Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 6

Ibinuhos Niya sa Diyos ang Laman ng Kaniyang Puso

Ibinuhos Niya sa Diyos ang Laman ng Kaniyang Puso

1, 2. (a) Bakit malungkot si Hana habang naghahanda para sa paglalakbay? (b) Ano ang matututuhan natin sa kuwento ni Hana?

NAGPAKAABALA si Hana sa paghahanda para sa paglalakbay upang malimutan ang kaniyang mga problema. Masayang panahon sana iyon; nakaugalian nang isama ng kaniyang asawang si Elkana ang buong pamilya sa taunang mga paglalakbay na ito upang sumamba sa tabernakulo sa Shilo. Gusto ni Jehova na maging masaya ang gayong mga okasyon. (Basahin ang Deuteronomio 16:15.) Mula pa sa pagkabata, tiyak na tuwang-tuwa na si Hana sa mga kapistahang iyon. Pero nagbago ang mga bagay-bagay.

2 Pinagpala siya na magkaroon ng isang asawang nagmamahal sa kaniya. Pero may isa pang asawa si Elkana, si Penina, na pursigidong gawing miserable ang buhay ni Hana. Nakita ni Penina na magandang pagkakataon ang taunang mga kapistahang ito upang saktan ang damdamin ni Hana. Paano? At paano naman nakatulong kay Hana ang pananampalataya niya kay Jehova para maharap ang problemang tila imposibleng malutas? Kung may mga hamon sa buhay na nag-aalis ng iyong kagalakan, mapatitibay ka sa kuwento ni Hana.

“Bakit Nalulumbay ang Iyong Puso?”

3, 4. Ano ang dalawang malaking problema ni Hana, at bakit naging hamon ang mga ito?

3 Ipinakikita sa Bibliya ang dalawang malaking problema ni Hana. Sa unang problema, wala siyang gaanong magagawa. Sa ikalawa naman, talagang wala siyang magagawa. Una, si Elkana ay may isa pang asawa na napopoot kay Hana. Ikalawa, baog si Hana. Napakahirap nito para sa sinumang gustong magkaanak, lalo na para kay Hana. Sa panahon kasi nila at kultura, mahalaga ang anak para may magdala ng pangalan ng pamilya. Ang pagiging baog ay itinuturing na matinding kadustaan at kahihiyan.

4 Mas nakayanan sana ni Hana ang sitwasyon kung hindi dahil kay Penina. Hindi talaga maganda ang poligamya, o ang pagkakaroon ng maraming asawa. Karaniwan itong sanhi ng pagpapaligsahan, alitan, at samaan ng loob. Malayung-malayo iyan sa pamantayang itinakda ng Diyos sa hardin ng Eden, ang monogamya, o ang pagkakaroon ng isang asawa lamang. (Gen. 2:24) Kaya ipinakikita ng Bibliya ang masaklap na resulta ng poligamya, gaya ng naging sitwasyon sa sambahayan ni Elkana.

5. Bakit gustong pahirapan ni Penina si Hana, at paano niya ito ginawa?

5 Mas mahal ni Elkana si Hana. Ayon sa mga Judio, si Hana ang unang pinakasalan ni Elkana at pagkatapos ay si Penina. Totoo man ito o hindi, labis na pinagseselosan ni Penina si Hana kaya humanap siya ng mga paraan upang pahirapan ang kaniyang karibal. Lamáng na lamáng si Penina kay Hana dahil sunud-sunod ang anak niya. Lalo siyang yumayabang habang nadaragdagan ang kaniyang anak. Sa halip na maawa at aliwin si Hana, sinamantala ni Penina ang sitwasyon nito. Sinasabi ng Bibliya na lubhang nililigalig ni Penina si Hana “upang yamutin siya.” (1 Sam. 1:6) Sinadya ni Penina na pasakitan si Hana, at nagtagumpay naman siya.

