Ayon kay Mateo 22:1-46

22  Muling naglahad si Jesus ng mga ilustrasyon sa kanila:  “Ang Kaharian ng langit ay katulad ng isang hari na nagsaayos ng handaan para sa kasal+ ng anak niyang lalaki.  At inutusan niya ang mga alipin niya na tawagin ang mga imbitado sa handaan, pero ayaw magpunta ng mga imbitado.+  Inutusan niya ang iba pang alipin, ‘Sabihin ninyo sa mga imbitado: “Inihanda ko na ang tanghalian, ang aking mga baka at mga pinatabang hayop ay nakatay na, at nakahanda na ang lahat. Halina kayo sa handaan.”’  Pero hindi nila pinansin ang imbitasyon. Ang ilan sa kanila ay pumunta sa bukid, at ang iba ay sa negosyo nila;+  sinunggaban naman ng iba pa ang mga alipin ng hari, ininsulto ang mga ito, binugbog, at pinatay.  “Dahil dito, galit na galit ang hari, at isinugo niya ang mga hukbo niya para puksain ang mga mamamatay-taong iyon at sunugin ang lunsod nila.+  Pagkatapos, sinabi niya sa mga alipin niya, ‘Ang handaan sa kasal ay nakaayos na, pero ang mga inimbitahan ay hindi karapat-dapat.+  Kaya pumunta kayo sa mga daan na palabas ng lunsod, at imbitahan ninyo sa handaan sa kasal ang sinumang makita ninyo.’*+ 10  Kaya pumunta sa mga daan ang mga aliping iyon at inimbitahan ang sinumang makita nila, masamang tao man o mabuti; at ang bulwagan para sa seremonya ng kasal ay napuno ng mga bisita.* 11  “Nang dumating ang hari para tingnan ang mga bisita, nakita niya ang isang lalaki na hindi nakasuot ng damit para sa kasalan. 12  Kaya sinabi niya rito, ‘Kaibigan, paano ka nakapasok dito na hindi nakasuot ng damit para sa kasalan?’ Hindi ito nakapagsalita. 13  Kaya sinabi ng hari sa mga lingkod niya, ‘Talian ninyo ang mga kamay at paa niya at ihagis siya sa kadiliman sa labas. Iiyak siya roon at magngangalit ang mga ngipin niya.’ 14  “Marami ang inimbitahan, pero kakaunti ang pinili.” 15  Pagkatapos, ang mga Pariseo ay umalis at nagsabuwatan para hulihin siya sa pananalita niya.+ 16  Kaya isinugo nila sa kaniya ang mga tagasunod nila, kasama ang mga tagasuporta ni Herodes,+ para sabihin sa kaniya: “Guro, alam naming lagi kang nagsasabi ng totoo at itinuturo mo ang katotohanan tungkol sa Diyos, at hindi mo hinahangad ang pabor ng mga tao, dahil hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo. 17  Kaya ano sa tingin mo? Tama bang magbayad ng buwis kay Cesar o hindi?” 18  Alam ni Jesus na masama ang motibo nila kaya sinabi niya: “Bakit ninyo ako sinusubok, mga mapagkunwari? 19  Ipakita ninyo sa akin ang baryang pambayad ng buwis.” Dinalhan nila siya ng isang denario. 20  Sinabi niya sa kanila: “Kaninong larawan at pangalan ito?” 21  Sinabi nila: “Kay Cesar.” Kaya sinabi niya sa kanila: “Kung gayon, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, pero sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”+ 22  Nang marinig nila iyon, namangha sila. Umalis sila at iniwan na si Jesus. 23  Nang araw na iyon, ang mga Saduceo, na nagsasabing walang pagkabuhay-muli,+ ay lumapit sa kaniya at nagtanong:+ 24  “Guro, sinabi ni Moises: ‘Kung mamatay ang isang lalaki nang walang anak, ang asawa niya ay pakakasalan ng kapatid niyang lalaki para magkaroon ng anak ang namatay na kapatid.’+ 25  Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki dito sa amin. Ang una ay nag-asawa at namatay, at dahil hindi siya nagkaroon ng anak, naiwan ang asawa niya sa kapatid niyang lalaki. 26  Ganoon din ang nangyari sa ikalawa at sa ikatlo, hanggang sa ikapito. 27  Bandang huli, namatay rin ang babae. 28  Ngayon, dahil siya ay napangasawa nilang lahat, sino sa pito ang magiging asawa ng babae kapag binuhay silang muli?” 29  Sinabi ni Jesus sa kanila: “Mali ang iniisip ninyo, dahil hindi ninyo alam ang Kasulatan o ang kapangyarihan ng Diyos;+ 30  sa pagkabuhay-muli, hindi mag-aasawa ang mga lalaki at mga babae, kundi sila ay magiging gaya ng mga anghel sa langit.+ 31  Tungkol sa pagkabuhay-muli ng mga patay, hindi ba ninyo nabasa ang sinabi sa inyo ng Diyos: 32  ‘Ako ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob’?+ Siya ang Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy.”+ 33  Nang marinig ito ng mga tao, humanga sila sa turo niya.+ 34  Nang marinig ng mga Pariseo na napatahimik niya ang mga Saduceo, sama-sama nila siyang pinuntahan. 35  At ang isa sa kanila, na eksperto sa Kautusan, ay nagtanong para subukin siya: 36  “Guro, ano ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?”+ 37  Sinabi niya rito: “‘Dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo.’+ 38  Ito ang pinakamahalaga at unang utos. 39  Ang ikalawa na gaya nito ay ‘Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’+ 40  Ang dalawang utos na ito ang saligan ng buong Kautusan at mga Propeta.”+ 41  Ngayon habang magkakasama ang mga Pariseo, tinanong sila ni Jesus:+ 42  “Ano ang tingin ninyo sa Kristo? Kaninong anak siya?” Sumagot sila: “Kay David.”+ 43  Tinanong niya sila: “Kung gayon, bakit siya tinawag ni David na Panginoon? Sinabi ni David udyok ng banal na espiritu:+ 44  ‘Sinabi ni Jehova sa Panginoon ko: “Umupo ka sa kanan ko hanggang sa ilagay ko ang mga kaaway mo sa ilalim ng iyong mga paa.”’+ 45  Ngayon, kung tinatawag siya ni David na Panginoon, paano siya naging anak ni David?”+ 46  Walang isa mang nakasagot sa kaniya, at mula nang araw na iyon, wala nang naglakas-loob na magtanong pa sa kaniya.

