Ikalawang Liham kay Timoteo 2:1-26

2  Kaya anak ko,+ patuloy mong palakasin ang sarili mo sa pamamagitan ng walang-kapantay na kabaitan na ipinapakita ni Kristo Jesus;  at kung tungkol sa mga bagay na narinig mo sa akin na sinusuportahan ng maraming saksi,+ ipagkatiwala mo ang mga ito sa mga tapat, na magiging lubusan ding kuwalipikado na magturo sa iba.  Bilang isang mahusay na sundalo+ ni Kristo Jesus, maging handa ka sa pagdurusa.+  Hindi magnenegosyo ang sinumang sundalo kung gusto niyang makuha ang pabor ng nagpasok sa kaniya bilang sundalo.  At kahit sa mga palaro, hindi ginagantimpalaan* ang isang manlalaro kung hindi siya naglaro ayon sa mga alituntunin.+  Ang masipag na magsasaka ang dapat na unang makinabang sa mga bunga.  Lagi mong pag-isipan ang sinasabi ko; ipauunawa sa iyo ng Panginoon ang lahat ng bagay.  Alalahanin mong si Jesu-Kristo ay binuhay-muli+ at supling ni David+ ayon sa mabuting balita na ipinangangaral ko,+  na dahilan kung bakit ako naghihirap at nakabilanggo bilang kriminal.+ Pero ang salita ng Diyos ay hindi nakagapos.+ 10  Kaya tinitiis ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga pinili,+ para maligtas din sila sa pamamagitan ni Kristo Jesus at makatanggap ng walang-hanggang kaluwalhatian. 11  Mapananaligan ito: Kung mamatay tayong magkakasama, mabubuhay rin tayong magkakasama;+ 12  kung patuloy tayong magtitiis, maghahari din tayong magkakasama;+ kung ikakaila natin siya, ikakaila rin niya tayo;+ 13  kung tayo ay maging di-tapat, mananatili pa rin siyang tapat, dahil hindi niya kayang ikaila ang sarili niya. 14  Lagi mong ipaalaala sa kanila ang mga ito; sabihan mo sila sa harap ng Diyos na huwag pag-awayan ang mga salita, dahil wala itong pakinabang at nakasasama ito sa mga nakikinig. 15  Gawin mo ang iyong buong makakaya para maging kalugod-lugod ka sa harap ng Diyos, isang manggagawa na walang ikinahihiya at ginagamit nang tama ang salita ng katotohanan.+ 16  Pero iwasan mo ang walang-saysay na mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal,+ dahil ang mga ito ay aakay sa mas marami at mas masamang di-makadiyos na paggawi 17  at kakalat na tulad ng ganggrena. Kasama sa mga nagpapakalat nito sina Himeneo at Fileto.+ 18  Lumihis sa katotohanan ang mga taong ito dahil sinasabi nilang nangyari na ang pagkabuhay-muli,+ at sinisira nila ang pananampalataya ng ilan. 19  Sa kabila nito, nananatiling matatag ang matibay na pundasyon ng Diyos, kung saan nakasulat, “Kilala ni Jehova kung sino ang sa kaniya,”+ at, “Talikuran ng lahat ng tumatawag sa pangalan ni Jehova+ ang kasamaan.” 20  Ngayon, sa isang malaking bahay ay may mga kagamitang* ginto at pilak at mayroon ding gawa sa kahoy at luwad; ang ilan ay ginagamit sa marangal na paraan, pero ang iba ay sa di-marangal na paraan. 21  Kaya kung lalayuan ng isang tao ang mga huling nabanggit,+ magagamit siya sa marangal na paraan, at siya ay magiging banal, kapaki-pakinabang sa may-ari sa kaniya, at handa para sa bawat mabuting gawa. 22  Kaya tumakas ka mula sa mga pagnanasang karaniwan sa mga kabataan; itaguyod mo ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, at kapayapaan kasama ng mga tumatawag sa Panginoon nang may malinis na puso.+ 23  Iwasan mo rin ang walang-patutunguhan at walang-kabuluhang mga debate,+ dahil alam mong nauuwi lang sa away ang mga ito. 24  Dahil ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging mabait sa lahat,+ kuwalipikadong magturo, nagpipigil kapag nagawan ng mali,+ 25  at mahinahong nagtuturo sa mga rebelyoso.+ Baka sakaling bigyan sila ng pagkakataon ng Diyos na magsisi at sa gayon ay makakuha sila ng tumpak na kaalaman sa katotohanan,+ 26  at matauhan sila at makatakas sa bitag ng Diyablo, dahil nahuli na niya silang buháy at puwede na niyang magamit para gawin ang kagustuhan niya.+

Talababa

O “kinokoronahan.”
O “sisidlang.”

Study Notes

isang anak na minamahal: Napakalapít nina Pablo at Timoteo sa isa’t isa. Sa katunayan, naging ama ni Timoteo sa espirituwal si Pablo. (1Co 4:17; Fil 2:22) Sa unang liham ni Pablo kay Timoteo, tinawag niya itong “tunay na anak” at “anak ko.” (1Ti 1:2, 18) Nang isulat ni Pablo ang ikalawang liham niya kay Timoteo, 14 na taon na silang naglilingkod nang magkasama o higit pa. Dahil nararamdaman na noon ni Pablo na malapit na siyang mamatay, posibleng naisip niyang ito na ang huling liham niya kay Timoteo. (2Ti 4:6-8) Gusto ni Pablo na malaman ng kabataang si Timoteo kung gaano niya ito kamahal, kaya tinawag niya itong “isang anak na minamahal.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 1:2, 18.

pabor ng Diyos: O “walang-kapantay na kabaitan; di-sana-nararapat na kabaitan.” Ang salitang Griego na khaʹris ay lumitaw nang mahigit 150 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan at may iba’t ibang kahulugan, depende sa konteksto. Kapag tumutukoy sa walang-kapantay na kabaitang ipinapakita ng Diyos sa mga tao, inilalarawan ng salitang ito ang isang regalo na ibinibigay ng Diyos dahil sa pagkabukas-palad niya, kabaitan, at pag-ibig nang walang inaasahang kapalit. Hindi ito tinatanggap ng isa dahil sa anumang nagawa niya; ibinigay lang ito sa kaniya dahil sa pagiging bukas-palad ng pinagmulan nito. (Ro 4:4; 11:6) Ang terminong ito ay hindi naman nangangahulugang hindi karapat-dapat tumanggap ng ganitong kabaitan ang isa, dahil si Jesus mismo ay tumanggap nito mula sa Diyos. Kapag ginagamit ang terminong ito para kay Jesus, angkop lang na isalin itong “pabor ng Diyos,” gaya sa talatang ito. (Luc 2:40) Sa ibang konteksto, ang terminong Griego ay isinasaling “pinapaboran,” “kusang-loob na abuloy,” o “tulong.”​—Luc 1:30, tlb.; 1Co 16:3; 2Co 8:19.

nasa kaniya ang pabor ng Diyos at nagtuturo siya ng katotohanan: Nasa “Salita,” kay Jesu-Kristo, ang pabor ng Diyos, at lagi siyang nagsasabi ng katotohanan. Pero ipinapakita ng konteksto na hindi lang dito tumutukoy ang pariralang ito; espesipikong pinili ni Jehova ang Anak niya para ipaliwanag at ipakita nang lubusan ang katotohanan at walang-kapantay na kabaitan ng Ama. (Ju 1:16, 17) Kitang-kita kay Jesus ang mga katangiang ito ng Diyos kaya puwede niyang sabihin: “Sinumang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Ju 14:9) Si Jesus ang ginamit ng Diyos para maghatid ng katotohanan at ng Kaniyang walang-kapantay na kabaitan sa mga gustong tumanggap nito.

anak ko: Isa itong magiliw na tawag ni Pablo kay Timoteo.—Tingnan ang study note sa 2Ti 1:2.

patuloy mong palakasin ang sarili mo: Pinasigla ni Pablo si Timoteo na umasa sa Diyos na Jehova, na pinagmumulan ng di-nauubos na lakas. Dito, ginamit ng apostol ang pandiwang Griego na en·dy·na·moʹo; kaugnay ito ng pangngalang dyʹna·mis (kapangyarihan; lakas), na ginamit sa 2Ti 1:8 sa ekspresyong “kapangyarihan ng Diyos.” Ayon sa isang reperensiya, ang anyo ng pandiwang ginamit dito ni Pablo ay “nagpapahiwatig na kailangan ni Timoteo na patuloy na umasa sa Diyos para ‘laging maging malakas.’” Ito rin ang pandiwang ginamit ni Pablo sa Efe 6:10, kung saan pinasigla niya ang mga Kristiyano sa Efeso na“patuloy [na] kumuha ng lakas sa Panginoon [ang Diyos na Jehova] at sa kaniyang dakilang kapangyarihan.”

sa pamamagitan ng walang-kapantay na kabaitan na ipinapakita ni Kristo Jesus: Sa paggamit ng ekspresyong ito, ipinakita ni Pablo kay Timoteo na ‘mapalalakas niya lang ang sarili niya’ sa pamamagitan ng “walang-kapantay na kabaitan.” (Tingnan sa Glosari, “Walang-kapantay na kabaitan.”) Sagana ang espesyal na pabor o kabaitan na ipinakita ni Jehova kay Jesus, kaya masasabing “nasa kaniya ang pabor ng Diyos.” (Ju 1:14 at mga study note) Dahil diyan, naipapakita rin ni Jesus ang ganitong kabaitan sa sinumang tao na nagpapahalaga rito. Kaya naman bukod sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos, binabanggit din sa Bibliya ang “walang-kapantay na kabaitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.”—1Te 5:28; 2Te 3:18.

bantayan mo ang ipinagkatiwala sa iyo: Kasama sa tinutukoy dito ni Pablo na ipinagkatiwala kay Timoteo ang mga katotohanan sa Kasulatan. (1Te 2:4; 2Ti 1:14; ihambing ang Ro 3:2 at study note.) Ang terminong isinaling “ipinagkatiwala” ay tumutukoy kung minsan sa mahahalagang bagay na itinago sa bangko. Puwede rin itong tumukoy sa isang bagay na ipinatago sa isang tao para ingatan, gaya ng pagkakagamit dito ng Griegong Septuagint. (Lev 6:2, 4 [5:21, 23, LXX]) Dapat ingatan ni Timoteo ang sagradong mensahe; pero hindi ibig sabihin nito na itatago niya ito, kundi ituturo niya ito sa iba nang may katumpakan. (2Ti 2:2) Sa paggawa nito, mababantayan, o mapoprotektahan, niya ang mahahalagang katotohanan mula sa mga taong gustong pumilipit dito sa pamamagitan ng “walang-saysay na mga usapan” at pagtataguyod ng di-totoong “kaalaman.”

