Ayon kay Lucas 3:1-38

3  Noong ika-15 taon ng pamamahala ni Tiberio Cesar,* nang si Poncio Pilato+ ang gobernador ng Judea, si Herodes+ ang tagapamahala ng distrito ng Galilea, si Felipe na kapatid niya ang tagapamahala ng distrito ng Iturea at Traconite, at si Lisanias ang tagapamahala ng distrito ng Abilinia,  noong panahon ni Caifas+ at ng punong saserdoteng si Anas, tumanggap ng mensahe mula sa Diyos si Juan+ na anak ni Zacarias+ habang siya ay nasa ilang.+  Kaya pumunta siya sa lahat ng lugar sa palibot ng Jordan para mangaral tungkol sa bautismo bilang sagisag ng pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan,+  gaya ng nakasulat sa aklat ni propeta Isaias: “May sumisigaw sa ilang: ‘Ihanda ninyo ang dadaanan ni Jehova! Patagin ninyo ang lalakaran niya.+  Bawat lambak ay tatambakan, at bawat bundok at burol ay papatagin; ang paliko-likong mga daan ay magiging tuwid, at ang malubak na mga daan ay magiging patag;  at makikita ng lahat ng tao* ang pagliligtas ng Diyos.’”*+  Kaya sinasabi niya sa mga taong pumupunta sa kaniya para magpabautismo: “Kayong mga anak ng ulupong, sino ang nagsabi sa inyo na makaliligtas kayo sa dumarating na pagpuksa?+  Ipakita muna ninyo na talagang nagsisisi kayo. Huwag ninyong isipin, ‘Ama namin si Abraham.’ Dahil sinasabi ko sa inyo na kaya ng Diyos na lumikha ng mga anak para kay Abraham mula sa mga batong ito.  Sa katunayan, nakalapat na ang palakol sa ugat ng mga puno. At bawat puno na hindi maganda ang bunga ay puputulin at ihahagis sa apoy.”+ 10  Kaya tinatanong siya ng mga tao: “Ano ngayon ang dapat naming gawin?” 11  Sumasagot siya: “Ang taong may ekstrang* damit ay magbigay sa taong wala nito, at gayon din ang gawin ng taong may makakain.”+ 12  Pumunta rin sa kaniya ang mga maniningil ng buwis para magpabautismo,+ at sinabi nila: “Guro, ano ang dapat naming gawin?” 13  Sumagot siya: “Huwag kayong mangolekta nang higit sa dapat singiling buwis.”+ 14  Nagtatanong din sa kaniya ang mga naglilingkod sa militar: “Ano ang dapat naming gawin?” At sumasagot siya: “Huwag kayong mangikil* o mag-akusa ng di-totoo,+ kundi masiyahan kayo sa inyong suweldo.” 15  Ang mga tao ay naghihintay sa Kristo, at iniisip* nilang lahat tungkol kay Juan, “Siya kaya ang Kristo?”+ 16  Sinabi ni Juan sa lahat: “Binabautismuhan ko kayo sa tubig, pero dumarating ang isa na mas malakas kaysa sa akin, at hindi ako karapat-dapat na magkalag sa sintas ng sandalyas niya.+ Babautismuhan niya kayo sa pamamagitan ng banal na espiritu at ng apoy.+ 17  Hawak niya ang kaniyang palang pantahip para linising mabuti ang giikan niya at tipunin sa kamalig* niya ang trigo, pero ang ipa ay susunugin niya sa apoy na hindi mapapatay.” 18  Nagbigay rin siya ng maraming iba pang payo at nagpatuloy sa paghahayag ng mabuting balita sa mga tao. 19  Pero si Herodes na tagapamahala ng distrito, na sinaway ni Juan may kinalaman kay Herodias na asawa ng kapatid ni Herodes at may kinalaman sa lahat ng masasamang bagay na ginawa niya, 20  ay gumawa ng isa pang masamang bagay: Ipinakulong niya si Juan.+ 21  Matapos mabautismuhan ang lahat ng tao, binautismuhan din si Jesus.+ Habang nananalangin siya, nabuksan ang langit,+ 22  at ang banal na espiritu na tulad ng isang kalapati ay bumaba sa kaniya, at isang tinig ang narinig mula sa langit: “Ikaw ang Anak ko, ang minamahal ko; nalulugod ako sa iyo.”+ 23  Nang pasimulan ni Jesus+ ang kaniyang gawain, siya ay mga 30 taóng gulang.+ At gaya nga ng sinasabi ng mga tao, siya ayanak ni Jose,+na anak ni Heli, 24  na anak ni Matat,na anak ni Levi,na anak ni Melqui,na anak ni Jannai,na anak ni Jose, 25  na anak ni Matatias,na anak ni Amos,na anak ni Nahum,na anak ni Esli,na anak ni Nagai, 26  na anak ni Maat,na anak ni Matatias,na anak ni Semein,na anak ni Josec,na anak ni Joda, 27  na anak ni Joanan,na anak ni Resa,na anak ni Zerubabel,+na anak ni Sealtiel,+na anak ni Neri, 28  na anak ni Melqui,na anak ni Adi,na anak ni Cosam,na anak ni Elmadam,na anak ni Er, 29  na anak ni Jesus,na anak ni Eliezer,na anak ni Jorim,na anak ni Matat,na anak ni Levi, 30  na anak ni Symeon,na anak ni Hudas,na anak ni Jose,na anak ni Jonam,na anak ni Eliakim, 31  na anak ni Melea,na anak ni Mena,na anak ni Matata,na anak ni Natan,+na anak ni David,+ 32  na anak ni Jesse,+na anak ni Obed,+na anak ni Boaz,+na anak ni Salmon,+na anak ni Nason,+ 33  na anak ni Aminadab,+na anak ni Arni,na anak ni Hezron,+na anak ni Perez,+na anak ni Juda,+ 34  na anak ni Jacob,+na anak ni Isaac,+na anak ni Abraham,+na anak ni Tera,+na anak ni Nahor,+ 35  na anak ni Serug,+na anak ni Reu,+na anak ni Peleg,+na anak ni Eber,+na anak ni Shela,+ 36  na anak ni Cainan,na anak ni Arpacsad,+na anak ni Sem,+na anak ni Noe,+na anak ni Lamec,+ 37  na anak ni Matusalem,+na anak ni Enoc,+na anak ni Jared,+na anak ni Mahalaleel,+na anak ni Cainan,+ 38  na anak ni Enos,+na anak ni Set,+na anak ni Adan,+na anak ng Diyos.

Talababa

O “ni Emperador Tiberio.”
Lit., “laman.”
O “ang paraan ng pagliligtas ng Diyos.”
Lit., “dalawang.”
O “gumamit ng dahas para mangikil; manakot.”
O “nangangatuwiran sa puso.”
O “imbakan.”

