Mga Gawa ng mga Apostol 24:1-27

24  Pagkalipas ng limang araw, dumating ang mataas na saserdoteng si Ananias+ kasama ang ilan sa matatandang lalaki at si Tertulo na isang pangmadlang tagapagsalita, at iniharap nila sa gobernador+ ang kaso nila laban kay Pablo.  Nang pagsalitain na si Tertulo, pinasimulan niyang akusahan si Pablo. Sinabi niya sa harap ni Felix: “Dahil sa iyo ay nagtatamasa kami ng kapayapaan at dahil sa husay mong magpasiya ay maraming naging pagbabago sa bansang ito,  at nasaan man kami ay lagi naming kinikilala at ipinagpapasalamat ang mga iyan, Inyong Kamahalang Felix.  Pero para hindi ka na maabala pa, hihingi lang ako ng kaunting panahon at kabaitan habang pinakikinggan mo ang panig namin.  Gusto naming ipaalám sa iyo na salot ang taong ito;+ sinusulsulan niyang maghimagsik*+ ang mga Judio sa buong lupa, at siya ay lider ng sekta ng mga Nazareno.+  Tinangka rin niyang lapastanganin ang templo kaya dinakip namin siya.+  ——  Makikita mong totoo ang lahat ng paratang namin sa kaniya kapag tinanong* mo siya.”  Nakisali na rin ang mga Judio, at iginiit nilang totoo ang mga ito. 10  Nang tanguan ng gobernador si Pablo para magsalita, sinabi nito: “Alam kong maraming taon ka nang hukom sa bansang ito, kaya nalulugod akong magsalita para ipagtanggol ang sarili ko.+ 11  Mga 12 araw pa lang mula nang pumunta ako sa Jerusalem para sumamba;+ puwede mong tiyakin iyan. 12  Kahit minsan, hindi nila ako nakitang nakipagtalo kaninuman sa templo o nagpasimula ng gulo sa mga sinagoga o saanman sa lunsod. 13  Hindi rin nila kayang patunayan sa iyo ang mga ipinaparatang nila sa akin ngayon. 14  Pero aaminin ko sa iyo na naglilingkod ako sa Diyos ng aking mga ninuno+ ayon sa paraan ng tinatawag nilang sekta, dahil pinaniniwalaan ko ang lahat ng nasa Kautusan at nakasulat sa mga Propeta.+ 15  At umaasa ako, gaya rin ng mga taong ito, na bubuhaying muli+ ng Diyos ang mga matuwid at di-matuwid.+ 16  Dahil diyan, lagi kong sinisikap na magkaroon ng malinis na* konsensiya sa harap ng Diyos at mga tao.+ 17  Ngayon, pagkalipas ng maraming taon, dumating ako para magdala ng mga kaloob udyok ng awa*+ sa aking bansa at para maghandog. 18  Habang ginagawa ko ang mga ito, nakita nila ako sa templo na malinis sa seremonyal na paraan,+ pero wala akong kasamang grupo at hindi rin ako nanggugulo. At nang pagkakataong iyon ay naroon ang ilang Judio mula sa lalawigan* ng Asia,+ 19  na dapat sana ay nasa harap mo ngayon at nag-aakusa laban sa akin kung may reklamo sila.+ 20  O hayaan natin ang mga narito na sabihin kung ano ang nakita nilang kasalanan ko noong nililitis nila ako sa harap ng Sanedrin, 21  maliban sa sinabi ko sa gitna nila: ‘Hinahatulan ako ngayon sa harap ninyo dahil naniniwala ako sa pagkabuhay-muli ng mga patay!’”+ 22  Pero dahil alam na alam ni Felix ang totoo may kinalaman sa Daang ito,+ pinaalis niya sila at sinabi: “Kapag pumunta rito si Lisias na kumandante ng militar, saka ako magpapasiya sa usaping ito.” 23  At iniutos niya sa opisyal ng hukbo na bantayan pa rin ang lalaki pero maging maluwag dito, at payagan ang mga kasamahan nito na asikasuhin ito. 24  Pagkaraan ng ilang araw, dumating si Felix kasama ang asawa niyang si Drusila, na isang Judio, at ipinatawag niya si Pablo at nakinig dito habang nagsasalita ito tungkol sa paniniwala kay Kristo Jesus.+ 25  Pero nang tungkol na sa tamang paggawi, pagpipigil sa sarili, at darating na paghatol+ ang ipinapaliwanag ni Pablo, natakot si Felix at sinabi niya: “Umalis ka na muna at ipapatawag ulit kita kapag may pagkakataon ako.” 26  Pero umaasa rin siyang bibigyan siya ni Pablo ng pera kaya ipinatawag niya ito nang mas madalas para makipag-usap dito. 27  Pagkalipas ng dalawang taon, si Felix ay hinalinhan ni Porcio Festo; at dahil gusto ni Felix na makuha ang pabor ng mga Judio,+ hinayaan niya sa bilangguan si Pablo.

