Liham sa mga Taga-Galacia 2:1-21

2  Pagkalipas ng 14 na taon, bumalik ako sa Jerusalem kasama si Bernabe,+ at isinama ko rin si Tito.+  Bumalik ako dahil sa isang pagsisiwalat, at inilahad ko ang mabuting balita na ipinangangaral ko sa gitna ng mga bansa. Pero sa iginagalang na mga lalaki ko lang ito sinabi, para matiyak ko na ang ministeryong isinasagawa ko o naisagawa na ay may kabuluhan.  Gayunman, hindi pinilit na magpatuli ang kasama kong si Tito,+ kahit isa siyang Griego.  Pero naging isyu ito dahil sa nagkukunwaring mga kapatid na pumasok nang tahimik+ at nag-espiya para sirain ang kalayaang+ taglay natin bilang mga kaisa ni Kristo Jesus, nang sa gayon ay lubusan nila tayong maging alipin;+  hindi kami nagpasakop sa kanila,+ hindi, kahit isang saglit,* para ang katotohanan ng mabuting balita ay manatili sa inyo.  Pero pagdating sa mga taong itinuturing na mahalaga,+ ang totoo, wala namang ibinahaging bago sa akin ang iginagalang na mga lalaking iyon—anuman ang katayuan nila noon ay walang halaga sa akin, dahil ang pananaw ng Diyos ay hindi katulad ng pananaw ng tao.  Ang totoo, nang makita nilang ipinagkatiwala sa akin ang pangangaral ng mabuting balita para sa mga di-tuli,+ kung paanong ipinagkatiwala kay Pedro ang pangangaral sa mga tuli—  dahil ang nagbigay kay Pedro ng kakayahan para maging apostol sa mga tuli ay nagbigay rin sa akin ng kakayahan para maging apostol sa ibang mga bansa+  at nang malaman nila na tumanggap ako ng walang-kapantay* na kabaitan,+ iniabot ng kinikilalang mga haligi na sina Santiago,+ Cefas, at Juan ang kanang kamay nila sa amin ni Bernabe,+ na nagpapakitang sang-ayon sila na pumunta kami sa ibang mga bansa at sila naman sa mga tuli. 10  Ang hiling lang nila ay lagi naming isaisip ang mahihirap, at lagi ko itong pinagsisikapang gawin.+ 11  Pero nang dumating si Cefas+ sa Antioquia,+ sinaway ko siya nang harapan, dahil malinaw na mali ang ginawa niya.* 12  Dahil bago dumating ang mga lalaking isinugo ni Santiago,+ kumakain siyang kasama ng mga tao ng ibang mga bansa;+ pero nang dumating sila, itinigil niya ito at iniwasan ang mga taong iyon, dahil natakot siya sa mga tagasuporta ng pagtutuli.+ 13  Ginaya ng ibang mga Judio ang pagkukunwari niya, kaya kahit si Bernabe ay naimpluwensiyahan nilang magkunwari. 14  Pero nang makita kong hindi sila lumalakad ayon sa katotohanan ng mabuting balita,+ sinabi ko kay Cefas sa harap nilang lahat: “Kung ikaw, na isang Judio, ay namumuhay na gaya ng mga tao ng ibang mga bansa at hindi gaya ng mga Judio, bakit mo inoobliga ang mga tao ng ibang mga bansa na mamuhay ayon sa kaugalian ng mga Judio?”+ 15  Tayo na mga ipinanganak na Judio, at hindi mga makasalanan mula sa ibang mga bansa, 16  ay nakaaalam na ang isang tao ay ipinahahayag na matuwid, hindi dahil sa pagsunod sa kautusan, kundi sa pamamagitan lang ng pananampalataya+ kay Jesu-Kristo.+ Kaya nananampalataya tayo kay Kristo Jesus para maipahayag tayong matuwid dahil sa pananampalataya kay Kristo at hindi sa pagsunod sa kautusan, dahil walang sinumang* maipahahayag na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan.+ 17  Pero kung tayo rin ay itinuturing na makasalanan habang sinisikap natin na maipahayag tayong matuwid sa pamamagitan ni Kristo, ibig bang sabihin, si Kristo ay tagapagtaguyod ng kasalanan? Siyempre hindi! 18  Kung itatayo kong muli ang mismong mga bagay na ibinagsak ko, ipinapakita ko na ako ay isang manlalabag-batas.+ 19  Dahil sa pamamagitan ng Kautusan, namatay ako may kinalaman sa Kautusan,+ nang sa gayon ay mabuhay ako para sa Diyos. 20  Ipinako ako sa tulos kasama ni Kristo.+ Hindi na ako ang nabubuhay,+ kundi si Kristo na kaisa ko. Oo, ang buhay ko ngayon bilang tao ay ayon sa pananampalataya sa Anak ng Diyos,+ na nagmahal sa akin at nagbigay ng sarili niya para sa akin.+ 21  Hindi ko itinatakwil* ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos,+ dahil kung magiging matuwid ang tao sa pamamagitan ng kautusan, walang kabuluhan ang pagkamatay ni Kristo.+

Talababa

Lit., “oras.”
O “di-sana-nararapat.”
O “dahil nararapat siyang hatulan.”
Lit., “laman na.”
O “itinutulak palayo.”

Study Notes

Pagkalipas ng tatlong taon: Posibleng sinasabi dito ni Pablo na pagkatapos niyang makumberte, lumipas ang halos tatlong taon; posibleng dumating siya sa Jerusalem noong 36 C.E. Malamang na iyon ang unang pagbisita ni Pablo sa Jerusalem bilang Kristiyano.

Pagkalipas ng 14 na taon: Ipinapalagay ng ilang iskolar na ang ibig sabihin dito ni Pablo ay “sa ika-14 na taon,“ na nangangahulugang isang taon na hindi buo na sinusundan ng 12 buong taon at ng isa pang taon na hindi rin buo. (Ihambing ang 1Ha 12:5, 12; tingnan ang study note sa Gal 1:18.) Malamang na ito ay mula noong 36 C.E. nang unang dumalaw si Pablo sa Jerusalem bilang isang Kristiyano hanggang 49 C.E. nang magpunta siya sa Jerusalem kasama sina Tito at Bernabe para iharap ang isyu ng pagtutuli sa mga apostol at matatandang lalaki doon.—Gaw 15:2.

dahil sa isang pagsisiwalat: Binanggit dito ni Pablo ang isang detalye na hindi mababasa sa ulat ni Lucas sa aklat ng Gawa. (Gaw 15:1, 2) Lumilitaw na sa pamamagitan ng isang pagsisiwalat, si Pablo ay inutusan ni Kristo, ang ulo ng kongregasyong Kristiyano, na dalhin ang mahalagang isyu ng pagtutuli sa mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem. (Efe 5:23) Nangyari ang makasaysayang pagpupulong na iyon noong mga 49 C.E. Nang banggitin ni Pablo ang tungkol sa pagsisiwalat na ito, lalo pa niyang napatunayan na hindi totoo ang sinasabi ng mga tagapagtaguyod ng Judaismo na hindi siya tunay na apostol. Bukod sa si Jesus mismo ang nag-atas kay Pablo, nagbigay pa siya ng mga tagubilin sa pamamagitan ng mga pagsisiwalat, na nagpapatunay na talagang apostol si Pablo.—Gal 1:1, 15, 16.