naging kuwalipikado kami dahil sa Diyos: Sa kontekstong ito, ang ekspresyong Griego na isinaling “kuwalipikado” ay pangunahin nang nangangahulugang “sapat; bagay.” Kapag iniugnay ito sa mga tao, puwede itong mangahulugang “may kakayahan; karapat-dapat.” (Luc 22:38; Gaw 17:9; 2Co 2:16; 3:6) Kaya ang buong ekspresyon ay puwedeng isaling “ang Diyos ang dahilan kaya naisasakatuparan namin ang gawaing ito.” Ginamit sa salin ng Septuagint sa Exo 4:10 ang isa sa mga salitang Griegong ito, kung saan binanggit na para kay Moises, hindi siya kuwalipikadong humarap sa Paraon. Ayon sa tekstong Hebreo, sinabi ni Moises: “Hindi talaga ako magaling magsalita.” Pero isinalin ito ng Septuagint na “Hindi talaga ako kuwalipikado.” Gayunman, ginawa siyang kuwalipikado ni Jehova. (Exo 4:11, 12) Kaya ang mga ministrong Kristiyano ay nagiging kuwalipikado rin sa pamamagitan ng “espiritu ng Diyos na buháy.”—2Co 3:3.

ipagkatiwala mo ang mga ito sa mga tapat: Gusto ni Pablo na ipasa, o ipagkatiwala, ni Timoteo sa ibang may-pananagutang mga lalaki ang mahahalagang katotohanang natutuhan nito. Ipinapahiwatig ng salitang “ipagkatiwala” na dapat niya itong ipasa sa iba nang may katumpakan. (Tingnan ang study note sa 1Ti 6:20.) Ang tagubiling ito ni Pablo ay kaayon ng utos ni Jesus na dapat magturo sa iba ang lahat ng alagad. (Mat 28:19, 20) Ipinakita ni Pablo kung paano naipasa ang katotohanan: Tinuruan ni Jesus si Pablo, na nagturo naman kay Timoteo. At itinuro ni Timoteo ang mahahalagang katotohanan sa tapat na mga lalaki, na nagturo din sa iba.

lubusan ding kuwalipikado na magturo: Ang salitang Griego na isinaling ‘lubusang kuwalipikado’ ay puwedeng mangahulugang “bagay” sa isang atas o “may kakayahang” gampanan ito. Ito rin ang salitang ginamit ni Pablo sa liham niya sa Corinto nang ipaliwanag niya na ginagawang kuwalipikado ng Diyos ang mga Kristiyano para sa atas na ibinigay niya sa kanila.—Tingnan ang study note sa 2Co 3:5.

mahusay na sundalo ni Kristo Jesus: Sa 2Ti 2:3-6, gumamit si Pablo ng tatlong ilustrasyon para ipakita kay Timoteo na kailangan niyang maging handa sa mga hamon at pagdurusa, gaya ng lahat ng iba pang Kristiyano. Sa talata 3, inihalintulad ni Pablo ang mga Kristiyano sa mga sundalo, gaya ng ginawa niya sa iba pa niyang mga liham. (1Co 9:7; 2Co 10:3-5; Efe 6:10-17; Fil 2:25; 1Te 5:8; 1Ti 1:18; Flm 2) Sinusunod ng isang sundalo ang mga utos ng nakatataas sa kaniya, at handa siya sa paparating na mga pagsubok. Sinusunod din ng mga Kristiyano ang mga utos ni Kristo Jesus, at handa silang dumanas ng pagdurusa. Kasama sa pagdurusang ito ang kapootan at pag-usigin pa nga ng iba. Kaya naman pinaalalahanan ni Pablo si Timoteo na para maging “mahusay na sundalo ni Kristo Jesus,” kailangan niyang maging determinado at matiisin at magkaroon ng disiplina sa sarili.

magnenegosyo: O “magpapatali sa negosyo.” Walang matinong sundalo ang “magpapatali sa negosyo” o iba pang gawain habang naglilingkod sa militar. Puwedeng maubos ang lakas niya dahil sa ‘negosyo’ (o posibleng “pang-araw-araw na gawain”) at maalis ang pokus niya sa paglilingkod bilang sundalo. Dapat na lagi siyang alisto at handa kapag may utos ang nakatataas sa kaniya, dahil nakadepende dito ang buhay niya at ng iba. Sa katulad na paraan, dapat na manatiling nakapokus si Timoteo sa ministeryo niya at hindi magambala ng iba pang gawain.—Mat 6:24; 1Ju 2:15-17.

kasali sa takbuhan: Mahalagang bahagi ng kulturang Griego ang paligsahan ng mga atleta, kaya epektibong nagamit ni Pablo ang mga paligsahang ito sa mga ilustrasyon niya. (1Co 9:24-27; Fil 3:14; 2Ti 2:5; 4:7, 8; Heb 12:1, 2) Pamilyar ang mga Kristiyano sa Corinto sa Palarong Isthmian na ginaganap malapit sa lunsod nila. Nagkakaroon ng ganitong palaro kada dalawang taon. Malamang na nasa Corinto si Pablo nang idaos ang palarong ito noong 51 C.E. Ikalawa ito sa pinakasikat na palaro noon, ang Olympics na ginaganap sa Olympia sa Gresya. Iba-iba ang haba ng tinatakbo ng mga kasali sa ganitong mga palarong Griego. Sa paggamit ni Pablo ng mananakbo at boksingero sa mga ilustrasyon niya, naituro niya ang kahalagahan ng pagpipigil sa sarili, pagiging epektibo, at pagtitiis.—1Co 9:26.

takbuhan: Ang terminong Griego na staʹdi·on ay isinalin ditong “takbuhan.” Ang salitang Griegong ito ay puwedeng tumukoy sa istraktura na ginagamit para sa takbuhan at iba pang malalaking pagtitipon, sa isang sukat ng distansiya, o sa mismong takbuhan. Sa kontekstong ito, ang mismong takbuhan ang tinutukoy ni Pablo. Iba-iba ang haba ng Griegong staʹdi·on, depende sa lugar. Sa Corinto, ito ay mga 165 m (540 ft). Ang Romanong estadyo naman ay mga 185 m, o 606.95 ft.—Tingnan ang Ap. B14.

lahat ng kasali sa isang paligsahan: O “lahat ng atleta.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay kaugnay ng isang pangngalan na kadalasang tumutukoy sa paligsahan ng mga atleta. Sa Heb 12:1, ginamit ang pangngalang ito para sa Kristiyanong “takbuhan” tungo sa buhay. Isinasalin din itong “problema” (Fil 1:30), “paghihirap” (Col 2:1), o “pakikipaglaban” (1Ti 6:12; 2Ti 4:7). Ang mga anyo ng pandiwang Griego na ginamit dito sa 1Co 9:25 ay isinaling “magsikap kayo nang husto” (Luc 13:24), “nagsisikap . . . nang husto” (Col 1:29; 1Ti 4:10), “marubdob” (Col 4:12), at “pakikipaglaban” (1Ti 6:12). —Tingnan ang study note sa Luc 13:24.

nagpipigil sa sarili: Ang mga atleta ay nagpipigil sa sarili habang naghahanda para sa isang kompetisyon. Marami ang nagdidiyeta, at ang ilan ay hindi muna umiinom ng alak. Isinulat ng istoryador na si Pausanias na umaabot nang 10 buwan ang pagsasanay para sa Olympics, at ipinapalagay na halos ganiyan din kahaba ang pagsasanay para sa iba pang malalaking palaro.

sanayin mo ang iyong sarili: Mula talata 7 hanggang talata 10, gumamit si Pablo ng iba’t ibang termino na ginagamit sa paligsahan ng mga atleta para magturo. (Tingnan ang study note sa 1Ti 4:8, 10.) Ang salitang Griego na isinalin ditong “sanayin mo ang iyong sarili” ay gy·mnaʹzo, na madalas gamitin para tumukoy sa puspusang pagsasanay ng mga atletang sasali sa mga paligsahan. Kailangan sa pagsasanay na iyon ang disiplina sa sarili, sipag, at determinasyon. (Tingnan ang study note sa 1Co 9:25.) Ginamit ni Pablo ang salitang ito para idiin na kailangan ng pagsisikap para magkaroon ng makadiyos na debosyon.

pagsasanay: O “pag-eehersisyo.” Ipinagpatuloy dito ni Pablo ang paggamit ng mga terminong pang-atleta na sinimulan niya sa naunang talata, kung saan ginamit niya ang pandiwang Griego na gy·mnaʹzo, na literal na nangangahulugang “magsanay (bilang atleta).” (Tingnan ang study note sa 1Ti 4:7.) Dito, ginamit niya ang pangngalang gy·mna·siʹa, na tumutukoy sa pisikal na pagsasanay. Noong panahon ni Pablo, tinatawag na gymnasium (sa Griego, gy·mnaʹsi·on) ang lugar kung saan nagsasanay ang mga atleta. Popular noon ang ganoong mga lugar sa iba’t ibang lunsod sa Imperyo ng Roma dahil pinupuntahan talaga ito ng mga tao. Sa kultura nila, napakahalaga ng pisikal na pagsasanay. Pero may nag-iisip din noon na mali o walang kabuluhan ang ganoong pagsasanay. Sa patnubay ng espiritu, ipinakita ni Pablo kung ano dapat ang maging pananaw dito. Sinabi niya na may kaunting pakinabang sa pisikal na pagsasanay, pero idiniin niya na mas kapaki-pakinabang sa isa na “gawing tunguhin na magpakita ng makadiyos na debosyon.”—1Ti 4:7.

sa mga palaro: Ginamit dito ni Pablo ang mga palaro para ilarawan ang Kristiyanong paraan ng pamumuhay. Dapat sumunod sa mga alituntunin ang mga atleta. Nakapaskil noon sa mga lugar ng kompetisyon ang mga alituntunin ng mga palaro. Ipinagbabawal ang panunuhol, at mahigpit na ipinatutupad ng hurado ang mga alituntunin. Kapag may nilabag na alituntunin ang isang atleta habang nagsasanay o sa mismong kompetisyon, matatanggal siya. Dapat ding sundin ng isa ang mga pamantayan at kahilingan ng Diyos sa Kristiyanong pamumuhay para matanggap ang pagsang-ayon Niya. Dapat na “maging handa [si Timoteo] sa pagdurusa” at hindi matuksong lumabag sa anumang pamantayan ng Diyos para lang matakasan ang paghihirap.—2Ti 2:3; tingnan ang study note sa 1Co 9:24, 25; 1Ti 4:7, 8; tingnan din sa Media Gallery, “Isang Koronang Nasisira.”

nagsisikap tayo nang husto at nagpapakapagod: Gumamit dito si Pablo ng dalawang salitang Griego na halos magkapareho ng kahulugan para idiin ang punto niya. (Ihambing ang Col 1:29.) Ang isa, na isinaling “nagsisikap . . . nang husto,” ay lumilitaw na nakapokus sa laki ng pagsisikap na ginagawa ng isang tao. Ang isa naman, na isinaling “nagpapakapagod,” ay posibleng tumutukoy sa paggawa ng trabahong nakakaubos ng lakas.—Luc 5:5; 2Ti 2:6; tingnan ang study note sa Luc 13:24.

masipag na magsasaka: Sa ilustrasyong ito, ang salitang Griego na isinaling “masipag” ay nangangahulugang “nagpapagal; puspusang nagtatrabaho” at puwedeng tumukoy sa pagtatrabaho hanggang sa maubos ang lakas. Kailangang magpakapagod sa pagtatrabaho ang isang magsasaka—sa ilalim ng mahihirap na kondisyon kung minsan—kung gusto niya ng magandang ani. Kailangan ding maging masipag at mapagsakripisyo ni Timoteo para makuha niya ang pagsang-ayon ng Diyos.—1Co 3:6, 7; Col 1:28, 29; ihambing ang study note sa 1Ti 4:10.

Pag-isipan mong mabuti: O “Bulay-bulayin mo.” Idiniriin dito ni Pablo ang kahalagahan ng pagbubulay-bulay. Posibleng tumutukoy ang mga bagay na ito sa payo ni Pablo kay Timoteo sa naunang mga talata tungkol sa paggawi, ministeryo, at pagtuturo (1Ti 4:12-14) o sa buong liham niya. Idiniriin din sa Hebreong Kasulatan kung gaano kahalaga na pag-isipang mabuti ng mga lingkod ni Jehova ang mga ginagawa nila at ang kaugnayan nila sa Diyos. (Aw 1:2 at tlb.; 63:6; 77:12; 143:5) Halimbawa, sa Jos 1:8, sinabi ni Jehova kay Josue tungkol sa “aklat . . . ng Kautusan”: “Dapat mo itong basahin nang pabulong [o, “bulay-bulayin,” tlb.] araw at gabi.” Ang pandiwang Hebreo na ginamit sa talatang iyon ay tumutukoy sa pagbabasa nang hindi nagmamadali para mapag-isipang mabuti ng isa ang binabasa niya. Ginamit din ng Griegong Septuagint sa talatang iyon ang pandiwa na ginamit ni Pablo dito sa 1Ti 4:15. Gaya ni Josue, kailangan din ni Timoteo na bulay-bulayin araw-araw ang Kasulatan para patuloy siyang sumulong sa espirituwal at maging mas mahusay sa pagganap ng atas niya.

Lagi mong pag-isipan ang sinasabi ko: Ang salitang Griego para sa ‘laging pag-isipan’ ay puwede ring isaling “unawain.” (Mat 24:15; Mar 13:14) Katatapos lang gumamit ni Pablo ng tatlong ilustrasyon (2Ti 2:3-6); ngayon, pinapayuhan niya si Timoteo na pag-isipang mabuti ang mga ito para maisabuhay niya ang mga aral na natutuhan niya. (Ihambing ang study note sa 1Ti 4:15.) Tinitiyak ni Pablo kay Timoteo na ipauunawa sa kaniya ng Panginoong Jehova ang mga bagay na kailangan niyang maintindihan. Posibleng kinuha ni Pablo ang pampatibay na ito sa Kaw 2:6.

supling ni David: O “inapo ni David.” Lit., “binhi ni David.”—Tingnan ang Ap. A2.

ang salita ng Diyos ay hindi nakagapos: Kababanggit pa lang ni Pablo na itinuturing siyang “kriminal.” Ito rin ang salitang ginamit niya para sa mga lalaki—o kriminal—na pinatay kasama ni Jesus. (Luc 23:32, 33, 39) Ngayon, idiniriin niya ang isang mahalagang punto. Kahit nakagapos siya at nakabilanggo, hindi pa rin mapipigilan ang paglaganap ng salita ng Diyos. (2Ti 1:8, 16) Ayon sa isang reperensiya, para bang sinasabi ni Pablo sa mga humahadlang sa mabuting balita: “Mapipigilan nila ang mensahero, pero hindi ang mensahe.”

makapagtitiis: O “nagtitiis.” Ang salitang Griego na isinasaling “magtiis” (hy·po·meʹno) ay literal na nangangahulugang “manatili sa ilalim.” Karaniwan na, nangangahulugan itong “pananatili sa halip na pagtakas; paninindigan; pagtitiyaga; pananatiling matatag.” (Mat 10:22; Ro 12:12; Heb 10:32; San 5:11) Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa patuloy na pagsunod kay Kristo bilang alagad niya sa kabila ng mga pag-uusig at pagsubok.—Mat 24:9-12.

wakas: Tingnan ang study note sa Mat 24:6, 14.

gantimpala ng makalangit na pagtawag: Alam ni Pablo na gaya ng mga kapuwa niya pinahirang Kristiyano, may pag-asa siyang mamahala sa Mesiyanikong Kaharian sa langit kasama ni Kristo. (2Ti 2:12; Apo 20:6) Ang “makalangit na pagtawag” ay tumutukoy sa paanyaya na maging bahagi ng Kaharian sa langit. Pero kailangan ng “mga kabahagi sa makalangit na pagtawag [o “paanyaya,” tlb.]” (Heb 3:1, 2) na manatiling “tapat” sa pagtawag na iyon (Apo 17:14) “para matiyak na mananatili [silang] kasama sa mga tinawag at pinili.” (2Pe 1:10) Kapag ginawa nila iyan, saka lang nila makukuha ang “gantimpala” ng pagtawag sa kanila.—Tingnan ang study note sa Fil 3:20.

kung patuloy tayong magtitiis: Ipinapaalala ng ekspresyong ito ang pangako ni Jesus: “Ang makapagtitiis hanggang sa wakas ay maliligtas.” (Tingnan ang study note sa Mat 24:13.) May napakagandang pag-asa si Pablo at ang mahal niyang kaibigang si Timoteo—ang mamahalang kasama ni Kristo. (Luc 22:28-30) Dito, idiniriin ni Pablo na kailangang magtiis para makuha ang gantimpalang iyan. Hindi niya inisip na sigurado na ang pag-akyat niya sa langit dahil lang sa pagiging pinahiran niya. (Tingnan ang study note sa Fil 3:14.) Alam niya kasi na may ilang pinahirang Kristiyano na tumalikod sa pananampalataya. (Fil 3:18) Pero tiwala si Pablo na kaya niyang manatiling tapat hanggang kamatayan.—2Ti 4:6-8.

mapatunayan nawang tapat ang Diyos: Ang sinabi ni Pablo na “Hindi nga!” sa simula ng talatang ito ay sagot sa tanong niya sa naunang talata: “Paano kung hindi manampalataya ang ilan? Mababale-wala na ba ang katapatan ng Diyos dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya?” Hindi nanampalataya ang karamihan sa mga Judio noon. Kitang-kita iyan nang ayaw nilang tanggapin na natutupad kay Jesus ang mga hula sa Hebreong Kasulatan tungkol sa Mesiyas. (Ro 3:21) Dahil diyan, napagmukha nila—ng mga taong pinagkatiwalaan ng Diyos ng “salita” niya (Ro 3:2)—na hindi tinupad ni Jehova ang mga pangako niya. Pero ang totoo, tinupad ni Jehova ang mga pangako niya sa pamamagitan ni Kristo. Para idiin na mapagkakatiwalaan ang Diyos, sinipi ni Pablo mula sa Septuagint ang sinabi ni Haring David: “Para mapatunayan kang [ang Diyos] matuwid sa iyong mga salita.” (Aw 51:4 [50:6, LXX]) Sa talatang iyon, inamin ni David na nagkasala siya at kinilala na ang Diyos ay tapat at matuwid. Hindi niya ipinagmatuwid ang sarili niya at siniraan ang Diyos. Ginamit ni Pablo ang sinabi ni David para ipakita na laging tapat ang Diyos, sinuman o gaano man karami ang kumukuwestiyon sa Kaniya.

hindi niya kayang ikaila ang sarili niya: Hindi kayang kumilos ni Jehova nang salungat sa kaniyang mga katangian at pamantayan. (Exo 34:6, 7; Mal 3:6; Tit 1:2; San 1:17) Hindi niya kayang baliin ang sarili niyang layunin. Kaya anuman ang gawin ng iba, laging tutuparin ni Jehova ang sinabi niya.—Ro 3:3, 4 at study note.

makipagdebate tungkol sa mga salita: Lit., “makipaglaban tungkol sa mga salita.” Ang mga ‘gustong-gustong makipagtalo’ ay madalas makipagdebate sa maliliit na bagay para ituro ang sarili nilang paniniwala, hindi ang sa Diyos. Dahil sa mga iyon, ‘nagkakaroon ng inggitan at pag-aaway’ na puwede ring humantong sa paninirang-puri (sa Griego, bla·sphe·miʹa), o sa mapang-abusong pananalita na sumisira sa reputasyon ng iba.—Tingnan ang study note sa Col 3:8.

inuutusan kita: Iisang salita lang sa Griego ang katumbas ng mapuwersang pariralang ito. Ayon sa isang diksyunaryo, ang pandiwang ito ay nangangahulugang “mag-utos nang may awtoridad para gawin ng isa ang mga bagay na napakahalaga.” (Lumitaw rin ang pandiwang ito sa Septuagint, halimbawa, sa 1Sa 8:9 at 2Cr 24:19.) Sa naunang mga talata, sinabi ni Pablo kung ano ang dapat gawin kapag may nag-akusa sa matatandang lalaki ng paglabag sa kautusan. Idiniin niya rin kung bakit dapat sawayin ang mga namimihasa sa kasalanan. Dahil napakabigat ng pananagutang ito, inutusan niya si Timoteo sa harap ng Diyos at ni Kristo Jesus para ipaalala na kapag pinag-uusapan ng matatandang lalaki ang kompidensiyal na mga bagay, hayag ang lahat ng ito sa pinakamatataas na awtoridad.—Ro 2:16; Heb 4:13.

sabihan: Ang terminong Griego na ginamit dito ni Pablo ay puwedeng literal na isaling “lubusang magpatotoo.” (Gaw 20:24; 28:23) Sinabi ng isang reperensiya tungkol sa terminong ito: “Nangangahulugan itong ‘tumestigo, magbabala’ tungkol sa mahahalagang bagay at napakamapanganib na mga sitwasyon.”

Diyos: Ang mababasa sa ilang maaasahang manuskritong Griego ay “Diyos,” pero “Panginoon” naman sa iba. May ilang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Hebreo at iba pang wika na gumamit dito ng pangalan ng Diyos.—Tingnan ang Ap. C1.

huwag pag-awayan ang mga salita: Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Efeso na huwag mag-away tungkol sa mga salita, na isang kaugaliang lumilitaw na pinasimulan ng huwad na mga guro. Ang terminong Griego na isinaling “pag-awayan ang mga salita” ay kombinasyon ng pangngalan para sa “salita” at pandiwa para sa “pag-awayan.” Hindi makikita ang ekspresyong ito sa mga akdang isinulat bago ang mga liham ni Pablo. Sa unang liham ni Pablo kay Timoteo, ginamit niya ang isang kaugnay na pangngalang literal na nangangahulugang “pakikipaglaban tungkol sa mga salita.” (Tingnan ang study note sa 1Ti 6:4.) Posibleng tungkol ito sa maliliit na kaibahan sa kahulugan ng mga salita, pero masama at kapaha-pahamak pa nga ang resulta ng ganitong pagtatalo.

nakasasama ito sa mga nakikinig: Sa Griego, ginamit sa ekspresyong ito ang salitang ka·ta·stro·pheʹ (nangangahulugang “pagkawasak” o “kapahamakan”), at puwede itong isaling “naipapahamak nito ang mga nakikinig.” Mapuwersa ang salitang ginamit dito ni Pablo para magbabala laban sa pag-aaway tungkol sa mga salita, at inutusan niya si Timoteo na paalalahanan ang mga Kristiyano sa Efeso sa “harap ng Diyos” na huwag makisali sa ganitong walang-katuturang pagtatalo.—Tingnan ang study note sa 1Ti 5:21.

