Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SEKSIYON 7

Kung Paano Tuturuan ang Iyong Anak

Kung Paano Tuturuan ang Iyong Anak

“Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay mapapasaiyong puso; at ikikintal mo iyon sa iyong anak.”​—Deuteronomio 6:6, 7

Nang pasimulan ni Jehova ang kaayusan sa pagpapamilya, sa mga magulang niya ibinigay ang pananagutan sa mga anak. (Colosas 3:20) Responsibilidad mo bilang magulang na sanayin ang iyong anak na ibigin si Jehova at maging responsableng adulto. (2 Timoteo 1:5; 3:15) Kailangan mo ring alamin kung ano ang nasa puso ng iyong anak. Siyempre, napakahalaga rin ng halimbawa mo. Maituturo mo lang ang Salita ni Jehova sa iyong anak kung nasa puso mo na ito.​—Awit 40:8.

1 GAWING PALAGAY ANG LOOB NIYA SA IYO

ANG SABI NG BIBLIYA: “Maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.” (Santiago 1:19) Gusto mong madama ng iyong anak na malaya ka niyang makakausap. Dapat alam niyang handa kang makinig. Kunin ang loob niya at maging relaks para masabi niya ang gusto niyang sabihin. (Santiago 3:18) Kung masungit ka at mapanghusga, baka hindi siya mag-open sa iyo. Maging matiyaga, at laging ipadama sa kaniya na mahal mo siya.​—Mateo 3:17; 1 Corinto 8:1.

ANG PUWEDE MONG GAWIN:

  • Tiyaking nandiyan ka kapag kailangan ng anak mo ng kausap

  • Laging makipag-usap sa iyong anak, hindi lang kapag may problema siya

2 UNAWAIN ANG TALAGANG IBIG NIYANG SABIHIN

ANG SABI NG BIBLIYA: “Siya na nagpapakita ng kaunawaan sa isang bagay ay makasusumpong ng mabuti.” (Kawikaan 16:20) Kung minsan, hindi sapat na makinig lang. Kailangan mong unawain ang sinasabi niya para malaman ang talagang nadarama niya. Karaniwan nang pinalalabis ng mga kabataan ang sinasabi nila o nakapagsasalita sila ng mga bagay na hindi naman talaga iyon ang gusto nilang sabihin. “Kapag ang isa ay sumasagot sa isang bagay bago niya marinig iyon, kamangmangan ito sa kaniya.” (Kawikaan 18:13) Huwag agad magalit.​—Kawikaan 19:11.

ANG PUWEDE MONG GAWIN:

  • Maging determinadong huwag sumabad o labis na mag-react sa sasabihin ng iyong anak

  • Isipin kung ano ang nadama mo noong nasa edad ka niya at kung ano ang mahalaga para sa iyo noon

3 IPAKITANG NAGKAKAISA KAYO

ANG SABI NG BIBLIYA: “Makinig ka, anak ko, sa disiplina ng iyong ama, at huwag mong iiwan ang kautusan ng iyong ina.” (Kawikaan 1:8) Parehong binigyan ni Jehova ang ama’t ina ng awtoridad sa mga anak. Dapat ninyo silang turuan na igalang kayo at sundin. (Efeso 6:1-3) Mahahalata ng mga anak kung ang mga magulang nila ay hindi ‘lubos na nagkakaisa.’ (1 Corinto 1:10) Kung sakaling hindi kayo magkaisa, huwag itong ipakita sa mga bata, kasi baka makaapekto ito sa respeto nila sa inyo bilang magulang.

ANG PUWEDE MONG GAWIN:

  • Mag-usap at magkaisa kung paano didisiplinahin ang mga anak ninyo

  • Unawain ang pananaw ng iyong asawa kapag magkaiba kayo ng opinyon sa pagsasanay sa inyong mga anak

4 PLANUHIN ANG PAGSASANAY SA ANAK

ANG SABI NG BIBLIYA: “Sanayin mo ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya.” (Kawikaan 22:6) Ang tagumpay sa pagsasanay sa mga anak ay hindi awtomatikong nangyayari. Kailangan mong planuhin ang pagtuturo sa mga bata, at kasama rito ang pagdidisiplina. (Awit 127:4; Kawikaan 13:1) Hindi lang ito basta pagpaparusa. Kailangan mong ipaunawa sa kanila kung bakit sila dinidisiplina. (Kawikaan 28:7) Turuan din silang magpahalaga sa Salita ni Jehova at maunawaan ang mga simulain nito. (Awit 1:2) Tutulong ito sa kanila na magkaroon ng mabuting budhi.​—Hebreo 5:14.

ANG PUWEDE MONG GAWIN:

  • Tiyakin na maging totoong-totoo sa kanila si Jehova, ang Isa na mapagkakatiwalaan nila

  • Tulungan silang malaman at maiwasan ang anumang magpapahamak sa kanila, gaya ng mga nasa Internet at social network. Turuan sila kung paano iiwas sa mga nananamantala at nang-aabuso ng bata

“Sanayin mo ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya”