Ayon kay Marcos 4:1-41

4  At muli siyang nagturo sa may baybayin. Napakaraming tao ang natipon malapit sa kaniya. Kaya sumakay siya sa bangka, umupo rito, at inilayo ito nang kaunti, pero nanatili sa baybayin ang mga tao.+  Tinuruan niya sila ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga ilustrasyon.+ Sinabi niya:+  “Makinig kayo. Isang magsasaka ang lumabas para maghasik.+  Sa paghahasik niya, ang ilang binhi ay napunta sa tabi ng daan, at dumating ang mga ibon at inubos ang mga ito.+  Ang iba ay napunta sa batuhan kung saan kakaunti ang lupa, at tumubo agad ang mga ito dahil hindi malalim ang lupa.+  Pero nang sumikat ang araw ay nainitan ang mga ito, at dahil walang ugat, nalanta ang mga ito.  Ang ibang binhi naman ay napunta sa may matitinik na halaman. Lumago ang matitinik na halaman at sinakal ang mga binhing tumubo, at hindi ito namunga.+  Pero ang iba pa ay napunta sa matabang lupa. Tumubo ang mga ito, lumaki, at namunga. May namunga nang 30 ulit, 60 ulit, at 100 ulit na mas marami kaysa sa itinanim.”+  Sinabi pa niya: “Ang may tainga ay makinig.”+ 10  Nang umalis na ang mga tao, ang mga nasa palibot niya at ang 12 apostol ay nagtanong sa kaniya tungkol sa mga ilustrasyon.+ 11  Sinabi niya sa kanila: “Sinabi sa inyo ang sagradong lihim+ ng Kaharian ng Diyos, pero para sa iba, ang lahat ng bagay ay mga ilustrasyon lang,+ 12  nang sa gayon, kahit tumingin sila, wala silang makikita, at kahit marinig nila iyon, hindi nila maiintindihan; hinding-hindi rin sila manunumbalik at mapatatawad.”+ 13  Sinabi pa niya sa kanila: “Hindi ninyo naiintindihan ang ilustrasyong ito, kaya paano ninyo maiintindihan ang lahat ng iba pang ilustrasyon? 14  “Ang magsasaka ay naghasik ng salita ng Diyos.+ 15  Ang ilang tao ay gaya ng mga binhi na nahulog sa tabi ng daan. Nang marinig nila ang salita ng Diyos, dumating si Satanas+ at kinuha ang salita na naihasik sa kanila.+ 16  Ang ibang tao naman ay gaya ng mga naihasik sa batuhan. Nang marinig nila ang salita ng Diyos, masaya nila itong tinanggap.+ 17  Pero hindi ito nag-ugat sa puso nila at nanatili lang ito nang sandaling panahon; nang dumating ang mga problema o pag-uusig dahil sa salita ng Diyos, nawalan sila ng pananampalataya.* 18  May iba pa na naihasik sa may matitinik na halaman; ito ang mga nakarinig sa salita ng Diyos,+ 19  pero ang mga kabalisahan+ sa sistemang ito at ang mapandayang kapangyarihan ng* kayamanan+ at ang mga pagnanasa+ sa iba pang bagay ay nakapasok sa puso nila at sumakal sa salita ng Diyos, at ito ay naging di-mabunga. 20  At ang mga naihasik sa matabang lupa ay ang mga nakinig sa salita ng Diyos at masayang tumanggap nito at namunga nang 30 ulit, 60 ulit, at 100 ulit na mas marami kaysa sa itinanim.”