Liham sa mga Taga-Roma 6:1-23

6  Ano ngayon ang sasabihin natin? Patuloy ba tayong gagawa ng kasalanan para sumagana ang walang-kapantay na kabaitan?  Huwag naman! Alam nating napalaya* na tayo sa kasalanan,+ kaya bakit pa tayo patuloy na gagawa ng kasalanan?+  O hindi ba ninyo alam na tayong lahat na binautismuhan kay Kristo Jesus+ ay binautismuhan sa kaniyang kamatayan?+  Inilibing tayong kasama niya sa pamamagitan ng ating bautismo sa kaniyang kamatayan+ para makapagsimula tayo ng bagong buhay kung paanong binuhay-muli si Kristo sa pamamagitan ng kapangyarihan* ng Ama.+  Kung naging kaisa niya tayo dahil namatay tayong gaya niya,+ tiyak na magiging kaisa rin niya tayo dahil bubuhayin tayong muli na gaya niya.+  Dahil alam natin na ang ating lumang personalidad ay ipinako sa tulos na kasama niya+ para hindi na tayo madaig ng makasalanan nating katawan,*+ at sa gayon ay hindi na tayo maging mga alipin ng kasalanan.+  Dahil ang taong namatay ay napawalang-sala na.  Bukod diyan, kung namatay tayong kasama ni Kristo, naniniwala tayo na mabubuhay rin tayong kasama niya.  Dahil alam nating si Kristo ay hindi na mamamatay ngayong binuhay na siyang muli;+ ang kamatayan, na gaya ng isang panginoon, ay wala nang kontrol* sa kaniya. 10  Dahil namatay siya nang minsanan para maalis ang kasalanan,+ pero nabubuhay siya ngayon para magawa ang kalooban ng Diyos. 11  Gayon din kayo. Tandaan ninyong namatay* na kayo sa kasalanan pero buháy kayo ngayon para gawin ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.+ 12  Kaya huwag ninyong hayaang patuloy na maghari ang kasalanan sa inyong mortal na katawan+ para hindi kayo maging sunod-sunuran sa mga pagnanasa nito. 13  Huwag na rin ninyong iharap sa kasalanan ang inyong katawan para maging kasangkapan* sa kasamaan, kundi iharap ninyo sa Diyos ang inyong sarili na gaya ng mga binuhay-muli at iharap din ninyo sa Diyos ang inyong katawan bilang kasangkapan* sa katuwiran.+ 14  Hindi ninyo dapat maging* panginoon ang kasalanan, dahil wala na kayo sa ilalim ng kautusan+ kundi nasa ilalim na kayo ng walang-kapantay* na kabaitan.+ 15  Kaya gagawa na ba tayo ng kasalanan dahil wala tayo sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng walang-kapantay na kabaitan?+ Siyempre hindi! 16  Hindi ba ninyo alam na kung inihaharap ninyo sa sinuman ang inyong sarili bilang masunuring alipin, kayo ay alipin ng sinusunod ninyo?+ Kaya puwede kayong maging alipin ng kasalanan+ na nagdudulot ng kamatayan+ o ng pagkamasunurin na umaakay sa katuwiran. 17  Pero salamat sa Diyos dahil kahit alipin kayo ng kasalanan noon, kayo ngayon ay naging masunurin mula sa puso sa turong iyon, sa parisan na ibinigay sa inyo para sundan. 18  Oo, dahil pinalaya kayo mula sa kasalanan,+ naging alipin kayo ng katuwiran.+ 19  Gumagamit ako ngayon ng mga salitang maiintindihan ng mga tao dahil sa kahinaan ng inyong laman; iniharap ninyo noon ang inyong katawan bilang alipin ng karumihan at kasamaan para gumawa ng kasamaan, pero ngayon, iharap ninyo ang inyong katawan bilang alipin ng katuwiran para gumawa ng kabanalan.+ 20  Dahil noong alipin kayo ng kasalanan, wala kayo sa ilalim* ng katuwiran. 21  At ano ang bunga ng mga gawa ninyo noon? Mga bagay na ikinahihiya ninyo ngayon. Dahil umaakay ang mga iyon sa kamatayan.+ 22  Pero ngayong pinalaya na kayo mula sa kasalanan at naging alipin ng Diyos, ang bunga ng mga gawa ninyo ay kabanalan,+ at umaakay ito sa buhay na walang hanggan.+ 23  Dahil ang kabayaran para sa kasalanan ay kamatayan,+ pero ang regalo ng Diyos ay buhay na walang hanggan+ sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.+

Talababa

Lit., “namatay.”
Lit., “kaluwalhatian.”
O “ng katawan nating pag-aari ng kasalanan.”
O “kapangyarihan.”
O “napalaya.”
Lit., “sandata.”
Lit., “sandata.”
O “Hindi ninyo magiging.”
O “di-sana-nararapat.”
O “kontrol.”

