Ayon kay Mateo 5:1-48

5  Nang makita niya ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok; at pagkaupo niya, lumapit sa kaniya ang mga alagad niya.  At nagsimula siyang magturo sa kanila. Sinabi niya:  “Maligaya ang mga nakauunawa na kailangan nila ang Diyos,+ dahil mapapasakanila ang Kaharian ng langit.  “Maligaya ang mga nagdadalamhati, dahil aaliwin sila.+  “Maligaya ang mga mahinahon,+ dahil mamanahin nila ang lupa.+  “Maligaya ang mga nagugutom at nauuhaw+ sa katuwiran,* dahil bubusugin sila.+  “Maligaya ang mga maawain,+ dahil pagpapakitaan sila ng awa.  “Maligaya ang mga malinis ang puso,+ dahil makikita nila ang Diyos.+  “Maligaya ang mga mapagpayapa,+ dahil tatawagin silang mga anak ng Diyos. 10  “Maligaya ang mga pinag-uusig sa paggawa ng tama,+ dahil mapapasakanila ang Kaharian ng langit.+ 11  “Maligaya kayo kapag nilalait* kayo ng mga tao,+ inuusig,+ at pinaparatangan ng kung ano-anong masasamang* bagay dahil sa akin.+ 12  Matuwa kayo at mag-umapaw sa saya,+ dahil malaki ang gantimpala+ ninyo sa langit; inusig din nila sa gayong paraan ang mga propeta noon.+ 13  “Kayo ang asin+ ng mundo; pero kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa ito mapaaalat muli? Wala na itong silbi; itatapon na lang ito sa labas+ at tatapakan ng mga tao. 14  “Kayo ang liwanag ng sangkatauhan.*+ Ang isang lunsod na nasa bundok ay kitang-kita. 15  Kapag ang mga tao ay nagsisindi ng lampara, hindi nila iyon tinatakpan ng basket, kundi inilalagay sa patungan ng lampara, at nagbibigay ito ng liwanag sa lahat ng nasa bahay.+ 16  Pasikatin din ninyo ang inyong liwanag sa mga tao,+ para makita nila ang mabubuting ginagawa ninyo+ at purihin ang inyong Ama na nasa langit.+ 17  “Huwag ninyong isipin na dumating ako para sabihing walang saysay* ang Kautusan o ang mga Propeta. Dumating ako, hindi para sabihing wala itong saysay, kundi para tuparin ito.+ 18  Tinitiyak ko sa inyo, mawala man ang langit at lupa, hindi mawawala ang pinakamaliit na letra o kudlit mula sa Kautusan nang hindi natutupad ang lahat ng nakasulat dito.+ 19  Kaya ang sinumang lumalabag sa isa sa mga utos nito, na itinuturing ng mga tao na di-gaanong mahalaga, at nagtuturo sa iba na lumabag din ay tatawaging pinakamababa may kaugnayan sa* Kaharian ng langit. Pero ang sinumang sumusunod sa mga ito at nagtuturo nito ay tatawaging pinakadakila may kaugnayan sa* Kaharian ng langit. 20  Sinasabi ko sa inyo na kung ang matuwid na mga gawa ninyo ay katulad lang ng sa mga eskriba at mga Pariseo,+ hinding-hindi kayo makakapasok sa Kaharian ng langit.+ 21  “Alam ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: ‘Huwag kang papatay;+ dahil ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.’+ 22  Pero sinasabi ko sa inyo na sinumang patuloy na napopoot+ sa kapatid niya ay mananagot sa hukuman; at sinumang nagsasabi ng matinding pang-iinsulto sa kaniyang kapatid ay magsusulit sa Kataas-taasang Hukuman; samantalang ang sinumang nagsasabi, ‘Mangmang ka at walang-kuwentang tao!’ ay nanganganib na mapunta sa maapoy na Gehenna.+ 23  “Kaya kapag nagdadala ka ng iyong handog sa altar+ at naalaala mo roon na ang kapatid mo ay may reklamo sa iyo, 24  iwan mo sa harap ng altar ang handog mo, at puntahan mo ang iyong kapatid. Makipagkasundo ka muna sa kaniya, at saka ka bumalik para ialay ang handog mo.+ 25  “Makipag-ayos ka kaagad sa isa na may reklamo laban sa iyo habang papunta kayo sa hukuman. Kung hindi, baka ipaubaya ka niya sa hukom, at ipakulong ka nito sa guwardiya.+ 26  Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makalalaya hanggang sa mabayaran mo ang kahuli-hulihang sentimo na dapat mong bayaran. 27  “Alam ninyo na sinabi noon: ‘Huwag kang mangangalunya.’+ 28  Pero sinasabi ko sa inyo na ang sinumang patuloy na tumitingin sa isang babae+ nang may pagnanasa ay nagkakasala na ng pangangalunya sa puso niya.+ 29  Kaya kung nagkakasala ka dahil sa kanang mata mo, dukitin mo ito at itapon.+ Dahil mas mabuti pang mawala ang isang parte ng katawan mo kaysa ihagis ang buong katawan mo sa Gehenna.+ 30  Gayundin, kung nagkakasala ka dahil sa kanang kamay mo, putulin mo ito at itapon.+ Dahil mas mabuti pang mawala ang isang parte ng katawan mo kaysa mapunta ang buong katawan mo sa Gehenna.+ 31  “Sinabi rin noon: ‘Sinumang nakikipagdiborsiyo sa kaniyang asawang babae ay dapat magbigay rito ng kasulatan ng diborsiyo.’+ 32  Pero sinasabi ko sa inyo na kapag diniborsiyo ng isa ang kaniyang asawang babae, malibang dahil sa seksuwal na imoralidad, inilalagay niya ito sa panganib na mangalunya, at sinumang mag-asawa ng babaeng diniborsiyo ay nangangalunya.+ 33  “Alam din ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: ‘Huwag kang susumpa nang hindi mo gagawin,+ kundi tuparin mo ang iyong mga panata kay Jehova.’+ 34  Pero sinasabi ko sa inyo: Huwag ka nang sumumpa,+ sa ngalan man ng langit, dahil iyon ang trono ng Diyos; 35  o ng lupa, dahil ito ang tuntungan ng kaniyang mga paa;+ o ng Jerusalem, dahil iyon ang lunsod ng dakilang Hari.+ 36  Huwag mong ipanumpa ang iyong ulo, dahil kahit isang buhok sa iyong ulo ay hindi mo kayang paputiin o paitimin. 37  Pero tiyakin ninyo na ang inyong ‘Oo’ ay oo at ang inyong ‘Hindi’ ay hindi,+ dahil ang pagiging di-tapat sa sinasabi ay katangian ng masama.*+ 38  “Alam ninyo na sinabi noon: ‘Mata para sa mata at ngipin para sa ngipin.’+ 39  Pero sinasabi ko sa inyo: Huwag kang lumaban sa masamang tao, kundi sa sinumang sumampal sa kanang pisngi mo, iharap mo rin ang kabila.+ 40  At kung gusto ng isang tao na dalhin ka sa hukuman at kunin ang damit mo, hayaan mong kunin na rin niya ang balabal mo;+ 41  at kung utusan ka ng isang nasa awtoridad na sumama sa kaniya nang isang milya para paglingkuran siya, sumama ka sa kaniya nang dalawang milya. 42  Magbigay ka sa humihingi sa iyo, at huwag mong talikuran ang nanghihiram sa iyo.+ 43  “Alam ninyo na sinabi noon: ‘Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa+ at kapootan ang iyong kaaway.’ 44  Pero sinasabi ko sa inyo: Patuloy na mahalin ang inyong mga kaaway+ at ipanalangin ang mga umuusig sa inyo,+ 45  para mapatunayan ninyong mga anak kayo ng inyong Ama na nasa langit,+ dahil pinasisikat niya ang kaniyang araw sa masasama at sa mabubuti at nagpapaulan siya sa mga taong matuwid at di-matuwid.+ 46  Dahil kung minamahal ninyo ang mga nagmamahal sa inyo, bakit kayo gagantimpalaan?+ Hindi ba ginagawa rin iyan ng mga maniningil ng buwis? 47  At kung ang mga kapatid lang ninyo ang binabati ninyo, ano ang kahanga-hanga roon? Hindi ba ginagawa rin iyon ng mga tao ng ibang mga bansa? 48  Kaya dapat kayong maging perpekto, kung paanong ang Ama ninyo sa langit ay perpekto.+

