Pumunta sa nilalaman

Mapapatawad Kaya Ako ng Diyos?

Mapapatawad Kaya Ako ng Diyos?

Ang sagot ng Bibliya

 Oo, patatawarin ng Diyos ang mga kasalanan mo kung gagawin mo ang tamang mga hakbang. Sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ay “handang magpatawad” at “magpapatawad siya nang sagana.” (Nehemias 9:17; Awit 86:5; Isaias 55:7) Kapag nagpatawad siya, ginagawa niya ito nang lubusan. ‘Pinapawi,’ o binubura, niya ang mga kasalanan natin. (Gawa 3:19) Hindi rin nanunumbat ang Diyos kapag nagpatawad na siya, dahil sinabi niya: “Ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa.” (Jeremias 31:34) Kapag nagpatawad siya, hindi na niya uungkatin pa ang mga kasalanan natin para akusahan tayo o parusahan nang paulit-ulit.

 Gayunman, nagpapatawad ang Diyos hindi dahil sa mahina siya o sentimental. Hindi niya binabago ang matuwid na mga pamantayan niya. Kaya naman may ilang kasalanan na hindi niya pinapatawad.—Josue 24:19, 20.

Mga dapat gawin para patawarin ng Diyos

  1. Kilalanin mo na ang kasalanan mo ay paglabag sa mga pamantayan ng Diyos. Baka nasaktan ang iba dahil sa ginawa mo, pero dapat mo munang kilalanin na nagkasala ka sa Diyos.—Awit 51:1, 4; Gawa 24:16.

  2. Aminin mo sa Diyos ang kasalanan mo sa pamamagitan ng panalangin.​—Awit 32:5; 1 Juan 1:9.

  3. Malungkot ka dahil sa mga kasalanan mo. Ang “kalungkutan sa makadiyos na paraan” ay umaakay sa pagsisisi, o pagbabago ng saloobin. (2 Corinto 7:10) Kasama rito ang pagkadama ng kalungkutan sa mga hakbang na umakay sa kasalanan.—Mateo 5:27, 28.

  4. Baguhin mo ang iyong paggawi, ibig sabihin, “manumbalik” ka. (Gawa 3:19) Maaari itong mangahulugang hindi mo na uulitin ang isang maling ginawa o paggawi mo, o baka kailangan mong lubusang baguhin ang kaisipan mo at paggawi.—Efeso 4:23, 24.

  5. Kumilos para itama ang mali o ayusin ang pinsala. (Mateo 5:23, 24; 2 Corinto 7:11) Humingi ng tawad sa mga nasaktan dahil sa nagawa o hindi mo nagawa, at magbayad ka dahil sa pinsalang nagawa mo, hangga’t maaari.—Lucas 19:7-10.

  6. Sa panalangin, humingi ng tawad sa Diyos salig sa pantubos ni Jesus. (Efeso 1:7) Para sagutin ang panalangin mo, dapat mong patawarin ang mga nagkasala sa iyo.—Mateo 6:14, 15.

  7. Kung malubha ang kasalanan mo, makipag-usap sa isa na kuwalipikadong magbigay ng espirituwal na tulong na kailangan mo at puwedeng manalangin para sa iyo.—Santiago 5:14-16.

Mga maling akala tungkol sa pagpapatawad ng Diyos

 “Napakalaki ng kasalanan ko kaya hindi na ako mapapatawad.”

Pinatawad ng Diyos ang kasalanan ni David na pangangalunya at pagpatay

 Hangga’t sinusunod natin ang mga hakbang na sinasabi ng Diyos sa Bibliya, patatawarin tayo, dahil ang kaniyang kakayahang magpatawad ay nakahihigit sa mga kasalanan natin. Mapapatawad niya ang malulubhang kasalanan natin, pati ang mga pagkakamaling paulit-ulit nating nagagawa.—Isaias 1:18.

 Halimbawa, si Haring David ng Israel ay pinatawad sa kaniyang pangangalunya at pagpatay. (2 Samuel 12:7-13) Ang apostol na si Pablo, na nakadamang siya ang pinakamakasalanan sa buong mundo, ay pinatawad din. (1 Timoteo 1:15, 16) Kahit ang mga Judio noong unang siglo na itinuring ng Diyos na may pananagutan sa kamatayan ni Jesus, ang Mesiyas, ay pinatawad din kung nagbago sila.—Gawa 3:15, 19.

 “Kung mangungumpisal ako sa isang pari o pastor, absuwelto na ako.”

 Walang sinumang tao ang binigyan ng awtoridad na patawarin ang kaniyang kapuwa tao sa mga kasalanang nagawa sa Diyos. Kahit nakakagaan ng loob sa nagkasala ang pagtatapat ng kasalanan niya, ang Diyos lang ang makapagpapatawad ng kasalanan.—Efeso 4:32; 1 Juan 1:7, 9.

 Kung gayon, ano ang kahulugan ng sinabi ni Jesus sa mga apostol: “Kung patatawarin ninyo ang mga kasalanan ng sinumang mga tao, ang mga iyon ay napatawad na sa kanila; kung pananatilihin ninyo yaong sa sinumang mga tao, ang mga iyon ay nananatili pa”? (Juan 20:23) Sinasabi niya na bibigyan niya ng natatanging awtoridad ang mga apostol kapag natanggap na nila ang banal na espiritu.—Juan 20:22.

 Gaya ng ipinangako, natanggap ng mga apostol ang regalong ito nang ibuhos ang banal na espiritu noong 33 C.E. (Gawa 2:1-4) Ginamit ni apostol Pedro ang awtoridad na ito nang hatulan niya ang mga alagad na sina Ananias at Sapira. Makahimalang nalaman ni Pedro ang tungkol sa pakana nila, at ipinakita ng hatol niya na hindi mapapatawad ang kasalanan nila.—Gawa 5:1-11.

 Ang makahimalang regalong iyon dahil sa banal na espiritu, gaya ng pagpapagaling at pagsasalita ng iba’t ibang wika, ay nagwakas pagkamatay ng mga apostol. (1 Corinto 13:8-10) Kaya walang sinumang tao ngayon ang makapagpapatawad ng kasalanan ng iba.