Ayon kay Mateo 4:1-25

4  Pagkatapos, inakay si Jesus ng espiritu papunta sa ilang, kung saan siya tinukso+ ng Diyablo.+  Matapos mag-ayuno* nang 40 araw at 40 gabi, nagutom siya.  Lumapit sa kaniya ang Manunukso+ at nagsabi: “Kung ikaw ay anak ng Diyos, utusan mo ang mga batong ito na maging tinapay.”  Pero sumagot siya: “Nasusulat, ‘Ang tao ay mabubuhay, hindi lang sa tinapay, kundi sa bawat salitang sinasabi* ni Jehova.’”+  Pagkatapos, dinala siya ng Diyablo sa banal na lunsod,+ sa tuktok ng templo.+  Sinabi nito: “Kung ikaw ay anak ng Diyos, tumalon ka mula rito, dahil nasusulat: ‘Uutusan niya ang mga anghel niya na tulungan ka,’ at, ‘Bubuhatin ka nila para hindi tumama sa bato ang paa mo.’”+  Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Nasusulat din: ‘Huwag mong susubukin si Jehova na iyong Diyos.’”+  Dinala naman siya ng Diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kaniya ang lahat ng kaharian sa mundo at ang kaluwalhatian ng mga ito.+  At sinabi ng Diyablo: “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung luluhod ka at sasamba sa akin nang kahit isang beses.” 10  Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Lumayas ka, Satanas! Dahil nasusulat: ‘Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong sambahin,+ at siya lang ang dapat mong paglingkuran.’”+ 11  Pagkatapos, iniwan siya ng Diyablo,+ at dumating ang mga anghel at pinaglingkuran si Jesus.+ 12  Nang mabalitaan ni Jesus na inaresto si Juan,+ nagpunta siya sa Galilea.+ 13  At pagkaalis niya sa Nazaret, pumunta siya at nanirahan sa Capernaum+ sa tabi ng lawa sa mga distrito ng Zebulon at Neptali, 14  para matupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng propetang si Isaias: 15  “O lupain ng Zebulon at lupain ng Neptali, sa daang patungo sa dagat, sa kabilang ibayo ng Jordan, sa Galilea ng mga banyaga! 16  Ang bayang nasa kadiliman ay nakakita ng matinding liwanag, at ang mga nasa lupaing natatakpan ng anino ng kamatayan ay sinikatan ng liwanag.”+ 17  Mula noon, nagsimulang mangaral si Jesus. Sinasabi niya: “Magsisi kayo dahil ang Kaharian ng langit ay malapit na.”+ 18  Habang naglalakad sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang dalawang magkapatid, si Simon+ na tinatawag na Pedro+ at ang kapatid nitong si Andres,+ na naghahagis ng lambat sa lawa, dahil mga mangingisda sila.+ 19  At sinabi niya sa kanila: “Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.”+ 20  Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kaniya.+ 21  Nagpatuloy siya sa paglalakad at nakita niya ang dalawa pang magkapatid na sina Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo.+ Nasa bangka sila kasama ng kanilang ama at tinatahi ang punit sa mga lambat nila. Tinawag sila ni Jesus.+ 22  Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod sila sa kaniya. 23  Nilibot niya ang buong Galilea;+ nagtuturo siya sa mga sinagoga,+ nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian, at nagpapagaling ng bawat uri ng sakit at kapansanan ng mga tao.+ 24  Napabalita siya sa buong Sirya, at dinala nila sa kaniya ang lahat ng dumaranas ng iba’t ibang sakit at matinding kirot,+ ang mga sinasapian ng demonyo,+ mga epileptiko,+ at mga paralisado. At pinagaling niya sila. 25  Kaya sinundan siya ng napakaraming tao mula sa Galilea, Decapolis, Jerusalem, Judea, at mula sa kabilang ibayo ng Jordan.

Talababa

Tingnan sa Glosari, “Pag-aayuno.”
O “lumalabas sa bibig.”