Talababa

Tingnan sa Glosari.
O “iniinsulto.”
O “ng bawat uri ng masamang.”
O “sanlibutan.”
Lit., “para sirain.”
O “ay may pinakamaliit na pag-asang mapili para sa.”
O “ay may malaking pag-asang mapili para sa.”
O “ay katangian ng Diyablo.” O posibleng “ay mula sa isang bagay na masama.”

Study Notes

sa bundok: Lumilitaw na malapit sa Capernaum at sa Lawa ng Galilea. Posibleng pumuwesto si Jesus sa isang mas mataas na lugar sa bundok at saka siya nagturo sa mga taong nagkakatipon sa patag na lugar.—Luc 6:17, 20.

pagkaupo niya: Kaugalian ito ng mga gurong Judio, lalo na kapag nagtuturo sa sinagoga.

mga alagad niya: Ang unang paglitaw ng salitang Griego na ma·the·tesʹ, na isinasaling “alagad.” Tumutukoy ito sa isang estudyante at nagpapahiwatig ng malapít na kaugnayan sa kaniyang guro, na may malaking impluwensiya sa buhay niya. Kahit may malaking grupo na nagkakatipon para makinig kay Jesus, lumilitaw na ang pangunahin niyang kinakausap ay ang mga alagad niya, na nakaupo pinakamalapit sa kaniya.—Mat 7:28, 29; Luc 6:20.

nagsimula siyang magturo: Lit., “ibinuka niya ang kaniyang bibig at nagsimulang magturo.” Ang pariralang “ibinuka niya ang kaniyang bibig” ay idyomang Semitiko na nangangahulugang nagsimula siyang magsalita. (Job 33:2; Dan 10:16) Sa Gaw 8:35 at 10:34, ang ekspresyong Griegong iyon ay isinaling ‘pinasimulan na ihayag’ at “nagsimulang magsalita.”

kayong mahihirap: Ang ekspresyong Griego na isinaling “mahihirap” ay nangangahulugang “kapos; naghihikahos; pulubi.” Ang ulat ni Lucas tungkol sa unang kaligayahan na binanggit ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok ay may kaunting kaibahan sa Mat 5:3. Ginamit din ni Mateo ang salitang Griego para sa “mahihirap,” pero idinagdag niya ang salita para sa “espiritu,” kaya ang buong ekspresyon ay puwedeng literal na isaling “mahihirap (pulubi) sa espiritu.” (Tingnan ang study note sa Mat 5:3; Luc 16:20.) Ang pariralang ito ay nangangahulugang alam na alam ng isang tao na dukha siya sa espirituwal at kailangan niya ang Diyos. Sa ulat ni Lucas, ang tinutukoy lang niya ay ang mahihirap, na tumutugma naman sa ulat ni Mateo, dahil ang mahihirap at naaapi ay kadalasan nang mas nakakaunawa na may espirituwal na pangangailangan sila at alam na alam nilang kailangan nila ang Diyos. Sa katunayan, sinabi ni Jesus na ang isang mahalagang dahilan ng pagdating niya bilang Mesiyas ay ang “maghayag ng mabuting balita sa mahihirap.” (Luc 4:18) Ang mga sumunod kay Jesus at nabigyan ng pag-asang makinabang sa mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos ay kadalasan nang mahirap at pangkaraniwan. (1Co 1:26-29; San 2:5) Pero nilinaw sa ulat ni Mateo na hindi awtomatikong tatanggap ng pabor ng Diyos ang isang tao dahil lang sa mahirap siya. Kaya ang panimulang pananalita nina Mateo at Lucas sa pag-uulat ng Sermon sa Bundok ay sumusuporta sa isa’t isa.

