Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 10

Ipinagtanggol Niya ang Tunay na Pagsamba

Ipinagtanggol Niya ang Tunay na Pagsamba

1, 2. (a) Bakit naghihirap ang mga kababayan ni Elias? (b) Anong pagsalansang ang napaharap kay Elias sa Bundok Carmel?

PINAGMAMASDAN ni Elias ang pulutong habang paahon ang mga ito sa Bundok Carmel. Bagaman hindi pa gaanong nagliliwanag nang araw na iyon, kitang-kita ang kahirapan at pagdarahop ng mga taong ito. Bakas na bakas sa kanila ang epekto ng tatlo at kalahating taóng tagtuyot.

2 Naroroon din ang 450 hambog na mga propeta ni Baal na taas-noong naglalakad at may matinding poot sa propeta ni Jehova na si Elias. Naninindigan pa rin ang lalaking ito laban sa pagsamba kay Baal kahit marami nang lingkod ni Jehova ang ipinapatay ni Reyna Jezebel. Pero hanggang kailan siya tatagal? Marahil ay iniisip ng mga saserdoteng iyon na kayang-kaya nila ang nag-iisang taong iyon. (1 Hari 18:4, 19, 20) Dumating din si Haring Ahab sakay ng kaniyang maharlikang karo. Galít din siya kay Elias.

3, 4. (a) Bakit malamang na nakadama ng takot si Elias habang nagbubukang-liwayway ang mahalagang araw na iyon? (b) Anong mga tanong ang isasaalang-alang natin?

3 Isang pambihirang pangyayari ang magaganap ngayon sa buhay ng nag-iisang propetang iyon. Habang nakamasid si Elias, inihahanda ang tagpo para sa isang kapana-panabik na labanan sa pagitan ng mabuti at masama na hindi pa kailanman nasaksihan sa daigdig. Ano kaya ang nadarama niya habang nagbubukang-liwayway? Malamang na nakadama rin siya ng takot, yamang isa siyang “taong may damdaming tulad ng sa atin.” (Basahin ang Santiago 5:17.) Isang bagay ang tiyak: Sa gitna ng mga taong iyon na walang pananampalataya, ng kanilang apostatang hari, at ng malulupit na saserdoteng iyon, damang-dama ni Elias na nag-iisa siya.​—1 Hari 18:22.

4 Pero bakit may ganitong krisis sa Israel? At ano ang kaugnayan sa iyo ng ulat na ito? Isaalang-alang ang halimbawa ng pananampalataya ni Elias at kung paano ito makatutulong sa atin ngayon.

Umabot sa Sukdulan ang Matagal Nang Labanan

5, 6. (a) Anong labanan ang nagaganap noon sa Israel? (b) Paano ginalit nang husto ni Haring Ahab si Jehova?

5 Halos sa buong buhay ni Elias, wala siyang nagawa kundi pagmasdan ang pagwawalang-bahala at paglapastangan ng mga tao sa pagsamba kay Jehova. Matagal na kasing may labanan sa Israel, isang digmaan sa pagitan ng tunay at huwad na relihiyon, sa pagitan ng pagsamba sa Diyos na Jehova at ng idolatriya ng nakapalibot na mga bansa. Noong panahon ni Elias, lalo pang tumindi ang labanang iyon.

6 Ginalit nang husto ni Haring Ahab si Jehova. Kinuha niyang asawa si Jezebel na anak ng hari ng Sidon. Determinado si Jezebel na palaganapin ang pagsamba kay Baal sa lupain ng Israel at lubusang alisin ang pagsamba kay Jehova. Agad niyang naimpluwensiyahan si Ahab. Nagtayo si Ahab ng isang templo at isang altar para kay Baal, at nanguna siya sa pagsamba sa paganong diyos na ito.​—1 Hari 16:30-33.

7. (a) Bakit lubhang kasuklam-suklam ang pagsamba kay Baal? (b) Tungkol sa tagal ng tagtuyot noong panahon ni Elias, paano tayo nakatitiyak na walang pagkakasalungatan sa Bibliya? (Ilakip ang  kahon.)