ipinangangaral: Ang salitang Griego para dito ay nangangahulugang “maghayag bilang isang mensahero sa publiko.” Itinatampok nito ang paraan ng paghahayag: karaniwan nang hayagan at sa publiko, sa halip na pagbibigay ng sermon sa isang grupo.—Tingnan ang study note sa Mat 3:1.

nangaral: Ang salitang Griego para dito ay nangangahulugang “maghayag bilang isang mensahero sa publiko.” Itinatampok nito ang paraan ng paghahayag: karaniwan nang hayagan at sa publiko, sa halip na pagbibigay ng sermon sa isang grupo.

tinuli: Alam na alam ni Pablo na hindi na obligadong magpatuli ang mga Kristiyano. (Gaw 15:6-29) Hindi tuli si Timoteo dahil hindi mánanampalatayá ang tatay niya. Alam ni Pablo na posibleng makatisod ito sa ilang Judio na dadalawin nila ni Timoteo sa paglalakbay nila para mangaral. Pero hindi hinayaan ni Pablo na humadlang ito sa gawain nila, kaya hiniling niya kay Timoteo na magpatuli kahit na masakit ito. Kaya parehong totoo sa kanila ang sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto: “Sa mga Judio, ako ay naging gaya ng Judio.”—1Co 9:20.

Griego: Noong unang siglo C.E., ang salitang Griego na Helʹlen (nangangahulugang “Griego”) ay hindi laging tumutukoy sa mga mula sa Gresya o may lahing Griego. Kaya nang gamitin ni Pablo ang ekspresyong bawat isa na may pananampalataya at banggitin niya nang magkasama ang “Griego” at “Judio,” lumilitaw na ginamit niya ang terminong “Griego” para tumukoy sa lahat ng di-Judio. (Ro 2:9, 10; 3:9; 10:12; 1Co 10:32; 12:13) Siguradong ginawa niya ito dahil sa lawak ng impluwensiya ng wika at kulturang Griego sa buong Imperyo ng Roma.

hindi pinilit na magpatuli . . . si Tito: Nang magkaroon ng isyu tungkol sa pagtutuli sa Antioquia (mga 49 C.E.), sinamahan ni Tito sina Pablo at Bernabe sa Jerusalem. (Gaw 15:1, 2; Gal 2:1) “Isa siyang Griego,“ isang di-tuling Gentil. (Tingnan ang study note sa Griego sa talatang ito.) Posibleng ipinapahiwatig ng paggamit ng pandiwang “pinilit” sa talatang ito na may mga Kristiyanong nagtataguyod ng mga paniniwala at tradisyong Judio na namimilit kay Tito na magpatuli. Pero sa pagpupulong sa Jerusalem, napagdesisyunan ng mga apostol at matatandang lalaki na hindi na kailangan ng mga Kristiyanong Gentil na magpatuli. (Gaw 15:23-29) Binanggit ni Pablo ang detalyeng ito tungkol kay Tito para suportahan ang argumento niya na ang mga nagpakumberte sa Kristiyanismo ay hindi na kailangang sumunod sa Kautusang Mosaiko. Dahil pangunahin nang nangangaral si Tito sa di-tuling mga tao ng ibang mga bansa, hindi magiging isyu kung hindi siya tuli. (2Co 8:6; 2Ti 4:10; Tit 1:4, 5) Kaya magkaiba sila ng kaso ni Timoteo, na tinuli ni Pablo.—Tingnan ang study note sa Gaw 16:3.

Griego: Inilarawan si Tito na isang Griego (Helʹlen) posibleng dahil Griego ang lahi niya. Pero ginagamit ng unang-siglong mga manunulat ang anyong pangmaramihan nito (Helʹle·nes) para tumukoy sa mga di-Griego na yumakap sa wika at kulturang Griego. Kaya posible ring sa ganitong diwa naging Griego si Tito.—Tingnan ang study note sa Ro 1:16.

nagkukunwaring mga kapatid: Dito lang mababasa at sa 2Co 11:26 ang salitang Griego para sa “nagkukunwaring kapatid” (pseu·daʹdel·phos). Sa isang diksyunaryo, ang salitang ito ay nangangahulugang “Kristiyano sa pangalan lang.” Ang mga nagtataguyod ng Judaismo sa mga kongregasyon sa Galacia ay nagkukunwaring espirituwal na mga tao, pero ang totoo, iniimpluwensiyahan nila ang kongregasyon na mahigpit na sumunod sa Kautusang Mosaiko. (Tingnan ang study note sa Gal 1:6.) Sinabi ni Pablo na ang mga taong iyon ay “pumasok nang tahimik at nag-espiya” para sirain ang kalayaan ng mga Kristiyano; ipinapakita lang nito na gumagamit sila ng tusong mga pakana sa pagpapalaganap ng mapanganib na mga turo nila.—Ihambing ang 2Co 11:13-15.

ngayon pa lang ay tumatalikod na kayo: Binanggit dito ni Pablo ang isang mahalagang dahilan kung bakit niya isinulat ang liham na ito. Kahit hindi pa natatagalan mula nang bumisita si Pablo sa rehiyon, may ilan na sa mga kongregasyon sa Galacia na tumalikod sa mga katotohanang pinaniniwalaan ng mga Kristiyano. Sa liham na ito, kasama sa mga sinabi ni Pablo na ‘nanlilinlang’ sa kanila (Gal 3:1) ang “nagkukunwaring mga kapatid na pumasok nang tahimik” sa mga kongregasyon. (Tingnan ang study note sa Gal 2:4; 3:1.) Ang ilan sa mga ito ay ang mga nagtataguyod ng Judaismo; ipinipilit nila na dapat pa ring sundin ng mga Kristiyano ang Kautusang Mosaiko. (Tingnan ang study note sa Gal 1:13.) Hindi pa rin sila nanahimik kahit na sinabi na ng mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem na hindi obligado ang mga Gentil na sumunod sa Kautusang Mosaiko. (Gaw 15:1, 2, 23-29; Gal 5:2-4) Ipinahiwatig ni Pablo na natatakot sila sa pag-uusig ng mga Judio at ayaw nilang magalit sa kanila ang mga ito. (Gal 6:12, 13) Posible ring pinaparatangan si Pablo ng nagkukunwaring mga kapatid na ito na hindi siya totoong apostol, at gusto nilang ilayo sa kaniya ang mga kongregasyon. (Gal 1:11, 12; 4:17) Posibleng may ilan sa mga taga-Galacia na imoral, mahilig makipag-away, at mapagmataas. Sa dulong bahagi ng liham ni Pablo, sinabi niya na ang makalamang mga gawaing ito ay maglalayo sa kanila sa Diyos.—Gal 5:13–6:10.

ang katotohanan ng mabuting balita: Ang ekspresyong ito, na mababasa rin sa talata 14, ay tumutukoy sa kalipunan ng mga turong Kristiyano sa Salita ng Diyos.

