Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 13

Natuto Siya sa Kaniyang mga Pagkakamali

Natuto Siya sa Kaniyang mga Pagkakamali

1, 2. (a) Ano ang dinanas ni Jonas at ng mga marinero dahil sa kaniyang pagkakamali? (b) Paano makatutulong sa atin ang kuwento ni Jonas?

SA ISIP ni Jonas, sana’y kaya niyang patigilin ang naririnig niyang mga ingay. Nakatatakot ang hugong ng napakalakas na hangin na humahagupit sa mga lubid ng layag ng barko at ang dagundong ng gabundok na mga alon na humahampas sa magkabilang gilid ng barko at nagpapalangitngit dito. Pero ang mas nakaririndi kay Jonas ay ang hiyawan ng mga marinero, ang kapitan at kaniyang mga tauhan, habang sinisikap nilang isalba ang barko. Natitiyak ni Jonas na mamamatay ang mga taong ito​—at siya ang dahilan!

2 Bakit nalagay si Jonas sa gayong sitwasyon? Nakagawa siya ng malubhang pagkakamali sa kaniyang Diyos, si Jehova. Ano ang nagawa niya? Wala na bang solusyon ang problema niya? Marami tayong matututuhan sa sagot sa mga tanong na ito. Halimbawa, tutulungan tayo ng kuwento ni Jonas na makitang kahit ang mga may tunay na pananampalataya ay posibleng makagawa ng pagkakamali​—at kung paano nila ito maitutuwid.

Isang Propeta Mula sa Galilea

3-5. (a) Ano ang kadalasang naaalaala ng mga tao kapag naiisip nila si Jonas? (b) Ano ang ilang bagay na alam natin tungkol kay Jonas? (Tingnan din ang talababa.) (c) Bakit hindi madali ang atas ni Jonas bilang propeta?

3 Kapag naiisip ng mga tao si Jonas, kadalasa’y mga negatibong bagay ang naaalaala nila, gaya ng pagsuway niya o ang katigasan ng kaniyang ulo. Pero may magaganda rin siyang katangian. Tandaan na si Jonas ay pinili para maging propeta ng Diyos na Jehova. Hindi siya pipiliin ni Jehova para sa mabigat na pananagutang iyon kung hindi siya tapat o matuwid.

Hindi puro negatibo ang mga katangian ni Jonas

4 May ilang bagay na binabanggit sa Bibliya tungkol kay Jonas. (Basahin ang 2 Hari 14:25.) Mula siya sa Gat-heper na apat na kilometro lang mula sa Nazaret, ang bayan kung saan lumaki si Jesu-Kristo makalipas ang mga walong siglo. * Naglingkod si Jonas bilang propeta noong panahon ng pamamahala ni Haring Jeroboam II sa sampung-tribong kaharian ng Israel. Matagal nang patay si Elias; ang kahalili naman niyang si Eliseo ay namatay noong panahon ng paghahari ng ama ni Jeroboam. Ginamit ni Jehova ang mga lalaking iyon upang pawiin ang pagsamba kay Baal, pero gumagawa na naman ng masama ang mga Israelita. Ang lupain ay naiimpluwensiyahan ng isang hari na ‘patuloy na gumagawa ng masama sa paningin ni Jehova.’ (2 Hari 14:24) Kaya malamang na hindi madali ang atas ni Jonas. Gayunman, ginampanan niya ito nang buong katapatan.

5 Pero isang araw, nagkaroon ng malaking pagbabago sa buhay ni Jonas. Nakatanggap siya ng isang atas mula kay Jehova na sa tingin niya’y napakahirap gawin. Ano ang ipinagagawa sa kaniya ni Jehova?

“Bumangon Ka, Pumaroon Ka sa Nineve”

6. Anong atas ang ipinagagawa ni Jehova kay Jonas, at bakit parang napakahirap gawin nito?

6 Sinabi ni Jehova kay Jonas: “Bumangon ka, pumaroon ka sa Nineve na dakilang lunsod, at ihayag mo laban sa kaniya na ang kanilang kasamaan ay umabot sa harap ko.” (Jon. 1:2) Madaling maunawaan kung bakit parang napakahirap gawin ang atas na ito. Ang Nineve ay mga 800 kilometro sa gawing silangan, isang lakarín na malamang na aabot nang halos isang buwan. Pero mas madali ang paglalakbay na iyon kung ihahambing sa mismong atas na ipinagagawa sa kaniya. Sa Nineve, ihahayag ni Jonas ang mensahe ng paghatol ni Jehova sa mga Asiryano, na kilaláng mararahas at mababangis. Kung kaunti lang sa mismong bayan ng Diyos ang nakinig kay Jonas, ano pa kaya ang aasahan niya sa mga paganong ito? Ano kaya ang sasapitin ng nag-iisang lingkod ni Jehova sa napakalawak na Nineve, na nang maglaon ay tinawag na “lunsod ng pagbububo ng dugo”?​—Na. 3:1, 7.