Maligaya: Ang salitang Griego dito na ma·kaʹri·os ay hindi lang tumutukoy sa saya na nadarama ng isang tao dahil nalilibang siya. Sa halip, kapag iniuugnay sa tao, tumutukoy ito sa kalagayan ng isa na pinagpapala at kinalulugdan ng Diyos. Ginamit din ang terminong ito para ilarawan ang Diyos at si Jesus sa kaniyang maluwalhating kalagayan sa langit.—1Ti 1:11; 6:15.

mga nakauunawa na kailangan nila ang Diyos: O “mga palaisip sa espirituwal na pangangailangan nila.” Lit., “mga namamalimos ng espiritu.” Ang ekspresyong Griego na ginamit dito ay tumutukoy sa mga taong may pangangailangan at alam na alam ito. Ito rin ang salitang ginamit sa Luc 16:20, 22 para tumukoy sa “pulubi” na si Lazaro. Ang pariralang Griego na isinasaling “dukha sa espiritu” sa ilang salin ay nangangahulugang alam na alam ng mga taong ito na dukha sila sa espirituwal at kailangan nila ang Diyos.—Tingnan ang study note sa Luc 6:20.

mapapasakanila: Tumutukoy sa mga tagasunod ni Jesus, dahil sila ang pangunahing kinakausap niya.—Mat 5:1, 2.

nagdadalamhati: Ang terminong Griego para dito (pen·theʹo) ay tumutukoy sa matinding pagdadalamhati sa anumang kadahilanan o sa panlulumo dahil sa nagawang kasalanan. Sa kontekstong ito, “ang mga nagdadalamhati” ay ang tinutukoy din sa Mat 5:3 na “nakauunawa na kailangan nila ang Diyos.” Posibleng ipinagdadalamhati nila ang kanilang pagiging dukha sa espirituwal, ang pagiging makasalanan, o ang napakahirap na mga kalagayan na resulta ng kasalanan ng tao. Ginamit ni Pablo ang salitang ito para pagsabihan ang kongregasyon sa Corinto dahil hindi nila ipinagdalamhati ang nakapandidiring seksuwal na imoralidad na nangyari sa gitna nila. (1Co 5:2) Sa 2Co 12:21, sinabi ni Pablo na natatakot siya dahil baka ‘kailanganin niyang magdalamhati’ para sa mga nasa kongregasyon sa Corinto na nagkasala pero hindi nagsisisi. Sinabi rin ng alagad na si Santiago: “Linisin ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan, at linisin ninyo ang puso ninyo, kayong mga hindi makapagpasiya. Hayaan ninyong malungkot kayo, magdalamhati, at humagulgol.” (San 4:8-10) Ang mga tunay na nalulungkot dahil sa kanilang pagiging makasalanan ay maaaliw kapag nalaman nilang puwedeng mapatawad ang kanilang kasalanan kung mananampalataya sila sa haing pantubos ni Kristo at ipapakita nila ang tunay na pagsisisi sa pamamagitan ng paggawa ng kalooban ni Jehova.—Ju 3:16; 2Co 7:9, 10.

manahin: Ang pangunahing kahulugan ng pandiwang Griego ay ang pagtanggap ng mana dahil sa karapatan, kadalasan na dahil sa ugnayan ng tagapagmana sa nagpapamana, gaya ng isang anak na tumanggap ng mana mula sa kaniyang ama. (Gal 4:30) Pero dito, gaya ng karaniwang paggamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, mas malawak ang kahulugan ng termino, at tumutukoy ito sa pagtanggap ng isang bagay bilang gantimpala mula sa Diyos.—Mat 19:29; 1Co 6:9.

mahinahon: Ang panloob na katangian ng mga buong pusong nagpapasakop sa kalooban at patnubay ng Diyos at hindi dominante. Ang terminong Griego ay hindi nangangahulugan ng pagiging duwag o mahina. Sa Septuagint, ang salitang ito ang ginamit na panumbas para sa salitang Hebreo na puwedeng isaling “maamo” o “mapagpakumbaba.” Ginamit ito para ilarawan si Moises (Bil 12:3), ang mga handang magpaturo (Aw 25:9), ang mga magmamay-ari ng lupa (Aw 37:11), at ang Mesiyas (Zac 9:9; Mat 21:5). Inilarawan ni Jesus ang sarili niya na mahinahon, o maamo.—Mat 11:29.

mamanahin nila ang lupa: Malamang na nasa isip ni Jesus ang Aw 37:11 na nagsasabing “ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa.” Ang salitang Hebreo (ʼeʹrets) at Griego (ge) para sa “lupa” ay puwedeng tumukoy sa buong planeta o sa isang espesipikong lupain, gaya ng Lupang Pangako. Ipinapakita ng Kasulatan na si Jesus ang pinakamahusay na halimbawa sa kahinahunan. (Mat 11:29) Ipinapakita ng iba’t ibang teksto sa Bibliya na bilang Hari, mamanahin niya ang awtoridad na mamahala sa buong lupa, hindi lang sa isang bahagi nito (Aw 2:8; Apo 11:15), at makikibahagi sa mana niya ang kaniyang pinahirang mga tagasunod (Apo 5:10). Ang mga mahinahong alagad naman niya na magiging sakop niya sa lupa ay ‘magmamana,’ hindi ng mismong lupa, kundi ng pribilehiyong mabuhay sa Paraiso, ang makalupang sakop ng Kaharian.—Tingnan ang study note sa Mat 25:34.

mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran: Sila ang mga nananabik na mawala ang kasamaan at kawalang-katarungan at mapalitan ito ng pamantayan ng Diyos ng tama at mali; nagsisikap silang sumunod sa pamantayang iyon.

maawain: Ang mga terminong “maawain” at “awa” sa Bibliya ay hindi lang tumutukoy sa pagpapatawad o pagbibigay ng mas magaan na parusa. Mas madalas itong tumukoy sa pagkahabag ng isang tao na nagpapakilos sa kaniya na tumulong sa mga nangangailangan.

malinis ang puso: Panloob na kalinisan, na tumutukoy sa kalinisan sa moral at espirituwal. Kasama rito ang dalisay na pagmamahal, hangarin, at motibo.

makikita nila ang Diyos: Hindi literal ang kahulugan, dahil “walang tao ang makakakita sa [Diyos] at mabubuhay pa.” (Exo 33:20) Ang salitang Griego para sa “makikita” ay puwedeng mangahulugang “makikita sa pamamagitan ng isip, mauunawaan, makikilala.” Kaya masasabing ‘nakikita’ si Jehova ng mga mananamba niya sa lupa kung nauunawaan nila ang kaniyang personalidad sa pamamagitan ng pag-aaral ng kaniyang Salita at pagbibigay-pansin sa mga ginagawa niya para sa kanila. (Efe 1:18; Heb 11:27) Kapag binuhay-muli bilang espiritu ang mga pinahirang Kristiyano, makikita nila “kung ano talaga” si Jehova.—1Ju 3:2.