Study Notes

inakay . . . ng espiritu: O “inakay ng aktibong puwersa.” Ang salitang Griego rito na pneuʹma ay tumutukoy sa espiritu ng Diyos, ang puwersa na puwedeng magpakilos sa isang tao na gawin ang mga bagay kaayon ng kalooban ng Diyos.—Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”

Diyablo: Mula sa salitang Griego na di·aʹbo·los, na nangangahulugang “maninirang-puri.” (Ju 6:70; 2Ti 3:3) Ang kaugnay na pandiwang di·a·balʹlo ay nangangahulugang “mag-akusa; magbintang” at isinaling ‘inakusahan’ sa Luc 16:1.

Nasusulat: Tatlong beses na ginamit ni Jesus ang salitang ito nang sumipi siya sa Hebreong Kasulatan bilang sagot sa mga tukso ng Diyablo.—Mat 4:7, 10.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Deu 8:3, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.

banal na lunsod: Tumutukoy sa Jerusalem, na kadalasang tinatawag na banal dahil nandoon ang templo ni Jehova.—Ne 11:1; Isa 52:1.

tuktok ng templo: Lit., “pakpak ng templo.” Ang salitang Griego para sa “templo” ay puwedeng tumukoy sa mismong templo o sa buong bakuran ng templo. Kaya ang ekspresyon ay puwedeng tumukoy sa ibabaw ng pader na nakapalibot sa templo.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Deu 6:16, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.

ipinakita sa kaniya: Malamang na isang pangitain na parang totoong-totoo ang ipinakita kay Jesus ng tagapamahala ng mga demonyo.

lahat ng kaharian: Sa tekstong ito, tumutukoy ito sa anumang klase o sa lahat ng gobyerno ng tao.

mundo: O “sanlibutan.” Salin ng salitang Griego na koʹsmos. Dito, tumutukoy ito sa di-matuwid na lipunan ng tao.

sasamba . . . nang kahit isang beses: Ang pandiwang Griego na maaaring isaling “sumamba” ay nasa panahunang aorist, na nagpapahiwatig ng minsanang pagkilos. Ang salin dito ay nagpapakitang hindi hiniling ng Diyablo kay Jesus na patuloy siyang sambahin, kundi “isang beses” lang.

Satanas: Mula sa salitang Hebreo na sa·tanʹ, na nangangahulugang “kalaban,” o “mananalansang.”

Jehova: Sa pagsiping ito sa Deu 6:13, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.

at siya lang ang dapat mong paglingkuran: O “at siya lang ang dapat mong pag-ukulan ng sagradong paglilingkod.” Ang pandiwang Griego na la·treuʹo ay nangangahulugan lang na paglilingkod, pero dahil ginamit ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan para tumukoy sa paglilingkod o pagsamba sa Diyos, tama lang na isalin ito na “gumawa ng sagradong paglilingkod; maglingkod; sumamba.” (Luc 1:74; 2:37; 4:8; Gaw 7:7; Ro 1:9; Fil 3:3; 2Ti 1:3; Heb 9:14; 12:28; Apo 7:15; 22:3) Sa Deu 6:13, ang tekstong sinipi ni Jesus, ang salitang Hebreo na isinaling “paglingkuran” ay ʽa·vadhʹ. Nangangahulugan din itong “maglingkod” pero puwede ring isaling “sumamba.” (Exo 3:12; tlb.; 2Sa 15:8, tlb.) Determinado si Jesus na kay Jehova lang ibigay ang kaniyang debosyon.

Nang mabalitaan: Mga isang taon ang pagitan ng nakaulat sa talata 11 at sa talatang ito, at ang mga naganap noong panahong iyon ay nakaulat sa Ju 1:29 hanggang 4:3. Idinagdag din ng ulat ni Juan na nang umalis si Jesus sa Judea papuntang Galilea, dumaan siya sa Samaria, kung saan niya nakausap ang isang Samaritana sa balon na malapit sa Sicar.—Ju 4:4-43; tingnan ang Ap. A7, chart na “Simula ng Ministeryo ni Jesus,” at Mapa 2.

