Liham sa mga Taga-Galacia 3:1-29

3  O mga taga-Galacia na hindi nag-iisip, sino ang nakapanlinlang sa inyo,+ kahit pa malinaw na inilarawan sa inyo kung paano ipinako si Jesu-Kristo sa tulos?+  Ito ang tanong ko:* Tinanggap ba ninyo ang espiritu dahil sa pagsunod sa kautusan o dahil sa pananampalataya sa mga bagay na narinig ninyo?+  Talaga bang hindi kayo nag-iisip? Matapos ninyong simulan na magpagabay sa espiritu, tatapusin ba ninyo ang inyong landasin nang nagpapagabay sa laman?+  Dumanas ba kayo ng napakaraming pagdurusa para lang sa wala? Hindi ako naniniwalang walang saysay ang pinagdaanan ninyo.  Kung gayon, siya na nagbibigay sa inyo ng espiritu at nagsasagawa ng makapangyarihang mga gawa*+ sa gitna ninyo, ginagawa niya ba iyon dahil sa pagsunod ninyo sa kautusan o dahil sa pananampalataya ninyo sa mga bagay na narinig ninyo?  Katulad iyan ng nangyari kay Abraham na “nanampalataya kay Jehova, at dahil dito, itinuring siyang matuwid.”+  Tiyak na alam ninyo na ang mga anak ni Abraham ay ang mga nanghahawakan sa pananampalataya.+  Patiunang nakita ng kasulatan na ipahahayag ng Diyos na matuwid ang mga tao ng ibang mga bansa dahil sa pananampalataya,+ kaya patiuna nitong ipinaalám kay Abraham ang mabuting balitang ito: “Sa pamamagitan mo ay pagpapalain ang lahat ng bansa.”+  Kaya ang mga nanghahawakan sa pananampalataya ay pinagpapala kasama ni Abraham, na may pananampalataya.+ 10  Ang lahat ng umaasa sa kautusan ay nasa ilalim ng sumpa, dahil nasusulat: “Sumpain ang sinuman na hindi laging sumusunod sa lahat ng nakasulat sa balumbon ng Kautusan.”+ 11  Bukod diyan, malinaw na walang sinuman ang ipahahayag ng Diyos na matuwid dahil sa pagsunod sa kautusan,+ dahil “ang matuwid ay mabubuhay dahil sa kaniyang pananampalataya.”+ 12  At ang Kautusan ay walang kaugnayan sa pananampalataya, dahil nasusulat: “Ang taong tumutupad sa mga iyon ay mabubuhay dahil sa mga iyon.”+ 13  Binili tayo ni Kristo+ at pinalaya+ mula sa sumpa ng Kautusan nang siya ay maging isang sumpa sa halip na tayo,+ dahil nasusulat: “Isinumpa ang bawat tao na nakabitin sa tulos.”+ 14  Nangyari ito para matanggap ng ibang mga bansa sa pamamagitan ni Kristo Jesus ang pagpapalang+ ipinangako kay Abraham at para matanggap natin ang ipinangakong espiritu+ sa pamamagitan ng ating pananampalataya. 15  Mga kapatid, gagamit ako ng ilustrasyon na pamilyar sa tao: Kapag nabigyang-bisa na ang isang tipan, kahit ng isang tao lang, hindi ito puwedeng ipawalang-bisa o dagdagan ng sinuman. 16  Ngayon, ang mga pangako ay ibinigay kay Abraham at sa kaniyang supling.+ Hindi sinabi ng kasulatan na “at sa mga supling mo,” na marami ang tinutukoy. Ang sabi ay “at sa supling mo,” na isa lang ang tinutukoy, si Kristo.+ 17  Bilang karagdagan, ang Kautusan, na ibinigay pagkaraan ng 430 taon,+ ay hindi nagpapawalang-bisa sa naunang pakikipagtipan ng Diyos, at hindi nito mapapawi ang pangako niya.+ 18  Dahil kung ang mana ay nakasalig sa kautusan, hindi na ito nakasalig sa pangako; pero ipinagkaloob ito ng Diyos kay Abraham sa pamamagitan ng isang pangako.+ 19  Pero bakit may Kautusan? Idinagdag ito para maging hayag ang mga pagkakasala+ hanggang sa dumating ang pinangakuang supling;+ at ibinigay ito sa mga anghel,+ na naghayag naman nito sa tulong ng isang tagapamagitan.+ 20  Hindi kailangan ang tagapamagitan kung iisang persona lang ang sangkot, at ang Diyos ay iisa lang. 21  Kung gayon, ang Kautusan ba ay laban sa mga pangako ng Diyos? Siyempre hindi! Dahil kung ang kautusang ibinigay ay makapagbibigay-buhay, puwedeng maituring na matuwid ang isang tao dahil sa pagsunod sa kautusan. 22  Pero ibinigay ng Kasulatan ang lahat ng bagay sa kontrol ng kasalanan, para ang pangakong nakasalig sa pananampalataya kay Jesu-Kristo ay maibigay sa mga nananampalataya. 23  Gayunman, bago dumating ang tunay na pananampalataya, binabantayan tayo ng kautusan at nasa ilalim ng kontrol nito habang hinihintay natin ang pananampalatayang isisiwalat pa lang.+ 24  Kaya ang Kautusan ay naging tagapagbantay natin na umaakay kay Kristo,+ para maipahayag tayong matuwid dahil sa pananampalataya.+ 25  Pero ngayong dumating na ang pananampalataya,+ wala na tayo sa ilalim ng isang tagapagbantay.+ 26  Ang totoo, kayong lahat ay anak ng Diyos+ dahil sa inyong pananampalataya kay Kristo Jesus;+ 27  dahil tinularan ninyong lahat si Kristo,+ kayo na nabautismuhan at kaisa na ngayon ni Kristo. 28  Walang pagkakaiba ang Judio at Griego,+ ang alipin at taong malaya,+ at ang lalaki at babae,+ dahil kayong lahat ay nagkakaisa bilang mga tagasunod ni Kristo Jesus.+ 29  Bukod diyan, kung kayo ay kay Kristo, talagang supling kayo ni Abraham,+ mga tagapagmana+ ayon sa pangako.+

Talababa

O “ang gusto kong malaman.”
O “ng mga himala.”

Study Notes

walang kabuluhan ang pagkamatay ni Kristo: Idiniriin dito ni Pablo na kung maipahahayag na matuwid ang isang tao sa pamamagitan ng kautusan, o pagsunod sa Kautusang Mosaiko, hindi na kailangang mamatay ni Kristo. Sa talatang ito, ipinapaliwanag ni Pablo na kung sisikapin ng isa na magkaroon ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng mga gawa, para na rin niyang itinatakwil ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos.—Ro 11:5, 6; Gal 5:4.

sa mga kongregasyon sa Galacia: Sa unang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero sa Galacia (tingnan ang study note sa Galacia sa talatang ito) noong mga 47-48 C.E., nagpunta sila ni Bernabe sa Antioquia ng Pisidia, Iconio, Listra, at Derbe—mga lunsod na nasa timog na bahagi ng rehiyon. (Gaw 13:14, 51; 14:1, 5, 6) Marami silang natagpuang interesado sa mabuting balita, kaya nagtatag sila ng mga kongregasyong Kristiyano sa mga lunsod na iyon. (Gaw 14:19-23) Lumilitaw na maganda ang naging bunga ng mga binhi ng katotohanang naitanim sa Galacia. Isang patunay si Timoteo, na taga-Galacia. (Gaw 16:1) Sa “mga kongregasyon sa Galacia” na sinulatan ni Pablo, may mga Judio at di-Judio, na kinabibilangan ng tuling mga proselita at di-tuling mga Gentil. (Gaw 13:14, 43; 16:1; Gal 5:2) Walang dudang ang ilan sa kanila ay may lahing Celtic. Nabanggit din ang mga kongregasyon sa rehiyong ito sa ibang mga liham sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Halimbawa, nang sumulat si Pablo sa mga taga-Corinto noong mga 55 C.E., binanggit niya ang tagubiling ibinigay niya “sa mga kongregasyon sa Galacia” tungkol sa pagbubukod ng abuloy para sa mahihirap. (1Co 16:1, 2; Gal 2:10) Pagkalipas ng ilang taon (mga 62-64 C.E.), isinulat ni Pedro ang unang liham niya, at kasama sa mga pinadalhan niya ang “mga nakapangalat at pansamantalang nakatira sa . . . Galacia.”—1Pe 1:1; tingnan ang study note sa Gal 3:1.

O mga taga-Galacia na hindi nag-iisip: Ang salitang Griego para sa “hindi nag-iisip” (a·noʹe·tos) ay hindi nangangahulugan na hindi matalino ang mga Kristiyano sa Galacia. Sa kontekstong ito, nangangahulugan ito na “ayaw gamitin ng isang tao ang kakayahan niyang mag-isip para makaunawa,” gaya ng sabi ng isang diksyunaryo. Kapapaalala lang ni Pablo sa mga Kristiyano sa Galacia na inihayag silang matuwid, hindi dahil sa pagsunod nila sa Kautusang Mosaiko, kundi dahil sa pananampalataya nila kay Jesu-Kristo. (Gal 2:15-21) Dahil kay Jesus, malaya na sila sa Kautusang Mosaiko at hindi na sila mahahatulan nito. (Tingnan ang study note sa Gal 2:21.) Pero binale-wala ng ilan sa mga taga-Galacia ang kalayaang iyan, at bumalik sila sa pagsunod sa Kautusang wala nang bisa at hahatol lang sa kanila. (Gal 1:6) Nang tawagin ni Pablo ang mga taga-Galacia na “hindi nag-iisip,” sinasaway niya sila dahil sa mangmang na pagkilos nila.

taga-Galacia: Lumilitaw na ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang mga Kristiyano sa mga kongregasyong nasa timog na bahagi ng Galacia, kung saan siya nangaral.—Tingnan ang study note sa Gal 1:2.

nakapanlinlang sa inyo: O “nakapaglagay sa inyo sa ilalim ng masamang impluwensiyang ito.” Ang ekspresyong ito ay galing sa pandiwang Griego na ba·skaiʹno, na dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Kung minsan, nangangahulugan itong “gayumahin” o “kulamin,” at ganito ang pagkakasalin dito ng maraming Bibliyang Ingles. Pero sa sinaunang Griego, ginagamit din sa makasagisag na paraan ang pandiwang ito, kaya hindi ito laging tumutukoy sa paggamit ng mahika para mailigaw ang isang tao. Malawak ang pagkakagamit ni Pablo sa terminong ito; tumutukoy ito sa pagiging masamang impluwensiya sa iba para maligaw sila ng landas. Idiniriin niya dito kung gaano kasama ang impluwensiya ng mga nanlilinlang sa mga taga-Galacia.

Matapos ninyong simulan na magpagabay sa espiritu: O “Matapos ninyong simulan ang espirituwal na landasin.” Lit., “Matapos ninyong magsimula sa espiritu.” Nagsisimula na sanang sumulong sa espirituwal ang mga Kristiyano sa Galacia. Noong una, kumikilos sila kaayon ng banal na espiritu ng Diyos at nagpapagabay dito.

tatapusin ba ninyo ang inyong landasin nang nagpapagabay sa laman?: Lit., “magtatapos ba kayo sa laman?” “Matapos [nilang] simulan na magpagabay sa espiritu,” nagpaimpluwensiya ang mga taga-Galacia sa mga lalaking hindi nagpapagabay dito, partikular na ang mga nagtataguyod ng pagtutuli at mahigpit na pagsunod sa Kautusang Mosaiko. (Gal 3:1; 5:2-6) Dahil sa ganiyang “landasin,” puwedeng mahadlangan ang pagsulong nila sa espirituwal at manganib ang pag-asa nilang mabuhay nang walang hanggan.—Gal 6:8.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Gen 15:6, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo. (Tingnan ang Ap. C1 at C2.) Sa natitirang mga Griegong manuskrito, The·osʹ (Diyos) ang ginamit sa talatang ito, na posibleng ibinatay sa terminong ginamit sa Gen 15:6 sa natitirang mga kopya ng Septuagint. Malamang na ito ang dahilan kaya “Diyos” ang ginamit dito ng karamihan sa mga salin. Pero sa orihinal na tekstong Hebreo na pinagkunan ng siniping bahaging ito, lumitaw ang Tetragrammaton, kaya ginamit ang pangalan ng Diyos sa mismong teksto ng talatang ito. Ang siniping bahagi sa Gen 15:6 ay ginamit din sa Ro 4:3 at San 2:23.

talagang supling kayo ni Abraham: Si Kristo ang pangunahing bahagi ng supling ni Abraham. (Gen 22:17; tingnan ang study note sa Gal 3:16.) Pero ipinakita ni Pablo na ang mga “kay Kristo” ay idinagdag para maging pangalawahing bahagi ng “supling . . . ni Abraham” (lit., “binhi . . . ni Abraham”). (Mar 9:41; 1Co 15:23) Ang pangalawahing bahaging ito ay binubuo ng 144,000 Kristiyano na pinahiran ng espiritu. (Apo 5:9, 10; 14:1, 4) Likas na mga Judio ang ilan sa mga Kristiyanong iyon, pero karamihan ay mula sa mga bansang Gentil.—Gaw 3:25, 26; Gal 3:8, 9, 28.

mga anak ni Abraham: Pagtutuli ang tanda ng pakikipagtipan ng Diyos kay Abraham. Lumilitaw na sinasabi ng “nagkukunwaring mga kapatid” na matatawag lang na “mga anak ni Abraham” ang mga Kristiyano kung susunod sila sa Kautusan. (Gal 2:4; 3:1, 2; Gen 17:10; tingnan sa Glosari, “Pagtutuli.”) Pero ipinaliwanag ni Pablo na ang tunay na “mga anak ni Abraham” ay ang mga nanghahawakan sa pananampalataya, ibig sabihin, ang mga may pananampalatayang gaya ng kay Abraham.—Gal 3:9; tingnan ang study note sa Gal 3:29.

mananampalataya: O “tapat na tao.” Ang salitang Griego na pi·stosʹ ay puwedeng tumukoy sa isang tao na nagtitiwala, o nananampalataya, sa isang indibidwal o isang bagay. Pero puwede rin itong tumukoy sa isang taong pinagkakatiwalaan, tapat, at maaasahan. Sa ilang kaso, gaya sa talatang ito, parehong posible ang dalawang kahulugang ito.

may pananampalataya: Dito, ang salitang Griego na pi·stosʹ, na isinaling “may pananampalataya,” ay puwedeng tumukoy sa isang tao na nagtitiwala, o nananampalataya, sa isang indibidwal o isang bagay. Puwede rin itong tumukoy sa isang taong tapat.—Tingnan ang study note sa 2Co 6:15.

siya ay maging isang sumpa sa halip na tayo: Ayon sa Kautusang Mosaiko, ang sinumang nasa ilalim ng Kautusang ito at lumabag dito ay susumpain. (Tingnan ang study note sa Gal 3:10.) Sa talatang ito, sinipi ni Pablo ang Deu 21:22, 23, kung saan sinasabi na ang mga “isinumpa ng Diyos” ay ibibitin sa tulos. Kaya kailangang ibitin si Jesus sa tulos bilang isang isinumpang kriminal alang-alang sa mga Judio. Sinalo niya ang sumpa ng Kautusan na para sana sa kanila. Dahil sa kamatayan ni Jesus, magiging malaya sa sumpang iyon ang sinumang Judio na mananampalataya sa kaniya bilang Mesiyas. Ang sinabi dito ni Pablo ay katulad ng sinabi ni Jesus sa Pariseong si Nicodemo.—Tingnan ang study note sa Ju 3:14.

nasusulat: “Sumpain ang sinuman na”: Sinipi dito ni Pablo ang Deu 27:26, na nagsasabing kung lalabagin ng mga Judio ang Kautusang ipinangako nilang susundin (Exo 24:3), daranasin nila ang mga sumpang nakasulat dito. Ang salitang “sumpain” (sa Griego, e·pi·ka·taʹra·tos) ay tumutukoy sa pagiging isinumpa ng Diyos. (Tingnan sa Glosari, “Sumpa.”) Ipinakita ni Pablo na lahat ng Judio ay kailangang matubos, hindi lang mula sa kasalanan ni Adan, kundi pati sa sumpa ng Kautusan.—Ro 5:12; Gal 3:10-13; tingnan ang study note sa Gal 3:13.

