Liham kay Tito 1:1-16

1  Ako si Pablo, isang alipin ng Diyos at apostol ni Jesu-Kristo, na ang pananampalataya ay kaayon ng pananampalataya ng mga pinili ng Diyos at ng tumpak na kaalaman sa katotohanan, na nauugnay sa makadiyos na debosyon  at batay sa pag-asang buhay na walang hanggan+ na matagal nang ipinangako ng Diyos, na hindi makapagsisinungaling;+  pero sa itinakda niyang panahon, ipinaalám niya ang kaniyang salita sa pamamagitan ng pangangaral na ipinagkatiwala sa akin,+ ayon sa utos ng ating Tagapagligtas, ang Diyos.  Sumusulat ako kay Tito,+ isang tunay na anak at kapananampalataya: Sumaiyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na Ama at mula kay Kristo Jesus na ating Tagapagligtas.  Iniwan kita sa Creta+ para maayos mo ang mga bagay na kailangang ituwid at makapag-atas ka ng matatandang lalaki sa bawat lunsod, ayon sa tagubilin ko sa iyo:  isang lalaki na malaya sa akusasyon,+ asawa ng isang babae, at may nananampalatayang mga anak na hindi mapaparatangan ng masamang pamumuhay o pagrerebelde.+  Dahil bilang katiwala ng Diyos, ang isang tagapangasiwa ay dapat na malaya sa akusasyon, hindi arogante,+ hindi mainitin ang ulo,+ hindi lasenggo, hindi marahas, at hindi sakim sa pakinabang,+  kundi mapagpatuloy,+ laging gumagawa ng mabuti, may matinong pag-iisip,+ matuwid, tapat,+ may pagpipigil sa sarili,+  at mahigpit na nanghahawakan sa mapananaligang mensahe pagdating sa kaniyang paraan ng pagtuturo,+ para magawa niyang magpatibay* sa pamamagitan ng kapaki-pakinabang* na turo+ at sumaway+ sa mga kumokontra dito. 10  Dahil marami ang lalaking rebelde, nagsasalita ng mga bagay na walang saysay, at nanlilinlang, lalo na ang mga nanghahawakan sa pagtutuli.+ 11  Kailangang itikom ang bibig ng mga ito, dahil pami-pamilya ang inililihis nila sa katotohanan sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga bagay na hindi nila dapat ituro at ginagawa nila ito dahil sakim sila sa pakinabang.+ 12  Isang propeta, na kababayan pa nila, ang nagsabi: “Ang lahat ng Cretense ay sinungaling, mababangis na hayop, at matatakaw na tamad.” 13  Totoo iyan. Kaya maging mahigpit ka sa pagdidisiplina+ sa kanila para maging matibay* ang pananampalataya nila 14  at hindi sila magbigay-pansin sa gawa-gawang mga kuwento+ ng mga Judio at sa utos ng mga tao na lumihis sa katotohanan. 15  Ang lahat ng bagay ay malinis para sa mga taong malinis.+ Pero para sa mga taong nadungisan at walang pananampalataya, walang anumang malinis, dahil parehong nadumhan ang kanilang isip at konsensiya.*+ 16  Hayagan nilang sinasabi na kilala nila ang Diyos, pero itinatakwil naman nila siya sa pamamagitan ng mga ginagawa nila,+ dahil kasuklam-suklam sila, masuwayin, at hindi kuwalipikado para sa anumang uri ng mabuting gawa.

Talababa

O “magpayo.”
Lit., “nakapagpapalusog.”
Lit., “malusog.”
O “budhi.”

Study Notes

Liham kay Tito: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Makikita sa mga sinaunang manuskrito na idinagdag lang ang mga pamagat nang maglaon para madaling matukoy ang mga aklat ng Bibliya. Halimbawa, ang kilaláng manuskritong Codex Sinaiticus na mula noong ikaapat na siglo C.E. ay may pamagat na “Kay Tito” sa dulo ng liham. May iba pang sinaunang manuskrito na may kahawig na pamagat.

Sumainyo nawang lahat: Kahit na kay Tito patungkol ang liham na ito ni Pablo, ipinapakita ng ekspresyong ito na gusto ng apostol na mabasa ang liham na ito sa buong kongregasyon. Mapapatibay nito ang lahat na makipagtulungan kay Tito kapag may itinutuwid siya (Tit 1:5, 10), nag-aatas siya ng matatandang lalaki (Tit 1:6-9), sumasaway (Tit 1:13; 2:15), nagbibigay ng paulit-ulit na paalala (Tit 3:1, 8), at humihingi ng materyal na tulong para sa mga nangangailangan (Tit 3:13, 14).

Ako si Pablo: O “Mula kay Pablo.” Ang istilo na ginamit ni Pablo sa introduksiyon niya, na hanggang talata 7, ay karaniwan sa mga liham noon. Kadalasan, mababasa sa simula ang pangalan ng nagpadala, ang (mga) padadalhan, at pagkatapos ay isang pagbati. (Ro 1:7) Ang introduksiyon ni Pablo, kung saan inilarawan niya ang pagtawag sa kaniya at ang mensaheng dala niya, ay mas mahaba kaysa sa normal (sa Griego, isang mahabang pangungusap ito mula talata 1 hanggang 7). Sinasabi ng ilan na mahaba ito dahil hindi pa nakakadalaw si Pablo sa kongregasyon sa Roma, kahit maraming Kristiyano doon ang nakakakilala na sa kaniya. (Ihambing ang study note sa Gaw 15:23; 23:26.) Unang ginamit sa Kasulatan ang Hebreong pangalan niyang Saul, pero mula sa Gaw 13:9, tinawag na siya sa Romanong pangalan niyang Pablo (Pauʹlos, ang anyong Griego ng karaniwang pangalang Latin na Paulus). Pablo ang ginamit niyang pangalan sa lahat ng liham niya maliban sa liham niya sa mga Hebreo, kung saan hindi nabanggit ang pangalan niya. Posibleng iniisip niya na mas magiging katanggap-tanggap ito sa mga di-Judio, na kailangan niyang pangaralan ng mabuting balita dahil siya ay “isang apostol para sa ibang mga bansa.”​—Ro 11:13; Gaw 9:15; Gal 2:7, 8; tingnan ang study note sa Gaw 7:58; 13:9.

magpaalipin: O “maglingkod.” Ang pandiwang Griego na isinaling “magpaalipin” ay tumutukoy sa paglilingkod ng isang alipin, partikular na sa isang indibidwal na may-ari sa kaniya. Dito, ginamit ang termino sa makasagisag na diwa para tumukoy sa paglilingkod sa Diyos nang may buong debosyon. (Gaw 4:29; Ro 6:22; 12:11) Alam ni Pablo na kung ang isa ay ‘magpapaalipin sa buháy at tunay na Diyos,’ magiging maligaya siya, di-gaya ng mga nagpapaalipin sa mga walang-buhay na idolo, mga tao, o sa kasalanan.—Ro 6:6; 1Co 7:23; tingnan ang study note sa Mat 6:24; Ro 1:1.

isang alipin ni Kristo Jesus: Kadalasan na, ang terminong Griego na douʹlos, na isinasaling “isang alipin,” ay tumutukoy sa isang tao na pag-aari ng iba, karaniwan na, sa isang alipin na binili. (Mat 8:9; 10:24, 25; 13:27) Ginagamit din ang terminong ito sa makasagisag na paraan para tumukoy sa nakaalay na mga lingkod ng Diyos at ni Jesu-Kristo. (Gaw 2:18; 4:29; Gal 1:10; Apo 19:10) Binili ni Jesus ang lahat ng Kristiyano nang ibigay niya ang buhay niya bilang haing pantubos. Kaya hindi na pag-aari ng mga Kristiyano ang sarili nila, kundi itinuturing nila ang sarili nila na “alipin ni Kristo.” (Efe 6:6; 1Co 6:19, 20; 7:23; Gal 3:13) Sa mga liham sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na naglalaman ng payo sa mga kongregasyon, tinukoy ng mga manunulat ang sarili nila bilang “alipin ni Kristo” nang di-bababa sa isang beses. Ipinapakita lang nito na nagpapasakop sila kay Kristo, na kanilang Panginoon.​—Ro 1:1; Gal 1:10; San 1:1; 2Pe 1:1; Jud 1; Apo 1:1.

Ako ay aliping babae ni Jehova!: Ang pananalitang ito ni Maria ay kahawig ng mga sinabi ng ibang lingkod ni Jehova sa Hebreong Kasulatan. Halimbawa, sinabi ni Hana sa panalangin niya sa 1Sa 1:11: “O Jehova ng mga hukbo, kung bibigyang-pansin mo ang pagdurusa ng iyong lingkod [o, “aliping babae”].” Sa salin ng Septuagint sa 1Sa 1:11, ang salitang Griego na ginamit para sa “aliping babae” ay kapareho ng ginamit sa ulat ni Lucas.​—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Luc 1:38.

apostol: Ang pangngalang Griego na a·poʹsto·los ay mula sa pandiwang a·po·stelʹlo, na nangangahulugang “isugo.” (Mat 10:5; Luc 11:49; 14:32) Ang pangunahing kahulugan nito ay malinaw na makikita sa sinabi ni Jesus sa Ju 13:16, kung saan isinalin itong “ang isinugo.” Si Pablo ay tinawag para maging apostol sa mga bansa, o sa mga di-Judio; ang binuhay-muling si Jesu-Kristo mismo ang pumili sa kaniya. (Gaw 9:1-22; 22:6-21; 26:12-23) Pinagtibay ni Pablo ang pagiging apostol niya nang sabihin niyang nakita niya ang binuhay-muling Panginoong Jesu-Kristo (1Co 9:1, 2) at nang gumawa siya ng mga himala (2Co 12:12). Naging daan din si Pablo para mabigyan ng banal na espiritu ang mga bautisadong mánanampalatayá, na karagdagang patunay na isa siyang tunay na apostol. (Gaw 19:5, 6) Madalas niyang mabanggit na apostol siya, pero wala tayong mababasa na sinabi niyang isa siya sa “12 apostol.”​—1Co 15:5, 8-10; Ro 11:13; Gal 2:6-9; 2Ti 1:1, 11.

tumpak na kaalaman: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, may dalawang salita na karaniwang isinasaling “kaalaman,” ang gnoʹsis at e·piʹgno·sis. Ang salitang ginamit dito, e·piʹgno·sis, ay pinatinding anyo ng gnoʹsis (e·piʹ, literal na nangangahulugang “sa ibabaw” pero nangangahulugan ditong “karagdagan”). Puwede itong mangahulugang “eksakto, totoo, o lubos na kaalaman,” depende sa konteksto. (Tingnan ang study note sa Ro 10:2.) Dito, ginamit ni Pablo ang salitang ito para ipakitang kailangan ng isang may-gulang na Kristiyano na maging kaisa ng mga kapananampalataya niya habang sinisikap niyang magkaroon ng tumpak na kaalaman tungkol sa Anak ng Diyos, si Kristo Jesus.—1Co 1:24, 30; Efe 3:18; Col 2:2, 3; 2Pe 1:8; 2:20.

makadiyos na debosyon: Ang salitang Griego na ginamit dito (eu·seʹbei·a) ay tumutukoy sa matinding paggalang at paghanga sa Diyos na ipinapakita ng isang Kristiyano sa pamamagitan ng paglilingkod nang tapat at lubusang pagsunod sa Diyos. Malawak ang kahulugan ng salitang ito; tumutukoy rin ito sa tapat na pag-ibig o malapít na kaugnayan sa Diyos ng isang tao na nag-uudyok sa kaniya na gawin ang gusto ng Diyos. Kaya binanggit sa isang diksyunaryo na ang pinakadiwa talaga ng salitang ito ay “mamuhay sa paraang gusto ng Diyos.” Ipinakita rin ni Pablo na hindi tayo ipinanganak na may makadiyos na debosyon. Kaya pinayuhan niya si Timoteo na magsikap nang husto gaya ng isang atleta para mapasulong pa ang ganitong katangian. Sa naunang bahagi ng liham na ito, ipinaalala ni Pablo kay Timoteo na si Jesu-Kristo ang pinakamahusay na halimbawa sa pagpapakita ng makadiyos na debosyon.—Tingnan ang study note sa 1Ti 3:16.

Pablo: O “Mula kay Pablo.” Ang istilo na ginamit ni Pablo sa introduksiyon niya, na hanggang talata 4, ay karaniwan sa mga liham noon. Kadalasan, mababasa sa simula ang pangalan ng nagpadala, ang (mga) padadalhan, at pagkatapos ay isang pagbati. (Tit 1:4) Sa liham na ito, ang introduksiyon ni Pablo ay mas mahaba kaysa sa normal (sa Griego, isang mahabang pangungusap ito mula talata 1 hanggang talata 4). Hindi lang basta nagpakilala si Pablo, kundi sinabi niya rin ang tungkol sa pagiging apostol niya at sa pangangaral niya. Kahit sa isang tao lang patungkol ang liham ni Pablo—sa kamanggagawa niyang si Tito—gumamit ang apostol ng mas mahaba at pormal na introduksiyon, posibleng dahil gusto niyang basahin din ito sa iba.—Tingnan ang study note sa Tit 3:15; ihambing ang study note sa Ro 1:1.

alipin ng Diyos: Kahit na ang mga alipin ang may pinakamababang katayuan sa lipunan, hindi minamaliit ng ekspresyong ito ang taong inilalarawan nito. (Tingnan ang study note sa 1Te 1:9.) Sa katunayan, para kay Pablo, na isang tapat na Kristiyano, isang karangalan na maging hamak na lingkod ng Kataas-taasang Diyos at ng kaniyang Anak. (Tingnan ang study note sa Ro 1:1.) Inilarawan din ng kapatid ni Jesus sa ina na si Santiago ang sarili niya bilang “isang alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Kristo.” (San 1:1; ihambing ang 1Pe 2:16; Apo 7:3.) At nang bigyan si Maria ng isang atas, sinabi niya sa anghel ni Jehova: “Ako ay aliping babae ni Jehova!”—Tingnan ang study note sa Luc 1:38.

apostol: Tingnan ang study note sa Ro 1:1.

tumpak na kaalaman sa katotohanan: Dito, iniugnay ni Pablo ang tumpak na kaalaman sa makadiyos na debosyon at pag-asa.—Tit 1:2; 2:11, 12; para sa paliwanag sa terminong Griego na isinalin ditong “tumpak na kaalaman,” tingnan ang study note sa Efe 4:13.

makadiyos na debosyon: Tingnan ang study note sa 1Ti 4:7.

Napakatagal na panahon na ang nakalilipas: May kaugnayan sa hula sa Gen 3:15 ang pasiya ni Jehova na pumili ng ilang tagasunod ni Jesus para mamahalang kasama ng Anak Niya sa Kaharian sa langit. (Gal 3:16, 29) Inihayag agad ni Jehova ang layunin niya matapos magkasala ni Adan, na nangyari libo-libong taon bago isinulat ni Pablo ang liham niya kay Timoteo. Kaya nasabi ni Pablo na “napakatagal na panahon na ang nakalilipas” mula nang ipakita ang walang-kapantay na kabaitang ito. Sa ibang Bibliya, isinalin itong “mula pa ng mga panahong walang hanggan,” na nagpapahiwatig na bago pa umiral ang mga tao, itinakda na ng Diyos ang mga pangyayaring binanggit ni Pablo. Pero ayon sa isang diksyunaryo, ang ekspresyong Griego para sa “napakatagal na” sa kontekstong ito ay “tumutukoy sa isang espesipikong yugto ng panahon na napakatagal nang lumipas.” (Ihambing ang Ro 16:25; ihambing ang study note sa Ro 8:28.) Matagal nang sinabi ng Diyos kung ano ang mangyayari sa hinaharap, at siguradong matutupad ang mga layunin niya.—Isa 46:10; Efe 1:4.

walang-hanggang layunin: Sa kontekstong ito, ang terminong “layunin” ay tumutukoy sa isang espesipikong tunguhin na puwedeng maisakatuparan sa maraming paraan. May kaugnayan ito sa kagustuhan ni Jehova na maibalik ang orihinal na layunin niya para sa mga tao at sa lupa sa kabila ng rebelyon sa Eden. (Gen 1:28) Pagkatapos ng rebelyon, agad na binuo ni Jehova ang layunin niyang ito may kaugnayan sa Kristo, si Jesus na ating Panginoon. Inihula niya ang pagdating ng isang “supling” na mag-aalis sa lahat ng pinsalang nagawa ng mga rebelde. (Gen 3:15; Heb 2:14-17; 1Ju 3:8) May di-kukulangin sa dalawang dahilan kung bakit tinatawag itong “walang-hanggang layunin”: (1) Hinayaan ni Jehova, ang “Haring walang hanggan” (1Ti 1:17), na lumipas ang napakahabang panahon bago lubusang matupad ang layunin niya, at (2) walang hanggan ang epekto ng katuparan ng layuning ito.—Tingnan ang study note sa Ro 8:28.

pag-asang buhay na walang hanggan na matagal nang ipinangako: Nang sabihin ni Pablo na “matagal nang” ipinangako ng Diyos ang pag-asang ito (ihambing ang study note sa 2Ti 1:9), posibleng tinutukoy niya dito ang panahon kung kailan unang nilayon ni Jehova na magkaroon ng “buhay na walang hanggan” ang mga tao sa lupa. O puwede ring ang tinutukoy niya ay ang panahon kung kailan unang isiniwalat ni Jehova ang layunin niya para sa mga tao. (Gen 1:27, 28; 2:17) Nang hatulan ng Diyos ang mga rebelde sa Eden, hindi niya binago ang orihinal na layunin niya. (Aw 37:29) Pero sinabi niya nang panahong iyon na isang espesyal na “supling” ang dudurog kay Satanas, at nang maglaon, ipinakita sa Bibliya na kasama sa “supling” na ito ang ilang tao na mabubuhay magpakailanman sa langit. (Gen 3:15; ihambing ang Dan 7:13, 14, 27; Luc 22:28-30.) Kaya nanghawakan si Pablo at ang iba pang pinahirang Kristiyano sa “pag-asang buhay na walang hanggan” sa langit.—Tingnan ang study note sa Efe 3:11.

Diyos, na hindi makapagsisinungaling: Hindi magagawang magsinungaling ni “Jehova na Diyos ng katotohanan.” (Aw 31:5) Sa lahat ng ginagawa ni Jehova, ginagamit niya ang kaniyang banal na espiritu, na tinatawag ni Jesus na “espiritu ng katotohanan.” (Ju 15:26; 16:13) Ibang-iba si Jehova sa di-perpektong mga tao, dahil “ang Diyos ay hindi gaya ng tao na nagsisinungaling.” (Bil 23:19) At ibang-iba si Jehova kay Satanas, na “sinungaling at . . . ama ng kasinungalingan.” (Ju 8:44) Ito ang punto ni Pablo: Imposibleng magsinungaling ang Diyos, kaya lubusang mapagkakatiwalaan ang mga pangako niya.—Heb 6:18.

Diyos na ating Tagapagligtas: Sa unang liham ni Pablo kay Timoteo at sa liham niya kay Tito, anim na beses niyang ginamit ang terminong “Tagapagligtas” para tumukoy sa Diyos na Jehova (dito at sa 1Ti 2:3; 4:10; Tit 1:3; 2:10; 3:4), pero dalawang beses lang itong ginamit sa natitira pang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (Luc 1:47; Jud 25). Sa Hebreong Kasulatan, madalas ilarawan si Jehova bilang Tagapagligtas ng bayan niyang Israel. (Aw 106:8, 10, 21; Isa 43:3, 11; 45:15, 21; Jer 14:8) Dahil si Jesus ang ginamit ni Jehova para iligtas ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan, tinatawag din siyang “Tagapagligtas.” (Gaw 5:31; 2Ti 1:10) Tinatawag din siyang “Punong Kinatawan para sa kaligtasan.” (Heb 2:10) Ang pangalang Jesus, na ibinigay sa Anak ng Diyos batay sa tagubilin ng isang anghel, ay nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan,” dahil sabi ng anghel, “ililigtas niya ang kaniyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan.” (Mat 1:21 at study note) Idiniriin ng mismong pangalan ni Jesus na nagliligtas si Jehova sa pamamagitan ni Jesus. Kaya parehong tinatawag na Tagapagligtas ang Ama at ang Anak. (Tit 2:11-13; 3:4-6) Ang mga terminong Hebreo at Griego (sa Septuagint) para sa “tagapagligtas” ay puwede ring tumukoy sa mga taong ginagamit ng Diyos bilang “mga tagapagligtas para palayain” ang bayan niya mula sa mga kaaway nila.—Ne 9:27; Huk 3:9, 15.

ating Tagapagligtas, ang Diyos: Tingnan ang study note sa 1Ti 1:1.

hindi pinilit na magpatuli . . . si Tito: Nang magkaroon ng isyu tungkol sa pagtutuli sa Antioquia (mga 49 C.E.), sinamahan ni Tito sina Pablo at Bernabe sa Jerusalem. (Gaw 15:1, 2; Gal 2:1) “Isa siyang Griego,“ isang di-tuling Gentil. (Tingnan ang study note sa Griego sa talatang ito.) Posibleng ipinapahiwatig ng paggamit ng pandiwang “pinilit” sa talatang ito na may mga Kristiyanong nagtataguyod ng mga paniniwala at tradisyong Judio na namimilit kay Tito na magpatuli. Pero sa pagpupulong sa Jerusalem, napagdesisyunan ng mga apostol at matatandang lalaki na hindi na kailangan ng mga Kristiyanong Gentil na magpatuli. (Gaw 15:23-29) Binanggit ni Pablo ang detalyeng ito tungkol kay Tito para suportahan ang argumento niya na ang mga nagpakumberte sa Kristiyanismo ay hindi na kailangang sumunod sa Kautusang Mosaiko. Dahil pangunahin nang nangangaral si Tito sa di-tuling mga tao ng ibang mga bansa, hindi magiging isyu kung hindi siya tuli. (2Co 8:6; 2Ti 4:10; Tit 1:4, 5) Kaya magkaiba sila ng kaso ni Timoteo, na tinuli ni Pablo.—Tingnan ang study note sa Gaw 16:3.

hindi ako napanatag dahil hindi ko nakita ang kapatid kong si Tito: Habang nasa Efeso, isinulat ni Pablo ang 1 Corinto, na naglalaman ng maraming matitinding payo. Pagkatapos, ipinadala niya si Tito sa Corinto para tumulong sa pagkolekta ng abuloy para sa mga kapatid sa Judea na nangangailangan. (2Co 8:1-6) Umasa si Pablo na magkikita sila ni Tito sa Troas, kaya nang hindi sila nagkita, sinabi niya: “Hindi ako napanatag.” Posibleng nalungkot si Pablo dahil hindi niya maririnig kay Tito ang naging reaksiyon ng mga taga-Corinto sa matitindi niyang payo. Hindi nahiya si Pablo na sabihin sa mga Kristiyano sa Corinto ang totoo niyang nararamdaman na nagpapakita kung gaano niya sila kamahal. Pagkatapos, “pumunta [siya] sa Macedonia,” kung saan sinalubong siya ni Tito ng magandang balita. Masayang-masaya si Pablo at nakahinga siya nang maluwag nang malaman niyang nakinig ang kongregasyon sa payo niya.—2Co 7:5-7; tingnan ang study note sa 2Co 7:5.

