Unang Liham kay Timoteo 2:1-15

2  Kaya nga una sa lahat, hinihimok ko kayo na magsumamo, manalangin, mamagitan, at magpasalamat para sa lahat ng uri ng tao,  sa mga hari at sa lahat ng may mataas na posisyon,*+ para patuloy tayong makapamuhay nang payapa, tahimik, seryoso, at may makadiyos na debosyon.+  Mabuti ito at kalugod-lugod sa paningin ng ating Tagapagligtas, ang Diyos,+  na gustong* maligtas ang lahat ng uri ng tao+ at magkaroon sila ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.  Dahil may isang Diyos,+ at isang tagapamagitan+ sa Diyos at sa mga tao,+ isang tao, si Kristo Jesus,+  na nagbigay ng sarili niya bilang pantubos para sa lahat+—ipangangaral ito sa takdang panahon para dito.  At para magpatotoo tungkol sa bagay na ito,+ inatasan ako ng Diyos bilang mángangarál at apostol,+ isang guro na magtuturo sa ibang mga bansa+ ng pananampalataya at katotohanan—sinasabi ko ang totoo, hindi ako nagsisinungaling.  Kaya nga gusto ko na sa lahat ng lugar na pinagtitipunan ninyo, ang mga lalaki ay magpatuloy sa pananalangin, na itinataas ang mga kamay nila nang may katapatan+ at walang halong poot+ at mga debate.+  Gayundin, dapat pagandahin ng mga babae ang sarili nila sa pamamagitan ng maayos na pananamit, na nagpapakita ng kahinhinan at matinong pag-iisip, at hindi sa pamamagitan ng pagtitirintas* ng buhok o pagsusuot ng ginto o perlas o napakamahal na damit,+ 10  kundi sa paggawing angkop sa mga babaeng may debosyon sa Diyos,*+ ibig sabihin, sa pamamagitan ng mabubuting gawa. 11  Ang mga babae ay manatiling tahimik at lubos na nagpapasakop habang tinuturuan.+ 12  Hindi ko pinapahintulutan ang babae na magturo o mamuno sa lalaki, kundi dapat siyang tumahimik.*+ 13  Dahil si Adan ang unang nilikha, pagkatapos ay si Eva.+ 14  Isa pa, hindi nalinlang si Adan; ang babae ang lubusang nalinlang+ at nagkasala. 15  Pero maiingatan siya sa pamamagitan ng pag-aanak,+ kung mananatili siyang* may pananampalataya, pag-ibig, kabanalan, at matinong pag-iisip.*+

Talababa

O “may awtoridad.”
O “na ang kalooban ay.”
O “espesyal na pagtitirintas.”
O “babaeng nagsasabing may debosyon sila sa Diyos.”
O “manatiling kalmado.”
Lit., “silang.”
O “at kakayahang gumawa ng mahuhusay na pasiya.”

Study Notes

panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat: Ang salitang “panalangin” na ginamit dito ni Pablo ay isang malawak na termino na tumutukoy sa pakikipag-usap sa Diyos nang may matinding paggalang. Mas espesipiko ang kahulugan ng “pagsusumamo”; ito ay marubdob na pakiusap sa Diyos, na posibleng may kasama pang pagluha. (Heb 5:7) Ayon sa isang reperensiya, nangangahulugan itong “pagdaing dahil sa personal na pangangailangan.” Nang sabihin ni Pablo na samahan ito ng “pasasalamat,” ipinakita niya na laging angkop na magpasalamat sa Diyos. Gaano man kabigat ang problema ng isa, may dahilan pa rin siyang magpasalamat; alam na alam iyan ni Pablo dahil sa mga naranasan niya. (Gaw 16:22-25; Efe 5:19, 20) Binanggit din ni Pablo ang salitang pakiusap, na tumutukoy sa mga bagay na hinihiling ng isa sa panalangin. Kakapaliwanag lang ni Pablo na puwedeng isama ng isang Kristiyano ang halos lahat ng bagay sa mga pakiusap niya.—Tingnan ang study note sa lahat sa talatang ito.

magsumamo, manalangin, mamagitan, at magpasalamat: Idiniriin dito ni Pablo ang kahalagahan ng panalangin sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang termino na magkakahawig ang kahulugan. (Tingnan ang study note sa Fil 4:6.) Sa kontekstong ito, ang salitang “mamagitan” ay tumutukoy sa pananalangin sa Diyos para sa iba. Ang ilang halimbawa nito sa Bibliya ay nang manalangin si Moises para kay Miriam at para sa bayang Israel. (Bil 12:10-13; 21:7) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, pinapayuhan din ang mga lingkod ng Diyos na ipanalangin ang iba. (2Co 1:11; 2Te 3:1; Heb 13:18, 19; San 5:14-18) Kung tungkol naman sa ‘pasasalamat,’ paulit-ulit na pinasigla ni Pablo ang mga Kristiyano na magpasalamat sa Diyos sa panalangin.—2Co 4:15; Col 2:7; 4:2.

nakatataas na mga awtoridad: Tumutukoy sa sekular na mga awtoridad. Ang salitang ginamit para sa “mga awtoridad” ay ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego na e·xou·siʹa. Posibleng alam ng mga mambabasa ng Griegong Septuagint na ang salitang ito ay iniuugnay sa pamamahala. (Tingnan ang Dan 7:6, 14, 27; 11:5, kung saan ipinanumbas ang e·xou·siʹa sa mga Hebreo at Aramaikong termino na nangangahulugang “karapatang mamahala; pamamahala; kapangyarihang mamahala.”) Sa Luc 12:11, ginamit ito sa ekspresyong “mga opisyal ng gobyerno, at mga awtoridad.” Ang terminong Griego na isinaling “nakatataas” ay kaugnay ng salitang ginamit sa 1Ti 2:2 sa ekspresyong “sa mga hari at sa lahat ng may mataas na posisyon [o “may awtoridad,” tlb.].” Sa ilang konteksto, tumutukoy ito sa pagkakaroon ng kontrol, kapangyarihan, o awtoridad sa iba, pero hindi ito nangangahulugan ng pagiging “pinakamataas.” Makikita iyan sa pagkakagamit ng terminong ito sa Fil 2:3, kung saan pinayuhan ang mga Kristiyano na ituring ang iba na “nakatataas” sa kanila, pero hindi pinakamataas.

makadiyos na debosyon: Ang salitang Griego na ginamit dito (eu·seʹbei·a) ay tumutukoy sa matinding paggalang at paghanga sa Diyos na ipinapakita ng isang Kristiyano sa pamamagitan ng paglilingkod nang tapat at lubusang pagsunod sa Diyos. Malawak ang kahulugan ng salitang ito; tumutukoy rin ito sa tapat na pag-ibig o malapít na kaugnayan sa Diyos ng isang tao na nag-uudyok sa kaniya na gawin ang gusto ng Diyos. Kaya binanggit sa isang diksyunaryo na ang pinakadiwa talaga ng salitang ito ay “mamuhay sa paraang gusto ng Diyos.” Ipinakita rin ni Pablo na hindi tayo ipinanganak na may makadiyos na debosyon. Kaya pinayuhan niya si Timoteo na magsikap nang husto gaya ng isang atleta para mapasulong pa ang ganitong katangian. Sa naunang bahagi ng liham na ito, ipinaalala ni Pablo kay Timoteo na si Jesu-Kristo ang pinakamahusay na halimbawa sa pagpapakita ng makadiyos na debosyon.—Tingnan ang study note sa 1Ti 3:16.