mapagpayapa: Ang salitang Griego na ei·re·no·poi·osʹ, na galing sa pandiwa na nangangahulugang “makipagpayapaan,” ay tumutukoy hindi lang sa mga nagpapanatili ng kapayapaan, kundi sa mga nagdadala nito kung saan kailangan.

asin: Isang mineral na ginagamit na preserbatibo at pampalasa ng pagkain. Sa kontekstong ito, malamang na idiniriin ni Jesus ang pagiging preserbatibo ng asin; ang mga alagad niya ay makakatulong sa iba na maiwasan ang pagkabulok sa espirituwal at moral.

mawalan ng lasa: Noong panahon ni Jesus, karaniwan nang nakukuha ang asin sa may Dagat na Patay at nahahaluan ito ng ibang mineral. Kapag nakuha na ang maalat na parte sa magkakahalong mineral na ito, ang maiiwan ay wala nang lasa at silbi.

isang lunsod na nasa bundok: Walang partikular na lunsod na tinutukoy si Jesus. Noong panahon niya, maraming lunsod ang nasa mga bundok, kaya naman kadalasan na, hindi madaling masalakay ang mga ito. Ang mga lunsod na iyon ay napapalibutan ng malalaking pader, kaya kahit milya-milya pa ang layo, madaling makita ang mga ito at imposibleng maitago. Kitang-kita rin kahit ang maliliit na nayon dahil sa mga puting kabahayan nito.

lampara: Noong panahon ng Bibliya, ang karaniwang lampara sa bahay ay isang maliit na sisidlang luwad na may lamang langis ng olibo.

basket: Ginagamit na pantakal ng mga tuyong paninda, gaya ng mga butil. Ang klase ng “basket” (sa Griego, moʹdi·os) na binabanggit dito ay makapaglalaman ng mga 9 L.

Ama: Ang una sa mahigit 160 paglitaw nito sa mga Ebanghelyo, kung saan tinawag ni Jesus na “Ama” ang Diyos na Jehova. Ang paggamit ni Jesus sa terminong ito ay nagpapakitang naiintindihan na ng mga tagapakinig niya kung bakit tinatawag na Ama ang Diyos, dahil ginamit ito sa ganitong paraan sa Hebreong Kasulatan. (Deu 32:6; Aw 89:26; Isa 63:16) Maraming titulong ginagamit ang mga lingkod ni Jehova noon sa paglalarawan at pakikipag-usap kay Jehova, gaya ng “Makapangyarihan-sa-Lahat,” “Kataas-taasan,” at “Dakilang Maylalang.” Pero ang madalas na paggamit ni Jesus ng simple at karaniwang termino na “Ama” ay nagdiriin sa malapít na kaugnayan ng Diyos sa mga mananamba niya.—Gen 17:1; Deu 32:8; Ec 12:1.

ang Kautusan . . . ang mga Propeta: “Ang Kautusan” ay ang mga aklat ng Bibliya mula Genesis hanggang Deuteronomio. “Ang mga Propeta” naman ay ang mga aklat ng hula sa Hebreong Kasulatan. Pero kapag pinagsama ito, ang ekspresyon ay masasabing tumutukoy sa buong Hebreong Kasulatan.—Mat 7:12; 22:40; Luc 16:16.

Tinitiyak ko sa inyo: O “Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo.” Sa Griego, a·menʹ a·menʹ. Ang salitang Griego na a·menʹ ay transliterasyon ng Hebreo na ʼa·menʹ, na nangangahulugang “mangyari nawa,” o “tiyak nga.” Madalas gamitin ni Jesus ang terminong a·menʹ bago sabihin ang isang kapahayagan, pangako, o hula bilang pagdiriin na ito ay talagang totoo at maaasahan. Ang paggamit ni Jesus ng amen sa ganitong paraan ay sinasabing makikita lang sa mga Ebanghelyo at hindi sa ibang mga literatura sa relihiyon. (Mat 5:18; Mar 3:28; Luc 4:24) Sa Ebanghelyo lang ni Juan ginamit nang magkasunod ang terminong ito (a·menʹ a·menʹ), at 25 beses itong lumitaw dito. Sa saling ito, ang dobleng a·menʹ ay isinasaling “tinitiyak” o “sinasabi.” Ang buong pariralang “Tinitiyak ko sa inyo” ay puwede ring isaling: “Sinasabi ko sa inyo ang totoo.”

Tinitiyak ko sa inyo: O “Sinasabi ko sa inyo ang totoo.” Ang salitang Griego na puwedeng isalin na “totoo” ay a·menʹ, ang transliterasyon ng Hebreo na ʼa·menʹ, na nangangahulugang “mangyari nawa” o “tiyak nga.” Madalas gamitin ni Jesus ang ekspresyong ito bago sabihin ang isang kapahayagan, pangako, o hula bilang pagdiriin na ito ay talagang totoo at maaasahan. Ang paggamit ni Jesus ng “totoo,” o amen, sa ganitong paraan ay sinasabing makikita lang sa mga Ebanghelyo at hindi sa ibang bahagi ng Bibliya at ibang mga literatura sa relihiyon. Kapag inuulit ito (a·menʹ a·menʹ), gaya ng makikita sa Ebanghelyo ni Juan, ang sinasabi ni Jesus ay puwedeng isalin na “katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo.”—Tingnan ang study note sa Ju 1:51.

mawala man ang langit at lupa: Eksaherasyon na nangangahulugang “hindi kailanman mangyayari.” Ipinapakita ng Kasulatan na mananatili magpakailanman ang literal na langit at lupa.—Aw 78:69; 119:90.

pinakamaliit na letra: Sa alpabetong Hebreo noong panahong iyon, ang pinakamaliit na letra ay yod (י).

kudlit: May ilang letrang Hebreo na may maliit na kudlit para maipakitang iba ito sa iba pang letra. Kaya idiniriin ng eksaherasyong ito ni Jesus na ang Salita ng Diyos ay matutupad hanggang sa kaliit-liitang detalye.