Diyos: “Diyos” ang mababasa sa mga manuskritong Griego, pero may ilang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Hebreo at iba pang wika na gumamit dito ng pangalan ng Diyos.

kanang kamay: Ang pakikipagkamay ay nangangahulugang pakikipagtulungan o pakikipagtuwang. (2Ha 10:15) Noong mga 49 C.E., nagpunta si apostol Pablo sa Jerusalem para sumama sa pag-uusap ng unang-siglong lupong tagapamahala tungkol sa isyu ng pagtutuli. (Gaw 15:6-29) Sa panahon ding iyon, lumilitaw na nakipagkita si Pablo kina Santiago, Pedro, at Juan para sabihin sa kanila ang atas na natanggap niya mula sa Panginoong Jesu-Kristo na mangaral ng mabuting balita. (Gaw 9:15; 13:2; 1Ti 1:12) Sa tekstong ito, binanggit ni Pablo ang nakita niyang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga kapatid sa pag-uusap na iyon at sa mga sumunod pang pagkakataon. Malinaw sa mga kapatid na iisa lang naman ang gawain nila. Sumang-ayon sila na sina Pablo at Bernabe ay mangangaral sa ibang mga bansa, o sa mga Gentil, at sina Santiago, Pedro, at Juan naman ay magpopokus sa pangangaral sa mga tuli, o mga Judio.

mga di-tuli: Tumutukoy sa mga di-Judio.

kung paanong ipinagkatiwala kay Pedro: Ipinapakita dito ni Pablo na nagtutulungan ang mga nangunguna sa kongregasyon. (Tingnan ang study note sa Gal 2:9.) Kumbinsido ang lupong tagapamahala sa Jerusalem na ipinagkatiwala kay Pablo ang pangangaral sa mga di-Judio. Si Pedro naman ay pangunahin nang nangangaral sa mga Judio. Pero hindi naman ito nangangahulugang hindi puwedeng magtulungan sina Pablo at Pedro. Si Pedro ang nagbukas ng gawaing pangangaral sa mga Gentil. (Gaw 10:44-48; 11:18) At nagpatotoo rin si Pablo sa napakaraming Judio, dahil ang atas niya mula kay Kristo ay mangaral “sa mga bansa, gayundin . . . sa mga Israelita.” (Gaw 9:15) Parehong ginampanang mabuti nina Pedro at Pablo ang mga atas na ibinigay sa kanila. Halimbawa, naglakbay si Pedro pasilangan para mangaral sa Babilonya, na kilalá bilang sentro ng edukasyon para sa mga Judio at kung saan maraming Judio. (1Pe 5:13) Naglakbay naman si Pablo bilang misyonero pakanluran, at posibleng umabot pa nga siya sa Espanya.

mga tuli: Tumutukoy sa mga Judio.

nagbigay kay Pedro ng kakayahan para maging apostol . . . nagbigay rin sa akin ng kakayahan: Ang pandiwang Griego na e·ner·geʹo ay isinalin ditong “nagbigay . . . ng kakayahan.” Sa ibang paglitaw ng pandiwang ito, isinalin itong “umiimpluwensiya” o “pinasisigla.” (Efe 2:2; Fil 2:13) Sa kontekstong ito, lumilitaw na nagbigay ang Diyos kina Pedro at Pablo, hindi lang ng awtoridad na maging mga apostol, kundi pati ng kakayahang gampanan ang mga pananagutan nila.

haligi: Kung paanong sinusuportahan ng literal na haligi ang isang istraktura, ang mga lalaking tinawag ditong haligi ay sumusuporta at nagpapatatag sa kongregasyon. Ginamit din ang salitang ito nang ilarawan ang kongregasyong Kristiyano bilang “isang haligi at pundasyon ng katotohanan” (1Ti 3:15) at ang mga binti ng isang anghel na gaya ng “mga haliging apoy” (Apo 10:1-3). Maituturing na mga haligi sina Santiago, Cefas, at Juan—matatag sila, malakas sa espirituwal, at maaasahan ng kongregasyon.

Cefas: Isa sa mga pangalan ni apostol Pedro.—Tingnan ang study note sa 1Co 1:12.

kanang kamay: Ang pakikipagkamay ay nangangahulugang pakikipagtulungan o pakikipagtuwang. (2Ha 10:15) Noong mga 49 C.E., nagpunta si apostol Pablo sa Jerusalem para sumama sa pag-uusap ng unang-siglong lupong tagapamahala tungkol sa isyu ng pagtutuli. (Gaw 15:6-29) Sa panahon ding iyon, lumilitaw na nakipagkita si Pablo kina Santiago, Pedro, at Juan para sabihin sa kanila ang atas na natanggap niya mula sa Panginoong Jesu-Kristo na mangaral ng mabuting balita. (Gaw 9:15; 13:2; 1Ti 1:12) Sa tekstong ito, binanggit ni Pablo ang nakita niyang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga kapatid sa pag-uusap na iyon at sa mga sumunod pang pagkakataon. Malinaw sa mga kapatid na iisa lang naman ang gawain nila. Sumang-ayon sila na sina Pablo at Bernabe ay mangangaral sa ibang mga bansa, o sa mga Gentil, at sina Santiago, Pedro, at Juan naman ay magpopokus sa pangangaral sa mga tuli, o mga Judio.

Cefas: Isa sa mga pangalan ng apostol na si Simon Pedro. Noong unang makita ni Jesus si Simon, ibinigay niya sa kaniya ang Semitikong pangalan na Cefas (sa Griego, Ke·phasʹ). Posibleng kaugnay ito ng Hebreong pangngalan na ke·phimʹ (malalaking bato) na ginamit sa Job 30:6 at Jer 4:29. Sa Ju 1:42, ipinaliwanag ni Juan na ang pangalang ito ay “isinasaling ‘Pedro’” (Peʹtros, isang pangalang Griego na nangangahulugan ding “Isang Piraso ng Bato”). Ang pangalang Cefas ay ginamit lang sa Ju 1:42 at sa dalawang liham ni Pablo, ang 1 Corinto at Galacia.—1Co 1:12; 3:22; 9:5; 15:5; Gal 1:18; 2:9, 11, 14; tingnan ang study note sa Mat 10:2; Ju 1:42.