Study Notes

pasimulan ni Jesus ang kaniyang gawain: O “pasimulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo; magsimulang magturo si Jesus.” Lit., “magsimula si Jesus.” Ito rin ang ekspresyong Griego na ginamit ni Lucas sa Gaw 1:21, 22 at 10:37, 38 nang tukuyin niya ang pasimula ng ministeryo ni Jesus sa lupa. Kasama sa ministeryo niya ang pangangaral, pagtuturo, at paggawa ng alagad.

Ang Paskuwa: Nagsimulang mangaral si Jesus pagkatapos ng bautismo niya noong taglagas ng 29 C.E., kaya ang Paskuwang ito sa pasimula ng ministeryo niya ay malamang na ang Paskuwang ipinagdiwang noong tagsibol ng 30 C.E. (Tingnan ang study note sa Luc 3:1 at Ap. A7.) Kapag pinagkumpara ang mga ulat ng apat na Ebanghelyo, makikita na may apat na Paskuwang ipinagdiwang noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, na nagpapakitang tumagal nang tatlo at kalahating taon ang ministeryo niya. Sa mga Ebanghelyo nina Mateo, Marcos, at Lucas (madalas tawaging mga sinoptikong Ebanghelyo), isang Paskuwa lang ang binanggit, ang huling Paskuwa kung kailan namatay si Jesus. Sa ulat ni Juan, tatlong Paskuwa ang espesipiko niyang binanggit (Ju 2:13; 6:4; 11:55), at malamang na ang tinawag niya na “kapistahan ng mga Judio” sa Ju 5:1 ang ikaapat na Paskuwa. Ipinapakita lang ng halimbawang ito kung gaano kahalaga na pagkumparahin ang mga Ebanghelyo para magkaroon ng mas malinaw na pagkaunawa sa buhay ni Jesus.​—Tingnan ang study note sa Ju 5:1; 6:4; 11:55.

tagapamahala ng distrito: Lit., “tetrarka” (ang ibig sabihin ay “tagapamahala ng sangkapat” ng isang lalawigan), ang tawag sa isang mababang tagapamahala ng distrito o opisyal na namamahala sa isang teritoryo dahil binigyan siya ng kapangyarihan ng Romanong awtoridad. Namahala si Herodes Antipas bilang tetrarka ng Galilea at Perea.—Ihambing ang study note sa Mar 6:14.

Haring Herodes: Si Herodes Antipas, anak ni Herodes na Dakila. (Tingnan sa Glosari, “Herodes.”) Ginamit nina Mateo at Lucas ang opisyal na Romanong titulo ni Antipas na “tetrarka,” o “tagapamahala ng distrito.” (Tingnan ang study note sa Mat 14:1; Luc 3:1.) Namahala siya bilang tetrarka ng Galilea at Perea. Pero kilala siya sa tawag na “hari,” ang titulong minsang ginamit ni Mateo (Mat 14:9) at ang nag-iisang titulo na ginagamit ni Marcos para tukuyin si Herodes.​—Mar 6:22, 25, 26, 27.

Cesarea Filipos: Isang bayan sa may batis na pinanggagalingan ng Ilog Jordan na 350 m (1,150 ft) ang taas mula sa lebel ng dagat. Ang bayan ay mga 40 km (25 mi) sa hilaga ng Lawa ng Galilea at malapit sa timog-kanlurang paanan ng Bundok Hermon. Tinawag itong Cesarea ng tetrarkang si Felipe, anak ni Herodes na Dakila, bilang parangal sa Romanong emperador. Para hindi ito maipagkamali sa Cesarea na daungang lunsod, tinawag itong Cesarea Filipos, na nangangahulugang “Cesarea ni Felipe.”—Tingnan ang Ap. B10.

ika-15 taon ng pamamahala ni Tiberio: Namatay si Cesar Augusto noong Agosto 17, 14 C.E. (kalendaryong Gregorian). Noong Setyembre 15, pumayag si Tiberio na iproklama siya ng Senado ng Roma na emperador. Kung magsisimula ng pagbilang ng taon mula sa pagkamatay ni Augusto, ang ika-15 taon ng pamamahala ni Tiberio ay mula Agosto 28 C.E. hanggang Agosto 29 C.E. Pero kung magsisimula ng pagbilang mula nang opisyal siyang iproklama bilang emperador, ang ika-15 taon niya ay magiging mula Setyembre 28 C.E. hanggang Setyembre 29 C.E. Lumilitaw na sinimulan ni Juan ang ministeryo niya sa tagsibol (sa hilagang hemisperyo) ng 29 C.E., na pasók sa ika-15 taon ng pamamahala ni Tiberio. Sa ika-15 taon ni Tiberio, malamang na si Juan ay mga 30 taóng gulang na, ang edad kung kailan nagsisimulang maglingkod sa templo ang mga saserdoteng Levita. (Bil 4:2, 3) Ayon sa Luc 3:21-23, si Jesus ay “mga 30 taóng gulang” din nang bautismuhan siya ni Juan at ‘pasimulan niya ang kaniyang gawain.’ Namatay si Jesus noong tagsibol, buwan ng Nisan, kaya ang tatlo-at-kalahating taon ng ministeryo niya ay lumilitaw na nagsimula nang taglagas, noong mga buwan ng Etanim (Setyembre/Oktubre). Malamang na mas matanda si Juan kay Jesus nang anim na buwan at lumilitaw na sinimulan din niya ang kaniyang ministeryo nang mas maaga nang anim na buwan kaysa kay Jesus. (Luc, kab. 1) Kaya makatuwirang isipin na sinimulan ni Juan ang ministeryo niya noong tagsibol ng 29 C.E.​—Tingnan ang study note sa Luc 3:23; Ju 2:13.

Herodes: Si Herodes Antipas, anak ni Herodes na Dakila.​—Tingnan sa Glosari.

tagapamahala ng distrito: Lit., “tetrarka,” ang tawag sa isang mababang tagapamahala ng distrito o opisyal na namamahala sa isang teritoryo dahil binigyan siya ng kapangyarihan ng Romanong awtoridad.​—Tingnan ang study note sa Mat 14:1; Mar 6:14.

si Felipe na kapatid niya: Ang kapatid sa ama ni Herodes Antipas. Si Felipe ay anak ni Herodes na Dakila sa asawa nitong si Cleopatra ng Jerusalem. Kung minsan, tinatawag siyang Felipe na tetrarka para hindi siya maipagkamali sa kapatid niya sa ama na may pangalan ding Felipe (tinatawag kung minsan na Herodes Felipe), na binanggit sa Mat 14:3 at Mar 6:17.​—Tingnan din ang study note sa Mat 16:13.

