan na gawin kung ano ang gusto niya.”​—Maria.

  • Alisin ang mga panggambala. Napapatingin ka ba sa cellphone mo habang nag-aaral? Ilagay mo iyon sa ibang kuwarto. Patayin mo ang TV, at kalimutan mo muna ang social media! Ipinapayo ng Bibliya: “Gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo.”​—Colosas 4:5.

    “Mas maganda pala talagang magpokus lang muna sa iisang bagay. Masarap sa pakiramdam kapag may buburahin na ako sa listahan ko ng mga gagawin. Satisfied ako sa ginagawa ko.”​—Onya.

  • Makinig nang mabuti sa kausap mo. Kung nakatingin ka sa cellphone mo habang may kausap ka, hindi kayo magkakaintindihan ng kausap mo at hindi rin ito pagpapakita ng paggalang. Sinasabi sa atin ng Bibliya na dapat nating gawin sa iba kung ano ang gusto nating gawin nila sa atin.​—Mateo 7:12.

    “Minsan kapag kausap ko ang kapatid ko, nagtetext siya o may ginagawa sa phone niya. Nakakainis! Pero ang totoo, minsan ginagawa ko rin ’yon e.”​—David.

a Mula sa aklat na Reclaiming Conversation.

b Mula sa aklat na Disconnected.