Talababa

O “ang lahat ng puwede ninyong imbitahan.”
O “nakahilig sa mesa.”

Study Notes

ilustrasyon: O “talinghaga.” Ang terminong Griego na pa·ra·bo·leʹ, na literal na nangangahulugang “pagtabihin o pagsamahin,” ay puwedeng tumukoy sa isang talinghaga, kawikaan, o ilustrasyon. Karaniwang ‘pinagtatabi,’ o pinaghahambing, ni Jesus ang dalawang bagay na may pagkakatulad kapag nagpapaliwanag siya. (Mar 4:30) Ang mga ilustrasyon niya ay maikli at karaniwang kathang-isip lang na kapupulutan ng moral at espirituwal na katotohanan.

ilustrasyon: O “talinghaga.”—Tingnan ang study note sa Mat 13:3.

damit para sa kasalan: Dahil kasal ito ng anak ng hari, malamang na binigyan ng espesyal na damit ang mga bisita para sa okasyong ito. Kung gayon, talagang kawalang-galang kapag hindi isinuot ang damit na iyon sa kasalan.

magngangalit ang mga ngipin nila: Nagpapahiwatig ito ng matinding stress, kawalan ng pag-asa, at galit, na posibleng may kasama pang pagsasalita ng masakit at marahas na paggawi.