Study Notes

Ito ang Anak ko: Bilang espiritung nilalang, si Jesus ay Anak ng Diyos. (Ju 3:16) Mula nang isilang bilang tao, si Jesus ay “anak ng Diyos,” gaya ni Adan nang perpekto pa siya. (Luc 1:35; 3:38) Pero makatuwirang isipin na hindi lang iyan ang ibig sabihin ng Diyos sa pagkakataong ito. Nang sabihin niya ito, kasabay ng pagbubuhos ng banal na espiritu, maliwanag na ipinakita ng Diyos na si Jesus ang kaniyang Anak na ipinanganak sa pamamagitan ng espiritu—“ipinanganak-muli” na may pag-asang mabuhay muli sa langit at pinahiran ng espiritu ng Diyos para maging Hari at Mataas na Saserdote.—Ju 3:3-6; 6:51; ihambing ang Luc 1:31-33; Heb 2:17; 5:1, 4-10; 7:1-3.

binautismuhan kay Kristo Jesus: Nang bautismuhan si Jesus sa tubig, inatasan siya ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu, kaya siya naging Kristo, o ang Pinahiran. (Gaw 10:38) Nang maging pinahiran siya, naging anak din siya ng Diyos sa espirituwal na diwa. (Tingnan ang study note sa Mat 3:17.) Nang bautismuhan ng Diyos si Jesus sa pamamagitan ng banal na espiritu, puwede na ring mabautismuhan sa pamamagitan ng banal na espiritu ang mga tagasunod ni Jesus. (Mat 3:11; Gaw 1:5) Ang mga naging anak ng Diyos sa pamamagitan ng espiritu gaya ni Jesus ay kailangang ‘mabautismuhan kay Kristo Jesus,’ o sa pinahirang si Jesus. Nang pahiran ni Jehova ng banal na espiritu ang mga tagasunod ni Kristo, naging kaisa sila ni Jesus at miyembro ng kongregasyon, na tinatawag na katawan ni Kristo, dahil siya ang ulo nito. (1Co 12:12, 13, 27; Col 1:18) Ang mga tagasunod na iyon ni Kristo ay “binautismuhan [din] sa kaniyang kamatayan.”​—Tingnan ang study note sa binautismuhan sa kaniyang kamatayan sa talatang ito.

binautismuhan sa kaniyang kamatayan: O “inilubog sa kaniyang kamatayan.” Ginamit dito ni Pablo ang terminong Griego na ba·ptiʹzo (ilublob; ilubog). Nang mabautismuhan si Jesus sa tubig noong 29 C.E., nagsimula rin ang isa pang bautismo niya, ang mapagsakripisyong paraan ng pamumuhay niya na inilarawan sa Mar 10:38. (Tingnan ang study note.) Nagpatuloy ang bautismong ito sa buong ministeryo niya. Natapos ito nang patayin siya noong Nisan 14, 33 C.E., at buhaying muli makalipas ang tatlong araw. Nang banggitin ni Jesus ang tungkol sa bautismong ito, sinabi niya na “ang pinagdadaanan [niyang] bautismo ay pagdadaanan” din ng mga tagasunod niya. (Mar 10:39) Ang mga pinahirang miyembro ng kongregasyon, o ng katawan ni Kristo, ay ‘binautismuhan sa kamatayan’ ni Jesus, dahil gaya niya, magiging mapagsakripisyo rin ang paraan ng pamumuhay nila at kasama sa isasakripisyo nila ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. Magpapatuloy ang bautismong ito sa buong buhay nila habang nananatili silang tapat sa harap ng mga pagsubok. Matatapos ito kapag namatay sila at binuhay-muli bilang mga espiritu.​—Ro 6:4, 5.

danasin ang bautismong pinagdadaanan ko: Ginamit dito ni Jesus ang terminong ‘bautismo’ gaya ng pagkakagamit niya sa “kopa.” (Tingnan ang study note sa Mat 20:22.) Nangyayari na ang bautismong ito ni Jesus noong panahon ng ministeryo niya. At lubusan siyang nabautismuhan, o inilubog, sa kamatayan nang patayin siya sa pahirapang tulos noong Nisan 14, 33 C.E. Nakumpleto ang bautismo niya nang iahon siya, o buhaying muli. (Ro 6:3, 4) Magkaiba ang bautismo ni Jesus sa kamatayan at ang bautismo niya sa tubig, dahil natapos na ang bautismo niya sa tubig noong simulan niya ang kaniyang ministeryo, samantalang ito naman ang naging simula ng bautismo niya sa kamatayan.