Capernaum: Mula sa pangalang Hebreo na nangangahulugang “Nayon ni Nahum” o “Nayon na Nagpapatibay-Loob.” (Na 1:1, tlb.) Napakahalaga ng lunsod na ito sa ministeryo ni Jesus. Makikita ito sa hilagang-kanluran ng Lawa ng Galilea at tinawag na “sarili niyang lunsod” sa Mat 9:1.

mga distrito ng Zebulon at Neptali: Tumutukoy sa mga rehiyon na nasa kanluran at hilaga ng Lawa ng Galilea sa dulong hilaga ng Israel, at kasama rito ang distrito ng Galilea. (Jos 19:10-16, 32-39) Sakop ng teritoryo ng Neptali ang buong kanlurang baybayin ng Lawa ng Galilea.

para matupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng propetang si Isaias: Tingnan ang study note sa Mat 1:22.

para matupad ang sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng propeta niya: Ito at ang katulad na mga ekspresyon ay lumitaw nang maraming beses sa Ebanghelyo ni Mateo, malamang na para idiin sa mga Judio ang papel ni Jesus bilang ang ipinangakong Mesiyas.​—Mat 2:15, 23; 4:14; 8:17; 12:17; 13:35; 21:4; 26:56; 27:9.

daang patungo sa dagat: Posibleng tumutukoy sa sinaunang daan na nasa kahabaan ng Lawa ng Galilea papunta sa Dagat Mediteraneo.

sa kabilang ibayo ng Jordan: Sa konteksto, maliwanag na tumutukoy ito sa kanluran ng Ilog Jordan.

Galilea ng mga banyaga: Posibleng ginamit ni Isaias ang ekspresyong ito dahil ang Galilea ang hangganan ng Israel na malapit sa ibang mga bansa. Dahil sa lokasyon ng Galilea at ng mga daang bumabagtas dito, mas nakakasalamuha nila ang mga banyaga, kaya madali itong masakop at matirhan ng mga di-Israelita. Pagdating ng unang siglo, marami nang di-Judio ang nakatira dito, kaya mas naging angkop ang tawag dito.

matinding liwanag: Bilang katuparan ng hula ni Isaias tungkol sa Mesiyas, isinagawa ni Jesus ang malaking bahagi ng ministeryo niya sa Galilea, sa mga distrito ng Zebulon at Neptali. (Mat 4:13, 15) Kaya nagdala si Jesus ng espirituwal na liwanag sa mga itinuturing na nasa espirituwal na kadiliman at hinahamak kahit ng kanilang mga kapuwa Judio sa Judea.—Ju 7:52.

anino ng kamatayan: Maliwanag na ipinapakita ng terminong ito na ang kamatayan ay parang may anino na lumulukob sa mga tao habang papalapit ito. Pero nagdala si Jesus ng liwanag na makakapag-alis ng anino at makakapagligtas sa mga tao mula sa kamatayan.

mangaral: Ibig sabihin, maghayag sa publiko.—Tingnan ang study note sa Mat 3:1.

ang Kaharian ng langit ay malapit na: Ang mensaheng ito tungkol sa isang bagong pandaigdig na gobyerno ang tema ng pangangaral ni Jesus. (Mat 10:7; Mar 1:15) Naghayag si Juan Bautista ng katulad na mensahe mga anim na buwan bago bautismuhan si Jesus (Mat 3:1, 2); pero mas “malapit na” ang Kaharian nang ipangaral ito ni Jesus dahil naroroon na siya bilang ang piniling Hari. Walang ulat na nagsasabing pagkamatay ni Jesus, patuloy na ipinangaral ng mga alagad niya na ang Kaharian ay “malapit na.”

nangaral: Ang salitang Griego para dito ay nangangahulugang “maghayag bilang isang mensahero sa publiko.” Itinatampok nito ang paraan ng paghahayag: karaniwan nang hayagan at sa publiko, sa halip na pagbibigay ng sermon sa isang grupo.

Lawa ng Galilea: Isang lawa na tubig-tabang sa hilagang bahagi ng Israel. (Ang salitang Griego na isinaling “lawa” ay puwede ring mangahulugang “dagat.”) Tinawag din itong Lawa ng Kineret (Bil 34:11), lawa ng Genesaret (Luc 5:1), at Lawa ng Tiberias (Ju 6:1). Mga 210 m (700 ft) ang baba nito mula sa lebel ng dagat. May haba itong 21 km (13 mi) mula hilaga hanggang timog at lapad na 12 km (8 mi), at ang pinakamalalim na bahagi nito ay mga 48 m (160 ft).—Tingnan ang Ap. A7, Mapa 3B, “Mga Pangyayari sa May Lawa ng Galilea.”

Simon na tinatawag na Pedro: Simon ang personal niyang pangalan; ang Pedro (Peʹtros) ay ang Griegong katumbas ng Semitikong pangalan na Cefas (Ke·phasʹ), na ibinigay ni Jesus sa kaniya.—Mar 3:16; Ju 1:42; tingnan ang study note sa Mat 10:2.

naghahagis ng lambat: Ang isang mahusay na mangingisda na nasa tubig o nasa maliit na bangka ay kayang maghagis ng pabilog na lambat na babagsak nang lapát sa tubig. Ang lambat, na malamang ay 6-8 m (20-25 ft) ang diyametro, ay may mga pabigat sa palibot para lumubog ito at makahuli ng mga isda.

mga mangingisda: Karaniwang trabaho ang pangingisda sa Galilea. Si Pedro at ang kapatid niyang si Andres ay hindi lang basta mangingisda, kundi may negosyo sila ng pangingisda. Lumilitaw na kasosyo nila sina Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo.—Mar 1:16-21; Luc 5:7, 10.

Si Simon, na tinatawag na Pedro: May limang pangalan si Pedro sa Kasulatan: (1) “Symeon,” anyong Griego ng pangalang Hebreo na “Simeon”; (2) pangalang Griego na “Simon” (ang Symeon at Simon ay mula sa pandiwang Hebreo na nangangahulugang “marinig; makinig”); (3) “Pedro” (pangalang Griego na nangangahulugang “Isang Bato”; siya lang ang may ganitong pangalan sa Kasulatan); (4) “Cefas,” ang Semitikong katumbas ng Pedro (posibleng kaugnay ng salitang Hebreo na ke·phimʹ [malalaking bato] na ginamit sa Job 30:6; Jer 4:29); at (5) ang kombinasyong “Simon Pedro.”—Gaw 15:14; Ju 1:42; Mat 16:16.

mangingisda ng tao: Ang pananalitang ito ay batay sa trabaho nina Simon at Andres. Ipinapakita nito na sila ay “manghuhuli . . . ng mga taong buháy” para sa Kaharian. (Luc 5:10) Posibleng ipinapahiwatig din nito na gaya ng pangingisda, ang paggawa ng alagad ay hindi madali at kailangan ng pagsisikap at tiyaga, na kung minsan ay kaunti lang ang resulta.

Agad nilang iniwan: Ang salitang Griego na eu·theʹos, na isinalin ditong “agad,” ay lumitaw din sa talata 20. Gaya nina Pedro at Andres, agad na tinanggap nina Santiago at Juan ang imbitasyon ni Jesus na sundan siya nang buong panahon.

sumunod sa kaniya: Mga anim na buwan hanggang isang taon nang alagad ni Jesus sina Pedro at Andres. (Ju 1:35-42) Inimbitahan sila ngayon ni Jesus na sundan siya nang buong panahon at iwan ang negosyo nilang pangingisda.—Luc 5:1-11; tingnan ang study note sa Mat 4:22.

Salome: Posibleng mula sa salitang Hebreo na nangangahulugang “kapayapaan.” Alagad ni Jesus si Salome. Kapag inihambing ang Mat 27:56 sa Mar 3:17 at 15:40, masasabing si Salome ang ina ng mga apostol na sina Santiago at Juan; may binanggit si Mateo na “ina ng mga anak ni Zebedeo,” at tinawag siya ni Marcos na “Salome.” Makikita rin sa Ju 19:25 na posibleng si Salome ay kapatid ni Maria na ina ni Jesus. Kung gayon, sina Santiago at Juan ay pinsang buo ni Jesus. Isa pa, ipinapahiwatig ng Mat 27:55, 56, Mar 15:41, at Luc 8:3 na isa si Salome sa mga babaeng sumama kay Jesus at naglingkod sa kaniya gamit ang mga pag-aari nila.

magkapatid na sina Santiago at Juan: Laging magkasamang binabanggit ang magkapatid na sina Santiago at Juan, at mas madalas na unang binabanggit si Santiago. Posibleng ipinapakita nito na mas matanda siya kay Juan.—Mat 4:21; 10:2; 17:1; Mar 1:29; 3:17; 5:37; 9:2; 10:35, 41; 13:3; 14:33; Luc 5:10; 6:14; 8:51; 9:28, 54; Gaw 1:13.