Talababa

Sedisyon.
O “siniyasat.”
O “walang-kapintasang.”
Tingnan sa Glosari.
O “probinsiya.”

Study Notes

matatandang lalaki: Sa Bibliya, ang terminong Griego na pre·sbyʹte·ros ay pangunahing tumutukoy sa mga may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa. Minsan, tumutukoy ang termino sa edad ng isang tao (gaya sa Luc 15:25; Gaw 2:17), pero hindi lang ito tumutukoy sa matatanda. Dito, tumutukoy ang termino sa mga lider ng bansang Judio na madalas banggitin kasama ng mga punong saserdote at eskriba. Ang Sanedrin ay binubuo ng mga lalaki mula sa tatlong grupong ito.—Mat 21:23; 26:3, 47, 57; 27:1, 41; 28:12; tingnan sa Glosari, “Matanda; Matandang lalaki.”

matatandang lalaki: Dito, tumutukoy ang termino sa mga lider ng bansang Judio na madalas banggitin kasama ng mga punong saserdote at eskriba.​—Tingnan ang study note sa Mat 16:21.

pangmadlang tagapagsalita: O “abogado.” Ang salitang Griego na rheʹtor ay tumutukoy noon sa isang “pangmadlang tagapagsalita; orador,” pero nang maglaon, tumutukoy na rin ito sa isang “tagapagsalita sa korte; tagapagtanggol; abogado.” Iniharap ni Tertulo kay Gobernador Felix sa Cesarea ang kaso ng mga Judio laban kay Pablo.

imperyo: Ang salitang Griego para sa “imperyo” (oi·kou·meʹne) ay ginagamit para tumukoy sa lupa, o mundo, na tirahan ng mga tao. (Luc 4:5; Gaw 17:31; Ro 10:18; Apo 12:9; 16:14) Pero noong unang siglo, ginamit din ang terminong ito para sa malawak na Imperyo ng Roma, kung saan nakapangalat ang mga Judio.—Gaw 24:5.

Nazareno: Tumutukoy ito noong una kay Jesus at nang maglaon ay sa mga tagasunod niya. (Gaw 24:5) Dahil maraming Judio noon ang may pangalang Jesus, karaniwang may idinadagdag sa pangalang ito para malaman kung sino ang tinutukoy; nakasanayan na noong panahon ng Bibliya na idugtong sa pangalan ng tao ang lugar na pinagmulan niya. (2Sa 3:2, 3; 17:27; 23:25-39; Na 1:1; Gaw 13:1; 21:29) Sa bayan ng Nazaret lumaki si Jesus, kaya natural lang na gamitin ang terminong ito para tukuyin siya. Madalas tukuyin si Jesus na “Nazareno” ng iba’t ibang indibidwal sa iba’t ibang pagkakataon. (Mar 1:23, 24; 10:46, 47; 14:66-69; 16:5, 6; Luc 24:13-19; Ju 18:1-7) Ginamit ito mismo ni Jesus para sa sarili niya. (Ju 18:5-8; Gaw 22:6-8) Isinulat ni Pilato sa pahirapang tulos ni Jesus ang pananalitang ito sa wikang Hebreo, Latin, at Griego: “Si Jesus na Nazareno, ang Hari ng mga Judio.” (Ju 19:19, 20) Mula noong Pentecostes 33 C.E., si Jesus ay madalas nang tawagin ng mga apostol at ng iba bilang Nazareno o mula sa Nazaret.​—Gaw 2:22; 3:6; 4:10; 6:14; 10:38; 26:9; tingnan din ang study note sa Mat 2:23.

