Liham sa mga Hebreo 10:1-39

10  Ang Kautusan ay may anino+ ng mabubuting bagay na darating,+ pero hindi ang mismong mga bagay na iyon, kaya hindi nito kailanman kayang* gawing perpekto ang mga lumalapit sa pamamagitan ng paulit-ulit na mga handog na patuloy na iniaalay taon-taon.+  Kung kaya nito, hindi ba itinigil na sana ang paghahandog? Dahil kapag nalinis na ang mga gumagawa ng sagradong paglilingkod, hindi na sila uusigin ng konsensiya nila dahil sa kasalanan.  Sa kabaligtaran, ipinapaalaala ng mga handog na ito taon-taon ang mga kasalanan,+  dahil hindi maaalis ng dugo ng mga toro* at mga kambing ang mga kasalanan.  Kaya nang dumating siya sa sanlibutan, sinabi niya: “‘Ang hain at handog ay hindi mo ginusto, pero naghanda ka ng katawan para sa akin.  Hindi mo kinalugdan ang mga buong handog na sinusunog at mga handog para sa kasalanan.’+  Pagkatapos ay sinabi ko: ‘Narito* ako (iyon ang nakasulat sa balumbon* tungkol sa akin) para gawin ang kalooban mo, O Diyos.’”+  Pagkatapos munang sabihin: “Hindi mo ginusto o kinalugdan ang mga hain at mga handog at mga buong handog na sinusunog at mga handog para sa kasalanan”—mga haing inihahandog kaayon ng Kautusan—  saka niya sinabi: “Narito* ako para gawin ang kalooban mo.”+ Inalis niya ang una para itatag ang ikalawa. 10  Dahil sa “kalooban” na ito,+ napabanal tayo sa pamamagitan ng paghahandog ng katawan ni Jesu-Kristo nang minsanan.+ 11  Gayundin, ang bawat saserdote ay pumupunta sa puwesto niya araw-araw para gumawa ng banal na paglilingkod*+ at mag-alay ng paulit-ulit na mga handog nang madalas,+ na hindi kailanman lubusang makapag-aalis ng mga kasalanan.+ 12  Pero ang taong ito ay nag-alay ng isang handog para sa mga kasalanan at ang bisa nito ay walang hanggan, at umupo siya sa kanan ng Diyos,+ 13  at mula noon ay naghihintay siya hanggang sa ang mga kaaway niya ay gawing tuntungan ng mga paa niya.+ 14  Dahil sa pamamagitan ng isang handog na inialay, ang mga pinababanal ay ginawa niyang perpekto+ nang walang hanggan. 15  Bukod diyan, nagpapatotoo rin sa atin ang banal na espiritu, dahil pagkatapos nitong sabihin: 16  “‘Ito ang ipakikipagtipan ko sa kanila pagkatapos ng panahong iyon,’ ang sabi ni Jehova.* ‘Ilalagay ko sa puso nila ang mga utos ko, at isusulat ko ang mga iyon sa isip nila,’”+ 17  sinabi nito: “At hindi ko na aalalahanin ang mga kasalanan nila at ang masasama nilang gawa.”+ 18  At kung pinatawad na ang mga ito, hindi na kailangan ng handog para sa kasalanan. 19  Kaya naman, mga kapatid, dahil nakakapasok tayo sa banal na lugar+ nang walang takot* sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, 20  at ang daan patungo rito ay binuksan* niya para sa atin bilang isang bagong daan na umaakay sa buhay, sa pamamagitan ng pagpasok sa kurtina,+ ang kaniyang laman, 21  at dahil mayroon tayong isang dakilang saserdote sa bahay ng Diyos,+ 22  lumapit tayo nang may tapat na puso at buong pananampalataya, dahil nalinis* na ang puso natin mula sa isang masamang konsensiya+ at napaliguan na ng malinis na tubig ang katawan natin.+ 23  Patuloy nating sikaping ipahayag ang ating pag-asa nang walang pag-aalinlangan,+ dahil ang nangako ay tapat. 24  At isipin* natin ang isa’t isa para mapasigla* natin ang bawat isa na magpakita ng pag-ibig at gumawa ng mabuti,+ 25  at huwag nating pabayaan ang pagtitipon natin,+ gaya ng nakaugalian ng iba, kundi patibayin natin ang isa’t isa,+ at gawin natin ito nang higit pa habang nakikita nating papalapit na ang araw.+ 26  Dahil kung sinasadya nating mamihasa sa kasalanan pagkatapos magkaroon ng tumpak na kaalaman sa katotohanan,+ wala nang natitira pang handog para sa kasalanan,+ 27  kundi maghihintay na lang tayo nang may takot sa paghuhukom at sa lumalagablab na galit na tutupok sa mga lumalaban sa Diyos.+ 28  Ang sinumang bumale-wala sa Kautusan ni Moises ay mamamatay nang hindi kinahahabagan, sa testimonya ng dalawa o tatlo.+ 29  Gaano pa kaya kalaking parusa, sa tingin ninyo, ang nararapat sa taong yumurak sa Anak ng Diyos at hindi nagpahalaga sa dugo para sa tipan+ na nagpabanal sa kaniya at humamak sa espiritu ng walang-kapantay* na kabaitan?+ 30  Dahil kilala natin ang nagsabi: “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti.” At: “Hahatulan ni Jehova* ang bayan niya.”+ 31  Nakakatakot isipin ang mahulog sa mga kamay ng Diyos na buháy. 32  Pero patuloy ninyong alalahanin na pagkatapos ninyong maliwanagan noon,+ nagtiis kayo ng mga pagdurusa at nakipagpunyagi nang husto. 33  Kung minsan ay inaalipusta at pinahihirapan kayo nang hayagan,* at kung minsan ay dinadamayan ninyo ang mga nakararanas ng ganoon. 34  Nagpakita kayo ng simpatiya sa mga nakabilanggo at masaya ninyong tinanggap ang pang-aagaw sa mga pag-aari ninyo,+ dahil alam ninyong mayroon kayong mas mabuti at permanenteng pag-aari.+ 35  Kaya huwag ninyong iwala ang inyong lakas ng loob,* na may malaking gantimpala.+ 36  Dahil kailangan ninyo ng pagtitiis,*+ para kapag nagawa na ninyo ang kalooban ng Diyos, matanggap ninyo ang katuparan ng pangako. 37  Dahil “sandaling-sandali” na lang,+ at “ang paparating ay darating at hindi siya maaantala.”+ 38  “Pero ang matuwid kong lingkod ay mabubuhay dahil sa kaniyang pananampalataya,”+ at “kung uurong siya, hindi ako* malulugod sa kaniya.”+ 39  Hindi tayo ang uri na umuurong tungo sa pagkapuksa,+ kundi ang uri na may pananampalataya na makapagliligtas ng ating buhay.*

Talababa

O posibleng “hindi kailanman kaya ng mga tao na.”
O “lalaking baka.”
Lit., “Dumating.”
Lit., “balumbon ng aklat.”
Lit., “Dumating.”
O “ng pangmadlang paglilingkod.”
Tingnan ang Ap. A5.
O “nang may lakas ng loob.”
Lit., “pinasinayaan.”
Lit., “nawisikan,” ng dugo ni Jesus.
O “pagmalasakitan; bigyang-pansin.”
O “maudyukan.”
O “di-sana-nararapat.”
Tingnan ang Ap. A5.
Lit., “lantaran gaya ng sa teatro.”
Lit., “inyong kalayaan sa pagsasalita.”
O “pagbabata.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Study Notes

Media