Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mahalaga Pa Ba Kung Ano ang Totoo?

Mahalaga Pa Ba Kung Ano ang Totoo?

 Napansin mo ba na parang ang hirap nang malaman kung ano ang totoo at hindi? Mas nagpapadala ang mga tao sa emosyon nila o sa mga bagay na sa tingin nila ay tama kaysa alamin pa kung ano talaga ang totoo. Napakarami nang gumagamit ngayon ng salitang “post-truth,” na nabuo dahil sa sitwasyong ito. a At sa buong mundo, marami ang naniniwala na wala talagang katotohanan.

 Hindi na bago ang ganitong pananaw. Mga 2,000 taon na ang nakakaraan, tinanong si Jesus ng Romanong gobernador na si Poncio Pilato: “Ano ang katotohanan?” (Juan 18:38) Hindi naghintay si Pilato ng sagot, pero mahalaga ang tanong niya. Baka magustuhan mo ang sagot ng Bibliya sa tanong na iyan, at matutulungan ka ng Bibliya na malaman kung ano talaga ang totoo at hindi.

Mayroon ba talagang katotohanan?

 Oo. Ginagamit sa Bibliya ang salitang “katotohanan” para tumukoy sa mga bagay na napatunayang totoo, pati na sa mga bagay na tama ayon sa pamantayang moral. Itinuturo ng Bibliya na ang Diyos na Jehova b ang “Diyos ng katotohanan” kasi siya ang Pinagmumulan ng katotohanan. (Awit 31:5) Mababasa sa Bibliya ang katotohanang mula sa Diyos at ikinukumpara ito sa liwanag kasi kaya tayo nitong gabayan sa magulo at madilim na mundong ito.—Awit 43:3; Juan 17:17.

Paano mo malalaman ang katotohanan?

 Ayaw ng Diyos na basta na lang tayo maniwala sa sinasabi ng Bibliya. Gusto niyang suriin natin ito gamit ang kakayahan nating mangatuwiran imbes na magpadala sa emosyon natin. (Roma 12:1) Gusto rin niya na makilala natin siya at mahalin “nang buong pag-iisip,” at na tiyakin nating tama at totoo ang natututuhan natin sa Bibliya.—Mateo 22:37, 38; Gawa 17:11.

Kanino galing ang kasinungalingan?

 Sinasabi ng Bibliya na nagsimula ang kasinungalingan sa kaaway ng Diyos, si Satanas na Diyablo, na tinatawag ng Bibliya na “ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Nagsabi siya sa unang mga tao ng mga kasinungalingan tungkol sa Diyos. (Genesis 3:1-6, 13, 17-19; 5:5) Mula noon, nagkakalat na ng kasinungalingan si Satanas at itinatago niya ang katotohanan tungkol sa Diyos.—Apocalipsis 12:9.

Bakit napakaraming nagsisinungaling ngayon?

 Sa panahon natin ngayon, na tinatawag ng Bibliya na “mga huling araw,” mas marami na ang naimpluwensiyahan ni Satanas. Nagsisinungaling ang marami para lokohin at pagsamantalahan ang iba. (2 Timoteo 3:1, 13) Karaniwan na rin sa maraming relihiyon ngayon ang pagsisinungaling. Gaya ng inihula sa Bibliya, ‘papalibutan ng mga tao ang kanilang sarili ng mga guro na kikiliti sa mga tainga nila,’ at “hindi na sila makikinig sa katotohanan.” —2 Timoteo 4:3, 4.

Bakit mahalaga ang katotohanan?

 Kailangan ang katotohanan para magtiwala ang mga tao sa isa’t isa. Kung wala ito, masisira ang mga pagkakaibigan at hindi magkakaisa ang mga tao. Sinasabi ng Bibliya na gusto ng Diyos na sambahin natin siya ayon sa katotohanan. Mababasa natin: “Ang mga sumasamba sa [Diyos] ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Matutulungan ka ng katotohanan mula sa Bibliya na malaman ang mga kasinungalingang itinuturo ng mga relihiyon para hindi ka maimpluwensiyahan ng mga ito. Paano? Basahin ang mga artikulo sa “Bakit Nahihirapan ang Ilan na Mahalin ang Diyos?

Bakit gusto ng Diyos na malaman ko ang katotohanan?

 Gusto ng Diyos na maligtas ka, at kailangan mong malaman ang katotohanan tungkol sa kaniya para mangyari iyan. (1 Timoteo 2:4) Kapag nalaman mo kung ano ang tama at mali ayon sa pamantayan ng Diyos, at isinabuhay mo ang mga iyon, magiging kaibigan mo ang Diyos. (Awit 15:1, 2) Para malaman ng mga tao ang katotohanan, isinugo ng Diyos si Jesus sa lupa. Gusto Niya na sundin natin ang mga turo ni Jesus.—Mateo 17:5; Juan 18:37.

Aalisin ba ng Diyos ang kasinungalingan?

 Oo. Nagagalit ang Diyos kapag nagsisinungaling at nanloloko ang mga tao. Nangako siya na pupuksain niya ang mga sinungaling na hindi magbabago. (Awit 5:6) Kapag nagawa na iyon ng Diyos, matutupad ang pangako niya: “Ang mga labi na nagsasabi ng katotohanan ay mananatili magpakailanman.”—Kawikaan 12:19.

a Sinabi ng Oxford Dictionaries na ang salitang “post-truth” ang word of the year noong 2016.

b Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?