Mga Gawa ng mga Apostol 10:1-48
Talababa
Study Notes
batalyon: Lit., “lehiyon,” ang pangunahing yunit ng hukbong Romano. Noong unang siglo C.E., ang isang lehiyon ay binubuo ng mga 6,000 sundalo. Ang “12 batalyon” dito ay malamang na nangangahulugang napakarami o walang takdang bilang. Sinasabi ni Jesus na kung hihiling siya sa kaniyang Ama, makapagpapadala ang Diyos ng napakaraming anghel na poprotekta sa kaniya.
opisyal ng hukbo: O “senturyon,” kumandante ng mga 100 sundalo sa hukbong Romano.
tinatawag na Italyanong pangkat: Posibleng pinangalanang Italyano ang pangkat na ito para maipakita ang kaibahan nito sa regular na Romanong lehiyon. Binubuo ito ng mga 600 lalaki, o mga ikasampu ng isang lehiyon. (Tingnan ang study note sa Mat 26:53.) May patunay na ang Ikalawang Italyanong Pangkat ng mga Boluntaryong Mamamayang Romano (sa Latin, Cohors II Italica voluntariorum civium Romanorum) ay nasa Sirya noong 69 C.E., at sinasabi ng ilan na iyon ang Italyanong pangkat na binabanggit dito.
mga ikasiyam na oras: Mga 3:00 n.h.—Tingnan ang study note sa Mat 20:3.
mga ikatlong oras: Mga 9:00 n.u. Noong unang siglo C.E., 12 oras ang maghapon para sa mga Judio, at nagsisimula ang pagbilang sa pagsikat ng araw bandang 6:00 n.u. (Ju 11:9) Kaya ang ikatlong oras ay mga 9:00 n.u., ang ikaanim na oras ay bandang tanghali, at ang ikasiyam na oras ay mga 3:00 n.h. Dahil walang mga orasan noon na makapagbibigay ng eksaktong oras, karaniwan nang tinatantiya lang sa mga ulat ang oras ng isang pangyayari.—Ju 1:39; 4:6; 19:14; Gaw 10:3, 9.
Simon, na gumagawa ng katad: Ang isa na gumagawa ng katad ay gumagamit ng tinimplang apog para alisin ang anumang balahibo, laman, o taba na naiwan sa balat ng hayop. Pagkatapos, papahiran niya ito ng matapang na likido para magamit sa paggawa ng mga materyales na katad. Mabaho ang prosesong ito at nangangailangan ng maraming tubig, at malamang na ito ang dahilan kaya nakatira si Simon sa tabing-dagat, posibleng sa baybayin ng Jope. Ayon sa Kautusang Mosaiko, ang taong humahawak ng bangkay ng hayop ay marumi sa seremonyal na paraan. (Lev 5:2; 11:39) Kaya minamaliit ng maraming Judio ang mga gumagawa ng katad at nag-aalangan silang tumira kasama ng mga ito. Sinabi pa nga ng Talmud na ang mga ito ay mas mababa pa kaysa sa mga tagakolekta ng dumi ng hayop. Pero hindi nagpakita ng diskriminasyon si Pedro. Nakituloy pa rin siya sa bahay ni Simon. Ang pagiging bukás ng isip ni Pedro ay nakatulong para maging handa siya sa sumunod niyang atas—ang pagdalaw sa isang Gentil sa bahay nito. Sinasabi ng ilang iskolar na ang salitang Griego para sa “gumagawa ng katad” (byr·seusʹ) ay apelyido ni Simon.
nasa bubungan: Ang bubungan ng mga bahay noon ay patag at puwedeng gamitin na imbakan (Jos 2:6), pahingahan (2Sa 11:2), tulugan (1Sa 9:26), at para sa mga kapistahan ng pagsamba (Ne 8:16-18). Kaya kailangan na may halang ito. (Deu 22:8) Karaniwan na, may hagdan ito sa labas ng bahay para makababa ang nasa bubungan nang hindi na pumapasok sa bahay. Idiniriin nito ang pagkaapurahan ng babala ni Jesus na tumakas.