7, 8. (a) Gaano katindi ang determinasyon ni Jonas na takasan ang atas na ibinigay ni Jehova? (b) Bakit hindi natin dapat hatulan si Jonas bilang isang duwag?

7 Malamang na naisip iyon ni Jonas. Pero hindi tayo nakatitiyak. Ang alam lang natin, tumakas siya. Pinapupunta siya ni Jehova sa silangan, pero pumunta si Jonas sa kanluran, patungo sa pinakamalayong lugar sa kanluran na mararating niya. Pumunta siya sa baybayin, sa isang daungang-lunsod na tinatawag na Jope, kung saan sumakay siya ng barko patungong Tarsis. Sinasabi ng ilang iskolar na ang Tarsis ay nasa Espanya. Kung gayon, patungo si Jonas sa isang lugar na 3,500 kilometro ang layo sa Nineve. Ang paglalakbay na iyon papunta sa kabilang dulo ng Malaking Dagat ay maaaring abutin nang isang taon. Talagang determinado si Jonas na takasan ang atas na ibinigay sa kaniya ni Jehova!​—Basahin ang Jonas 1:3.

8 Masasabi bang duwag si Jonas? Hindi natin siya dapat hatulan kaagad. Gaya ng makikita natin, nagpamalas din siya ng kahanga-hangang lakas ng loob. Pero gaya nating lahat, si Jonas ay isang taong di-sakdal na nakikipagpunyagi sa maraming kahinaan. (Awit 51:5) Sino ba sa atin ang hindi kailanman nakipagpunyagi sa takot?

9. Ano ang maaaring nadarama natin paminsan-minsan tungkol sa isang atas mula kay Jehova, kaya anong katotohanan ang dapat nating tandaan?

9 Kung minsan, ang ipinagagawa sa atin ng Diyos ay parang napakahirap o imposibleng gawin. Baka natatakot tayong mangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, na isang kahilingan sa mga Kristiyano. (Mat. 24:14) Napakadali nating malimutan ang mahalagang katotohanan na sinabi ni Jesus: “Ang lahat ng mga bagay ay posible sa Diyos.” (Mar. 10:27) Kung nalilimutan natin iyan paminsan-minsan, mauunawaan natin ang nadama ni Jonas. Pero ano kaya ang naging resulta ng pagtakas ni Jonas?

Dinisiplina ni Jehova ang Kaniyang Masuwaying Propeta

10, 11. (a) Ano ang maaaring inaasahan ni Jonas habang papalayo sa baybayin ang barko? (b) Anong panganib ang sinapit ng barko at ng mga marinero?

10 Gunigunihin si Jonas na nakasakay sa barkong iyon, malamang na isang sasakyang pangkargamento ng Fenicia. Nagmamasid siya habang ang kapitan at ang mga tauhan nito ay abala para mailabas ang barko sa daungan. Nang malayo na ito sa baybayin, maaaring umaasa si Jonas na matatakasan niya ang panganib na labis niyang kinatatakutan. Pero biglang nagbago ang lagay ng panahon.

11 Humihip ang napakalakas na hangin at nagngalit ang dagat. Dumaluyong ang gabundok na mga alon, anupat nagmistulang munting laruan ang barko. Gaano katagal kayang pinaghampasan ng naglalakihang alon ang barkong iyon na yari sa kahoy? Alam na kaya noon ni Jonas ang isinulat niya nang bandang huli​—na “si Jehova ay nagpabugso ng isang malakas na hangin sa dagat”? Hindi natin alam. Pero nakita niya na ang mga marinero ay nagsitawag sa kani-kanilang diyos, at alam niyang walang maitutulong ang mga ito. (Lev. 19:4) Ayon sa kaniyang ulat: “Kung tungkol sa barko, iyon ay malapit nang magiba.” (Jon. 1:4) At paano makapananalangin si Jonas sa Diyos na tinatakasan niya?