Iturea: Isang maliit na teritoryo na di-tiyak ang hangganan at makikita sa hilagang-silangan ng Lawa ng Galilea; lumilitaw na malapit ito sa bulubundukin ng Lebanon at Anti-Lebanon.​—Tingnan ang Ap. B10.

Traconite: Ang pangalang ito ay galing sa Griegong salitang-ugat na nangangahulugang “malubak”; malamang na tumutukoy ito sa pagiging malubak ng lugar na iyon. Makikita ang Traconite sa teritoryo na tinatawag noon na Basan (Deu 3:3-14), na nasa silangan ng Iturea. Mga 900 sq km (350 sq mi) lang ang lawak nito. Ang hilagang hangganan nito ay umaabot nang mga 40 km (25 mi) sa timog-silangan ng Damasco.

Lisanias: Ayon sa ulat ni Lucas, si Lisanias ang “tagapamahala ng distrito [lit., “tetrarka”]” ng Romanong distrito ng Abilinia noong pasimula ng ministeryo ni Juan Bautista. Isang inskripsiyon sa Abila, kabisera ng Abilinia, na malapit sa Damasco ng Sirya (tingnan ang Ap. B10), ang nagpapatunay na isang tetrarkang nagngangalang Lisanias ang namahala kasabay ng Romanong Emperador na si Tiberio. Ipinapakita nito na hindi totoo ang sinasabi ng ilang kritiko na ang Lisanias na tinutukoy ni Lucas ay ang hari na namahala sa kalapit na lugar na Chalcis at pinatay noong mga 34 B.C.E., ilang dekada na mas maaga bago ang panahong binabanggit ni Lucas.

Abilinia: Isang Romanong distrito, o tetrarkiya, na isinunod ang pangalan sa kabisera nitong Abila at makikita sa rehiyon ng Kabundukan ng Anti-Lebanon sa hilaga ng Bundok Hermon.​—Tingnan sa Glosari, “Bulubundukin ng Lebanon.”

Zacarias: Pangalang Hebreo na nangangahulugang “Inalaala ni Jehova.” Ang “Zacarias” ay malapit sa anyong Griego ng pangalang ito.

ilang ng Judea: Silangang dalisdis ng kabundukan ng Judea. Ang kalakhang bahagi nito ay di-tinitirhan at kalbo. Ito ay mga 1,200 m (3,900 ft) palusong sa kanlurang pampang ng Ilog Jordan at Dagat na Patay. Sinimulan ni Juan ang ministeryo niya sa isang bahagi ng rehiyong ito sa hilaga ng Dagat na Patay.

Caifas at . . . punong saserdoteng si Anas: Nang banggitin ni Lucas ang pasimula ng ministeryo ni Juan Bautista, sinabi niyang naglilingkod noong panahong iyon bilang mga saserdoteng Judio ang dalawang prominenteng lalaki. Si Anas ay itinalagang mataas na saserdote noong mga 6 o 7 C.E. ng Romanong gobernador ng Sirya na si Quirinio, at naglingkod siya hanggang mga 15 C.E. Kahit noong inalis na ng mga Romano si Anas bilang mataas na saserdote, lumilitaw na naging makapangyarihan at maimpluwensiya pa rin siya dahil sa pagiging mataas na saserdote niya noon at pinapakinggan pa rin siya ng mga prominenteng Judio. Lima sa mga anak niyang lalaki ang naglingkod bilang mataas na saserdote, at ang manugang niyang si Caifas ay naging mataas na saserdote mula mga 18 C.E. hanggang mga 36 C.E. Kaya kahit si Caifas na ang mataas na saserdote noong 29 C.E., puwede pa ring tawagin si Anas na ‘punong saserdote’ dahil sa prominenteng posisyon niya.​—Ju 18:13, 24; Gaw 4:6.

Juan: Sa ulat lang ni Lucas ipinakilala si Juan bilang anak ni Zacarias. (Tingnan ang study note sa Luc 1:5.) Si Lucas lang din ang nagsabi na si Juan ay tumanggap ng mensahe mula sa Diyos; katulad ito ng pananalita sa Septuagint may kinalaman sa propetang si Elias (1Ha 17:2; 21:28 [20:28, LXX]), na inihahalintulad kay Juan. (Mat 11:14; 17:10-13) Sinasabi ng mga Ebanghelyo nina Mateo, Marcos, at Lucas na nasa ilang si Juan, pero si Mateo lang ang espesipikong bumanggit na ito ay “ilang ng Judea,” na nasa silangang dalisdis ng kabundukan ng Judea at ang kalakhang bahagi ay di-tinitirhan at kalbo. Ito ay mga 1,200 m (3,900 ft) palusong sa kanlurang pampang ng Ilog Jordan at Dagat na Patay.​—Tingnan ang study note sa Mat 3:1.

bautismo bilang sagisag ng pagsisisi: Lit., “bautismo ng pagsisisi.” Hindi inaalis ng bautismo ang mga kasalanan. Sa halip, ang mga binautismuhan ni Juan ay hayagang nagsisi sa mga kasalanan nila laban sa Kautusan, na nagpapakitang determinado silang magbago. Ang pagsisisi nila ay umakay sa kanila sa Kristo. (Gal 3:24) Sa gayon, naihanda ni Juan ang mga tao para makita ang “pagliligtas ng Diyos.”—Luc 3:3-6; tingnan ang study note sa Mat 3:2, 8, 11 at Glosari, “Bautismo”; “Pagsisisi.”

bautismo bilang sagisag ng pagsisisi: Tingnan ang study note sa Mar 1:4.

Patagin ninyo ang lalakaran niya: Posibleng ipinapaalala nito ang ipinapagawa ng mga tagapamahala noon para maihanda ang daraanan ng karwahe nila—ipinapaalis nila ang malalaking bato at nagpapagawa pa nga sila ng tulay at ipinapapatag ang mga burol.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Isa 40:3, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo. (Tingnan ang Ap. C.) Ipinakita ni Lucas na si Juan Bautista ang tinutukoy sa hulang ito. Ihahanda ni Juan ang dadaanan ni Jehova dahil ihahanda niya ang daan para kay Jesus, na kakatawan sa kaniyang Ama at darating sa ngalan ng kaniyang Ama. (Ju 5:43; 8:29) Sa Ebanghelyo ni apostol Juan, si Juan Bautista mismo ang nagsabi na siya ang tutupad sa hulang ito.​—Ju 1:23.

Patagin ninyo ang lalakaran niya: Tingnan ang study note sa Mat 3:3.