mga ikatlong oras: Mga 9:00 n.u. Noong unang siglo C.E., 12 oras ang maghapon para sa mga Judio, at nagsisimula ang pagbilang sa pagsikat ng araw bandang 6:00 n.u. (Ju 11:9) Kaya ang ikatlong oras ay mga 9:00 n.u., ang ikaanim na oras ay bandang tanghali, at ang ikasiyam na oras ay mga 3:00 n.h. Dahil walang mga orasan noon na makapagbibigay ng eksaktong oras, karaniwan nang tinatantiya lang sa mga ulat ang oras ng isang pangyayari.—Ju 1:39; 4:6; 19:14; Gaw 10:3, 9.
bubungan ng bahay: Ang bubungan ng mga bahay noon ay patag at puwedeng gamitin na imbakan (Jos 2:6), pahingahan (2Sa 11:2), at tulugan (1Sa 9:26). Puwede rin itong gamitin para sa mga kapistahan ng pagsamba (Ne 8:16-18) at sa pananalangin nang pribado. Nang manalangin si Pedro sa bubungan ng bahay, hindi siya gaya ng mga mapagkunwari na gustong makita sila ng iba habang nananalangin. (Mat 6:5) Malamang na hindi siya nakikita ng iba dahil sa halang na nakapalibot sa bubong. (Deu 22:8) Masarap ding magpahinga sa bubungan kapag gabi dahil malayo ito sa ingay ng kalsada.—Tingnan ang study note sa Mat 24:17.
bandang ikaanim na oras: Mga 12:00 n.t.—Tingnan ang study note sa Mat 20:3.
nakakita ako ng pangitain: Para sa pagtalakay tungkol sa terminong Griego na ekʹsta·sis, na isinalin ditong “pangitain,” tingnan ang study note sa Gaw 10:10. Ganito ang mababasa sa ilang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J14, 17, 22 sa Ap. C4): “Sumaakin ang kamay ni Jehova.” Ito naman ang mababasa sa isa pang salin (may code na J18): “Dinamtan ako ng espiritu ni Jehova.”
isang pangitain: Ang salitang Griego na ekʹsta·sis (mula sa ek, na nangangahulugang “nawala,” at staʹsis, na nangangahulugang “pagkakatayo”) ay tumutukoy sa isang tao na nawala sa normal na pag-iisip dahil sa pagkamangha o sa isang pangitain mula sa Diyos. Ang salitang Griego ay isinasalin ding “nag-umapaw sa saya” (Mar 5:42) at “manghang-mangha” (Mar 16:8; Luc 5:26). Sa aklat ng Gawa, iniuugnay ang salitang ito sa pagkilos ng Diyos. Lumilitaw na kung minsan, ang banal na espiritu ay naglalagay sa isip ng isang tao ng isang pangitain o larawan tungkol sa layunin ng Diyos habang ito ay nag-iisip nang malalim o nasa kalagayan na parang natutulog. Habang nakakakita ng pangitain ang isang tao, hindi na niya alam kung ano ang nangyayari sa paligid niya kaya mas nakakapagpokus siya sa pangitain.—Tingnan ang study note sa Gaw 22:17.
Inutusan siya ng Diyos: Ang pandiwang Griego na khre·ma·tiʹzo ay lumitaw nang siyam na beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Mat 2:12, 22; Luc 2:26; Gaw 10:22; 11:26; Ro 7:3; Heb 8:5; 11:7; 12:25) Sa karamihan ng paglitaw nito, iniuugnay ito sa mga bagay na mula sa Diyos. Halimbawa, ang pandiwang ito ay ginamit dito kasama ng ekspresyong “sa pamamagitan ng isang banal na anghel.” Sa Mat 2:12, 22, iniugnay naman ito sa mga panaginip na mula sa Diyos. Ang kaugnay na pangngalan nito na khre·ma·ti·smosʹ ay lumitaw sa Ro 11:4, at sa karamihan ng mga diksyunaryo at salin, tinumbasan ito ng “kapahayagan mula sa Diyos; sagot ng Diyos.” Sa isang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J18 sa Ap. C4), ang mababasa sa Gaw 10:22 ay “inutusan siya ni Jehova.”—Tingnan ang study note sa Gaw 11:26.