7 Bakit lubhang kasuklam-suklam ang pagsamba kay Baal? Inakit at inilayo nito ang maraming Israelita mula sa tunay na Diyos. Isa rin itong karumal-dumal at malupit na relihiyon. Bahagi ng pagsambang ito ang pagpapatutot ng mga lalaki at babae sa templo, pagpapakasasa sa sekso, at pagsunog pa nga sa mga bata bilang hain. Kaya isinugo ni Jehova si Elias kay Ahab upang ihayag na magkakaroon ng tagtuyot na tatagal hanggang sa sabihin ng propeta ng Diyos na tapos na ito. (1 Hari 17:1) Lumipas ang ilang taon bago muling nagpakita si Elias kay Ahab para sabihan itong tipunin ang bayan at ang mga propeta ni Baal sa Bundok Carmel. *

Masasabing nakikita pa rin sa ngayon ang pangunahing mga elemento ng pagsamba kay Baal

8. Ano ang kahulugan ng ulat hinggil sa pagsamba kay Baal para sa atin ngayon?

8 Pero ano ang kahulugan ng labanang ito para sa atin ngayon? Baka isipin ng ilan na wala namang kaugnayan sa panahon natin ang ulat hinggil sa pagsamba kay Baal dahil wala na ngayong mga templo at altar para kay Baal. Subalit hindi lang ito basta sinaunang kasaysayan. (Roma 15:4) Ang salitang “Baal” ay nangangahulugang “may-ari” o “panginoon.” Sinabi ni Jehova sa kaniyang bayan na dapat nila siyang piliin bilang kanilang “baal,” o asawang nagmamay-ari. (Isa. 54:5) Hindi ka ba sasang-ayon na may iba’t ibang panginoon pa rin na pinaglilingkuran ang mga tao bukod sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat? Kapag pumipili ang mga tao ng mga bagay na itataguyod nila​—ito man ay salapi, propesyon, libangan, kaluguran sa sekso, o alinman sa di-mabilang na mga diyos na sinasamba sa halip na si Jehova—​pumipili sila ng kanilang panginoon. (Mat. 6:24; basahin ang Roma 6:16.) Kaya masasabing nakikita pa rin sa ngayon ang pangunahing mga elemento ng pagsamba kay Baal. Ang pagbubulay-bulay tungkol sa sinaunang labanang iyon sa pagitan ni Jehova at ni Baal ay tutulong sa atin na pumili nang may katalinuhan kung sino ang paglilingkuran natin.

“Iika-ika”—Paano?

9. (a) Bakit angkop na lokasyon ang Bundok Carmel para ilantad na huwad ang Baalismo? (Tingnan din ang talababa.) (b) Ano ang sinabi ni Elias sa bayan?

9 Matatanaw mula sa taluktok ng Bundok Carmel ang malawak na lupain​—mula sa agusang libis ng Kison hanggang sa kalapit na Malaking Dagat (Dagat Mediteraneo) at hanggang sa kabundukan ng Lebanon sa dulong hilaga. * Pero habang sumisikat ang araw sa mahalagang sandaling ito, kalunus-lunos ang tanawing makikita. Tuyot na ang dating matabang lupain na ibinigay ni Jehova sa mga anak ni Abraham. Tigang na tigang ito dahil sa nakapapasong init ng araw, nasira dahil sa kamangmangan ng mismong bayan ng Diyos! Nang matipon ang bayan, lumapit sa kanila si Elias at nagsabi: “Hanggang kailan kayo iika-ika sa dalawang magkaibang opinyon? Kung si Jehova ang tunay na Diyos, sumunod kayo sa kaniya; ngunit kung si Baal, sumunod kayo sa kaniya.”​—1 Hari 18:21.

10. Paanong “iika-ika sa dalawang magkaibang opinyon” ang mga kababayan ni Elias, at anong mahalagang katotohanan ang nakalimutan nila?

10 Ano ang ibig sabihin ni Elias sa pananalitang “iika-ika sa dalawang magkaibang opinyon”? Buweno, hindi nauunawaan ng mga taong iyon na kailangan nilang pumili kung si Jehova o si Baal ang sasambahin nila. Inakala nilang puwede silang gumawa ng karumal-dumal na mga ritwal para palugdan si Baal at kasabay nito’y humingi rin ng tulong sa Diyos na Jehova. Marahil ay iniisip nilang pagpapalain ni Baal ang kanilang mga pananim at kawan, at ipagsasanggalang naman sila ni “Jehova ng mga hukbo” sa digmaan. (1 Sam. 17:45) Nakalimutan nila ang isang mahalagang katotohanan na hindi pa rin nauunawaan ng marami sa panahon natin. Ayaw ni Jehova na may kaagaw siya sa pagsamba. Humihiling siya ng bukod-tanging debosyon, at karapat-dapat siya rito. Ang pagsamba sa Diyos na may halong iba pang anyo ng pagsamba ay hindi katanggap-tanggap sa kaniya, at kasuklam-suklam pa nga!​—Basahin ang Exodo 20:5.