Pero ang matuwid ay mabubuhay dahil sa kaniyang pananampalataya: Sinasabi ng ilan na ang Ro 1:16, 17 ang temang teksto ng aklat ng Roma, dahil mababasa rito ang pinakadiwa ng aklat: Hindi nagtatangi ang Diyos at gusto niyang maligtas “ang bawat isa na may pananampalataya.” (Ro 1:16) Sa buong liham niya sa mga taga-Roma, idiniin ni Pablo ang kahalagahan ng pananampalataya; mga 60 beses niyang ginamit ang mga terminong Griego na kaugnay ng “pananampalataya.” (Ang ilang halimbawa ay Ro 3:30; 4:5, 11, 16; 5:1; 9:30; 10:17; 11:20; 12:3; 16:26.) Dito sa Ro 1:17, sumipi si Pablo mula sa Hab 2:4. At sa dalawa pang liham niya, sumipi rin si Pablo mula sa Hab 2:4 para pasiglahin ang mga Kristiyano na magpakita ng pananampalataya.​—Gal 3:11; Heb 10:38; tingnan ang study note sa dahil sa kaniyang pananampalataya sa talatang ito.

dahil sa kaniyang pananampalataya: Dito, sumipi si Pablo mula sa Hab 2:4, kung saan ang mababasa ay “mabubuhay sa kaniyang katapatan.” Sa maraming wika, may malapit na kaugnayan ang pagiging tapat sa pagkakaroon ng pananampalataya. Ang salitang Hebreo na isinaling “katapatan” (ʼemu·nahʹ) ay kaugnay ng terminong Hebreo na ʼa·manʹ (maging tapat; maging mapagkakatiwalaan), na puwede ring tumukoy sa pagkakaroon ng pananampalataya. (Gen 15:6; Exo 14:31; Isa 28:16) Kaya ang Hab 2:4 (tingnan ang tlb.) ay puwede ring isaling “mabubuhay sa kaniyang pananampalataya.” Posibleng sumipi si Pablo sa salin ng Septuagint sa Hab 2:4, kung saan ginamit ang salitang Griego na piʹstis. Ang salitang Griego na ito ay pangunahin nang nangangahulugan ng pagkakaroon ng kumpiyansa, tiwala, at matibay na paniniwala. Pinakamadalas itong isalin na “pananampalataya” (Mat 8:10; 17:20; Ro 1:8; 4:5), pero depende sa konteksto, puwede rin itong tumukoy sa “katapatan” o “pagiging mapagkakatiwalaan” (Mat 23:23, tlb.; Ro 3:3). Sa Heb 11:1, ginabayan ng Diyos si Pablo para ibigay ang kahulugan ng terminong “pananampalataya” (sa Griego, piʹstis).​—Tingnan ang study note sa Pero ang matuwid ay mabubuhay dahil sa kaniyang pananampalataya sa talatang ito.

ang matuwid ay mabubuhay dahil sa kaniyang pananampalataya: Sumipi si Pablo sa Hab 2:4 para idiin na ang pananampalataya kay Kristo Jesus—hindi ang pagsunod sa Kautusang Mosaiko—ang basehan para maipahayag na matuwid ang isang Kristiyano.—Ro 10:3, 4; tingnan ang mga study note sa Ro 1:17.

nasusulat: “Sumpain ang sinuman na”: Sinipi dito ni Pablo ang Deu 27:26, na nagsasabing kung lalabagin ng mga Judio ang Kautusang ipinangako nilang susundin (Exo 24:3), daranasin nila ang mga sumpang nakasulat dito. Ang salitang “sumpain” (sa Griego, e·pi·ka·taʹra·tos) ay tumutukoy sa pagiging isinumpa ng Diyos. (Tingnan sa Glosari, “Sumpa.”) Ipinakita ni Pablo na lahat ng Judio ay kailangang matubos, hindi lang mula sa kasalanan ni Adan, kundi pati sa sumpa ng Kautusan.—Ro 5:12; Gal 3:10-13; tingnan ang study note sa Gal 3:13.

kailangan ding itaas ang Anak ng tao: Dito, ang pagpatay kay Jesus sa tulos ay inihalintulad niya sa paglalagay ng tansong ahas sa isang poste sa ilang. Para mabuhay ang mga Israelitang natuklaw ng makamandag na mga ahas, kailangan nilang tumingin sa tansong ahas na inilagay ni Moises sa poste. Ang makasalanang mga tao ay dapat ding tumingin kay Jesus, o manampalataya sa kaniya, para magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Bil 21:4-9; Heb 12:2) Inisip ng marami na masama at makasalanan si Jesus nang patayin siya sa tulos; sa Kautusang Mosaiko, ang isang taong ibinitin sa tulos ay isinumpa. (Deu 21:22, 23) Sinipi ni Pablo ang bahaging ito ng Kautusan at ipinaliwanag na kinailangang ibitin si Jesus sa tulos para mapalaya ang mga Judio “mula sa sumpa ng Kautusan.” Siya ay naging “isang sumpa sa halip na [sila].”—Gal 3:13; 1Pe 2:24.

tulos: O “puno.” Ang salitang Griego na ginamit dito, xyʹlon (lit., “kahoy”), ay kapareho ng kahulugan ng salitang Griego na stau·rosʹ (isinasaling “pahirapang tulos”) at tumutukoy sa pinagpakuan kay Jesus noong patayin siya. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, limang beses na ginamit nina Lucas, Pablo, at Pedro ang xyʹlon sa ganitong diwa. (Gaw 5:30; 10:39; 13:29; Gal 3:13; 1Pe 2:24) Ginamit ng Septuagint ang xyʹlon sa Deu 21:22, 23 para ipanumbas sa salitang Hebreo na ʽets (nangangahulugang “puno; kahoy; piraso ng kahoy”) sa pariralang “at ibitin sa tulos.” Nang sipiin ni Pablo ang tekstong ito sa Gal 3:13, ginamit niya ang xyʹlon sa pangungusap na “Isinumpa ang bawat tao na nakabitin sa tulos.” Ginamit din ang salitang ito sa salin ng Septuagint sa Ezr 6:11 (1 Esdras 6:31, LXX) para sa salitang Aramaiko na ʼaʽ, na katumbas ng terminong Hebreo na ʽets. Sinabi roon tungkol sa mga lalabag sa utos ng hari ng Persia: “Ibabayubay [siya] sa isang posteng kahoy na bubunutin sa bahay niya.” Dahil may mga pagkakataong pareho ang pagkakagamit ng mga manunulat ng Bibliya sa xyʹlon at stau·rosʹ, karagdagang patunay ito na pinatay si Jesus sa isang patayong tulos na walang nakapahalang na kahoy.

siya ay maging isang sumpa sa halip na tayo: Ayon sa Kautusang Mosaiko, ang sinumang nasa ilalim ng Kautusang ito at lumabag dito ay susumpain. (Tingnan ang study note sa Gal 3:10.) Sa talatang ito, sinipi ni Pablo ang Deu 21:22, 23, kung saan sinasabi na ang mga “isinumpa ng Diyos” ay ibibitin sa tulos. Kaya kailangang ibitin si Jesus sa tulos bilang isang isinumpang kriminal alang-alang sa mga Judio. Sinalo niya ang sumpa ng Kautusan na para sana sa kanila. Dahil sa kamatayan ni Jesus, magiging malaya sa sumpang iyon ang sinumang Judio na mananampalataya sa kaniya bilang Mesiyas. Ang sinabi dito ni Pablo ay katulad ng sinabi ni Jesus sa Pariseong si Nicodemo.—Tingnan ang study note sa Ju 3:14.

tulos: Tingnan ang study note sa Gaw 5:30.

pakikipagtipan: O “pakikipagkasundo.” (Tingnan ang study note sa Gal 3:15 at Glosari, “Tipan.”) Sa paggamit ng unang-siglong mga Kristiyano sa salin ng Septuagint, siguradong ang nabasa nila na katumbas ng terminong Hebreo na berithʹ ay ang salitang Griego para sa “tipan.” Sa Hebreong Kasulatan, mahigit 250 beses na lumitaw ang terminong ito na nangangahulugang “tipan” o “kasunduan.”—Exo 24:7, 8; Aw 25:10; 83:5, tlb.; tingnan ang study note sa 2Co 3:14.

tipan: Ang salitang Griego na di·a·theʹke ay ginamit nang 33 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at lagi itong tumutukoy sa isang “tipan” o “kasunduan.” (Mat 26:28; Luc 22:20; 1Co 11:25; Gal 3:17; 4:24; Heb 8:6, 8; 10:16, 29; 12:24) Sa maraming Bibliya, ang salitang Griego na di·a·theʹke sa talatang ito ay isinaling “testamento” ng isang tao. Pero dahil ang pakikipagtipan ng Diyos kay Abraham ang tinatalakay sa konteksto (Gal 3:16-18), lumilitaw na angkop dito ang saling “tipan.”—Tingnan ang study note sa Gal 3:17.