Gawin mo ang iyong buong makakaya: Ginamit ni Pablo ang ekspresyong ito para himukin si Timoteo na “maging masigasig, magpakahirap, gawin ang lahat, maging masipag,” na kahulugan ng salitang Griegong ito (spou·daʹzo) sa isang diksyunaryo. At kapag natanggap ni Timoteo ang pagsang-ayon ng Diyos, magiging mahusay siyang manggagawa. Kung gayon, wala siyang ikakahiya, kahit hindi mapahalagahan ng iba ang ginagawa niya o usigin pa nga siya.

ginagamit nang tama ang salita ng katotohanan: Ang pandiwang Griego na ginamit dito ni Pablo ay literal na nangangahulugang “pumutol nang tuwid.” May ilang posibleng pinagbatayan si Pablo ng ekspresyong ito. Halimbawa, dahil gumagawa siya ng tolda, posibleng nasa isip niya ang tuwid na pagputol sa tela. O posible ring ibinatay niya ito sa pagkakagamit dito ng Septuagint sa Kaw 3:6 at 11:5, kung saan ang pandiwa ay tumutukoy sa pagtutuwid ng isang tao sa landas niya. Puwede ring tumukoy ang pandiwang ito sa ibang bagay, gaya ng pag-aararo nang tuwid ng isang magsasaka. Alinman dito ang pinagbatayan ni Pablo, sinasabi lang niya kay Timoteo na kapag nagtuturo ito ng Salita ng Diyos, dapat niya itong gamitin nang tama at ipaliwanag nang may katumpakan at hindi siya dapat lumihis o mawala sa pokus dahil lang sa pakikipagdebate tungkol sa mga opinyon, salita, at iba pang walang-katuturang mga bagay.—2Ti 2:14, 16.

walang-saysay na mga usapan: Lit., “walang-saysay na mga tunog.” Gumamit dito si Pablo ng ekspresyong Griego na nangangahulugang “usapan na walang katuturan,” kaya sa ibang salin ng Bibliya, ginamit ang ekspresyong “usapang hindi kapupulutan ng aral” at “usapang walang kapupuntahan.” Ang ganitong usapan ay batay lang sa mga haka-haka, hindi sa mapananaligang katotohanan mula sa Salita ng Diyos. Wala itong saysay dahil hindi ito nakakapagpatibay ng pananampalataya. (1Ti 1:6; 2Ti 4:4; Tit 3:9) At mas masama pa, puwede itong lumapastangan sa kung ano ang banal, dahil kadalasan nang hinahamak nito ang mga bagay na may kaugnayan sa Diyos. Ang mga taong sumasali sa ganitong usapan ay nagtataguyod ng mga kaisipan ng tao sa halip na mga katotohanan mula sa Salita ng Diyos. Binabalaan ni Pablo si Timoteo na huwag makisali dito.—1Ti 4:7 at study note; 2Ti 2:16.

di-makadiyos: O “walang galang sa Diyos.” Ginagamit sa Kasulatan ang salitang Griego na a·seʹbei·a at mga kaugnay na termino nito para tumukoy sa kawalan ng paggalang sa Diyos at pagsuway pa nga sa kaniya. (Jud 14, 15) Kabaligtaran ito ng terminong eu·seʹbei·a, na isinasaling “makadiyos na debosyon; pagkamakadiyos.” Makikita ito sa paglilingkod, debosyon, at pagsamba ng isang tao sa Diyos.​—Gaw 3:12; 1Ti 2:2; 4:7, 8; 2Ti 3:5, 12.

walang-saysay na mga usapan: Tingnan ang study note sa 1Ti 6:20.

di-makadiyos na paggawi: Tingnan ang study note sa Ro 1:18.

Gustong-gusto niyang makipagtalo: Ang pandiwang Griego para sa “gustong-gusto” ay literal na nangangahulugang “may sakit,” pero ginamit ito dito sa makasagisag na paraan. Puwede ring isalin ang pariralang ito na “Nahihibang siya sa pakikipagtalo.” Kabaligtaran ito ng “kapaki-pakinabang na mga tagubilin” mula kay Kristo na kababanggit lang ni Pablo.—Tingnan ang study note sa 1Ti 6:3.

sinasabi nilang nangyari na ang pagkabuhay-muli: Lumilitaw na may ilang huwad na mga guro sa Efeso, gaya nina Himeneo at Fileto, na nagtuturong binuhay nang muli sa makasagisag na paraan ang mga nakaalay na Kristiyano. Posible pa ngang pinipilipit ng ilan sa kanila ang sinabi ni Pablo para masuportahan ang maling paniniwala nila. Totoo, itinuro ni Pablo na kapag nabautismuhan ang isang makasalanan, namatay na siya sa dating paraan ng pamumuhay niya at para bang binuhay na siyang muli. Pero kahit totoo ang makasagisag na pagkabuhay-muli, may itinuturo pa rin ang Bibliya na literal na pagkabuhay-muli. Ang mga nagtuturo na “nangyari na” ang pagkabuhay-muli at walang literal na pagkabuhay-muli ay mga apostata.—Ro 6:2-4, 11; Efe 5:14; tingnan ang study note sa Efe 2:1.

ibinigay ko sila kay Satanas: Lumilitaw na nangangahulugan itong itiniwalag sila sa kongregasyon. Kailangang gawin iyon ni Pablo dahil ang mga lalaking ito na binanggit niya ay sadyang gumagawa ng kasalanan at hindi nagsisisi.—Tingnan ang study note sa 1Co 5:5.

bilang disiplina para matuto: Sinabi dito ni Pablo ang isang dahilan kung bakit ‘ibinibigay kay Satanas,’ o itinitiwalag sa kongregasyon, ang mga makasalanan na hindi nagsisisi. (Tingnan ang study note sa ibinigay ko sila kay Satanas sa talatang ito.) Nawasak ang pananampalataya ng dalawang lalaking tinukoy ni Pablo, kaya kinailangan silang itiwalag para “matuto silang huwag mamusong.” (Tingnan ang study note sa 1Ti 1:19.) Maliwanag na hindi sila itiniwalag para lang parusahan, kundi para turuan din sila. Gaya nga ng sabi ng isang reperensiya, “baka may pag-asa pang magbago sila.”

ganggrena: O “sugat na kumakain ng laman.” Ang terminong Griego na gagʹgrai·na ay tumutukoy sa isang sakit na kadalasan nang mabilis na kumalat at nakamamatay kung pababayaan. Ginamit ni Pablo ang terminong ito para tumukoy sa turo ng mga apostata at sa “walang-saysay na mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal.” (2Ti 2:16-18) Madalas niyang pagkumparahin ang mga turong ito na nakasasama sa espirituwal at ang mga turong nakabatay sa Salita ng Diyos na inilalarawan niyang “kapaki-pakinabang [lit., “nakapagpapalusog”].” (1Ti 1:10; 6:3; 2Ti 1:13; Tit 1:9; 2:1; tingnan din ang study note sa 1Ti 6:4.) Nang gamitin ni Pablo ang ekspresyong “kakalat na tulad ng ganggrena,” idiniriin niya na ang walang-saysay na mga usapan at maling mga turo ay puwedeng mabilis na kumalat sa loob ng kongregasyon at makamatay sa espirituwal.—1Co 12:12-27.

Kasama sa mga nagpapakalat nito sina Himeneo at Fileto: Kasama sina Himeneo at Fileto sa mga apostata, at dapat iwasan ni Timoteo ang mga turo nila. Iniwan nila ang katotohanan at nasisira nila ang pananampalataya ng iba dahil sa maling mga turo nila, gaya ng pagsasabing nangyari na ang pagkabuhay-muli. (Tingnan ang study note sa 2Ti 2:18.) Nang isulat ni Pablo ang unang liham niya kay Timoteo, tinalikuran na ni Himeneo ang pananampalataya. Lumilitaw na itiniwalag na siya “bilang disiplina para matuto [siyang] huwag mamusong.” (Tingnan ang mga study note sa 1Ti 1:20.) Pero isang taon na ang nakakalipas o posibleng higit pa, hindi pa rin siya nagbabago.

patay kayo dahil sa inyong mga pagkakamali at kasalanan: Sa Bibliya, ginagamit kung minsan ang kamatayan at buhay sa makasagisag, o espirituwal, na diwa. Sinasabi dito ni Pablo na ang mga Kristiyano sa Efeso ay ‘patay noon dahil sa kanilang mga pagkakamali at kasalanan.’ Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego para sa “patay” sa talatang ito ay nangangahulugang “pagiging bagsak sa moral at espirituwal ng isang tao, at dahil doon, maituturing siyang patay.” Pero ipinapakita dito ni Pablo na para kay Jehova, buháy ang mga pinahirang Kristiyano dahil pinagsisihan na nila ang makasalanan nilang pamumuhay at nanampalataya sila sa hain ni Jesus.—Efe 2:5; Col 2:13; tingnan ang study note sa Luc 9:60; Ju 5:24, 25.

