Pumunta sa nilalaman

Ano ang Banal na Espiritu?

Ano ang Banal na Espiritu?

Ang sagot ng Bibliya

 Ang banal na espiritu ang aktibong kapangyarihan ng Diyos, ang kaniyang aktibong puwersa. (Mikas 3:8; Lucas 1:35) Ito ang puwersang isinusugo o ginagamit ng Diyos para isakatuparan ang kaniyang kalooban.​—Awit 104:30; 139:7.

 Sa Bibliya, ang salita na isinaling “espiritu” ay mula sa salitang Hebreo na ruʹach at salitang Griego na pneuʹma. Kadalasan nang tumutukoy ang mga ito sa aktibong puwersa ng Diyos, o banal na espiritu. (Genesis 1:2) Gayunman, ginagamit din ang mga terminong ito para tumukoy sa:

 May pagkakatulad ang mga ito​—lahat ay di-nakikita ng tao pero nakikita ang mga epekto. Ganiyan din ang espiritu ng Diyos, “na gaya ng hangin ay hindi nakikita, di-pisikal, at may puwersa.”​—An Expository Dictionary of New Testament Words, ni W. E. Vine.

 Tinutukoy rin sa Bibliya ang banal na espiritu ng Diyos bilang kaniyang “mga kamay” o “mga daliri.” (Awit 8:3; 19:1; Lucas 11:20; ihambing ang Mateo 12:28.) Kung paanong ginagamit ng isang bihasang manggagawa ang kaniyang mga kamay at daliri sa pagtatrabaho, ginagamit ng Diyos ang kaniyang espiritu para gawin o pangyarihin ang sumusunod:

Ang banal na espiritu ay hindi isang persona

 Sa pagtukoy sa espiritu ng Diyos bilang kaniyang “mga kamay,” “mga daliri,” o “hininga,” ipinakikita ng Bibliya na ang banal na espiritu ay hindi isang persona. (Exodo 15:8, 10) Kung paanong pinakikilos ng isip at katawan ang mga kamay ng isang dalubhasang manggagawa; kikilos lang ang banal na espiritu kung gagamitin ito ng Diyos. (Lucas 11:13) Sa Bibliya, ikinukumpara din ang espiritu ng Diyos sa tubig at iniuugnay ito sa pananampalataya at kaalaman. Ang mga pagkukumparang ito ay nagpapakitang hindi isang persona ang banal na espiritu.​—Isaias 44:3; Gawa 6:5; 2 Corinto 6:6.

 Sa Bibliya, may pangalan ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo; pero walang pangalan ang banal na espiritu. (Isaias 42:8; Lucas 1:31) Nang makahimalang bigyan ng pangitain tungkol sa langit ang Kristiyanong martir na si Esteban, dalawang persona lang ang nakita niya, hindi tatlo. Sinasabi ng Bibliya: “Siya, puspos ng banal na espiritu, ay tumitig sa langit at nakita ang kaluwalhatian ng Diyos at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos.” (Gawa 7:55) Ang banal na espiritu ay aktibong kapangyarihan ng Diyos, kaya nakita ni Esteban ang pangitain.

Mga maling akala tungkol sa banal na espiritu

 Maling akala: Ang “Espiritu Santo,” o banal na espiritu, ay isang persona at bahagi ito ng Trinidad, gaya ng sinasabi sa 1 Juan 5:7, 8 sa salin ng Bibliya na King James.

 Ang totoo: Sa salin ng Bibliya na King James, ginamit sa 1 Juan 5:7, 8 ang mga salitang “sa langit, ang Ama, ang Salita, at ang Espiritu Santo: at ang tatlong ito ay iisa. At may tatlong nagpapatotoo sa lupa.” Gayunman, nalaman ng mga mananaliksik na ang mga salitang ito ay hindi isinulat ni apostol Juan at hindi kasama sa Bibliya. Isinulat ni Propesor Bruce M. Metzger: “Tiyak na ang mga salitang ito ay huwad at hindi dapat isama sa Bagong Tipan.”​—A Textual Commentary on the Greek New Testament.

 Maling akala: Sa Bibliya, tinutukoy ang banal na espiritu na parang persona, kaya pinatutunayan nito na isa nga itong persona.

 Ang totoo: Kung minsan, inilalarawan ng Bibliya na parang persona ang banal na espiritu, pero hindi ibig sabihin na persona nga ito. Dahil kahit ang karunungan, kamatayan, at kasalanan ay tinutukoy rin na parang persona. (Kawikaan 1:20; Roma 5:17, 21) Halimbawa, ang karunungan ay sinasabing may “mga gawa” at “mga anak,” at ang kasalanan ay inilalarawan na gumaganyak, pumapatay, at nagdudulot ng kaimbutan.​—Mateo 11:19; Lucas 7:35; Roma 7:8, 11.

 Gayundin, nang sipiin ni apostol Juan ang mga salita ni Jesus, inilarawan niya ang banal na espiritu bilang “katulong” (paraclete) na magbibigay-katibayan, aakay, magsasalita, makaririnig, maghahayag, luluwalhati, at tatanggap. Gumamit siya ng mga panlalaking panghalip panao sa wikang Griego para tumukoy sa “katulong” na iyon. (Juan 16:7-15) Ginamit niya ang gayong mga panghalip dahil ang salitang Griego para sa “katulong” (pa·raʹkle·tos) ay panlalaking pangngalan at nangangailangan ng panlalaking panghalip bilang pagsunod sa gramar ng Griego. Pero nang tukuyin ni Juan ang banal na espiritu gamit ang walang-kasariang pangngalan na pneuʹma, gumamit siya ng walang-kasariang panghalip na “iyon.”​—Juan 14:16, 17.

 Maling akala: Ang bautismo sa pangalan ng banal na espiritu ay patunay na persona nga ito.

 Ang totoo: Kung minsan, ginagamit ng Bibliya ang salitang “pangalan” para tumukoy sa kapangyarihan o awtoridad. (Deuteronomio 18:5, 19-22; Esther 8:10) Gaya ito ng ekspresyon na “sa ngalan ng batas.” Pero hindi ibig sabihin na persona ang batas. Kaya ang isang tao na nabautismuhan “sa pangalan ng” banal na espiritu ay kumikilala sa kapangyarihan at papel ng banal na espiritu sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos.​—Mateo 28:19.

 Maling akala: Ang mga apostol ni Jesus at ang iba pang unang mga alagad ay naniniwalang isang persona ang banal na espiritu.

 Ang totoo: Hindi iyan sinasabi ng Bibliya, ni ng kasaysayan. Ayon sa Encyclopædia Britannica: “Ang pakahulugan na ang Banal na Espiritu ay isang bukod na banal na Persona . . . ay galing sa Konseho ng Constantinople noong ad 381.” Ito’y mahigit 250 taon mula nang mamatay ang huli sa mga apostol.