tinawag . . . sa pamamagitan ng patnubay ng Diyos: Sa karamihan ng salin, ang mababasa lang dito ay “tinawag.” Pero hindi ginamit dito ang mga salitang Griego na karaniwang isinasaling “tinawag.” (Mat 1:16; 2:23; Mar 11:17; Luc 1:32, 60; Gaw 1:12, 19) Ang salitang ginamit sa talatang ito ay khre·ma·tiʹzo, at siyam na beses itong lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa karamihan ng paglitaw nito, maliwanag na tumutukoy ito sa mga bagay na mula sa Diyos. (Mat 2:12, 22; Luc 2:26; Gaw 10:22; 11:26; Ro 7:3; Heb 8:5; 11:7; 12:25) Halimbawa, sa Gaw 10:22, ang pandiwang ito ay ginamit kasama ng ekspresyong “sa pamamagitan ng isang banal na anghel.” Sa Mat 2:12, 22, iniugnay naman ito sa mga panaginip na mula sa Diyos. Ang kaugnay na pangngalan nito na khre·ma·ti·smosʹ ay lumitaw sa Ro 11:4, at sa karamihan ng mga diksyunaryo at salin ng Bibliya, tinumbasan ito ng “kapahayagan mula sa Diyos; sagot ng Diyos.” Posibleng ginabayan ni Jehova sina Saul at Bernabe para gamitin ang katawagang Kristiyano. Sinasabi ng ilan na ginagamit ng mga Gentil sa Antioquia ang katawagang Kristiyano para gawing katawa-tawa o laitin ang isa, pero maliwanag sa pagkakagamit ng terminong Griego na khre·ma·tiʹzo na sa Diyos nanggaling ang katawagang ito. Isa pa, malayong tawagin ng mga Judio ang mga tagasunod ni Jesus na “Kristiyano” (mula sa Griego) o “Mesiyanista” (mula sa Hebreo). Hindi nila kinilala si Jesus bilang Mesiyas, o Kristo, kaya hindi nila tatawaging “Kristiyano” ang mga tagasunod niya dahil magmumukhang tinatanggap nila siya bilang ang Pinahiran, o Kristo.
yumukod sa kaniya: O “nagpatirapa sa kaniya; nagbigay-galang sa kaniya.” Noong nasa lupa si Jesus, yumukod sa kaniya ang mga tao. (Luc 5:12; Ju 9:38) Hindi sila sinaway ni Jesus, dahil siya ang tagapagmana ng trono ni David at karapat-dapat lang siyang parangalan bilang hari. (Mat 21:9; Ju 12:13-15) Gayundin, sa Hebreong Kasulatan, yumuyukod ang mga tao sa harap ng mga propeta, hari, o iba pang kinatawan ng Diyos, at hindi sila sinasaway ng mga ito. (1Sa 25:23, 24; 2Sa 14:4-7; 1Ha 1:16; 2Ha 4:36, 37) Pero nang yumukod si Cornelio kay Pedro para parangalan siya, hindi iyon tinanggap ni Pedro at sinabi niya: “Tumayo ka; tao lang din ako.” (Gaw 10:26) Maliwanag, binago ng turo ni Kristo ang paraan ng pakikitungo ng mga lingkod ng Diyos sa isa’t isa. Itinuro ni Jesus sa mga alagad: “Iisa ang inyong Guro, at lahat kayo ay magkakapatid. . . . Iisa ang inyong Lider, ang Kristo.”—Mat 23:8-12.