Zebedeo: Posibleng tiyuhin ni Jesus na asawa ni Salome, na kapatid ng kaniyang ina na si Maria. Kung gayon, sina Juan at Santiago ay pinsan ni Jesus.—Tingnan ang study note sa Mar 15:40.

Agad nilang iniwan: Ang salitang Griego na eu·theʹos, na isinalin ditong “agad,” ay lumitaw din sa talata 20. Gaya nina Pedro at Andres, agad na tinanggap nina Santiago at Juan ang imbitasyon ni Jesus na sundan siya nang buong panahon.

nangaral: Ang salitang Griego para dito ay nangangahulugang “maghayag bilang isang mensahero sa publiko.” Itinatampok nito ang paraan ng paghahayag: karaniwan nang hayagan at sa publiko, sa halip na pagbibigay ng sermon sa isang grupo.

itinuturo sa kanila: Saklaw ng salitang Griego na isinasaling “magturo” ang pagpapaliwanag, paggamit ng nakakakumbinsing argumento, at paghaharap ng mga katibayan. (Tingnan ang study note sa Mat 3:1; 4:23.) Ang pagtuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ni Jesus ay dapat gawin nang patuluyan, at kasama rito ang pagtuturo sa kanila ng lahat ng itinuro niya, kung paano susundin ang mga ito, at kung paano siya tutularan.—Ju 13:17; Efe 4:21; 1Pe 2:21.

Nilibot niya ang buong Galilea: Ito ang simula ng unang paglalakbay ni Jesus sa Galilea para mangaral kasama ang apat na alagad na kakapili lang niya—sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan.—Mat 4:18-22; tingnan ang Ap. A7.

nagtuturo . . . nangangaral: Ang pagtuturo ay iba sa pangangaral, dahil ang guro ay hindi lang basta naghahayag; nagtuturo siya, nagpapaliwanag, gumagamit ng nakakakumbinsing mga argumento, at naghaharap ng katibayan.—Tingnan ang study note sa Mat 3:1; 28:20.

sinagoga: Tingnan sa Glosari.

mabuting balita: Ito ang unang paglitaw ng salitang Griego na eu·ag·geʹli·on, na isinasaling “ebanghelyo” sa ilang Bibliya. Ang kaugnay na salitang Griego na eu·ag·ge·li·stesʹ, na isinasaling “ebanghelisador,” ay nangangahulugang “mángangarál ng mabuting balita.”—Gaw 21:8; Efe 4:11, tlb.; 2Ti 4:5, tlb.

Sirya: Ito ang Sirya na lalawigan ng Roma; isang rehiyon ng mga Gentil sa hilaga ng Galilea, sa pagitan ng Damasco at Dagat Mediteraneo.

epileptiko: Ang salitang Griego para dito ay literal na nangangahulugang “maapektuhan ng buwan.” Pero ginamit ni Mateo ang salitang ito sa kontekstong medikal, at hindi niya ito iniuugnay sa pamahiin na ang sakit ay epekto ng pagbabago ng hugis ng buwan. Ang mga sintomas na inilarawan nina Mateo, Marcos, at Lucas ay maliwanag na may kaugnayan sa epilepsi.

Decapolis: Tingnan sa Glosari at Ap. B10.

kabilang ibayo ng Jordan: Sa kontekstong ito, maliwanag na tumutukoy sa rehiyon na nasa silangan ng Ilog Jordan, na tinatawag ding Perea (mula sa salitang Griego na peʹran, na nangangahulugang “sa kabilang panig”).