11. Paano makatutulong ang sinabi ni Elias sa Bundok Carmel para muli nating masuri ang ating pagsamba at mga priyoridad?

11 Kaya ang mga Israelitang iyon ay “iika-ika,” o naglilingkod sa dalawang panginoon. Ganiyan din ang pagkakamali ng maraming tao sa ngayon​—binibigyan nila ng dako sa kanilang buhay ang ibang mga “baal” at isinasaisantabi ang pagsamba sa Diyos. Kung susundin natin ang apurahan at maliwanag na panawagan ni Elias na tumigil sa pag-ika-ika, tutulong ito sa atin na muling suriin ang ating pagsamba at mga priyoridad.

Isang Napakahalagang Pagsubok

12, 13. (a) Anong pagsubok ang iminungkahi ni Elias? (b) Paano natin maipakikitang nagtitiwala tayo sa Diyos gaya ni Elias?

12 Nagmungkahi ngayon si Elias ng isang simpleng pagsubok. Magtatayo ang mga saserdote ni Baal ng isang altar at maglalagay rito ng hain; pagkatapos ay mananalangin sila sa kanilang diyos upang humiling ng apoy na susunog sa handog. Gayundin ang gagawin ni Elias. Sinabi niya na ang “Diyos na sasagot sa pamamagitan ng apoy ang siyang tunay na Diyos.” Alam na alam ni Elias kung sino ang tunay na Diyos. Gayon na lang katibay ang kaniyang pananampalataya kaya hindi siya nag-atubiling bigyan ng partida ang mga kalaban. Pinauna niya ang mga propeta ni Baal. Kaya pumili sila ng torong ihahain at nanawagan kay Baal. *​—1 Hari 18:24, 25.

13 Lipas na ang panahon ng mga himala. Gayunman, hindi nagbabago si Jehova. Makapagtitiwala tayo sa kaniya gaya ni Elias. Halimbawa, kapag may sumasalungat sa itinuturo ng Bibliya, hindi tayo natatakot na paunahin silang magpaliwanag. Gaya ni Elias, makaaasa tayong itutuwid ng tunay na Diyos ang mga bagay-bagay. Magagawa natin ito kung magtitiwala tayo, hindi sa ating sarili, kundi sa kaniyang kinasihang Salita, na magagamit “sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay.”​—2 Tim. 3:16.

Nakatitiyak si Elias na huwad ang pagsamba kay Baal, at gusto niyang makita ito ng bayan ng Diyos

14. Paano nilibak ni Elias ang mga propeta ni Baal, at bakit?

14 Inihanda ng mga propeta ni Baal ang kanilang hain at nanawagan sa kanilang diyos. “O Baal, sagutin mo kami!” ang paulit-ulit nilang sigaw. Lumipas ang ilang minuto, ang ilang oras, “ngunit walang tinig, at walang sinumang sumasagot,” ang sabi ng Bibliya. Nang tanghali na, sinimulan silang libakin ni Elias. Baka raw masyadong abala si Baal para sagutin sila, o baka dumudumi siya, o umiidlip kaya kailangang gisingin. “Sumigaw kayo sa sukdulan ng inyong tinig,” ang sabi ni Elias sa mga impostor na iyon. Nakatitiyak si Elias na huwad ang pagsamba kay Baal, at gusto niyang makita ito ng bayan ng Diyos.​—1 Hari 18:26, 27.

15. Paano makikita sa kaso ng mga saserdote ni Baal ang kamangmangan ng paglilingkod sa ibang panginoon maliban kay Jehova?