Panginoon: Hindi matitiyak mula sa konteksto kung sino ang “Panginoon” (Kyʹri·os) na binabanggit dito; hindi rin nagkakasundo ang mga iskolar ng Bibliya kung ang tinutukoy ni Pablo ay ang Panginoong Jesu-Kristo o ang Panginoong Jehova. Sa Ro 10:9, malinaw na tinukoy si Jesu-Kristo bilang Panginoon, at siya rin ang Panginoon na binabanggit sa Ro 10:11, na sumipi mula sa Isa 28:16. Kaya kung ang “Panginoon” sa Ro 10:12 ay iuugnay sa “kaniya” sa Ro 10:11, ang “Panginoon” na tinutukoy dito ay si Jesu-Kristo. Pero sa Ro 10:9, binanggit din ni Pablo ang pananampalataya ng isang tao ‘sa puso niya na binuhay muli ng Diyos si Jesus.’ Isa pa, sinipi rin sa Ro 10:13 ang Joe 2:32, na nagsasabi: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” Kaya kung ang “Panginoon” sa Ro 10:12 ay ang tinutukoy din sa Ro 10:13, ang “Panginoon” doon ay ang Diyos na Jehova. Kung gayon, ang magiging kahulugan ng tekstong iyon ay katulad ng sa Ro 3:29—na may iisang Diyos ang mga Judio at mga Gentil. Isa itong halimbawa kung paano sinusuri ng New World Bible Translation Committee ang konteksto ng bawat paglitaw ng salitang Kyʹri·os (Panginoon) para malaman kung saan nila ibabalik ang pangalan ng Diyos. Kung walang matibay na basehan mula sa Hebreong Kasulatan at konteksto para ibalik ang pangalan ng Diyos, pinananatili ng komite ang saling “Panginoon” para hindi sila makapagpasok ng sarili nilang interpretasyon at lumampas sa papel nila bilang tagapagsalin.​—Tingnan ang Ap. C1.

lahat ng may mataas na posisyon: Tumutukoy ang ekspresyong ito sa mga awtoridad at iba’t ibang opisyal ng gobyerno. (Tingnan ang study note sa Ro 13:1.) Kasama sa mga hari sa talatang ito ang lokal na mga tagapamahala, pati na ang emperador ng Roma. Nang isulat ni Pablo ang liham niya kay Timoteo (mga 61-64 C.E.), ang emperador ay si Nero, na namahala noong 54 hanggang 68 C.E.

para patuloy tayong makapamuhay nang payapa, tahimik: Sinabi dito ni Pablo ang isang dahilan kung bakit dapat ipanalangin ng mga Kristiyano ang matataas na opisyal ng gobyerno. Puwedeng pakilusin ng Diyos ang mga nasa awtoridad na payagan ang mga Kristiyano na malayang makapaglingkod sa Kaniya at patuloy na makapamuhay nang payapa, “seryoso, at may makadiyos na debosyon.” (Ihambing ang Jer 29:7.) Sa gayon, mas malayang makakapangaral ang mga Kristiyano para maligtas ang “lahat ng uri ng tao.” (1Ti 2:4) Malamang na naiintindihan ng mga Kristiyano noon sa Efeso, kung saan naglilingkod si Timoteo nang panahong iyon, kung paano nakakaapekto sa ministeryong Kristiyano ang mga desisyon ng matataas na opisyal ng gobyerno. Halimbawa, noong nasa ikatlong paglalakbay si Pablo bilang misyonero mga ilang taon bago nito (mga 52-56 C.E.), pinatahimik ng isang opisyal ang mga mang-uumog na kontra sa pangangaral ni Pablo at ng mga kasamahan niya. (Gaw 19:23-41) Pero anuman ang gawin ng sekular na mga tagapamahala, sa Diyos umaasa ang mga Kristiyano para patuloy silang makapangaral.—Gaw 4:23-31.

makadiyos na debosyon: Ang terminong Griego na ginamit dito (eu·seʹbei·a) ay tumutukoy sa matinding paggalang sa Diyos. (Para sa paliwanag sa ekspresyong Griego na isinalin ditong “makadiyos na debosyon,” tingnan ang study note sa 1Ti 4:7.) Ginamit din sa Septuagint ang salitang Griegong ito. Halimbawa, lumitaw ito sa Isa 11:2 at 33:6, kung saan ginamit sa tekstong Hebreo ang “pagkatakot kay Jehova,” na tumutukoy rin sa matinding paggalang sa Diyos na Jehova. Nang isalin ang 1Ti 2:2 sa Syriac (ang Peshitta) noong ikalimang siglo C.E., ang terminong Griegong ito ay isinaling “matinding paggalang sa Diyos,” kung saan sadyang isinama ang salitang “Diyos.” Nang maglaon, sa ilang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, isinalin ang eu·seʹbei·a na “pagkatakot kay Jehova” sa talatang ito at sa iba pang teksto kung saan ito lumitaw. (1Ti 3:16; 4:7, 8; 6:3, 6, 11) Pero naniniwala ang New World Bible Translation Committee na walang sapat na basehan ang paggamit ng pangalan ng Diyos sa mismong teksto ng talatang ito.—Tingnan ang Ap. C, kung saan ipinaliwanag ang mga dahilan sa pagbabalik ng pangalan ng Diyos sa ilang talata; ihambing ang study note sa Ro 10:12.

maligtas: Ang mga terminong “iligtas” at “kaligtasan” ay ginagamit kung minsan sa Bibliya para tumukoy sa pagliligtas mula sa panganib o pagkapuksa. (Exo 14:13, 14; Gaw 27:20) Pero madalas na tumutukoy ang mga terminong ito sa pagkaligtas mula sa kasalanan. (Mat 1:21) Dahil ang kamatayan ay resulta ng kasalanan, ang mga maliligtas mula sa kasalanan ay may pag-asang mabuhay magpakailanman.—Ju 3:16, 17; tingnan ang study note sa 1Ti 1:1.

lahat ng uri ng tao: Ang literal na salin ng ekspresyong Griegong ito ay “lahat ng tao,” pero mas angkop ang saling “lahat ng uri ng tao” batay sa konteksto. (Para sa iba pang halimbawa, tingnan ang study note sa Ju 12:32; Gaw 2:17.) Gusto ng Diyos na ang lahat ng tao ay “magsisi” (2Pe 3:9), kaya binibigyan niya ng pagkakataon ang lahat na maligtas, anuman ang kanilang kasarian, lahi, o estado sa buhay. (Mat 28:19, 20; Gaw 10:34, 35; 17:30) Pero malinaw na ipinapakita ng Kasulatan na marami ang tatanggi sa paanyaya ng Diyos at hindi maliligtas. (Mat 7:13, 21; Ju 3:16, 36; 2Te 1:9) Kaya ang saling “lahat ng uri ng tao” ay kaayon ng mga talatang iyon. Angkop din ang saling iyan sa naunang mga talata, kung saan pinayuhan ni Pablo ang kapuwa niya mga Kristiyano na manalangin “para sa lahat ng uri ng tao, sa mga hari at sa lahat ng may mataas na posisyon.”—1Ti 2:1, 2.