lagi naming isaisip ang mahihirap: Noong mga 49 C.E., sina Pedro, Santiago, at Juan ay nagbigay ng atas kay Pablo at sa kamanggagawa niyang si Bernabe. (Gal 2:9) Dapat na lagi nilang isaisip ang materyal na pangangailangan ng mahihirap na Kristiyano habang nangangaral sila sa ibang mga bansa. Dito, sinabi ni Pablo na lagi niya itong pinagsisikapang gawin. Nang mangailangan ang mga Kristiyano sa Judea, pinasigla ni Pablo ang mga kongregasyon sa ibang lugar na mag-abuloy para sa mahihirap na kapatid sa Jerusalem. Makikita sa mga liham ni Pablo kung gaano siya kaseryoso sa atas niyang ito. Sa dalawang liham niya sa mga Kristiyano sa Corinto (mga 55 C.E.), binanggit niya ang tungkol sa paglikom ng abuloy; sinabi niya na nagbigay na siya ng tagubilin tungkol dito “sa mga kongregasyon sa Galacia.” (1Co 16:1-3; 2Co 8:1-8; 9:1-5; tingnan ang study note sa 1Co 16:1, 3; 2Co 8:2.) Nang sumulat si Pablo sa mga Kristiyano sa Roma noong mga 56 C.E., halos tapos na ang paglikom ng abuloy. (Ro 15:25, 26) At di-nagtagal, natapos na rin ni Pablo ang atas niya, dahil noong nililitis siya sa Jerusalem, sinabi niya kay Gobernador Felix ng Roma: “Dumating ako para magdala ng mga kaloob udyok ng awa sa aking bansa.” (Gaw 24:17) Ang ganitong pag-ibig ng mga Kristiyano at pagsisikap na masapatan ang pangangailangan ng mga kapatid nila ay isa sa mga pagkakakilanlan ng unang-siglong Kristiyanismo.—Ju 13:35.

napakabukas-palad: O “nag-uumapaw sa pagkabukas-palad.” Gustong pasiglahin ni Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto na ipadala na ang tulong nila sa mga Kristiyano sa Judea na nangangailangan. Kaya binanggit niya ang napakagandang halimbawa ng “mga kongregasyon sa Macedonia,” gaya ng Filipos at Tesalonica, pagdating sa pagiging bukas-palad. (Ro 15:26; 2Co 8:1-4; 9:1-7; Fil 4:14-16) Talagang kahanga-hanga sila dahil masaya silang nagbigay kahit “napakahirap” nila at nagdurusa sila dahil sa matinding pagsubok. Posibleng inaakusahan ang mga Kristiyano sa Macedonia na sumusunod sa mga kaugaliang labag sa batas ng mga Romano, gaya ng nangyari noon kay Pablo sa Filipos. (Gaw 16:20, 21) May mga nagsasabi naman na ang pagsubok na tinutukoy dito ay may kaugnayan sa kahirapan nila. Ang mga pagsubok na ito ang posibleng dahilan kung bakit naiintindihan ng mga taga-Macedonia ang mga kapatid nila sa Judea, na kapareho nila ng pinagdaraanan. (Gaw 17:5-9; 1Te 2:14) Kaya gustong tumulong ng mga Kristiyano sa Macedonia, at masaya nilang ibinigay ang “higit pa nga sa kaya nilang ibigay.”—2Co 8:3.

isusugo ko ang mga lalaking inaprobahan . . . para magdala sa Jerusalem ng inyong kusang-loob na abuloy: Noong mga 55 C.E., naghirap nang husto ang mga Kristiyano sa Judea, kaya pinangasiwaan ni Pablo ang paglikom ng pondo mula sa mga kongregasyon sa Galacia, Macedonia, at Acaya. (1Co 16:1, 2; 2Co 8:1, 4; 9:1, 2) Noong dadalhin na ni Pablo sa Jerusalem ang abuloy noong 56 C.E., sinamahan siya ng ilang lalaki. Sa mahabang paglalakbay na iyon, dala nila ang perang ipinagkatiwala sa kanila ng maraming kongregasyon; posibleng bawat isa sa mga kongregasyong ito ay nagsugo ng mga lalaki para samahan si Pablo. (Gaw 20:3, 4; Ro 15:25, 26) Posibleng marami ang pinasama kay Pablo dahil may mga magnanakaw sa dadaanan niya. (2Co 11:26) Dahil inaprobahan ang mga lalaking kasama ni Pablo na magdadala ng pera, walang dapat alalahanin ang mga nag-abuloy. Makakatiyak sila na gagamitin sa tamang paraan ang perang iyon.—2Co 8:20.

paglikom: Ang salitang Griego na lo·giʹa, na isinaling “paglikom,” ay dalawang beses lang lumitaw sa Bibliya, sa 1Co 16:1, 2. Batay sa konteksto at sa salitang ginamit ni Pablo, lumilitaw na tumutukoy ito sa pera, hindi sa pagkain o damit. Sa orihinal na tekstong Griego, gumamit ng tiyak na pantukoy para sa “paglikom,” na nagpapakitang isa itong espesyal na donasyon at alam na ng mga taga-Corinto ang tinutukoy ni Pablo. Lumilitaw na ginawa ang paglikom para sa mga Kristiyano noon sa Judea na hiráp sa buhay.—1Co 16:3; Gal 2:10.

Cefas: Isa sa mga pangalan ng apostol na si Simon Pedro. Noong unang makita ni Jesus si Simon, ibinigay niya sa kaniya ang Semitikong pangalan na Cefas (sa Griego, Ke·phasʹ). Posibleng kaugnay ito ng Hebreong pangngalan na ke·phimʹ (malalaking bato) na ginamit sa Job 30:6 at Jer 4:29. Sa Ju 1:42, ipinaliwanag ni Juan na ang pangalang ito ay “isinasaling ‘Pedro’” (Peʹtros, isang pangalang Griego na nangangahulugan ding “Isang Piraso ng Bato”). Ang pangalang Cefas ay ginamit lang sa Ju 1:42 at sa dalawang liham ni Pablo, ang 1 Corinto at Galacia.—1Co 1:12; 3:22; 9:5; 15:5; Gal 1:18; 2:9, 11, 14; tingnan ang study note sa Mat 10:2; Ju 1:42.

Cefas: Isa sa mga pangalan ni apostol Pedro.—Tingnan ang study note sa 1Co 1:12.

sinaway: O “kinompronta.” Nang mapansin ni Pablo na ayaw makihalubilo ni apostol Pedro sa di-Judiong mga kapatid dahil sa takot sa tao, “sinaway” niya ito sa harap ng lahat. Ang salitang Griego na isinalin ditong “sinaway” ay literal na nangangahulugang “tumayo laban.”—Gal 2:11-14.