12. (a) Bakit hindi natin dapat husgahan agad si Jonas sa pagtulog niya habang humahagupit ang bagyo? (Tingnan din ang talababa.) (b) Paano ibinunyag ni Jehova ang sanhi ng problema?

12 Dahil wala naman siyang maitutulong, pumunta si Jonas sa ibabang palapag ng barko at nakahanap ng dakong mahihigan. Doon, nakatulog siya nang mahimbing. * Nakita ng kapitan si Jonas, ginising siya, at sinabihang manalangin sa kaniyang diyos, gaya ng ginagawa ng iba. Dahil kumbinsido ang mga marinero na may kababalaghan sa bagyong ito, nagpalabunutan sila para malaman kung sino sa mga naroroon ang sanhi ng kanilang problema. Tiyak na kinakabahan si Jonas habang isa-isang naaalis sa palabunutan ang mga naroroon. Di-nagtagal, lumabas ang katotohanan. Minamaniobra ni Jehova ang bagyo, pati na ang palabunutan, para ituro ang isang tao​—si Jonas!​—Basahin ang Jonas 1:5-7.

13. (a) Ano ang ipinagtapat ni Jonas sa mga marinero? (b) Ano ang sinabi ni Jonas na gawin ng mga marinero, at bakit?

13 Ipinagtapat ni Jonas sa mga marinero ang buong katotohanan. Siya ay lingkod ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova. Ito ang Diyos na kaniyang tinatakasan at ginalit, kaya lubhang nanganib ang buhay nilang lahat. Gulat na gulat ang mga lalaki, at kitang-kita ni Jonas ang takot sa kanilang mga mata. Itinanong nila kung ano ang dapat nilang gawin sa kaniya para maisalba ang barko at ang buhay nila. Ano ang sinabi niya? Malamang na nakapangingilabot kay Jonas na isiping malulunod siya sa malamig at nagngangalit na dagat na iyon. Pero maaatim ba niyang mamatay ang lahat ng lalaking ito kung may magagawa naman siya para iligtas sila? Kaya sinabi niya: “Buhatin ninyo ako at ihagis ninyo ako sa dagat, at ang dagat ay papayapa para sa inyo; sapagkat batid ko na dahil sa akin kung kaya ang malakas na unos na ito ay sumapit sa inyo.”​—Jon. 1:12.

14, 15. (a) Paano natin matutularan ang matibay na pananampalatayang ipinakita ni Jonas? (b) Paano tumugon ang mga marinero sa ipinagagawa ni Jonas?

14 Hindi iyan pananalita ng isang duwag. Tiyak na naantig ang puso ni Jehova sa katapangan at mapagsakripisyong saloobin ni Jonas sa panahong iyon ng kagipitan. Makikita natin dito ang matibay na pananampalataya ni Jonas. Matutularan natin ito kung uunahin natin ang kapakanan ng iba sa halip na ang sa atin. (Juan 13:34, 35) Kapag nakita nating may nangangailangan ng tulong, ito man ay sa pisikal, emosyonal, o espirituwal na paraan, ginagawa ba natin ang ating buong makakaya para tulungan sila? Tuwang-tuwa si Jehova kapag ginagawa natin ito!

15 Marahil ay naantig din ang mga marinero, dahil hindi nila agad sinunod ang sinabi ni Jonas! Sa halip, ginawa nila ang lahat ng magagawa nila para maisalba ang barko​—pero wala ring nangyari. Lalo lamang lumakas ang unos. Nakita nila na wala na silang magagawa kundi sundin si Jonas. Matapos manawagan sa Diyos ni Jonas na si Jehova para kaawaan sila, binuhat nila si Jonas at inihagis sa dagat.​—Jon. 1:13-15.

Sinabi ni Jonas sa mga marinero na buhatin siya at ihagis sa dagat

Kinaawaan at Iniligtas si Jonas

16, 17. Ilarawan ang nangyari kay Jonas nang ihagis siya sa dagat. (Tingnan din ang mga larawan.)

16 Nahulog si Jonas sa nagngangalit na alon. Marahil ay sinikap niyang lumutang sa tubig at nakita niyang mabilis na papalayo ang barko. Pero humampas sa kaniya ang malalakas na alon at lumubog siya sa tubig. Palubog siya nang palubog at naiisip niyang wala na siyang pag-asang makaligtas.