+ 21  Sinabi rin niya sa kanila: “Ang isang lampara ay hindi tinatakpan ng basket o inilalagay sa ilalim ng higaan, hindi ba? Inilalagay ito sa patungan ng lampara.+ 22  Dahil walang nakatago na hindi malalantad; walang anumang itinagong mabuti na hindi mahahantad.+ 23  Ang may tainga ay makinig.”+ 24  Sinabi pa niya sa kanila: “Magbigay-pansin kayo sa pinakikinggan ninyo.+ Kung gaano kalaki ang ibinibigay ninyo, ganoon din kalaki ang tatanggapin ninyo, o mas malaki pa nga. 25  Dahil sa sinumang mayroon ay higit pa ang ibibigay,+ pero sa sinumang wala, kahit ang nasa kaniya ay kukunin sa kaniya.”+ 26  Pagkatapos, sinabi pa niya: “Ang Kaharian ng Diyos ay gaya ng isang tao na naghahasik ng binhi sa lupa. 27  Natutulog siya sa gabi at bumabangon sa araw, at ang binhi ay tumutubo at tumataas—kung paano ay hindi niya alam. 28  Ang lupa ay kusang nagsisibol ng bunga nang unti-unti—una ay ang tangkay, sumunod ay ang uhay, at sa huli ay ang hinog na mga butil sa uhay. 29  Kapag puwede nang anihin ang mga butil, gagapasin niya ang mga ito, dahil panahon na ng pag-aani.” 30  At sinabi pa niya: “Saan natin maikukumpara ang Kaharian ng Diyos, o anong ilustrasyon ang gagamitin natin para ipaliwanag ito? 31  Gaya ito ng binhi ng mustasa, na nang ihasik sa lupa ay pinakamaliit sa lahat ng binhi.+ 32  Pero kapag naihasik na ito, sumisibol ito at nagiging mas malaki kaysa sa lahat ng iba pang gulay at tinutubuan ng malalaking sanga, kaya ang mga ibon sa langit ay nakasisilong sa lilim nito.” 33  Sa pamamagitan ng maraming ilustrasyon+ na gaya nito, sinabi niya sa kanila ang salita ng Diyos, hanggang sa kaya nilang maintindihan. 34  Sa katunayan, hindi siya nagtuturo sa kanila nang walang ilustrasyon, pero ipinapaliwanag niya ang lahat ng bagay sa mga alagad niya kapag sila-sila na lang.+ 35  At nang araw na iyon, nang gumabi na, sinabi niya sa kanila: “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.”+ 36  Kaya matapos nilang pauwiin ang mga tao, agad nilang itinawid si Jesus sakay ng bangka, at may kasabay silang iba pang bangka.+ 37  Biglang nagkaroon ng malakas na buhawi, at paulit-ulit na hinahampas ng mga alon ang bangka, kaya halos lumubog na ito.+ 38  Pero nasa bandang likuran ng bangka si Jesus at natutulog sa unan. Kaya ginising nila siya at sinabi sa kaniya: “Guro, bale-wala lang ba sa iyo na mamamatay na tayo?” 39  Kaya bumangon siya at sinaway ang hangin at sinabi sa lawa: “Tigil! Tumahimik ka!”+ At tumigil ang hangin, at biglang naging kalmado ang paligid.+ 40  Kaya sinabi niya sa kanila: “Bakit takot na takot kayo? Wala pa rin ba kayong pananampalataya?” 41  At kakaibang takot ang nadama nila, at sinabi nila sa isa’t isa: “Sino ba talaga siya? Kahit ang hangin at ang lawa ay sumusunod sa kaniya.”+