Lungkot na lungkot si Hana dahil baog siya, at ginawa ni Penina ang lahat para lalong saktan ang kaniyang damdamin

6, 7. (a) Sa kabila ng pagsisikap ni Elkana na aliwin si Hana, bakit kaya hindi isinumbong ni Hana ang ginagawa ni Penina? (b) Ang pagiging baog ba ni Hana ay nangangahulugang hindi nalulugod sa kaniya si Jehova? Ipaliwanag. (Tingnan ang talababa.)

6 Sinasamantala ni Penina ang taunang pagpunta sa Shilo para saktan ang damdamin ni Hana. Binibigyan ni Elkana ng takdang bahagi ng mga hain kay Jehova ang bawat isa sa ‘lahat ng anak na lalaki at babae’ ni Penina. Pero espesyal na bahagi ang natatanggap ni Hana. Ginamit ng naiinggit na si Penina ang ganitong mga pagkakataon para ipamukha kay Hana ang pagiging baog nito, anupat walang magawa ang kawawang si Hana kundi umiyak. Nawalan pa nga siya ng ganang kumain. Napansin ni Elkana na malungkot ang kaniyang mahal na asawa kaya inaliw niya ito: “Hana, bakit ka tumatangis, at bakit hindi ka kumakain, at bakit nalulumbay ang iyong puso? Hindi ba mas mabuti ako sa iyo kaysa sa sampung anak?”—1 Sam. 1:4-8.

7 Alam ni Elkana na nalulungkot ang kaniyang asawa dahil sa pagiging baog nito. Kaya tiniyak niya kay Hana na mahal niya ito, at siguradong pinahalagahan iyon ni Hana. * Pero walang binanggit si Elkana tungkol sa pang-iinis ni Penina; ni ipinakikita man ng ulat sa Bibliya na nagsumbong sa kaniya si Hana. Marahil naisip ni Hana na kung gagawin niya iyon, lalo pang lalala ang sitwasyon. Talaga kayang may gagawin si Elkana kung magsusumbong siya? Hindi kaya lalo lang mainis sa kaniya si Penina at baka pagtulungan pa siya ng mga anak at lingkod ng mapang-aping babaing ito? Mas magmumukha lang kawawa si Hana sa sarili niyang sambahayan.

Sa harap ng di-magandang pakikitungo ng kapamilya, bumaling si Hana kay Jehova para sa kaaliwan

8. Kapag inaapi ka o dumaranas ng kawalang-katarungan, bakit nakaaaliw alalahanin na si Jehova ay Diyos ng katarungan?

8 Alam man ni Elkana o hindi ang ginagawa ni Penina, nakikita itong lahat ng Diyos na Jehova. Pinatutunayan ito ng kaniyang Salita, sa gayo’y nagsisilbi itong babala sa sinumang naninibugho o napopoot. Pero ang walang-sala at mapagpayapa, gaya ni Hana, ay matutuwang malaman na itinutuwid ng Diyos ang lahat ng bagay sa kaniyang takdang panahon at paraan. (Basahin ang Deuteronomio 32:4.) Marahil ay alam din ito ni Hana kaya kay Jehova siya humingi ng tulong.

“Hindi Na Nabahala”

9. Ano ang matututuhan natin sa pagsama ni Hana sa paglalakbay patungong Shilo kahit alam niya ang gagawin ng kaniyang karibal?

9 Maaga pa ay abalang-abala na ang pamilya. Pati ang mga bata ay naghahanda para sa paglalakbay. Para makarating sa Shilo, kailangang lakbayin ng pamilya ang mahigit 30 kilometro ng maburol na lupain ng Efraim. * Kung maglalakad sila, tatagal ito nang isa o dalawang araw. Alam ni Hana ang gagawin ng kaniyang karibal. Pero hindi pa rin siya nagpaiwan sa bahay. Kaya isa siyang huwaran para sa mga mananamba ng Diyos hanggang sa ngayon. Hindi isang katalinuhan na hayaang makahadlang sa ating pagsamba ang maling paggawi ng iba. Kung gagawin natin iyon, hindi natin matatanggap ang mga pagpapalang tutulong sa atin na makapagbata.