ipinagbabawal sa isang Judio: Itinuturo ng mga Judiong lider ng relihiyon noong panahon ni Pedro na ang sinumang pumapasok sa bahay ng isang Gentil ay nagiging marumi sa seremonyal na paraan. (Ju 18:28) Pero wala namang binabanggit sa Kautusang ibinigay sa pamamagitan ni Moises na bawal makipagsamahan sa mga Gentil. Isa pa, ang pader na naghihiwalay sa mga Judio at mga Gentil ay inalis nang ibigay ni Jesus ang buhay niya bilang pantubos at maitatag ang bagong tipan. Sa ganitong paraan, “pinag-isa niya ang dalawang grupo.” (Efe 2:11-16) Pero kahit noong pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., hindi pa rin naintindihan ng mga alagad ang kahulugan ng ginawa ni Jesus. Sa katunayan, maraming taon pa ang lumipas bago naalis ng mga Judiong Kristiyano ang kaugaliang nakaugat sa kultura nila at itinuro ng mga dati nilang lider ng relihiyon.
ikasiyam na oras: Mga 3:00 n.h.—Tingnan ang study note sa Mat 20:3.
mga ikatlong oras: Mga 9:00 n.u. Noong unang siglo C.E., 12 oras ang maghapon para sa mga Judio, at nagsisimula ang pagbilang sa pagsikat ng araw bandang 6:00 n.u. (Ju 11:9) Kaya ang ikatlong oras ay mga 9:00 n.u., ang ikaanim na oras ay bandang tanghali, at ang ikasiyam na oras ay mga 3:00 n.h. Dahil walang mga orasan noon na makapagbibigay ng eksaktong oras, karaniwan nang tinatantiya lang sa mga ulat ang oras ng isang pangyayari.—Ju 1:39; 4:6; 19:14; Gaw 10:3, 9.
Jehova: Sa karamihan ng mga manuskritong Griego, “Panginoon” (sa Griego, tou Ky·riʹou) ang ginamit dito. Pero gaya ng ipinapaliwanag sa Ap. C, may mga dahilan para isiping pangalan ng Diyos ang orihinal na ginamit sa tekstong ito at pinalitan lang ng titulong Panginoon. Kaya “Jehova” ang ginamit sa mismong teksto.—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 10:33.
hindi nagtatangi: Ang pariralang Griego na “hindi nagtatangi” ay puwedeng literal na isaling “hindi kumukuha (tumatanggap) ng mukha.” Ang Diyos, na hindi nagtatangi, ay hindi humahatol batay sa panlabas na hitsura—hindi niya pinapaboran ang mga tao dahil sa lahi, nasyonalidad, katayuan sa lipunan, o iba pa. Para matularan ang Diyos na hindi nagtatangi, ang isa ay hindi dapat humatol ayon lang sa nakikita niya; dapat niyang isaalang-alang ang pagkatao at mga katangian ng kapuwa niya, partikular na ang mga katangiang gaya ng sa ating di-nagtatanging Maylalang.
mga Israelita: O “bayang Israel.” Lit., “mga anak ni Israel.”—Tingnan sa Glosari, “Israel.”
tulos: Tingnan ang study note sa Gaw 5:30.