Dalmacia: Lugar na nasa Peninsula ng Balkan, sa silangan ng Dagat Adriatico. Dati itong tumutukoy sa timugang bahagi ng lalawigan ng Roma na Ilirico. Pero nang isulat ni Pablo ang liham na ito, isa nang lalawigan ang Dalmacia. (Tingnan ang Ap. B13.) Posibleng dumaan sa Dalmacia si Pablo dahil nangaral siya “hanggang sa Ilirico.” (Ro 15:19 at study note) Noong nasa Creta si Tito, pinakisuyuan siya ni Pablo na magpunta sa Nicopolis, na malamang na ang Nicopolis sa hilagang-kanlurang baybayin ng Greece ngayon. (Tit 3:12) Kaya posibleng magkasama sina Pablo at Tito sa Nicopolis at pagkatapos ay lumipat si Tito sa bago nitong atas sa Dalmacia. Posibleng naglingkod doon si Tito bilang misyonero at inasikaso ang mga kailangang ayusin sa mga kongregasyon, gaya ng ginawa niya sa Creta.—Tit 1:5.

isang tunay na anak: Ipinapakita ng malambing na ekspresyong ito ang pagkagiliw ni Pablo kay Timoteo. Walang mababasa sa Kasulatan kung si Pablo ang nagdala ng mabuting balita kay Timoteo at sa pamilya nito. Pero noong bata-bata pa si Timoteo, isinama niya ito sa mga paglalakbay niya. (Gaw 16:1-4) Kaya nang isulat ni Pablo ang liham na ito, itinuturing niya si Timoteo na anak “sa pananampalataya.” (Ihambing ang Tit 1:4.) Nabuo nila ang ganito kalapít na ugnayan dahil nagkasama sila nang 10 taon o higit pa.—1Co 4:17; Fil 2:20-22.

Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan: Ginamit ni Pablo ang pagbating ito sa 11 liham niya. (1Co 1:3; 2Co 1:2; Gal 1:3; Efe 1:2; Fil 1:2; Col 1:2; 1Te 1:1; 2Te 1:2; Tit 1:4; Flm 3) Halos ganito rin ang pagbati niya sa mga liham niya kay Timoteo, pero idinagdag niya ang katangiang “awa.” (1Ti 1:2; 2Ti 1:2) Napansin ng mga iskolar na sa halip na gamitin ni Pablo ang karaniwang salita para sa pagbati (khaiʹrein), madalas niyang gamitin ang katunog na terminong Griego (khaʹris) para ipakita ang kagustuhan niyang lubos na matanggap ng mga kongregasyon ang “walang-kapantay na kabaitan.” (Tingnan ang study note sa Gaw 15:23.) Ang pagbanggit niya ng “kapayapaan” ay kahawig ng isang karaniwang Hebreong pagbati, sha·lohmʹ. (Tingnan ang study note sa Mar 5:34.) Sa paggamit ng “walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan,” maliwanag na idiniriin ni Pablo ang naibalik na kaugnayan ng mga Kristiyano sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng pantubos. Nang sabihin ni Pablo kung kanino galing ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan, binanggit niya nang magkahiwalay ang Diyos na ating Ama at ang Panginoong Jesu-Kristo.

Diyos na ating Tagapagligtas: Sa unang liham ni Pablo kay Timoteo at sa liham niya kay Tito, anim na beses niyang ginamit ang terminong “Tagapagligtas” para tumukoy sa Diyos na Jehova (dito at sa 1Ti 2:3; 4:10; Tit 1:3; 2:10; 3:4), pero dalawang beses lang itong ginamit sa natitira pang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (Luc 1:47; Jud 25). Sa Hebreong Kasulatan, madalas ilarawan si Jehova bilang Tagapagligtas ng bayan niyang Israel. (Aw 106:8, 10, 21; Isa 43:3, 11; 45:15, 21; Jer 14:8) Dahil si Jesus ang ginamit ni Jehova para iligtas ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan, tinatawag din siyang “Tagapagligtas.” (Gaw 5:31; 2Ti 1:10) Tinatawag din siyang “Punong Kinatawan para sa kaligtasan.” (Heb 2:10) Ang pangalang Jesus, na ibinigay sa Anak ng Diyos batay sa tagubilin ng isang anghel, ay nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan,” dahil sabi ng anghel, “ililigtas niya ang kaniyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan.” (Mat 1:21 at study note) Idiniriin ng mismong pangalan ni Jesus na nagliligtas si Jehova sa pamamagitan ni Jesus. Kaya parehong tinatawag na Tagapagligtas ang Ama at ang Anak. (Tit 2:11-13; 3:4-6) Ang mga terminong Hebreo at Griego (sa Septuagint) para sa “tagapagligtas” ay puwede ring tumukoy sa mga taong ginagamit ng Diyos bilang “mga tagapagligtas para palayain” ang bayan niya mula sa mga kaaway nila.—Ne 9:27; Huk 3:9, 15.

Tito: Isang Griegong Kristiyano na malapít na kasamahan ni apostol Pablo. Noong mga 49 C.E., isinama siya ni Pablo sa Jerusalem, kung saan pinagdesisyunan ang isyu tungkol sa pagtutuli. (Gaw 15:1, 2; Gal 2:3 at study note) Pagkalipas ng ilang taon (mga 55 C.E.), ipinadala siya ni Pablo sa Corinto para tumulong sa pagkolekta ng pondong ibibigay sa mga nangangailangang Kristiyano sa Judea at posibleng para malaman kung paano tumugon ang mga Kristiyano sa Corinto sa unang liham ng apostol. Napatibay si Pablo sa magandang ulat ni Tito, kaya sumulat siya ng ikalawang liham sa Corinto, at lumilitaw na si Tito ang nagdala ng liham na ito. (2Co 2:13 at study note; 2Co 7:6, 7, 13-16; 8:1-6, 16, 17, 23; 12:17, 18) Posibleng sa pagitan ng 61 at 64 C.E., iniwan ni Pablo si Tito sa Creta para “maayos [nito] ang mga bagay na kailangang ituwid at makapag-atas . . . ng matatandang lalaki.” (Tit 1:5) Nang maglaon, hinilingan ni Pablo si Tito na samahan siya sa Nicopolis. (Tit 3:12) Noong ikalawang pagkabilanggo ni Pablo sa Roma (mga 65 C.E.), nagpunta si Tito sa Dalmacia. (Tingnan ang study note sa 2Ti 4:10.) Malamang na humingi siya ng permiso kay Pablo, o posible pa ngang ang apostol ang nagsugo sa kaniya doon. Maliwanag, si Tito ay isang tapat na Kristiyano, malaking tulong sa mga kongregasyong pinaglingkuran niya, at isang maaasahang kamanggagawa ni Pablo.

tunay na anak: Sa mga liham ni Pablo, sina Tito at Timoteo lang ang tinawag niya sa ganitong malambing na ekspresyon. (1Ti 1:2 at study note) Posibleng kay Pablo nalaman ni Tito ang mabuting balita. Ito man ang dahilan o hindi, itinuturing ni Pablo si Tito na anak niya sa espirituwal. Naging napakalapít nila sa isa’t isa dahil magkasama silang naglingkod sa mga kongregasyon. (2Co 8:23) Nang isulat ni Pablo ang liham na ito, di-bababa sa 12 taon na silang magkakilala ni Tito.

Sumaiyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan: Tingnan ang study note sa Ro 1:7.

Kristo Jesus na ating Tagapagligtas: Sa naunang talata, tinawag ang Diyos na “ating Tagapagligtas.” Kaya iniisip ng ilan na iisa lang si Jesus at ang Diyos. Pero kapansin-pansin na magkabukod na binanggit sa talatang ito ang “Diyos na Ama” at si “Kristo Jesus na ating Tagapagligtas.” Si Jesus ang ginamit ng Diyos para iligtas ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan, kaya matatawag din si Jesus na “ating Tagapagligtas.” Sa Heb 2:10, tinawag ni Pablo si Jesus na “Punong Kinatawan para sa kaligtasan.” At si Jehova naman ay tinatawag ng manunulat ng Bibliya na si Judas na “tanging Diyos na Tagapagligtas natin sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon,” na nagpapakitang nagtutulungan ang Diyos at si Kristo para mailigtas ang mga tao. (Jud 25) Kaya hindi sinusuportahan ng pananalita dito ni Pablo ang ideya na iisa lang si “Kristo Jesus” at ang “Diyos na Ama.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 1:1.

Nag-atas: Ipinapakita dito ng Kasulatan na ang mga naglalakbay na tagapangasiwa, na sina Pablo at Bernabe, ay nag-atas ng matatandang lalaki. Ginawa nila ito sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aayuno, na nagpapakitang itinuturing nila ang ganitong pag-aatas na isang seryosong bagay. Si Tito, at lumilitaw na pati si Timoteo, ay sinabing nag-atas din ng “matatandang lalaki” sa mga kongregasyon. (Tit 1:5; 1Ti 5:22) Ang salitang Griego na ginamit dito para sa “nag-atas,” khei·ro·to·neʹo, ay literal na nangangahulugang “iunat o itaas ang kamay.” Dahil dito, iniisip ng ilan na pinagbobotohan ang mga gagawing matatandang lalaki sa kongregasyon sa pamamagitan ng pagtataas ng kamay. Pero ang salitang Griego na ito ay mayroon ding mas malawak na kahulugan, na hindi tumutukoy sa paraan ng pag-aatas. Ganiyan ang pagkakagamit ng unang-siglong Judiong istoryador na si Josephus sa terminong iyan sa kaniyang aklat na Antiquities of the Jews, Aklat 6, kab. 4 at 13 (Loeb 6:54 at 6:312), kung saan ginamit niya ang kaparehong pandiwang Griego para ilarawan ang pag-aatas ng Diyos kay Saul bilang hari. Hindi pinagbotohan ng kongregasyon ng Israel ang pagiging hari ni Saul. Sa halip, sinasabi ng Kasulatan na nagbuhos ng langis si propeta Samuel sa ulo ni Saul at sinabi niya: “Pinili ka ni Jehova bilang pinuno.” Ipinapakita nito na ang Diyos na Jehova ang nag-atas kay Saul. (1Sa 10:1) Gayundin, kung pagbabatayan ang Griegong gramatika na ginamit sa Gaw 14:23, makikita na ang mga apostol na sina Pablo at Bernabe, hindi ang kongregasyon, ang gumawa ng pag-aatas (Lit., “pag-uunat ng kamay”). Sa ilang sitwasyon, nang bigyan ng pananagutan sa kongregasyon noong unang siglo ang ilang kuwalipikadong mga lalaki, literal na ipinatong ng mga apostol at iba pang awtorisadong mga lalaki ang mga kamay nila sa mga ito bilang tanda ng kumpirmasyon, pagsang-ayon, at pag-aatas.—Ihambing ang study note sa Gaw 6:6.