magkaroon sila ng tumpak na kaalaman: Gusto ng Diyos na lubusan siyang makilala ng mga tao at magkaroon sila ng tumpak na kaalaman tungkol sa mga layunin niya.—Para sa paliwanag sa terminong Griego na isinalin ditong “tumpak na kaalaman,” tingnan ang study note sa Ro 10:2; Efe 4:13.

tumpak na kaalaman: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, may dalawang salita na karaniwang isinasaling “kaalaman,” ang gnoʹsis at e·piʹgno·sis. Ang salitang ginamit dito, e·piʹgno·sis, ay pinatinding anyo ng gnoʹsis (e·piʹ, literal na nangangahulugang “sa ibabaw” pero nangangahulugan ditong “karagdagan”). Puwede itong mangahulugang “eksakto, totoo, o lubos na kaalaman,” depende sa konteksto. (Tingnan ang study note sa Ro 10:2.) Dito, ginamit ni Pablo ang salitang ito para ipakitang kailangan ng isang may-gulang na Kristiyano na maging kaisa ng mga kapananampalataya niya habang sinisikap niyang magkaroon ng tumpak na kaalaman tungkol sa Anak ng Diyos, si Kristo Jesus.—1Co 1:24, 30; Efe 3:18; Col 2:2, 3; 2Pe 1:8; 2:20.

tumpak na kaalaman: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, may dalawang salita na karaniwang isinasaling “kaalaman,” ang gnoʹsis at e·piʹgno·sis. Pareho itong kaugnay ng pandiwang gi·noʹsko, na nangangahulugang “malaman; maintindihan; makilala.” Ang salitang ginamit dito, e·piʹgno·sis, ay pinatinding anyo ng gnoʹsis (e·piʹ, literal na nangangahulugang “sa ibabaw” pero nangangahulugan ditong “karagdagan”). Batay sa mga konteksto, karaniwan na itong nangangahulugang “eksakto, totoo, o lubos na kaalaman.” Dito, ginamit ni Pablo ang salitang ito para ipakita na masigasig para sa maling bagay ang mga kababayan niya, ang mga Judio. Hindi ito nakabatay sa tamang unawa sa kalooban ng Diyos, na naisiwalat sa pamamagitan ni Jesus, ang ipinangakong Mesiyas.

bawat uri ng tao: Lit., “lahat ng laman.” Dito, ang salitang Griego na sarx (madalas isaling “laman”) ay tumutukoy sa mga tao, kaya ang “lahat ng laman” ay para bang tumutukoy sa lahat ng tao. (Tingnan ang study note sa Ju 17:2.) Pero sa kontekstong ito, mas espesipiko ang ibig sabihin ng pariralang Griego para sa “lahat ng laman.” Hindi ibinuhos ng Diyos ang espiritu niya sa lahat ng tao sa lupa o kahit sa lahat ng tao sa Israel, kaya ang ekspresyong ito ay hindi tumutukoy sa lahat ng tao. Sa halip, tumutukoy ito sa lahat ng uri ng tao. Ibinuhos ng Diyos ang banal na espiritu sa ‘mga anak na lalaki at babae, kabataang lalaki, matatandang lalaki, at mga aliping lalaki at babae,’ ibig sabihin, sa lahat ng uri ng tao. (Gaw 2:17, 18) Ganito rin ang pagkakagamit ng salitang Griego para sa “lahat” (pas) sa 1Ti 2:3, 4, na nagsasabing gusto ng Diyos na “maligtas ang lahat ng uri ng tao.”—Tingnan ang study note sa Ju 12:32.

lahat ng uri ng tao: Sinabi ni Jesus na ilalapit niya sa kaniya ang lahat ng uri ng tao, anuman ang kanilang nasyonalidad, lahi, o katayuan sa buhay. (Gaw 10:34, 35; Apo 7:9, 10; tingnan ang study note sa Ju 6:44.) Kapansin-pansin na sa pagkakataong ito, “may ilang Griego” na sumasamba sa templo na gustong makita si Jesus. (Tingnan ang study note sa Ju 12:20.) Sa maraming Bibliya, ang pagkakasalin sa salitang Griego na pas (“lahat; bawat”) ay nagpapahiwatig na bawat tao ay ilalapit ni Jesus sa sarili niya. Pero hindi iyan kaayon ng iba pang bahagi ng Kasulatan. (Aw 145:20; Mat 7:13; Luc 2:34; 2Te 1:9) Kahit ang salitang Griegong ito ay literal na nangangahulugang “lahat; bawat isa” (Ro 5:12), malinaw na makikita sa Mat 5:11 at Gaw 10:12 na puwede rin itong mangahulugang “bawat uri” o “iba’t ibang klase.” Kaya ganiyan din ang salin na makikita sa maraming Bibliya.—Ju 1:7; 1Ti 2:4.

Diyos na ating Tagapagligtas: Sa unang liham ni Pablo kay Timoteo at sa liham niya kay Tito, anim na beses niyang ginamit ang terminong “Tagapagligtas” para tumukoy sa Diyos na Jehova (dito at sa 1Ti 2:3; 4:10; Tit 1:3; 2:10; 3:4), pero dalawang beses lang itong ginamit sa natitira pang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (Luc 1:47; Jud 25). Sa Hebreong Kasulatan, madalas ilarawan si Jehova bilang Tagapagligtas ng bayan niyang Israel. (Aw 106:8, 10, 21; Isa 43:3, 11; 45:15, 21; Jer 14:8) Dahil si Jesus ang ginamit ni Jehova para iligtas ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan, tinatawag din siyang “Tagapagligtas.” (Gaw 5:31; 2Ti 1:10) Tinatawag din siyang “Punong Kinatawan para sa kaligtasan.” (Heb 2:10) Ang pangalang Jesus, na ibinigay sa Anak ng Diyos batay sa tagubilin ng isang anghel, ay nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan,” dahil sabi ng anghel, “ililigtas niya ang kaniyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan.” (Mat 1:21 at study note) Idiniriin ng mismong pangalan ni Jesus na nagliligtas si Jehova sa pamamagitan ni Jesus. Kaya parehong tinatawag na Tagapagligtas ang Ama at ang Anak. (Tit 2:11-13; 3:4-6) Ang mga terminong Hebreo at Griego (sa Septuagint) para sa “tagapagligtas” ay puwede ring tumukoy sa mga taong ginagamit ng Diyos bilang “mga tagapagligtas para palayain” ang bayan niya mula sa mga kaaway nila.—Ne 9:27; Huk 3:9, 15.

