Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY

“Hindi Ko Na Iniisip na Baguhin ang Daigdig”

“Hindi Ko Na Iniisip na Baguhin ang Daigdig”
  • ISINILANG: 1966

  • BANSANG PINAGMULAN: FINLAND

  • DATING AKTIBISTA

ANG AKING NAKARAAN:

Bata pa lang ako, mahilig na ako sa kalikasan. Madalas mamasyal ang aming pamilya sa magagandang kagubatan at lawa sa palibot ng aming bayan ng Jyväskylä sa Central Finland. Mahilig din ako sa mga hayop. Noong bata ako, gustung-gusto kong yakapin ang bawat aso’t pusang nakikita ko! Habang lumalaki ako, nababagabag ako sa madalas na pang-aabuso ng mga tao sa mga hayop. Nang maglaon, sumali ako sa mga organisasyong nangangalaga sa karapatan ng mga hayop, kung saan nakilala ko ang mga taong tulad ko.

Aktibo kaming nangampanya para sa karapatan ng mga hayop. Namahagi kami ng impormasyon at nagsaayos ng mga kilos-protesta at demonstrasyon laban sa mga nagbebenta ng balat ng hayop at mga laboratoryong gumagamit ng hayop sa mga pagsusuri. Bumuo pa nga kami ng bagong organisasyon para protektahan ang mga hayop. Dahil radikal ang mga hakbang namin sa pagsusulong ng aming layunin, madalas kaming magkaproblema sa mga awtoridad. Ilang beses akong naaresto at dinala sa korte.

Nababahala rin ako sa iba pang problema sa daigdig. Nang maglaon, sumali rin ako sa iba pang organisasyon, gaya ng Amnesty International at Greenpeace. Ginugol ko ang buong lakas ko sa pagsuporta sa kanilang mga gawain. Ipinagtanggol ko ang kapakanan ng mahihirap, nagugutom, at ng iba pang nasa kaawa-awang kalagayan.

Unti-unti kong natanto na hindi ko kayang baguhin ang daigdig. Bagaman nalutas ng mga organisasyong iyon ang ilang maliliit na problema, waring lalong lumalala ang malalaking problema. Para bang nasa impluwensiya ng kasamaan ang buong daigdig at walang pakialam ang sinuman sa lahat ng bagay. Pakiramdam ko, wala akong magawa.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:

Dahil dito, nalungkot ako, at naisip ko ang Diyos at ang Bibliya. Dati akong nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Bagaman  napahalagahan ko ang kabaitan at pagpapakita ng personal na interes sa akin ng mga Saksi, hindi pa ako handang magbago. Pero iba na ngayon.

Inilabas ko ang aking Bibliya at binasa ito. Labis itong nakaaliw sa akin. Napansin ko ang maraming teksto sa Bibliya na nagtuturo sa atin na maging mabait sa mga hayop. Halimbawa, sinasabi ng Kawikaan 12:10 na “kinakalinga ng taong matuwid ang kanyang mga alagang hayop.” (Biblia ng Sambayanang Pilipino) Naunawaan ko rin na hindi ang Diyos ang sanhi ng mga problema sa daigdig. Sa halip, lumalala ang mga problema natin dahil ang karamihan ay hindi sumusunod sa kaniyang mga utos. Naantig ako nang matutuhan ko ang tungkol sa pag-ibig at mahabang pagtitiis ni Jehova.Awit 103:8-14.

Nang panahong ito, nakita ko ang isang kupon para sa aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Ipinadala ko ito, at di-nagtagal, isang mag-asawang Saksi ang dumalaw sa akin. Inalok nila ako na mag-aral ng Bibliya, na tinanggap ko naman. Dumalo rin ako sa mga Kristiyanong pagpupulong sa Kingdom Hall. Bilang resulta, natutuhan kong ibigin ang katotohanan sa Bibliya.

Dahil sa Bibliya, marami akong nabago sa aking buhay. Inihinto ko ang paninigarilyo at labis na pag-inom. Inayos ko ang aking hitsura at pananalita. At binago ko ang aking saloobin sa sekular na awtoridad. (Roma 13:1) Tinalikuran ko rin ang dati kong imoral na pamumuhay.

Ang pinakamahirap na pagbabago para sa akin ay ang pagkakaroon ng tamang pangmalas sa mga organisasyong sibiko. Hindi ito nangyari nang biglaan. Noong umpisa, iniisip kong pagtatraidor ang pagbibitiw sa mga organisasyong ito. Pero naunawaan ko na ang Kaharian ng Diyos ang tanging tunay na pag-asa ng ating daigdig. Nagpasiya akong ibaling ang aking suporta sa Kahariang iyan at sa pagtulong sa iba na matuto tungkol dito.Mateo 6:33.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG:

Noong aktibista ako, iniisip ko na may dalawang klase lang ng tao—mabuti at masama—at handa akong lumaban sa sinumang itinuturing kong masama. Pero dahil sa Bibliya, hindi na ako napopoot sa iba. Sa halip, sinisikap kong linangin ang Kristiyanong pag-ibig sa lahat ng tao. (Mateo 5:44) Ang isang paraan para maipakita ko ito ay sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Natutuwa akong makita kung paanong ang pagkakawanggawang ito ay nagbibigay ng kapayapaan, kaligayahan, at tunay na pag-asa sa mga tao.

Dahil ipinaubaya ko na kay Jehova ang mga bagay-bagay, nagkaroon ako ng kapayapaan ng isip. Kumbinsido ako na bilang Maylalang, hindi niya hahayaang pagmalupitan ang mga hayop at tao magpakailanman, ni hahayaan man niyang lubusang masira ang ating magandang lupa. Sa kabaligtaran, malapit nang ayusin ng kaniyang Kaharian ang lahat ng pinsalang ginawa rito. (Isaias 11:1-9) Labis akong natutuwa hindi lang sa pagkaalam sa mga katotohanang ito, kundi sa pagtulong din sa iba na manampalataya sa mga ito. Hindi ko na iniisip na baguhin ang daigdig.