magngangalit ang mga ngipin niya: Tingnan ang study note sa Mat 8:12.

para hulihin siya: Lit., “para bitagin siya,” gaya ng ibon sa lambat. (Ihambing ang Ec 9:12, kung saan ginamit ng Septuagint ang terminong Griego rito para ipanumbas sa salitang Hebreo na nangangahulugang “hulihin gamit ang bitag; bitagin.”) Gumagamit ang mga Pariseo ng pambobola at tusong mga tanong (Mat 22:16, 17) para makakuha ng sagot na magagamit nila laban kay Jesus.

mga tagasuporta ni Herodes: Tingnan sa Glosari.

buwis: Tumutukoy sa taunang buwis, na posibleng isang denario, o katumbas ng suweldo sa isang-araw na trabaho, na sinisingil ng mga Romano sa lahat ng nakarehistro sa nasasakupan nila.—Luc 2:1-3.

Cesar: O “Emperador.” Ang emperador ng Roma noong ministeryo ni Jesus ay si Tiberio, pero hindi lang tumutukoy ang termino sa namamahalang emperador. Puwede ring tumukoy ang “Cesar” sa awtoridad ng pamahalaang Romano, o sa Estado, at sa mga inatasang kinatawan nito, na tinatawag ni Pablo na “nakatataas na mga awtoridad” at tinatawag naman ni Pedro na “hari” at “gobernador.”—Ro 13:1-7; 1Pe 2:13-17; Tit 3:1; tingnan sa Glosari.

mapagkunwari: Tingnan ang study note sa Mat 6:2.

mapagkunwari: O “mapagpaimbabaw.” Ang salitang Griego na hy·po·kri·tesʹ ay tumutukoy noong una sa mga Griego (at pagkatapos ay sa mga Romano) na umaarte sa entablado at nakasuot ng malalaking maskara na pampalakas ng boses. Nang maglaon, ginamit ang terminong ito para tumukoy sa sinumang nagpapanggap at nagtatago ng totoo niyang motibo o personalidad. Dito, tinawag ni Jesus na “mapagkunwari” ang mga Judiong lider ng relihiyon.—Mat 6:5, 16.

denario: Ang baryang pilak na ito ng mga Romano, na may nakasulat na pangalan ni Cesar, ang “buwis” na sinisingil ng mga Romano sa mga Judio. (Mat 22:17) Noong panahon ni Jesus, ang mga manggagawa sa bukid ay karaniwang sinusuwelduhan ng isang denario para sa 12-oras na trabaho sa isang araw, at karaniwang ginagamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang denario sa pagkalkula ng halaga ng ibang pera. (Mat 20:2; Mar 6:37; 14:5; Apo 6:6) Iba’t ibang klase ng baryang tanso at pilak ang ginagamit sa Israel, kasama na ang baryang ginawa sa Tiro na ginagamit na pambayad ng buwis sa templo. Pero sa pagbabayad ng buwis sa Roma, lumilitaw na ang pilak na denario na may larawan ni Cesar ang ipinambabayad ng mga tao.—Tingnan sa Glosari at Ap. B14.

larawan at pangalan: Sa harap ng karaniwang baryang denario noong panahong iyon, may larawan ng Romanong emperador na si Tiberio na may koronang dahon ng laurel. Namahala siya mula 14 hanggang 37 C.E. May nakasulat din ditong pangalan sa wikang Latin, “Tiberio Cesar Augusto, anak ni Augusto na itinuturing na diyos.”—Tingnan din ang Ap. B14.

ibayad: Lit., “ibalik.” Si Cesar ang nagpagawa ng mga barya, kaya may karapatan siyang hilingin na ibalik sa kaniya ang ilan sa mga ito. Pero walang karapatan si Cesar na hilingin sa isang tao na ialay o ibigay ang buhay nito sa kaniya. Ang Diyos ang nagbigay sa mga tao ng “buhay, hininga, at lahat ng bagay.” (Gaw 17:25) Dahil diyan, siya lang ang may karapatang humiling ng bukod-tanging debosyon, kaya sa Diyos lang puwedeng “ibalik,” o ibigay, ng isang tao ang buhay at debosyon niya.

kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar: Ang eksenang ito, na mababasa rin sa Mar 12:17 at Luc 20:25, ang nag-iisang nakaulat na pagkakataong binanggit ni Jesus ang Romanong emperador. Kasama sa “mga bagay na kay Cesar” ang pagbabayad para sa serbisyo ng gobyerno at ang pagbibigay ng karangalan at relatibong pagpapasakop sa mga awtoridad.—Ro 13:1-7.

sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos: Kasama rito ang buong-pusong pagsamba, buong-kaluluwang pag-ibig, at tapat na pagsunod sa lahat ng utos niya.—Mat 4:10; 22:37, 38; Gaw 5:29; Ro 14:8.

pagkabuhay-muli: Ang salitang Griego na a·naʹsta·sis ay literal na nangangahulugang “pagbangon; pagtayo.” Ginamit ito nang mga 40 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan para tumukoy sa pagkabuhay-muli ng mga patay. (Mat 22:31; Gaw 4:2; 24:15; 1Co 15:12, 13) Sa salin ng Septuagint sa Isa 26:19, ginamit ang anyong pandiwa ng a·naʹsta·sis bilang katumbas ng pandiwang Hebreo na “mabuhay” sa ekspresyong “Ang iyong mga patay ay mabubuhay.”—Tingnan sa Glosari.

Pinakasalan ng ikalawa ang biyuda: Sa mga Hebreo noon, kung mamatay ang isang lalaki nang wala pang anak na lalaki, pakakasalan ng kapatid niya ang nabiyuda niyang asawa para magkaroon ito ng anak na magdadala ng pangalan ng namatay nitong asawa. (Gen 38:8) Ang kaayusang ito, na naging bahagi ng Kautusang Mosaiko nang maglaon, ay tinatawag na pag-aasawa bilang bayaw. (Deu 25:5, 6) Ginagawa ito noong panahon ni Jesus, gaya ng makikita sa sinabi rito ng mga Saduceo. Ayon sa Kautusan, puwede namang tumanggi ang isang lalaki na pakasalan ang naiwang biyuda, pero kahihiyan ito sa kaniya dahil ayaw niyang “itayo ang sambahayan ng kapatid niya.”​—Deu 25:7-10; Ru 4:7, 8.

naiwan ang asawa niya sa kapatid niyang lalaki: Tingnan ang study note sa Mar 12:21.

ang Kasulatan: Terminong karaniwang ginagamit para tumukoy sa buong Hebreong Kasulatan.

pagkabuhay-muli: Tingnan ang study note sa Mat 22:23.

ang sinabi sa inyo ng Diyos: Ang tinutukoy rito ni Jesus ay ang pag-uusap ni Moises at ni Jehova noong mga 1514 B.C.E. (Exo 3:2, 6) Noong panahong iyon, 329 na taon nang patay si Abraham, 224 si Isaac, at 197 si Jacob. Pero hindi sinabi ni Jehova: ‘Ako ang Diyos nila noon,’ kundi sinabi niya: ‘Ako ang Diyos nila.’—Mat 22:32.

pagkabuhay-muli: Ang salitang Griego na a·naʹsta·sis ay literal na nangangahulugang “pagbangon; pagtayo.” Ginamit ito nang mga 40 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan para tumukoy sa pagkabuhay-muli ng mga patay. (Mat 22:31; Gaw 4:2; 24:15; 1Co 15:12, 13) Sa salin ng Septuagint sa Isa 26:19, ginamit ang anyong pandiwa ng a·naʹsta·sis bilang katumbas ng pandiwang Hebreo na “mabuhay” sa ekspresyong “Ang iyong mga patay ay mabubuhay.”—Tingnan sa Glosari.