Kung nanghahawakan kayo nang mahigpit sa mabuting balita: Sa Corinto, may mga nagdududa sa pagkabuhay-muli, na isa sa “unang mga doktrina” ng Kristiyanismo. (Heb 6:1, 2) May mga nagsasabi na “walang pagkabuhay-muli.” (1Co 15:12) Binanggit ni Pablo na may mga nangangatuwiran: “Kumain tayo at uminom, dahil bukas ay mamamatay tayo.” (1Co 15:32) Posibleng sinisipi niya ang Isa 22:13, pero kitang-kita rin sa pananalitang iyan ang impluwensiya ng mga Griegong pilosopo gaya ni Epicurus, na hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli. (Gaw 17:32; tingnan ang study note sa 1Co 15:32.) Puwede ring may mga Judiong miyembro ng kongregasyon na naimpluwensiyahan ng mga Saduceo, na nagsasabing walang pagkabuhay-muli. (Mar 12:18) At posibleng may mga naniniwala na espirituwal lang ang pagkabuhay-muli at naranasan na iyon ng mga Kristiyanong nabubuhay noong panahong iyon. (2Ti 2:16-18) Kung hindi ‘manghahawakan nang mahigpit sa mabuting balita’ ang mga taga-Corinto, magiging walang saysay ang pagiging mánanampalatayá nila—hindi nila makakamit ang pag-asa nila.—Tingnan ang study note sa 1Co 15:12.

sinasabi nilang nangyari na ang pagkabuhay-muli: Lumilitaw na may ilang huwad na mga guro sa Efeso, gaya nina Himeneo at Fileto, na nagtuturong binuhay nang muli sa makasagisag na paraan ang mga nakaalay na Kristiyano. Posible pa ngang pinipilipit ng ilan sa kanila ang sinabi ni Pablo para masuportahan ang maling paniniwala nila. Totoo, itinuro ni Pablo na kapag nabautismuhan ang isang makasalanan, namatay na siya sa dating paraan ng pamumuhay niya at para bang binuhay na siyang muli. Pero kahit totoo ang makasagisag na pagkabuhay-muli, may itinuturo pa rin ang Bibliya na literal na pagkabuhay-muli. Ang mga nagtuturo na “nangyari na” ang pagkabuhay-muli at walang literal na pagkabuhay-muli ay mga apostata.—Ro 6:2-4, 11; Efe 5:14; tingnan ang study note sa Efe 2:1.

sinisira nila ang pananampalataya: Mga 10 taon nang nilalabanan ni Pablo ang maling mga turo na kumokontra sa pag-asang pagkabuhay-muli. (1Co 15:2 at study note, 12; ihambing ang Gaw 17:32.) Ang mga nagsasabing hindi totoo ang pagkabuhay-muli at pagiging perpekto sa hinaharap, sa langit man o sa lupa, ay tuwirang sumasalungat sa Kasulatan. (Dan 12:13; Luc 23:43; 1Co 15:16-20, 42-44) Kung hahayaan ng mga Kristiyano na masira ng maling turo tungkol sa pagkabuhay-muli ang pananampalataya nila, mawawala ang pag-asa nilang mabuhay muli sa hinaharap.—Ju 5:28, 29.

isang haligi at pundasyon ng katotohanan: Gumamit si Pablo ng dalawang terminong pang-arkitektura para ilarawan ang kongregasyong Kristiyano. Ang matitibay na haligi ay makikita sa maraming malalaking gusali noong panahon ni Pablo; kadalasan nang sinusuportahan ng mga ito ang mabibigat na bubong. Malamang na nasa isip ni Pablo ang templo sa Jerusalem o iba pang malalaking gusali sa Efeso, kung saan nakatira si Timoteo nang panahong iyon. (Ginamit din ni Pablo ang terminong “haligi” sa Gal 2:9. Tingnan ang study note.) Dito sa 1Ti 3:15, tinawag ni Pablo ang buong kongregasyong Kristiyano na isang haliging sumusuporta sa katotohanan. Ginamit din ni Pablo ang isa pang salitang Griego na isinalin namang “pundasyon,” na puwede ring isaling “tanggulan.” Ginamit ni Pablo ang dalawang salitang ito para idiin na dapat suportahan at ipagtanggol ng kongregasyon ang sagradong mga katotohanan sa Salita ng Diyos. Partikular nang pinapayuhan ang mga tagapangasiwa sa kongregasyon na ‘gamitin nang tama ang salita ng katotohanan.’ (2Ti 2:15) Gusto ni Pablo na magawa agad ito ni Timoteo. Kailangan niyang gawin ang lahat ng makakaya niya para mapatibay ang kongregasyon bago lumaganap ang apostasya.

ang kaniyang tatak: Noong panahon ng Bibliya, ginagamit ang pantatak bilang indikasyon ng pagmamay-ari, kasunduan, o pagiging tunay ng isang bagay. Sa kaso ng mga pinahirang Kristiyano, makasagisag silang tinatakan ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu para ipakita na pagmamay-ari niya sila at may pag-asa silang mabuhay sa langit.—Efe 1:13, 14.

tinatakan kayo: Noong panahon ng Bibliya, ginagamit ang pantatak bilang indikasyon ng pagmamay-ari, kasunduan, o pagiging tunay ng isang bagay. Sa kaso ng mga pinahirang Kristiyano, makasagisag silang tinatakan ng banal na espiritu ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo para ipakita na pagmamay-ari sila ng Diyos at may pag-asa silang mabuhay sa langit.—Tingnan ang study note sa 2Co 1:22.

nakilala na ninyo ang Diyos: Dahil sa pangangaral ni Pablo, “nakilala” ng maraming Kristiyano sa Galacia ang Diyos. Ang pandiwang isinaling “nakilala” sa talatang ito ay nagpapahiwatig ng magandang ugnayan sa pagitan ng magkakilala. (1Co 8:3; 2Ti 2:19) Kaya para ‘makilala ang Diyos,’ hindi sapat na alamin lang ang mga pangunahing katotohanan tungkol sa kaniya. Kailangan nating magkaroon ng malapít na kaugnayan sa kaniya.—Tingnan ang study note sa Ju 17:3.

o mas tamang sabihin, ngayong nakilala na kayo ng Diyos: Sa paggamit ni Pablo ng pananalitang ito, ipinakita niya na para ‘makilala ng isang tao ang Diyos,’ dapat na kilala rin siya, o sinasang-ayunan, ng Diyos. Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego para sa “makilala” ay nangangahulugang “magkaroon ng malapít na kaugnayan sa isa at makita ang kaniyang personalidad o halaga.” Kaya para makilala ng Diyos ang isang tao, dapat siyang mamuhay kaayon ng pamantayan, pamamaraan, at personalidad ng Diyos.

matibay na pundasyon ng Diyos: Hindi sinabi ni Pablo kung ano ang tinutukoy niya ditong “matibay na pundasyon,” pero sa ibang mga liham niya, ginamit niya ang terminong “pundasyon” para tumukoy sa katatagan at pagkamaaasahan. Halimbawa, ikinumpara niya sa pundasyon ang papel ni Jesus sa layunin ni Jehova. (1Co 3:11) Sa Efe 2:20, may binanggit si Pablo na “pundasyon ng mga apostol at mga propeta.” At ganiyan din ang pagkakalarawan niya sa kongregasyong Kristiyano. (Tingnan ang study note sa 1Ti 3:15; tingnan din ang Heb 6:1.) Sa dalawang naunang talata (2Ti 2:17, 18), hinimok ni Pablo si Timoteo na labanan ang apostatang mga turo. Para patibayin si Timoteo na laging maaasahan at hindi nagbabago ang mga pamantayan, gawain, at katangian ni Jehova, ginamit ng apostol ang ekspresyong “nananatiling matatag ang matibay na pundasyon ng Diyos.”—Aw 33:11; Mal 3:6; San 1:17.

kung saan nakasulat: O “na may ganitong tatak.” Puwede itong tumukoy sa marka ng isang pantatak o sa isang inskripsiyon na indikasyon ng pagmamay-ari o pagiging tunay ng isang bagay. (Tingnan sa Glosari, “Pantatak; Tatak.”) Karaniwan lang noon na makakita ng inskripsiyon sa isang pundasyon o iba pang bahagi ng gusali na nagpapakilala sa nagtayo o sa may-ari nito o nagsasabi kung para saan ang gusaling ito. (Ihambing ang study note sa 2Co 1:22; Efe 1:13.) May binabanggit sa Apocalipsis na mga batong pundasyon kung saan nakasulat ang pangalan ng mga apostol. (Apo 21:14) May dalawang mahalagang ekspresyon sa “tatak” na binabanggit dito ni Pablo, gaya ng ipapaliwanag sa susunod na mga study note.

“Kilala ni Jehova kung sino ang sa kaniya”: Nang sumipi si Pablo sa Bil 16:5, lumilitaw na ginamit niya ang ulat tungkol sa rebelyon nina Kora, Datan, at Abiram para tiyakin kay Timoteo na kilala ni Jehova kung sino ang mga nagrerebelde sa Kaniya. Kayang pigilan ni Jehova ang kasamaan nila, at siguradong gagawin niya iyon. Kung paanong pinigilan ni Jehova si Kora at ang mga tagasuporta niya daan-daang taon na ang nakalilipas, hindi rin niya hahayaan ang mga apostata noong unang siglo na hadlangan ang layunin niya. Pero gaya ng sabi ni Moises, alam din ni Jehova kung sino ang mga tapat sa Kaniya. Kilalang-kilala niya sila, at ipinapadama niya na sinasang-ayunan niya sila.—Tingnan ang mga study note sa Gal 4:9.

Jehova: Dito, sumipi si Pablo sa Bil 16:5 (salin ng Septuagint), kung saan sinabi ni Moises kay Kora at sa mga tagasuporta nito na “kilala [ni Jehova] kung sino ang sa kaniya.” Ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo. Kaya tama lang na gamitin sa mismong teksto ng saling ito ang pangalang Jehova.—Tingnan ang Ap. C1 at C2.

“Talikuran ng lahat ng tumatawag sa pangalan ni Jehova ang kasamaan”: Makikita sa pagkakasulat ni Pablo na sinipi niya ang bahaging ito. Pero hindi makikita ang eksaktong pananalitang ito sa Hebreong Kasulatan. Kakasipi lang ni Pablo mula sa Bilang kabanata 16, kung saan mababasa ang ulat ng pagrerebelde ni Kora. Kaya posibleng ang sinipi niya ay ang sinabi ni Moises sa Bil 16:26. Kailangang magdesisyon agad ang mga tapat kay Jehova noong panahon ni Moises at humiwalay sa masasama. Kaya pinapatibay din ni Pablo si Timoteo at ang iba pang tapat na mga Kristiyano na layuan, o tanggihan, ang lahat ng uri ng kasamaan, kasama na ang mga binanggit ni Pablo sa konteksto—pag-aaway tungkol sa mga salita, “walang-saysay na mga usapan,” apostatang mga turo, at “walang-patutunguhan at walang-kabuluhang mga debate.”—2Ti 2:14, 16, 18, 23.

tumatawag sa pangalan ni Jehova: Ang bahaging ito ng sinabi ni Pablo ay posibleng galing sa salin ng Septuagint sa Isa 26:13. Ipinapakita sa orihinal na tekstong Hebreo na ang ‘pangalang’ ito ay tumutukoy sa pangalan ng Diyos.—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 2Ti 2:19b.

sisidlan: Ipinagpatuloy dito ni Pablo ang ilustrasyon niya tungkol sa magpapalayok. (Tingnan ang study note sa Ro 9:21.) Ang salitang Griego na skeuʹos ay literal na tumutukoy sa anumang klase ng sisidlan. Pero sa Kasulatan, madalas itong gamitin para tumukoy sa mga tao. (Gaw 9:15, tlb.; 2Ti 2:20, tlb.) Halimbawa, ang mga Kristiyano ay inihalintulad sa mga sisidlang luwad na pinagkatiwalaan ng isang mahalagang kayamanan, ang ministeryo. (2Co 4:1, 7) Sa konteksto ng Ro 9:21-23, makikita na hindi pa pinupuksa ng Diyos ang masasamang tao, o ang mga sisidlan ng poot, para maligtas ang mga wastong nakaayon. Magbibigay ito sa kanila ng sapat na panahon para mahubog ng Diyos at maging “mga sisidlan ng awa.”​—Ro 9:23.

katawan: Lit., “sisidlan.” Ikinumpara ni Pablo ang katawan ng tao sa isang sisidlan. Para magawa ng isang tao na “kontrolin ang kaniyang katawan para mapanatili itong banal,” kailangan niyang iayon sa banal na pamantayang moral ng Diyos ang kaniyang kaisipan at hangarin. Ang terminong Griego para sa “sisidlan” ay ginamit din sa makasagisag na paraan sa Gaw 9:15, tlb.; Ro 9:22; at 2Co 4:7.