salot: O “pasimuno ng gulo.” Dalawang beses lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang salitang Griegong ito, at ang isa ay sa Luc 21:11, kung saan tumutukoy ito sa literal na mga salot, o epidemya. Dito sa Gaw 24:5, tumutukoy naman ito sa isang tao na itinuturing na “salot,” o isa na nagiging sanhi ng problema, pasimuno ng gulo, o peste sa lipunan.

lupa: Tingnan ang study note sa Luc 2:1.

sekta: Ang salitang Griego na isinalin ditong “sekta” ay haiʹre·sis (kung saan nanggaling ang salitang Ingles na “heresy”). Lumilitaw na orihinal itong nangangahulugang “pagpili.” Ganiyan ang pagkakagamit ng Septuagint sa salitang ito sa Lev 22:18, kung saan binanggit na maghahandog ang mga Israelita ng “anumang mapili nilang ihandog.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan naman, ang terminong ito ay tumutukoy sa isang grupo ng mga tao na may naiibang mga paniniwala o doktrina. Tinatawag na sekta ang dalawang pangunahing grupo ng Judaismo—ang mga Pariseo at Saduceo. (Gaw 5:17; 15:5; 26:5) Tinatawag ng mga di-Kristiyano ang Kristiyanismo na “sekta” o “sekta ng mga Nazareno” dahil posibleng iniisip nilang humiwalay lang ito sa Judaismo. (Gaw 24:5, 14; 28:22) Ang salitang Griego na haiʹre·sis ay ginamit din para tumukoy sa mga grupong nabuo sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Idiniin ni Jesus na magkakaisa ang mga tagasunod niya at ipinanalangin niya ito. (Ju 17:21) Nagsikap din ang mga apostol na mapanatili ang pagkakaisa ng kongregasyong Kristiyano. (1Co 1:10; Jud 17-19) Kung maggugrupo-grupo ang mga miyembro ng kongregasyon, masisira ang pagkakaisa nila. Kaya kapag ginagamit ang salitang Griego na haiʹre·sis para sa ganitong mga grupo, negatibo ang kahulugan nito. Tumutukoy ito sa mga grupong nakakasira ng pagkakaisa o sa mga sekta. Kapag hindi nagkakaisa sa paniniwala ang mga tao, puwedeng magkaroon ng matitinding pagtatalo, pagkakabaha-bahagi, at pag-aaway pa nga. (Ihambing ang Gaw 23:7-10.) Kaya dapat talagang iwasan ang pagbuo ng mga sekta at ituring itong isa sa “mga gawa ng laman.”​—Gal 5:19-21; 1Co 11:19; 2Pe 2:1.

Nazareno: Tingnan ang study note sa Mar 10:47.

Sa ilang mas bagong manuskritong Griego at sinaunang salin sa iba’t ibang wika, makikita ang pananalitang ito sa talata 6-8: “at gusto sana namin siyang hatulan ayon sa Kautusan namin. (7) Pero dumating si Lisias na kumandante ng militar at puwersahan siyang inagaw sa amin (8) at inutusan ang mga nag-aakusa sa kaniya na pumunta sa iyo.” Pero hindi ito mababasa sa pinakaluma at pinakamaaasahang mga manuskrito, kaya lumilitaw na hindi talaga ito bahagi ng Gawa.​—Tingnan ang Ap. A3.