tagapamagitan: Tumutukoy kay Moises. Siya ang tagapamagitan ng Diyos at ng Israel nang itatag ang tipan, o legal na kasunduan, sa pagitan ng Diyos at ng bansang iyon. (Tingnan sa Glosari.) Ang salitang Griego na me·siʹtes, na isinaling “tagapamagitan,” ay lumitaw nang anim na beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Gal 3:19, 20; 1Ti 2:5; Heb 8:6; 9:15; 12:24) Isa itong termino sa batas. Ayon sa isang diksyunaryo, tumutukoy ito sa “isa na namamagitan sa dalawang panig para ibalik ang kapayapaan at pagkakaibigan, bumuo ng isang kasunduan, o pagtibayin ang isang tipan.” Bilang tagapamagitan ng tipang Kautusan, tinulungan ni Moises ang bansang Israel na masunod ang tipan at makinabang dito. Halimbawa, pinangunahan ni Moises ang pagpapasimula ng tipan. (Exo 24:3-8; Heb 9:18-22) Inatasan niya ang mga saserdote at ginawa ang mga kinakailangan para makapagsimula sila sa paglilingkod. (Lev 8:1-36; Heb 7:11) Inihatid niya rin sa mga Israelita ang kalipunan ng mahigit 600 batas, at siya rin ang nakikiusap kay Jehova na huwag silang parusahan.—Bil 16:20-22; 21:7; Deu 9:18-20, 25-29.

tagapamagitan: Ang terminong “tagapamagitan” dito ay tumutukoy sa legal na papel ni Jesus sa bagong tipan. Sa Heb 9:15, tinawag si Jesus na “tagapamagitan ng isang bagong tipan.” (Tingnan sa Glosari, “Tagapamagitan,” at study note sa Gal 3:19.) ‘Ibinigay ni Jesus ang sarili niya bilang pantubos para sa lahat,’ kaya puwede nang maging bahagi ng bagong tipan ang lahat ng uri ng tao. (1Ti 2:6) Tipan ito sa pagitan ng Diyos at ng 144,000 pinahirang Kristiyano.—Luc 22:20; Heb 8:6, 10-13; Apo 7:4-8.

pantubos: Ang salitang Griego na lyʹtron (mula sa pandiwang lyʹo, na nangangahulugang “pakawalan; palayain”) ay ginagamit ng sekular na mga Griegong manunulat para tumukoy sa bayad para makalaya ang isang alipin o para pakawalan ang mga bihag sa digmaan. Dalawang beses itong ginamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito at sa Mar 10:45. Ang kaugnay na salitang an·tiʹly·tron na ginamit sa 1Ti 2:6 ay isinalin ding “pantubos,” na nangangahulugang halaga na katumbas ng naiwala. Ang iba pang kaugnay na salita ay ly·troʹo·mai, na nangangahulugang “palayain; tubusin” (Tit 2:14; 1Pe 1:18; pati mga tlb.), at a·po·lyʹtro·sis, na karaniwang isinasalin na “palayain sa pamamagitan ng pantubos” (Efe 1:7; Col 1:14; Heb 9:15; 11:35; Ro 3:24; 8:23).​—Tingnan sa Glosari.

Ang unang taong si Adan . . . Ang huling Adan: Sa unang bahagi ng talata, sinipi ni Pablo ang Gen 2:7 (“ang tao ay nagkaroon ng buhay”), pero idinagdag niya ang mga salitang “unang” at “Adan.” Sa ikalawang bahagi ng talata, tinawag naman niya si Jesus na “ang huling Adan.” At sa 1Co 15:47, tinawag ni Pablo na “unang tao” si Adan at “ikalawang tao” naman si Jesus. Sumuway ang unang Adan sa kaniyang Ama at Tagapagbigay-Buhay; pero lubusang sumunod sa Kaniya ang huling Adan. Naipasa ng unang Adan sa mga supling niya ang kasalanan; ibinigay naman ng huling Adan ang buhay niya bilang tao para matubos sila sa kasalanan. (Ro 5:12, 18, 19) Pagkatapos, binuhay-muli ni Jehova si Jesus bilang espiritu. (1Pe 3:18) Perpektong tao si Jesus gaya ni Adan, kaya kaayon ng pamantayan ni Jehova sa katarungan, puwede Niyang tanggapin ang hain ni Jesus bilang “pantubos” sa mga inapo ni Adan. Dahil sa pantubos na ito, maibabalik sa mga tao ang buhay na naiwala ni Adan. (1Ti 2:5, 6) Kaya tama lang na tawagin si Jesus na “ang huling Adan,” dahil ipinapakita ng terminong ito na hindi na kailangan ng isa pang Adan pagkatapos niya.—Ihambing ang study note sa Luc 3:38; Ro 5:14.

lahat ng uri ng tao: Ang literal na salin ng ekspresyong Griegong ito ay “lahat ng tao,” pero mas angkop ang saling “lahat ng uri ng tao” batay sa konteksto. (Para sa iba pang halimbawa, tingnan ang study note sa Ju 12:32; Gaw 2:17.) Gusto ng Diyos na ang lahat ng tao ay “magsisi” (2Pe 3:9), kaya binibigyan niya ng pagkakataon ang lahat na maligtas, anuman ang kanilang kasarian, lahi, o estado sa buhay. (Mat 28:19, 20; Gaw 10:34, 35; 17:30) Pero malinaw na ipinapakita ng Kasulatan na marami ang tatanggi sa paanyaya ng Diyos at hindi maliligtas. (Mat 7:13, 21; Ju 3:16, 36; 2Te 1:9) Kaya ang saling “lahat ng uri ng tao” ay kaayon ng mga talatang iyon. Angkop din ang saling iyan sa naunang mga talata, kung saan pinayuhan ni Pablo ang kapuwa niya mga Kristiyano na manalangin “para sa lahat ng uri ng tao, sa mga hari at sa lahat ng may mataas na posisyon.”—1Ti 2:1, 2.

nagbigay ng sarili niya bilang pantubos: O “nagbigay ng sarili niya bilang katumbas na pantubos.” Ang terminong Griego para sa “katumbas na pantubos” ay an·tiʹly·tron. Ang an·tiʹ ay nangangahulugang “kapalit; katumbas; kahalili,” at ang lyʹtron naman ay nangangahulugang “pantubos; halaga ng pantubos.” Ang perpektong buhay na ibinigay ni Jesus bilang tao ay eksaktong katumbas ng perpektong buhay na naiwala ni Adan nang magrebelde ito sa Diyos. Tinanggap ni Jehova ang hain ni Jesus bilang “katumbas na pantubos” dahil nakaabót ito sa mataas na pamantayan Niya ng katarungan. Sa maraming salin ng Bibliya, “pantubos” ang mababasa sa talatang ito, gaya sa Mat 20:28 at Mar 10:45, kung saan lumitaw ang salitang Griego na lyʹtron. (Tingnan ang study note sa Mat 20:28; Glosari, “Pantubos.”) Pero ang ginamit na salita dito ni Pablo ay an·tiʹly·tron, at isang beses lang ito lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sinabi ng isang reperensiya na ang salitang ito ay nangangahulugang “pantubos, halaga ng pagtubos, o katumbas na pantubos.” (A Greek and English Lexicon to the New Testament, ni John Parkhurst) Batay dito, tama rin na isalin itong “katumbas na pantubos.”—Ihambing ang study note sa 1Co 15:45.

para sa lahat: O “para sa lahat ng uri ng tao.”—Mat 20:28; Ju 3:16; tingnan ang study note sa 1Ti 2:4.

inatasan ako ng Diyos bilang mángangarál: Maliwanag na makikita sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na sineryoso ni apostol Pablo ang mga atas niya. Halimbawa, dito at sa 2Ti 1:11, gumamit siya ng tatlong termino (“mángangarál”; “apostol”; “guro”), na tumutukoy sa iba’t ibang atas niya. Siya ay isang “mángangarál,” o tagapaghayag ng mensahe ng Diyos, gaya ni Jesus at ni Juan Bautista. (Mat 4:17; Luc 3:18; tingnan ang study note sa Mat 3:1.) Si Noe rin ay “isang mángangarál ng katuwiran.”—2Pe 2:5.

apostol: Inatasan ni Jesu-Kristo si Pablo bilang “apostol,” o “isa na isinugo.” (Gaw 9:15; Ro 1:5) Tinawag din ni Pablo ang sarili niya na “apostol ni Kristo Jesus dahil sa kalooban ng Diyos” at “apostol para sa ibang mga bansa.”—1Co 1:1; Ro 11:13 at study note; tingnan ang study note sa Ro 1:1.

isang guro na magtuturo sa ibang mga bansa: Bilang guro, nakipagkatuwiranan si Pablo sa mga tagapakinig niya at marami siyang nahikayat na manampalataya kay Kristo. (Gaw 17:2; 28:23; tingnan ang study note sa Mat 28:20.) ‘Isa siyang guro na nagturo sa ibang mga bansa’ dahil nagturo siya sa maraming di-Judio. Idiniriin ng ekspresyong ito na pambuong daigdig ang pangangaral at pagtuturo ng mga Kristiyano na nagsimula noong unang siglo C.E.

sinasabi ko ang totoo, hindi ako nagsisinungaling: Posibleng naramdaman dito ni Pablo na kailangan niyang idiin na totoo ang sinasabi niya dahil may mga nagpaparatang na huwad na apostol siya. Lumilitaw na may ilang Kristiyano na naniwala sa kanila. (2Co 11:4, 5; Gal 1:6, 7, 11, 12) Posibleng kasama sa mga naninira kay Pablo ang ilan sa huwad na mga apostol sa Efeso na kinailangang labanan ni Timoteo. (1Ti 1:3, 4) Posibleng ang ekspresyong ginamit dito ni Pablo ay galing sa panunumpa na karaniwan sa mga korte ng Roma. Sa paggamit ng ekspresyong ito, tinitiyak ni Pablo kay Timoteo at sa iba pang Kristiyano sa Efeso na isa siyang tunay na apostol. May kahawig din itong mga ekspresyon sa Ro 9:1 at Gal 1:20.

itinuturo sa kanila: Saklaw ng salitang Griego na isinasaling “magturo” ang pagpapaliwanag, paggamit ng nakakakumbinsing argumento, at paghaharap ng mga katibayan. (Tingnan ang study note sa Mat 3:1; 4:23.) Ang pagtuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ni Jesus ay dapat gawin nang patuluyan, at kasama rito ang pagtuturo sa kanila ng lahat ng itinuro niya, kung paano susundin ang mga ito, at kung paano siya tutularan.—Ju 13:17; Efe 4:21; 1Pe 2:21.

nangaral: Ang salitang Griego para dito ay nangangahulugang “maghayag bilang isang mensahero sa publiko.” Itinatampok nito ang paraan ng paghahayag: karaniwan nang hayagan at sa publiko, sa halip na pagbibigay ng sermon sa isang grupo.

apostol: Ang pangngalang Griego na a·poʹsto·los ay mula sa pandiwang a·po·stelʹlo, na nangangahulugang “isugo.” (Mat 10:5; Luc 11:49; 14:32) Ang pangunahing kahulugan nito ay malinaw na makikita sa sinabi ni Jesus sa Ju 13:16, kung saan isinalin itong “ang isinugo.” Si Pablo ay tinawag para maging apostol sa mga bansa, o sa mga di-Judio; ang binuhay-muling si Jesu-Kristo mismo ang pumili sa kaniya. (Gaw 9:1-22; 22:6-21; 26:12-23) Pinagtibay ni Pablo ang pagiging apostol niya nang sabihin niyang nakita niya ang binuhay-muling Panginoong Jesu-Kristo (1Co 9:1, 2) at nang gumawa siya ng mga himala (2Co 12:12). Naging daan din si Pablo para mabigyan ng banal na espiritu ang mga bautisadong mánanampalatayá, na karagdagang patunay na isa siyang tunay na apostol. (Gaw 19:5, 6) Madalas niyang mabanggit na apostol siya, pero wala tayong mababasa na sinabi niyang isa siya sa “12 apostol.”​—1Co 15:5, 8-10; Ro 11:13; Gal 2:6-9; 2Ti 1:1, 11.

isang apostol para sa ibang mga bansa: Ibig sabihin, para sa mga di-Judio, o Gentil. Nang maging Kristiyano si Pablo, posibleng noong mga 34 C.E., sinabi ng binuhay-muling si Jesus: “Ang taong ito ay pinili ko para dalhin ang pangalan ko sa mga bansa, gayundin sa mga hari at sa mga Israelita.” (Gaw 9:15) Kaya si Pablo ay pinili ng Panginoong Jesu-Kristo para maging “isang apostol [ibig sabihin, “isinugo”] para sa ibang mga bansa.” (Gaw 26:14-18; Ro 1:5; Gal 1:15, 16; 1Ti 2:7) Kahit matibay ang mga patunay ng pagkaapostol ni Pablo at malinaw ito sa kaniya, walang mababasa sa Bibliya na pumalit siya sa isa sa “12 apostol,” at hindi niya kailanman tinukoy ang sarili niya na isa sa kanila.​—1Co 15:5-8; ihambing ang study note sa Gaw 1:23.

tapat: Ang isang tapat na tagapangasiwa ay may di-natitinag na debosyon kay Jehova at laging sumusunod sa Salita ng Diyos. Hindi niya iniiwan ang mga kapananampalataya niya sa panahon ng pagsubok at pag-uusig. Kahit na puwedeng isalin ang salitang Griego na ginamit dito bilang “banal” o “deboto” (gaya ng pagkakasalin dito sa ibang Bibliya), mas matibay ang basehan ng saling “tapat.” Halimbawa, madalas lumitaw ang salitang Griegong ito sa salin ng Septuagint para sa salitang Hebreo na nangangahulugang “tapat.” (2Sa 22:26; Aw 18:25; 97:10) Sa katunayan, sinasabi sa isang reperensiya na ang salitang Griegong ito ay tumutukoy sa “isang taong tapat sa Diyos.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 2:8.

ang mga lalaki ay magpatuloy sa pananalangin: Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang pangunguna sa panalangin ng kongregasyon, na sa mga lalaki lang iniaatas. (1Co 14:34; 1Ti 2:11, 12) Ang pagtataas ng mga kamay ay karaniwang posisyon sa pananalangin noong panahon ng Bibliya; puwedeng itaas ng lalaking nangunguna sa panalangin ang mga kamay niya habang nagsusumamo sa Diyos. (Ihambing ang 1Ha 8:22, 23.) Pero hindi laging ganiyan ang posisyon sa pananalangin ng tapat na mga mananamba, at wala ring espesipikong binabanggit ang Bibliya na pinakaangkop na posisyon. (1Cr 17:16; Mar 11:25; Gaw 21:5) Ang pinakamahalaga ay ang saloobin ng nananalangin. Sa talatang ito, idiniriin ni Pablo na mahalaga ang katapatan ng nananalangin. Ang salitang Griego para sa “katapatan” ay puwede ring isaling “kabanalan,” “kadalisayan,” “kalinisan.” Kaya ang mahalaga kay Jehova ay ang kalinisan sa moral ng isang tao at ang katapatan at pagtitiwala nito sa kaniya.—Ihambing ang study note sa Tit 1:8.

walang halong poot at mga debate: Ang payong ito ay kaayon ng isa sa mga kuwalipikasyon para sa mga Kristiyanong tagapangasiwa na binanggit ni Pablo sa sumunod na bahagi ng liham na ito—hindi siya dapat palaaway. (1Ti 3:1, 3) Kaya ipinapakita dito ni Pablo na hindi dapat manguna sa pampublikong panalangin ang isang lalaking Kristiyano kung nasisira niya ang pagkakaisa ng kongregasyon, o gaya ng sabi sa isang salin, “kung magagalitin o palaaway siya.” Madaling lalabas sa panalangin ng isa ang ganitong negatibong saloobin. Kaayon din ito ng payo ni Pablo sa lahat ng Kristiyano na umiwas sa paghihinanakit at pakikipagtalo.—Efe 4:31; Fil 2:14; Col 3:8 at study note.

poot, galit: Halos magkasingkahulugan ang dalawang terminong ginamit dito ni Pablo. Sinasabi ng ilang iskolar na ang unang termino, or·geʹ, ay orihinal na tumutukoy sa nararamdaman ng isa, at ang ikalawang termino, thy·mosʹ, ay tumutukoy naman sa paglalabas ng damdaming iyon. Pero nang panahong isinusulat ni Pablo ang liham na ito, posibleng hindi na malinaw ang pagkakaibang iyan. Ginamit ni Pablo ang dalawang salitang ito para babalaan ang mga Kristiyano laban sa pagkadama ng poot, o pagkikimkim ng galit, hanggang sa sumabog ito.—Efe 4:31; tingnan ang mga study note sa Efe 4:26.

may matinong pag-iisip: O “mahusay magpasiya.” Ayon sa isang diksyunaryo, ang mga salitang Griego na isinaling “matinong pag-iisip” o “katinuan ng pag-iisip” ay tumutukoy sa pagiging “maingat, palaisip, may kontrol sa sarili.” Ang taong may matinong pag-iisip ay balanse at hindi padalos-dalos magpasiya.

maayos: O “kagalang-galang.” Sa konteksto, ang salitang Griegong ito ay tumutukoy sa pananamit na angkop at disente. Dapat manamit sa ganitong paraan ang mga ministro ng Diyos.

na nagpapakita ng kahinhinan: Sa kontekstong ito, ang kahinhinan ay tumutukoy sa pagsasaalang-alang ng isa sa konsensiya niya, pati na sa nararamdaman at opinyon ng iba. Iiwasan ng isang mahinhing Kristiyano ang pag-aayos na di-disente, agaw-pansin, o posibleng makatisod sa iba.—1Co 10:32, 33.

matinong pag-iisip: O “mahusay na pagpapasiya.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 3:2.

hindi sa pamamagitan ng pagtitirintas ng buhok o pagsusuot ng ginto o perlas o napakamahal na damit: Noong panahon ni Pablo, ipinagyayabang ng maraming paganong babae ang kanilang kayamanan o estado sa buhay. Magarbo ang pagkakatirintas ng buhok nila, nilalagyan nila ito ng gintong palamuti, napakamahal ng damit nila, at nagsusuot sila ng maraming alahas. Sobra-sobra ang ganitong pag-aayos, kahit para sa maraming di-Kristiyano. Talagang hindi ito angkop sa mga Kristiyano dahil puwede itong pagmulan ng kompetisyon o makapag-alis pa ng pokus ng isa sa tunay na pagsamba. Kaya pinayuhan ni Pablo ang mga babaeng Kristiyano na maging mahusay sa pagpapasiya at iwasan ang sobra-sobrang pag-aayos. Pinayuhan din ni Pedro ang tapat na mga babae na magpokus, hindi sa kanilang panlabas na kagandahan, kundi sa kanilang “panloob na pagkatao.”—1Pe 3:3, 4; ihambing ang Kaw 31:30.

makadiyos na debosyon: Ang terminong Griego na ginamit dito (eu·seʹbei·a) ay tumutukoy sa matinding paggalang sa Diyos. (Para sa paliwanag sa ekspresyong Griego na isinalin ditong “makadiyos na debosyon,” tingnan ang study note sa 1Ti 4:7.) Ginamit din sa Septuagint ang salitang Griegong ito. Halimbawa, lumitaw ito sa Isa 11:2 at 33:6, kung saan ginamit sa tekstong Hebreo ang “pagkatakot kay Jehova,” na tumutukoy rin sa matinding paggalang sa Diyos na Jehova. Nang isalin ang 1Ti 2:2 sa Syriac (ang Peshitta) noong ikalimang siglo C.E., ang terminong Griegong ito ay isinaling “matinding paggalang sa Diyos,” kung saan sadyang isinama ang salitang “Diyos.” Nang maglaon, sa ilang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, isinalin ang eu·seʹbei·a na “pagkatakot kay Jehova” sa talatang ito at sa iba pang teksto kung saan ito lumitaw. (1Ti 3:16; 4:7, 8; 6:3, 6, 11) Pero naniniwala ang New World Bible Translation Committee na walang sapat na basehan ang paggamit ng pangalan ng Diyos sa mismong teksto ng talatang ito.—Tingnan ang Ap. C, kung saan ipinaliwanag ang mga dahilan sa pagbabalik ng pangalan ng Diyos sa ilang talata; ihambing ang study note sa Ro 10:12.

makadiyos na debosyon: Ang salitang Griego na ginamit dito (eu·seʹbei·a) ay tumutukoy sa matinding paggalang at paghanga sa Diyos na ipinapakita ng isang Kristiyano sa pamamagitan ng paglilingkod nang tapat at lubusang pagsunod sa Diyos. Malawak ang kahulugan ng salitang ito; tumutukoy rin ito sa tapat na pag-ibig o malapít na kaugnayan sa Diyos ng isang tao na nag-uudyok sa kaniya na gawin ang gusto ng Diyos. Kaya binanggit sa isang diksyunaryo na ang pinakadiwa talaga ng salitang ito ay “mamuhay sa paraang gusto ng Diyos.” Ipinakita rin ni Pablo na hindi tayo ipinanganak na may makadiyos na debosyon. Kaya pinayuhan niya si Timoteo na magsikap nang husto gaya ng isang atleta para mapasulong pa ang ganitong katangian. Sa naunang bahagi ng liham na ito, ipinaalala ni Pablo kay Timoteo na si Jesu-Kristo ang pinakamahusay na halimbawa sa pagpapakita ng makadiyos na debosyon.—Tingnan ang study note sa 1Ti 3:16.