sa isang malaking bahay ay may mga kagamitang: Inihalintulad ni Pablo sa “isang malaking bahay” ang kongregasyong Kristiyano at sa ‘kagamitan,’ o sisidlan, ang bawat miyembro ng kongregasyon. Ang salitang Griego para sa ‘kagamitan,’ o “sisidlan,” ay kadalasan nang ginagamit sa Kasulatan para tumukoy sa tao. (Gaw 9:15, tlb.; Ro 9:22 at study note; 1Te 4:4 at study note; 1Pe 3:7) Sa sumunod na mga talata (2Ti 2:21-26), ginamit ni Pablo ang ilustrasyong ito para himukin si Timoteo na iwasang maging malapít sa sinuman sa kongregasyon na masuwayin sa mga pamantayan ni Jehova.

sa isang malaking bahay ay may mga kagamitang: Inihalintulad ni Pablo sa “isang malaking bahay” ang kongregasyong Kristiyano at sa ‘kagamitan,’ o sisidlan, ang bawat miyembro ng kongregasyon. Ang salitang Griego para sa ‘kagamitan,’ o “sisidlan,” ay kadalasan nang ginagamit sa Kasulatan para tumukoy sa tao. (Gaw 9:15, tlb.; Ro 9:22 at study note; 1Te 4:4 at study note; 1Pe 3:7) Sa sumunod na mga talata (2Ti 2:21-26), ginamit ni Pablo ang ilustrasyong ito para himukin si Timoteo na iwasang maging malapít sa sinuman sa kongregasyon na masuwayin sa mga pamantayan ni Jehova.

magagamit siya: Tingnan ang study note sa 2Ti 2:20.

Itaguyod: Ang salitang Griego na isinaling “itaguyod” ay nangangahulugang “habulin.” Sa makasagisag na diwa, tumutukoy ito sa matinding pagsisikap na abutin ang isang bagay. Na kay Timoteo na ang magagandang katangiang binanggit ni Pablo, pero kailangan pa rin niyang patuloy na pasulungin ang mga iyon sa buong buhay niya. Hinimok din ni Pablo si Timoteo na layuan, o takasan, ang masama, gaya ng materyalismo. (1Ti 6:9, 10) Para kay Pablo, talagang masama ang materyalismo pero nakakabuti ang paglinang ng mga katangian ng Diyos. Kaya pinayuhan niya si Timoteo na tumakas sa materyalismo at habulin, o linangin, ang mga katangian ng Diyos.—Mat 6:24; 1Co 6:18 at study note; 10:14; 2Ti 2:22.

pagiging kabataan mo: Posibleng nasa mahigit 30 anyos si Timoteo nang mga panahong ito, at mahigit isang dekada na siyang sinasanay ni apostol Pablo. Posibleng mga ganito rin ang edad ni Pablo nang una siyang iulat sa Bibliya. Sa Gaw 7:58 (tlb.), tinawag ni Lucas si Saul (Pablo) na ‘kabataang lalaki,’ gamit ang isang salitang Griego na kaugnay ng salita para sa “kabataan” na ginamit dito sa 1Ti 4:12. Gayundin, sa Septuagint, ang terminong Griego na isinasaling “kabataan” ay tumutukoy kung minsan sa mga may asawa. (Kaw 5:18; Mal 2:14, 15; LXX) Sa mga Griego at Romano noon, itinuturing pa ring bata at kulang sa karunungan ang mga lalaking mahigit 30 anyos na. Malamang na mas bata si Timoteo sa ilang lalaki na kailangan niyang payuhan o atasan bilang matandang lalaki, kaya posibleng nag-aalangan siyang gamitin ang awtoridad niya. (1Ti 1:3; 4:3-6, 11; 5:1, 19-22) Siguradong nakapagpalakas ng loob ni Timoteo ang sinabi sa kaniya ni Pablo na “hindi dapat hamakin ng sinuman ang pagiging kabataan” niya.

Tumakas kayo mula sa seksuwal na imoralidad!: Ang salitang Griego na pheuʹgo ay nangangahulugang “tumakas; tumakbo palayo.” Ginamit ni Pablo ang salitang ito para himukin ang mga Kristiyano sa Corinto na tumakas mula sa seksuwal na imoralidad. May mga nagsasabi na nasa isip dito ni Pablo ang ulat tungkol kay Jose na literal at walang pagdadalawang-isip na tumakas mula sa asawa ni Potipar. Sa salin ng Septuagint sa Gen 39:12-18, ang salitang Griego na ginamit para sa “tumakas” ay ang salita ring ginamit dito. Sa orihinal na Griego, ang utos sa 1Co 6:18 ay nasa panahunang pangkasalukuyan, gaya ng makikita sa Kingdom Interlinear. Ipinapakita nito na kailangan nating “tumakas” nang patuluyan at paulit-ulit.

Itaguyod mo ang katuwiran: Sa mga katangiang sinabi ni Pablo na dapat linangin ni Timoteo, una niyang binanggit ang “katuwiran.” (Tingnan din ang 2Ti 2:22.) Noong panahong iyon, isa nang nakaalay at pinahirang Kristiyano si Timoteo kaya “ipinahayag na [siyang] matuwid.” (Ro 5:1) Pero kailangan niyang patuloy na ibigay ang buong makakaya niya sa pagsunod sa pamantayan ng Diyos ng tama at mali para maitaguyod niya ang katuwiran.—Tingnan sa Glosari, “Katuwiran”; tingnan din ang study note sa Efe 6:14.

tumatawag sa pangalan ni Jehova: Malawak ang kahulugan ng pagtawag sa pangalan ni Jehova; higit pa ito sa pag-alam at paggamit ng pangalan ng Diyos. Ang ekspresyong “tumawag sa pangalan [ng isa]” ay ginagamit din sa Hebreong Kasulatan. Dito, sumipi si Pablo sa Joe 2:32, kung saan idiniriin sa konteksto ang tunay na kapatawaran at pagtitiwala sa pagiging mapagpatawad ni Jehova. (Joe 2:12, 13) Noong Pentecostes 33 C.E., sinipi rin ni Pedro ang hulang ito ni Joel at pinayuhan ang kaniyang mga tagapakinig na magsisi at kumilos para makuha ang pagsang-ayon ni Jehova. (Gaw 2:21, 38) Makikita rin sa ibang konteksto na kasama sa pagtawag sa pangalan ng Diyos ang pagkilala sa kaniya, pagtitiwala, at paghingi ng tulong at patnubay niya. (Aw 20:7; 99:6; 116:4; 145:18) Sa ibang konteksto naman, ang pagtawag sa pangalan ni Jehova ay nangangahulugang paghahayag sa pangalan niya at mga katangian. (Gen 12:8; ihambing ang Exo 34:5, kung saan ang kaparehong Hebreong ekspresyon ay isinaling “ipinahayag ang pangalan ni Jehova.”) Sa kasunod na talata ng Ro 10:13, iniugnay ni Pablo ang pagtawag sa pangalan ng Diyos sa pananampalataya sa Kaniya.​—Ro 10:14.

mahalin natin ang isa’t isa nang may malinis na puso: Sa talatang ito, iniugnay ni Pablo ang mapagsakripisyong pag-ibig ng isang Kristiyano sa “malinis na puso at konsensiya at . . . pananampalatayang walang pagkukunwari.” Kapag malinis ang puso, o pagkatao, ng isang Kristiyano, malinis siya sa moral at sa espirituwal. Malinis ang motibo niya at tapat siya kay Jehova. (Mat 5:8 at study note) Ang malinis na puso niya ang nag-uudyok sa kaniya na magpakita ng tunay na pag-ibig sa kapuwa.

tumakas . . . itaguyod: Tingnan ang study note sa 1Ti 6:11.

pagnanasang karaniwan sa mga kabataan: Nang tanggapin ni Timoteo ang liham na ito, posibleng mahigit 30 anyos na siya. (Tingnan ang study note sa 1Ti 4:12.) Pero hinimok pa rin siya ni Pablo na “tumakas . . . mula sa mga pagnanasang karaniwan sa mga kabataan,” o magkaroon ng disiplina sa sarili para malabanan ang mga pagnanasang ito. (Ec 11:9, 10) Kasama dito ang imoral na seksuwal na pagnanasa. (Kaw 7:7-23; tingnan ang study note sa 1Co 6:18.) Puwede rin itong tumukoy sa pagiging sakim sa materyal na mga bagay at kapangyarihan, sa hilig na makipagkompetensiya, at sa sobra-sobrang pagpapalugod sa sarili.—Kaw 21:17; Luc 12:15; Gal 5:26; 1Ti 6:10; 2Ti 3:4; Heb 13:5.

itaguyod mo ang katuwiran: Tingnan ang study note sa 1Ti 6:11.

mga tumatawag sa Panginoon: Pinasigla ni Pablo si Timoteo na makipagsamahan sa mga kapananampalataya niyang sinasabi dito ni Pablo na “mga tumatawag sa Panginoon.” (Tingnan ang study note sa Ro 10:13.) Mabubuting kasama ang mga Kristiyanong ito dahil may malinis na puso sila. Malinis sila sa moral at espirituwal, dahil wala silang masamang motibo at buong puso silang naglilingkod kay Jehova. (Tingnan ang study note sa 1Ti 1:5.) Matutulungan nila si Timoteo na tumakas mula sa mga pagnanasang karaniwan sa mga kabataan at magkaroon ng mabubuting katangian.

