Liham sa mga Taga-Efeso 1:1-23

1  Ako si Pablo, isang apostol ni Kristo Jesus dahil sa kalooban ng Diyos. Sumusulat ako sa mga banal sa Efeso+ at mga tapat na kaisa ni Kristo Jesus:  Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Kristo.  Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, dahil binigyan niya tayo ng bawat uri ng espirituwal na pagpapala mula sa langit, dahil kaisa tayo ni Kristo.+  Pinili Niya tayo na maging kaisa niya bago pa maitatag ang sanlibutan para makapagpakita tayo ng pag-ibig at maging banal at walang dungis+ sa harap Niya.  Pinili niya tayo+ para ampunin bilang mga anak niya+ sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Iyan ay ayon sa kagustuhan* niya at kalooban,+  nang sa gayon, mapapurihan siya dahil sa kaniyang maluwalhating walang-kapantay na kabaitan+ na ipinagkaloob niya sa atin sa pamamagitan ng kaniyang minamahal.+  Ayon sa kasaganaan ng walang-kapantay na kabaitan ng Diyos, nailaan ang pantubos sa pamamagitan ng dugo ng kaniyang anak+ at nabuksan ang daan para mapalaya tayo, oo, napatawad ang ating mga kasalanan.+  Sagana niyang ipinagkaloob sa atin ang kaniyang walang-kapantay na kabaitan, kasama ang lahat ng karunungan at unawa.  Ginawa niya ito nang ipaalám niya sa atin ang sagradong lihim+ ng kalooban niya. Ayon sa kaniyang kagustuhan, ipinasiya niya 10  na maitatag ang isang administrasyon kapag natapos na ang panahong itinakda niya, para matipon ang lahat ng bagay sa Kristo, ang mga bagay sa langit at sa lupa.+ Oo, sa kaniya, 11  na kaisa namin at kasama naming tagapagmana,+ gaya ng iniatas sa amin, dahil pinili kami ayon sa layunin ng isa na nagsasagawa ng lahat ng ipinasiya Niyang gawin ayon sa Kaniyang kalooban,+ 12  nang sa gayon, kami na mga naunang umasa* sa Kristo ay maglingkod para sa Kaniyang kapurihan at kaluwalhatian. 13  Pero umasa rin kayo sa kaniya nang marinig ninyo ang salita ng katotohanan, ang mabuting balita tungkol sa inyong kaligtasan. Nang manampalataya kayo, sa pamamagitan niya ay tinatakan kayo+ ng ipinangakong banal na espiritu, 14  na garantiya ng tatanggapin nating mana,+ para mapalaya ang pag-aari ng Diyos+ sa pamamagitan ng pantubos,+ at sa gayon ay mapapurihan siya at maluwalhati. 15  Kaya naman nang marinig ko ang inyong pananampalataya sa Panginoong Jesus at ang pag-ibig na ipinapakita ninyo sa lahat ng banal, 16  lagi ko rin kayong ipinagpapasalamat sa Diyos. Lagi kong ipinapanalangin+ 17  na bigyan kayo ng karunungan ng Diyos ng ating Panginoong Jesu-Kristo, ang Ama ng kaluwalhatian, at maunawaan ninyo ang mga isinisiwalat niya may kinalaman sa tumpak na kaalaman tungkol sa kaniya.+ 18  Pinasinag niya ang liwanag sa inyong puso, para makita ninyo at malaman kung anong pag-asa ang ibinigay niya sa inyo,* kung anong kamangha-manghang* mga kayamanan ang inilaan niya bilang mana ng mga banal,+ 19  at kung gaano kalakas ang kapangyarihang ipinakita niya sa atin na mga mananampalataya.+ Ang malakas na kapangyarihang iyon ay nakikita sa kaniyang mga gawa; 20  ito ang ginamit niya para buhaying muli si Kristo at paupuin sa kaniyang kanan+ sa langit, 21  na di-hamak na mas mataas kaysa sa anumang pamahalaan at awtoridad at kapangyarihan at pamumuno+ at pangalan,+ hindi lang sa sistemang ito kundi pati sa darating. 22  Inilagay rin Niya ang lahat ng bagay sa ilalim ng mga paa niya+ at ginawa siyang ulo ng lahat ng bagay na may kaugnayan sa kongregasyon,+ 23  na siyang katawan niya+ at pinupuno niya, at siya ang pumupuno sa lahat ng bagay sa lahat ng paraan.

Talababa

O “ikinalulugod.”
O “mga dati nang umaasa.”
Lit., “malaman ninyo ang pag-asa kung saan niya kayo tinawag.”
O “maluwalhating.”

Study Notes

Unang Liham sa mga Taga-Corinto: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Makikita sa mga sinaunang manuskrito na idinagdag lang ang mga pamagat nang maglaon para madaling matukoy ang mga liham. Ipinapakita ng papirong codex na tinatawag na P46 na gumagamit noon ang mga eskriba ng pamagat para tukuyin ang mga aklat ng Bibliya. Ang codex na ito ang pinakamatandang natagpuang koleksiyon ng mga liham ni Pablo, na pinaniniwalaang mula pa noong mga 200 C.E. Mababasa rito ang siyam sa mga liham niya. Sa simula ng unang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto, makikita sa codex na ito ang pamagat na Pros Ko·rinʹthi·ous A (“Para sa mga Taga-Corinto 1”). (Tingnan sa Media Gallery, “Unang Liham ni Pablo sa mga Taga-Corinto.”) May ganito ring pamagat ang iba pang sinaunang manuskrito, gaya ng Codex Vaticanus at Codex Sinaiticus ng ikaapat na siglo C.E. Sa mga manuskritong ito, lumitaw ang pamagat sa simula at sa katapusan ng liham.