Panginoon: Hindi matitiyak mula sa konteksto kung sino ang “Panginoon” (Kyʹri·os) na binabanggit dito; hindi rin nagkakasundo ang mga iskolar ng Bibliya kung ang tinutukoy ni Pablo ay ang Panginoong Jesu-Kristo o ang Panginoong Jehova. Sa Ro 10:9, malinaw na tinukoy si Jesu-Kristo bilang Panginoon, at siya rin ang Panginoon na binabanggit sa Ro 10:11, na sumipi mula sa Isa 28:16. Kaya kung ang “Panginoon” sa Ro 10:12 ay iuugnay sa “kaniya” sa Ro 10:11, ang “Panginoon” na tinutukoy dito ay si Jesu-Kristo. Pero sa Ro 10:9, binanggit din ni Pablo ang pananampalataya ng isang tao ‘sa puso niya na binuhay muli ng Diyos si Jesus.’ Isa pa, sinipi rin sa Ro 10:13 ang Joe 2:32, na nagsasabi: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” Kaya kung ang “Panginoon” sa Ro 10:12 ay ang tinutukoy din sa Ro 10:13, ang “Panginoon” doon ay ang Diyos na Jehova. Kung gayon, ang magiging kahulugan ng tekstong iyon ay katulad ng sa Ro 3:29—na may iisang Diyos ang mga Judio at mga Gentil. Isa itong halimbawa kung paano sinusuri ng New World Bible Translation Committee ang konteksto ng bawat paglitaw ng salitang Kyʹri·os (Panginoon) para malaman kung saan nila ibabalik ang pangalan ng Diyos. Kung walang matibay na basehan mula sa Hebreong Kasulatan at konteksto para ibalik ang pangalan ng Diyos, pinananatili ng komite ang saling “Panginoon” para hindi sila makapagpasok ng sarili nilang interpretasyon at lumampas sa papel nila bilang tagapagsalin.​—Tingnan ang Ap. C1.

debosyon sa Diyos: O “matinding paggalang sa Diyos.” Ang salitang Griego na ginamit dito (the·o·seʹbei·a) ay kombinasyon ng salita para sa “Diyos” at para sa “debosyon” o “matinding paggalang.” Kaya maliwanag na tumutukoy ito sa matinding paggalang at debosyon sa Diyos at sa tunay na pagsamba sa kaniya. Malapit ang kahulugan ng terminong the·o·seʹbei·a sa terminong eu·seʹbei·a, na isinasaling “makadiyos na debosyon,” pero espesipikong makikita sa the·o·seʹbei·a ang salitang Griego para sa “Diyos.” (Tingnan ang study note sa 1Ti 2:2; 4:7.) Dito lang ito lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, pero ginamit din ito ng Septuagint. Halimbawa, ginamit ito sa Gen 20:11 at Job 28:28, kung saan ang mababasa sa tekstong Hebreo ay “pagkatakot sa Diyos” o “pagkatakot kay Jehova,” ibig sabihin, matinding paggalang sa kaniya. Dito sa 1Ti 2:10, ang mababasa sa ilang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay “pagkatakot kay Jehova.” Pero naniniwala ang New World Bible Translation Committee na walang sapat na basehan ang paggamit ng pangalan ng Diyos sa mismong teksto ng talatang ito.—Tingnan ang Ap. C, kung saan ipinaliwanag ang mga dahilan sa pagbabalik ng pangalan ng Diyos sa ilang talata; ihambing ang study note sa Ro 10:12.

ang mga babae ay manatiling tahimik sa mga kongregasyon: Nagbigay ng tagubilin si Pablo na “tumahimik” ang mga nagsasalita ng ibang wika kung wala silang tagapagsalin at ang mga nanghuhula kung may isang tumanggap ng pagsisiwalat. Sa kontekstong ito, pinapayuhan naman niya ang mga babae na basta-basta na lang nagsasalita sa mga pulong ng kongregasyon. (1Co 14:28, 30, 34) Posibleng may mga babae noon na sumasabat at kumukuwestiyon sa mga lalaking nangunguna sa pagtuturo. Kaya pinayuhan sila ni Pablo na “sa bahay sila magtanong sa kanilang asawa” imbes na guluhin ang mga pulong. (1Co 14:35) Sa patnubay ng espiritu, idinidiin din dito ni Pablo ang sinasabi sa Kasulatan na ang mga lalaki ang inatasan ng Diyos na manguna sa bayan niya. (1Ti 2:12) Pero ipinakita rin ni Pablo na malaki ang pagpapahalaga niya sa mga babae bilang kapuwa niya mga ministro at mángangarál ng mabuting balita. (Ro 16:1, 2; Fil 4:2, 3) Kaya hindi niya sinasabing bawal makibahagi ang mga babae sa mga pulong.—1Co 11:5; Heb 10:23-25.

Ang mga babae ay manatiling tahimik . . . habang tinuturuan: Kinokontra dito ni Pablo ang paniniwala ng maraming Judiong lider ng relihiyon nang panahon niya na hindi dapat turuan sa Kasulatan ang mga babae. Alam niyang walang basehan sa Hebreong Kasulatan ang ganitong tradisyon, at hindi rin ito sinasang-ayunan ni Jesus. Sa katunayan, tinuruan ni Jesus ang mga babae. (Jos 8:35; Luc 10:38-42; Ju 4:7-27) Pero ipinasulat ng Diyos kay Pablo na ang mga babae sa kongregasyon ay dapat na “manatiling tahimik” habang tinuturuan. Gumamit siya ng salitang Griego na puwede ring isaling “kalmado.” Ang payo niyang ito ay kahawig ng isinulat niya noon sa kongregasyon sa Corinto, kung saan lumilitaw na may mga babaeng sumasabat at kumukuwestiyon sa mga nangunguna.—Tingnan ang study note sa 1Co 14:34.

lubos na nagpapasakop: Pinapayuhan dito ni Pablo ang mga babaeng Kristiyano na tanggapin at suportahan ang kaayusan ni Jehova sa pagkaulo sa loob ng kongregasyon. Makikita sa sumunod na talata na mga lalaki ang inatasan ng Diyos na magturo sa kongregasyon. (1Ti 2:12) Nang talakayin ni Pablo ang tungkol sa pagpapasakop, hindi lang mga babae ang sinabi ni Pablo na gumagawa nito. Halimbawa, sinabi niya na “magpapasailalim” si Jesus kay Jehova (1Co 15:27, 28) at “ang kongregasyon ay nagpapasakop sa Kristo” (Efe 5:24). Sinabihan din ni Pablo ang lahat ng Kristiyanong lalaki at babae na “maging mapagpasakop” sa mga nangunguna sa kongregasyon.—Heb 13:17.

si Adan ang unang nilikha, pagkatapos ay si Eva: Binanggit dito ni Pablo na naunang likhain si Adan bago si Eva para ipaliwanag kung bakit hindi dapat “magturo o mamuno sa lalaki” ang mga babae sa kongregasyon. (1Ti 2:12; Gen 2:7, 18-22) Hindi sinasabi dito ni Pablo na mas maganda ang pagkakalikha ni Jehova kay Adan kaysa kay Eva; sinasabi lang niya na si Adan ang unang ginawa ng Diyos. Binigyan siya ni Jehova ng papel na maging ulo ng pamilya. Pagkatapos, nilikha ng Diyos si Eva at binigyan siya ng marangal na papel bilang “katulong na makakatuwang” ng asawa niya. (Gen 2:18) Ipinakita ni Pablo na ang kaayusan sa pagkaulo ay bahagi ng orihinal na layunin ng Diyos para sa mga tao; ginawa ito ng Diyos bago pa magkasala at maging di-perpekto ang mga tao. (1Co 11:3) Ipinapahiwatig ng pangangatuwiran ni Pablo na sa kongregasyong Kristiyano, magkaibang papel din ang ibinigay ng Diyos sa mga lalaki at babae.

