Genesis 3:1-24

3  At ang ahas+ ang pinakamaingat* sa lahat ng maiilap na hayop sa parang na ginawa ng Diyos na Jehova. Kaya sinabi nito sa babae: “Talaga bang sinabi ng Diyos na hindi kayo puwedeng kumain ng bunga mula sa lahat ng puno sa hardin?”+  Sumagot ang babae sa ahas: “Puwede kaming kumain ng bunga ng mga puno sa hardin.+  Pero kung tungkol sa bunga ng puno na nasa gitna ng hardin,+ sinabi ng Diyos: ‘Huwag kayong kakain ng bunga mula sa punong iyon at huwag ninyong hihipuin iyon para hindi kayo mamatay.’”  At sinabi ng ahas sa babae: “Tiyak na hindi kayo mamamatay.+  Dahil alam ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo ng bunga mula sa punong iyon, mabubuksan ang mga mata ninyo at magiging tulad kayo ng Diyos, na nakaaalam ng mabuti at masama.”+  Dahil dito, nakita ng babae na ang bunga ng puno ay katakam-takam at magandang tingnan, oo, masarap itong tingnan. Kaya pumitas siya ng bunga at kinain iyon.+ At nang kasama na niya ang kaniyang asawa, binigyan din niya ito at kumain ito.+  Pagkatapos, nabuksan ang mga mata nila at nakita nilang hubad sila. Kaya pinagdugtong-dugtong nila ang mga dahon ng igos at itinali ito sa balakang nila.+  At sa mahanging bahagi ng araw,* narinig nila ang tinig ng Diyos na Jehova habang naglalakad siya sa hardin. At ang lalaki at ang asawa niya ay nagtago sa Diyos na Jehova sa pagitan ng mga puno sa hardin.  At paulit-ulit na tinawag ng Diyos na Jehova ang lalaki at sinabi: “Nasaan ka?” 10  Sa wakas, sumagot siya: “Narinig ko sa hardin ang tinig mo, pero natakot ako dahil hubad ako, kaya nagtago ako.” 11  Kaya sinabi ng Diyos: “Sino ang nagsabi sa iyo na hubad ka?+ Kumain ka ba ng bunga mula sa punong ipinagbabawal ko?”+ 12  Sinabi ng lalaki: “Ang babae na ibinigay mo para makasama ko, binigyan niya ako ng bunga mula sa puno kaya kumain ako.” 13  Pagkatapos, sinabi ng Diyos na Jehova sa babae: “Ano itong ginawa mo?” Sumagot ang babae: “Nilinlang ako ng ahas kaya kumain ako.”+ 14  At sinabi ng Diyos na Jehova sa ahas:+ “Dahil sa ginawa mong ito, isinumpa ka sa lahat ng maaamong hayop at sa lahat ng maiilap na hayop sa parang. Ang tiyan mo ang ipanggagapang mo, at kakain ka ng alabok sa lahat ng araw ng buhay mo. 15  At maglalagay ako ng alitan+ sa pagitan mo+ at ng babae+ at sa pagitan ng supling* mo+ at ng supling* niya.+ Dudurugin* ng supling niya ang ulo mo,+ at susugatan mo ito sa sakong.”*+ 16  At sinabi niya sa babae: “Patitindihin ko ang kirot ng pagdadalang-tao mo; mahihirapan ka sa panganganak, at magiging labis-labis ang paghahangad mo sa iyong asawa, at pamumunuan ka niya.” 17  At sinabi niya kay Adan:* “Kahit inutusan+ kita, ‘Huwag kang kakain ng bunga mula sa punong iyon,’ pinakinggan mo pa rin ang asawa mo at kumain ka nito; kaya sumpain ang lupa dahil sa iyo.+ Sa lahat ng araw ng buhay mo, maghihirap ka bago makakuha ng bunga mula rito.*+ 18  Tutubuan ito ng mga damo at matitinik na halaman, at kakainin mo ang pananim sa parang. 19  Pagpapawisan ka at maghihirap bago makakuha ng pagkain hanggang sa bumalik ka sa lupa, dahil diyan ka kinuha.+ Ikaw ay alabok, kaya sa alabok ka babalik.”+ 20  Pagkatapos nito, pinangalanan ni Adan ang asawa niya na Eva,* dahil siya ang magiging ina ng lahat ng tao.*+ 21  At si Adan at ang asawa niya ay iginawa ng Diyos na Jehova ng mahahabang damit na yari sa balat ng hayop para damtan sila.+ 22  Pagkatapos, sinabi ng Diyos na Jehova: “Ang tao ay naging tulad natin na nakaaalam ng mabuti at masama.+ At ngayon, para hindi siya kumuha ng bunga mula sa puno ng buhay+ at kumain nito at mabuhay magpakailanman,*—” 23  Dahil dito, pinalayas siya ng Diyos na Jehova sa hardin ng Eden+ para sakahin ang lupa na pinagkunan sa kaniya.+ 24  Pinalayas ng Diyos ang tao, at sa silangan ng hardin ng Eden ay naglagay siya ng mga kerubin+ at ng nagliliyab na espadang patuloy na umiikot. Ginawa niya ito para mabantayan ang daan papunta sa puno ng buhay.

Talababa

O “pinakatuso.”
O “At nang papagabi na.”
O “dudurugin mo ang sakong nito.”
O “Susugatan.”
Lit., “binhi.”
Lit., “binhi.” Ang salitang Hebreo para dito ay nagagamit sa pangmaramihang anyo at puwede ring tumukoy sa isang grupo.
Ibig sabihin, “Makalupang Tao; Sangkatauhan.”
Lit., “kakainin mo nang may kirot ang bunga nito.”
Ibig sabihin, “Isa na Buháy.”
Lit., “lahat ng nabubuhay.”
O “hanggang sa panahong walang wakas.”

Study Notes

Media