17 Inilarawan ni Jonas nang maglaon ang nadama niya noon. Kung anu-ano ang pumasok sa isip niya. Nalungkot siya na hindi na niya muling makikita ang magandang templo ni Jehova sa Jerusalem. Nararamdaman niyang lumulubog siya sa kalaliman ng dagat, malapit sa pinakaibaba ng mga bundok, kung saan pumulupot sa kaniya ang damong dagat. Waring ito na ang magiging hukay niya, ang kaniyang libingan.​—Basahin ang Jonas 2:2-6.

18, 19. Ano ang nangyari kay Jonas sa kalaliman ng dagat, anong uri ng nilalang ang naroon, at sino ang nasa likod ng mga pangyayaring ito? (Tingnan din ang talababa.)

18 Pero teka! May gumagalaw sa di-kalayuan​—isang bagay na buháy at pagkalaki-laki. Papalapit ito sa kaniya. Bumuka ang napakalaking bunganga nito at nilulon siya!

“Itinalaga ni Jehova ang isang malaking isda upang lulunin si Jonas”

19 Ito na yata ang katapusan ni Jonas. Pero takang-taka si Jonas​—buháy pa siya! Hindi siya nagkadurug-durog at nakahihinga pa rin siya. Oo, buháy siya, bagaman inakala niyang ito na ang magiging libingan niya. Unti-unti, nalipos ng pagkamangha si Jonas. Tiyak na ang kaniyang Diyos, si Jehova, ang ‘nagtalaga sa isang malaking isda upang lulunin si Jonas.’ *​—Jon. 1:17.

20. Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jonas sa kaniyang panalangin sa loob ng malaking isda?

20 Lumipas ang mga minuto at mga oras. Doon, sa pusikit na kadiliman na noon lang naranasan ni Jonas, nakapag-isip-isip siya at nanalangin sa Diyos na Jehova. Ang kaniyang panalangin, na isinulat nang buo sa ikalawang kabanata ng Jonas, ay nagsisiwalat ng maraming bagay tungkol sa kaniya. Ipinakikita nito na malawak ang kaalaman ni Jonas sa Kasulatan dahil madalas nitong sipiin ang Mga Awit. Ipinakikita rin nito ang isang nakaaantig na katangian: ang pagiging mapagpasalamat. Sinabi ni Jonas bilang pagtatapos: “Kung tungkol sa akin, sa pamamagitan ng tinig ng pasasalamat ay maghahain ako sa iyo. Kung ano ang aking ipinanata ay tutuparin ko. Ang kaligtasan ay kay Jehova.”​—Jon. 2:9.

21. Ano ang natutuhan ni Jonas tungkol sa kaligtasan, at anong mahalagang aral ang makabubuting tandaan natin?

21 Doon, sa ilalim ng lubhang kakatwang kalagayan​—sa “mga panloob na bahagi ng isda”—​natutuhan ni Jonas na kayang iligtas ni Jehova ang sinuman, saanmang dako at anumang oras. Kahit doon, nakita at nailigtas ni Jehova ang kaniyang lingkod na nasa kagipitan. (Jon. 1:17) Si Jehova lang ang may kakayahang ingatang buháy ang isang tao nang tatlong araw at tatlong gabi sa loob ng tiyan ng malaking isda. Makabubuting tandaan na si Jehova “ang Diyos na sa kaniyang kamay ay naroon ang iyong hininga.” (Dan. 5:23) Utang natin sa kaniya ang bawat paghinga natin, ang atin mismong pag-iral. Tinatanaw ba natin itong utang na loob? Kung gayon, hindi ba dapat lang na maging masunurin tayo kay Jehova?

22, 23. (a) Paano nasubok ang pagiging mapagpasalamat ni Jonas? (b) Ano ang matututuhan natin kay Jonas may kaugnayan sa ating mga pagkakamali?