Isa pa, hindi nalinlang si Adan: Sa patnubay ng Diyos, may isinulat na detalye dito si Pablo na wala sa ulat ng Genesis. Malinaw sa isip ni Adan ang pasiyang ginawa niya; hindi siya nalinlang. Kaya alam niya na nagsinungaling talaga ang ahas kay Eva nang sabihin nitong hindi siya mamamatay kapag sumuway siya sa Diyos. (Gen 3:4-6, 12) Pero sa halip na humingi ng tulong kay Jehova, sumunod si Adan sa asawa niya at nagkasala silang dalawa. Hindi niya nagampanan ang papel na ibinigay sa kaniya ng Diyos bilang ulo ng pamilya. Kaya siya ang tinukoy ni Pablo na “isang tao” na naging dahilan kung bakit “ang kasalanan ay pumasok sa sangkatauhan.”—Tingnan ang study note sa Ro 5:12.

ang babae ang lubusang nalinlang at nagkasala: Ang salitang ginamit dito ni Pablo para sa “nagkasala” ay tumutukoy sa isang tao na lumampas sa limitasyon niya. Alam na alam ni Eva ang utos ng Diyos tungkol sa puno ng pagkaalam ng mabuti at masama; inulit niya pa nga iyon sa ahas. (Gen 3:3) Pero sinabi ni Pablo na “lubusang nalinlang” si Eva at naniwala sa kasinungalingan ng ahas. Sinabi mismo ni Eva: “Nilinlang ako ng ahas kaya kumain ako.” (Gen 3:13) Gayunman, hindi siya maituturing na inosente dahil sinadya niyang magrebelde kay Jehova. Kapansin-pansin na gumawa siya ng sarili niyang desisyon sa halip na kumonsulta muna sa ulo niya. Hindi rin niya nagampanan ang papel niya bilang tapat na katuwang ng asawa niya; sa halip, inimpluwensiyahan niya si Adan at itinulak sa pagkakasala. (Gen 2:18; 3:1-6, 12) Ginamit ni Pablo ang nangyari kay Eva para ipakitang ang mga limitasyong itinakda ng Diyos ay nagsisilbing pagpapala at proteksiyon.

dahil silang lahat ay nagkasala: Sa talatang ito, ipinaliwanag ni Pablo kung paano lumaganap ang kasalanan at kamatayan sa lahat ng tao. Ang paliwanag na ito ay kaayon ng pinakatema ng aklat ng Roma: Hindi nagtatangi ang Diyos, at binibigyan niya ng pag-asang maligtas ang lahat ng makasalanang tao na nananampalataya sa haing pantubos ni Jesus. Ipinaliwanag ni Pablo na ang mga Judio at di-Judio ay parehong makasalanan at kailangang manampalataya sa Diyos na Jehova at sa pantubos ng kaniyang Anak para maging matuwid sila sa paningin ng Diyos. (Ro 1:16, 17) Ang salitang Griego para sa “sanlibutan” ay isinalin ditong sangkatauhan. (Tingnan ang study note sa Ju 3:16.) Sa ibang salin ng talatang ito, may gatlang sa dulo (may gatlang din sa ilang akademikong edisyon ng tekstong Griego), na nagpapakitang naputol ang pangangatuwiran dito ni Pablo, at lumilitaw na ang karugtong nito ay nasa talata 18. Kaya lumilitaw na ito ang buong ideya: Sa talata 12, sinimulan ni Pablo ang pangangatuwiran niya sa paglalarawan kay Adan (“sa pamamagitan ng isang tao,” ang lahat ay naging makasalanan) at tinapos niya ito sa talata 18 (“sa pamamagitan naman ng isang matuwid na gawa, ang lahat ng uri ng tao ay naipahahayag na matuwid para sa buhay”) at sa talata 19. Ibig sabihin, dahil sa katapatan ni Jesus hanggang kamatayan, naging posible para sa marami na maging matuwid at maligtas sa pamamagitan ng pananampalataya nila.

maiingatan siya sa pamamagitan ng pag-aanak: Kapag may mga anak ang isang babae, aalagaan niya sila at magiging abala siya sa pag-aasikaso sa pamilya niya, kaya “maiingatan siya” mula sa pagiging tsismosa at pakialamera. (1Ti 5:11-15) Tutulong sa kaniya na manatiling malapít kay Jehova ang lahat ng ginagawa niya para sa pamilya niya, pati na ang kaniyang “pananampalataya, pag-ibig, [at] kabanalan.”

matinong pag-iisip: O “kakayahang gumawa ng mahuhusay na pasiya.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 3:2.

may matinong pag-iisip: O “mahusay magpasiya.” Ayon sa isang diksyunaryo, ang mga salitang Griego na isinaling “matinong pag-iisip” o “katinuan ng pag-iisip” ay tumutukoy sa pagiging “maingat, palaisip, may kontrol sa sarili.” Ang taong may matinong pag-iisip ay balanse at hindi padalos-dalos magpasiya.

Media

Pag-aayos ng Buhok ng mga Babae Noong Panahon ng Roma
Pag-aayos ng Buhok ng mga Babae Noong Panahon ng Roma

Noong unang siglo, kadalasan nang hinahati ng mga babae sa gitna ang mahabang buhok nila at ipinupusod (1). Mas magarbo naman ang ayos ng ilang babae; itinitirintas at kinukulot nila ang buhok nila (2). Para kumulot ang buhok, iniikot nila ito sa tinatawag na calamistrum, isang tubo na pinainit sa uling. Pero mas marangya pa ang ayos ng mayayamang babae noon, at kadalasan nang ipinapagawa nila ito sa mga alipin nila. Ang ganitong ayos ng buhok ay ginagamitan ng ipit, suklay, ribbon, at hairnet. Pinayuhan nina apostol Pablo at Pedro ang mga Kristiyanong babae na iwasan ang sobrang pagpapaganda sa pamamagitan ng magagarbong ayos ng buhok. Sa halip, pinasigla sila na “pagandahin . . . ang sarili nila sa pamamagitan ng . . . kahinhinan” at ng “tahimik at mahinahong espiritu.” Ang mga katangiang iyan ang pinahahalagahan ni Jehova.—1Ti 2:9; 1Pe 3:3, 4.