10, 11. (a) Bakit nagpunta agad si Hana sa tabernakulo? (b) Paano ibinuhos ni Hana sa kaniyang Ama sa langit ang laman ng kaniyang puso?

10 Matapos ang maghapong paglalakad sa bundok, malapit na sa Shilo ang pamilya. Iyon ay nasa isang burol na napaliligiran ng mas matataas na burol. Habang papalapit sila, malamang na pinag-iisipang mabuti ni Hana kung ano ang sasabihin niya kay Jehova sa panalangin. Pagdating doon, nagsalu-salo ang pamilya. Agad na humiwalay si Hana sa grupo pagkatapos kumain at nagpunta sa tabernakulo ni Jehova. Naroon ang mataas na saserdoteng si Eli, na nakaupo malapit sa poste ng pinto. Pero nakatuon ang pansin ni Hana sa pananalangin. Alam niya na sa tabernakulo, tiyak na diringgin siya. Kung walang sinumang lubos na makauunawa sa kaniyang problema, mauunawaan siya ng kaniyang Ama sa langit. Parang sasabog ang dibdib ni Hana sa samâ ng loob kaya tumangis siya.

11 Nanginginig ang kaniyang katawan sa paghikbi. Tahimik siyang nananalangin na mga labi lamang ang gumagalaw, anupat idinudulog kay Jehova ang kirot na kaniyang nadarama. Matagal siyang nanalangin, na ibinubuhos sa kaniyang Ama ang lahat ng laman ng kaniyang puso. Pero hindi lang niya hiniling sa Diyos na bigyan siya ng anak. Hindi lamang siya interesadong tumanggap ng mga pagpapala mula sa Diyos kundi gusto rin niyang ibigay ang maibibigay niya. Kaya nanata siya na kung pagkakalooban siya ng isang anak na lalaki, iaalay niya ito sa paglilingkod kay Jehova.​—1 Sam. 1:9-11.

12. Gaya ng ipinakikita ng halimbawa ni Hana, ano ang dapat nating tandaan tungkol sa pananalangin?

12 Si Hana ay isang huwaran sa pananalangin para sa lahat ng lingkod ng Diyos. Magiliw na inaanyayahan ni Jehova ang kaniyang bayan na huwag mag-atubiling sabihin sa kaniya ang lahat ng kanilang ikinababahala, gaya ng ginagawa ng isang anak sa kaniyang maibiging magulang. (Basahin ang Awit 62:8; 1 Tesalonica 5:17.) Kinasihan si apostol Pedro na isulat ang nakaaaliw na mga salitang ito tungkol sa pananalangin kay Jehova: “[Ihagis] ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.”​—1 Ped. 5:7.

13, 14. (a) Ano ang inisip agad ni Eli tungkol kay Hana? (b) Paano naging huwaran sa pananampalataya si Hana sa kaniyang pagtugon kay Eli?

13 Gayunman, ang mga tao ay hindi maunawain at madamayin na gaya ni Jehova. Habang umiiyak at nananalangin si Hana, nagulat siya nang magsalita ang mataas na saserdoteng si Eli na nagmamasid pala sa kaniya. Sinabi nito: “Hanggang kailan ka magiging lasing? Alisin mo ang iyong alak mula sa iyo.” Napansin ni Eli ang paggalaw ng mga labi ni Hana, ang kaniyang paghikbi, at malungkot na mukha. Imbes na magtanong kung ano ang problema, inisip niya agad na lasing si Hana.​—1 Sam. 1:12-14.

14 Sa panahon ng pagdadalamhati ni Hana, talagang napakasakit na maakusahan ng isang bagay na hindi totoo​—at mula pa sa mataas na saserdote! Magkagayunman, muli siyang naging huwaran sa pananampalataya. Hindi niya hinayaang makahadlang sa kaniyang pagsamba kay Jehova ang di-kasakdalan ng tao. Magalang siyang nagpaliwanag kay Eli. Napag-isip-isip ni Eli na nagkamali siya kaya sinabi niya, marahil sa malumanay na tinig: “Yumaon kang payapa, at ipagkaloob nawa ng Diyos ng Israel ang iyong pakiusap na hiniling mo sa kaniya.”​—1 Sam. 1:15-17.