Panginoon: Batay sa konteksto, lumilitaw na ang “Panginoon” dito ay tumutukoy sa Diyos na Jehova. (2Ti 2:19) Sa ilang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J7, 8, 17, 22 sa Ap. C4), ginamit dito ang pangalan ng Diyos.

huwag pag-awayan ang mga salita: Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Efeso na huwag mag-away tungkol sa mga salita, na isang kaugaliang lumilitaw na pinasimulan ng huwad na mga guro. Ang terminong Griego na isinaling “pag-awayan ang mga salita” ay kombinasyon ng pangngalan para sa “salita” at pandiwa para sa “pag-awayan.” Hindi makikita ang ekspresyong ito sa mga akdang isinulat bago ang mga liham ni Pablo. Sa unang liham ni Pablo kay Timoteo, ginamit niya ang isang kaugnay na pangngalang literal na nangangahulugang “pakikipaglaban tungkol sa mga salita.” (Tingnan ang study note sa 1Ti 6:4.) Posibleng tungkol ito sa maliliit na kaibahan sa kahulugan ng mga salita, pero masama at kapaha-pahamak pa nga ang resulta ng ganitong pagtatalo.

mga pag-aalinlangan: Tinukoy dito ni Pablo ang isang panganib kung magbibigay-pansin ang mga Kristiyano sa mga kuwentong di-totoo at sa mga talaangkanan. (Tingnan ang study note sa mga kuwentong di-totoo at mga talaangkanan sa talatang ito.) Ginamit niya ang salitang Griego na nangangahulugang “walang-kabuluhang espekulasyon,” ayon sa isang diksyunaryo. Ayon sa isa pang reperensiya, ang ganitong mga espekulasyon ay “mga tanong na walang sagot at hindi naman talaga kailangang sagutin.” Binanggit ni Pablo na hindi ito kasama sa “mga paglalaan ng Diyos para mapatibay ang ating pananampalataya.” Ang ganitong mga pag-aalinlangan ay ibang-iba sa taimtim na pagtatanong at pangangatuwiran na may matibay na basehan sa Kasulatan at nakakapagpatibay ng pananampalataya. (Gaw 19:8; 1Co 1:10) Walang kabuluhan kung pag-uusapan ang mga espekulasyon na ito, pati na ang kaduda-dudang sagot sa mga ito, dahil puwede nitong sirain ang pagkakaisa ng mga Kristiyano.

walang-saysay na mga usapan: Lit., “walang-saysay na mga tunog.” Gumamit dito si Pablo ng ekspresyong Griego na nangangahulugang “usapan na walang katuturan,” kaya sa ibang salin ng Bibliya, ginamit ang ekspresyong “usapang hindi kapupulutan ng aral” at “usapang walang kapupuntahan.” Ang ganitong usapan ay batay lang sa mga haka-haka, hindi sa mapananaligang katotohanan mula sa Salita ng Diyos. Wala itong saysay dahil hindi ito nakakapagpatibay ng pananampalataya. (1Ti 1:6; 2Ti 4:4; Tit 3:9) At mas masama pa, puwede itong lumapastangan sa kung ano ang banal, dahil kadalasan nang hinahamak nito ang mga bagay na may kaugnayan sa Diyos. Ang mga taong sumasali sa ganitong usapan ay nagtataguyod ng mga kaisipan ng tao sa halip na mga katotohanan mula sa Salita ng Diyos. Binabalaan ni Pablo si Timoteo na huwag makisali dito.—1Ti 4:7 at study note; 2Ti 2:16.

Iwasan mo rin ang walang-patutunguhan at walang-kabuluhang mga debate: Sa ikatlong pagkakataon, sinabihan ni Pablo si Timoteo sa liham na ito na paalalahanan ang mga Kristiyano sa Efeso na tigilan na ang pagtatalo tungkol sa mga haka-haka at kontrobersiyal na mga bagay. (2Ti 2:14 at study note, 16) May ganito ring isyu na binanggit si Pablo sa una niyang liham kay Timoteo.—Tingnan ang study note sa 1Ti 1:4; 6:20.

walang-kabuluhang: Inilarawan ni Pablo ang pagdedebate ng mga taga-Efeso na ‘walang kabuluhan,’ o sa mas literal na salin, “debate ng mga walang pinag-aralan.” Posibleng ginamit ni Pablo ang salitang ito para ipahiwatig na kapag sumasali sa ganitong mga debate ang isang Kristiyano, para bang wala siyang alam sa pangunahing turo ng mga Kristiyano at daig pa siya ng bata. Maliwanag, hindi naipapakita ng ganitong mga Kristiyano ang pangunahing turo ni Kristo—ang pag-ibig.—Ju 13:34, 35.

isang alipin ni Kristo Jesus: Kadalasan na, ang terminong Griego na douʹlos, na isinasaling “isang alipin,” ay tumutukoy sa isang tao na pag-aari ng iba, karaniwan na, sa isang alipin na binili. (Mat 8:9; 10:24, 25; 13:27) Ginagamit din ang terminong ito sa makasagisag na paraan para tumukoy sa nakaalay na mga lingkod ng Diyos at ni Jesu-Kristo. (Gaw 2:18; 4:29; Gal 1:10; Apo 19:10) Binili ni Jesus ang lahat ng Kristiyano nang ibigay niya ang buhay niya bilang haing pantubos. Kaya hindi na pag-aari ng mga Kristiyano ang sarili nila, kundi itinuturing nila ang sarili nila na “alipin ni Kristo.” (Efe 6:6; 1Co 6:19, 20; 7:23; Gal 3:13) Sa mga liham sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na naglalaman ng payo sa mga kongregasyon, tinukoy ng mga manunulat ang sarili nila bilang “alipin ni Kristo” nang di-bababa sa isang beses. Ipinapakita lang nito na nagpapasakop sila kay Kristo, na kanilang Panginoon.​—Ro 1:1; Gal 1:10; San 1:1; 2Pe 1:1; Jud 1; Apo 1:1.

magpaalipin: O “maglingkod.” Ang pandiwang Griego na isinaling “magpaalipin” ay tumutukoy sa paglilingkod ng isang alipin, partikular na sa isang indibidwal na may-ari sa kaniya. Dito, ginamit ang termino sa makasagisag na diwa para tumukoy sa paglilingkod sa Diyos nang may buong debosyon. (Gaw 4:29; Ro 6:22; 12:11) Alam ni Pablo na kung ang isa ay ‘magpapaalipin sa buháy at tunay na Diyos,’ magiging maligaya siya, di-gaya ng mga nagpapaalipin sa mga walang-buhay na idolo, mga tao, o sa kasalanan.—Ro 6:6; 1Co 7:23; tingnan ang study note sa Mat 6:24; Ro 1:1.

naging mapagmahal at mabait: Lit., “naging banayad.” Mahal na mahal ni Pablo at ng mga kasamahan niya ang mga kapatid sa Tesalonica, at gustong-gusto nilang sumulong ang mga ito sa espirituwal. (1Te 2:8) Pero sa ilang salin, ang mababasa dito ay “naging bata” o “naging sanggol.” Nagkaroon ng ganitong pagkakaiba dahil may mga manuskritong Griego na gumamit ng salitang nangangahulugang “mapagmahal at mabait” (eʹpi·oi), at may iba naman na ang salitang ginamit ay nangangahulugang “sanggol; bata” (neʹpi·oi). Isang letra lang ang kaibahan ng dalawang salitang ito. Ayon sa ilang iskolar, posibleng nagkaroon ng ganitong pagkakaiba sa mga manuskrito dahil di-sinasadyang nadoble ng mga eskriba ang letrang Griego na “n” na galing sa naunang salita. Tinatawag ang pagkakamaling ito na dittography. Pero batay sa konteksto at sa paghahalintulad sa isang ina na ginamit sa talatang ito, mas makatuwiran ang saling “mapagmahal at mabait,” na ginamit sa maraming makabagong salin.

kuwalipikadong magturo: Dapat na isang mahusay na guro ang isang tagapangasiwa—kaya niyang ituro nang malinaw sa mga kapananampalataya niya ang mga katotohanan at prinsipyo sa Bibliya. Sa liham ni Pablo kay Tito, sinabi niya na ang isang tagapangasiwa ay dapat na “mahigpit na nanghahawakan sa mapananaligang mensahe pagdating sa kaniyang paraan ng pagtuturo” para mapatibay, mapayuhan, at maituwid niya ang iba. (Tit 1:5, 7, 9 at mga study note) Ginamit din ni Pablo ang ekspresyong “kuwalipikadong magturo” sa ikalawang liham niya kay Timoteo. Sinabi niya doon na “ang alipin ng Panginoon” ay dapat na may pagpipigil sa sarili at “mahinahong nagtuturo sa mga rebelyoso.” (2Ti 2:24, 25) Kaya dapat na may kakayahan ang isang tagapangasiwa na mangatuwiran batay sa Kasulatan sa nakakakumbinsing paraan, magbigay ng mahusay na payo, at maabot ang puso ng mga tagapakinig niya. (Tingnan ang study note sa Mat 28:20.) Dapat na masipag siyang mag-aral ng Salita ng Diyos, dahil ang mga tuturuan niya ay nag-aaral din ng Bibliya.

sumampal sa kanang pisngi mo: Sa kontekstong ito, ang pandiwang Griego na rha·piʹzo ay isinaling “sumampal.” Malamang na ginagawa ito para manggalit o mang-insulto, hindi para manakit. Kaya itinuturo ni Jesus na dapat na handang magtiis ng pang-iinsulto ang mga tagasunod niya nang hindi gumaganti.

alipin: Karaniwan na, ang terminong Griego na isinasaling “alipin” ay tumutukoy sa isang tao na pag-aari ng kapuwa niya. (Tit 1:1; San 1:1; tingnan ang study note sa Ro 1:1.) Ganito ang sabi ng isang reperensiya tungkol sa 2Ti 2:24: “Itinuturing na hamak ang isang alipin na pag-aari ng kapuwa niya, pero isang malaking karangalan na maging alipin ng Diyos.”—Tingnan ang study note sa 1Te 1:9.

alipin ng Panginoon: Batay sa konteksto, lumilitaw na ang “Panginoon” dito ay tumutukoy sa Diyos na Jehova. (2Ti 2:19) Sa Hebreong Kasulatan, tinatawag ding lingkod, o alipin, ang mga mananamba ni Jehova. (Jos 1:1; 24:29; Huk 2:8; 2Ha 10:10; 18:12) Nagbigay si Pablo ng tagubilin kay Timoteo at sa iba pang tagapangasiwa kung paano aasikasuhin ang mga seryosong problema sa kongregasyon. Sa paggamit ni Pablo ng ekspresyong ito, ipinapaalala niya sa kanila na dapat silang sumunod sa mga tagubilin ng Diyos at na mananagot sila sa Kaniya sa paraan ng pakikitungo nila sa mga kapananampalataya nila. Ang mga katangiang binanggit dito ni Pablo ay kaugnay ng mga katangiang hinihiling sa mga tagapangasiwa na mababasa sa 1Ti 3:1-7 at Tit 1:5-9. Pero ang lahat ng Kristiyano ay “alipin ng Panginoon” at kailangan ding magpakita ng ganitong mga katangian.

makipag-away: Ang salitang Griego para sa “makipag-away” ay karaniwan nang tumutukoy sa pakikipagbugbugan (Gaw 7:26), pero sa ilang konteksto, puwede rin itong tumukoy sa pakikipagsagutan (Ju 6:52; San 4:1, 2). Dito, ipinapakita ni Pablo na hindi dapat sumali sa mga away o walang-patutunguhang mga debate ang isang “alipin ng Panginoon.” (2Ti 2:14, 16, 23) Sa halip, mas makakabuti kung tutularan niya ang pagiging mahinahon at mabait ng Panginoong Jesus.—Mat 11:29; 12:19.