Liham sa mga Taga-Efeso: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Makikita sa mga sinaunang manuskrito na idinagdag lang ang mga pamagat nang maglaon para madaling matukoy ang mga aklat.—Tingnan ang study note sa 1Co Pamagat at Media Gallery, “Liham ni Pablo sa mga Taga-Efeso.”

apostol: Ang pangngalang Griego na a·poʹsto·los ay mula sa pandiwang a·po·stelʹlo, na nangangahulugang “isugo.” (Mat 10:5; Luc 11:49; 14:32) Ang pangunahing kahulugan nito ay malinaw na makikita sa sinabi ni Jesus sa Ju 13:16, kung saan isinalin itong “ang isinugo.” Si Pablo ay tinawag para maging apostol sa mga bansa, o sa mga di-Judio; ang binuhay-muling si Jesu-Kristo mismo ang pumili sa kaniya. (Gaw 9:1-22; 22:6-21; 26:12-23) Pinagtibay ni Pablo ang pagiging apostol niya nang sabihin niyang nakita niya ang binuhay-muling Panginoong Jesu-Kristo (1Co 9:1, 2) at nang gumawa siya ng mga himala (2Co 12:12). Naging daan din si Pablo para mabigyan ng banal na espiritu ang mga bautisadong mánanampalatayá, na karagdagang patunay na isa siyang tunay na apostol. (Gaw 19:5, 6) Madalas niyang mabanggit na apostol siya, pero wala tayong mababasa na sinabi niyang isa siya sa “12 apostol.”​—1Co 15:5, 8-10; Ro 11:13; Gal 2:6-9; 2Ti 1:1, 11.

banal: Madalas na tukuyin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang mga espirituwal na kapatid ni Kristo sa mga kongregasyon bilang mga “banal.” (Gaw 9:13, tlb.; 26:10, tlb.; Ro 12:13, tlb.; 2Co 1:1; 13:13) Ang terminong ito ay tumutukoy sa mga nagkaroon ng kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng bagong tipan na nagkabisa dahil sa “dugo para sa walang-hanggang tipan,” ang dugo ni Jesus. (Heb 10:29; 13:20) Kaya sila ay nilinis ng Diyos at itinuring niyang “banal.” Sa mata ni Jehova, naging banal sila, hindi pagkamatay nila, kundi nang simulan nila ang kanilang malinis na pamumuhay sa lupa. Kaya walang basehan sa Bibliya para ideklara ng isang indibidwal o organisasyon ang isang tao na “banal,” o “santo,” ayon sa salin ng ibang Bibliya. Sinasabi ni Pedro na dapat silang maging “banal” dahil ang Diyos ay banal. (1Pe 1:15, 16; Lev 20:7, 26) Ang terminong “banal” ay tumutukoy sa lahat ng naging kaisa ni Kristo at kasama niyang tagapagmana. Mahigit limang siglo bago tawaging “banal” ang mga tagasunod ni Kristo, isiniwalat na ng Diyos na ang “mga banal ng Kadaki-dakilaan” ay mamamahala sa Kaharian kasama ni Kristo.​—Dan 7:13, 14, 18, 27.

apostol: Tingnan ang study note sa Ro 1:1.

mga banal: Tingnan ang study note sa Ro 1:7.

sa Efeso: Mababasa ang pananalitang ito sa sinaunang maaasahang mga manuskrito at sinaunang mga salin, pero hindi ito lumitaw sa lahat ng sinaunang manuskritong Griego. May ilan na hindi naniniwalang bahagi ito ng orihinal na teksto, at sinasabi nila na sa Laodicea ipinadala ni Pablo ang liham na ito. (Col 4:16) Pero hindi mababasa ang “para sa [o, “sa”] Laodicea” sa kahit anong manuskrito. Isa pa, sa lahat ng manuskritong Griego na wala ang pananalitang “sa Efeso” sa talatang ito, pinamagatan pa rin itong “Para sa mga Taga-Efeso.” Gayundin, tinatanggap ng mga manunulat noon na ang liham na ito ay para sa mga taga-Efeso. At Efeso lang ang lunsod na nabanggit sa kahit anong manuskrito ng liham na ito.

Efeso: Noong panahon ng Bibliya, ang lunsod na ito ay mayaman at sentro ng relihiyon at komersiyo sa kanlurang baybayin ng Asia Minor, katapat ng isla ng Samos. Ang Efeso ang kabisera ng Romanong lalawigan ng Asia.—Tingnan sa Glosari, Ap. B13, at Media Gallery, “Ang Teatro at Iba Pang Lugar sa Efeso.”

na kaisa ni: Lit., “kay.” Ang ekspresyong ito ay nagpapakita ng malapít na ugnayan, magandang samahan, at pagkakaisa. Sa liham ni Pablo sa mga taga-Efeso, maraming beses niyang binanggit na ang mga pinahirang Kristiyano ay “kaisa ni” Kristo Jesus, na nagdiriin ng mahalagang papel ni Kristo sa pagkakaroon ng pagkakaisa.—Bilang halimbawa, tingnan ang Efe 1:4, 11; 2:13, 21.

Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan: Tingnan ang study note sa Ro 1:7.

Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan: Ginamit ni Pablo ang pagbating ito sa 11 liham niya. (1Co 1:3; 2Co 1:2; Gal 1:3; Efe 1:2; Fil 1:2; Col 1:2; 1Te 1:1; 2Te 1:2; Tit 1:4; Flm 3) Halos ganito rin ang pagbati niya sa mga liham niya kay Timoteo, pero idinagdag niya ang katangiang “awa.” (1Ti 1:2; 2Ti 1:2) Napansin ng mga iskolar na sa halip na gamitin ni Pablo ang karaniwang salita para sa pagbati (khaiʹrein), madalas niyang gamitin ang katunog na terminong Griego (khaʹris) para ipakita ang kagustuhan niyang lubos na matanggap ng mga kongregasyon ang “walang-kapantay na kabaitan.” (Tingnan ang study note sa Gaw 15:23.) Ang pagbanggit niya ng “kapayapaan” ay kahawig ng isang karaniwang Hebreong pagbati, sha·lohmʹ. (Tingnan ang study note sa Mar 5:34.) Sa paggamit ng “walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan,” maliwanag na idiniriin ni Pablo ang naibalik na kaugnayan ng mga Kristiyano sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng pantubos. Nang sabihin ni Pablo kung kanino galing ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan, binanggit niya nang magkahiwalay ang Diyos na ating Ama at ang Panginoong Jesu-Kristo.

sa langit: Inilalarawan dito ni Pablo ang mga pinahirang Kristiyano na tumanggap ng “bawat uri ng espirituwal na pagpapala mula sa langit,” kahit na nandito pa sila sa lupa. Makikita sa konteksto na ‘inatasan’ sila ng Diyos bilang “tagapagmana” sa langit kasama ng kaniyang Anak at na binigyan Niya sila ng garantiya na tatanggap sila ng mana. (Efe 1:11, 13, 14) Kaya kahit nasa lupa pa sila, para silang binuhay, o itinaas, dahil sa natanggap nilang atas.—Efe 1:18-20; 2:4-7.

na kaisa ni: Lit., “kay.” Ang ekspresyong ito ay nagpapakita ng malapít na ugnayan, magandang samahan, at pagkakaisa. Sa liham ni Pablo sa mga taga-Efeso, maraming beses niyang binanggit na ang mga pinahirang Kristiyano ay “kaisa ni” Kristo Jesus, na nagdiriin ng mahalagang papel ni Kristo sa pagkakaroon ng pagkakaisa.—Bilang halimbawa, tingnan ang Efe 1:4, 11; 2:13, 21.

nang itatag ang sanlibutan: Ang salitang Griego para sa “itatag” ay isinaling “nagdalang-tao” sa Heb 11:11. Ang ekspresyon dito na “itatag ang sanlibutan” ay lumilitaw na tumutukoy sa pagsilang sa mga anak nina Adan at Eva. Iniugnay ni Jesus ang ‘pagkakatatag ng sanlibutan’ kay Abel, dahil maliwanag na siya ang unang tao na puwedeng tubusin at nakasulat ang pangalan niya sa balumbon ng buhay mula pa “nang itatag ang sanlibutan.”—Luc 11:51; Apo 17:8; tingnan ang study note sa Mat 25:34.

kaisa niya: Kaisa ni Kristo.—Efe 1:3; tingnan ang study note sa Efe 1:1.

maitatag ang sanlibutan: Tingnan ang study note sa Luc 11:50.

tinawag ayon sa kaniyang layunin: Ang salitang Griego na proʹthe·sis, na isinasaling “layunin,” ay literal na nangangahulugang “paglalagay sa unahan.” Lumitaw rin ang terminong ito sa Ro 9:11; Efe 1:11; 3:11. Dahil siguradong matutupad ang mga layunin ng Diyos, puwede niyang patiunang malaman at sabihin kung ano ang mangyayari sa hinaharap. (Isa 46:10) Halimbawa, alam na ni Jehova na magkakaroon ng isang grupo ng mga tao na “tinawag ayon sa kaniyang layunin,” pero hindi niya itinadhana kung sino ang mga indibidwal na bubuo dito. Kumikilos din siya para siguraduhing matutupad ang mga layunin niya.​—Isa 14:24-27.