Binabautismuhan ko kayo: O “Inilulubog ko kayo.” Ang salitang Griego na ba·ptiʹzo ay nangangahulugang “ilublob; ilubog.” Ipinapakita sa iba pang bahagi ng Bibliya na ang pagbabautismo ay lubusang paglulubog. Sa isang pagkakataon, nagbautismo si Juan sa isang lugar sa Lambak ng Jordan malapit sa Salim “dahil may malaking katubigan doon.” (Ju 3:23) Nang bautismuhan naman ni Felipe ang isang mataas na opisyal na Etiope, pareho silang “lumusong sa tubig.” (Gaw 8:38) Ang salitang ba·ptiʹzo rin ang ginamit ng Septuagint sa 2Ha 5:14 nang sabihin nitong “lumublob [si Naaman] sa Jordan nang pitong beses.”

Kayong mga anak ng ulupong: Ganoon ang itinawag sa kanila dahil sa kasamaan nila at masamang impluwensiya na gaya ng nakamamatay na lason sa mga taong walang kamalay-malay.

magpabautismo: O “magpalubog.”​—Tingnan ang study note sa Mat 3:11.

Kayong mga anak ng ulupong: Tingnan ang study note sa Mat 3:7.

Magsisi: Ang salitang Griego ay puwedeng isaling “magbago ng isip” at nangangahulugang pagbabago ng kaisipan, saloobin, o layunin. Sa kontekstong ito, gagawin ang ‘pagsisisi’ para magkaroon ng magandang kaugnayan sa Diyos.—Tingnan ang study note sa Mat 3:8, 11 at Glosari, “Pagsisisi.”

nagsisisi: Lit., “nagbago ng isip.”—Tingnan ang study note sa Mat 3:2, 8 at Glosari, “Pagsisisi.”

Ipakita muna ninyo na talagang nagsisisi kayo: Lit., “Magluwal kayo ng mga bungang angkop sa pagsisisi.” Ang pangmaramihang anyo ng salitang Griego para sa “bunga” (kar·posʹ) ay ginamit dito para tumukoy sa mga patunay at mga gawa na nagpapakitang nagbago na ang kaisipan o saloobin ng mga nakikinig kay Juan.​—Mat 3:8; Gaw 26:20; tingnan ang study note sa Mat 3:2, 11 at Glosari, “Pagsisisi.”

maniningil ng buwis: Marami sa mga Judio ang naniningil ng buwis para sa pamahalaang Romano. Galít ang mga tao sa mga Judiong ito dahil hindi lang sila kumakampi sa mananakop nila; sobra-sobra din ang sinisingil nilang buwis. Ang mga maniningil ng buwis ay karaniwan nang iniiwasan ng mga kapuwa nila Judio at itinuturing na gaya ng mga makasalanan at babaeng bayaran.—Mat 11:19; 21:32.

maniningil ng buwis: Tingnan ang study note sa Mat 5:46.

kinikil ko: O “kinikil ko sa pamamagitan ng di-totoong akusasyon.”​—Tingnan ang study note sa Luc 3:14.

mga naglilingkod sa militar: Lumilitaw na sila ay mga sundalong Judio na rumoronda para mangolekta ng buwis. Ang mga sundalong Judio ay may pakikipagtipan sa Diyos na Jehova. Kung gusto nilang magpabautismo bilang sagisag ng pagsisisi, kailangan nilang baguhin ang kanilang paggawi at tumigil na sa pangingikil at paggawa ng ibang krimen na karaniwan sa mga sundalo.​—Mat 3:8.

mag-akusa ng di-totoo: Ang terminong Griego na isinaling “mag-akusa ng di-totoo” (sy·ko·phan·teʹo) na ginamit dito ay isinaling “kinikil” o “kinikil . . . sa pamamagitan ng di-totoong akusasyon” sa Luc 19:8. (Tingnan ang study note sa Luc 19:8.) Sinasabing ang literal na kahulugan ng pandiwang ito ay “kunin sa pamamagitan ng pagpapakita ng igos.” Iba-iba ang paliwanag sa pinagmulan ng salitang ito. Ito ang isa: Sa Atenas noon, ipinagbabawal ang pagluluwas ng igos. Kaya kapag pinagbibintangan ng isang tao ang kapuwa niya na nagtatangkang magluwas ng igos, tinatawag siyang “tagapagpakita ng igos.” Nang maglaon, ginamit na ang terminong ito para tumukoy sa nag-aakusa sa iba ng di-totoo para sa pakinabang, o blackmailer.

suweldo: O “probisyon; kabayaran.” Ginamit dito ang isang terminong panghukbo na tumutukoy sa suweldo ng isang sundalo. Noong una, kasama sa kabayaran ng mga sundalo ang pagkain at iba pang probisyon. Ang mga sundalong Judio na lumapit kay Juan ay posibleng mga sundalong rumoronda, partikular na para maningil ng buwis. Posibleng ibinigay ni Juan ang payong ito dahil mababa ang suweldo ng karamihan sa mga sundalo, at lumilitaw na nagiging dahilan ito para abusuhin ng mga sundalo ang kapangyarihan nila at madagdagan ang kinikita nila. Ginamit din ang terminong ito sa ekspresyon na “sarili niyang gastos” sa 1Co 9:7, kung saan sinasabi ni Pablo ang kabayaran na nararapat sa isang ‘sundalong’ Kristiyano.

naghihintay: O “nag-aabang.” Posibleng sabik na naghihintay ang mga tao dahil inihayag ng mga anghel ang kapanganakan ni Jesus at ipinamalita ng mga pastol ang mensaheng iyon. (Luc 2:8-11, 17, 18) Pagkatapos, humula naman tungkol sa bata ang propetisang si Ana sa templo. (Luc 2:36-38) Gayundin, ang sinabi ng mga astrologo na dumating sila para magbigay-galang sa “ipinanganak na hari ng mga Judio” ay may malaking epekto kay Herodes, sa mga punong saserdote, sa mga eskriba, at sa buong Jerusalem.​—Mat 2:1-4.

Binabautismuhan ko kayo: O “Inilulubog ko kayo.” Ang salitang Griego na ba·ptiʹzo ay nangangahulugang “ilublob; ilubog.” Ipinapakita sa iba pang bahagi ng Bibliya na ang pagbabautismo ay lubusang paglulubog. Sa isang pagkakataon, nagbautismo si Juan sa isang lugar sa Lambak ng Jordan malapit sa Salim “dahil may malaking katubigan doon.” (Ju 3:23) Nang bautismuhan naman ni Felipe ang isang mataas na opisyal na Etiope, pareho silang “lumusong sa tubig.” (Gaw 8:38) Ang salitang ba·ptiʹzo rin ang ginamit ng Septuagint sa 2Ha 5:14 nang sabihin nitong “lumublob [si Naaman] sa Jordan nang pitong beses.”

sandalyas: Ang pag-aalis at pagdadala ng sandalyas ng iba o ang pagkakalag ng sintas ng sandalyas ng iba (Mar 1:7; Luc 3:16; Ju 1:27) ay itinuturing na mababang atas at kadalasang ginagawa ng isang alipin.

Binabautismuhan ko kayo: Tingnan ang study note sa Mat 3:11.

sandalyas: Tingnan ang study note sa Mat 3:11.

palang pantahip: Posibleng gawa sa kahoy at ginagamit na panghagis sa giniik na butil para tangayin ng hangin ang mga dayami at ipa.

ipa: Manipis na balot o balat ng mga butil, gaya ng sebada at trigo. Ang ipa ay kadalasang tinitipon at sinusunog para hindi ito tangayin ng hangin at humalo ulit sa bunton ng butil. Ginamit ni Juan ang pagtatahip para ilarawan ang gagawin ng Mesiyas na paghihiwalay ng makasagisag na trigo mula sa ipa nito.

apoy na hindi mapapatay: Nagpapakita na magiging lubusan ang pagkawasak ng sistemang Judio.

palang pantahip: Tingnan ang study note sa Mat 3:12.

ipa: Tingnan ang study note sa Mat 3:12.

apoy na hindi mapapatay: Tingnan ang study note sa Mat 3:12.

tagapamahala ng distrito: Lit., “tetrarka” (ang ibig sabihin ay “tagapamahala ng sangkapat” ng isang lalawigan), ang tawag sa isang mababang tagapamahala ng distrito o opisyal na namamahala sa isang teritoryo dahil binigyan siya ng kapangyarihan ng Romanong awtoridad. Namahala si Herodes Antipas bilang tetrarka ng Galilea at Perea.—Ihambing ang study note sa Mar 6:14.

tagapamahala ng distrito: Tingnan ang study note sa Mat 14:1.

langit: Puwedeng tumukoy sa literal na langit, o himpapawid, o sa espirituwal na langit.

Habang nananalangin siya: Sa Ebanghelyo ni Lucas, nagtuon siya ng pansin sa panalangin. Si Lucas lang ang bumanggit ng marami sa mga panalangin ni Jesus. Halimbawa, si Lucas lang ang nagsabi na nanalangin si Jesus noong bautismo niya. Lumilitaw na iniulat ni Pablo nang maglaon ang ilang mahahalagang sinabi ni Jesus sa panalanging iyon. (Heb 10:5-9) Ang iba pang pagkakataong nanalangin si Jesus na si Lucas lang ang nag-ulat ay mababasa sa Luc 5:16; 6:12; 9:18, 28; 11:1; 23:46.

nabuksan ang langit: Lumilitaw na ipinaunawa ng Diyos kay Jesus ang mga bagay na nasa langit, at malamang na kasama doon ang memorya niya noong nasa langit pa siya. Ang mga sinabi ni Jesus pagkatapos ng bautismo niya, partikular na ang napakapersonal na panalangin niya noong gabi ng Paskuwa ng 33 C.E., ay nagpapakitang alam na niya nang pagkakataong iyon ang buhay niya sa langit bago siya maging tao. Makikita rin na naalala niya ang mga narinig niyang sinabi ng kaniyang Ama at nakita niyang ginawa Niya, pati ang kaluwalhatian niya noon sa langit. (Ju 6:46; 7:28, 29; 8:26, 28, 38; 14:2; 17:5) Posibleng naalala niya ang mga iyon noong bautismuhan siya at pahiran.

langit: Tingnan ang study note sa Mat 3:16.

isang tinig mula sa ulap: Ito ang ikalawa sa tatlong pagkakataong iniulat sa mga Ebanghelyo na direktang nakipag-usap si Jehova sa mga tao.—Tingnan ang study note sa Luc 3:22; Ju 12:28.

isang tinig: Ito ang huli sa tatlong pagkakataong iniulat sa mga Ebanghelyo na direktang nakipag-usap si Jehova sa mga tao. Ang unang pagkakataon ay nang bautismuhan si Jesus noong 29 C.E., at mababasa ito sa Mat 3:16, 17; Mar 1:11; at Luc 3:22. Ang ikalawa ay nang magbagong-anyo si Jesus noong 32 C.E., na makikita naman sa Mat 17:5; Mar 9:7; at Luc 9:35. At ang ikatlo, na mababasa lang sa Ebanghelyo ni Juan, ay nangyari noong 33 C.E., nang malapit na ang huling Paskuwa ni Jesus. Sinagot ni Jehova ang hiling ni Jesus na luwalhatiin Niya ang Kaniyang pangalan.

Ikaw ang Anak ko: Bilang espiritung nilalang, si Jesus ay Anak ng Diyos. (Ju 3:16) Mula nang isilang bilang tao, si Jesus ay “anak ng Diyos,” gaya ni Adan nang perpekto pa siya. (Luc 1:35; 3:38) Pero makatuwirang isipin na hindi lang iyan ang ibig sabihin ng Diyos sa pagkakataong ito. Nang sabihin niya ito, kasabay ng pagbubuhos ng banal na espiritu, maliwanag na ipinakita ng Diyos na si Jesus ang kaniyang Anak na ipinanganak sa pamamagitan ng espiritu—“ipinanganak-muli” na may pag-asang mabuhay muli sa langit at pinahiran ng espiritu ng Diyos para maging Hari at Mataas na Saserdote.—Ju 3:3-6; 6:51; ihambing ang Luc 1:31-33; Heb 2:17; 5:1, 4-10; 7:1-3.

nalulugod ako sa iyo: O “sinasang-ayunan kita.” Ginamit din ang ekspresyong iyan sa Mat 12:18, na sinipi mula sa Isa 42:1 na isang hula tungkol sa ipinangakong Mesiyas, o Kristo. Ang pagbubuhos ng banal na espiritu at ang sinabi ng Diyos tungkol sa kaniyang Anak ay malinaw na mga patunay na si Jesus nga ang ipinangakong Mesiyas.​—Tingnan ang study note sa Mat 3:17; 12:18.

tulad ng isang kalapati: Ang mga kalapati ay ginagamit noon sa pagsamba at may makasagisag na kahulugan. Ginagamit ang mga ito sa paghahandog. (Mar 11:15; Ju 2:14-16) Sumasagisag ang mga ito sa pagiging tapat at dalisay. (Mat 10:16) Ang kalapating pinalipad ni Noe ay bumalik sa arka na may tukang dahon ng olibo, na nagpapakitang medyo humupa na ang baha (Gen 8:11) at malapit na ang panahon ng kapahingahan at kapayapaan (Gen 5:29). Kaya noong bautismuhan si Jesus, posibleng ginamit ni Jehova ang kalapati para ipakita ang papel ni Jesus bilang ang Mesiyas, ang dalisay at di-nagkakasalang Anak ng Diyos na maghahandog ng sarili niya para sa sangkatauhan na siyang magbibigay-daan sa panahon ng kapahingahan at kapayapaan habang namamahala siya bilang Hari. Habang bumababa kay Jesus ang banal na espiritu ng Diyos, o aktibong puwersa niya, posibleng mukha itong kalapati na papunta sa dadapuan nito.

isang tinig ang narinig mula sa langit: Ito ang una sa tatlong pagkakataong iniulat sa Ebanghelyo na narinig ng mga tao na nagsalita si Jehova.​—Tingnan ang study note sa Luc 9:35; Ju 12:28.