15 Dahil sa panlilibak ni Elias, lalong nataranta ang mga saserdote ni Baal kaya ‘sumigaw sila sa sukdulan ng kanilang tinig at naghiwa ng kanilang sarili ayon sa kanilang kaugalian sa pamamagitan ng mga sundang at sa pamamagitan ng mga sibat, hanggang sa mapadanak nila ang kanilang dugo.’ Wala ring nangyari! “Walang tinig, at walang sinumang sumasagot, at walang nagbibigay-pansin.” (1 Hari 18:28, 29) Hindi talaga totoo si Baal. Inimbento lang siya ni Satanas upang italikod ang mga tao mula kay Jehova. Ang totoo, ang paglilingkod sa ibang panginoon maliban kay Jehova ay nauuwi sa kabiguan o kahihiyan pa nga.​—Basahin ang Awit 25:3; 115:4-8.

Ang Sagot

16. (a) Ano ang maaaring ipinaalaala sa bayan ng pag-aayos ni Elias ng altar ni Jehova sa Bundok Carmel? (b) Paano pa ipinakita ni Elias ang tiwala niya sa kaniyang Diyos?

16 Dapit-hapon na at pagkakataon naman ngayon ni Elias na maghain. Inayos niya ang altar ni Jehova, na malamang ay giniba noon ng mga kaaway ng tunay na pagsamba. Gumamit siya ng 12 bato, marahil upang ipaalaala sa karamihan na kabilang sa 10-tribong bansa ng Israel na obligado pa rin silang sundin ang Kautusan na ibinigay sa 12 tribo. Saka niya inilagay sa ibabaw ang kaniyang hain at pinabuhusan ito ng tubig, na posibleng galing sa kalapit na Dagat Mediteraneo. Nagpahukay pa nga siya ng trinsera, o kanal, sa palibot ng altar at pinunô ito ng tubig. Kung paanong binigyan niya ng partida ang mga propeta ni Baal, kabaligtaran naman ang ibinigay niya kay Jehova​—gayon kalaki ang tiwala niya sa kaniyang Diyos.​—1 Hari 18:30-35.

Ipinakita ng panalangin ni Elias na nagmamalasakit pa rin siya sa kaniyang mga kababayan, sapagkat nananabik siyang makita na ‘panumbalikin ni Jehova ang kanilang puso’

17. Paano ipinakita ng panalangin ni Elias kung ano ang pinakamahalaga sa kaniya, at paano natin matutularan ang kaniyang halimbawa sa ating mga panalangin?

17 Nang handa na ang lahat, nanalangin si Elias. Maliwanag na ipinakita ng simpleng panalangin ni Elias kung ano ang pinakamahalaga para sa kaniya. Una sa lahat, gusto niyang maihayag na si Jehova, hindi ang Baal na ito, ang “Diyos sa Israel.” Ikalawa, gusto niyang malaman ng lahat na siya’y lingkod lang ni Jehova; ang Diyos ang dapat tumanggap ng lahat ng kaluwalhatian at kapurihan. Panghuli, ipinakita niyang nagmamalasakit pa rin siya sa kaniyang mga kababayan, sapagkat nananabik siyang makita na ‘panumbalikin ni Jehova ang kanilang puso.’ (1 Hari 18:36, 37) Sa kabila ng lahat ng pighating idinulot ng kanilang kawalang-katapatan, mahal pa rin sila ni Elias. Sa ating mga panalangin sa Diyos, maipakikita rin ba natin ang gayong kapakumbabaan, pagkabahala sa pangalan ng Diyos, at pagkahabag sa mga nangangailangan ng tulong?

18, 19. (a) Paano sinagot ni Jehova ang panalangin ni Elias? (b) Ano ang iniutos ni Elias sa bayan, at bakit hindi dapat kaawaan ang mga saserdote ni Baal?

18 Bago manalangin si Elias, maaaring iniisip ng mga pulutong kung si Jehova ay isa ring huwad na diyos gaya ni Baal. Pero pagkatapos ng panalangin, naglaho ang kanilang pag-aalinlangan. Sinasabi ng ulat: “Sa gayon ay bumulusok ang apoy ni Jehova at inubos ang handog na sinusunog at ang mga piraso ng kahoy at ang mga bato at ang alabok, at ang tubig na nasa trinsera ay hinimod nito.” (1 Hari 18:38) Isa ngang kagila-gilalas na sagot! At paano tumugon ang bayan?