Talababa

Lit., “natisod sila.”
O “ang mapang-akit na.”

Study Notes

sa dalampasigan: Sa dalampasigan ng Lawa ng Galilea malapit sa Capernaum, may lugar na parang ampiteatro. Lumalakas dito ang boses ng nagsasalita, kaya naririnig si Jesus ng maraming tao nang magsalita siya mula sa bangka.

inilayo ito nang kaunti . . . sa baybayin: Tingnan ang study note sa Mat 13:2.

ilustrasyon: O “talinghaga.” Ang terminong Griego na pa·ra·bo·leʹ, na literal na nangangahulugang “pagtabihin o pagsamahin,” ay puwedeng tumukoy sa isang talinghaga, kawikaan, o ilustrasyon. Karaniwang ‘pinagtatabi,’ o pinaghahambing, ni Jesus ang dalawang bagay na may pagkakatulad kapag nagpapaliwanag siya. (Mar 4:30) Ang mga ilustrasyon niya ay maikli at karaniwang kathang-isip lang na kapupulutan ng moral at espirituwal na katotohanan.

ilustrasyon: Tingnan ang study note sa Mat 13:3.

batuhan: Hindi ito tumutukoy sa lupa na maraming nakakalat na bato, kundi sa mga lugar na bato ang pinakasahig o may patong-patong na bato kung saan kaunti lang ang lupa. Sa kaparehong ulat sa Luc 8:6, sinabi na ang ilang binhi ay nahulog “sa bato.” Sa gayong lugar, hindi mag-uugat nang malalim ang halaman kaya hindi ito makakasipsip ng sapat na tubig.

sa batuhan: Tingnan ang study note sa Mat 13:5.

sa may matitinik na halaman: Maliwanag na ang tinutukoy ni Jesus ay hindi ang matitinik na palumpong, kundi ang mga panirang-damo na hindi naalis sa inararong lupa. Tutubo ang mga ito at masasakal ang bagong-tanim na binhi.

sa may matitinik na halaman: Tingnan ang study note sa Mat 13:7.

Ang may tainga ay makinig: Bago ilahad ni Jesus ang ilustrasyon tungkol sa magsasaka, sinabi niya: “Makinig kayo.” (Mar 4:3) Ito rin ang ipinayo niya pagkatapos niyang ilahad ang ilustrasyon. Idiniriin nito kung gaano kahalaga na pakinggan ng mga tagasunod niya ang sinasabi niya. Ganiyan din ang makikita sa Mat 11:15; 13:9, 43; Mar 4:23; Luc 8:8; 14:35; Apo 2:7, 11, 17, 29; 3:6, 13, 22; 13:9.

sistemang: Ang salitang Griego na ai·onʹ, na literal na nangangahulugang “panahon,” ay puwedeng tumukoy sa kalakaran o sa mga pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon. Dito, ang termino ay may kaugnayan sa mga álalahanín at problema na bahagi ng buhay sa kasalukuyang sistema.—Tingnan sa Glosari, “Sistema.”

sistemang: Tingnan ang study note sa Mat 13:22.

lampara: Noong panahon ng Bibliya, ang karaniwang lampara sa bahay ay isang maliit na sisidlang luwad na may lamang langis ng olibo.

basket: Ginagamit na pantakal ng mga tuyong paninda, gaya ng mga butil. Ang klase ng “basket” (sa Griego, moʹdi·os) na binabanggit dito ay makapaglalaman ng mga 9 L.

lampara: Tingnan ang study note sa Mat 5:15.

basket: Tingnan ang study note sa Mat 5:15.

Kung gaano kalaki ang ibinibigay ninyo: Makikita sa talata 23 hanggang 25 na kung di-gaanong nagbibigay-pansin ang mga alagad sa itinuturo ni Jesus, hindi sila gaanong makikinabang. Pero kung magbubuhos sila dito ng pansin, ituturo at isisiwalat niya sa kanila ang mga bagay na higit pa sa inaasahan nila. Kaya makikinabang sila nang husto at mas maituturo nila sa iba ang natutuhan nila. Dahil bukas-palad si Jesus, mas maraming pagpapala ang ibibigay niya sa kanila kaysa sa inaasahan nila.

Ang Kaharian ng Diyos ay gaya ng isang tao na naghahasik ng binhi: Si Marcos lang ang manunulat ng Ebanghelyo na nag-ulat ng ilustrasyong mababasa sa talata 26 hanggang 29.

ang pinakamaliit sa lahat ng binhi: Ang binhi ng mustasa ay ginagamit sa mga sinaunang akdang Judio bilang idyoma para sa napakaliliit na bagay. Kahit na may mas maliliit na binhi na kilala ngayon, lumilitaw na ito ang pinakamaliit na binhing tinitipon at inihahasik ng mga magsasaka sa Galilea noong panahon ni Jesus.

binhi ng mustasa: Tingnan ang study note sa Mat 13:31.

pinakamaliit sa lahat ng binhi: Tingnan ang study note sa Mat 13:32.