Creta: Isa ito sa malalaking isla sa Mediteraneo, at nasa dulong timog ito ng Dagat Aegeano, na mga 100 km (62 mi) sa timog-silangan ng Gresya. Ang Creta ay mga 250 km (155 mi) ang haba, at 56 km (35 mi) ang pinakamalapad na bahagi nito. Dumaan si apostol Pablo sa islang ito noong papunta siya sa Roma para sa una niyang paglilitis. (Gaw 27:7-9, 12, 13, 21) Lumilitaw na pagkatapos ng unang pagkabilanggo niya sa Roma, bumalik siya sa Creta para mangaral. Iniwan niya si Tito doon para ipagpatuloy nito ang gawain.—Tingnan ang Ap. B13; Media Gallery, “Mga Gawa ng mga Apostol—Paglalakbay ni Pablo sa Roma at Unang Pagkabilanggo Niya Doon”; “Mga Paglalakbay ni Pablo Pagkatapos ng mga 61 C.E.

para maayos mo: Pag-alis ni Pablo sa Creta, may ipinagkatiwala siya kay Tito na isang mahirap na atas. Kailangang ayusin ni Tito ang mga bagay na kailangang ituwid, o sapatan, sa mga kongregasyon sa Creta. Marami pang mahahalagang bagay na kailangang gawin doon, gaya ng ipinapakita sa liham na ito. Kasama sa mga tagubilin ni Pablo ang mga dapat gawin kapag may ayaw makipagtulungan, hindi nagpapasakop sa maibiging mga payo at tagubilin ni Tito, o nagtataguyod pa nga ng mga sekta.—Tit 1:9; 2:15; 3:10, 11.

makapag-atas ka ng matatandang lalaki: Ipinapakita ng pananalitang ito na inatasan ni Pablo si Tito na maghirang ng mga lalaking mangunguna sa bawat kongregasyon. (Heb 13:7, 17) Para maging matandang lalaki, kailangang maabot ng isang Kristiyano ang mga kuwalipikasyong ipinasulat ni Jehova kay Pablo sa sumunod na mga talata. (Tit 1:6-9; tingnan din ang 1Ti 3:1-7.) Si Tito at ang iba pang naglalakbay na tagapangasiwa—gaya nina Pablo at Bernabe, at lumilitaw na pati na si Timoteo—ay awtorisadong maghirang ng matatandang lalaki sa iba’t ibang kongregasyon.—Tingnan ang study note sa Gaw 14:23.

sa bawat lunsod: Kilalá noon ang Creta sa pagkakaroon ng maraming lunsod. Sa katunayan, daan-daang taon bago ang panahon ni Pablo, inilarawan ito ng Griegong awtor na si Homer bilang “Creta na may daan-daang lunsod.” (The Iliad, II, 649) Hindi natin alam ang eksaktong bilang ng lunsod at bayan sa islang ito noong unang siglo C.E. Ginamit ni Pablo ang ekspresyong “sa bawat lunsod” para ipakitang kailangang maglakbay ni Tito sa buong isla para maghirang ng matatandang lalaki sa mga kongregasyon na magtuturo at magpapastol sa mga Kristiyano.—Tit 1:6-9.

di-mapupulaan: Ang salitang Griego na ginamit dito ay puwede ring isaling “di-mapipintasan.” Hindi ibig sabihin nito na dapat na perpekto ang isang tagapangasiwa. Nangangahulugan lang ito na dapat na walang maibabatong makatuwirang reklamo laban sa kaniya. Dapat na di-mapipintasan ang paggawi niya, pakikitungo sa iba, at paraan ng pamumuhay. Dapat na mayroon siyang napakataas na moralidad. (2Co 6:3, 4; Tit 1:6, 7) Sinasabi ng ilang iskolar na saklaw ng salitang ito ang lahat ng kuwalipikasyong dapat abutin ng isang lalaking Kristiyano para maging tagapangasiwa.

asawa ng isang babae: Bago ibinigay ni Pablo ang mga tagubiling ito, naibalik na ni Jesus ang orihinal na pamantayan ni Jehova na magkaroon lang ng isang asawa. (Mat 19:4-6) Kaya hindi puwedeng magkaroon ng maraming asawa ang isang tagapangasiwang Kristiyano, kahit pa pinahihintulutan ng Kautusang Mosaiko ang poligamya at karaniwan lang ito sa mga di-Kristiyano. Karaniwan din noon ang diborsiyo at pag-aasawang muli, kahit sa mga Judio. Pero itinuro ni Jesus na hindi puwedeng makipagdiborsiyo ang isang lalaki sa asawa niya at mag-asawa ng iba kung walang makakasulatang basehan. (Mat 5:32; 19:9) Para sa lahat ng Kristiyano ang pamantayang ito, pero dapat na maging huwaran dito ang mga tagapangasiwa at ministeryal na lingkod. (1Ti 3:12) Isa pa, dapat na manatiling malinis sa moral ang isang tagapangasiwa at tapat sa asawa niya.—Heb 13:4.

may mga anak na masunurin at mabuti ang asal: O ”may mga anak na nagpapasakop nang buong pagkaseryoso.” Ang pariralang “nang buong pagkaseryoso” ay lumilitaw na para sa “mga anak” at hindi sa “ama,” gaya ng sinasabi ng ilan. Ang mga Kristiyanong anak ay “nagpapasakop nang buong pagkaseryoso” kung masunurin sila, magalang, at mabuti ang asal. Kumikilos sila nang angkop sa edad nila at kalagayan. Ipinapakita ng Bibliya na natural lang sa mga bata na tumawa at maglaro. (Luc 7:32; ihambing ang Ec 3:4; Isa 11:8.) Sa 1Co 13:11, sinabi ni Pablo na noong bata siya, nagsasalita siya, nag-iisip, at nangangatuwiran na “gaya ng bata.” Kaya hindi naman niya sinasabi dito na dapat asahan ang mga bata na mangatuwiran o kumilos na parang mga adulto.

huwag ninyong inisin: Ang pandiwang Griego para sa “inisin” ay puwedeng literal na isaling “galitin.” Hindi ito tumutukoy sa pagkainis ng mga anak sa maliliit na bagay na di-sinasadyang nagagawa ng mga magulang dahil sa pagiging di-perpekto. Ayon sa isang reperensiya, ang pagkainis na ito ay dahil sa “pagiging padalos-dalos [ng mga magulang] at malupit at pabago-bagong pakikitungo [nila] sa mga anak kaya . . . napapalayo ang mga ito, naghihinanakit, at nagrerebelde.”—Ihambing ang Col 3:21.

disiplina at patnubay ni Jehova: Ang Diyos na Jehova ang nakakaalam ng pinakamahusay na paraan ng pagpapalaki sa mga anak. Nang sabihin ni Moises sa mga Israelita na ‘dapat nilang ibigin si Jehova’ nang kanilang buong puso, kaluluwa, at lakas, tinagubilinan din niya sila na itanim sa puso ng mga anak nila ang salita ni Jehova. (Deu 6:5-8) Sinasabi sa Bibliya na si Jehova mismo ang nagdidisiplina sa mga lingkod niya.—Deu 11:2; Kaw 3:11, 12; Heb 12:6; para sa paliwanag kung bakit ginamit dito ang pangalan ng Diyos, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Efe 6:4.

disiplina: Ang salitang Griego para sa “disiplina” (pai·deiʹa) ay kaugnay ng isang salita para sa “anak” (pais). Kaya ang isang aspekto ng “disiplina” ayon sa pagkakagamit sa Bibliya ay tumutukoy sa mga kailangan sa pagpapalaki ng mga anak—pagbibigay ng tagubilin, pagtuturo, pagtutuwid, at kung minsan, pagpaparusa sa maibiging paraan. Ayon sa isang diksyunaryo, ang terminong ito ay nangangahulugang “pagpatnubay sa isa para lumaki siyang responsable, pagsubaybay sa kaniyang paglaki, pagsasanay, at pagtuturo.”

patnubay: O “tagubilin; payo; pagsasanay.” Lit., “ilagay sa kanila ang kaisipan.” Ang salitang Griego na ginamit dito (nou·the·siʹa) ay kombinasyon ng mga salita para sa “isip” (nous) at “ilagay” (tiʹthe·mi). Sa kontekstong ito, ipinapakita ng paggamit ng salitang ito na kailangang tulungan ng mga Kristiyanong ama ang anak nila na maintindihan ang kaisipan ng Diyos. Para bang inilalagay nila ang kaisipan ng Diyos na Jehova sa isip ng mga anak nila.

huwag ninyong inisin: Ang salitang Griego para sa “inisin” ay puwede ring isaling “galitin” o “yamutin.” Hindi tinutukoy dito ni Pablo ang epekto ng disiplinang ibinibigay ng mapagmahal na magulang. (Ihambing ang Kaw 13:24.) Sa halip, tinutukoy niya ang masamang epekto sa mga bata ng pagiging di-makatuwiran ng mga magulang o ng malupit na pakikitungo nila. Kapag ganiyan ang mga magulang, hindi nila natutularan ang maibiging pakikitungo ni Jehova sa mga lingkod niya (Aw 103:13; San 5:11) o sa mismong Anak niya (Mat 3:17; 17:5) na mababasa sa Bibliya.

masiraan ng loob: Gumamit si Pablo ng isang salita na dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at puwede rin itong isaling “panghinaan ng loob.” Tumutukoy ito sa matinding pagkasira ng loob na posibleng may malalim na epekto sa bata habang lumalaki siya. Gaya ng makikita sa konteksto, puwedeng resulta ito ng maling pakikitungo ng magulang sa mga anak. Ayon sa isang reperensiya, maaaring maitanim sa isip ng bata na imposible niyang mapasaya ang mga magulang niya dahil sa ‘nakakainis’ na pakikitungo na binanggit dito ni Pablo. Dahil diyan, posibleng masiraan ng loob ang bata at tuluyan na siyang mawalan ng pag-asa.—Tingnan ang study note sa huwag ninyong inisin sa talatang ito.

masamang pamumuhay: O “maaksayang (iresponsableng) pamumuhay.” Ganiyan ang pagkakagamit ng kaugnay na salitang Griego sa Efe 5:18; Tit 1:6; 1Pe 4:4. Dahil ang salitang Griegong ito ay puwede ring tumukoy sa pagiging magastos o maaksaya, ang ilustrasyong ito ay tinawag na “ang alibughang (maaksayang) anak.”

malaya sa akusasyon: May kahawig na mga ekspresyong makikita sa unang liham ni Pablo kay Timoteo.—1Ti 3:10; tingnan ang study note sa 1Ti 3:2.

asawa ng isang babae: Tingnan ang study note sa 1Ti 3:2.

may nananampalatayang mga anak: Dapat na mahusay na ulo ng pamilya ang isang Kristiyanong lalaki para makapaglingkod siya bilang matandang lalaki. Halos ganiyan din ang sinabi ni Pablo sa 1Ti 3:4. (Tingnan ang study note.) Pero dito, idinagdag niya na dapat na ‘nananampalataya’ ang mga anak ng isang matandang lalaki. Hindi ipinapahiwatig dito ni Pablo na dapat pilitin ng isang Kristiyanong ama ang mga anak niya na maging mánanampalatayá; salungat iyon sa kalayaang magpasiya na mababasa sa Kasulatan. (Deu 30:15, 16, 19) Sa halip, para maging isang matandang lalaki, kailangang ipakita ng isang ama na ibinigay niya ang buong makakaya niya para tulungan ang mga anak niya na maging Kristiyano. Dapat na sundin niyang mabuti ang tagubilin ni Jehova sa mga ama kung paano magpalaki ng mga anak.—Deu 6:6, 7; tingnan ang study note sa Efe 6:4; Col 3:21.

masamang pamumuhay: Ang salitang Griego na isinalin ditong “masamang pamumuhay” ay puwede ring isaling “pagiging suwail.” Kadalasan nang tumutukoy ito sa maluho, maaksaya, at imoral na pamumuhay. (1Pe 4:4) Ang kaugnay nitong salitang Griego ay lumitaw sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa suwail na anak na naglayas at ‘namuhay nang masama’; kasama dito ang paglustay ng mana niya sa mga babaeng bayaran.—Luc 15:13 at study note, 30.

pagrerebelde: Sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo ay nangangahulugang “ayaw magpasakop sa awtoridad, walang disiplina, masuwayin.” Hindi puwedeng maging tagapangasiwa ang isang Kristiyanong lalaki kung hinahayaan niya ang mga anak niya na maging rebelyoso at di-makontrol.

katiwala: O “tagapamahala sa sambahayan.” Ang salitang Griego na oi·ko·noʹmos ay tumutukoy sa isang tao na inatasang mangasiwa sa mga tagapaglingkod, kahit na siya mismo ay isa ring tagapaglingkod. Noon, kadalasan nang ang pinipili para sa posisyong ito ay isang tapat na alipin na inatasang mangasiwa sa mga pag-aari ng panginoon niya. Kaya talagang pinagkakatiwalaan ang ganitong alipin. Ganiyang klase ng katiwala, o tagapamahala sa sambahayan, ang lingkod ni Abraham na “namamahala sa lahat ng pag-aari niya.” (Gen 24:2) Ganiyan din si Jose, gaya ng makikita sa Gen 39:4. Ang “katiwala” sa ilustrasyon ni Jesus ay nasa pang-isahang anyo, pero hindi ito nangangahulugang tumutukoy ito sa isang partikular na tao. Gumagamit kung minsan ang Kasulatan ng pangngalang nasa pang-isahang anyo para tumukoy sa isang grupo, gaya noong sabihin ni Jehova sa bansang Israel: “Kayo [pangmaramihan] ang mga saksi ko, . . . oo, ang lingkod [pang-isahan] ko na aking pinili.” (Isa 43:10) Kaya ang ilustrasyong ito ni Jesus ay tumutukoy rin sa isang grupong pinagkakatiwalaan. Sa kaparehong ilustrasyon na nasa Mat 24:45, ang aliping ito ay tinawag na “ang tapat at matalinong alipin.”

katiwala: O “tagapamahala sa sambahayan.” Ang salitang Griego para sa “katiwala” (oi·ko·noʹmos) ay tumutukoy sa isang lingkod na namamahala sa sambahayan, pati na sa negosyo, mga ari-arian, at iba pang lingkod ng panginoon niya. Kaya talagang pinagkakatiwalaan ang ganitong lingkod at inaasahan na magiging tapat siya. (1Co 4:2) Alam ni Pablo na ipinagkatiwala sa kaniya ang “mga sagradong lihim ng Diyos” at na kailangan niya itong ibahagi sa iba, gaya ng utos ng Panginoon, si Jesu-Kristo.—1Co 9:16; tingnan ang study note sa Luc 12:42.

di-mapupulaan: Ang salitang Griego na ginamit dito ay puwede ring isaling “di-mapipintasan.” Hindi ibig sabihin nito na dapat na perpekto ang isang tagapangasiwa. Nangangahulugan lang ito na dapat na walang maibabatong makatuwirang reklamo laban sa kaniya. Dapat na di-mapipintasan ang paggawi niya, pakikitungo sa iba, at paraan ng pamumuhay. Dapat na mayroon siyang napakataas na moralidad. (2Co 6:3, 4; Tit 1:6, 7) Sinasabi ng ilang iskolar na saklaw ng salitang ito ang lahat ng kuwalipikasyong dapat abutin ng isang lalaking Kristiyano para maging tagapangasiwa.

makatuwiran: Malawak ang kahulugan ng salitang ginamit dito ni Pablo. Puwede rin itong tumukoy sa pagiging mahinahon, magalang, o mapagpasensiya. (Tingnan ang study note sa Fil 4:5.) Literal itong nangangahulugang “mapagparaya.” Pero hindi naman sinasabi ni Pablo na hahayaan na lang o kukunsintihin ng isang tagapangasiwa ang gumagawa ng mali o ikokompromiso niya ang pamantayan ng Diyos. Sa halip, sinasabi niya na pagdating sa personal na mga kagustuhan, handang magparaya ang isang tagapangasiwa. Hindi niya igigiit ang karapatan niya o ipipilit na masunod ang mga nakasanayan niyang paraan, kundi igagalang niya ang opinyon ng iba at makikibagay siya sa nagbabagong mga kalagayan. Nanghahawakan ang isang tagapangasiwa sa mga batas at prinsipyo ng Bibliya, pero pinagsisikapan niyang maging mabait at balanse sa pagtataguyod nito. Tanda ng karunungan mula sa Diyos ang pagiging makatuwiran, at isa rin ito sa mga katangiang kitang-kita kay Jesu-Kristo. (San 3:17; tingnan ang study note sa 2Co 10:1.) Dapat na kitang-kita rin ito sa lahat ng Kristiyano.—Tit 3:1, 2.

hindi marahas: O “hindi nambubugbog.” Ang salitang Griego na isinalin ditong “marahas” ay puwedeng literal na tumukoy sa isa na nananakit sa pisikal. Pero malawak ang kahulugan ng terminong ito at puwede ring tumukoy sa isa na nananakot at masakit magsalita. Ang sakit na naidudulot nito ay katulad din ng sakit ng pambubugbog. (Tingnan ang study note sa Col 3:8.) Sa patnubay ng espiritu, itinuro ni Pablo na dapat na maging mabait at mahinahon ang mga Kristiyano, kahit na sa mahihirap na sitwasyon. Lalo na itong dapat sundin ng matatandang lalaki.—Ihambing ang 2Ti 2:24, 25.

sakim sa pakinabang: Ang ekspresyong ito (na makikita rin sa Tit 1:7) ay tumutukoy sa isa na “kahiya-hiya ang pagkagahaman sa materyal na pakinabang,” ayon sa isang diksyunaryo. (Ihambing ang 1Ti 3:3; 1Pe 5:2.) Kapag maibigin sa pera ang isa, nanganganib ang kaugnayan niya kay Jehova. Hindi rin magmamana ng Kaharian ng Diyos ang taong sakim. (1Co 6:9, 10; 1Ti 6:9, 10) Kaya naman hindi puwedeng maging tagapangasiwa o ministeryal na lingkod ang gayong tao. Malamang na samantalahin niya ang tiwala ng mga kapatid niya. Halimbawa, puwedeng ipagkatiwala sa inatasang mga lalaki ang paghawak sa pondo ng kongregasyon at paggamit nito para tulungan ang mga nangangailangan. Kung sila ay “sakim sa pakinabang,” matutukso silang magnakaw sa pondo. Hindi lang ito makakasamâ sa kongregasyon, kundi makakapagpagalit pa kay Jehova.—Ju 12:4-6.

hindi maibigin sa pera: Kung pangunahin sa isang tao ang pagkakaroon ng materyal na kayamanan, hindi niya mapapastulang mabuti ang “kawan ng Diyos.” (1Pe 5:2) Kapag nakapokus siya sa materyal na mga bagay sa sanlibutang ito, hindi niya matutulungan ang mga lingkod ng Diyos na magpokus sa pag-abot sa buhay na walang hanggan sa “darating na sistema.” (Luc 18:30) At hindi niya matuturuan ang iba na “umasa . . . sa Diyos” kung siya mismo ay umaasa sa “kayamanan na walang katiyakan.” (1Ti 6:17) Kaya hindi puwedeng maging tagapangasiwa ang taong “maibigin sa pera.” Ang kuwalipikasyong ito para sa mga tagapangasiwa ay kaayon ng payo ng Bibliya para sa lahat ng Kristiyano.—Mat 6:24; 1Ti 6:10; Heb 13:5.

bilang katiwala ng Diyos: Dito, inilarawan ni Pablo ang “isang tagapangasiwa” sa kongregasyon bilang isang “katiwala,” o tagapamahala sa sambahayan. Ang terminong “katiwala” ay tumutukoy sa isang tao na nangangasiwa sa mga pag-aari ng panginoon niya at nangangalaga sa mga miyembro ng sambahayan nito. Tinawag ni Pablo ang kongregasyong Kristiyano na “sambahayan ng Diyos” sa unang liham niya kay Timoteo, kung saan mababasa rin ang mga kuwalipikasyon ng isang tagapangasiwa. (1Ti 3:15) Nang ilarawan niya ang mga tagapangasiwa bilang “katiwala ng Diyos,” idiniin niya ang papel ng matatandang lalaki sa pangangalaga sa sambahayan ng Diyos. Kasama sa atas niya ang manguna sa pagtuturo sa loob at labas ng kongregasyon. Mananagot ang mga katiwalang iyon sa panginoon nila, ang Diyos, sa kung paano nila ginagampanan ang pananagutan nila.—Tingnan ang study note sa Luc 12:42; 1Co 4:1.

dapat na malaya sa akusasyon: Tingnan ang study note sa 1Ti 3:2.

arogante: O “mapaggiit.” Ipinipilit ng ganitong tao na masunod ang gusto niya. Nagmamatigas siya, at ayaw niyang makinig sa opinyon ng iba. Kapag ganito ang ugali ng isa, hindi siya makikipagtulungan at babale-walain niya ang nararamdaman ng iba. Kapag naging tagapangasiwa siya, mapapasamâ ang kongregasyon.—Ihambing ang study note sa 1Ti 3:3.

mainitin ang ulo: O “magagalitin; iritable.” Hindi makontrol ng taong mainitin ang ulo ang galit niya, at dahil mabilis siyang magalit, nakakasira siya ng pagkakaisa at nagdudulot ito ng malaking problema. (Kaw 15:18; 22:24; 25:28; 29:22) Pero ang isang lalaking kuwalipikadong maging tagapangasiwa ay “makatuwiran, hindi palaaway.” (1Ti 3:3) Tinutularan niya si Jehova, na “hindi madaling magalit.”—Exo 34:6; Aw 86:15.

hindi marahas: Tingnan ang study note sa 1Ti 3:3.

sakim sa pakinabang: Tingnan ang study note sa 1Ti 3:8, kung saan ginamit din ni Pablo ang terminong Griego para sa ekspresyong ito; tingnan din ang study note sa 1Ti 3:3.