Santiago: Malamang na ang kapatid ni Jesus sa ina at ang Santiago na binabanggit sa Gaw 12:17. (Tingnan ang study note sa Mat 13:55; Gaw 12:17.) Lumilitaw na nang iharap “sa mga apostol at matatandang lalaki” ang isyu tungkol sa pagtutuli, si Santiago ang nanguna sa pag-uusap na iyon. (Gaw 15:1, 2) Malamang na ang pangyayaring iyon ang nasa isip ni Pablo nang banggitin niya na sina Santiago, Cefas (Pedro), at Juan ang “kinikilalang mga haligi” ng kongregasyon sa Jerusalem.—Gal 2:1-9.

mga susi ng Kaharian ng langit: Sa Bibliya, ang mga binigyan ng mga susi, literal man o makasagisag, ay pinagkatiwalaan ng awtoridad. (1Cr 9:26, 27; Isa 22:20-22) Kaya ang terminong “susi” ay naging sagisag ng awtoridad at responsibilidad. Ginamit ni Pedro ang “mga susi” na ipinagkatiwala sa kaniya para magkaroon ng pagkakataon ang mga Judio (Gaw 2:22-41), Samaritano (Gaw 8:14-17), at Gentil (Gaw 10:34-38) na tumanggap ng espiritu ng Diyos at makapasok sa Kaharian sa langit.

ipinagbabawal sa isang Judio: Itinuturo ng mga Judiong lider ng relihiyon noong panahon ni Pedro na ang sinumang pumapasok sa bahay ng isang Gentil ay nagiging marumi sa seremonyal na paraan. (Ju 18:28) Pero wala namang binabanggit sa Kautusang ibinigay sa pamamagitan ni Moises na bawal makipagsamahan sa mga Gentil. Isa pa, ang pader na naghihiwalay sa mga Judio at mga Gentil ay inalis nang ibigay ni Jesus ang buhay niya bilang pantubos at maitatag ang bagong tipan. Sa ganitong paraan, “pinag-isa niya ang dalawang grupo.” (Efe 2:11-16) Pero kahit noong pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., hindi pa rin naintindihan ng mga alagad ang kahulugan ng ginawa ni Jesus. Sa katunayan, maraming taon pa ang lumipas bago naalis ng mga Judiong Kristiyano ang kaugaliang nakaugat sa kultura nila at itinuro ng mga dati nilang lider ng relihiyon.

kumakain siyang kasama ng mga tao ng ibang mga bansa: Ang pagkaing kasama ng iba ay nagpapahiwatig ng malapít na samahan at kadalasan nang may kasama itong panalangin, kaya hindi talaga nakasanayan ng mga Judio na kumaing kasama ng mga Gentil. Sa katunayan, pinagbawalan ang mga Israelita na makihalubilo sa ibang mga bansa na nanatili sa Lupang Pangako o banggitin man lang ang diyos ng mga ito. (Jos 23:6, 7) Pagdating ng unang siglo C.E., gumawa ng karagdagang mga restriksiyon ang mga Judiong lider ng relihiyon; itinuturo nila na nagpaparumi sa seremonyal na paraan ang pagpasok sa bahay ng isang Gentil.—Ju 18:28.

itinigil niya ito at iniwasan ang mga taong iyon: Noong 36 C.E., ginamit ni Pedro, isang Judiong Kristiyano, ang ikatlong “susi ng Kaharian” para buksan ang pagkakataon kay Cornelio at sa sambahayan niya na maging unang mga Kristiyano na hindi Judio o Judiong proselita. (Tingnan ang study note sa Mat 16:19.) Ilang araw na nanatili sa Pedro sa bahay nina Cornelio, at siguradong maraming beses siyang kumaing kasama ng mga Gentil na ito. (Gaw 10:48; 11:1-17) Ipinagpatuloy niya ang pagkaing kasama ng mga Kristiyanong Gentil, at tama iyon. Pero pagkalipas ng mga 13 taon, habang nasa Antioquia ng Sirya si Pedro, bigla na lang niya itong “itinigil.” Natatakot kasi siya sa magiging reaksiyon ng ilang Judiong Kristiyano na galing sa Jerusalem. Ang mga lalaking ito ay isinugo ni Santiago, kaya lumilitaw na nakasama nila si Santiago sa Jerusalem. (Tingnan ang study note sa Gaw 15:13.) Hindi pa natatanggap ng mga lalaking ito ang pagbabago, at ipinipilit pa rin nila ang mahigpit na pagsunod sa Kautusang Mosaiko at sa ilang kaugaliang Judio. (Tingnan ang study note sa Gaw 10:28.) Dahil sa ginawang iyon ni Pedro, puwedeng mabale-wala ang desisyong kagagawa pa lang ng lupong tagapamahala nang taon ding iyon, mga 49 C.E. Pinagtibay ng desisyong iyon na hindi kailangan ng mga Kristiyanong Gentil na sumunod sa Kautusang Mosaiko. (Gaw 15:23-29) Iniulat dito ni Pablo ang nangyari sa Antioquia, hindi para ipahiya sa Pedro, kundi para ituwid ang maling pananaw ng mga taga-Galacia.

mga tagasuporta ng pagtutuli: Tumutukoy sa ilang tuling Judiong Kristiyano na nagmula sa kongregasyon sa Jerusalem. Sa ibang paglitaw ng ekspresyong Griego na ito, isinalin itong “mga tagapagtaguyod ng pagtutuli,” “mga tuli,” at “mga nanghahawakan sa pagtutuli.”—Gaw 11:2; Col 4:11; Tit 1:10.

Ginaya . . . ang pagkukunwari niya . . . magkunwari: Dalawang magkaugnay na ekspresyong Griego ang lumitaw dito, isang pandiwa (sy·ny·po·kriʹno·mai) at isang pangngalan (hy·poʹkri·sis). Noong una, parehong tumutukoy ang mga ito sa mga Griegong artista sa entablado na nakamaskara habang ginagampanan ang papel nila. Ang Griegong pangngalan na ginamit dito ay anim na beses na lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan at kadalasan nang isinasaling “pagkukunwari.” (Mat 23:28; Mar 12:15; Luc 12:1; 1Ti 4:2; 1Pe 2:1; para sa kaugnay na salitang “mapagkunwari,” tingnan ang study note sa Mat 6:2; Luc 6:42.) Ayon sa ilang diksyunaryo, ang pandiwang Griego na ginamit dito ay makasagisag, kaya isinalin itong “ginaya . . . ang pagkukunwari.”

Mapagpanggap!: O “Mapagkunwari!” Ang salitang Griego na hy·po·kri·tesʹ ay tumutukoy noong una sa mga Griego (at pagkatapos ay sa mga Romano) na umaarte sa entablado at nakasuot ng malalaking maskara para hindi sila makilala at lumakas ang boses nila. Nang maglaon, ginamit ang terminong ito para tumukoy sa sinumang nagpapanggap at nagtatago ng totoo niyang motibo o personalidad. Sa Mat 6:5, 16, tinawag ni Jesus na “mapagkunwari” ang mga Judiong lider ng relihiyon. Dito naman sa Luc 6:42, ipinatungkol ni Jesus ang terminong ito sa sinumang alagad na nakapokus sa pagkakamali ng iba pero binabale-wala ang sarili niyang pagkakamali.

mapagkunwari: O “mapagpaimbabaw.” Ang salitang Griego na hy·po·kri·tesʹ ay tumutukoy noong una sa mga Griego (at pagkatapos ay sa mga Romano) na umaarte sa entablado at nakasuot ng malalaking maskara na pampalakas ng boses. Nang maglaon, ginamit ang terminong ito para tumukoy sa sinumang nagpapanggap at nagtatago ng totoo niyang motibo o personalidad. Dito, tinawag ni Jesus na “mapagkunwari” ang mga Judiong lider ng relihiyon.—Mat 6:5, 16.