Siya ang Diyos, hindi ng mga patay: Sinusuportahan ito ng pinakaluma at pinakamaaasahang mga manuskrito. Pero sa ilang manuskrito, inulit ang salitang “Diyos” kaya ang mababasa ay: “Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay,” at ito ang ginamit na batayan sa ilang salin ng Bibliya. Sa isang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Hebreo (ang J18 sa Ap. C), ginamit ang Tetragrammaton dito at puwedeng isaling: “Si Jehova ay hindi Diyos ng mga patay.”—Ihambing ang Exo 3:6, 15.

kundi ng mga buháy: Tingnan ang study note sa Mar 12:27.

kundi ng mga buháy: Sa kaparehong ulat sa Luc 20:38, sinabi ni Jesus: “Dahil silang lahat ay buháy sa kaniya [o, “para sa kaniya”].” Ipinapakita ng Bibliya na ang mga taong malayo sa Diyos ay para na ring patay sa kaniya, kahit buháy sila. (Efe 2:1; 1Ti 5:6) Pero ang mga lingkod ni Jehova na may pagsang-ayon niya ay nananatiling buháy sa paningin niya kahit patay na sila, dahil siguradong bubuhayin niya silang muli.​—Ro 4:16, 17.

napatahimik: Ang pandiwang Griego ay puwede ring isaling “hindi nakaimik” (lit., “binusalan”). Tamang-tama ang terminong ito para sa tusong tanong ng mga Saduceo. Epektibo ang sagot ni Jesus kaya hindi sila nakapagsalita.—1Pe 2:15, tlb.

pag-ibig: Ito ang unang paglitaw ng pandiwang Griego na a·ga·paʹo (“umibig”) sa Ebanghelyo ni Juan. Ang pandiwang Griegong ito at ang kaugnay na pangngalang a·gaʹpe (pag-ibig) ay ginamit sa Ebanghelyo niya nang 44 na beses—mas marami kaysa sa pinagsama-samang paglitaw nito sa tatlong iba pang Ebanghelyo. Sa Bibliya, ang a·ga·paʹo at a·gaʹpe ay karaniwan nang tumutukoy sa mapagsakripisyong pag-ibig na ginagabayan ng prinsipyo. Makikita iyan sa pagkakagamit ng a·ga·paʹo sa talatang ito, dahil sinasabi rito na inibig ng Diyos ang sangkatauhan, na kailangang tubusin mula sa kasalanan. (Ju 1:29) Ang pangngalan naman ang ginamit sa 1Ju 4:8, kung saan sinabi ni Juan na “ang Diyos ay pag-ibig.” Ang pag-ibig (a·gaʹpe) ang unang binanggit sa “mga katangian na bunga ng espiritu” (Gal 5:22), at detalyado itong inilarawan sa 1Co 13:4-7. Sa pagkakagamit nito sa Kasulatan, makikita na ang ganitong pag-ibig ay kadalasan nang hindi lang basta nadarama. Sa maraming konteksto, malawak ang kahulugan nito; ang ganitong pag-ibig ay kadalasan nang sadyang ipinadarama at pinag-iisipan kung paano ipapakita. (Mat 5:44; Efe 5:25) Kaya ang pag-ibig ng mga Kristiyano ay dapat na nakabatay rin sa pananagutan, prinsipyo, at sa kung ano ang tama. Pero ang nagpapakita nito ay karaniwan nang nakadarama rin ng pagkagiliw. (1Pe 1:22) Makikita iyan sa paggamit ng terminong ito sa Ebanghelyo ni Juan. Nang isulat niya na “mahal ng Ama ang Anak” (Ju 3:35), ginamit niya ang isang anyo ng salitang a·ga·paʹo, pero nang iulat niya ang paglalarawan ni Jesus sa kaugnayan ding ito, ginamit niya ang isang anyo ng pandiwang Griego na phi·leʹo, ang pag-ibig na may paggiliw.—Ju 5:20.

pag-iisip: Tumutukoy sa kakayahang mag-isip. Dapat gamitin ng isang tao ang kakayahan niyang mag-isip para makilala ang Diyos at mahalin Siya. (Ju 17:3; Ro 12:1) Sa Deu 6:5, na sinipi rito, ang orihinal na tekstong Hebreo ay gumamit ng tatlong termino, ‘puso, kaluluwa, at lakas.’ Pero sa ulat ni Marcos, na isinulat sa Griego, apat na konsepto ang binanggit, puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas. May ilang posibleng dahilan sa pagkakaibang ito. Ang salitang “pag-iisip” ay posibleng idinagdag para makumpleto sa Griego ang kahulugan ng mga konsepto sa wikang Hebreo. Walang espesipikong salita sa sinaunang Hebreo para sa “pag-iisip,” pero ang kahulugan nito ay karaniwan nang saklaw ng salitang Hebreo para sa “puso,” na puwedeng tumukoy sa buong panloob na pagkatao ng isa, kasama ang iniisip, nadarama, saloobin, at motibo niya. (Deu 29:4; Aw 26:2; 64:6; tingnan ang study note sa puso sa talatang ito.) Dahil dito, kapag ginagamit ang salitang Hebreo para sa “puso,” madalas na itinutumbas dito ng Griegong Septuagint ang salitang Griego para sa “pag-iisip.” (Gen 8:21; 17:17; Kaw 2:10; Isa 14:13) Posibleng ipinapakita rin ng paggamit ni Marcos sa salitang pag-iisip na may pagkakapareho sa kahulugan ang terminong Hebreo para sa “lakas” at ang terminong Griego para sa “pag-iisip.” (Ihambing ang pananalita sa Mat 22:37, na gumamit ng “pag-iisip” sa halip na “lakas.”) Ang pagkakapareho sa kahulugan ng mga terminong ito ay isang posibleng dahilan kung bakit “pag-iisip” ang isinagot ng eskriba sa tanong ni Jesus. (Mar 12:33) Makakatulong din ito para maintindihan natin kung bakit magkakaiba ang pananalitang ginamit ng mga manunulat ng Ebanghelyo nang sipiin nila ang Deu 6:5.​—Tingnan ang study note sa lakas sa talatang ito at study note sa Mat 22:37; Luc 10:27.

puso . . . kaluluwa . . . lakas . . . pag-iisip: Dito, isang lalaking eksperto sa Kautusan ang sumipi sa Deu 6:5, kung saan ang orihinal na tekstong Hebreo ay gumamit ng tatlong termino—puso, kaluluwa, at lakas. Pero sa ulat ni Lucas, na isinulat sa Griego, apat na konsepto ang binanggit—puso, kaluluwa, lakas, at pag-iisip. Ang sinabi ng lalaki ay maliwanag na nagpapakita na noong panahon ni Jesus, tinatanggap ng mga tao na ang apat na konseptong ito sa Griego ang katumbas ng tatlong salitang Hebreo sa tekstong sinipi.​—Para sa mas detalyadong paliwanag, tingnan ang study note sa Mar 12:30.