naging kaisa niya tayo: Lit., “itinanim tayong kasama niya.” Dito, ang salitang Griego na symʹphy·tos ay nagpapahiwatig na ang mga indibidwal ay nagiging magkaugnay dahil sa pareho nilang karanasan. May mga nagsasabi na inilalarawan sa ekspresyong ito ang isang sanga na itinanim sa isang puno, at sabay na lumaki ang mga ito.

lumang personalidad: O “dating sarili; dating pagkatao.” Lit., “dating tao.” Ang salitang Griego na anʹthro·pos ay pangunahin nang tumutukoy sa isang “tao,” lalaki man o babae.

ipinako sa tulos na kasama niya: Ginamit sa mga Ebanghelyo ang pandiwang Griego na syn·stau·roʹo para tumukoy sa mga literal na ipinako sa tulos katabi ni Jesus. (Mat 27:44; Mar 15:32; Ju 19:32) Maraming beses na binanggit ni Pablo sa mga liham niya ang pagpapako kay Jesus sa tulos (1Co 1:13, 23; 2:2; 2Co 13:4), pero dito, ginamit niya ang terminong ito sa makasagisag na diwa. Sinasabi niya rito na pinapatay, o pinapalitan, ng mga Kristiyano ang kanilang lumang personalidad sa pamamagitan ng pananampalataya sa pinatay na si Kristo. Ganito rin ang pagkakagamit ni Pablo sa terminong ito sa liham niya sa mga taga-Galacia. Sinabi niya: “Ipinako ako sa tulos kasama ni Kristo.”​—Gal 2:20.

napawalang-sala na: O “napalaya (napatawad) na sa kasalanan.” Lit., “nabigyang-katuwiran na sa kasalanan.” Ang ginamit dito na salitang Griego, di·kai·oʹo, ay madalas isaling “ipahayag na matuwid.” Ipinapakita sa konteksto na ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang mga pinahirang Kristiyano na buháy pa noon. Binautismuhan sila kay Kristo Jesus at tumanggap ng pag-asang mabuhay sa langit. Pero para mapahiran sila ng banal na espiritu at tanggapin ng Diyos bilang mga anak niya, kailangan nilang mamatay sa makasagisag na diwa. Ibig sabihin, kailangan nilang iwan ang dating pamumuhay nila bilang di-perpektong mga tao at mapatawad ng Diyos. Sa gayon, puwede na silang ituring na perpektong mga tao. Isang mahalagang katotohanan ang basehan ni Pablo sa paliwanag niyang ito tungkol sa mga pinahirang Kristiyano. Alam niya na ang kabayaran para sa kasalanan ni Adan ay kamatayan. (Gen 2:17) Kaya sinasabi ni Pablo na kapag namatay ang isa, napawalang-sala na siya, dahil ang kasalanan niya ay lubusan nang nabayaran ng kamatayan. Sa Ro 6:23, sinabi ni Pablo: “Ang kabayaran para sa kasalanan ay kamatayan.” Kaya kapag namatay na ang isang tao, hindi na sisingilin sa kaniya ang mga kasalanan niya. Kung hindi dahil sa handog ni Jesus at sa layunin ng Diyos na bumuhay ng mga patay, wala na siyang pag-asang mabuhay muli. Pero kahit hindi na siya buhaying muli, napawalang-sala pa rin siya, dahil hindi na uungkatin ng Diyos ang mga kasalanan niya para parusahan pa siya.

inyong katawan: O “anumang bahagi ng inyong katawan.” Lit., “inyong mga sangkap.” Dito, ang salitang Griego na meʹlos (“isang bahagi ng katawan ng tao”) ay nasa anyong pangmaramihan at tumutukoy sa buong katawan. Ganito ang pagkakagamit ni Pablo sa salitang ito sa kabanata 6 at 7 ng Roma. (Ro 6:19; 7:5, 23) Sa Ro 12:4, ito rin ang salitang ginamit niya sa pariralang “kung paanong ang isang katawan ay binubuo ng maraming bahagi.”

alipin: Sa Ro 1:1, ginamit ni Pablo ang terminong ito para sa sarili niya, pero dito, ginamit niya ito para tumukoy sa isang tao na nagpapaalipin sa kasalanan na umaakay sa kamatayan o sa katuwiran na umaakay sa kabanalan. Ang paghahalimbawang ginamit ni Pablo para idiin ang punto niya ay pamilyar sa mga Kristiyano sa Roma, na ang ilan ay malamang na mga alipin. Alam nila na obligado ang isang alipin na sundin ang mga utos ng panginoon niya. Ang simple pero pamilyar na ilustrasyon ni Pablo, na katulad ng itinuro ni Jesus sa Sermon sa Bundok, ay tutulong sa kanilang pumili kung sinong panginoon ang paglilingkuran nila.​—Mat 6:24; Ro 6:17-20.