Cefas: Isa sa mga pangalan ni apostol Pedro.—Tingnan ang study note sa 1Co 1:12.

Cefas: Isa sa mga pangalan ng apostol na si Simon Pedro. Noong unang makita ni Jesus si Simon, ibinigay niya sa kaniya ang Semitikong pangalan na Cefas (sa Griego, Ke·phasʹ). Posibleng kaugnay ito ng Hebreong pangngalan na ke·phimʹ (malalaking bato) na ginamit sa Job 30:6 at Jer 4:29. Sa Ju 1:42, ipinaliwanag ni Juan na ang pangalang ito ay “isinasaling ‘Pedro’” (Peʹtros, isang pangalang Griego na nangangahulugan ding “Isang Piraso ng Bato”). Ang pangalang Cefas ay ginamit lang sa Ju 1:42 at sa dalawang liham ni Pablo, ang 1 Corinto at Galacia.—1Co 1:12; 3:22; 9:5; 15:5; Gal 1:18; 2:9, 11, 14; tingnan ang study note sa Mat 10:2; Ju 1:42.

ipinahahayag na matuwid: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pandiwang di·kai·oʹo at ang kaugnay nitong mga pangngalang di·kaiʹo·ma at di·kaiʹo·sis, na karaniwang isinasaling “ipagtanggol” o “pagtatanggol,” ay pangunahin nang nangangahulugang napawalang-sala ang isa kaya siya ay ipinahahayag at itinuturing nang matuwid. (Tingnan ang study note sa Ro 3:24.) Ang ilan sa mga kongregasyon sa Galacia ay naiimpluwensiyahan ng mga tagapagtaguyod ng Judaismo, na nagsisikap na patunayan ang kanilang pagiging matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan ni Moises. (Gal 5:4; tingnan ang study note sa Gal 1:6.) Pero idiniin ni Pablo na sa pamamagitan lang ng pananampalataya kay Jesu-Kristo puwedeng magkaroon ng matuwid na katayuan ang isa sa harap ng Diyos. Isinakripisyo ni Jesus ang perpekto niyang buhay, at dahil diyan, maipapahayag ng Diyos na matuwid ang lahat ng mananampalataya kay Kristo.—Ro 3:19-24; 10:3, 4; Gal 3:10-12, 24.

ngayon pa lang ay tumatalikod na kayo: Binanggit dito ni Pablo ang isang mahalagang dahilan kung bakit niya isinulat ang liham na ito. Kahit hindi pa natatagalan mula nang bumisita si Pablo sa rehiyon, may ilan na sa mga kongregasyon sa Galacia na tumalikod sa mga katotohanang pinaniniwalaan ng mga Kristiyano. Sa liham na ito, kasama sa mga sinabi ni Pablo na ‘nanlilinlang’ sa kanila (Gal 3:1) ang “nagkukunwaring mga kapatid na pumasok nang tahimik” sa mga kongregasyon. (Tingnan ang study note sa Gal 2:4; 3:1.) Ang ilan sa mga ito ay ang mga nagtataguyod ng Judaismo; ipinipilit nila na dapat pa ring sundin ng mga Kristiyano ang Kautusang Mosaiko. (Tingnan ang study note sa Gal 1:13.) Hindi pa rin sila nanahimik kahit na sinabi na ng mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem na hindi obligado ang mga Gentil na sumunod sa Kautusang Mosaiko. (Gaw 15:1, 2, 23-29; Gal 5:2-4) Ipinahiwatig ni Pablo na natatakot sila sa pag-uusig ng mga Judio at ayaw nilang magalit sa kanila ang mga ito. (Gal 6:12, 13) Posible ring pinaparatangan si Pablo ng nagkukunwaring mga kapatid na ito na hindi siya totoong apostol, at gusto nilang ilayo sa kaniya ang mga kongregasyon. (Gal 1:11, 12; 4:17) Posibleng may ilan sa mga taga-Galacia na imoral, mahilig makipag-away, at mapagmataas. Sa dulong bahagi ng liham ni Pablo, sinabi niya na ang makalamang mga gawaing ito ay maglalayo sa kanila sa Diyos.—Gal 5:13–6:10.

ipinahayag . . . silang matuwid: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pandiwang Griego na di·kai·oʹo at ang kaugnay na mga pangngalang di·kaiʹo·ma at di·kaiʹo·sis, na karaniwang isinasaling “ipagtanggol” o “pagtatanggol,” ay pangunahin nang nangangahulugang napawalang-sala ang isa kaya siya ay ipinahahayag at itinuturing nang matuwid. Halimbawa, isinulat ni apostol Pablo na ang taong namatay ay “napawalang-sala [isang anyo ng di·kai·oʹo] na,” dahil ang kabayaran sa kasalanan ay kamatayan. (Ro 6:7, 23) Pero bukod dito, may iba pang gamit sa Kasulatan ang mga salitang Griegong ito. Ang mga ito ay puwedeng mangahulugan na itinuturing ng Diyos na walang-sala ang di-perpektong mga tao na nananampalataya sa kaniya.​—Gaw 13:38, 39; Ro 8:33.

para maging hayag ang mga pagkakasala: Ipinakita ni Pablo na isa sa pangunahing mga dahilan kung bakit may Kautusang Mosaiko ay “para maging hayag ang mga pagkakasala,” o para ipakita na ang Israel at ang lahat ng tao ay di-perpekto at makasalanan sa harap ng Diyos. (Para sa paliwanag tungkol sa salitang Griego na isinaling “pagkakasala,” tingnan ang study note sa Ro 4:15.) Malinaw na sinasabi sa Kautusan kung ano ang kasalanan at ang lahat ng saklaw nito. Kaya masasabi ni Pablo na ‘dumami’ ang kasalanan dahil napakaraming gawain at saloobin ang tinukoy na kasalanan ng Kautusan. (Ro 5:20; 7:7-11; tingnan ang study note sa 1Co 15:56; ihambing ang Aw 40:12.) Nakikita ng mga nagsisikap sumunod sa Kautusan kung gaano karami ang kasalanan nila, kaya masasabing hinahatulan sila nito. Dahil regular silang naghahandog, lagi nilang naaalala na makasalanan sila. (Heb 10:1-4, 11) Ang lahat ay nangangailangan ng perpektong handog para lubusang mabayaran ang mga kasalanan nila.—Ro 10:4; tingnan ang study note sa supling sa talatang ito.

ang mismong mga bagay na ibinagsak ko: Dating masigasig na tagapagtaguyod ng Judaismo si Pablo, at naniniwala siya noon na magkakaroon siya ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos kung susunod siya sa Kautusang Mosaiko. (Tingnan ang study note sa Gal 1:13.) Pero makasagisag niyang ibinagsak ang paniniwalang iyon nang maging Kristiyano siya. (Gal 2:15, 16) Sinasabi ng mga kaaway niya na maliligtas lang ang mga Kristiyano kung mahigpit nilang susundin ang Kautusan. (Gal 1:9; 5:2-12) Ipinapaliwanag dito ni Pablo na kung muli siyang magpapasailalim—o ang iba pang Judiong Kristiyano—sa Kautusang Mosaiko, parang itinatayo niyang muli ang “mismong mga bagay na ibinagsak” na niya. Gagawin niya ulit na manlalabag-batas ang sarili niya at patuloy na mahahatulang makasalanan ng Kautusang ito.—Tingnan ang study note sa Gal 3:19.