15, 16. (a) Ano ang naging epekto kay Hana ng pagsasabi kay Jehova ng nilalaman ng kaniyang puso at ng pagsamba sa Diyos sa tabernakulo? (b) Paano natin matutularan si Hana kapag pinaglalabanan natin ang negatibong mga damdamin?

15 Ano ang naging epekto kay Hana ng pagsasabi kay Jehova ng nilalaman ng kaniyang puso at ng pagsamba sa Diyos sa tabernakulo? Sinasabi ng ulat: “Ang babae ay yumaon sa kaniyang lakad at kumain, at ang kaniyang mukha ay hindi na nabahala.” (1 Sam. 1:18) Ganito ang salin sa Biblia ng Sambayanang Pilipino: “Wala nang nabakas na lungkot sa kanyang mukha.” Parang nabunutan ng tinik si Hana nang ipapasan niya ang kaniyang mabigat na dalahin sa isa na mas malakas sa kaniya, ang kaniyang Ama sa langit. (Basahin ang Awit 55:22.) May problema bang napakabigat para sa Diyos? Wala​—wala noon, wala ngayon, wala kailanman!

16 Kapag nabibigatan tayo o labis na nalulungkot, makabubuting tularan si Hana at sabihin ang ating niloloob sa Isa na tinatawag ng Bibliya na “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Kung gagawin natin iyon nang may pananampalataya, ang ating kalungkutan ay mapapalitan ng “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.”​—Fil. 4:6, 7.

“Walang Bato na Gaya ng Aming Diyos”

17, 18. (a) Paano sinuportahan ni Elkana ang panata ni Hana? (b) Ano ang hindi na kayang gawin ni Penina kay Hana?

17 Kinaumagahan, bumalik si Hana sa tabernakulo kasama si Elkana. Malamang na ipinaalam niya rito ang kaniyang kahilingan at panata, yamang nakasaad sa Kautusang Mosaiko na ang asawang lalaki ay may karapatang pawalang-bisa ang panatang ginawa ng kaniyang asawa nang wala siyang pahintulot. (Bil. 30:10-15) Pero hindi iyon ginawa ng tapat na si Elkana. Sa halip, magkasama sila ni Hana na sumamba kay Jehova sa tabernakulo bago umuwi.

18 Kailan napag-isip-isip ni Penina na hindi na niya kayang yamutin si Hana? Hindi sinasabi ng Bibliya, pero ipinahihiwatig ng mga pananalitang “hindi na nabahala” na naging masaya na si Hana mula noon. Nakita ni Penina na wala nang epekto ang pang-iinis niya. Hindi na muling binanggit ng Bibliya ang kaniyang pangalan.

19. Anong pagpapala ang tinanggap ni Hana, at paano niya ipinakita na pinahalagahan niya kung saan ito nagmula?

19 Paglipas ng ilang buwan, nagdalang-tao si Hana! Walang pagsidlan ang kaligayahan niya. Pero hinding-hindi niya nakalimutan kung saan nagmula ang pagpapalang ito. Nang isilang ang bata, pinili niya ang pangalang Samuel, na nangangahulugang “Pangalan ng Diyos” at malamang na tumutukoy sa pagtawag sa pangalan ng Diyos, gaya ng ginawa ni Hana. Nang taóng iyon, hindi siya sumama kay Elkana at sa pamilya sa pagpunta sa Shilo. Nanatili siya sa bahay na kasama ng bata sa loob ng tatlong taon hanggang sa maawat ito. Pagkatapos, nag-ipon siya ng lakas ng loob para sa araw na kailangan nang mawalay sa kaniya ang minamahal niyang anak.