inyong katawan: O “anumang bahagi ng inyong katawan.” Lit., “inyong mga sangkap.” Dito, ang salitang Griego na meʹlos (“isang bahagi ng katawan ng tao”) ay nasa anyong pangmaramihan at tumutukoy sa buong katawan. Ganito ang pagkakagamit ni Pablo sa salitang ito sa kabanata 6 at 7 ng Roma. (Ro 6:19; 7:5, 23) Sa Ro 12:4, ito rin ang salitang ginamit niya sa pariralang “kung paanong ang isang katawan ay binubuo ng maraming bahagi.”

kasamaan: Ang salitang Griego dito na isinaling “kasamaan” ay nangangahulugang paglabag at kawalang-respeto ng mga tao sa mga batas, na para bang walang umiiral na mga batas. Sa Bibliya, tumutukoy ito sa paglapastangan sa mga batas ng Diyos.—Mat 7:23; 2Co 6:14; 2Te 2:3-7; 1Ju 3:4.

katawan: Tumutukoy sa mga bahagi ng katawan.​—Tingnan ang study note sa Ro 6:13.

kasamaan para gumawa ng kasamaan: Ang salitang Griego na a·no·miʹa ay puwedeng tumukoy sa paglabag at kawalang-respeto ng mga tao sa mga batas, na para bang walang umiiral na batas. Sa Bibliya, tumutukoy ito sa paglapastangan sa mga batas ng Diyos. (Tingnan ang study note sa Mat 24:12; Mat 7:23; 2Co 6:14; 2Te 2:3-7; 1Ju 3:4) Sa pariralang ito, dalawang beses na ginamit ang terminong ito. Ang unang paglitaw ay tumutukoy sa tendensiya ng isang tao na gumawa ng masama, at ang ikalawa ay tumutukoy sa resulta nito, isang masamang gawa. Ang anyong pangmaramihan ng pangngalang ito ay isinaling “kasamaan” sa Ro 4:7 at ‘masasamang gawa’ sa Heb 10:17.

kabayaran para sa kasalanan: Ang salitang Griego na o·psoʹni·on ay literal na nangangahulugang “bayad; suweldo.” Sa Luc 3:14 (tingnan ang study note), tumutukoy ito sa suweldo ng isang sundalo. Sa kontekstong ito, ang kasalanan ay inihalintulad sa isang panginoon na nagpapasuweldo. Ang “kabayaran,” o suweldo, ng taong nagkakasala ay kamatayan. Kapag namatay na ang isang tao at tinanggap na niya ang kaniyang “kabayaran,” burado na ang mga kasalanan niya. Kung hindi dahil sa handog ni Jesus at sa layunin ng Diyos na bumuhay ng mga patay, wala na siyang pag-asang mabuhay muli.

regalo: O “di-sana-nararapat na regalo.” Ang salitang Griego na khaʹri·sma ay pangunahin nang tumutukoy sa isang regalo na ibinigay sa isang tao dahil sa kabaitan ng nagregalo at hindi dahil pinaghirapan niya ito o karapat-dapat siya dito. Kaugnay ito ng salitang khaʹris, na karaniwang isinasaling “walang-kapantay na kabaitan.” (Tingnan sa Glosari, “Walang-kapantay na kabaitan.”) Ang kabaitan ni Jehova sa pagbibigay niya ng kaniyang Anak bilang haing pantubos ay isang walang-kapantay na regalo, at dahil diyan, ang mga nananampalataya sa haing pantubos ni Jesus ay puwedeng tumanggap ng regalong buhay na walang hanggan.​—Ju 3:16; tingnan ang Ro 5:15, 16, kung saan dalawang beses na isinaling “regalo” ang salitang Griego na khaʹri·sma.

suweldo: O “probisyon; kabayaran.” Ginamit dito ang isang terminong panghukbo na tumutukoy sa suweldo ng isang sundalo. Noong una, kasama sa kabayaran ng mga sundalo ang pagkain at iba pang probisyon. Ang mga sundalong Judio na lumapit kay Juan ay posibleng mga sundalong rumoronda, partikular na para maningil ng buwis. Posibleng ibinigay ni Juan ang payong ito dahil mababa ang suweldo ng karamihan sa mga sundalo, at lumilitaw na nagiging dahilan ito para abusuhin ng mga sundalo ang kapangyarihan nila at madagdagan ang kinikita nila. Ginamit din ang terminong ito sa ekspresyon na “sarili niyang gastos” sa 1Co 9:7, kung saan sinasabi ni Pablo ang kabayaran na nararapat sa isang ‘sundalong’ Kristiyano.

Media