binhi ng mustasa: May iba’t ibang uri ng mustasa na tumutubo sa Israel. Ang black mustard (Brassica nigra) ay ang uri na karaniwang itinatanim sa Israel. Ang maliit na binhi nito ay may diyametro na 1-1.6 mm (0.039 hanggang 0.063 in) at may timbang na 1 mg (0.000035 oz), pero tumutubo ito na kasinlaki ng puno. Ang ilang uri ng mustasa ay tumataas nang hanggang 4.5 m (15 ft).

maintindihan: Lit., “pakinggan.” Ang salitang Griego para dito ay puwedeng mangahulugang “magbigay-pansin sa pamamagitan ng pakikinig” o “unawain.”—Ihambing ang study note sa Gaw 9:7; 22:9.

hindi nila naintindihan ang sinasabi ng tinig: O “hindi nila narinig ang tinig.” Sa Gaw 9:3-9, inilarawan ni Lucas ang karanasan ni Pablo sa daan papuntang Damasco. Kapag pinagsama ang dalawang ulat na ito, magiging mas malinaw ang buong pangyayari. Gaya ng ipinaliwanag sa study note sa Gaw 9:7, tunog lang ang naririnig ng mga lalaking kasama ni Pablo sa paglalakbay, at hindi nila naiintindihan kung ano talaga ang sinasabi ng nagsasalita. Hindi nila narinig ang tinig gaya ng pagkakarinig dito ni Pablo. Kaayon ito ng pagkakagamit sa salitang Griego para sa “narinig” sa Gaw 22:7, kung saan sinabi ni Pablo na “may narinig [siyang] tinig,” ibig sabihin, narinig at naintindihan niya ang sinasabi nito. Pero hindi naintindihan ng mga lalaking naglalakbay kasama ni Pablo ang mensahe ng nagsasalita, posibleng dahil kulob o malabo ang datíng ng tinig sa kanila. Kaya ang ekspresyong “hindi nila narinig ang tinig” ay isinalin ditong “hindi nila naintindihan ang sinasabi ng tinig.”—Ihambing ang Mar 4:33; 1Co 14:2, kung saan ang salitang Griego para sa “narinig” ay puwedeng isaling “makinig” o “maintindihan.”

may naririnig silang tinig: O “may naririnig silang tunog.” Ang terminong Griego na pho·neʹ ay puwedeng isaling “tunog” o “tinig,” depende sa gramatika. Lumitaw rin ang terminong ito sa Gaw 22:6-11 nang ilarawan ni Pablo ang karanasan niya sa daan papuntang Damasco. Kapag pinagsama ang dalawang ulat na ito, magiging mas malinaw ang buong pangyayari. Lumilitaw na tunog lang ang naririnig ng mga lalaking kasama ni Pablo sa paglalakbay, at hindi nila naiintindihan kung ano talaga ang sinasabi ng nagsasalita, di-gaya ni Pablo.—Gaw 26:14; tingnan ang study note sa Gaw 22:9.

sa kabilang ibayo: Tingnan ang study note sa Mat 8:18.

sa kabilang ibayo: Ang silangang baybayin ng Lawa ng Galilea.

malakas na buhawi: Ang ekspresyong ito ay ipinanumbas sa tatlong salitang Griego na puwedeng literal na isaling “malakas na bagyong-hangin.” (Tingnan ang study note sa Mat 8:24.) Hindi ito nasaksihan ni Marcos, kaya posibleng nakuha niya kay Pedro ang buhay na buhay na paglalarawan sa buhawi at ang iba pang detalye sa ulat niya.—May kinalaman sa naging impluwensiya ni Pedro sa Ebanghelyo ni Marcos, tingnan ang “Introduksiyon sa Marcos.”

malakas na bagyo: Karaniwan lang ang malalakas na bagyo sa Lawa ng Galilea. Mga 210 m (700 ft) ang baba nito mula sa lebel ng dagat, at mas mainit ang hangin sa dagat kumpara sa nakapalibot na mga talampas at bundok. Dahil diyan, nagkakaroon ng pagbabago sa atmospera at nabubuo ang malakas na hangin na pinagmumulan ng malalaking alon.