Ikaw ang Anak ko: Tingnan ang study note sa Mar 1:11.

nalulugod ako sa iyo: Tingnan ang study note sa Mar 1:11.

Sealtiel, na anak ni Neri: Ayon sa 1Cr 3:17 at Mat 1:12, si Sealtiel ay anak ni Jeconias, hindi ni Neri. Posibleng naging asawa ni Sealtiel ang anak na babae ni Neri. Kaya matatawag siyang “anak ni Neri” dahil manugang siya nito. Karaniwan sa talaangkanan ng mga Hebreo na itala ang isang manugang na lalaki bilang isang anak. Ganiyan din ang kaso nang tawagin ni Lucas si Jose na “anak ni Heli,” ang ama ni Maria.​—Tingnan ang study note sa Luc 3:23.

kasaysayan ni Jesu-Kristo: Tinunton ni Mateo ang linya ng angkan ni Jesus mula sa anak ni David na si Solomon. Tinunton naman ni Lucas ang linya mula sa anak ni David na si Natan. (Mat 1:6, 7; Luc 3:31) Tinunton ni Mateo ang legal na karapatan ni Jesus sa trono ni David mula kay Solomon hanggang kay Jose, ang legal na ama ni Jesus. Lumilitaw namang sinundan ni Lucas ang talaangkanan ni Maria, na nagpapakitang talagang kadugo ni David si Jesus.

Jose: Sa ulat ni Mateo, hindi sinabing “naging anak ni” Jose (tingnan ang study note sa Mat 1:2) si Jesus. Sinabi lang nito na si Jose ay asawa ni Maria, na nagsilang kay Jesus. Kaya ipinapakita ng talaangkanan sa Mateo na kahit hindi talaga anak ni Jose si Jesus, legal na anak ni Jose si Jesus kaya isa siyang legal na tagapagmana ni David. Ipinapakita naman ng talaangkanan sa Lucas na si Jesus, sa pamamagitan ng kaniyang inang si Maria, ay nararapat na tagapagmana ni David dahil inapo siya nito.

Sealtiel, na anak ni Neri: Ayon sa 1Cr 3:17 at Mat 1:12, si Sealtiel ay anak ni Jeconias, hindi ni Neri. Posibleng naging asawa ni Sealtiel ang anak na babae ni Neri. Kaya matatawag siyang “anak ni Neri” dahil manugang siya nito. Karaniwan sa talaangkanan ng mga Hebreo na itala ang isang manugang na lalaki bilang isang anak. Ganiyan din ang kaso nang tawagin ni Lucas si Jose na “anak ni Heli,” ang ama ni Maria.​—Tingnan ang study note sa Luc 3:23.

pasimulan ni Jesus ang kaniyang gawain: O “pasimulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo; magsimulang magturo si Jesus.” Lit., “magsimula si Jesus.” Ito rin ang ekspresyong Griego na ginamit ni Lucas sa Gaw 1:21, 22 at 10:37, 38 nang tukuyin niya ang pasimula ng ministeryo ni Jesus sa lupa. Kasama sa ministeryo niya ang pangangaral, pagtuturo, at paggawa ng alagad.

gaya nga ng sinasabi ng mga tao: O posibleng “ayon sa batas.” Iniisip ng ilang iskolar na puwede itong isalin na “ayon sa batas,” dahil kasama rin ito sa kahulugan ng ginamit na terminong Griego. Sa kontekstong ito, ang ganitong salin ay nangangahulugang may legal na basehan ang ulat ni Lucas batay sa rekord ng talaangkanan na makukuha nang panahong iyon. Pero mas maraming iskolar ang sumusuporta sa salin ng Bagong Sanlibutang Salin.

gaya nga ng sinasabi ng mga tao, siya ay anak ni Jose: Ama-amahan lang ni Jesus si Jose, dahil ipinanganak si Jesus sa pamamagitan ng banal na espiritu. Pero dahil nakita ng mga taga-Nazaret na pinalaki nina Jose at Maria si Jesus, natural lang na ituring nila siyang anak ni Jose. Makikita iyan sa mga tekstong gaya ng Mat 13:55 at Luc 4:22, kung saan tinawag si Jesus ng mga taga-Nazaret na “anak ng karpintero” at ‘anak ni Jose.’ Minsan, sinabi ng mga natisod kay Jesus: “Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose? Kilala natin ang kaniyang ama at ina.” (Ju 6:42) Sinabi rin ni Felipe kay Natanael: “Nakita na namin . . . si Jesus, na anak ni Jose.” (Ju 1:45) Kaya idinidiin dito ni Lucas na opinyon lang ng mga tao na si Jesus ay “anak ni Jose.”

Jose, na anak ni Heli: Ayon sa Mat 1:16, “naging anak ni Jacob si Jose na asawa ni Maria.” Sa ulat naman ni Lucas, si Jose ay tinawag na “anak ni Heli,” lumilitaw na dahil siya ay manugang ni Heli. (Para sa kaparehong kaso, tingnan ang study note sa Luc 3:27.) Kapag tinutunton ang ninuno ng isang tao sa panig ng kaniyang ina, karaniwan noon sa mga Judio na magpokus sa mga lalaki sa angkan, at malamang na iyan ang dahilan kaya inalis ni Lucas ang pangalan ng babae at ipinalit dito ang pangalan ng asawa niyang lalaki. Lumilitaw na tinunton ni Lucas ang angkan ni Jesus sa panig ni Maria, kaya makatuwirang isipin na si Heli ay ama ni Maria at lolo ni Jesus sa ina.​—Tingnan ang study note sa Mat 1:1, 16; Luc 3:27.