mapagpatuloy: Dapat na maging mapagpatuloy ang lahat ng Kristiyano. (Heb 13:1, 2; 1Pe 4:9) Pero dapat na maging huwaran dito ang isang tagapangasiwa. (Tit 1:8) Ang terminong Griego para sa “pagkamapagpatuloy” ay literal na nangangahulugang “pag-ibig sa mga estranghero.” (Tingnan ang study note sa Ro 12:13.) Sa ilang diksyunaryo, ang kaugnay na pang-uring isinalin ditong “mapagpatuloy” ay nangangahulugang “makonsiderasyon sa estranghero o bisita” at “bukas-palad sa mga panauhin.” Sa isang reperensiya, ganito inilarawan ang isang taong mapagpatuloy: “Ang pinto ng bahay niya—at ng puso niya—ay bukás sa mga estranghero.” Kaya dapat na maging mapagpatuloy sa lahat, hindi lang sa malalapít na kaibigan. Halimbawa, pinasisigla ang mga Kristiyano na maging mapagpatuloy sa mahihirap, pati na sa naglalakbay na mga kinatawan ng mga kongregasyon.—San 2:14-16; 3Ju 5-8.

kabutihan: Katangian o kalagayan ng pagiging mabuti; kaugnay nito ang mataas na moralidad. Sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego para sa “kabutihan” ay tumutukoy sa isang “magandang katangian na naipapakita partikular na sa pamamagitan ng pagmamalasakit sa iba.” Kaya ang isang Kristiyano ay hindi lang dapat na maging mabuti, kundi dapat din siyang gumawa ng mabuti. Kahit na di-perpekto ang isang Kristiyano, puwede pa rin siyang maging mabuti kung susunod siya sa mga utos ni Jehova at tutularan niya ang kabutihan at pagkabukas-palad ng Diyos. (Gaw 9:36, 39; 16:14, 15; Ro 7:18; Efe 5:1) Si Jehova ay mabuti sa sukdulang diwa. (Aw 25:8; Zac 9:17; Mar 10:18 at study note) Napakabukas-palad at makonsiderasyon niyang Diyos.—Gaw 14:17.

may matinong pag-iisip: O “mahusay magpasiya.” Ayon sa isang diksyunaryo, ang mga salitang Griego na isinaling “matinong pag-iisip” o “katinuan ng pag-iisip” ay tumutukoy sa pagiging “maingat, palaisip, may kontrol sa sarili.” Ang taong may matinong pag-iisip ay balanse at hindi padalos-dalos magpasiya.

ang mga lalaki ay magpatuloy sa pananalangin: Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang pangunguna sa panalangin ng kongregasyon, na sa mga lalaki lang iniaatas. (1Co 14:34; 1Ti 2:11, 12) Ang pagtataas ng mga kamay ay karaniwang posisyon sa pananalangin noong panahon ng Bibliya; puwedeng itaas ng lalaking nangunguna sa panalangin ang mga kamay niya habang nagsusumamo sa Diyos. (Ihambing ang 1Ha 8:22, 23.) Pero hindi laging ganiyan ang posisyon sa pananalangin ng tapat na mga mananamba, at wala ring espesipikong binabanggit ang Bibliya na pinakaangkop na posisyon. (1Cr 17:16; Mar 11:25; Gaw 21:5) Ang pinakamahalaga ay ang saloobin ng nananalangin. Sa talatang ito, idiniriin ni Pablo na mahalaga ang katapatan ng nananalangin. Ang salitang Griego para sa “katapatan” ay puwede ring isaling “kabanalan,” “kadalisayan,” “kalinisan.” Kaya ang mahalaga kay Jehova ay ang kalinisan sa moral ng isang tao at ang katapatan at pagtitiwala nito sa kaniya.—Ihambing ang study note sa Tit 1:8.

pagpipigil sa sarili: Apat na beses lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang salitang Griego dito para sa “pagpipigil sa sarili.” (Gaw 24:25; 2Pe 1:6) Ang katangiang ito ay nangangahulugang “pagpipigil na magpadala sa damdamin, pabigla-biglang desisyon, o kagustuhan.” Isang kaugnay na pandiwang Griego ang ginamit sa 1Co 9:25 (tingnan ang study note), kung saan sinabi ni Pablo tungkol sa mga atleta na kasali sa mga palaro: “Ang lahat ng kasali sa isang paligsahan ay nagpipigil sa sarili sa lahat ng bagay.” Ginamit din ng Septuagint ang pandiwang Griego na ito sa Gen 43:31 nang sabihin nito na ‘kinontrol ni Jose ang damdamin’ niya. Ang pandiwang Hebreo sa Gen 43:31 ay ginamit din sa Isa 42:14, kung saan mababasa na sinabi ni Jehova: “Nagpigil [ako] sa sarili.” Sa halip na parusahan agad ang mga nagkasala, pinalipas muna ni Jehova ang panahon para magkaroon sila ng pagkakataong magbago at makuha ang pagsang-ayon niya.—Jer 18:7-10; 2Pe 3:9.

kundi mapagpatuloy: Pagkatapos isa-isahin ang negatibong mga katangian na hindi puwede sa isang tagapangasiwa, gumamit si Pablo ng salitang “kundi” para ipakita naman ang mga positibong katangian na kailangan ng isang tagapangasiwa. Maliwanag na ipinapakita ni Pablo na hindi sapat na basta iwasan ng isang lalaki ang masasamang katangian; kailangan din niyang magpakita ng magagandang katangian, gaya ng pagkamapagpatuloy.—Tingnan ang study note sa 1Ti 3:2.

laging gumagawa ng mabuti: O “maibigin sa kabutihan.” Iniibig ng ganitong tao ang lahat ng itinuturing ni Jehova na mabuti. Nakikita niya, pinapahalagahan, at pinupuri ang mabubuting bagay sa iba. Masaya rin siyang gumawa ng mabuti para sa iba, kahit na lampas pa iyon sa inaasahan sa kaniya.—Mat 20:4, 13-15; Gaw 9:36; 1Ti 6:18; tingnan ang study note sa Gal 5:22.

may matinong pag-iisip: Tingnan ang study note sa 1Ti 3:2.

tapat: Ang isang tapat na tagapangasiwa ay may di-natitinag na debosyon kay Jehova at laging sumusunod sa Salita ng Diyos. Hindi niya iniiwan ang mga kapananampalataya niya sa panahon ng pagsubok at pag-uusig. Kahit na puwedeng isalin ang salitang Griego na ginamit dito bilang “banal” o “deboto” (gaya ng pagkakasalin dito sa ibang Bibliya), mas matibay ang basehan ng saling “tapat.” Halimbawa, madalas lumitaw ang salitang Griegong ito sa salin ng Septuagint para sa salitang Hebreo na nangangahulugang “tapat.” (2Sa 22:26; Aw 18:25; 97:10) Sa katunayan, sinasabi sa isang reperensiya na ang salitang Griegong ito ay tumutukoy sa “isang taong tapat sa Diyos.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 2:8.

may pagpipigil sa sarili: Tingnan ang study note sa Gal 5:23.

Huwag higitan ang mga bagay na nasusulat: Hindi ito sinipi mula sa Hebreong Kasulatan. Lumilitaw na isa itong sikat na prinsipyo o kasabihan noon. Ipinapahiwatig nito na hindi dapat magturo ang mga lingkod ng Diyos nang higit sa mga batas at prinsipyong nakasulat sa Salita ng Diyos. Halimbawa, sinasabi ng Kasulatan kung ano dapat ang maging tingin ng Kristiyano sa sarili niya at sa iba, at hindi siya dapat lumampas dito. Ipinagyayabang ng mga taga-Corinto ang ilang partikular na tao, posibleng si Apolos at si Pablo pa nga. May pinapanigan sila kaya nagkakaroon ng pagkakabaha-bahagi. Hanggang sa bahaging ito ng liham ni Pablo, sumipi siya nang maraming beses mula sa Hebreong Kasulatan posibleng para makapagpakita ng mabuting halimbawa sa mga taga-Corinto. Ginawa niya ito para suportahan ang mga argumento niya, gamit ang salitang “nasusulat.”—1Co 1:19, 31; 2:9; 3:19; tingnan din ang 1Co 9:9; 10:7; 14:21; 15:45.

kuwalipikadong magturo: Dapat na isang mahusay na guro ang isang tagapangasiwa—kaya niyang ituro nang malinaw sa mga kapananampalataya niya ang mga katotohanan at prinsipyo sa Bibliya. Sa liham ni Pablo kay Tito, sinabi niya na ang isang tagapangasiwa ay dapat na “mahigpit na nanghahawakan sa mapananaligang mensahe pagdating sa kaniyang paraan ng pagtuturo” para mapatibay, mapayuhan, at maituwid niya ang iba. (Tit 1:5, 7, 9 at mga study note) Ginamit din ni Pablo ang ekspresyong “kuwalipikadong magturo” sa ikalawang liham niya kay Timoteo. Sinabi niya doon na “ang alipin ng Panginoon” ay dapat na may pagpipigil sa sarili at “mahinahong nagtuturo sa mga rebelyoso.” (2Ti 2:24, 25) Kaya dapat na may kakayahan ang isang tagapangasiwa na mangatuwiran batay sa Kasulatan sa nakakakumbinsing paraan, magbigay ng mahusay na payo, at maabot ang puso ng mga tagapakinig niya. (Tingnan ang study note sa Mat 28:20.) Dapat na masipag siyang mag-aral ng Salita ng Diyos, dahil ang mga tuturuan niya ay nag-aaral din ng Bibliya.

isang haligi at pundasyon ng katotohanan: Gumamit si Pablo ng dalawang terminong pang-arkitektura para ilarawan ang kongregasyong Kristiyano. Ang matitibay na haligi ay makikita sa maraming malalaking gusali noong panahon ni Pablo; kadalasan nang sinusuportahan ng mga ito ang mabibigat na bubong. Malamang na nasa isip ni Pablo ang templo sa Jerusalem o iba pang malalaking gusali sa Efeso, kung saan nakatira si Timoteo nang panahong iyon. (Ginamit din ni Pablo ang terminong “haligi” sa Gal 2:9. Tingnan ang study note.) Dito sa 1Ti 3:15, tinawag ni Pablo ang buong kongregasyong Kristiyano na isang haliging sumusuporta sa katotohanan. Ginamit din ni Pablo ang isa pang salitang Griego na isinalin namang “pundasyon,” na puwede ring isaling “tanggulan.” Ginamit ni Pablo ang dalawang salitang ito para idiin na dapat suportahan at ipagtanggol ng kongregasyon ang sagradong mga katotohanan sa Salita ng Diyos. Partikular nang pinapayuhan ang mga tagapangasiwa sa kongregasyon na ‘gamitin nang tama ang salita ng katotohanan.’ (2Ti 2:15) Gusto ni Pablo na magawa agad ito ni Timoteo. Kailangan niyang gawin ang lahat ng makakaya niya para mapatibay ang kongregasyon bago lumaganap ang apostasya.

husay sa pagtuturo: O “sining sa pagtuturo.” Ang salitang Griego na isinalin ditong “husay sa pagtuturo” ay puwedeng tumukoy sa paraan ng pagtuturo at sa mismong itinuturo. (Tingnan ang study note sa Mat 7:28, kung saan ang salitang ito ay isinaling “paraan . . . ng pagtuturo.”) Pero sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa paraan ng pagtuturo, kaya isinalin itong “husay sa pagtuturo.” Sa orihinal na Griego, ginamit dito ni Pablo ang salita para sa “lahat,” kaya isinalin ito sa ilang Bibliya na “bawat uri ng pagtuturo,” “lahat ng kakayahan sa pagtuturo,” o “masinsinang pagtuturo.” Ayon sa isang iskolar, sinasabi sa talatang ito na “dapat na laging mapatunayan [ni Timoteo] na isa siyang mahusay at maaasahang tagapagturo ng Kristiyanong paniniwala.”—1Ti 4:15, 16; tingnan ang study note sa Mat 28:20; 1Ti 3:2.