pag-aampon bilang mga anak: Lit., “pagtatalaga bilang anak” (sa Griego, hui·o·the·siʹa). Pamilyar ang mga tao sa konsepto ng “pag-aampon” noong panahon ng mga Griego at Romano. Karamihan sa mga inaampon noon ay malalaki na, hindi maliliit na bata. May mga panginoon noon na kilalá sa pagpapalaya ng mga alipin para legal nilang maampon ang mga ito. Ang Romanong emperador na si Augusto ay ampon ni Julio Cesar. Ginamit ni Pablo ang konsepto ng pag-aampon para ilarawan ang bagong katayuan ng mga tinawag at pinili ng Diyos. Lahat ng inapo ng di-perpektong si Adan ay alipin ng kasalanan, kaya hindi sila maituturing na anak ng Diyos. Pero dahil sa haing pantubos ni Jesus, mapapalaya na sila ni Jehova sa pagkaalipin sa kasalanan at maaampon bilang mga anak, kaya magiging tagapagmana na sila kasama ni Kristo. (Ro 8:14-17; Gal 4:1-7) Idiniin ni Pablo ang pagbabagong ito sa pagsasabing ang mga inampon ay sumisigaw: “Abba, Ama!” Hinding-hindi gagamitin ng isang alipin ang magiliw na ekspresyong ito para sa kaniyang panginoon. (Tingnan ang study note sa Abba sa talatang ito.) Si Jehova ang pumipili ng gusto niyang ampunin. (Efe 1:5) Kapag pinahiran na niya sila ng kaniyang espiritu, itinuturing na niya silang mga anak. (Ju 1:12, 13; 1Ju 3:1) Pero dapat silang manatiling tapat habang nabubuhay sa lupa bago nila lubusang matanggap ang pribilehiyo na mabuhay sa langit bilang kasamang tagapagmana ni Kristo. (Apo 20:6; 21:7) Kaya sinabi ni Pablo na “hinihintay [nila] nang may pananabik ang pag-aampon sa [kanila] bilang mga anak, ang pagpapalaya mula sa [kanilang] katawan sa pamamagitan ng pantubos.”​—Ro 8:23.

maampon tayo bilang mga anak: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ilang beses na binanggit ni Pablo ang pag-aampon para ipakita ang bagong kalagayan ng mga tinawag at pinili ng Diyos. Binigyan sila ng pag-asang maging imortal sa langit. Dahil galing sila sa di-perpektong si Adan, alipin sila ng kasalanan at hindi sila puwedeng maging anak ng Diyos. Pero dahil sa hain ni Jesus na nag-aalis ng kasalanan, puwede silang ampunin ng Diyos at maging “mga kasamang tagapagmana ni Kristo.” (Ro 8:14-17) Hindi sila ang nagdedesisyon kung gusto nilang magpaampon. Ang Diyos ang pumipili sa kanila, ayon sa kalooban niya. (Efe 1:5) Itinuturing na sila ng Diyos bilang mga anak niya kapag naipanganak na silang muli sa pamamagitan ng espiritu. (Ju 1:12, 13; 1Ju 3:1) Pero dapat silang manatiling tapat hanggang kamatayan para maging ganap ang pag-aampon sa kanila bilang mga espiritung anak ng Diyos. (Ro 8:17; Apo 21:7) Kaya nasabi ni Pablo: “Hinihintay natin nang may pananabik ang pag-aampon sa atin bilang mga anak, ang pagpapalaya mula sa ating katawan sa pamamagitan ng pantubos.” (Ro 8:23; tingnan ang study note sa Ro 8:15.) Karaniwan noon ang pag-aampon. Nag-aampon ang mga Griego at Romano pangunahin nang para sa kapakinabangan ng nag-ampon, hindi ng inampon. Pero idiniin ni Pablo na dahil sa pag-ibig ni Jehova, gumawa siya ng paraan para maampon ang mga pinili niya at ito ay para sa kapakinabangan nila.—Gal 4:3, 4.

Pinili niya: O “Patiuna niyang itinalaga.” Patiunang nagdesisyon si Jehova na isang grupo ng mga tagasunod ni Kristo ang aampunin Niya at makakasama ni Jesus sa langit bilang tagapamahala. Patiuna niyang itinalaga ang grupo, hindi ang mga indibidwal. Makikita ang layuning ito ni Jehova sa hula sa Gen 3:15, na agad na binigkas ni Jehova matapos magkasala ni Adan.—Gal 3:16, 29; tingnan ang study note sa Ro 8:28.

Pinili niya tayo: Sa tekstong Griego, puwede ring idugtong ang ekspresyong ito sa naunang talata, kaya ang pangungusap na mabubuo ay “Dahil sa pag-ibig, [tal. 5] pinili niya tayo.”

para ampunin bilang mga anak niya: Tingnan ang study note sa Ro 8:15; Gal 4:5.

walang-kapantay na kabaitan ng Diyos: Dating pinag-uusig ni Pablo si Jesus at ang mga tagasunod nito (Gaw 9:3-5), kaya talagang napahalagahan niya ang walang-kapantay na kabaitan ni Jehova. (Tingnan sa Glosari, “Walang-kapantay na kabaitan.”) Nakita ni Pablo na nagagawa lang niya ang ministeryo niya dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. (1Co 15:10; 1Ti 1:13, 14) Noong kausap niya ang matatandang lalaki mula sa Efeso, dalawang beses niyang binanggit ang katangiang ito. (Gaw 20:24, 32) Sa 14 na liham ni Pablo, mga 90 beses niyang binanggit ang “walang-kapantay na kabaitan”; di-hamak na mas marami ito kaysa sa pagbanggit dito ng ibang manunulat. Halimbawa, binanggit niya ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos o ni Jesus sa pasimula ng lahat ng liham niya, maliban sa liham niya sa mga Hebreo, at tinapos niya ang bawat liham niya gamit ang ekspresyong ito.