Media

Ang Ilang
Ang Ilang

Ang orihinal na mga salita sa Bibliya na isinasaling “ilang” (sa Hebreo, midh·barʹ at sa Griego, eʹre·mos) ay karaniwang tumutukoy sa lupaing kakaunti ang nakatira, hindi natamnan, at kadalasang madamo at madawag, at puwede rin itong tumukoy sa mga pastulan. Ang mga salitang ito ay puwede ring tumukoy sa tigang na mga rehiyon na matatawag na disyerto. Sa mga Ebanghelyo, ang ilang ay karaniwang tumutukoy sa ilang ng Judea. Sa ilang na ito tumira at nangaral si Juan at dito rin tinukso ng Diyablo si Jesus.—Mar 1:12.

Ilang ng Judea, Kanluran ng Ilog Jordan
Ilang ng Judea, Kanluran ng Ilog Jordan

Sa tigang na rehiyong ito sinimulan ni Juan Bautista ang ministeryo niya, at dito rin tinukso ng Diyablo si Jesus.

Tuktok ng Templo
Tuktok ng Templo

Posibleng literal na dinala ni Satanas si Jesus “sa tuktok ng templo” at sinabi sa kaniya na tumalon mula rito, pero hindi tiyak kung saan siya eksaktong nakapuwesto. Ang terminong ginamit para sa “templo” ay puwedeng tumukoy sa buong bakuran ng templo, kaya posibleng nakatayo si Jesus sa timog-silangang kanto (1) ng pader ng templo o puwede ring sa iba pang kanto. Siguradong mamamatay ang mahuhulog mula sa alinman sa mga lokasyong ito, malibang iligtas siya ni Jehova.

Hilagang Baybayin ng Lawa ng Galilea Kapag Nakatingin sa Hilagang-Kanluran
Hilagang Baybayin ng Lawa ng Galilea Kapag Nakatingin sa Hilagang-Kanluran

1. Kapatagan ng Genesaret. Isa itong matabang lupain na hugis tatsulok, na mga 5 por 2.5 km (3 por 1.5 mi) ang sukat. Sa baybayin nito inanyayahan ni Jesus ang mga mangingisdang sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan na sumama sa kaniya sa ministeryo.—Mat 4:18-22.

2. Sinasabing dito binigkas ni Jesus ang Sermon sa Bundok.—Mat 5:1; Luc 6:17, 20.

3. Capernaum. Dito tumira si Jesus, at nakita niya si Mateo sa lunsod na ito o malapit dito.—Mat 4:13; 9:1, 9.

Mga Isda sa Lawa ng Galilea
Mga Isda sa Lawa ng Galilea

Maraming beses na binabanggit sa Bibliya ang isda, pangingisda, at mangingisda may kaugnayan sa Lawa ng Galilea. Mga 18 uri ng isda ang makikita sa Lawa ng Galilea, pero mga 10 uri lang ang hinuhuli ng mga mangingisda. Ang 10 uri na ito ay maikakategorya sa tatlong grupo kapag ibinebenta. Ang isang grupo ay ang binny, na tinatawag ding barbel (makikita rito ang Barbus longiceps) (1). Ang tatlong uri ng binny ay may balbas sa gilid ng bibig nito; kaya ang Semitikong pangalan nito ay biny, na nangangahulugang “buhok.” Kumakain ito ng mga mollusk, susô, at maliliit na isda. Ang longheaded barbel ay umaabot nang 75 cm (30 in) at maaaring tumimbang nang mahigit 7 kg (15 lb). Ang ikalawang grupo ay tinatawag na musht (makikita rito ang Tilapia galilea) (2), na nangangahulugang “suklay” sa Arabiko, dahil ang limang uri nito ay may tulad-suklay na palikpik sa likod. Ang isang uri ng musht ay umaabot nang mga 45 cm (18 in) at maaaring tumimbang nang mga 2 kg (4.5 lb). Ang ikatlong grupo ay ang Kinneret sardine (makikita rito ang Acanthobrama terrae sanctae) (3), na mukhang maliit na herring. Noon pa man, pinepreserba na ang isdang ito sa pamamagitan ng pagbababad sa sukà.