mabait sa lahat: Pinasigla ni Pablo si Timoteo na maging mabait sa lahat, di-gaya ng palaaway na mga huwad na guro sa Efeso na nakakasira ng pagkakaisa. (2Ti 2:23) Ang ekspresyong Griegong ito ay puwede ring isaling “maingat sa pakikitungo sa lahat.” Natutong maging mabait si Pablo. Bago siya maging Kristiyano, hindi siya mabait o maingat sa pakikitungo, dahil napakasigasig niya sa pagtataguyod ng tradisyon ng Judaismo. Nilalait at pinagmamalupitan niya ang mga tagasunod ni Kristo. Pero naging mabait pa rin si Jesus sa kaniya. (Gaw 8:3; 9:1-6; Gal 1:13, 14; 1Ti 1:13) Natutuhan din ni Pablo na hindi isang kahinaan ang pagiging mabait. Kahit mabait siya, kaya niya pa ring magsalita nang deretsahan para ituwid ang mali. (1Co 15:34) Pero hindi siya masakit magsalita. Maingat siya sa pakikitungo sa mga kapananampalataya niya at mahal niya sila. (1Te 2:8) Sinikap niyang maging mapagmahal at mabait “gaya ng isang ina.” (Tingnan ang study note sa 1Te 2:7.) Gusto niyang tularan siya ni Timoteo na mabait “sa lahat,” pati na sa magugulo at masuwaying mga Kristiyano at sa mga mang-uusig sa labas ng kongregasyon. Dapat itaguyod ni Timoteo ang pagkakaisa at pag-ibig, hindi ang pag-aaway at pagkakabaha-bahagi.—2Ti 2:23, 25.

kuwalipikadong magturo: Ginamit ni Pablo ang salitang Griego para sa “kuwalipikadong magturo” nang banggitin niya ang mga kahilingan para sa mga tagapangasiwang Kristiyano. (Tingnan ang study note sa 1Ti 3:2.) Kailangan ni Timoteo na maging kuwalipikado, o mahusay, hindi lang kapag nagtuturo, kundi kapag nag-aasikaso din ng seryosong mga problema sa kongregasyon. Pero ang ekspresyong “alipin ng Panginoon” na ginamit ni Pablo ay hindi lang para sa matatandang lalaki; kailangang maging mahusay na guro ng lahat ng tunay na Kristiyano.—Ihambing ang Heb 5:12.

nagpipigil kapag nagawan ng mali: Salin ito ng salitang tambalan sa Griego na nangangahulugang “pagtitiis sa kasamaan” nang walang hinanakit. Dapat na tiisin ng isang “alipin ng Panginoon” ang masamang pagtrato sa kaniya at pigilan ang sarili na gumanti. (Ro 12:17) Kinailangan ni Timoteo ang katangiang ito nang pakitunguhan siya nang masama ng mga kapananampalataya niya. Nang maglaon, sinabi ni Pablo na dapat asahan ng lahat ng Kristiyano na pag-uusigin sila. (2Ti 3:12) Kaya naman, kakailanganin ng lahat na matutuhang ‘magpigil kapag nagawan ng mali.’—Tingnan ang study note sa Mat 5:39.

mabait sa lahat: Pinasigla ni Pablo si Timoteo na maging mabait sa lahat, di-gaya ng palaaway na mga huwad na guro sa Efeso na nakakasira ng pagkakaisa. (2Ti 2:23) Ang ekspresyong Griegong ito ay puwede ring isaling “maingat sa pakikitungo sa lahat.” Natutong maging mabait si Pablo. Bago siya maging Kristiyano, hindi siya mabait o maingat sa pakikitungo, dahil napakasigasig niya sa pagtataguyod ng tradisyon ng Judaismo. Nilalait at pinagmamalupitan niya ang mga tagasunod ni Kristo. Pero naging mabait pa rin si Jesus sa kaniya. (Gaw 8:3; 9:1-6; Gal 1:13, 14; 1Ti 1:13) Natutuhan din ni Pablo na hindi isang kahinaan ang pagiging mabait. Kahit mabait siya, kaya niya pa ring magsalita nang deretsahan para ituwid ang mali. (1Co 15:34) Pero hindi siya masakit magsalita. Maingat siya sa pakikitungo sa mga kapananampalataya niya at mahal niya sila. (1Te 2:8) Sinikap niyang maging mapagmahal at mabait “gaya ng isang ina.” (Tingnan ang study note sa 1Te 2:7.) Gusto niyang tularan siya ni Timoteo na mabait “sa lahat,” pati na sa magugulo at masuwaying mga Kristiyano at sa mga mang-uusig sa labas ng kongregasyon. Dapat itaguyod ni Timoteo ang pagkakaisa at pag-ibig, hindi ang pag-aaway at pagkakabaha-bahagi.—2Ti 2:23, 25.

kahinahunan: Pagiging kalmado at payapa ng isang Kristiyano na naipapakita niya sa kaugnayan niya sa Diyos at sa pakikitungo niya sa kaniyang kapuwa. (Gal 6:1; Efe 4:1-3; Col 3:12) Dahil ang kahinahunan ay katangian na bunga ng espiritu ng Diyos, ang isang Kristiyano ay hindi magkakaroon nito sa sarili lang niyang pagsisikap. Kailangan niyang lumapit sa Diyos, manalangin para sa espiritu Niya, at magpagabay dito. Ang isang taong mahinahon ay hindi duwag o mahina. Ang salitang Griego para sa “kahinahunan” (pra·yʹtes) ay tumutukoy sa pagiging malakas pero banayad. Ang kaugnay nitong salitang Griego (pra·ysʹ) ay isinaling “mahinahon.” (Mat 21:5; 1Pe 3:4) Inilarawan ni Jesus ang sarili niya na mahinahon (Mat 11:29); pero siguradong hindi siya mahina.—Tingnan ang Mat 5:5 at study note.

mahinahong nagtuturo: Sa kontekstong ito, ang salita na isinaling “nagtuturo” ay puwedeng mangahulugang “nagtutuwid; pumapatnubay.” Ayon sa isang reperensiya, nangangahulugan itong pagtulong sa kapuwa na matutong gumawa ng tamang mga desisyon. Dapat itong gawin ng isang “alipin ng Panginoon” nang may ‘kahinahunan,’ o kapakumbabaan at kaamuan. Sa gayon, maipapakita niyang “mabait [siya] sa lahat.”—2Ti 2:24 at study note; tingnan din ang study note sa Gal 5:23.

mga rebelyoso: Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na ginamit ni Pablo ay tumutukoy sa mga taong ayaw sumunod sa turo ng mga Kristiyano o kumokontra pa nga dito. Posibleng nasa isip din dito ni Pablo ang ilan sa kongregasyon sa Efeso na ayaw sumunod sa makakasulatang mga payo o sa tagubilin ng mga lalaking nangunguna sa kongregasyon.

Baka sakaling bigyan sila ng pagkakataon ng Diyos na magsisi: Kapag mahinahong itinutuwid o tinuturuan ng isang tagapangasiwa ang “mga rebelyoso,” puwede silang maakay sa pagsisisi, o “pagbabago ng isip.” (Tingnan sa Glosari, “Pagsisisi.”) Pero kung magsisi man ang isang Kristiyano, hindi ito dahil sa sinumang tao, kundi dahil kay Jehova, na tumulong sa kaniya na magbago. Binanggit din ni Pablo ang ilan sa magagandang resulta ng pagsisisi ng isang makasalanan—mas lumalalim ang pagkaunawa niya sa katotohanan, bumabalik ang katinuan ng kaniyang isip, at makakatakas siya sa bitag ni Satanas.—2Ti 2:26.

Bumalik kayo sa katinuan: Gumamit si Pablo rito ng salitang Griego na literal na nangangahulugang “mahimasmasan.” Dahil nakinig ang ilang Kristiyano sa Corinto sa mga turo ng apostata, gaya ng paniniwalang hindi totoo ang pagkabuhay-muli, para silang naging lasing—nalilito at pasuray-suray. Hinimok sila ni Pablo na gumising at magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa turo ng pagkabuhay-muli para hindi sila malito. Kailangan nila itong gawin bago pa masira ang kaugnayan nila sa Diyos na Jehova at mapuksa pa nga.—1Co 11:30.

makatakas sa bitag ng Diyablo: Ipinahiwatig ni Pablo na may ilan sa kongregasyon na nahulog sa “bitag ng Diyablo.” Lumilitaw na nabiktima sila ng Diyablo at napalayo sa katotohanan dahil nakinig sila sa mga panlilinlang nito. (2Ti 2:18, 23, 25) Ipinapahiwatig ng ekspresyong “nahuli na niya silang buháy at puwede na niyang magamit para gawin ang kagustuhan niya” na gumamit ang Diyablo ng mga kasinungalingan para mabitag sila nang hindi nila namamalayan. Hindi sila pinatay ni Satanas, kundi ginamit sila para gawin ang kagustuhan niya. Pinayuhan ni Pablo si Timoteo na “mahinahong” turuan ang mga kapananampalataya niyang nabitag para “matauhan sila” (lit., “mahimasmasan”; tingnan ang study note sa 1Co 15:34). Kapag nagsisi sila, makakalaya sila sa bitag ng Diyablo.

Media

Nakabilanggo si Pablo Pero Hindi Nasiraan ng Loob
Nakabilanggo si Pablo Pero Hindi Nasiraan ng Loob

Ibinilanggo si Pablo sa Roma sa ikalawang pagkakataon. Alam niyang malapit na siyang mamatay. (2Ti 4:6) Bukod diyan, iniwan pa siya ng ilan sa mga kasamahan niya, gaya ni Demas. (2Ti 1:15; 4:10) Pero may dahilan pa rin si Pablo para maging masaya. Maraming kapatid ang lakas-loob na sumuporta sa kaniya at hindi siya ikinahiya. (2Ti 4:21) Halimbawa, hinanap siya ni Onesiforo sa buong Roma. (2Ti 1:16, 17) Kahit nakagapos si Pablo, hindi siya nasiraan ng loob. Nagpokus siya sa gantimpalang naghihintay sa kaniya sa “Kaharian [ni Kristo] sa langit.” (2Ti 4:8, 18) At sa mahirap na kalagayang ito, inisip ni Pablo ang kapakanan ng iba, hindi ang sa kaniya. Habang nakabilanggo, isinulat niya ang ikalawang liham niya kay Timoteo at pinasigla niya itong manatiling tapat.—2Ti 1:7, 8; 2:3.

Mga Kagamitan sa Isang Malaking Bahay
Mga Kagamitan sa Isang Malaking Bahay

Maraming kagamitan sa bahay ng mayayamang pamilya sa Roma. Sa kusina, gumagamit ang mga alipin ng mga kaldero at kawaling gawa sa bronse o luwad. Gumagamit naman sila ng malalaking banga at amphora para paglagyan ng alak, langis ng olibo, o iba pang likido. Sa silid-kainan, gumagamit ang mga pamilyang Romano ng mga basong may kulay at iba pang lalagyang gawa sa bronse, pilak, o luwad. May mga kagamitan din sa bahay na ginagamit sa di-marangal na paraan, gaya ng basurahan at arinola. Sa Bibliya, tinutukoy kung minsan na sisidlan ang mga tao. (Gaw 9:15) Inihalintulad ni apostol Pablo ang kongregasyong Kristiyano sa “isang malaking bahay” at ang mga miyembro nito sa ‘mga kagamitan,’ o lalagyan sa bahay. Kung paanong dapat na manatiling hiwalay ang mga sisidlang ginagamit sa “marangal na paraan” mula sa mga sisidlang ginagamit sa “di-marangal na paraan,” iniiwasan din ng mga Kristiyano ang mga nasa kongregasyon na may masamang impluwensiya.—2Ti 2:20, 21.