Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ANG PANGMALAS NG BIBLIYA

Kahirapan

Kahirapan

Sa kabila ng taimtim na mga pagsisikap na solusyunan ang kahirapan, milyon-milyon pa rin sa buong mundo ang naghihirap.

Puwede bang maging maligaya ang mahihirap?

ANG SINASABI NG MGA TAO

Marami ang naniniwala na ang kaligayahan ay makakamit lang sa pamamagitan ng kayamanan, at na ang tunay na tagumpay ay nakadepende sa dami ng pera ng isa. Ang mahihirap—na salat sa edukasyon, mahusay na pangangalagang pangkalusugan, at iba pang benepisyo—ay hindi maaaring magkaroon ng maligaya at kasiya-siyang buhay.

ANG SABI NG BIBLIYA

Itinuturo ng Bibliya na ang tunay na kaligayahan ay nakadepende, hindi sa pinansiyal na kalagayan ng isa, kundi sa kaugnayan niya sa Maylikha. Sinasabi ng Bibliya: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Anuman ang kanilang kalagayan sa pinansiyal, inaalam ng mga taong ito ang pananaw ng Diyos sa mga bagay-bagay, kung kaya nagkakaroon sila ng tunay na pag-asa at kapanatagan. Iyan ang nakapagbibigay ng tunay na kaligayahan.

Mas kayang harapin ng mga nakauunawa at sumusunod sa payo ng Bibliya ang kahirapan. Halimbawa, ang pagsunod sa payo ng Bibliya ay tutulong sa isa na umiwas sa mga bisyo, gaya ng paninigarilyo at pag-abuso sa alak. Ang mga bisyong ito ay umuubos ng pera at maaaring mauwi sa mga sakit na nangangailangan ng magastos na gamutan.—Kawikaan 20:1; 2 Corinto 7:1.

Nagbababala rin ang Bibliya laban sa masasamang epekto ng kasakiman at materyalismo. (Marcos 4:19; Efeso 5:3) Tutulong ito sa isa na iwasang lustayin ang kaniyang pera sa sugal o magkaroon ng “pag-ibig sa salapi,” na ayon sa Bibliya ay “ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay.” (1 Timoteo 6:10) Sinasabi ng Kasulatan: “Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” (Lucas 12:15) Kaya gaano man kalaki ang pera ng isa, hindi niya mabibili ang kaniyang buhay. Pero ang pagsunod sa payo ng Bibliya ay tutulong sa isa na magkaroon ng makabuluhan at maligayang buhay.

Bagaman ang mahihirap ay kailangang kumayod para magkaroon ng pagkain, damit, at tirahan, puwede silang maging maligaya kung magiging kontento sila, gagamitin ang kanilang buhay para sa Maylikha, at mamumuhay ayon sa kaniyang kalooban. Alam nilang totoo ang pangako ng Bibliya na “ang pagpapala ni Jehova [ay] nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.”—Kawikaan 10:22.

SUSING TEKSTO: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”Mateo 5:3.

Magwawakas pa ba ang kahirapan?

ANG SABI NG BIBLIYA

Bagaman hindi masolusyunan ng tao ang kahirapan, sa takdang panahon, wawakasan ng Diyos ang ugat ng problema—ang kasakiman ng mga tao at gobyerno na interesado lang sa kanilang sariling kapakanan. (Eclesiastes 8:9) Aalisin ng ating Maylikha ang makasariling mga gobyerno ng tao. Ang kaniyang Kaharian, o makalangit na gobyerno, ay saganang maglalaan sa lahat ng tao nang walang diskriminasyon. Ipinapangako ng Bibliya na maibiging paglalaanan ng Hari ng Kaharian ng Diyos ang mahihirap. “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong . . . Maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya.”—Awit 72:12-14.

Ang lupa ay magiging isang tunay na paraiso—may pabahay at pagkain para sa lahat—na walang bahid ng kahirapan. Sa aklat ng Bibliya na Isaias, ipinapangako ng Diyos sa kaniyang bayan na “magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. . . . Ang gawa ng kanilang sariling mga kamay ay lubusang tatamasahin ng aking mga pinili.” (Isaias 65:21, 22) Sa halip na mamuhay nang isang kahig, isang tuka, ang lahat ay masisiyahan sa “isang piging ng mga putaheng malangis” at sa iba pang mabubuting bagay na ilalaan ni Jehova.—Isaias 25:6.

BAKIT DAPAT ITONG PAG-ISIPAN?

Ang pagsasaisip sa pangako ng Diyos tungkol sa mundong wala nang kahirapan ay tumitiyak sa mga dukha na nagmamalasakit ang Diyos sa kanila at malapit nang matapos ang kanilang paghihirap. Ang pagtanaw sa pag-asang iyan ay tutulong sa isa na makayanan ang mahihirap na kalagayan sa ngayon.

SUSING TEKSTO: “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong . . . Maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya.”Awit 72:12, 13.