Dapat mong ibigin: Ang salitang Griego rito na isinaling “ibigin” ay a·ga·paʹo. Ang pandiwang ito at ang kaugnay na pangngalang a·gaʹpe (pag-ibig) ay ginamit nang mahigit 250 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa 1Ju 4:8, ang pangngalang a·gaʹpe ay ginamit sa pariralang “ang Diyos ay pag-ibig,” at tinukoy ng Kasulatan ang Diyos bilang ang sukdulang halimbawa ng di-makasariling pag-ibig na ginagabayan ng prinsipyo. Kumikilos ang Diyos para ipadama ang pag-ibig niya at pinag-iisipan niya kung paano ito ipapakita. Ang ganitong pag-ibig ay tapat at may kasamang gawa, hindi lang puro damdamin. Ang mga taong nagpapakita ng ganitong pag-ibig ay hindi pinilit, kundi pinili nilang ipakita ito bilang pagtulad sa Diyos. (Efe 5:1) Kaya naman ang mga tao ay puwedeng utusan na magpakita ng pag-ibig, gaya ng dalawang pinakadakilang utos, na binanggit sa kontekstong ito. Dito, sinipi ni Jesus ang Deu 6:5. Sa Hebreong Kasulatan, ang pandiwang Hebreo na ʼa·hevʹ o ʼa·havʹ (umibig) at ang pangngalang ʼa·havahʹ (pag-ibig) ang mga salitang karaniwang ginagamit para tumukoy sa pag-ibig. Malawak ang kahulugan ng mga ito gaya ng mga salitang Griego na nabanggit. Kapag may kaugnayan sa pag-ibig kay Jehova, ipinapakita ng mga salitang ito ang kagustuhan ng isang tao na ibigay ang buong debosyon niya sa Diyos at Siya lang ang paglingkuran. Perpektong naipakita ni Jesus ang ganitong pag-ibig. Ipinakita niya na ang pag-ibig kay Jehova ay hindi lang pagkadama ng pagmamahal. Gumagabay ito sa buong buhay ng isang tao, sa iniisip niya, sinasabi, at ginagawa.—Tingnan ang study note sa Ju 3:16.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Deu 6:5, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.

puso: Kapag ginagamit sa makasagisag na diwa, ang terminong ito ay karaniwang tumutukoy sa buong panloob na pagkatao. Pero kapag binabanggit kasama ng “kaluluwa” at “pag-iisip,” nagiging mas espesipiko ang kahulugan nito at pangunahin nang tumutukoy sa emosyon, kagustuhan, at damdamin ng isang tao. May pagkakapareho sa kahulugan ang tatlong terminong ito (puso, kaluluwa, at pag-iisip); ang paggamit sa mga ito nang sama-sama ang pinakamapuwersang paraan para idiin na kailangang ibigin ang Diyos nang buong-buo.

buong kaluluwa: O “buong pagkatao.”—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

pag-iisip: Tumutukoy sa kakayahang mag-isip. Dapat gamitin ng isang tao ang kakayahan niyang mag-isip para makilala ang Diyos at mahalin Siya. (Ju 17:3; Ro 12:1) Sa Deu 6:5, na sinipi rito, ang orihinal na tekstong Hebreo ay gumamit ng tatlong termino, ‘puso, kaluluwa, at lakas.’ Pero sa ulat ni Mateo na mababasa sa Griego, “pag-iisip” ang ginamit sa halip na “lakas.” May ilang posibleng dahilan sa paggamit ng magkaibang termino. Una, walang espesipikong salita sa sinaunang Hebreo para sa “pag-iisip,” pero ang kahulugan nito ay karaniwan nang saklaw ng salitang Hebreo para sa “puso.” Kapag ginamit sa makasagisag na diwa ang terminong Hebreo na ito, tumutukoy ito sa buong panloob na pagkatao ng isa, kasama ang iniisip, nadarama, saloobin, at motibo niya. (Deu 29:4; Aw 26:2; 64:6; tingnan ang study note sa puso sa tekstong ito.) Dahil diyan, kapag ginagamit ang salitang “puso” sa Hebreong Kasulatan, karaniwang ginagamit ng Septuagint ang salitang Griego para sa “pag-iisip.” (Gen 8:21; 17:17; Kaw 2:10; Isa 14:13) Ang isa pang posibleng dahilan kung bakit ginamit ni Mateo ang salitang “pag-iisip” sa halip na “lakas” nang sipiin niya ang Deu 6:5 ay dahil ang salitang Hebreo para sa “lakas” ay puwedeng tumukoy sa pisikal na lakas at kakayahang mag-isip. Anuman ang dahilan, makakatulong ang paliwanag tungkol sa pagkakatulad sa kahulugan ng mga terminong Hebreo at Griego para maintindihan natin kung bakit magkakaiba ang pananalitang ginamit ng mga manunulat ng Ebanghelyo nang sumipi sila sa Deuteronomio.—Tingnan ang study note sa Mar 12:30; Luc 10:27.