talagang supling kayo ni Abraham: Si Kristo ang pangunahing bahagi ng supling ni Abraham. (Gen 22:17; tingnan ang study note sa Gal 3:16.) Pero ipinakita ni Pablo na ang mga “kay Kristo” ay idinagdag para maging pangalawahing bahagi ng “supling . . . ni Abraham” (lit., “binhi . . . ni Abraham”). (Mar 9:41; 1Co 15:23) Ang pangalawahing bahaging ito ay binubuo ng 144,000 Kristiyano na pinahiran ng espiritu. (Apo 5:9, 10; 14:1, 4) Likas na mga Judio ang ilan sa mga Kristiyanong iyon, pero karamihan ay mula sa mga bansang Gentil.—Gaw 3:25, 26; Gal 3:8, 9, 28.

ang mga pangako ay ibinigay kay Abraham at sa kaniyang supling: Sa patnubay ng espiritu, tinukoy ni Pablo si Jesu-Kristo na pangunahing bahagi ng supling ni Abraham. (Ang salitang Griego na sperʹma, na sa literal ay “binhi,” ay karaniwan nang isinasaling “supling” kapag may kaugnayan ito sa mga pangako ni Jehova tungkol sa Mesiyas. Tingnan ang Ap. A2.) Pagkatapos ng rebelyon sa Eden, nangako si Jehova na isang “babae” ang magkakaroon ng “supling” na dudurog sa ulo ng ahas na si Satanas. (Gen 3:15) Sinabi ni Jehova nang makipagtipan siya kay Abraham na ang supling nito ay magdadala ng mga pagpapala sa mga tao. (Gen 12:1-3, 7; 13:14, 15; 17:7; 22:15-18; 24:7; Gal 3:8) Sinabi rin ng Diyos na ang supling ay manggagaling kay Haring David na mula sa tribo ni Juda, at nagkatotoo iyan kay Jesus. (Gen 49:10; Aw 89:3, 4; Luc 1:30-33; tingnan ang study note sa mga supling mo . . . supling mo sa talatang ito.) Sa Gal 3:26-29, ipinakita ni Pablo na sa espirituwal na katuparan ng pangako kay Abraham, magkakaroon ng pangalawahing bahagi ang supling niya.—Tingnan ang study note sa Gal 3:29.

Hindi sinabi ng kasulatan: O posibleng “Hindi niya sinabi.” Sa Griego, puwedeng ang tinutukoy dito ay ang bahagi ng Kasulatan na sinipi ni Pablo o ang Diyos.

mga supling mo . . . supling mo: Lit., “mga binhi mo . . . binhi mo.” Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang mga pangako ng Diyos kay Abraham at sa kaniyang “supling.” (Gen 12:7; 13:14, 15; 17:7; 22:17, 18; 24:7) Sa mga pangakong iyon tungkol sa “supling” (lit., “binhi”) ni Abraham, nasa anyong pang-isahan ang ginamit na mga terminong Hebreo at Griego. Pero kadalasan na, tumutukoy ang mga terminong ito sa isang grupo. Dito, parehong ginamit ni Pablo ang anyong pangmaramihan (“mga supling”) at anyong pang-isahan (“supling”) ng salitang Griego na sperʹma. Gusto niya kasing ipakita na kapag ang pinag-uusapan ay ang mga pagpapalang magmumula sa supling ni Abraham, isang indibidwal lang ang tinutukoy ng Diyos, si Kristo. Nang sabihin ng Diyos na pagpapalain ang lahat ng pamilya sa lupa sa pamamagitan ng “supling” ni Abraham, hindi iyon puwedeng tumukoy sa lahat ng inapo niya, dahil hindi naman ginamit ni Jehova ang mga inapo ni Abraham kay Ismael at sa mga anak niya kay Ketura para pagpalain ang mga tao. Ang ipinangakong supling ay partikular nang manggagaling kay Isaac (Gen 21:12; Heb 11:18), sa angkan ng anak ni Isaac na si Jacob (Gen 28:13, 14), sa tribo ng Juda (Gen 49:10), at sa linya ni David (2Sa 7:12-16). Si Jesus ay inapo ni Abraham sa partikular na angkang iyan. (Mat 1:1-16; Luc 3:23-34) Kaya iisa lang talaga ang inaabangan ng mga Judio noong unang siglo C.E. na Mesiyas, o Kristo, na magliligtas sa kanila. (Luc 3:15; Ju 1:25; 7:41, 42) Iniisip din nila na dahil literal na mga inapo sila ni Abraham, espesyal na bayan sila at mga anak ng Diyos.—Ju 8:39-41.

tagapagbantay natin na umaakay kay Kristo: Ang salitang Griego para sa “tagapagbantay” (pai·da·go·gosʹ) na ginamit ni Pablo sa ilustrasyong ito ay literal na nangangahulugang “lider ng bata” at puwede ring isaling “tagapagturo.” Ang salitang ito ay dito lang ginamit sa Gal 3:24, 25 at 1Co 4:15, kung saan inihalintulad ni Pablo sa ganitong mga tagapagbantay ang mga ministrong Kristiyano. (Tingnan ang study note sa 1Co 4:15.) Sa napakagandang paglalarawang ito, inihalintulad ni Pablo ang Kautusang Mosaiko sa isang tagapagbantay, o tagapagturo, na naghahatid sa inaalagaan niyang bata sa paaralan araw-araw. Ang tagapagbantay na ito ay hindi ang mismong guro; pero trabaho niyang protektahan ang bata, tulungan itong maabot ang mga pamantayang itinakda ng pamilya nito, at disiplinahin ito. Sa katulad na paraan, itinataguyod ng Kautusang Mosaiko ang mga pamantayan ng Diyos at tinutulungan nito ang mga Israelita na makitang makasalanan sila at hindi nila kayang sundin nang perpekto ang Kautusan. Naunawaan ng mga mapagpakumbabang nagpaakay sa “tagapagbantay” na ito na kailangan nila ang Mesiyas, o Kristo, ang tanging paraan ng Diyos para mailigtas sila.—Gaw 4:12.

tipan: Ang salitang Griego na di·a·theʹke ay ginamit nang 33 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at lagi itong tumutukoy sa isang “tipan” o “kasunduan.” (Mat 26:28; Luc 22:20; 1Co 11:25; Gal 3:17; 4:24; Heb 8:6, 8; 10:16, 29; 12:24) Sa maraming Bibliya, ang salitang Griego na di·a·theʹke sa talatang ito ay isinaling “testamento” ng isang tao. Pero dahil ang pakikipagtipan ng Diyos kay Abraham ang tinatalakay sa konteksto (Gal 3:16-18), lumilitaw na angkop dito ang saling “tipan.”—Tingnan ang study note sa Gal 3:17.

kapag binabasa ang lumang tipan: Tinutukoy dito ni Pablo ang tipang Kautusan na nakasulat sa mga aklat ng Exodo hanggang Deuteronomio, na isang bahagi lang ng Hebreong Kasulatan. Tinawag itong “lumang tipan” dahil pinalitan na ito ng “bagong tipan” at napawalang-bisa na ito ng kamatayan ni Jesus sa pahirapang tulos.—Jer 31:31-34; Heb 8:13; Col 2:14; tingnan ang study note sa Gaw 13:15; 15:21.

430 taon: Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang panahong lumipas mula nang maitatag ang Abrahamikong tipan hanggang sa maitatag ang tipang Kautusan. Lumilitaw na nagkabisa ang tipan sa pagitan ni Jehova at ni Abraham noong 1943 B.C.E. nang tumawid si Abraham at ang pamilya niya sa Ilog Eufrates papuntang Canaan, ang lupaing ipinangako ni Jehova sa mga inapo niya. (Gen 12:4, 5, 7) Lumilitaw na nangyari ito noong ika-14 na araw ng buwan na nang maglaon ay tinawag na Nisan. Ang konklusyong ito ay batay sa Exo 12:41, kung saan sinabi na pinalaya ni Jehova ang bayan niya mula sa Ehipto noong 1513 B.C.E., “nang mismong araw na matapos ang 430 taon.”

naunang pakikipagtipan ng Diyos: Tumutukoy sa pakikipagtipan ng Diyos kay Abraham. Lumilitaw na nagkabisa ang tipang iyon noong 1943 B.C.E. nang tumawid si Abraham sa Ilog Eufrates. (Gen 12:1-7) Pagkaraan ng 430 taon, noong 1513 B.C.E., naitatag naman ang tipang Kautusan. Pero hindi nito pinawalang-bisa ang Abrahamikong tipan; naging karagdagang tipan lang ito. Inakay nito ang mga tao sa supling ni Abraham, si Jesu-Kristo.—Gal 3:15, 16; tingnan ang study note sa Gal 3:24.