Judaismo: Ito ang relihiyon ng maraming Judio noong panahon ni Pablo. Sa Gal 1:13, 14 lang lumitaw ang salitang ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sinasabi ng mga tagapagtaguyod nito na sinusunod nilang mabuti ang Hebreong Kasulatan, pero ang Judaismo noong unang siglo ay mas nakapokus sa “mga tradisyon ng mga ninuno” nila. (Tingnan ang study note sa Gal 1:14.) Binatikos ni Jesus ang mga tradisyong ito at ang mga taong nagwawalang-halaga sa Salita ng Diyos.—Mar 7:8, 13.

sa pamamagitan ng Kautusan, namatay ako may kinalaman sa Kautusan: Ang sinabi dito ni Pablo ay bahagi ng argumento niya na hindi siya magkakaroon ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos dahil sa “pagsunod sa kautusan.” (Gal 2:16) Nahatulan ng Kautusang Mosaiko si Pablo na makasalanang karapat-dapat sa kamatayan dahil hindi niya ito perpektong nasusunod. (Ro 7:7-11) Pero sinabi ni Pablo na “namatay [siya] may kinalaman sa Kautusan,” ibig sabihin, lumaya na siya mula sa Kautusan. Legal na natapos ang tipang Kautusan na iyon nang mamatay si Jesus sa pahirapang tulos. (Col 2:13, 14) Kaya nasabi ni Pablo sa liham niya sa mga Kristiyano sa Roma na sila rin ay “ginawang patay sa Kautusan sa pamamagitan ng katawan ng Kristo.” (Ro 7:4) Nang manampalataya ang mga Kristiyano sa hain ni Kristo, sila ay “namatay . . . may kinalaman sa Kautusan.” Dahil ang Kautusan ang umakay kay Pablo sa Kristo, masasabi ni Pablo na “sa pamamagitan ng Kautusan, namatay [siya] may kinalaman sa Kautusan.”—Tingnan ang study note sa Gal 3:24 at 3:25.

ngayong dumating na ang pananampalataya: Si Jesus lang ang tao na perpektong nakasunod sa Kautusan. Kaya masasabi ni Pablo na dumating na ang pananampalataya—ang perpektong pananampalataya. Dahil tinupad ni Jesus ang Kautusan, nabigyan niya ng pagkakataon ang mga tagasunod niya na magkaroon ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos na Jehova. Kaya tinatawag siyang “Tagapagpasakdal ng pananampalataya natin.” (Heb 12:2) Sinabi ni Kristo na makakasama siya ng mga alagad niya “sa lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistemang ito” (Mat 28:20), kaya hindi na nila kakailanganin ang tagapagbantay nila noon. (Tingnan ang study note sa Gal 3:24.) Ginamit ni Pablo ang pangangatuwirang iyan para ipakitang nawalan na ng bisa ang Kautusang Mosaiko nang dumating ang perpektong pananampalataya dahil kay Jesu-Kristo.

tagapagbantay natin na umaakay kay Kristo: Ang salitang Griego para sa “tagapagbantay” (pai·da·go·gosʹ) na ginamit ni Pablo sa ilustrasyong ito ay literal na nangangahulugang “lider ng bata” at puwede ring isaling “tagapagturo.” Ang salitang ito ay dito lang ginamit sa Gal 3:24, 25 at 1Co 4:15, kung saan inihalintulad ni Pablo sa ganitong mga tagapagbantay ang mga ministrong Kristiyano. (Tingnan ang study note sa 1Co 4:15.) Sa napakagandang paglalarawang ito, inihalintulad ni Pablo ang Kautusang Mosaiko sa isang tagapagbantay, o tagapagturo, na naghahatid sa inaalagaan niyang bata sa paaralan araw-araw. Ang tagapagbantay na ito ay hindi ang mismong guro; pero trabaho niyang protektahan ang bata, tulungan itong maabot ang mga pamantayang itinakda ng pamilya nito, at disiplinahin ito. Sa katulad na paraan, itinataguyod ng Kautusang Mosaiko ang mga pamantayan ng Diyos at tinutulungan nito ang mga Israelita na makitang makasalanan sila at hindi nila kayang sundin nang perpekto ang Kautusan. Naunawaan ng mga mapagpakumbabang nagpaakay sa “tagapagbantay” na ito na kailangan nila ang Mesiyas, o Kristo, ang tanging paraan ng Diyos para mailigtas sila.—Gaw 4:12.

sa pamamagitan ng Kautusan, namatay ako may kinalaman sa Kautusan: Ang sinabi dito ni Pablo ay bahagi ng argumento niya na hindi siya magkakaroon ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos dahil sa “pagsunod sa kautusan.” (Gal 2:16) Nahatulan ng Kautusang Mosaiko si Pablo na makasalanang karapat-dapat sa kamatayan dahil hindi niya ito perpektong nasusunod. (Ro 7:7-11) Pero sinabi ni Pablo na “namatay [siya] may kinalaman sa Kautusan,” ibig sabihin, lumaya na siya mula sa Kautusan. Legal na natapos ang tipang Kautusan na iyon nang mamatay si Jesus sa pahirapang tulos. (Col 2:13, 14) Kaya nasabi ni Pablo sa liham niya sa mga Kristiyano sa Roma na sila rin ay “ginawang patay sa Kautusan sa pamamagitan ng katawan ng Kristo.” (Ro 7:4) Nang manampalataya ang mga Kristiyano sa hain ni Kristo, sila ay “namatay . . . may kinalaman sa Kautusan.” Dahil ang Kautusan ang umakay kay Pablo sa Kristo, masasabi ni Pablo na “sa pamamagitan ng Kautusan, namatay [siya] may kinalaman sa Kautusan.”—Tingnan ang study note sa Gal 3:24 at 3:25.