Alam ninyo na sinabi: Puwede itong tumukoy sa sinasabi ng Hebreong Kasulatan o sa mga turong batay sa paniniwala at tradisyon ng mga Judio.—Mat 5:27, 33, 38, 43.

mananagot sa hukuman: Lilitisin sa isa sa lokal na mga hukuman sa Israel. (Mat 10:17; Mar 13:9) Ang lokal na mga hukumang ito ay may awtoridad na humatol sa mga kaso ng pagpaslang.—Deu 16:18; 19:12; 21:1, 2.

patuloy na napopoot: Iniuugnay ni Jesus ang saloobing ito sa pagkamuhi na puwedeng umakay sa pagpatay. (1Ju 3:15) Kaya puwedeng ituring ng Diyos na mamamatay-tao ang gayong tao.

matinding pang-iinsulto: Mula sa salitang Griego na rha·kaʹ (posibleng galing sa Hebreo o Aramaiko), na nangangahulugang “walang laman” o “walang isip.” Kapag ganito magsalita sa kapananampalataya ang isang lingkod ng Diyos, hindi lang siya basta nagkikimkim ng galit, kundi inilalabas pa ito sa pamamagitan ng mapang-insultong pananalita.

Kataas-taasang Hukuman: Ang buong Sanedrin—ang lupon ng mga hukom sa Jerusalem na binubuo ng mataas na saserdote at 70 matatandang lalaki at mga eskriba. Para sa mga Judio, hindi na puwedeng kuwestiyunin ang desisyon nila.—Tingnan sa Glosari, “Sanedrin.”

Mangmang ka at walang-kuwentang tao: Ang salitang Griego para dito ay katunog ng salitang Hebreo na nangangahulugang “rebelde” o “suwail.” Tumutukoy ito sa isang taong walang prinsipyo at apostata. Kung tatawagin ng isang tao ang kapuwa niya sa ganitong paraan, para na rin niyang sinasabi na karapat-dapat ito sa walang-hanggang pagkapuksa, ang parusang nararapat sa isa na rebelde sa Diyos.

Gehenna: Mula ito sa mga salitang Hebreo na geh hin·nomʹ, na nangangahulugang “lambak ng Hinom,” na nasa timog at timog-kanluran ng sinaunang Jerusalem. (Tingnan ang Ap. B12, mapa na “Jerusalem at ang Palibot Nito.”) Noong panahon ni Jesus, ang lambak na ito ay naging sunugan ng basura, kaya ang salitang “Gehenna” ay angkop na simbolo para sa lubusang pagkapuksa.—Tingnan sa Glosari.

iyong handog sa altar: Walang tinutukoy si Jesus na partikular na hain o kasalanan na nangangailangan ng handog. Ang handog ay puwedeng tumukoy sa anumang hain na dadalhin sa templo ni Jehova bilang pagtupad sa Kautusang Mosaiko. Ang altar ay ang altar ng handog na sinusunog na nasa looban ng templo na para lang sa mga saserdote. Hindi puwedeng pumasok dito ang ordinaryong mga Israelita kaya iaabot lang nila sa saserdote ang handog nila sa may pasukan ng looban.

ang kapatid mo: Sa ilang konteksto, ang salitang Griego na a·del·phosʹ (kapatid) ay puwedeng tumukoy sa isang kapamilya. Pero dito, tumutukoy ito sa kapatid sa espirituwal o kapuwa mananamba, dahil ang konteksto ay pagsamba sa templo ni Jehova noong panahon ni Jesus. Sa ibang konteksto naman, tumutukoy lang ito sa kapuwa tao.

iwan mo . . . ang handog mo, at puntahan mo ang iyong kapatid: Sa eksenang inilalarawan ni Jesus, iaabot na sana ng mananamba sa saserdote ang handog niya. Pero kailangan muna niyang makipagkasundo sa kapatid niya. Para maging katanggap-tanggap sa Diyos ang handog niya, kailangan muna niyang umalis at hanapin ang kaniyang nasaktang kapatid, na malamang na isa sa libo-libong naglakbay papuntang Jerusalem para sa kapistahan, kung kailan karaniwan silang nagdadala ng handog sa templo.—Deu 16:16.

Makipagkasundo ka: Ang ekspresyong Griego ay nangangahulugang “magbago mula sa pagiging magkaaway tungo sa pagiging magkaibigan; maibalik ang dating magandang ugnayan.” Kaya ang tunguhin ng pakikipagkasundo ay para maalis ang sama ng loob ng nasaktan, kung posible. (Ro 12:18) Itinuturo ni Jesus na para magkaroon ng magandang kaugnayan sa Diyos, kailangang panatilihin ang magandang kaugnayan sa kapuwa.

kahuli-hulihang sentimo: Lit., “kahuli-hulihang quadrans,” 1/64 ng isang denario. Isang denario ang sahod para sa isang-araw na trabaho.—Tingnan ang Ap. B14.

Alam ninyo na sinabi: Puwede itong tumukoy sa sinasabi ng Hebreong Kasulatan o sa mga turong batay sa paniniwala at tradisyon ng mga Judio.—Mat 5:27, 33, 38, 43.

seksuwal na imoralidad: Ang salitang Griego na por·neiʹa ay sumasaklaw sa lahat ng uri ng pagtatalik na labag sa sinasabi ng Bibliya. Kasama rito ang pangangalunya, prostitusyon, seksuwal na gawain sa pagitan ng mga hindi mag-asawa, pakikipagtalik sa kasekso, at pakikipagtalik sa hayop.—Tingnan sa Glosari.

Alam ninyo na sinabi noon: Tingnan ang study note sa Mat 5:21.

mangangalunya: Ibig sabihin, magtataksil sa asawa at makikipagtalik sa iba. Ang pandiwang Griego na moi·kheuʹo ay ginamit sa pagsiping ito sa Exo 20:14 at Deu 5:18, kung saan ginamit ang katumbas na terminong Hebreo na na·ʼaphʹ. Sa Bibliya, ang pangangalunya ay “seksuwal na imoralidad” na kusang ginawa ng may-asawa at ng hindi niya asawa. (Ihambing ang study note sa Mat 5:32, kung saan tinalakay ang “seksuwal na imoralidad,” na galing sa salitang Griego na por·neiʹa.) Noong may bisa pa ang Kautusang Mosaiko, ang kusang pakikipagtalik sa asawa o mapapangasawa ng isang lalaki ay itinuturing na pangangalunya.