pantubos: Ang salitang Griego na lyʹtron (mula sa pandiwang lyʹo, na nangangahulugang “pakawalan; palayain”) ay ginagamit ng sekular na mga Griegong manunulat para tumukoy sa bayad para makalaya ang isang alipin o para pakawalan ang mga bihag sa digmaan. Dalawang beses itong ginamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito at sa Mar 10:45. Ang kaugnay na salitang an·tiʹly·tron na ginamit sa 1Ti 2:6 ay isinalin ding “pantubos,” na nangangahulugang halaga na katumbas ng naiwala. Ang iba pang kaugnay na salita ay ly·troʹo·mai, na nangangahulugang “palayain; tubusin” (Tit 2:14; 1Pe 1:18; pati mga tlb.), at a·po·lyʹtro·sis, na karaniwang isinasalin na “palayain sa pamamagitan ng pantubos” (Efe 1:7; Col 1:14; Heb 9:15; 11:35; Ro 3:24; 8:23).​—Tingnan sa Glosari.

ibinayad na pantubos ni Kristo Jesus na nagpalaya sa kanila: O “pantubos na na kay Kristo Jesus.” Ang salitang Griego na a·po·lyʹtro·sis ay kaugnay ng iba pang mga salita na ginagamit para sa pantubos.​—Tingnan ang study note sa Mat 20:28.

Ayon sa kasaganaan ng walang-kapantay na kabaitan ng Diyos: O “Ayon sa kayamanan ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.” Mayamang lunsod ang Efeso, pero idiniin ni Pablo sa liham niya na ang pagiging tunay na mayaman—mayaman sa espirituwal—ay dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. (Efe 1:18; 2:7; 3:8) Ginamit ni Pablo nang 12 beses sa liham niya sa mga taga-Efeso ang terminong Griego na isinaling “walang-kapantay na kabaitan.” Nang makipagkita siya sa matatandang lalaki sa Efeso sa isang naunang pagkakataon, binanggit din niya ang napakagandang katangiang ito.—Gaw 20:17, 24, 32; tingnan ang study note sa Gaw 13:43 at Glosari, “Walang-kapantay na kabaitan.”

pantubos . . . para mapalaya tayo: Tingnan ang study note sa Mat 20:28; Ro 3:24 at Glosari, “Pantubos.”

sa pamamagitan ng dugo ng kaniyang anak: Sa pamamagitan ng dugo ni Jesu-Kristo. Kahit na ginamit sa ilang salin ang salitang “kamatayan,” makikita sa literal na saling “dugo” ang konsepto sa Bibliya ng pagbabayad-sala sa pamamagitan ng dugo. (Tingnan sa Glosari, “Pagbabayad-sala.”) Sa Araw ng Pagbabayad-Sala, may itinakdang mga hayop na inihahain. Dinadala ng mataas na saserdote ang ilang bahagi ng dugo ng mga ito sa Kabanal-banalan ng tabernakulo o templo at inihaharap ito sa Diyos. (Lev 16:2-19) Natupad kay Jesus ang isinasagisag ng Araw ng Pagbabayad-Sala, gaya ng ipinaliwanag ni Pablo sa liham niya sa mga Hebreo. (Heb 9:11-14, 24, 28; 10:11-14) Kung paanong dinadala ng mataas na saserdote ang inihaing dugo sa Kabanal-banalan sa Araw ng Pagbabayad-Sala, iniharap ni Jesus sa Diyos sa langit ang halaga ng dugo niya.

karunungan ng Diyos na nasa isang sagradong lihim: Tumutukoy sa matalinong kaayusan ng Diyos na tatapos sa rebelyong nagsimula sa Eden at magdudulot ng kapayapaan at pagkakaisa sa buong uniberso. (Tingnan sa Glosari, “Sagradong lihim.”) Unang isiniwalat ang “sagradong lihim” (sa Griego, my·steʹri·on; tingnan ang study note sa Mat 13:11) sa hula ni Jehova sa Gen 3:15. Ang “sagradong lihim” ni Jehova ay nakasentro kay Jesu-Kristo. (Efe 1:9, 10; Col 2:2) Kasama rito ang pagkakakilanlan ni Jesus bilang ang ipinangakong supling, o Mesiyas, at ang papel niya sa Kaharian ng Diyos (Mat 13:11); ang pagpili ng mga pinahiran—mula sa mga Judio at Gentil—na makakasama ni Kristo sa Kaharian bilang mga tagapagmana (Luc 22:29, 30; Ro 11:25; Efe 3:3-6; Col 1:26, 27); at ang espesyal na katangian ng kongregasyong ito na binubuo ng 144,000 “binili mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero” (Apo 14:1, 4). Ang mga bagay na ito ay maiintindihan lang ng mga nag-aaral mabuti ng Kasulatan.

sagradong lihim ng kalooban niya: Maraming beses na binanggit ni Pablo ang terminong “sagradong lihim” sa liham niya sa mga taga-Efeso. Ang “sagradong lihim” ni Jehova ay nakasentro kay Jesu-Kristo. (Col 2:2; 4:3) Pero maraming bahagi ang sagradong lihim ng Diyos. Kasama rito ang pagkakakilanlan ni Jesus bilang ang ipinangakong supling, o Mesiyas, at ang papel niya sa layunin ng Diyos (Gen 3:15); ang isang gobyerno sa langit, ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos (Mat 13:11; Mar 4:11); ang kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano, na si Kristo ang ulo (Efe 5:32; Col 1:18; Apo 1:20); ang papel ng mga pinahirang makakasama ni Jesus sa Kaharian (Luc 22:29, 30); at ang pagpili sa mga pinahiran mula sa mga Judio at Gentil (Ro 11:25; Efe 3:3-6; Col 1:26, 27).—Tingnan ang study note sa Mat 13:11; 1Co 2:7.