naglilingkod ako: O “nag-uukol ako ng sagradong paglilingkod; sumasamba ako.” Ang pandiwang Griego na la·treuʹo ay pangunahin nang tumutukoy sa paglilingkod at sa ilang konteksto ay puwedeng isaling “sumamba.” Sa Bibliya, ang salitang Griego na la·treuʹo ay karaniwan nang tumutukoy sa paglilingkod sa Diyos o sa paglilingkod na may kaugnayan sa pagsamba sa kaniya (Mat 4:10; Luc 1:74; 2:37; 4:8; Ro 1:9; Fil 3:3; 2Ti 1:3; Heb 9:14; 12:28; Apo 7:15; 22:3), gaya ng paglilingkod sa templo (Heb 8:5; 9:9; 10:2; 13:10). Sa ilang pagkakataon, tumutukoy ito sa huwad na pagsamba—paglilingkod, o pagsamba, sa mga nilalang.​—Gaw 7:42; Ro 1:25.

bubuhaying muli: Ang salitang Griego na a·naʹsta·sis ay literal na nangangahulugang “pagbangon; pagtayo.” Ginamit ito nang mga 40 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan para tumukoy sa pagkabuhay-muli ng mga patay. (Ang ilang halimbawa ay makikita sa Mat 22:31; Gaw 2:31; 4:2; 17:18, 32; 23:6; 1Co 15:12, 13.) Sa salin ng Septuagint sa Isa 26:19, ginamit ang anyong pandiwa ng a·naʹsta·sis bilang katumbas ng pandiwang Hebreo na “mabuhay” sa ekspresyong “ang iyong mga patay ay mabubuhay.”​—Tingnan sa Glosari, “Pagkabuhay-muli.”

opisyal ng hukbo: O “senturyon,” kumandante ng mga 100 sundalo sa hukbong Romano.

Bernice: Kapatid na babae ni Herodes Agripa II, na sinasabing naging karelasyon din niya. Pagkatapos nito, naging kalaguyo siya ni Tito bago ito maging Romanong emperador.

Drusila: Ang ikatlo at bunsong anak na babae ni Herodes Agripa I, ang Herodes na binabanggit sa Gaw 12:1. Isinilang si Drusila noong mga 38 C.E., at kapatid siya nina Agripa II, Bernice, at Mariamne III. (Tingnan ang study note sa Gaw 25:13 at Glosari, “Herodes.”) Si Gobernador Felix ang pangalawa niyang asawa. Una siyang ikinasal sa hari ng Sirya na si Azizus mula sa Emesa. Pero nakipagdiborsiyo siya rito at nagpakasal kay Felix noong mga 54 C.E., o noong mga 16 anyos siya. Posibleng naroon siya nang sabihin ni Pablo kay Felix ang “tungkol . . . sa tamang paggawi, pagpipigil sa sarili, at darating na paghatol.” (Gaw 24:25) Nang ibigay ni Felix ang pagkagobernador kay Festo, iniwan niya sa bilangguan si Pablo para makuha “ang pabor ng mga Judio,” at iniisip ng ilan na ginawa niya iyon para matuwa ang bata niyang asawa, na isang Judio.​—Gaw 24:27.

Media

Ang Sanedrin
Ang Sanedrin

Binubuo ng 71 miyembro ang mataas na hukuman ng mga Judio na tinatawag na Dakilang Sanedrin. Ito ay nasa Jerusalem. (Tingnan sa Glosari, “Sanedrin.”) Ayon sa Mishnah, ang mga upuan ay nakaayos nang pakurba at may tatlong hilera na hagdan-hagdan, at may dalawang eskriba sa mga pagdinig para isulat ang hatol ng korte. Ang ilang bahagi ng korte na makikita rito ay batay sa istrakturang natagpuan sa Jerusalem na sinasabi ng ilan na ang Pulungan ng Sanggunian noong unang siglo.—Tingnan ang Apendise B12, mapa na “Jerusalem at ang Palibot Nito.”

1. Mataas na saserdote

2. Mga miyembro ng Sanedrin

3. Nasasakdal

4. Mga eskriba