pagpapatibay: O “pagpapayo.” Ang salitang Griego na pa·ra·ka·leʹo ay literal na nangangahulugang “tawagin ang isa para tabihan ka.” Malawak ang kahulugan nito at puwedeng tumukoy sa pagpapatibay (Gaw 11:23; 14:22; 15:32; 1Te 5:11; Heb 10:25); pag-aliw (2Co 1:4; 2:7; 7:6; 2Te 2:17); at sa ilang konteksto ay sa pagbibigay ng matinding payo (Gaw 2:40; Ro 15:30; 1Co 1:10; Fil 4:2; 1Te 5:14; 2Ti 4:2; Tit 1:9, tlb.). Dahil magkakaugnay ang pagpapayo, pag-aliw, at pagpapatibay, ipinapakita nito na kahit kailan, ang isang Kristiyano ay hindi dapat magpayo sa paraang masakit at walang galang.

mahigpit na nanghahawakan sa mapananaligang mensahe: Makikita sa pagtuturo at pamumuhay ng isang matandang lalaki na nanghahawakan siya sa salita ng Diyos. Kapag nagtuturo sa kongregasyon, umaasa siya sa “mapananaligang mensahe (lit., “tapat na salita”)” na nasa Kasulatan, sa halip na sa sarili niyang ideya, karanasan, at kakayahan bilang tagapagsalita. (1Co 4:6 at study note) Kaya naaabot niya ang puso ng mga tagapakinig niya at napapakilos silang mahalin at paglingkuran si Jehova. (Heb 4:12) Isa pa, naiiwasan niyang maging mapagkunwari dahil sinusunod niya ang mga prinsipyo sa Bibliya na itinuturo niya. Ang tagapangasiwang nanghahawakan sa ganitong pamantayan ay nakakatulong sa kongregasyon para manatili itong nagkakaisa at maging “isang haligi at pundasyon ng katotohanan.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 3:2, 15.

kaniyang paraan ng pagtuturo: Tingnan ang study note sa 2Ti 4:2.

magpatibay: Tingnan ang study note sa Ro 12:8.

mga tagasuporta ng pagtutuli: Tumutukoy sa ilang tuling Judiong Kristiyano na nagmula sa kongregasyon sa Jerusalem. Sa ibang paglitaw ng ekspresyong Griego na ito, isinalin itong “mga tagapagtaguyod ng pagtutuli,” “mga tuli,” at “mga nanghahawakan sa pagtutuli.”—Gaw 11:2; Col 4:11; Tit 1:10.

lalaking rebelde: Pangunahin nang tinutukoy dito ni Pablo ang ilang Judio sa Creta na naging Kristiyano. Iginigiit nila ang pagsunod sa mga kaugaliang Judio at sa mga batas may kinalaman sa pagtutuli, na hindi naman kailangang sundin ng mga tagasunod ni Kristo. Hindi iginagalang ng mga ‘rebeldeng’ ito ang awtoridad ng mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem, at ayaw nilang sumunod sa mga ito.

nagsasalita ng mga bagay na walang saysay: Ayon sa isang reperensiya, ipinapahiwatig ng ekspresyong ito na ang mga lalaking ito ay “magaling magsalita pero ang sinasabi nila ay may halong kasinungalingan o lubusan pa ngang hindi totoo.” Nanlilinlang sila—nadadaya nila ang mahihina sa kongregasyon o ang mga madaling mapaniwala.

mga nanghahawakan sa pagtutuli: Tumutukoy sa ilang Judiong Kristiyano sa Creta. Mula noong unang siglo B.C.E. o posibleng mas maaga pa dito, may komunidad na ng mga Judio sa Creta. Kasama rin ang mga Judio sa Creta sa mga nakarinig sa “makapangyarihang mga gawa ng Diyos” noong Pentecostes 33 C.E. (Gaw 2:11) Ngayon, iginigiit ng ilang Judiong Kristiyano sa Creta ang pagtutuli, kahit na ginabayan ng banal na espiritu ang lupong tagapamahala sa Jerusalem sa pagdedesisyon sa isyung iyan mga 12 hanggang 15 taon na ang nakakalipas (mga 49 C.E.). (Tingnan ang study note sa Gal 2:12.) Sinamahan ni Tito si Pablo sa Jerusalem para sa makasaysayang pulong na iyon.—Gaw 10:45; 15:1, 2, 7, 22-29; Gal 2:1, 3.

itikom ang bibig ng mga ito: Gumamit dito si Pablo ng pandiwang Griego na ayon sa isang diksyunaryo ay nangangahulugang “‘pasakan ang bibig’ para mapatahimik ito, gaya ng paglalagay ng busal, renda, o iba pang tulad nito.” Ang ilan sa kongregasyon ay nagkakalat ng maling mga doktrina, at “pami-pamilya [pa nga] ang inililihis nila sa katotohanan.” Kailangang protektahan ng hinirang na mga tagapangasiwa ang kawan ni Jehova mula sa ganitong mga tao, at kailangan nilang “itikom ang bibig ng mga ito,” o pigilang kumalat at makaimpluwensiya sa kongregasyon ang rebelyosong mga ideyang itinuturo ng mga ito. Magagawa ito ng mga tagapangasiwa kung magbibigay sila sa gayong mga lalaki ng matinding saway o ititiwalag pa nga ang mga ito kung kailangan dahil sa paulit-ulit na pagbale-wala sa payo at pagkakalat ng maling mga turo.—Tit 1:9, 10, 13; 3:10, 11.

lalaking rebelde: Pangunahin nang tinutukoy dito ni Pablo ang ilang Judio sa Creta na naging Kristiyano. Iginigiit nila ang pagsunod sa mga kaugaliang Judio at sa mga batas may kinalaman sa pagtutuli, na hindi naman kailangang sundin ng mga tagasunod ni Kristo. Hindi iginagalang ng mga ‘rebeldeng’ ito ang awtoridad ng mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem, at ayaw nilang sumunod sa mga ito.

nagsasalita ng mga bagay na walang saysay: Ayon sa isang reperensiya, ipinapahiwatig ng ekspresyong ito na ang mga lalaking ito ay “magaling magsalita pero ang sinasabi nila ay may halong kasinungalingan o lubusan pa ngang hindi totoo.” Nanlilinlang sila—nadadaya nila ang mahihina sa kongregasyon o ang mga madaling mapaniwala.

pagnanasa: O “tiyan.” Ang salitang Griego na koi·liʹa ay literal na tumutukoy sa “sikmura” o mga lamang-loob ng isang tao. Dito at sa Fil 3:19, ginamit ito sa makasagisag na paraan para tumukoy sa makalamang pagnanasa. Ipinaliwanag ni Pablo na ang mga taong nagpapaalipin sa “sarili nilang mga pagnanasa” ay hindi puwedeng maging “alipin ng ating Panginoong Kristo.” Sa Fil 3:19, inilarawan ang mga taong ginagawang diyos ang “kanilang tiyan,” o kanilang makalamang pagnanasa.

ang kanilang tiyan ang diyos nila: Ang salitang Griego na koi·liʹa, na isinalin ditong “tiyan,” ay literal na tumutukoy sa sikmura o mga lamang-loob ng isang tao. Pero dito, ginamit ito sa makasagisag na paraan para tumukoy sa makalamang pagnanasa. (Tingnan ang study note sa Ro 16:18.) Sa mga Griegong palabas sa teatro noong panahon ni Pablo, may tinutukoy na “diyos na tiyan,” at sinasabi ng mga karakter sa palabas na iyon na ang tiyan nila ang “pinakadakilang diyos.” Binabatikos ng Latinong pilosopo na si Seneca, na kakontemporaryo ni Pablo, ang mga taong “alipin ng kanilang tiyan.” Lumilitaw na para sa mga taong binanggit ni Pablo sa Fil 3:18, mas mahalagang masapatan ang makalamang pagnanasa nila kaysa makapaglingkod kay Jehova. May ilan na posibleng naging napakatakaw at lasenggo. (Kaw 23:20, 21; ihambing ang Deu 21:18-21.) Baka inuna naman ng iba noong unang siglo ang mga ambisyon nila sa halip na ang paglilingkod kay Jehova. Sinasabi rin ng ilang iskolar na posibleng tinutukoy dito ni Pablo ang mga mahigpit na sumusunod sa mga kautusang Judio pagdating sa pagkain. Masyado silang nakapokus sa pagsunod sa mga kautusang iyon kaya para bang naging diyos na nila ang pagkain, dahil iyon na ang naging pinakamahalaga sa kanila.

propeta, na kababayan pa nila: Malamang na sinipi dito ni Pablo si Epimenides, na isang makatang Cretense noong ikaanim na siglo B.C.E. Malawak ang kahulugan ng terminong Griego na isinalin ditong “propeta,” at kung minsan, tumutukoy ito sa isang tagapagsalita o tagapagsalin. Sa katunayan, tinawag na propeta si Epimenides ng ilang sinaunang manunulat na Griego, at ganiyan din ang tawag kung minsan sa mga lalaking gaya ng makatang si Homer at ng pilosopong si Diogenes. Hindi sinasabi ni Pablo na propeta ng Diyos si Epimenides. (2Pe 1:21) Sumipi lang si Pablo mula sa isang lalaking iginagalang ng mga Cretense at malamang na itinuturing nilang tagapagsalita nila.

“Ang lahat ng Cretense ay sinungaling, mababangis na hayop, at matatakaw na tamad”: Kilalá noon ang mga Cretense sa pagsisinungaling. Sa katunayan, ang pandiwang Griego na literal na nangangahulugang “kumilos [o “magsalita”] gaya ng isang Cretense” ay ginagamit kung minsan para tumukoy sa pagsisinungaling o pandaraya. Pero hindi sinasabi ni Pablo na ganito ang tapat na mga Kristiyano sa Creta. (Gaw 2:5, 11, 33) Idiniriin lang niya na may ilang Cretense na masamang impluwensiya sa mga kongregasyon. Sa kontekstong ito, binanggit niya ang mga “lalaking rebelde, nagsasalita ng mga bagay na walang saysay, at nanlilinlang,” na naggigiit sa pagtutuli at naglilihis ng mga pamilya sa katotohanan. (Tingnan ang mga study note sa Tit 1:10.) Kaya sinipi ni Pablo ang kilaláng kasabihang ito para idiin ang punto niya: Ganiyang-ganiyan ang ilang huwad na Kristiyano.

matatakaw na tamad: Ang salitang Griego dito para sa “matatakaw” ay literal na nangangahulugang “tiyan,” kaya tumutukoy ito sa isang tao na ang mahalaga lang ay kumain nang kumain. Siyempre, hindi lang naman mga Cretense ang ganiyan. (Tingnan ang study note sa Ro 16:18; Fil 3:19.) Nang sipiin ni Pablo ang kasabihang ito, lumilitaw na ang tinutukoy niya ay ang mga taong tamad na gustong-gustong kumain pero hindi nagtatrabaho.