mga sagradong lihim: Ang salitang Griego na my·steʹri·on ay 25 beses na isinaling “sagradong lihim” sa Bagong Sanlibutang Salin. Dahil nasa anyong pangmaramihan ito, tumutukoy ito sa mga bahagi ng layunin ng Diyos na nanatiling lihim hanggang sa lubusan itong isiwalat ng Diyos. At isinisiwalat lang ito ng Diyos sa mga pinili niyang makaunawa nito. (Col 1:25, 26) Kapag naisiwalat na, ang mga sagradong lihim ng Diyos ay inihahayag sa pinakamaraming tao hangga’t posible. Masasabi natin iyan dahil ginamit sa Bibliya ang mga terminong “inihahayag,” “maihayag,” “ipaalám,” “isiniwalat,” at “pangangaral” na kaugnay ng ekspresyong “sagradong lihim.” (1Co 2:1; Efe 1:9; 3:3; Col 1:25, 26; 4:3) Ang pangunahing “sagradong lihim ng Diyos” ay nakasentro sa pagkakakilanlan ni Jesu-Kristo bilang ang ipinangakong “supling,” o Mesiyas. (Col 2:2; Gen 3:15) Pero maraming bahagi ang sagradong lihim na ito, gaya ng papel na ginagampanan ni Jesus sa layunin ng Diyos. (Col 4:3) Ipinakita ni Jesus sa tekstong ito na ang “mga sagradong lihim” ay kaugnay ng Kaharian ng langit, o “Kaharian ng Diyos,” ang gobyerno sa langit kung saan namamahala si Jesus bilang Hari. (Mar 4:11; Luc 8:10; tingnan ang study note sa Mat 3:2.) Iba ang pagkakagamit ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa my·steʹri·on sa pagkakagamit dito ng sinaunang mga kulto. Ang mga kultong iyon, na karaniwan nang may kaugnayan sa pag-aanak na lumaganap noong unang siglo C.E., ay nangangako sa mga miyembro nito na makakatanggap sila ng imortalidad at direktang pagsisiwalat at na makakalapit sila sa mga diyos sa pamamagitan ng mga ritwal. Maliwanag na hindi batay sa katotohanan ang gayong mga lihim. Ang mga umaanib sa mga kultong iyon ay nananatang hindi nila sasabihin kahit kanino ang mga lihim kaya nananatili itong misteryo. Kabaligtaran iyan ng ginagawa ng mga Kristiyano na paghahayag ng mga sagradong lihim. Kapag ginamit ng Kasulatan ang terminong ito may kaugnayan sa huwad na pagsamba, isinasalin itong “palihim” o “misteryo” sa Bagong Sanlibutang Salin.—Para sa tatlong paglitaw ng my·steʹri·on na isinaling “palihim” o “misteryo,” tingnan ang study note sa 2Te 2:7; Apo 17:5, 7.

administrasyon: O “pangangasiwa.” Ang salitang Griego na ginamit dito (oi·ko·no·miʹa) ay literal na nangangahulugang “pamamahala sa bahay” o “pangangasiwa sa isang sambahayan.” Hindi ito tumutukoy sa isang espesipikong gobyerno, kundi sa isang paraan ng pangangasiwa. Sa ganitong diwa rin ginamit ang terminong ito sa Efe 3:9. (Ihambing ang Luc 16:2; Efe 3:2; at Col 1:25, kung saan isinalin ang terminong ito na “responsibilidad.”) Ang “administrasyon” na ito ay hindi tumutukoy sa Mesiyanikong Kaharian ng Diyos. Ito ang paraan ng pangangasiwa ng Diyos sa pamilya niya sa buong uniberso. Pagsasama-samahin nito ang mga tagapamahala ng makalangit na Kaharian at tutuparin ang layunin ng Diyos na mapagkaisa ang lahat ng matatalinong nilalang, kaya magkakaroon sila ng mapayapang kaugnayan sa Diyos at magiging kaisa Niya sila sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.

para matipon ang lahat ng bagay sa Kristo: May dalawang yugto ang pangangasiwang ito ng Diyos. Ang una ay ang pagtitipon sa mga bagay sa langit, na tumutukoy sa mga pinili para mamahalang kasama ni Kristo sa langit. (Ro 8:16, 17; Efe 1:11; 1Pe 1:4) Nagsimula ito noong Pentecostes 33 C.E. (Gaw 2:1-4) Ang ikalawa ay ang pagtitipon ng mga bagay . . . sa lupa, na tumutukoy sa mga mabubuhay sa paraisong lupa bilang mga sakop ng gobyerno sa langit.—Ju 10:16; Apo 7:9, 10; 21:3, 4.