20. Paano tinupad nina Hana at Elkana ang pangako nila kay Jehova?

20 Hindi naging madali ang paghihiwalay na iyon. Siyempre pa, alam ni Hana na aalagaang mabuti si Samuel sa Shilo, marahil ng ilang babae na naglilingkod sa tabernakulo. Pero napakabata pa nito, at sinong ina ang gustong mawalay sa kaniyang anak? Gayunpaman, maluwag sa loob at may-pasasalamat na isinama nina Hana at Elkana ang bata. Naghain sila sa bahay ng Diyos, dinala si Samuel kay Eli, at ipinaalaala rito ang panata roon ni Hana ilang taon na ang nakalilipas.

Talagang isang pagpapala si Hana sa kaniyang anak na si Samuel

21. Paano ipinakikita ng panalangin ni Hana kay Jehova ang lalim ng kaniyang pananampalataya? (Tingnan din ang kahong “ Dalawang Kahanga-hangang Panalangin.”)

21 Pagkatapos ay nanalangin si Hana, isang panalanging itinuring ng Diyos na karapat-dapat mapasama sa kaniyang kinasihang Salita. Habang binabasa mo ito sa 1 Samuel 2:1-10, madarama mo ang lalim ng kaniyang pananampalataya. Pinuri ni Hana si Jehova dahil sa Kaniyang kamangha-manghang paggamit ng kapangyarihan​—ang kaniyang walang-kapantay na kakayahang ibaba ang mapagmataas, pagpalain ang naaapi, at puksain o iligtas ang buhay ng isa. Pinuri niya ang kaniyang Ama dahil sa Kaniyang katarungan, katapatan, at walang-katulad na kabanalan. Kaya naman masasabi ni Hana: “Walang bato na gaya ng aming Diyos.” Si Jehova ay talagang maaasahan at hindi nagbabago, isang kanlungan ng lahat ng naaapi na humihingi ng tulong sa kaniya.

22, 23. (a) Bakit tayo makatitiyak na alam ni Samuel na mahal siya ng kaniyang mga magulang? (b) Paano pa pinagpala ni Jehova si Hana?

22 Talagang pinagpala ang batang si Samuel sa pagkakaroon ng isang ina na lubos na nananampalataya kay Jehova. Bagaman tiyak na hinahanap-hanap ni Samuel ang kaniyang ina habang lumalaki siya, hinding-hindi niya nadamang nakalimutan na siya. Taun-taon, dumadalaw si Hana sa Shilo dala ang isang damit na walang manggas para sa paglilingkod ni Samuel sa tabernakulo. Bawat damit na tinahi niya ay patunay ng kaniyang pag-ibig at pagmamalasakit sa kaniyang anak. (Basahin ang 1 Samuel 2:19.) Maguguniguni natin si Hana na isinusuot sa bata ang bagong damit, inaayos ito, at magiliw siyang pinagmamasdan at kinakausap. Pinagpala si Samuel na magkaroon ng gayong ina, at siya rin naman ay naging pagpapala sa kaniyang mga magulang at sa buong Israel.

23 Kung tungkol kay Hana, hindi rin siya nakalimutan. Pinagpala siya ni Jehova na magkaroon ng lima pang anak kay Elkana. (1 Sam. 2:21) Pero ang pinakamalaking pagpapala ni Hana ay ang kaniyang kaugnayan sa kaniyang Ama, si Jehova, na lalo pang tumibay sa paglipas ng mga taon. Sana’y maranasan mo rin iyan habang tinutularan mo ang pananampalataya ni Hana.

^ par. 7 Bagaman sinasabi ng ulat sa Bibliya na ‘sinarhan ni Jehova ang bahay-bata ni Hana,’ hindi ibig sabihin nito na di-nalulugod ang Diyos sa mapagpakumbaba at tapat na babaing ito. (1 Sam. 1:5) Kung minsan, sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ang nagpangyari ng isang bagay kahit pinahintulutan lang niya ito sa loob ng ilang panahon.

^ par. 9 Ang distansiya ay batay sa posibilidad na ang bayan ni Elkana, ang Rama, ang siya ring lugar na tinatawag na Arimatea noong panahon ni Jesus.