Ang ikalawa: Mababasa sa Mat 22:37 ang direktang sagot ni Jesus sa Pariseo, pero sa tekstong ito, higit pa sa itinatanong ang sinabi ni Jesus. Sumipi siya ng isa pang utos (Lev 19:18) para ituro na ang dalawang utos na ito ay laging magkaugnay at saligan ng buong Kautusan at mga Propeta.—Mat 22:40.

kapuwa: Ang salitang Griego para sa “kapuwa” na literal na nangangahulugang “ang isa na malapit” ay hindi lang tumutukoy sa mga taong nakatira malapit sa isa’t isa. Tumutukoy ito sa sinumang nakakasalamuha ng isang tao.—Luc 10:29-37; Ro 13:8-10; tingnan ang study note sa Mat 5:43.

Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa: Ipinag-uutos ng Kautusang Mosaiko sa mga Israelita na mahalin ang kapuwa nila. (Lev 19:18) Ang terminong “kapuwa” ay tumutukoy sa kapuwa tao, pero para sa ilang Judio, tumutukoy lang ito sa kapuwa nila Judio, lalo na ang mga sumusunod sa di-nasusulat na tradisyon; ang lahat ng iba pa ay itinuturing nilang kaaway.

ang Kautusan . . . ang mga Propeta: “Ang Kautusan” ay ang mga aklat ng Bibliya mula Genesis hanggang Deuteronomio. “Ang mga Propeta” naman ay ang mga aklat ng hula sa Hebreong Kasulatan. Pero kapag pinagsama ito, ang ekspresyon ay masasabing tumutukoy sa buong Hebreong Kasulatan.—Mat 7:12; 22:40; Luc 16:16.

buong Kautusan at mga Propeta: Tingnan ang study note sa Mat 5:17.

saligan: Ang literal na salin ng pangungusap na ito ay “Sa dalawang utos na ito nakasabit ang buong Kautusan at mga Propeta.” Ang pandiwang Griego rito ay ginamit sa makasagisag na diwa at nangangahulugang “nakadepende; nakabatay.” Ipinapakita rito ni Jesus na hindi lang ang Kautusan, kasama na ang Sampung Utos, ang nakabatay sa pag-ibig kundi ang buong Hebreong Kasulatan.—Ro 13:9.

ang Kristo: Dito, ang titulong “Kristo” ay may kasamang tiyak na pantukoy sa Griego, maliwanag na para idiin ang katungkulan ni Jesus bilang ang Mesiyas.

Kristo: Ang titulong ito ay mula sa salitang Griego na Khri·stosʹ at katumbas ng titulong “Mesiyas” (mula sa salitang Hebreo na ma·shiʹach), na parehong nangangahulugang “Pinahiran.” Noong panahon ng Bibliya, pinapahiran ng langis ang hihiranging tagapamahala.

Kristo: O “Mesiyas.”—Tingnan ang study note sa Mat 1:1; 2:4.

udyok ng banal na espiritu: Lit., “sa espiritu.”—Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”

Jehova: Sa pagsiping ito sa Aw 110:1, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.

sa ilalim ng iyong mga paa: Ibig sabihin, sa ilalim ng awtoridad mo.

Media

Tiberio Cesar
Tiberio Cesar

Ipinanganak si Tiberio noong 42 B.C.E. Noong 14 C.E., naging ikalawang emperador siya ng Roma. Namatay si Tiberio noong Marso 37 C.E. Siya ang emperador sa buong panahon ng ministeryo ni Jesus, kaya si Tiberio ang Cesar na tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya tungkol sa baryang pambayad ng buwis: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar.”—Mar 12:14-17; Mat 22:17-21; Luc 20:22-25.