Pinili niya: O “Patiuna niyang itinalaga.” Patiunang nagdesisyon si Jehova na isang grupo ng mga tagasunod ni Kristo ang aampunin Niya at makakasama ni Jesus sa langit bilang tagapamahala. Patiuna niyang itinalaga ang grupo, hindi ang mga indibidwal. Makikita ang layuning ito ni Jehova sa hula sa Gen 3:15, na agad na binigkas ni Jehova matapos magkasala ni Adan.—Gal 3:16, 29; tingnan ang study note sa Ro 8:28.

pinili kami: O “patiuna kaming itinalaga.” Tingnan ang study note sa Efe 1:5.

tinatakan kayo: Noong panahon ng Bibliya, ginagamit ang pantatak bilang indikasyon ng pagmamay-ari, kasunduan, o pagiging tunay ng isang bagay. Sa kaso ng mga pinahirang Kristiyano, makasagisag silang tinatakan ng banal na espiritu ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo para ipakita na pagmamay-ari sila ng Diyos at may pag-asa silang mabuhay sa langit.—Tingnan ang study note sa 2Co 1:22.

ang kaniyang tatak: Noong panahon ng Bibliya, ginagamit ang pantatak bilang indikasyon ng pagmamay-ari, kasunduan, o pagiging tunay ng isang bagay. Sa kaso ng mga pinahirang Kristiyano, makasagisag silang tinatakan ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu para ipakita na pagmamay-ari niya sila at may pag-asa silang mabuhay sa langit.—Efe 1:13, 14.

espiritu: O “aktibong puwersa.” Ang terminong Griego na pneuʹma ay walang kasarian, kaya wala ring kasarian ang mga panghalip na ginagamit para dito. Marami itong kahulugan. Pero ang lahat ng tinutukoy ng salitang ito ay di-nakikita at nagpapatunay na may kumikilos na puwersa. (Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”) Sa kontekstong ito, ang “espiritu” ay tumutukoy sa banal na espiritu ng Diyos, na tinawag ditong espiritu ng katotohanan. Ginamit din ang ekspresyong ito sa Ju 15:26 at 16:13, kung saan ipinaliwanag ni Jesus na “gagabayan” ng “katulong” na ito (Ju 16:7), o ng “espiritu ng katotohanan,” ang mga alagad niya “para lubusan [nilang] maunawaan ang katotohanan.”

na garantiya: Tumutukoy sa “banal na espiritu,” o aktibong puwersa ng Diyos na binanggit sa naunang talata. Sa ilang manuskrito, isang panghalip na Griego na nasa anyong panlalaki ang ginamit dito, pero mas matibay ang mga patunay na wala itong kasarian. Kaayon ito ng pagtukoy sa espiritu ng Diyos sa ibang teksto sa Bibliya. Pinaniniwalaan ng ilang iskolar na pinalitan nang maglaon ng ilang eskriba ang panghalip na Griego at ginawa itong nasa anyong panlalaki para ipahiwatig na ang banal na espiritu ay isang persona.—Tingnan ang study note sa Mat 28:19; Ju 14:17.

garantiya ng tatanggapin nating: O “paunang bayad ng ating.” Ginamit dito ni Pablo ang isang termino sa batas (ar·ra·bonʹ) na madalas tumukoy sa paunang bayad na mas maliit kaysa sa kabuoang halaga. Ang lahat ng tatlong paglitaw ng salitang Griegong ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay tumutukoy sa pagpili ng Diyos sa mga pinahirang Kristiyano sa pamamagitan ng “ipinangakong banal na espiritu,” ang aktibong puwersa ng Diyos. (Efe 1:13, 14; 2Co 1:22; 5:5) Ang pagkilos na ito ng banal na espiritu ay gaya ng paunang bayad, o garantiya ng isang bagay na darating. Kumbinsido ang mga pinahirang Kristiyano sa kanilang pag-asa sa langit dahil sa garantiyang tinanggap nila. At lubusan nilang matatanggap ang gantimpala nila kapag nagkaroon na sila ng espiritung katawan na di-nasisira.—2Co 5:1-5.

mana: Tumutukoy sa mana sa langit ng mga Kristiyanong pinahiran ng banal na espiritu ng Diyos. Ang espiritu ang nagsisilbing “garantiya” ng tatanggapin nilang mana. (1Pe 1:4, 5) Para sa mga pinahirang Kristiyano, ang manang ito ay hindi lang tumutukoy sa pag-asang mabuhay sa langit. Sila ang “mga bagay sa langit” na titipunin sa ilalim ni Jesus bilang “mga tagapagmana ng Diyos” at “mga kasamang tagapagmana ni Kristo.” (Efe 1:10; Ro 8:16, 17) Ang pangunahing kahulugan ng pandiwang Griego para sa “manahin” ay ang pagtanggap ng mana dahil sa karapatan, kadalasan na dahil sa ugnayan ng tagapagmana sa nagpapamana, gaya ng isang anak na tumanggap ng mana mula sa kaniyang ama. (Gal 4:30) Pero dito, gaya ng karaniwang paggamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, mas malawak ang kahulugan ng termino, at tumutukoy ito sa pagtanggap ng isang bagay bilang gantimpala mula sa Diyos.—Mat 19:29; 1Co 6:9.

pag-aari ng Diyos: Lit., “pag-aari.” Tumutukoy ito sa kongregasyon ng mga Kristiyano na pinahiran ng espiritu. (Gaw 20:28) Sa 1Pe 2:9, tinukoy ang mga Kristiyanong ito bilang “isang bayan na magiging pag-aari ng Diyos.”

banal na espiritu: O “banal na aktibong puwersa.” Ang terminong “espiritu” (walang kasarian sa Griego) ay tumutukoy, hindi sa isang indibidwal, kundi sa puwersa na ginagamit ng Diyos at nagmumula sa kaniya.—Tingnan sa Glosari, “Banal na espiritu”; “Ruach; Pneuma.”

isinisiwalat: Tingnan ang study note sa Ro 16:25.

isiniwalat: Madalas gamitin ang terminong Griego na a·po·kaʹly·psis, gaya sa talatang ito, para tumukoy sa pagsisiwalat ng kalooban at mga layunin ng Diyos o ng iba pang espirituwal na mga bagay. (Efe 3:3; Apo 1:1) Sa Diyos lang nagmumula ang mga pagsisiwalat na ito.—Ihambing ang study note sa Luc 2:32.