nananampalataya sa kaniya: Lit., “naniniwala sa kaniya.” Ang pandiwang Griego na pi·steuʹo (kaugnay ng pangngalang piʹstis, na karaniwang isinasaling “pananampalataya”) ay pangunahin nang nangangahulugang “maniwala; magkaroon ng pananampalataya,” pero puwede itong magkaroon ng iba pang kahulugan depende sa konteksto at gramatika. Karaniwan na, ang kahulugan nito ay higit pa sa basta paniniwala o pagtanggap na umiiral ang isa. (San 2:19) May kasama itong pagtitiwala na makikita sa pagsunod. Sa Ju 3:16, ang pandiwang Griego na pi·steuʹo ay may kasamang pang-ukol na eis, “sa.” Sinabi ng isang iskolar tungkol sa pariralang Griego na ito: “Ang pananampalataya ay itinuturing na pagkilos, isang bagay na ginagawa ng mga tao, ang pagpapakita ng pananampalataya sa isa.” (An Introductory Grammar of New Testament Greek, ni Paul L. Kaufman, 1982, p. 46) Maliwanag na ang tinutukoy rito ni Jesus ay hindi lang iisang gawa ng pananampalataya, kundi ang pagsasabuhay nito. Sa Ju 3:36, ipinakita na ang kabaligtaran ng “nananampalataya sa Anak” ay “sumusuway sa Anak.” Kaya sa kontekstong iyon, ang “pananampalataya” ay hindi lang matibay na paniniwala; nakikita ito sa pagsunod.

nagpapakilos sa amin: Ang pandiwang Griego dito ay literal na nangangahulugang “hawakan” at puwedeng mangahulugang “patuloy na kontrolin ang isang tao o isang bagay; mag-udyok.” Hindi matatawaran ang pag-ibig na ipinakita ni Kristo nang ibigay niya ang buhay niya para sa atin, kaya habang lumalalim ang pagpapahalaga dito ng isang Kristiyano, nauudyukan din siyang kumilos. Sa ganitong paraan nakontrol si Pablo ng pag-ibig ni Kristo. Napakilos siya nitong talikuran ang makasariling mga hangarin niya at magpokus sa paglilingkod sa Diyos at sa kapuwa niya, sa loob man o labas ng kongregasyon.—Ihambing ang study note sa 1Co 9:16.

Ipinako ako sa tulos kasama ni Kristo: Ginamit sa mga Ebanghelyo ang pandiwang Griego na syn·stau·roʹo para sa mga literal na ipinako sa tulos katabi ni Jesus. (Mat 27:44; Mar 15:32; Ju 19:32; tingnan ang study note sa Ro 6:6.) Gaya ng iba pang Kristiyano, namuhay si Pablo ayon sa pananampalataya sa Anak ng Diyos. (Gal 3:13; Col 2:14) Dahil sa pananampalataya kay Kristo na pinatay, namumuhay ang isang Judiong Kristiyano bilang tagasunod ni Kristo, hindi ng Kautusan.—Ro 10:4; 2Co 5:15; tingnan ang study note sa Gal 2:19.

nagmahal sa akin at nagbigay ng sarili niya para sa akin: Ang paggamit dito ni Pablo ng panghalip na “akin” ay nagdiriin sa mga pagpapala ng kaloob ni Kristo sa bawat indibidwal na mananampalataya sa kaniya. (Tingnan ang study note sa Ju 3:16.) Tinatanggap ni Pablo ang dakilang pag-ibig ni Kristo para sa kaniya bilang indibidwal, kaya napapakilos siyang maging mapagmahal, magiliw, at bukas-palad. (Tingnan ang study note sa 2Co 5:14; ihambing ang 2Co 6:11-13; 12:15.) Pinapahalagahan niya na tinawag siya ni Jesus para maging alagad kahit na inuusig niya noon ang mga tagasunod ni Kristo. Naiintindihan ni Pablo na dahil sa pag-ibig, ibinigay ni Jesus ang buhay niya, hindi lang para sa matuwid na mga tao, kundi pati sa mga napapabigatan ng kasalanan. (Ihambing ang Mat 9:12, 13.) Kahit na idiniriin dito ni Pablo kung paano siya makikinabang sa sakripisyo ni Kristo bilang indibidwal, malinaw sa kaniya na napakaraming taong makikinabang sa pantubos.

ipinako sa tulos na kasama niya: Ginamit sa mga Ebanghelyo ang pandiwang Griego na syn·stau·roʹo para tumukoy sa mga literal na ipinako sa tulos katabi ni Jesus. (Mat 27:44; Mar 15:32; Ju 19:32) Maraming beses na binanggit ni Pablo sa mga liham niya ang pagpapako kay Jesus sa tulos (1Co 1:13, 23; 2:2; 2Co 13:4), pero dito, ginamit niya ang terminong ito sa makasagisag na diwa. Sinasabi niya rito na pinapatay, o pinapalitan, ng mga Kristiyano ang kanilang lumang personalidad sa pamamagitan ng pananampalataya sa pinatay na si Kristo. Ganito rin ang pagkakagamit ni Pablo sa terminong ito sa liham niya sa mga taga-Galacia. Sinabi niya: “Ipinako ako sa tulos kasama ni Kristo.”​—Gal 2:20.

walang kabuluhan ang pagkamatay ni Kristo: Idiniriin dito ni Pablo na kung maipahahayag na matuwid ang isang tao sa pamamagitan ng kautusan, o pagsunod sa Kautusang Mosaiko, hindi na kailangang mamatay ni Kristo. Sa talatang ito, ipinapaliwanag ni Pablo na kung sisikapin ng isa na magkaroon ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng mga gawa, para na rin niyang itinatakwil ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos.—Ro 11:5, 6; Gal 5:4.

Media

Antioquia ng Sirya—Sinaunang Sentro ng Kristiyanismo
Antioquia ng Sirya—Sinaunang Sentro ng Kristiyanismo

Ang Antioquia ng Sirya ang kabisera ng Romanong lalawigan ng Sirya. Isa ito sa tatlong pangunahing lunsod sa Imperyo ng Roma noong unang siglo, kasama ng Roma at Alejandria. Itinatag ang Antioquia sa silangang bahagi ng Ilog Orontes (1), at dati itong may sakop na isla (2). Makikita ang daungan ng Seleucia mga ilang milya sa ibaba ng lunsod na ito. Makikita sa Antioquia ang isa sa pinakamalaking karerahan ng kabayo at karwahe (3) noon. Kilalá ang Antioquia sa malapad na kalsada nito na may mga kolonada (4), na nilatagan ni Herodes na Dakila ng marmol. Nang maglaon, binubungan ni Tiberio Cesar ang mga kolonada nito at pinunô ang kalsada ng mga mosaic at estatuwa. Iba’t ibang lahi ang nakatira sa lunsod na ito, at may malaking komunidad dito ng mga Judio (5). Mula sa grupong ito, marami ang naging Kristiyano. Sa Antioquia unang tinawag na Kristiyano ang mga alagad ni Jesus. (Gaw 11:26) Sa paglipas ng panahon, marami ring Gentil ang naging mánanampalatayá. Noong mga 49 C.E., nagkaroon ng isyu sa pagtutuli, kaya ipinadala ang isang grupo ng mga kapatid, kasama sina Pablo at Bernabe, sa lupong tagapamahala sa Jerusalem para humingi ng tagubilin. (Gaw 15:1, 2, 30) Ang Antioquia ang naging tirahan ni apostol Pablo sa lahat ng tatlong paglalakbay niya bilang misyonero. (Gaw 13:1-3; 15:35, 40, 41; 18:22, 23) Makikita sa mapang ito ang posibleng hitsura ng mga pader ng lunsod sa paglipas ng maraming siglo.