hindi sila naniwala sa kaniya: O “natisod sila sa kaniya.” Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na skan·da·liʹzo ay tumutukoy sa makasagisag na pagkatisod, at puwede itong isaling “hindi sila naniwala sa kaniya.” Sa ibang konteksto, ang salitang Griego ay puwedeng tumukoy sa pagkakasala o pagiging dahilan ng pagkakasala ng iba.—Tingnan ang study note sa Mat 5:29.

dahilan ng pagkatisod: Ang orihinal na kahulugan ng salitang Griego na skanʹda·lon, na isinaling “dahilan ng pagkatisod,” ay ipinapalagay na tumutukoy sa isang bitag; sinasabi ng ilan na tumutukoy ito sa isang patpat na pinagkakabitan ng isang pain. Nang maglaon, tumutukoy na rin ito sa anumang bagay na puwedeng ikatisod o ikabagsak ng isa. Sa makasagisag na diwa, tumutukoy ito sa isang pagkilos o kalagayan na nagiging dahilan para malihis ng landas ang isang tao o magkasala. Sa Mat 18:8, 9, ang kaugnay na pandiwang skan·da·liʹzo, na isinaling “nagkakasala dahil,” ay puwede ring isalin na “nagiging bitag.”

Gehenna: Mula ito sa mga salitang Hebreo na geh hin·nomʹ, na nangangahulugang “lambak ng Hinom,” na nasa timog at timog-kanluran ng sinaunang Jerusalem. (Tingnan ang Ap. B12, mapa na “Jerusalem at ang Palibot Nito.”) Noong panahon ni Jesus, ang lambak na ito ay naging sunugan ng basura, kaya ang salitang “Gehenna” ay angkop na simbolo para sa lubusang pagkapuksa.—Tingnan sa Glosari.

kung nagkakasala ka dahil sa: Lit., “kung natitisod ka dahil sa.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang Griego na skan·da·liʹzo ay tumutukoy sa makasagisag na pagkatisod. Puwede itong tumukoy sa pagkakasala o pagiging dahilan ng pagkakasala ng iba. Sa kontekstong ito, ang termino ay puwede ring isalin na “kung nagiging bitag sa iyo.” Sa Bibliya, ang kasalanan ay puwedeng tumukoy sa paglabag sa kautusan ng Diyos sa moral, sa kawalan ng pananampalataya, o sa pagtanggap sa huwad na mga turo. Ang salitang Griego ay puwede ring mangahulugan na “maghinanakit.”—Tingnan ang study note sa Mat 13:57; 18:7.

Gehenna: Tingnan ang study note sa Mat 5:22 at Glosari.

kasulatan ng diborsiyo: Hindi pinasisigla ng Kautusang Mosaiko ang mga tao na makipagdiborsiyo. Hinihiling nito ang isang kasulatan para maiwasan ang padalos-dalos na paghihiwalay ng mag-asawa at maprotektahan ang kababaihan. (Deu 24:1) Ang isang asawang lalaki na gustong humingi ng kasulatan ay malamang na kokonsulta muna sa mga inatasang lalaki na puwedeng magpatibay sa mag-asawa na ayusin ang problema.

kung ang isang babae ay . . . makipagdiborsiyo: Kinikilala dito ni Jesus ang karapatan ng isang babae na makipagdiborsiyo sa nagtaksil niyang asawa—isang bagay na hindi katanggap-tanggap sa mga Judio nang panahong iyon. Gayunman, sinabi rin ni Jesus na iisang pamantayan lang ang dapat sundin ng mga Kristiyanong lalaki at babae.

kung ang isang babae ay . . . makipagdiborsiyo: Kinikilala dito ni Jesus ang karapatan ng isang babae na makipagdiborsiyo sa nagtaksil niyang asawa—isang bagay na hindi katanggap-tanggap sa mga Judio nang panahong iyon. Gayunman, sinabi rin ni Jesus na iisang pamantayan lang ang dapat sundin ng mga Kristiyanong lalaki at babae.

kapag diniborsiyo ng isa ang kaniyang asawang babae: Tingnan ang study note sa Mar 10:12.

seksuwal na imoralidad: Ang salitang Griego na por·neiʹa ay sumasaklaw sa lahat ng uri ng pagtatalik na labag sa sinasabi ng Bibliya. Kasama rito ang pangangalunya, prostitusyon, seksuwal na gawain sa pagitan ng mga hindi mag-asawa, pakikipagtalik sa kasekso, at pakikipagtalik sa hayop.—Tingnan sa Glosari.

inilalagay niya ito sa panganib na mangalunya: Hindi awtomatikong nagiging mangangalunya ang asawang babae kung diniborsiyo siya, pero nanganganib siyang maging mangangalunya. Kung nakipagdiborsiyo ang asawang lalaki pero hindi seksuwal na imoralidad (sa Griego, por·neiʹa) ang dahilan, ang babae ay nanganganib na maging mangangalunya kung makikipagtalik siya sa ibang lalaki. Ayon sa pamantayan ng Bibliya, hindi siya malayang mag-asawang muli malibang magbago ang kalagayan ng dati niyang asawa; halimbawa, kung mamatay ito o makipagtalik sa iba. Para sa mga Kristiyano, iyan din ang pamantayan para sa mga lalaki kung hindi seksuwal na imoralidad ang saligan ng pakikipagdiborsiyo ng kanilang asawang babae.

babaeng diniborsiyo: Tumutukoy sa babaeng diniborsiyo pero hindi dahil sa “seksuwal na imoralidad.” (Sa Griego, por·neiʹa; tingnan ang study note sa seksuwal na imoralidad sa talatang ito.) Gaya ng makikita sa sinabi ni Jesus sa Mar 10:12, (tingnan ang study note), ito ang pamantayan lalaki man o babae ang nakipagdiborsiyo. Malinaw na itinuturo ni Jesus na kung ang mag-asawa ay nagdiborsiyo nang hindi dahil sa seksuwal na imoralidad, ang sinuman sa kanila ay magiging mangangalunya kung muli silang mag-aasawa. Ang lalaki o babaeng walang asawa na magpapakasal sa kanila ay magkakasala rin ng pangangalunya.—Mat 19:9; Luc 16:18; Ro 7:2, 3.

Alam ninyo na sinabi: Puwede itong tumukoy sa sinasabi ng Hebreong Kasulatan o sa mga turong batay sa paniniwala at tradisyon ng mga Judio.—Mat 5:27, 33, 38, 43.