22 Kumusta naman si Jonas? Natuto ba siyang maging mapagpasalamat kay Jehova sa pamamagitan ng pagsunod? Oo naman. Pagkatapos ng tatlong araw at tatlong gabi, dinala ng isda si Jonas sa baybayin at “iniluwa nito si Jonas sa tuyong lupa.” (Jon. 2:10) Akalain mo​—ni hindi kinailangan ni Jonas na lumangoy hanggang sa tabing-dagat! Siyempre pa, kailangan pa rin niyang hanapin ang pupuntahan niya mula sa dalampasigang iyon, saan man iyon. Pero di-nagtagal, nasubok kung talaga bang mapagpasalamat si Jonas. Ang Jonas 3:1, 2, ay nagsasabi: “At dumating kay Jonas ang salita ni Jehova sa ikalawang pagkakataon, na nagsasabi: ‘Bumangon ka, pumaroon ka sa Nineve na dakilang lunsod, at ihayag mo sa kaniya ang kapahayagan na sinasalita ko sa iyo.’” Ano kaya ang gagawin ni Jonas?

23 Hindi nag-atubili si Jonas. Mababasa natin: “Sa gayon, si Jonas ay bumangon at pumaroon sa Nineve ayon sa salita ni Jehova.” (Jon. 3:3) Oo, sumunod siya. Maliwanag na natuto siya sa kaniyang mga pagkakamali. Dapat din nating tularan ang gayong pananampalataya ni Jonas. Tayong lahat ay nagkakasala at nagkakamali. (Roma 3:23) Pero sumusuko ba tayo, o natututo sa ating mga pagkakamali at nagiging masunurin sa Diyos?

24, 25. (a) Anong gantimpala ang tinanggap ni Jonas noong buháy pa siya? (b) Anong mga gantimpala ang tatanggapin niya sa hinaharap?

24 Ginantimpalaan ba ni Jehova si Jonas sa kaniyang pagsunod? Oo. Una, lumilitaw na nalaman ni Jonas nang maglaon na nakaligtas ang mga marinerong iyon. Agad na humupa ang bagyo matapos isakripisyo ni Jonas ang kaniyang sarili, at ang mga marinerong iyon ay “nagsimulang matakot na lubha kay Jehova” at nag-alay ng hain sa kaniya sa halip na sa kanilang mga huwad na diyos.​—Jon. 1:15, 16.

25 Isang mas malaking gantimpala ang dumating nang dakong huli. Ginamit ni Jesus ang panahon ng pananatili ni Jonas sa loob ng malaking isda bilang makahulang larawan ng panahon ng pananatili niya sa libingan, o Sheol. (Basahin ang Mateo 12:38-40.) Tiyak na matutuwa si Jonas na malaman ang pagpapalang ito kapag binuhay siyang muli sa lupa! (Juan 5:28, 29) Gusto rin ni Jehova na pagpalain ka. Gaya ni Jonas, matututo ka ba sa iyong mga pagkakamali at magiging masunurin at mapagsakripisyo?

^ par. 4 Kapansin-pansin ang bagay na sa isang bayan sa Galilea nagmula si Jonas dahil nang tukuyin ng mga Pariseo si Jesus, may-kahambugan nilang sinabi: “Magsaliksik ka at tingnan mo na walang propetang ibabangon mula sa Galilea.” (Juan 7:52) Ayon sa maraming tagapagsalin at mananaliksik, ipinapalagay ng mga Pariseo na walang propetang nagmula o magmumula sa hamak na Galilea. Kung iyon ang nasa isip nila, binabale-wala nila ang kasaysayan pati na ang hula.​—Isa. 9:1, 2.

^ par. 12 Ipinakikita ng Septuagint kung gaano kahimbing ang tulog ni Jonas nang banggitin nito na humihilik siya. Pero sa halip na isiping ang pagtulog ni Jonas ay tanda ng kawalang-malasakit, alalahanin na kung minsan, gustung-gustong matulog ng mga nanlulumo. Sa panahon ng matinding paghihirap ni Jesus sa hardin ng Getsemani, sina Pedro, Santiago, at Juan ay “umiidlip dahil sa pamimighati.”​—Luc. 22:45.

^ par. 19 Ang salitang Hebreo para sa “isda” ay isinasalin sa wikang Griego bilang “dambuhalang hayop-dagat,” o “malaking isda.” Bagaman hindi natin matitiyak kung anong uri ng nilalang sa dagat ang tinutukoy, kapansin-pansin na may malalaking pating sa Mediteraneo na kayang lumulon ng isang buong tao. May mas malalaking pating sa ibang lugar; ang butanding ay maaaring umabot sa haba na 15 metro​—o baka higit pa!