Paghahagis ng Lambat
Paghahagis ng Lambat

Ang mga mangingisda sa Lawa ng Galilea ay gumagamit ng dalawang klase ng lambat; ang isa ay lambat na maliliit ang mata, o butas, para makahuli ng maliliit na isda at ang isa pa ay malalaki ang mata para sa malalaking isda. Di-gaya ng ibang uri ng lambat na kailangan ng bangka at kailangang hilahin ng maraming tao, ang ganitong lambat ay puwedeng gamitin kahit ng isang tao lang na nasa bangka o nasa dalampasigan o malapit dito. Ang inihahagis na lambat ay mga 6 m (18 ft) ang diyametro o higit pa at may mga pabigat na bato o tingga sa dulo. Kapag tama ang pagkakahagis, lalapag ito nang lapát sa tubig. Unang lumulubog ang mabigat na bahagi, at nahuhuli ang mga isda habang lumulubog ang lambat sa sahig ng dagat. Puwedeng sumisid ang mangingisda para kunin ang isda sa lumubog na lambat, o puwede niyang unti-unting hilahin ang lambat sa dalampasigan. Kailangan ng husay at tiyaga sa paggamit ng lambat na ito.

Pagtatahi ng Napunit na Lambat
Pagtatahi ng Napunit na Lambat

Mahal ang lambat at kailangan ng tiyaga para mapanatili itong maayos. Kailangan ng mangingisda ng maraming oras sa pagtatahi, paghuhugas, at pagpapatuyo ng lambat. Ginagawa niya ang mga ito tuwing matatapos siyang mangisda. (Luc 5:2) Gumamit si Mateo ng tatlong terminong Griego para sa mga lambat. Ang terminong diʹkty·on ay may malawak na kahulugan at lumilitaw na puwedeng tumukoy sa iba’t ibang klase ng lambat. (Mat 4:21) Ang terminong sa·geʹne naman ay tumutukoy sa malaking lambat na ibinababa mula sa bangka. (Mat 13:47, 48) Ang maliit na lambat, am·phiʹble·stron, na nangangahulugang “inihahagis,” ay maliwanag na inihahagis sa mababaw na tubig ng mangingisda na nasa pampang o malapit dito.—Mat 4:18.

Bangkang Pangisda Noong Unang Siglo
Bangkang Pangisda Noong Unang Siglo

Ang larawang ito ay batay sa bangkang pangisda noong unang siglo na nakitang nakabaon sa putik malapit sa pampang ng Lawa ng Galilea at batay sa mosaic na nakita sa isang unang-siglong bahay sa Migdal, isang bayan na nasa baybayin. Ang ganitong bangka ay may palo at (mga) layag at malamang na may limang tripulante—apat na tagasagwan at isang timonero, na nakatayo sa maliit na kubyerta sa likurang bahagi ng bangka. Mga 8 m (26.5 ft) ang haba ng bangka, at ang gitna ay may lapad na mga 2.5 m (8 ft) at lalim na 1.25 m (4 ft). Posibleng kaya nitong magsakay ng 13 tao o higit pa.

Mga Labí ng Bangkang Pangisda sa Galilea
Mga Labí ng Bangkang Pangisda sa Galilea

Dahil sa tagtuyot noong 1985/1986, bumaba ang tubig sa Lawa ng Galilea kaya lumitaw ang katawan ng isang sinaunang bangka na nakabaon sa putik. Ang labí ng bangka ay 8.2 m (27 ft) ang haba at 2.3 m (7.5 ft) ang lapad at ang pinakamataas na bahagi ay 1.3 m (4.3 ft). Ayon sa mga arkeologo, ang bangka ay mula pa noong mga unang siglo B.C.E. hanggang unang siglo C.E. Ang bangkang ito ay nakadispley sa isang museo sa Israel. Makikita sa video ang posibleng hitsura ng bangka habang naglalayag mga 2,000 taon na ang nakakalipas.

Sinagoga Noong Unang Siglo
Sinagoga Noong Unang Siglo

Makikita sa paglalarawang ito ang posibleng hitsura ng mga sinagoga noon. Batay ito sa mga labí ng unang-siglong sinagoga na natagpuan sa Gamla, mga 10 km (6 mi) sa hilagang-silangan ng Lawa ng Galilea.