pakikipagtipan: O “pakikipagkasundo.” (Tingnan ang study note sa Gal 3:15 at Glosari, “Tipan.”) Sa paggamit ng unang-siglong mga Kristiyano sa salin ng Septuagint, siguradong ang nabasa nila na katumbas ng terminong Hebreo na berithʹ ay ang salitang Griego para sa “tipan.” Sa Hebreong Kasulatan, mahigit 250 beses na lumitaw ang terminong ito na nangangahulugang “tipan” o “kasunduan.”—Exo 24:7, 8; Aw 25:10; 83:5, tlb.; tingnan ang study note sa 2Co 3:14.

paglabag: Ang Griegong pa·raʹba·sis ay pangunahin nang tumutukoy sa “paglampas,” ibig sabihin, paglampas sa limitasyon, gaya ng paglabag sa batas.

at ang kapangyarihan ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan: Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang Kautusang Mosaiko. Malinaw na makikita rito kung anong mga gawain at saloobin ang matutukoy na kasalanan. (Ro 3:19, 20; Gal 3:19) Kaya masasabing galing sa Kautusan ang kapangyarihan ng kasalanan. Dahil diyan, nakita ng mga Israelita na makasalanan sila, mananagot sila sa Diyos, at na kailangan nila ang Mesiyas.—Ro 6:23.

ang mga pangako ay ibinigay kay Abraham at sa kaniyang supling: Sa patnubay ng espiritu, tinukoy ni Pablo si Jesu-Kristo na pangunahing bahagi ng supling ni Abraham. (Ang salitang Griego na sperʹma, na sa literal ay “binhi,” ay karaniwan nang isinasaling “supling” kapag may kaugnayan ito sa mga pangako ni Jehova tungkol sa Mesiyas. Tingnan ang Ap. A2.) Pagkatapos ng rebelyon sa Eden, nangako si Jehova na isang “babae” ang magkakaroon ng “supling” na dudurog sa ulo ng ahas na si Satanas. (Gen 3:15) Sinabi ni Jehova nang makipagtipan siya kay Abraham na ang supling nito ay magdadala ng mga pagpapala sa mga tao. (Gen 12:1-3, 7; 13:14, 15; 17:7; 22:15-18; 24:7; Gal 3:8) Sinabi rin ng Diyos na ang supling ay manggagaling kay Haring David na mula sa tribo ni Juda, at nagkatotoo iyan kay Jesus. (Gen 49:10; Aw 89:3, 4; Luc 1:30-33; tingnan ang study note sa mga supling mo . . . supling mo sa talatang ito.) Sa Gal 3:26-29, ipinakita ni Pablo na sa espirituwal na katuparan ng pangako kay Abraham, magkakaroon ng pangalawahing bahagi ang supling niya.—Tingnan ang study note sa Gal 3:29.

mga supling mo . . . supling mo: Lit., “mga binhi mo . . . binhi mo.” Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang mga pangako ng Diyos kay Abraham at sa kaniyang “supling.” (Gen 12:7; 13:14, 15; 17:7; 22:17, 18; 24:7) Sa mga pangakong iyon tungkol sa “supling” (lit., “binhi”) ni Abraham, nasa anyong pang-isahan ang ginamit na mga terminong Hebreo at Griego. Pero kadalasan na, tumutukoy ang mga terminong ito sa isang grupo. Dito, parehong ginamit ni Pablo ang anyong pangmaramihan (“mga supling”) at anyong pang-isahan (“supling”) ng salitang Griego na sperʹma. Gusto niya kasing ipakita na kapag ang pinag-uusapan ay ang mga pagpapalang magmumula sa supling ni Abraham, isang indibidwal lang ang tinutukoy ng Diyos, si Kristo. Nang sabihin ng Diyos na pagpapalain ang lahat ng pamilya sa lupa sa pamamagitan ng “supling” ni Abraham, hindi iyon puwedeng tumukoy sa lahat ng inapo niya, dahil hindi naman ginamit ni Jehova ang mga inapo ni Abraham kay Ismael at sa mga anak niya kay Ketura para pagpalain ang mga tao. Ang ipinangakong supling ay partikular nang manggagaling kay Isaac (Gen 21:12; Heb 11:18), sa angkan ng anak ni Isaac na si Jacob (Gen 28:13, 14), sa tribo ng Juda (Gen 49:10), at sa linya ni David (2Sa 7:12-16). Si Jesus ay inapo ni Abraham sa partikular na angkang iyan. (Mat 1:1-16; Luc 3:23-34) Kaya iisa lang talaga ang inaabangan ng mga Judio noong unang siglo C.E. na Mesiyas, o Kristo, na magliligtas sa kanila. (Luc 3:15; Ju 1:25; 7:41, 42) Iniisip din nila na dahil literal na mga inapo sila ni Abraham, espesyal na bayan sila at mga anak ng Diyos.—Ju 8:39-41.

dinala ng mga anghel: May mga sinabi si Esteban sa harap ng Sanedrin tungkol sa kasaysayan ng mga Judio na hindi nakaulat sa Hebreong Kasulatan. Ang isang halimbawa ay ang papel ng mga anghel sa pagbibigay ng Kautusang Mosaiko. (Gal 3:19; Heb 2:1, 2) Para sa iba pang sinabi ni Esteban na hindi mababasa sa Hebreong Kasulatan, tingnan ang study note sa Gaw 7:22, 23, 30.

Idinagdag: Lumilitaw na ang salitang Griego na isinaling “idinagdag” ay ginamit ni Pablo para ipakitang pansamantala lang ang Kautusang Mosaiko, lalo na kung ikukumpara sa mas nagtatagal na bisa ng Abrahamikong tipan at sa katuparan nito may kaugnayan sa ipinangakong “supling.”—Gen 3:15; 22:18; Gal 3:29.

para maging hayag ang mga pagkakasala: Ipinakita ni Pablo na isa sa pangunahing mga dahilan kung bakit may Kautusang Mosaiko ay “para maging hayag ang mga pagkakasala,” o para ipakita na ang Israel at ang lahat ng tao ay di-perpekto at makasalanan sa harap ng Diyos. (Para sa paliwanag tungkol sa salitang Griego na isinaling “pagkakasala,” tingnan ang study note sa Ro 4:15.) Malinaw na sinasabi sa Kautusan kung ano ang kasalanan at ang lahat ng saklaw nito. Kaya masasabi ni Pablo na ‘dumami’ ang kasalanan dahil napakaraming gawain at saloobin ang tinukoy na kasalanan ng Kautusan. (Ro 5:20; 7:7-11; tingnan ang study note sa 1Co 15:56; ihambing ang Aw 40:12.) Nakikita ng mga nagsisikap sumunod sa Kautusan kung gaano karami ang kasalanan nila, kaya masasabing hinahatulan sila nito. Dahil regular silang naghahandog, lagi nilang naaalala na makasalanan sila. (Heb 10:1-4, 11) Ang lahat ay nangangailangan ng perpektong handog para lubusang mabayaran ang mga kasalanan nila.—Ro 10:4; tingnan ang study note sa supling sa talatang ito.

hanggang: Ipinakita ng paggamit ni Pablo ng salitang “hanggang” na ang Kautusan ay hindi mananatili magpakailanman. Kapag nagampanan na ng tipang Kautusan ang papel nito, magtatapos na ito.—Ro 7:6; Gal 3:24, 25.

supling: Lit., “binhi.” (Tingnan ang Ap. A2.) Sa kontekstong ito, ang “supling” ay tumutukoy kay Jesu-Kristo.—Tingnan ang mga study note sa Gal 3:16.

ibinigay ito sa mga anghel, na naghayag naman nito: Hindi espesipikong binabanggit sa Hebreong Kasulatan na mga anghel ang naghatid ng tipang Kautusan. Pero malinaw itong pinatunayan ng sinasabi sa talatang ito—pati na ng nakaulat sa Gaw 7:53 (tingnan ang study note) at Heb 2:2, 3. Lumilitaw na inatasan ni Jehova ang mga anghel bilang mga kinatawan niya na makikipag-usap kay Moises at magbibigay ng dalawang tapyas ng Patotoo. (Exo 19:9, 11, 18-20; 24:12; 31:18) Pero si Jehova pa rin ang Tagapagbigay-Batas, at si Moises ang inatasan niyang maging tagapamagitan sa pakikipagtipan Niya sa Israel.