Pinasinag niya ang liwanag sa inyong puso: Lit., “Pinagliwanag niya ang mata ng inyong puso.” Ang “mata ng . . . puso” ay tumutukoy sa makasagisag na paningin, o sa pang-unawa, ng isang tao. (Isa 44:18; Jer 5:21; Eze 12:2, 3; Mat 13:13-16) Sinasabi ni Pablo sa mga pinahirang Kristiyano na pinasikat ng Diyos ang liwanag sa kanila “para makita [nila] at malaman kung anong pag-asa ang ibinigay niya sa [kanila].” Dahil sa tinanggap nilang espirituwal na kaunawaan, kumbinsido silang tatanggap sila ng maluwalhating gantimpala, na pinagtibay ng pagbuhay-muli kay Jesus sa pamamagitan ng malakas na kapangyarihan ng Diyos.

sistemang ito: O “panahong ito.” Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na ai·onʹ ay tumutukoy sa kasalukuyang masamang sistema. (Gal 1:4) Sinasabi ni Pablo na may darating na isa pang sistema, o panahon, kung kailan mamamahala ang isang gobyerno sa ilalim ng awtoridad ni Kristo.—Tingnan sa Glosari, “Sistema.”

Media

Liham ni Pablo sa mga Taga-Efeso
Liham ni Pablo sa mga Taga-Efeso

Makikita rito ang isang pahina mula sa papirong codex na tinatawag na P46, na pinaniniwalaang mula pa noong mga 200 C.E. Ang codex na ito ay koleksiyon ng siyam sa mga liham ni Pablo. (Tingnan sa Media Gallery, “Unang Liham ni Pablo sa mga Taga-Corinto” at “Ikalawang Liham ni Pablo sa mga Taga-Corinto.”) Mababasa sa pahinang ito ang umpisa ng liham ni Pablo sa mga taga-Efeso. Ang pahinang ito ay bahagi rin ng Papyrus Michigan Inv. 6238 at iniingatan ngayon sa aklatan ng University of Michigan, Ann Arbor, Michigan, U.S.A. Minarkahan dito ang pamagat, kung saan ang mababasa ay “Para sa mga Taga-Efeso.”

Video ng Introduksiyon sa Aklat ng Efeso
Video ng Introduksiyon sa Aklat ng Efeso
Mga Apartment Noon sa Roma
Mga Apartment Noon sa Roma

Makikita rito ang posibleng hitsura ng malalaking apartment noon sa Roma o sa kalapít na Ostia, ang daungang-lunsod ng Roma. Ang ganitong mga gusali ay may mga palapag, kadalasan nang itinatayo sa palibot ng isang malawak na espasyo, at napapalibutan ng kalsada sa lahat ng panig nito. Karaniwan nang nirerentahan ang mga silid sa unang palapag para gawing tindahan at tirahan; may kani-kaniyang pasukan ang mga ito galing sa kalsada. Sa ikalawang palapag, may mga apartment na maraming silid, na kadalasan nang nirerentahan ng mayayaman. Iba-iba ang laki ng mga silid sa pinakamataas na palapag; mas mura ang maliliit na silid, pero hindi ito gaanong gusto ng mga tao. Ang mga nakatira sa matataas na silid ay kailangang kumuha ng tubig sa pampublikong bukal at gumamit ng pampublikong paliguan. Karamihan ng tao sa Roma ay nakatira sa mga gusaling gaya ng makikita rito. Siguradong may mga Kristiyano sa Roma na nakatira sa ganitong mga apartment.

Pantatak
Pantatak

Makikita sa larawan ang isang bronseng pantatak na may nakasulat na pangalan. Noong panahon ng Roma, gumagamit ang mga tao ng pantatak sa mga wax o luwad. Iba’t iba ang gamit ng mga pantatak na ito. Halimbawa, gaya ng makikita sa larawan, itinatatak ng isang magpapalayok sa banga kung sino ang gumawa nito, kung ano ang pangalan ng produkto, o kung gaano karami ang mailalaman nito. Kung minsan, nilalagyan ng pandikit ang takip ng banga para maselyuhan ito. Bago tumigas ang pandikit, tatatakan ito ng nagbebenta o ng nagpapadala ng produkto. May mga gumagamit naman ng pantatak para ipakita na pag-aari nila ang isang bagay. Ginamit ni Pablo sa makasagisag na paraan ang pantatak nang sabihin niya na inilagay ng Diyos “ang kaniyang tatak” sa mga Kristiyano, o pinahiran niya sila ng kaniyang banal na espiritu. Ipinapakita ng tatak na ito na ang Diyos ang May-ari sa kanila.—2Co 1:21, 22.