“Ang lahat ng Cretense ay sinungaling, mababangis na hayop, at matatakaw na tamad”: Kilalá noon ang mga Cretense sa pagsisinungaling. Sa katunayan, ang pandiwang Griego na literal na nangangahulugang “kumilos [o “magsalita”] gaya ng isang Cretense” ay ginagamit kung minsan para tumukoy sa pagsisinungaling o pandaraya. Pero hindi sinasabi ni Pablo na ganito ang tapat na mga Kristiyano sa Creta. (Gaw 2:5, 11, 33) Idiniriin lang niya na may ilang Cretense na masamang impluwensiya sa mga kongregasyon. Sa kontekstong ito, binanggit niya ang mga “lalaking rebelde, nagsasalita ng mga bagay na walang saysay, at nanlilinlang,” na naggigiit sa pagtutuli at naglilihis ng mga pamilya sa katotohanan. (Tingnan ang mga study note sa Tit 1:10.) Kaya sinipi ni Pablo ang kilaláng kasabihang ito para idiin ang punto niya: Ganiyang-ganiyan ang ilang huwad na Kristiyano.

Sawayin: Sa Bibliya, ang terminong Griego na isinasaling “sawayin” ay kadalasan nang tumutukoy sa pagtulong sa isa na makitang nagkasala siya. Layunin ng nagbibigay ng saway na mapakilos ang isang tao na aminin ang kasalanan niya at ituwid ito. Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang ito ay puwede ring mangahulugang “‘ituwid,’ ibig sabihin, ‘ituro ang daan mula sa kasalanan tungo sa pagsisisi.’” Nakapagtuturo ang disiplinang ito. Sa Ju 16:8, ang salitang Griego para sa “sawayin” ay isinaling “magbibigay . . . ng nakakukumbinsing katibayan.”

pagsaway: Responsibilidad ng mga tagapangasiwang Kristiyano na sawayin ang “mga namimihasa sa kasalanan.” (1Ti 5:20 at study note; Tit 1:13) Gamit ang Kasulatan, matiyagang ipapaunawa sa kanila ng mga tagapangasiwa na lumilihis na sila sa mga prinsipyo sa Bibliya at tutulungan silang magbago. (Gal 6:1; 2Ti 4:2) Magagamit din ng mga Kristiyano ang Kasulatan para ituwid ang kanilang sarili.

Totoo iyan: Ang kilaláng kasabihan sa naunang talata ay malamang na sinipi ni Pablo sa propetang Cretense na si Epimenides. Hindi sinasabi ni Pablo na totoo iyan sa lahat ng Cretense. Gusto lang niyang maging mapagbantay si Tito sa ilang magugulo sa kongregasyon na lumilitaw na katulad ng mga Cretenseng inilarawan ni Epimenides.—Tingnan ang study note sa Tit 1:12.

maging mahigpit ka sa pagdidisiplina sa kanila: Kinokontra ng ilan sa mga kongregasyon sa Creta ang kapaki-pakinabang na mga turong Kristiyano. Itinuturo nila ang sarili nilang ideya, at “pami-pamilya [pa nga] ang inililihis nila sa katotohanan.” (Tit 1:9-11) Kaya pinayuhan ni Pablo si Timoteo na ‘disiplinahin’ ang sinumang nagtataguyod ng maling mga turo at nagpapakita ng nabanggit niyang masasamang ugali. Nang sabihan ni Pablo si Tito na “maging mahigpit,” hindi naman ito nangangahulugang kailangan nitong maging mabagsik o masakit magsalita. (Ihambing ang 2Ti 2:24.) Sa halip, kailangan ni Tito na maging malinaw, malakas ang loob, at determinado kapag may inaasikasong problema. (Tit 2:15) Pero kailangan niya ring tandaan na ang layunin niya ay matulungan ang mga kapatid na “maging matibay ang pananampalataya.” Dapat niyang protektahan ang kongregasyon at pigilan ang pagkalat ng apostasya.—Tingnan ang study note sa 1Ti 5:20; 2Ti 3:16.

mga kuwentong di-totoo: Sa 2Ti 4:4, parehong binanggit ni Pablo ang “mga kuwentong di-totoo” at ang “katotohanan.” Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego na myʹthos, na isinalin ditong “mga kuwentong di-totoo,” ay nangangahulugang “alamat, pabula . . . kathang-isip.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, laging negatibo ang pagkakagamit sa salitang ito. Posibleng nasa isip ni Pablo ang nakakaaliw na mga alamat na base sa mga kasinungalingan sa relihiyon at sabi-sabi. (Tit 1:14; 2Pe 1:16; tingnan ang study note sa 1Ti 4:7.) Sinabihan niya ang mga Kristiyano na huwag magbigay-pansin, o maging interesado, sa di-totoong mga kuwento. Walang makukuhang pakinabang sa mga ito, at maililihis pa nito ang isip ng mga Kristiyano mula sa katotohanang nasa Salita ng Diyos.—2Ti 1:13.

mga kuwentong di-totoo at lumalapastangan sa Diyos: Lumalapastangan sa Diyos ang “mga kuwentong di-totoo” (salin ng salitang Griego na myʹthos) na kumakalat noong panahon ni Pablo. Nilalabag nito ang banal na mga pamantayan ng Diyos, at salungat ito sa sagrado at kapaki-pakinabang na mga katotohanan. (1Ti 6:20; 2Ti 1:13) Bunga lang ng imahinasyon ang mga kuwentong ito, kaya wala itong kabuluhan.—Tingnan ang study note sa 1Ti 1:4.

ang katotohanan ng mabuting balita: Ang ekspresyong ito, na mababasa rin sa talata 14, ay tumutukoy sa kalipunan ng mga turong Kristiyano sa Salita ng Diyos.

gawa-gawang mga kuwento: O “mga pabula.” Dito, ang salitang Griego na myʹthos, na nangangahulugang “alamat, pabula . . . kathang-isip,” ay tumutukoy sa mga kuwento ng mga Judio. Sa Hebreong Kasulatan, napakarami sanang makukuha ng mga Judio na totoong mga kuwento; pero “lumihis [sila] sa katotohanan” at gumawa at nagpakalat ng sarili nilang kuwento.—Tingnan ang study note sa 1Ti 1:4; 4:7.

utos ng mga tao: Batay ang ekspresyong ito sa Isa 29:13. Ginamit ni Jesus ang pananalita ni Isaias para tumukoy sa mga Judiong lider ng relihiyon nang panahon niya. Sinabi niya: “Mga utos ng tao ang itinuturo nila bilang doktrina.” (Mat 15:9; Mar 7:7) Posibleng nasa isip ni Pablo ang ilan sa gawang-taong mga batas na karaniwan noon sa Judaismo. Itinuturo ng huwad na mga guro ang ganitong mga batas at sinasabing nakakatulong ang mga ito para maging mas makadiyos ang mga tao. Pero ang totoo, ang mga batas na ito ay salungat sa “kapaki-pakinabang na turo,” na nakakatulong sa mga Kristiyano na manatiling “matibay ang pananampalataya.”—Tit 1:9, 13; ihambing ang Col 2:20-22; 1Ti 4:3-5.

katotohanan: Tinutukoy dito ni Pablo ang kalipunan ng mga turong Kristiyano na naisiwalat na ng panahong iyon.—Tingnan ang study note sa Gal 2:5.

Ang lahat ng bagay ay malinis para sa mga taong malinis: “Mga taong malinis” ang mga Kristiyanong iniaayon ang kanilang isip at paggawi sa mga pamantayan ng Diyos. Alam nila kung ano ang malinis para sa Diyos pagdating sa moral o espirituwal, at alam din nila ang mga hinahatulan niya sa kaniyang Salita. (Mar 7:21-23; Gal 5:19-21) Naiingatan nilang “malinis [ang] puso at konsensiya” nila sa harap ng Diyos. (1Ti 1:5; 3:9; 2Ti 1:3; Mar 7:15) Ang tinutukoy ni Pablo sa ekspresyong “lahat ng bagay” ay ang mga bagay na hindi hinahatulan ng Diyos. Ipinakita ni Pablo na ang kabaligtaran ng “mga taong malinis” ay mga taong walang pananampalataya, na nadumhan ang konsensiya; para sa kanila, “walang anumang malinis.”

Hayagan nilang sinasabi na kilala nila ang Diyos: Inaangkin ng huwad na mga guro sa mga kongregasyon sa Creta na kilala at sinasamba nila ang Diyos. Pero naipapakita ng isang tao na kilala niya ang Diyos kung sumusunod siya sa mga utos at pamantayan Niya. (Aw 25:4, 5; 1Ju 2:3, 4) Gayunman, malinaw na makikita sa mga ginagawa nila, o ugali at paraan ng pamumuhay, na masuwayin sila sa Diyos at hindi talaga nila siya kilala. Sa paningin ng Diyos, kasuklam-suklam ang pagkukunwari nila.—Ihambing ang Kaw 17:15.

hindi kuwalipikado para sa anumang uri ng mabuting gawa: Ang salitang Griego na isinalin ditong “hindi kuwalipikado” ay nangangahulugang “hindi bagay; hindi aprobado.” (Ro 1:28; 2Ti 3:8) Sa literal, nangangahulugan itong “bumagsak sa pagsubok.” Sa sumunod na mga talata (Tit 2:1–3:8), ipinaliwanag ni Pablo kung anong mabubuting gawa ang hinihiling ng Diyos sa mga gusto talaga siyang mapalugdan.

Media

Video ng Introduksiyon sa Aklat ng Tito
Video ng Introduksiyon sa Aklat ng Tito
Nagpunta si Tito sa Bawat Lunsod Para Humirang ng Matatandang Lalaki
Nagpunta si Tito sa Bawat Lunsod Para Humirang ng Matatandang Lalaki

Nagpunta si Tito sa bawat lunsod sa isla ng Creta para tuparin ang utos ni Pablo sa kaniya na ‘mag-atas ng matatandang lalaki.’ (Tit 1:5) Iniwan ni Pablo si Tito sa Creta para “maayos . . . ang mga bagay na kailangang ituwid” sa mga kongregasyong Kristiyano roon. Nang maglaon, sumulat si apostol Pablo kay Tito, lumilitaw na para makapagbigay siya ng tagubilin dito at maipahayag ang suporta sa atas nito may kinalaman sa mga kongregasyon sa Creta. Isa sa nilalaman ng liham ay ang listahan ng mga katangiang dapat makita ni Tito sa mga lalaking hinihirang bilang matatanda. (Tit 1:6-9) Mababasa rin sa liham ang payo tungkol sa kahalagahan ng paggamit ng “angkop na pananalita,” ‘laging paggawa ng mabuti,’ at pakikitungo sa mga “lalaking rebelde” sa kongregasyon.—Tit 1:10, 11, 13, 14; 2:8; 3:14.

Piraso ng Papiro na Naglalaman ng Ilang Bahagi ng Liham ni Pablo kay Tito
Piraso ng Papiro na Naglalaman ng Ilang Bahagi ng Liham ni Pablo kay Tito

Makikita rito ang isang maliit na piraso ng papiro na tinatawag na P32. Mababasa ang Tit 1:11-15 sa isang panig nito, at ang Tit 2:3-8 naman sa kabilang panig. Pinaniniwalaang mula pa noong mga 200 C.E. ang pahinang ito ng codex. Iniingatan ito sa John Rylands University Library sa Manchester, England. Napakalapit ng nilalaman nito sa maaasahang manuskritong Griego na Codex Sinaiticus, na ginawa pagkalipas pa ng mga 150 taon.—Tingnan sa Glosari, “Codex Sinaiticus.”