Jose, na anak ni Heli: Ayon sa Mat 1:16, “naging anak ni Jacob si Jose na asawa ni Maria.” Sa ulat naman ni Lucas, si Jose ay tinawag na “anak ni Heli,” lumilitaw na dahil siya ay manugang ni Heli. (Para sa kaparehong kaso, tingnan ang study note sa Luc 3:27.) Kapag tinutunton ang ninuno ng isang tao sa panig ng kaniyang ina, karaniwan noon sa mga Judio na magpokus sa mga lalaki sa angkan, at malamang na iyan ang dahilan kaya inalis ni Lucas ang pangalan ng babae at ipinalit dito ang pangalan ng asawa niyang lalaki. Lumilitaw na tinunton ni Lucas ang angkan ni Jesus sa panig ni Maria, kaya makatuwirang isipin na si Heli ay ama ni Maria at lolo ni Jesus sa ina.​—Tingnan ang study note sa Mat 1:1, 16; Luc 3:27.

Zerubabel, na anak ni Sealtiel: Maraming beses na tinukoy si Zerubabel na “anak ni Sealtiel” (Ezr 3:2, 8; 5:2; Ne 12:1; Hag 1:1, 12, 14; 2:2, 23; Mat 1:12), pero minsan siyang tinukoy na isa sa “mga anak ni Pedaias,” na kapatid ni Sealtiel. (1Cr 3:17-19) Malamang na anak talaga ni Pedaias si Zerubabel, pero ang kinikilalang legal na ama niya ay si Sealtiel. Kung namatay si Pedaias noong bata pa ang anak niyang si Zerubabel, posibleng ang bata ay pinalaki ng panganay na kapatid na lalaki ni Pedaias na si Sealtiel bilang sarili niyang anak. Kung namatay naman si Sealtiel nang walang anak at kinuha ni Pedaias ang naiwan niyang biyuda bilang asawa (pag-aasawa bilang bayaw), ang anak ni Pedaias sa asawa ni Sealtiel ay ituturing na legal na tagapagmana ni Sealtiel.

Sealtiel, na anak ni Neri: Ayon sa 1Cr 3:17 at Mat 1:12, si Sealtiel ay anak ni Jeconias, hindi ni Neri. Posibleng naging asawa ni Sealtiel ang anak na babae ni Neri. Kaya matatawag siyang “anak ni Neri” dahil manugang siya nito. Karaniwan sa talaangkanan ng mga Hebreo na itala ang isang manugang na lalaki bilang isang anak. Ganiyan din ang kaso nang tawagin ni Lucas si Jose na “anak ni Heli,” ang ama ni Maria.​—Tingnan ang study note sa Luc 3:23.

Jesus: Katumbas ng pangalang Hebreo na Jesua o Josue, pinaikling anyo ng Jehosua, na ang ibig sabihin ay “Si Jehova ay Kaligtasan.”

Jesus: O “Josue (Jesua).” Ang mababasa sa ilang sinaunang manuskrito ay “Jose(s).”​—Tingnan ang study note sa Mat 1:21.

kasaysayan ni Jesu-Kristo: Tinunton ni Mateo ang linya ng angkan ni Jesus mula sa anak ni David na si Solomon. Tinunton naman ni Lucas ang linya mula sa anak ni David na si Natan. (Mat 1:6, 7; Luc 3:31) Tinunton ni Mateo ang legal na karapatan ni Jesus sa trono ni David mula kay Solomon hanggang kay Jose, ang legal na ama ni Jesus. Lumilitaw namang sinundan ni Lucas ang talaangkanan ni Maria, na nagpapakitang talagang kadugo ni David si Jesus.

Jose: Sa ulat ni Mateo, hindi sinabing “naging anak ni” Jose (tingnan ang study note sa Mat 1:2) si Jesus. Sinabi lang nito na si Jose ay asawa ni Maria, na nagsilang kay Jesus. Kaya ipinapakita ng talaangkanan sa Mateo na kahit hindi talaga anak ni Jose si Jesus, legal na anak ni Jose si Jesus kaya isa siyang legal na tagapagmana ni David. Ipinapakita naman ng talaangkanan sa Lucas na si Jesus, sa pamamagitan ng kaniyang inang si Maria, ay nararapat na tagapagmana ni David dahil inapo siya nito.

Jose, na anak ni Heli: Ayon sa Mat 1:16, “naging anak ni Jacob si Jose na asawa ni Maria.” Sa ulat naman ni Lucas, si Jose ay tinawag na “anak ni Heli,” lumilitaw na dahil siya ay manugang ni Heli. (Para sa kaparehong kaso, tingnan ang study note sa Luc 3:27.) Kapag tinutunton ang ninuno ng isang tao sa panig ng kaniyang ina, karaniwan noon sa mga Judio na magpokus sa mga lalaki sa angkan, at malamang na iyan ang dahilan kaya inalis ni Lucas ang pangalan ng babae at ipinalit dito ang pangalan ng asawa niyang lalaki. Lumilitaw na tinunton ni Lucas ang angkan ni Jesus sa panig ni Maria, kaya makatuwirang isipin na si Heli ay ama ni Maria at lolo ni Jesus sa ina.​—Tingnan ang study note sa Mat 1:1, 16; Luc 3:27.

Natan: Ang anak ni David kay Bat-sheba na ninuno ni Maria. (2Sa 5:13, 14; 1Cr 3:5) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang binanggit si Natan. Magkaiba ang talaangkanan ni Jesus na iniulat nina Lucas at Mateo, dahil tinunton ni Lucas ang linya mula sa anak ni David na si Natan, at tinunton naman ni Mateo ang linya mula sa anak ni David na si Solomon. (Mat 1:6, 7) Lumilitaw na sinundan ni Lucas ang talaangkanan ni Maria, na nagpapakitang talagang kadugo ni David si Jesus, at ipinakita naman ni Mateo ang legal na karapatan ni Jesus sa trono ni David dahil tinunton niya ang linya mula kay Solomon hanggang kay Jose, ang legal na ama ni Jesus. Parehong ipinakita nina Mateo at Lucas na si Jose ay ama-amahan ni Jesus.​—Tingnan ang study note sa Mat 1:1, 16; Luc 3:23.

Salmon: Ang Griegong ispeling ng pangalang ito ay “Sala” sa ilang sinaunang manuskrito at “Salmon” naman sa iba. Naging asawa ni Salmon si Rahab na mula sa Jerico, at naging anak nila si Boaz. (Ru 4:20-22; Mat 1:4, 5) Sa 1Cr 2:11, ibang ispeling sa Hebreo ang ginamit sa pangalang ito. Sinasabi nito: “Naging anak ni Salma si Boaz.”