tulos: O “puno.” Ang salitang Griego na ginamit dito, xyʹlon (lit., “kahoy”), ay kapareho ng kahulugan ng salitang Griego na stau·rosʹ (isinasaling “pahirapang tulos”) at tumutukoy sa pinagpakuan kay Jesus noong patayin siya. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, limang beses na ginamit nina Lucas, Pablo, at Pedro ang xyʹlon sa ganitong diwa. (Gaw 5:30; 10:39; 13:29; Gal 3:13; 1Pe 2:24) Ginamit ng Septuagint ang xyʹlon sa Deu 21:22, 23 para ipanumbas sa salitang Hebreo na ʽets (nangangahulugang “puno; kahoy; piraso ng kahoy”) sa pariralang “at ibitin sa tulos.” Nang sipiin ni Pablo ang tekstong ito sa Gal 3:13, ginamit niya ang xyʹlon sa pangungusap na “Isinumpa ang bawat tao na nakabitin sa tulos.” Ginamit din ang salitang ito sa salin ng Septuagint sa Ezr 6:11 (1 Esdras 6:31, LXX) para sa salitang Aramaiko na ʼaʽ, na katumbas ng terminong Hebreo na ʽets. Sinabi roon tungkol sa mga lalabag sa utos ng hari ng Persia: “Ibabayubay [siya] sa isang posteng kahoy na bubunutin sa bahay niya.” Dahil may mga pagkakataong pareho ang pagkakagamit ng mga manunulat ng Bibliya sa xyʹlon at stau·rosʹ, karagdagang patunay ito na pinatay si Jesus sa isang patayong tulos na walang nakapahalang na kahoy.
tumanggap ng banal na espiritu ang lahat ng nakikinig sa mensahe: Ito ang nag-iisang iniulat na pagkakataon na ibinuhos ang banal na espiritu sa mga alagad bago sila mabautismuhan. Sa pagkakataon ding ito, malaking papel ang ginampanan ni Pedro sa pagkumberte kay Cornelio at sa pamilya niya, na mga di-Judio. Kaya ginamit dito ni Pedro ang ikatlo sa “mga susi ng Kaharian ng langit” para pasimulan ang pangangaral sa napakaraming Gentil—mga di-Judio, hindi Judiong proselita, at hindi Samaritano—at mabigyan sila ng pagkakataong pumasok sa Kaharian ng Diyos. Ginamit ni Pedro ang una sa mga susing iyon para sa mga Judio at Judiong proselita, at ang ikalawa naman, para sa mga Samaritano.—Gaw 2:22-41; 8:14-17; tingnan ang study note sa Mat 16:19.
mga susi ng Kaharian ng langit: Sa Bibliya, ang mga binigyan ng mga susi, literal man o makasagisag, ay pinagkatiwalaan ng awtoridad. (1Cr 9:26, 27; Isa 22:20-22) Kaya ang terminong “susi” ay naging sagisag ng awtoridad at responsibilidad. Ginamit ni Pedro ang “mga susi” na ipinagkatiwala sa kaniya para magkaroon ng pagkakataon ang mga Judio (Gaw 2:22-41), Samaritano (Gaw 8:14-17), at Gentil (Gaw 10:34-38) na tumanggap ng espiritu ng Diyos at makapasok sa Kaharian sa langit.
mga tuling mananampalataya: O “mga tuling tapat.” Tumutukoy sa mga Judiong Kristiyano.—Gaw 10:23.
wika: Lit., “dila.” Sa Bibliya, ang salitang Griego na glosʹsa ay puwedeng tumukoy sa literal na “dila.” (Mar 7:33; Luc 1:64; 16:24) Pero puwede rin itong tumukoy sa isang wika o sa grupo ng mga tao na nagsasalita ng isang partikular na wika. (Apo 5:9; 7:9; 13:7) Ginamit ang salitang Griegong ito sa ekspresyong “dila ng apoy” na nakita ng mga tao. (Gaw 2:3, tlb.) Kaya ang mga “dila” sa ulunan ng bawat alagad at ang pagsasalita nila ng iba’t ibang wika ay katibayan ng pagbubuhos ng banal na espiritu.
iba’t ibang wika: Lit., “iba’t ibang dila.” Ang himalang ito ay nakikitang patunay na binubuksan na ng Diyos ang makalangit na pag-asa sa mga Gentil. Gaya noong Pentecostes, ginamit ni Jehova ang banal na espiritu para malinaw na ipakita na sinusuportahan niya ang bagong kaayusang ito. Ang nakakakumbinsing ebidensiyang ito ay nakita at narinig ng mga tao.—Tingnan ang study note sa Gaw 2:4.