Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SEKSIYON 1

Umasa sa Diyos Para sa Masayang Pag-aasawa

Umasa sa Diyos Para sa Masayang Pag-aasawa

“Siya na lumalang sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae.”​—Mateo 19:4

Ang Diyos na Jehova a ang nagkasal sa unang mag-asawa. Sinasabi ng Bibliya na ginawa niya ang unang babae at ‘dinala ito sa lalaki.’ Sa sobrang saya, nasabi ni Adan: “Ito sa wakas ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman.” (Genesis 2:22, 23) Gusto pa rin ni Jehova na maging masaya ang mga mag-asawa.

Baka iniisip mo na kapag nag-asawa ka, lahat ay magiging maayos. Pero kahit ang mag-asawang totoong nagmamahalan ay magkakaproblema. (1 Corinto 7:28) Sa brosyur na ito, may mga simulain sa Bibliya na kapag sinunod ay makatutulong para maging masaya ang mag-asawa at ang pamilya.​—Awit 19:8-11.

1 GAMPANAN ANG PAPEL NA IBINIGAY SA IYO NI JEHOVA

ANG SABI NG BIBLIYA: Ang asawang lalaki ang ulo ng pamilya.​—Efeso 5:23.

Kung isa kang asawang lalaki, inaasahan ni Jehova na maibigin mong aalagaan ang iyong asawa. (1 Pedro 3:7) Ginawa siya ni Jehova bilang kapupunan mo, at gusto Niyang mahalin mo siya at igalang. (Genesis 2:18) Dapat na mahal na mahal mo ang iyong misis at handa mong unahin ang kaniyang kapakanan.​—Efeso 5:25-29.

Kung ikaw ay asawang babae, inaasahan ni Jehova na talagang irerespeto mo ang iyong asawa at tutulungan mo siyang gampanan ang kaniyang papel. (1 Corinto 11:3; Efeso 5:33) Suportahan ang mga desisyon niya at lubos na makipagtulungan sa kaniya. (Colosas 3:18) Kapag ginawa mo iyan, magiging maganda ka sa paningin ng mister mo at ni Jehova.​—1 Pedro 3:1-6.

ANG PUWEDE MONG GAWIN:

  • Tanungin ang iyong kabiyak kung paano ka magiging mas mabuting asawa. Makinig na mabuti, at sikaping magbago

  • Maging matiyaga. Kailangan ng panahon para matutuhan kung paano ninyo mapasasaya ang isa’t isa

2 ISIPIN ANG MADARAMA NG IYONG ASAWA

ANG SABI NG BIBLIYA: Isipin ang kapakanan ng iyong asawa. (Filipos 2:3, 4) Ipadama sa kaniya na mahalaga siya. Tandaan na hinihiling ni Jehova sa kaniyang mga lingkod na “maging banayad sa lahat.” (2 Timoteo 2:24) Ang mga salitang “di-pinag-iisipan [ay] gaya ng mga saksak ng tabak, ngunit ang dila ng marurunong ay kagalingan.” Kaya maging maingat sa pagsasalita. (Kawikaan 12:18) Tutulungan ka ng banal na espiritu ni Jehova na magsalita nang may kabaitan at pagmamahal.​—Galacia 5:22, 23; Colosas 4:6.

ANG PUWEDE MONG GAWIN:

  • Bago ipakipag-usap sa iyong asawa ang isang seryosong bagay, manalangin para matulungan kang maging mahinahon at bukás ang isip

  • Pag-isipang mabuti kung ano ang iyong sasabihin at kung paano ito sasabihin

3 LAGING MAGTULUNGAN

ANG SABI NG BIBLIYA: Nang magpakasal ka, kayong mag-asawa ay naging “isang laman.” (Mateo 19:5) Pero dalawa pa rin kayong indibiduwal na may magkaibang opinyon. Kaya kailangan ninyong matutuhang magkaisa sa isip at damdamin. (Filipos 2:2) Mahalaga na nagkakaisa kayo kapag nagdedesisyon. Kailangan dito ang pag-uusap. Magpagabay sa mga simulain ng Bibliya kapag gumagawa ng mahahalagang desisyon.​—Kawikaan 8:32, 33.

ANG PUWEDE MONG GAWIN:

  • Sabihin sa iyong asawa ang niloloob mo, hindi lang basta ang mga impormasyon o opinyon mo

  • Makipag-usap muna sa iyong asawa bago gumawa ng commitment

a Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.