Arni: Ibang anyo ng pangalang Ram (sa Griego, A·ramʹ) na makikita sa Mat 1:3, 4. Sa 1Cr 2:9, isa si Ram sa “mga anak ni Hezron,” at sinasabi sa Ru 4:19 na “naging anak ni Hezron si Ram.” Sa ilang manuskrito, “Ram” ang ginamit sa ulat ni Lucas, pero maraming maaasahang manuskrito ang sumusuporta sa paggamit ng “Arni.”

anak ni Cainan: Sa ilang sinaunang manuskrito, inalis dito ang “anak ni Cainan.” Kaayon ito ng makikita sa tekstong Masoretiko ng Gen 10:24; 11:12, 13; at 1Cr 1:18, kung saan sinasabing si Shela ay anak ni Arpacsad. Pero lumitaw ang pangalan ni Cainan sa mga talaangkanang ito sa natitirang kopya ng Griegong Septuagint, gaya ng Codex Alexandrinus na mula noong ikalimang siglo C.E. Mababasa sa maraming manuskrito ng Ebanghelyo ni Lucas ang ekspresyong “anak ni Cainan,” kaya hindi ito inalis sa karamihan ng mga salin ng Bibliya.

anak ni Adan: Tinunton ni Lucas ang talaangkanan ni Jesus hanggang kay Adan, ang ninuno ng lahat ng tao. Ipinakita nitong talagang isinulat ni Lucas ang mabuting balita para sa lahat ng tao, Judio man o hindi. Tinunton naman ni Mateo ang talaangkanan ni Jesus hanggang kay Abraham, dahil lumilitaw na isinulat niya ang kaniyang Ebanghelyo, partikular na para sa mga Judio. Maliwanag din na para sa lahat ng tao ang Ebanghelyo ni Lucas dahil makikita dito na ang mensahe at mga gawa ni Kristo ay nakakatulong sa anumang uri ng tao, gaya ng ketonging Samaritano, mayamang maniningil ng buwis, at makasalanang magnanakaw na nag-aagaw-buhay sa tulos.​—Luc 17:11-19; 19:2-10; 23:39-43.

Adan, na anak ng Diyos: Ipinapakita nito ang pinagmulan ng lahat ng tao, at kaayon ito ng ulat ng Genesis na nilalang ng Diyos ang unang tao at ginawa niya ang tao ayon sa kaniyang larawan. (Gen 1:26, 27; 2:7) Sinusuportahan din nito ang iba pang bahagi ng Kasulatan, gaya ng Ro 5:12; 8:20, 21; at 1Co 15:22, 45.

Media

Tiberio Cesar
Tiberio Cesar

Ipinanganak si Tiberio noong 42 B.C.E. Noong 14 C.E., naging ikalawang emperador siya ng Roma. Namatay si Tiberio noong Marso 37 C.E. Siya ang emperador sa buong panahon ng ministeryo ni Jesus, kaya si Tiberio ang Cesar na tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya tungkol sa baryang pambayad ng buwis: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar.”—Mar 12:14-17; Mat 22:17-21; Luc 20:22-25.

Baryang Ginawa ni Herodes Antipas
Baryang Ginawa ni Herodes Antipas

Makikita sa larawan ang magkabilang panig ng baryang tanso na may halong ibang metal na ginawa noong mga panahong nangangaral si Jesus. Ang baryang ito ay ipinagawa ni Herodes Antipas, na tetrarka noon, o tagapamahala ng distrito, ng Galilea at Perea. Nang sabihin ng mga Pariseo kay Jesus na gusto siyang patayin ni Herodes, malamang na nasa Perea siya na sakop ni Herodes habang papunta sa Jerusalem. Nang sumagot si Jesus, tinawag niya si Herodes na “asong-gubat.” (Tingnan ang study note sa Luc 13:32.) Dahil karamihan ng sakop ni Herodes ay mga Judio, pumili siya ng disenyo ng barya na katanggap-tanggap sa mga Judio, gaya ng sanga ng palma (1) at putong (2).

Ang Ilang
Ang Ilang

Ang orihinal na mga salita sa Bibliya na isinasaling “ilang” (sa Hebreo, midh·barʹ at sa Griego, eʹre·mos) ay karaniwang tumutukoy sa lupaing kakaunti ang nakatira, hindi natamnan, at kadalasang madamo at madawag, at puwede rin itong tumukoy sa mga pastulan. Ang mga salitang ito ay puwede ring tumukoy sa tigang na mga rehiyon na matatawag na disyerto. Sa mga Ebanghelyo, ang ilang ay karaniwang tumutukoy sa ilang ng Judea. Sa ilang na ito tumira at nangaral si Juan at dito rin tinukso ng Diyablo si Jesus.—Mar 1:12.

Sandalyas
Sandalyas

Noong panahon ng Bibliya, ang sandalyas ay walang takong. Ang suwelas nito ay gawa sa katad, kahoy, o iba pang mahiblang materyales, at may sintas itong katad. May makasagisag na gamit ang sandalyas sa ilang transaksiyon, at ginagamit din ito sa mga paglalarawan. Halimbawa, aalisin ng isang biyuda na nasa ilalim ng Kautusan ang sandalyas ng bayaw niyang ayaw magpakasal sa kaniya. Hahamakin ang lalaking iyon, at ang pamilya niya ay tatawaging “Ang sambahayan ng taong hinubaran ng sandalyas.” (Deu 25:9, 10) Ang pagbibigay ng sandalyas sa isang tao ay puwedeng sumagisag sa pagbibigay sa kaniya ng isang pag-aari o ng karapatang tumubos. (Ru 4:7) Ang pagkakalag ng sintas ng sandalyas o pagbibitbit ng sandalyas ng iba ay itinuturing na mababang trabaho na karaniwang ginagawa ng mga alipin. Sinabi ni Juan Bautista na hindi man lang siya karapat-dapat na mag-alis ng sandalyas ni Kristo para ipakitang di-hamak na mas mababa siya kay Kristo.

Kagamitan sa Paggiik
Kagamitan sa Paggiik

Ang dalawang replika ng panggiik na kareta (1) na makikita rito ay nakabaligtad, at mayroon itong matatalas na bato sa ilalim. (Isa 41:15) Gaya ng nasa ikalawang larawan (2), ikakalat ng magsasaka ang mga tungkos ng butil sa giikan, tutuntong sa kareta, at magpapahila sa hayop, gaya ng toro, para madaanan ang mga tungkos. Dahil natatapakan ng mga hayop ang mga tungkos at nadadaanan ang mga ito ng matatalas na bato sa ilalim ng kareta, nabubuksan ang uhay at humihiwalay ang butil. Pagkatapos, gagamit ang magsasaka ng tinidor, o pala, na pantahip (3) para ihagis ang giniik na butil sa hangin. Tatangayin ng hangin ang ipa, at babagsak ang butil. Ginagamit ang paggiik sa Bibliya para sumagisag sa pagdurog ni Jehova sa mga kaaway niya. (Jer 51:33; Mik 4:12, 13) Ginamit ni Juan Bautista ang paggiik para ilarawan kung paano ihihiwalay ang mga matuwid sa masasama.