Alam . . . ninyo na sinabi: Tingnan ang study note sa Mat 5:21.

Jehova: Kahit hindi ito direktang pagsipi mula sa isang partikular na teksto sa Hebreong Kasulatan, ang dalawang utos na binanggit ni Jesus ay nagmula sa Lev 19:12, Bil 30:2, at Deu 23:21, na naglalaman ng pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig na Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.

Huwag ka nang sumumpa: Hindi naman ipinagbabawal ni Jesus ang paggawa ng kahit anong panata. May bisa pa noon ang Kautusan ng Diyos, na nagpapahintulot sa paggawa ng sumpa o panata sa ilang mahahalagang pagkakataon. (Bil 30:2; Gal 4:4) Ang hinahatulan dito ni Jesus ay ang panunumpa sa basta kahit anong dahilan, dahil hindi na ito naaayon sa sinasabi ng Kautusan tungkol sa panunumpa.

sa ngalan man ng langit: Para mas may bigat ang sinasabi ng mga tao noon, sumusumpa sila sa ngalan ng “langit,” “lupa,” o “Jerusalem.” Ipinanunumpa rin nila ang “ulo,” o buhay, ng isang tao. (Mat 5:35, 36) Pero kinukuwestiyon ng ilang Judio ang bisa ng panunumpa sa ngalan ng mga bagay na nilalang sa halip na sa ngalan ng Diyos, at para sa iba, madali lang bawiin ang ganitong sumpa nang hindi napaparusahan.

dakilang Hari: Ang Diyos na Jehova.—Mal 1:14.

ang pagiging di-tapat sa sinasabi ay katangian ng masama: Lit., “ang anumang lumabis dito ay mula sa isa na masama.” Kapag hindi sapat sa isang tao na sumagot lang ng “oo” o “hindi” at kailangan niya pang manumpa nang paulit-ulit, ipinapakita nitong hindi siya mapagkakatiwalaan. Katulad sila ni Satanas, ang “ama ng kasinungalingan.”—Ju 8:44.

Alam ninyo na sinabi: Puwede itong tumukoy sa sinasabi ng Hebreong Kasulatan o sa mga turong batay sa paniniwala at tradisyon ng mga Judio.—Mat 5:27, 33, 38, 43.

Alam ninyo na sinabi noon: Tingnan ang study note sa Mat 5:21.

Mata para sa mata at ngipin para sa ngipin: Noong panahon ni Jesus, ginagamit ang pananalitang ito mula sa Kautusan (Exo 21:24; Lev 24:20) para ipagmatuwid ang paghihiganti. Pero ang totoo, bago ipatupad ang kautusang ito, kailangan muna ng paglilitis at ang inatasang mga hukom ang maglalapat ng nararapat na parusa.—Deu 19:15-21.

sumampal sa kanang pisngi mo: Sa kontekstong ito, ang pandiwang Griego na rha·piʹzo ay isinaling “sumampal.” Malamang na ginagawa ito para manggalit o mang-insulto, hindi para manakit. Kaya itinuturo ni Jesus na dapat na handang magtiis ng pang-iinsulto ang mga tagasunod niya nang hindi gumaganti.

hayaan mong kunin na rin niya ang balabal mo: Kadalasan nang dalawang damit ang suot ng mga lalaking Judio, ang panloob na damit (sa Griego, khi·tonʹ, na hanggang tuhod o bukung-bukong at may mahaba o maikling manggas) at ang ipinapatong nilang balabal (sa Griego, hi·maʹti·on, na puwede ring tumukoy sa isang mahaba at maluwang na damit na ipinapatong). Puwedeng gamiting panagot sa utang ang isang damit. (Job 22:6) Sinasabi ni Jesus na para sa kapayapaan, dapat na handang isakripisyo ng mga tagasunod niya, hindi lang ang kanilang panloob na damit, kundi pati ang balabal, na mas mahal.

utusan ka: Ipinapaalala nito ang sapilitang paglilingkod na puwedeng ipagawa ng Romanong awtoridad sa isang mamamayan. Halimbawa, puwede nilang sapilitang pagtrabahuhin ang isang tao o hayop o ipagawa ang anumang kailangan para mabilis na maisagawa ang ipinag-uutos ng pamahalaan. Iyan ang nangyari kay Simon na taga-Cirene, na “pinilit” ng Romanong mga sundalo na buhatin ang pahirapang tulos ni Jesus.—Mat 27:32.

milya: Posibleng ang milyang Romano, na may habang 1,479.5 m (4,854 ft).—Tingnan ang Glosari at Ap. B14.

nanghihiram: Ibig sabihin, nangungutang nang walang interes. Ipinagbabawal ng Kautusan na magpataw ng interes ang mga Israelita sa kapuwa nila Judio na nangangailangan (Exo 22:25), at pinasisigla sila nito na ipahiram anuman ang kailangan ng isang dukha (Deu 15:7, 8).

Alam ninyo na sinabi: Puwede itong tumukoy sa sinasabi ng Hebreong Kasulatan o sa mga turong batay sa paniniwala at tradisyon ng mga Judio.—Mat 5:27, 33, 38, 43.

Alam ninyo na sinabi noon: Tingnan ang study note sa Mat 5:21.

Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa: Ipinag-uutos ng Kautusang Mosaiko sa mga Israelita na mahalin ang kapuwa nila. (Lev 19:18) Ang terminong “kapuwa” ay tumutukoy sa kapuwa tao, pero para sa ilang Judio, tumutukoy lang ito sa kapuwa nila Judio, lalo na ang mga sumusunod sa di-nasusulat na tradisyon; ang lahat ng iba pa ay itinuturing nilang kaaway.

kapootan ang iyong kaaway: Walang ganiyang utos sa Kautusang Mosaiko. May ilang Judiong rabbi na naniniwalang dahil ipinag-utos na mahalin nila ang kanilang kapuwa, nangangahulugan itong dapat nilang kapootan ang kanilang mga kaaway.

Patuloy na mahalin ang inyong mga kaaway: Ang payo ni Jesus ay kaayon ng sinasabi sa Hebreong Kasulatan.—Exo 23:4, 5; Job 31:29; Kaw 24:17, 18; 25:21.

maniningil ng buwis: Marami sa mga Judio ang naniningil ng buwis para sa pamahalaang Romano. Galít ang mga tao sa mga Judiong ito dahil hindi lang sila kumakampi sa mananakop nila; sobra-sobra din ang sinisingil nilang buwis. Ang mga maniningil ng buwis ay karaniwan nang iniiwasan ng mga kapuwa nila Judio at itinuturing na gaya ng mga makasalanan at babaeng bayaran.—Mat 11:19; 21:32.

mga kapatid: Tumutukoy sa buong bansang Israel. Magkakapatid sila dahil iisa ang ninuno nila, si Jacob, at nagkakaisa sila sa pagsamba sa iisang Diyos, si Jehova.—Exo 2:11; Aw 133:1.

binabati: Kasama sa pagbati ang pagsasabi na sana ay mapabuti o sumagana ang isa.

mga tao ng ibang mga bansa: Mga di-Judio na walang kaugnayan sa Diyos. Itinuturing sila ng mga Judio na walang kinikilalang Diyos at marumi at dapat iwasan.

perpekto: Ang terminong Griego na ginamit dito ay puwedeng mangahulugan na “ganap,” “buo,” o “maygulang,” o puwede ring “walang pagkukulang” ayon sa itinakdang pamantayan ng isa na may awtoridad. Si Jehova lang ang perpekto sa ganap na diwa, kaya iba ang kahulugan ng salitang ito kapag tumutukoy sa mga tao. Sa kontekstong ito, ang pagiging “perpekto” ay tumutukoy sa pagiging buo ng pag-ibig ng isang Kristiyano para sa Diyos na Jehova at sa kaniyang kapuwa, isang bagay na posible kahit makasalanan ang tao.

Media

Hilagang Baybayin ng Lawa ng Galilea Kapag Nakatingin sa Hilagang-Kanluran
Hilagang Baybayin ng Lawa ng Galilea Kapag Nakatingin sa Hilagang-Kanluran

1. Kapatagan ng Genesaret. Isa itong matabang lupain na hugis tatsulok, na mga 5 por 2.5 km (3 por 1.5 mi) ang sukat. Sa baybayin nito inanyayahan ni Jesus ang mga mangingisdang sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan na sumama sa kaniya sa ministeryo.—Mat 4:18-22.

2. Sinasabing dito binigkas ni Jesus ang Sermon sa Bundok.—Mat 5:1; Luc 6:17, 20.

3. Capernaum. Dito tumira si Jesus, at nakita niya si Mateo sa lunsod na ito o malapit dito.—Mat 4:13; 9:1, 9.

Asin sa Dalampasigan ng Dagat na Patay
Asin sa Dalampasigan ng Dagat na Patay

Sa ngayon, mga siyam na beses na mas maalat ang tubig sa Dagat na Patay (Dagat Asin) kaysa sa iba pang dagat sa mundo. (Gen 14:3) Dahil sa ebaporasyon ng tubig sa Dagat na Patay, maraming nakukuhang asin ang mga Israelita rito. Pero mababa ang kalidad ng asing ito dahil nahaluan ito ng iba pang mineral. Malamang na nanggagaling din ang asin ng mga Israelita sa mga taga-Fenicia, na sinasabing nakakakuha ng asin sa Mediteraneo dahil sa ebaporasyon. Binanggit din ng Bibliya ang asin bilang pampalasa sa pagkain. (Job 6:6) Mahusay gumamit ng ilustrasyon si Jesus batay sa mga bagay na ginagamit sa pang-araw-araw na buhay, kaya ginamit niya ang asin para magturo ng mahahalagang aral. Halimbawa, sa Sermon sa Bundok, sinabi niya sa mga alagad: “Kayo ang asin ng mundo.” Ibig sabihin, gaya ng asin na nagsisilbing preserbatibo, makakatulong sa iba ang mga alagad para maiwasan ang pagkabulok sa espirituwal at moral.

Lampara Noong Unang Siglo
Lampara Noong Unang Siglo

Ang karaniwang lampara sa mga bahay at gusali ay isang lalagyang luwad na may lamang langis ng olibo. Sinisipsip ng mitsa ang langis para magtuloy-tuloy ang apoy. Ang mga lampara ay karaniwang inilalagay sa mga patungang gawa sa luwad, kahoy, o metal para magliwanag sa loob ng bahay o gusali. Inilalagay rin ito sa mga inukang bahagi ng pader o sa ibang patungan, o ibinibitin ito mula sa kisame.

Patungan ng Lampara sa Bahay
Patungan ng Lampara sa Bahay

Ang patungang ito ng lampara (1) ay iginuhit batay sa unang-siglong mga artifact na natagpuan sa Efeso at Italya. Ang ganitong patungan ng lampara ay malamang na ginagamit sa bahay ng mayayaman. Sa bahay ng mahihirap, ang lampara ay ibinibitin sa kisame, inilalagay sa isang inukang bahagi ng pader (2), o inilalagay sa patungang gawa sa luwad o kahoy.

Ang Lambak ng Hinom (Gehenna)
Ang Lambak ng Hinom (Gehenna)

Ang Lambak ng Hinom, tinatawag na Gehenna sa Griego, ay isang dalisdis sa timog at timog-kanluran ng sinaunang Jerusalem. Noong panahon ni Jesus, dito sinusunog ang basura, kaya angkop lang na sumagisag ito sa lubusang pagkapuksa.

Lambak ng Hinom sa Ngayon
Lambak ng Hinom sa Ngayon

Ang Lambak ng Hinom (1), na tinatawag na Gehenna sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang Bundok ng Templo (2). Ito ang lokasyon ng templo ng mga Judio noong unang siglo. Ang pinakaprominenteng istraktura sa ngayon sa bundok ng templo ay ang dambana ng mga Muslim na tinatawag na Dome of the Rock.—Tingnan ang mapa sa Apendise B12.

Kasulatan ng Diborsiyo
Kasulatan ng Diborsiyo

Ang kasulatang ito ng diborsiyo, na mula pa noong 71 o 72 C.E., ay nasa wikang Aramaiko. Nakita ito sa hilagang panig ng Wadi Murabbaat, isang tuyong ilog sa Disyerto ng Judea. Sinasabi nito na noong ikaanim na taon ng paghihimagsik ng mga Judio, si Jose, na anak ni Naqsan, ay nakipagdiborsiyo kay Miriam, na anak ni Jonatan na nakatira sa lunsod ng Masada.