Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

MAY NAGDISENYO BA NITO?

Mga Mikroorganismong Lumulusaw ng Langis

Mga Mikroorganismong Lumulusaw ng Langis

NOONG 2010, halos 800 milyong litro ng krudo ang tumagas sa Gulf of Mexico nang sumabog at lumubog ang isang drilling rig na naghuhukay ng langis. Pero ilang buwan lang pagkaraan nito, halos wala na ang kontaminasyon. Paano nangyari iyon?

Pag-isipan ito: Ipinakikita ng pananaliksik ng mga siyentipiko na may mga baktirya sa dagat na kayang lumusaw ng molekula ng karbon na nasa langis. Inilarawan ni Propesor Terry Hazen, isang environmental microbiologist, ang mga organismong ito bilang “oil-seeking missiles.” Ang mga organismong ito ay nagkaroon ng papel sa paglilinis sa Gulf of Mexico, na inilarawan sa simula ng artikulo.

“Hindi na kataka-takang may mga mikrobyong kumakain ng langis sa dagat,” ang sabi ng isang report ng BBC tungkol dito. Tutal, “ang mga natural na tagas mula sa sahig ng dagat ay [napakatagal nang panahong] naglalabas ng langis patungo sa katubigan ng mundo.”

Epektibo naman ang pagsisikap ng tao na linisin ang mga oil spill. Pero baka lalo lang makasamâ ang mga pagsisikap na ito. Ang kemikal na mga dispersant ay nakahahadlang sa natural na mga proseso ng paglusaw ng langis. Karagdagan pa, ang mga kemikal na iyon ay nakalalason at nakasasamâ sa kapaligiran. Pero ang kakayahan ng kalikasan na lumusaw ng langis, kasama na rito ang mga mikrobyong kumakain ng langis, ay tumutulong sa dagat na linisin ang sarili nito nang wala ang masasamang epekto ng artipisyal na pamamaraan. *

Ano sa palagay mo? Ang kakayahan ba ng mga mikroorganismo sa dagat na kumain ng langis ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?

^ par. 6 Masyado pang maaga para malaman ang pangmatagalang epektong idudulot ng aksidente sa Gulf of Mexico sa mga halaman at hayop sa dagat.