“Sa gayon ay bumulusok ang apoy ni Jehova”

19 “Si Jehova ang tunay na Diyos! Si Jehova ang tunay na Diyos!” ang sigaw nilang lahat. (1 Hari 18:39) Sa wakas, natauhan din sila. Pero hindi ibig sabihin nito na may pananampalataya na sila. Ang totoo, hindi iyon isang pambihirang kapahayagan ng pananampalataya sapagkat kinailangan pa nilang makakita ng bumubulusok na apoy mula sa langit bago nila kilalaning si Jehova ang tunay na Diyos. Kaya may hiniling pa sa kanila si Elias. Hiniling niya na sundin nila ang Kautusan ni Jehova, na dapat sana’y noon pa nila ginawa. Sinasabi ng Kautusan ng Diyos na dapat patayin ang huwad na mga propeta at ang mga mananamba sa idolo. (Deut. 13:5-9) Ang mga saserdoteng iyon ni Baal ay mortal na kaaway ng Diyos na Jehova, at sadya silang sumasalansang sa kaniyang mga layunin. Dapat ba silang kaawaan? Bakit, naawa ba sila sa lahat ng inosenteng bata na sinunog nang buháy bilang hain kay Baal? (Basahin ang Kawikaan 21:13; Jer. 19:5) Hinding-hindi sila dapat kaawaan! Kaya iniutos ni Elias na patayin sila, at pinatay nga sila.​—1 Hari 18:40.

20. Bakit hindi dapat mabahala ang mga kritiko hinggil sa pagpatay ni Elias sa mga saserdote ni Baal?

20 Maaaring pinupuna ng mga kritiko sa ngayon ang ginawa ni Elias pagkatapos ng pagsubok sa Bundok Carmel. Nag-aalala naman ang ilang tao na baka gamitin ng mga panatiko ang ulat na ito upang ipagmatuwid ang karahasang ginagawa sa ngalan ng relihiyon. At nakalulungkot, maraming panatiko sa relihiyon ang marahas. Pero hindi panatiko si Elias. Ginamit siya ni Jehova upang ilapat ang Kaniyang matuwid na hatol. Bukod diyan, alam ng mga tunay na Kristiyano na hindi nila puwedeng tularan ang ginawa ni Elias na pagpatay sa masasamang tao. Sa halip, sinusunod nila ang pamantayan para sa lahat ng alagad ni Jesus na binanggit niya kay Pedro: “Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito, sapagkat ang lahat niyaong humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Mat. 26:52) Gagamitin ni Jehova ang kaniyang Anak upang maglapat ng katarungan sa hinaharap.

21. Bakit angkop na tularan ng mga tunay na Kristiyano sa ngayon ang halimbawa ni Elias?

21 Pananagutan ng isang tunay na Kristiyano na mamuhay nang may pananampalataya. (Juan 3:16) Ang isang paraan para magawa ito ay tularan ang tapat na mga taong gaya ni Elias. Si Jehova lamang ang sinamba niya at hinimok niya ang iba na gayundin ang gawin. Lakas-loob niyang inilantad ang huwad na relihiyong ginagamit ni Satanas upang ilayo ang mga tao mula kay Jehova. At sa halip na manalig sa kaniyang kakayahan at gawin ang kaniyang kagustuhan, nagtiwala siya na itutuwid ni Jehova ang mga bagay-bagay. Ipinagtanggol ni Elias ang tunay na pagsamba. Tularan nawa nating lahat ang kaniyang pananampalataya!

^ par. 9 Ang Bundok Carmel ay karaniwan nang nababalot ng mayayabong na halaman at puno dahil sa mahalumigmig na hanging galing sa dagat na kadalasang nagdadala ng ulan at makapal na hamog. Dahil si Baal ang itinuturing na tagapagdala ng ulan, maliwanag na mahalagang lugar ang bundok na ito para sa pagsamba kay Baal. Kaya angkop na lokasyon ang tigang na Carmel para ilantad na huwad ang Baalismo.

^ par. 12 Kapansin-pansin, sinabihan sila ni Elias: “Huwag ninyong lagyan . . . ng apoy” ang hain. Sinasabi ng ilang iskolar na ang mga mananambang iyon ng idolo ay gumagamit kung minsan ng mga altar na maaaring sindihan sa ilalim para palabasing makahimala ang apoy.