tagapamagitan: Tumutukoy kay Moises. Siya ang tagapamagitan ng Diyos at ng Israel nang itatag ang tipan, o legal na kasunduan, sa pagitan ng Diyos at ng bansang iyon. (Tingnan sa Glosari.) Ang salitang Griego na me·siʹtes, na isinaling “tagapamagitan,” ay lumitaw nang anim na beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Gal 3:19, 20; 1Ti 2:5; Heb 8:6; 9:15; 12:24) Isa itong termino sa batas. Ayon sa isang diksyunaryo, tumutukoy ito sa “isa na namamagitan sa dalawang panig para ibalik ang kapayapaan at pagkakaibigan, bumuo ng isang kasunduan, o pagtibayin ang isang tipan.” Bilang tagapamagitan ng tipang Kautusan, tinulungan ni Moises ang bansang Israel na masunod ang tipan at makinabang dito. Halimbawa, pinangunahan ni Moises ang pagpapasimula ng tipan. (Exo 24:3-8; Heb 9:18-22) Inatasan niya ang mga saserdote at ginawa ang mga kinakailangan para makapagsimula sila sa paglilingkod. (Lev 8:1-36; Heb 7:11) Inihatid niya rin sa mga Israelita ang kalipunan ng mahigit 600 batas, at siya rin ang nakikiusap kay Jehova na huwag silang parusahan.—Bil 16:20-22; 21:7; Deu 9:18-20, 25-29.

Makinig kayo, O Israel: Dito, mas mahaba ang sinipi mula sa Deu 6:4, 5 kaysa sa mga kaparehong ulat nina Mateo at Lucas. Kasama rito ang simula ng tinatawag na Shema, na itinuturing na kapahayagan ng pananampalataya ng mga Judio na nakaulat sa Deu 6:4-9; 11:13-21. Ang salitang Shema ay nagmula sa unang salita ng Deu 6:4 sa Hebreo, shemaʽʹ, na nangangahulugang “Makinig!”

si Jehova na Diyos natin ay nag-iisang Jehova: O “si Jehova ang ating Diyos; iisa lang si Jehova.” Sa tekstong Hebreo ng Deu 6:4, na sinipi rito, ang salitang “iisa” ay maaaring nagpapahiwatig ng pagiging natatangi, kaisa-isa. Si Jehova lang ang tunay na Diyos; walang huwad na diyos na maikukumpara sa kaniya. (2Sa 7:22; Aw 96:5; Isa 2:18-20) Sa aklat ng Deuteronomio, ipinaalala ni Moises sa mga Israelita na si Jehova lang ang dapat nilang sambahin. Hindi nila dapat tularan ang mga bayang nakapaligid sa kanila, na sumasamba sa iba’t ibang diyos at diyosa. Ang ilan sa huwad na mga diyos na iyon ay pinaniniwalaang namamahala sa espesipikong mga bahagi ng kalikasan. Ang iba naman ay ibang anyo lang ng isang partikular na bathala. Ang salitang Hebreo para sa “iisa” ay nagpapahiwatig din ng pagkakaisa at pagkakaroon ng iisang layunin at gawain. Ang Diyos na Jehova ay hindi pabago-bago. Sa halip, lagi siyang maaasahan, tapat, totoo, at nakapokus sa kaniyang layunin. Ang ulat na ito ng Mar 12:28-34 ay mababasa rin sa Mat 22:34-40, pero si Marcos lang ang bumanggit ng panimulang bahagi: “Makinig kayo, O Israel, si Jehova na Diyos natin ay nag-iisang Jehova.” Ang utos na ibigin ang Diyos ay ibinigay pagkatapos sabihing iisa lang si Jehova. Ipinapakita nito na hindi rin dapat mahati ang pag-ibig ng mga mananamba ni Jehova sa kaniya.

Hindi kailangan ang tagapamagitan kung iisang persona lang ang sangkot: Tinatalakay dito ni Pablo ang pakikipagtipan ni Jehova kay Abraham. Si Jehova ang nakipagtipan, o nangako, at siya rin ang tutupad nito. Wala siyang hininging kondisyon kay Abraham. (Gal 3:18) Sa tipang Kautusan naman, may kailangang gawin ang dalawang panig—si Jehova at ang bansang Israel. Si Moises ang tagapamagitan nito. (Tingnan ang study note sa Gal 3:19.) Sumang-ayon ang Israel sa mga kahilingan ng tipan, at nangako sila sa Diyos na susundin nila ang Kautusan.—Exo 24:3-8; Gal 3:17, 19; tingnan sa Glosari, “Tipan.”

ang Diyos ay iisa lang: ”Diyos” ang mababasa rito sa mga manuskritong Griego, pero may ilang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Hebreo at iba pang wika na gumamit dito ng pangalan ng Diyos. Ang sinabi ni Pablo ay katulad ng mababasa sa Deu 6:4: “Si Jehova na Diyos natin ay nag-iisang Jehova.” Sumipi si Jesus sa Deu 6:4, gaya ng mababasa sa Mar 12:29. (Tingnan ang mga study note.) Diyan din ibinatay ni Pablo ang sinabi niya sa Ro 3:30 at 1Co 8:4.

para maging hayag ang mga pagkakasala: Ipinakita ni Pablo na isa sa pangunahing mga dahilan kung bakit may Kautusang Mosaiko ay “para maging hayag ang mga pagkakasala,” o para ipakita na ang Israel at ang lahat ng tao ay di-perpekto at makasalanan sa harap ng Diyos. (Para sa paliwanag tungkol sa salitang Griego na isinaling “pagkakasala,” tingnan ang study note sa Ro 4:15.) Malinaw na sinasabi sa Kautusan kung ano ang kasalanan at ang lahat ng saklaw nito. Kaya masasabi ni Pablo na ‘dumami’ ang kasalanan dahil napakaraming gawain at saloobin ang tinukoy na kasalanan ng Kautusan. (Ro 5:20; 7:7-11; tingnan ang study note sa 1Co 15:56; ihambing ang Aw 40:12.) Nakikita ng mga nagsisikap sumunod sa Kautusan kung gaano karami ang kasalanan nila, kaya masasabing hinahatulan sila nito. Dahil regular silang naghahandog, lagi nilang naaalala na makasalanan sila. (Heb 10:1-4, 11) Ang lahat ay nangangailangan ng perpektong handog para lubusang mabayaran ang mga kasalanan nila.—Ro 10:4; tingnan ang study note sa supling sa talatang ito.

kontrol ng kasalanan: Ang pandiwang Griego na isinaling “ibinigay . . . sa kontrol ng” ay nangangahulugang “ikulong nang magkasama; sukulin.” Ipinapahiwatig nito na napakaliit ng tsansa o imposible na makatakas ang isa. Sa literal, puwede itong tumukoy sa paghuli ng mga isda sa pamamagitan ng lambat. (Luc 5:6) Malinaw na inilalarawan ng salitang ito ang kalagayan ng di-perpektong mga tao na nabihag ng kasalanan. Sinabi ni Pablo na “ibinigay ng Kasulatan ang lahat ng bagay,” o ang lahat ng inapo ng makasalanang sina Adan at Eva, “sa kontrol ng kasalanan.” Malinaw na ipinapakita ng Kasulatan, na naglalaman ng Kautusan, kung gaano kalaki ang kasalanan ng bawat tao sa paningin ng Diyos. (Tingnan ang study note sa Gal 3:19.) Si Kristo lang ang makakapagpalaya sa mga tao mula sa kontrol ng kasalanan.

bago dumating ang tunay na pananampalataya: Ang pananampalataya kay Jesu-Kristo.

nasa ilalim ng kontrol nito: Kakabanggit pa lang ni Pablo na ang mga tao ay “ibinigay . . . sa kontrol ng kasalanan.” (Tingnan ang study note sa Gal 3:22.) Ang salitang Griego sa naunang talata ay ginamit niya ulit sa talatang ito (isinaling “nasa ilalim ng kontrol”) para magdiin ng ibang punto. Binantayan ng Kautusang Mosaiko ang mga Israelita at inakay sila nito sa ‘pananampalataya [kay Kristo] na isisiwalat pa lang.’

tagapag-alaga: O “tagapagturo.” Noong panahon ng Bibliya, maraming mayamang Griego at Romanong pamilya ang may tagapag-alaga, o tagapagturo. Ang ganitong tagapag-alaga ay isang mapagkakatiwalaang alipin o inuupahang trabahador. Pananagutan niyang samahan ang bata papunta ng paaralan at pauwi at protektahan ito mula sa pisikal at moral na panganib. Posibleng pananagutan din ng tagapag-alaga na turuan ang bata ng kagandahang-asal at disiplinahin pa nga. (Gal 3:24, 25) Ginamit dito ni Pablo ang terminong ito sa makasagisag na paraan para ilarawan ang mga lalaking inatasang mangalaga sa espirituwalidad ng mga Kristiyano sa Corinto.—1Co 3:6, 10.

tagapagbantay natin na umaakay kay Kristo: Ang salitang Griego para sa “tagapagbantay” (pai·da·go·gosʹ) na ginamit ni Pablo sa ilustrasyong ito ay literal na nangangahulugang “lider ng bata” at puwede ring isaling “tagapagturo.” Ang salitang ito ay dito lang ginamit sa Gal 3:24, 25 at 1Co 4:15, kung saan inihalintulad ni Pablo sa ganitong mga tagapagbantay ang mga ministrong Kristiyano. (Tingnan ang study note sa 1Co 4:15.) Sa napakagandang paglalarawang ito, inihalintulad ni Pablo ang Kautusang Mosaiko sa isang tagapagbantay, o tagapagturo, na naghahatid sa inaalagaan niyang bata sa paaralan araw-araw. Ang tagapagbantay na ito ay hindi ang mismong guro; pero trabaho niyang protektahan ang bata, tulungan itong maabot ang mga pamantayang itinakda ng pamilya nito, at disiplinahin ito. Sa katulad na paraan, itinataguyod ng Kautusang Mosaiko ang mga pamantayan ng Diyos at tinutulungan nito ang mga Israelita na makitang makasalanan sila at hindi nila kayang sundin nang perpekto ang Kautusan. Naunawaan ng mga mapagpakumbabang nagpaakay sa “tagapagbantay” na ito na kailangan nila ang Mesiyas, o Kristo, ang tanging paraan ng Diyos para mailigtas sila.—Gaw 4:12.

tagapagbantay natin na umaakay kay Kristo: Ang salitang Griego para sa “tagapagbantay” (pai·da·go·gosʹ) na ginamit ni Pablo sa ilustrasyong ito ay literal na nangangahulugang “lider ng bata” at puwede ring isaling “tagapagturo.” Ang salitang ito ay dito lang ginamit sa Gal 3:24, 25 at 1Co 4:15, kung saan inihalintulad ni Pablo sa ganitong mga tagapagbantay ang mga ministrong Kristiyano. (Tingnan ang study note sa 1Co 4:15.) Sa napakagandang paglalarawang ito, inihalintulad ni Pablo ang Kautusang Mosaiko sa isang tagapagbantay, o tagapagturo, na naghahatid sa inaalagaan niyang bata sa paaralan araw-araw. Ang tagapagbantay na ito ay hindi ang mismong guro; pero trabaho niyang protektahan ang bata, tulungan itong maabot ang mga pamantayang itinakda ng pamilya nito, at disiplinahin ito. Sa katulad na paraan, itinataguyod ng Kautusang Mosaiko ang mga pamantayan ng Diyos at tinutulungan nito ang mga Israelita na makitang makasalanan sila at hindi nila kayang sundin nang perpekto ang Kautusan. Naunawaan ng mga mapagpakumbabang nagpaakay sa “tagapagbantay” na ito na kailangan nila ang Mesiyas, o Kristo, ang tanging paraan ng Diyos para mailigtas sila.—Gaw 4:12.

ngayong dumating na ang pananampalataya: Si Jesus lang ang tao na perpektong nakasunod sa Kautusan. Kaya masasabi ni Pablo na dumating na ang pananampalataya—ang perpektong pananampalataya. Dahil tinupad ni Jesus ang Kautusan, nabigyan niya ng pagkakataon ang mga tagasunod niya na magkaroon ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos na Jehova. Kaya tinatawag siyang “Tagapagpasakdal ng pananampalataya natin.” (Heb 12:2) Sinabi ni Kristo na makakasama siya ng mga alagad niya “sa lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistemang ito” (Mat 28:20), kaya hindi na nila kakailanganin ang tagapagbantay nila noon. (Tingnan ang study note sa Gal 3:24.) Ginamit ni Pablo ang pangangatuwirang iyan para ipakitang nawalan na ng bisa ang Kautusang Mosaiko nang dumating ang perpektong pananampalataya dahil kay Jesu-Kristo.

tularan ang Panginoong: Ang salitang Griego para sa “tularan” ay literal na nangangahulugang “isuot (ibihis).” (Luc 15:22; Gaw 12:21) Dito, ginamit ito sa makasagisag na paraan para tumukoy sa pagtulad sa mga katangian ng isang indibidwal. Ito rin ang salitang Griego na ginamit sa Col 3:10, 12 (tlb.) sa ekspresyong “isuot ninyo” at “damtan ninyo ang inyong sarili.” Kaya sa Ro 13:14, pinapayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na tularang mabuti si Jesus, na para bang isinusuot ang kaniyang halimbawa at saloobin.

binautismuhan kay Kristo Jesus: Nang bautismuhan si Jesus sa tubig, inatasan siya ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu, kaya siya naging Kristo, o ang Pinahiran. (Gaw 10:38) Nang maging pinahiran siya, naging anak din siya ng Diyos sa espirituwal na diwa. (Tingnan ang study note sa Mat 3:17.) Nang bautismuhan ng Diyos si Jesus sa pamamagitan ng banal na espiritu, puwede na ring mabautismuhan sa pamamagitan ng banal na espiritu ang mga tagasunod ni Jesus. (Mat 3:11; Gaw 1:5) Ang mga naging anak ng Diyos sa pamamagitan ng espiritu gaya ni Jesus ay kailangang ‘mabautismuhan kay Kristo Jesus,’ o sa pinahirang si Jesus. Nang pahiran ni Jehova ng banal na espiritu ang mga tagasunod ni Kristo, naging kaisa sila ni Jesus at miyembro ng kongregasyon, na tinatawag na katawan ni Kristo, dahil siya ang ulo nito. (1Co 12:12, 13, 27; Col 1:18) Ang mga tagasunod na iyon ni Kristo ay “binautismuhan [din] sa kaniyang kamatayan.”​—Tingnan ang study note sa binautismuhan sa kaniyang kamatayan sa talatang ito.

nabautismuhan habang sumusunod kay Moises: O “inilubog habang sumusunod kay Moises.” Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang makasagisag na pagbabautismo, o paglulubog, sa kongregasyon ng Israel. Dito, ipinapakita ng salitang Griego na ba·ptiʹzo na ang mga ninuno ng Israel ay ipinagkatiwala ng Diyos sa pinili niyang lider na si Moises. Si Jehova ang nagbautismo sa kanila sa pamamagitan ng anghel niya. Habang naglalakad pasilangan ang mga Israelita sa sahig ng Dagat na Pula, napapalibutan sila ng tubig at itinatago ng ulap mula sa hukbo ng Paraon na humahabol sa kanila. At makasagisag silang iniahon ng Diyos sa tubig nang makarating sila sa silangang baybayin bilang isang malayang bansa. (Exo 14:19, 22, 24, 25) Para maganap ang bautismong ito, kailangang makiisa ng mga Israelita kay Moises at sundan siya sa pagtawid sa dagat.

tinularan ninyong lahat si Kristo: O “isinuot ninyong lahat si Kristo.” Ang pandiwang Griego dito ay ginamit din sa Col 3:10, 12. Ayon sa isang diksyunaryo, ang ekspresyong ito ay nangangahulugang “naimpluwensiyahan nang husto ng pag-iisip ni Kristo ang isang tao kaya nagiging kagaya siya ni Kristo sa pag-iisip, damdamin, at pagkilos; sa ibang salita, natutularan niya ang buhay ni Kristo.” Sa liham ni Pablo sa mga taga-Roma, ginamit niya rin ang pandiwang Griegong ito sa isang katulad na ekspresyon.—Tingnan ang study note sa Ro 13:14.

nabautismuhan at kaisa na ngayon ni Kristo: Ipinapakita ng ekspresyong ito na ang mga pinahirang Kristiyano ay nagkaroon ng espesyal na kaugnayan sa kanilang Panginoon nang mabautismuhan sila sa pamamagitan ng banal na espiritu. Naging bahagi sila ng “iisang katawan,” ang kongregasyon ng mga pinahiran na si Jesu-Kristo ang ulo. (1Co 12:13; Mar 1:8; Gaw 1:5; Apo 20:6; tingnan ang study note sa Ro 6:3.) Sa 1Co 10:2, gumamit si Pablo ng katulad na ilustrasyon na tungkol naman sa Israel na “nabautismuhan” habang sumusunod sa isang lider o tagapagpalaya.—Tingnan ang study note sa 1Co 10:2.

Griego: Noong unang siglo C.E., ang salitang Griego na Helʹlen (nangangahulugang “Griego”) ay hindi laging tumutukoy sa mga mula sa Gresya o may lahing Griego. Kaya nang gamitin ni Pablo ang ekspresyong bawat isa na may pananampalataya at banggitin niya nang magkasama ang “Griego” at “Judio,” lumilitaw na ginamit niya ang terminong “Griego” para tumukoy sa lahat ng di-Judio. (Ro 2:9, 10; 3:9; 10:12; 1Co 10:32; 12:13) Siguradong ginawa niya ito dahil sa lawak ng impluwensiya ng wika at kulturang Griego sa buong Imperyo ng Roma.

Israel ng Diyos: Ang ekspresyong ito, na isang beses lang lumitaw sa Kasulatan, ay tumutukoy sa espirituwal na Israel, hindi sa likas na mga inapo ni Israel (bagong pangalan ni Jacob). (Gen 32:22-28) Makikita sa naunang talata (Gal 6:15) na hindi kailangang tuliin ang isa para maging bahagi siya ng “Israel ng Diyos.” Inihula ni propeta Oseas na may mga Gentil na magiging bahagi ng isang bayan na pagpapalain ng Diyos. Sinabi ng Diyos: “Sasabihin ko sa hindi ko bayan: ‘Kayo ang bayan ko.’” (Os 2:23; Ro 9:22-25) May mga likas na Judio at proselita pa rin na kabilang sa espirituwal na Israel (Gaw 1:13-15; 2:41; 4:4), pero “maliit na grupo” na lang sila na natira sa bayang itinakwil ng Diyos (Isa 10:21, 22; Ro 9:27). Nang maglaon, isinulat ni Pablo sa mga taga-Roma: “Hindi lahat ng nagmumula kay Israel ay talagang Israelita.”—Ro 9:6; tingnan din ang study note sa Gaw 15:14; Ro 2:29; 9:27; 11:26.

pinalaya at pag-aari na ng Panginoon . . . malaya: Ang isang taong pinalaya (sa Griego, a·pe·leuʹthe·ros) ay tumutukoy sa isang alipin noon na malaya na. Sa Kasulatan, dito lang ginamit ang terminong Griegong ito. Pero kilalá sa lunsod ng Corinto ang mga “pinalaya” dahil marami sa kanila ang nanirahan dito nang muli itong itayo ng Roma. Naging Kristiyano ang ilan sa kanila. May mga Kristiyano naman na hindi naranasang maging alipin. “Malaya” (sa Griego, e·leuʹthe·ros) ang tawag sa kanila ni Pablo dahil ipinanganak silang malaya. Pero ang mga Kristiyanong “malaya” at “pinalaya” ay parehong “binili . . . sa malaking halaga,” ang dugo ni Jesus. Kaya pareho silang alipin ng Diyos at ni Jesu-Kristo, at dapat silang sumunod sa mga utos nila. Sa kongregasyong Kristiyano, walang pagkakaiba ang isang alipin, taong malaya, at pinalaya.—1Co 7:23; Gal 3:28; Heb 2:14, 15; 1Pe 1:18, 19; 2:16; tingnan sa Glosari, “Malaya; Pinalaya.”

Walang pagkakaiba ang Judio at Griego: Ang terminong “Judio” ay tumutukoy sa mga Judio ang lahi, ang mga Israelita. (Tingnan sa Glosari, “Judio.”) Ang terminong “Griego” naman ay lumilitaw na tumutukoy sa lahat ng di-Judio, o mga Gentil. (Tingnan ang study note sa Ro 1:16.) Kaya sa paningin ng Diyos, hindi na nakabatay sa pinagmulang lahi ang pagiging “supling . . . ni Abraham.” Mga Judio man o hindi, puwede silang maging supling ni Abraham, dahil ‘wala silang pagkakaiba’ sa loob ng bayan ng Diyos. (Gal 3:26-29; Col 3:11) Ipinakita ng Diyos na hindi siya nagtatangi nang pumili siya ng isang bagong bansa, ang “Israel ng Diyos,” na binubuo ng mga Judio at Gentil. (Efe 2:11-18; tingnan ang study note sa Gal 6:16.) Tama lang na idiin ni Pablo ang katotohanang ito sa mga Kristiyano sa lalawigan ng Galacia, dahil iba-iba ang lahi ng mga tao roon—may Judio, Griego, Romano, at iba pa.

Walang pagkakaiba . . . ang alipin at taong malaya: Ang isang “alipin” ay pag-aari ng kapuwa niya. Ang “taong malaya” naman ay ipinanganak na malaya at nagtataglay ng lahat ng karapatan ng isang mamamayan. (Tingnan sa Glosari, “Malaya; Pinalaya.”) Para sa Diyos, walang pagkakaiba ang mga Kristiyanong alipin at malaya. Ang lahat ng Kristiyano ay binili ng napakahalagang dugo ni Jesus at alipin ng Diyos at ni Kristo Jesus.—1Co 7:22 (tingnan ang study note), 23; 1Pe 1:18, 19; 2:16.

ang mga pangako ay ibinigay kay Abraham at sa kaniyang supling: Sa patnubay ng espiritu, tinukoy ni Pablo si Jesu-Kristo na pangunahing bahagi ng supling ni Abraham. (Ang salitang Griego na sperʹma, na sa literal ay “binhi,” ay karaniwan nang isinasaling “supling” kapag may kaugnayan ito sa mga pangako ni Jehova tungkol sa Mesiyas. Tingnan ang Ap. A2.) Pagkatapos ng rebelyon sa Eden, nangako si Jehova na isang “babae” ang magkakaroon ng “supling” na dudurog sa ulo ng ahas na si Satanas. (Gen 3:15) Sinabi ni Jehova nang makipagtipan siya kay Abraham na ang supling nito ay magdadala ng mga pagpapala sa mga tao. (Gen 12:1-3, 7; 13:14, 15; 17:7; 22:15-18; 24:7; Gal 3:8) Sinabi rin ng Diyos na ang supling ay manggagaling kay Haring David na mula sa tribo ni Juda, at nagkatotoo iyan kay Jesus. (Gen 49:10; Aw 89:3, 4; Luc 1:30-33; tingnan ang study note sa mga supling mo . . . supling mo sa talatang ito.) Sa Gal 3:26-29, ipinakita ni Pablo na sa espirituwal na katuparan ng pangako kay Abraham, magkakaroon ng pangalawahing bahagi ang supling niya.—Tingnan ang study note sa Gal 3:29.

talagang supling kayo ni Abraham: Si Kristo ang pangunahing bahagi ng supling ni Abraham. (Gen 22:17; tingnan ang study note sa Gal 3:16.) Pero ipinakita ni Pablo na ang mga “kay Kristo” ay idinagdag para maging pangalawahing bahagi ng “supling . . . ni Abraham” (lit., “binhi . . . ni Abraham”). (Mar 9:41; 1Co 15:23) Ang pangalawahing bahaging ito ay binubuo ng 144,000 Kristiyano na pinahiran ng espiritu. (Apo 5:9, 10; 14:1, 4) Likas na mga Judio ang ilan sa mga Kristiyanong iyon, pero karamihan ay mula sa mga bansang Gentil.—Gaw 3:25, 26; Gal 3:8, 9, 28.

Media

Tagapagbantay
Tagapagbantay

Makikita sa salitang Griego na pai·da·go·gosʹ, na isinaling “tagapagbantay,” o “tagapagturo,” sa Gal 3:24, 25, ang isang paglalarawan. Sa mayayamang Griego at Romanong pamilya noon, ipinagkakatiwala ang mga batang lalaki sa pangangalaga ng isang tagapagbantay. Karamihan sa mga tagapagbantay ay alipin, pero may ilan na inuupahan lang. Malaking halaga ang ibinabayad ng ilang pamilya para bumili o umupa ng isang tagapagbantay. Aalagaan ng tagapagbantay ang bata mula anim o pitong taóng gulang hanggang sa pagtanda. Lagi niyang sasamahan ang bata kapag nasa labas para hindi ito mapahamak. Siya rin ang magtuturo sa bata ng magandang asal; gagabayan niya ito, itutuwid, at didisiplinahin. Lumitaw rin ang salitang Griego para sa tagapagbantay sa unang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto.—1Co 4:15.