unan: O “kutson.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang lumitaw ang salitang ito. Ipinapakita ng paggamit dito ng tiyak na pantukoy sa Griego na ang unan ay posibleng kasama talaga sa mga kagamitan sa bangka. Puwedeng isa itong sako ng buhangin na ginagamit na pampabigat sa ilalim ng kubyerta sa popa, upuan ng nagtitimon na nababalutan ng katad, o kutson o balahibo ng hayop na inuupuan ng nagsasagwan.

Media

Patungan ng Lampara sa Bahay
Patungan ng Lampara sa Bahay

Ang patungang ito ng lampara (1) ay iginuhit batay sa unang-siglong mga artifact na natagpuan sa Efeso at Italya. Ang ganitong patungan ng lampara ay malamang na ginagamit sa bahay ng mayayaman. Sa bahay ng mahihirap, ang lampara ay ibinibitin sa kisame, inilalagay sa isang inukang bahagi ng pader (2), o inilalagay sa patungang gawa sa luwad o kahoy.

Mga Labí ng Bangkang Pangisda sa Galilea
Mga Labí ng Bangkang Pangisda sa Galilea

Dahil sa tagtuyot noong 1985/1986, bumaba ang tubig sa Lawa ng Galilea kaya lumitaw ang katawan ng isang sinaunang bangka na nakabaon sa putik. Ang labí ng bangka ay 8.2 m (27 ft) ang haba at 2.3 m (7.5 ft) ang lapad at ang pinakamataas na bahagi ay 1.3 m (4.3 ft). Ayon sa mga arkeologo, ang bangka ay mula pa noong mga unang siglo B.C.E. hanggang unang siglo C.E. Ang bangkang ito ay nakadispley sa isang museo sa Israel. Makikita sa video ang posibleng hitsura ng bangka habang naglalayag mga 2,000 taon na ang nakakalipas.

Bangkang Pangisda Noong Unang Siglo
Bangkang Pangisda Noong Unang Siglo

Ang larawang ito ay batay sa bangkang pangisda noong unang siglo na nakitang nakabaon sa putik malapit sa pampang ng Lawa ng Galilea at batay sa mosaic na nakita sa isang unang-siglong bahay sa Migdal, isang bayan na nasa baybayin. Ang ganitong bangka ay may palo at (mga) layag at malamang na may limang tripulante—apat na tagasagwan at isang timonero, na nakatayo sa maliit na kubyerta sa likurang bahagi ng bangka. Mga 8 m (26.5 ft) ang haba ng bangka, at ang gitna ay may lapad na mga 2.5 m (8 ft) at lalim na 1.25 m (4 ft). Posibleng kaya nitong magsakay ng 13 tao o higit pa.

Pinatahimik ni Jesus ang Bagyo
Pinatahimik ni Jesus ang Bagyo

Binabayo ng malakas na hangin ang bangka, at basang-basa ang mga alagad habang tumatawid sa Lawa ng Galilea. Takot na takot sila na baka malunod sila, kaya humingi sila ng tulong. Natutulog noon si Jesus, pero nagising siya at sinabi sa lawa: “Tigil! Tumahimik ka!” Agad na humupa ang bagyo at “naging kalmado ang paligid.” (Mar 4:35-41) Ipinapakita ng himalang ito na kapag naghahari na si Jesus sa lupa, hindi nila hahayaan ng Ama niya na masaktan ang mga sakop ng Kaharian ng Diyos dahil sa masamang panahon. (Apo 21:4) Wala si Marcos nang mangyari ito, pero maaksiyon at kapana-panabik ang pagkakaulat niya rito, gaya ng karaniwang istilo niya sa pagsulat ng Ebanghelyo niya. Dahil maliwanag at detalyado ang pagkakaulat niya sa pangyayaring ito, malamang na nakuha niya ang impormasyon sa isa na nakasakay mismo sa bangka, na posibleng si Pedro.