Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALIN 7

Ano ang Kaharian ng Diyos?

Ano ang Kaharian ng Diyos?

1. Ano ang Kaharian ng Diyos?

Bakit karapat-dapat maging Hari si Jesus?​—MARCOS 1:40-42.

Ang Kaharian ng Diyos ay isang gobyerno sa langit. Ito ang papalit sa lahat ng iba pang gobyerno at gagamitin ito ng Diyos para mangyari ang kalooban niya sa langit at sa lupa. Ang pagdating ng Kaharian ng Diyos ay isang magandang balita. Malapit nang ibigay ng Kaharian ng Diyos ang uri ng gobyerno na hinahangad ng tao. Pagkakaisahin nito ang lahat ng tao sa mundo.​—Basahin ang Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10; 24:14.

Siyempre, ang isang kaharian ay may hari. Inatasan ni Jehova ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, para maging Hari ng Kaniyang Kaharian.​—Basahin ang Apocalipsis 11:15.

Panoorin ang video na Ano ang Kaharian ng Diyos?

2. Bakit si Jesus ang karapat-dapat maging Hari?

Ang Anak ng Diyos ang karapat-dapat maging Hari dahil mabait siya at naninindigan sa kung ano ang tama. (Mateo 11:28-30) Makapangyarihan siya kaya matutulungan niya ang mga tao habang namamahala siya mula sa langit. Matapos buhaying muli, umakyat si Jesus sa langit at umupo sa kanan ni Jehova para maghintay. (Hebreo 10:12, 13) Nang maglaon, binigyan siya ng Diyos ng kapangyarihan para magsimula nang mamahala.​—Basahin ang Daniel 7:13, 14.

3. Sino ang mamamahalang kasama ni Jesus?

Isang grupo na tinatawag na “banal na bayan” ang mamamahala kasama ni Jesus sa langit. (Daniel 7:27) Ang mga unang pinili para mapabilang sa banal na bayang iyan ay ang tapat na mga apostol ni Jesus. Pumipili pa rin si Jehova hanggang ngayon ng tapat na mga lalaki at babae na mapapabilang sa kaniyang banal na bayan. Gaya ni Jesus, sila ay bubuhaying muli na may espiritung katawan.​—Basahin ang Juan 14:1-3; 1 Corinto 15:42-44.

Ilan ang pupunta sa langit? Tinawag sila ni Jesus na “munting kawan.” (Lucas 12:32) Ang bilang nila ay 144,000. Pamamahalaan nila ang lupa kasama ni Jesus.​—Basahin ang Apocalipsis 14:1.

4. Ano ang nangyari nang magsimulang mamahala si Jesus?

Nagsimulang mamahala noong 1914 ang Kaharian ng Diyos. * Ang unang ginawa ni Jesus bilang Hari ay ang ihagis sa lupa si Satanas at ang mga demonyo nito. Napakatindi ng galit ni Satanas at naghasik siya ng lagim sa buong lupa. (Apocalipsis 12:7-10, 12) Mula noon, tumindi nang tumindi ang problema ng tao. Ang digmaan, taggutom, epidemya, at mga lindol ay bahagi ng “tanda” na malapit nang mamahala sa buong lupa ang Kaharian.​—Basahin ang Lucas 21:7, 10, 11, 31.

5. Ano ang nagagawa ng Kaharian ng Diyos?

Sa pamamagitan ng pangangaral sa buong mundo, isang malaking pulutong mula sa lahat ng bansa ang pinagkakaisa ng Kaharian ng Diyos. Milyon-milyong maaamong tao ang nagiging sakop ni Jesus. Poprotektahan sila ng Kaharian ng Diyos kapag pinuksa nito ang masamang sistema ngayon sa lupa. Kaya lahat ng gustong makinabang sa mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos ay dapat matutong maging masunurin kay Jesus.​—Basahin ang Apocalipsis 7:9, 14, 16, 17.

Sa loob ng 1,000 taon, tutuparin ng Kaharian ang layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. Magiging paraiso ang buong mundo. Pagkatapos, ibabalik ni Jesus sa kaniyang Ama ang Kaharian. (1 Corinto 15:24-26) Ikaw, kanino mo gustong sabihin ang tungkol sa Kaharian ng Diyos?​—Basahin ang Awit 37:10, 11, 29.

 

^ par. 6 Para sa detalye kung paano inihula ng Bibliya ang taóng 1914, tingnan ang pahina 217-220 ng aklat na Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya