Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY

Natutuhan Kong Irespeto ang mga Babae, Pati na ang Sarili Ko

Natutuhan Kong Irespeto ang mga Babae, Pati na ang Sarili Ko
  • ISINILANG: 1960

  • BANSANG PINAGMULAN: FRANCE

  • DATING MARAHAS, ADIK, AT WALANG RESPETO SA MGA BABAE

ANG AKING NAKARAAN:

Ipinanganak ako sa Mulhouse sa hilagang-silangan ng France, sa isang mahirap na bayan na kilalá sa karahasan. Puro awayan sa pamilya roon ang alaala ko noong bata ako. Sa pamilya namin, mababa ang tingin sa mga babae at bihirang hingan ng opinyon ng mga asawa nila. Itinuro sa akin na ang mga babae ay pangkusina lang at tagapag-asikaso ng asawa nila at mga anak.

Malungkot ang buhay ko noong bata ako. Sampung taon ako nang mamatay si Tatay dahil sa pagkasugapa sa alak. Makalipas ang limang taon, nagpakamatay naman ang isang kuya ko. Nang taon ding iyon, nasaksihan ko ang isang pagpatay dahil sa away ng pamilya. Nakapangingilabot! Tinuruan ako ng kapamilya ko na humawak ng patalim at baril at makipaglaban kung kailangan. Dahil gulong-gulo ang isip ko, nagpatato ako sa buong katawan at natutong maglasing.

Sa edad na 16, umiinom ako nang 10 hanggang 15 bote ng beer araw-araw, hanggang sa natuto na rin akong magdroga. Para tustusan ang bisyo ko, nagbenta ako ng mga iskrap na bakal, na nauwi naman sa pagnanakaw. Nakulong ako sa edad na 17. Lahat-lahat, 18 sentensiya ang napala ko dahil sa pagnanakaw at karahasan.

Mas lumala ako pagtuntong ko sa edad na 20. Nakaka-20 istik ako ng marijuana araw-araw, bukod pa sa heroin at iba pang droga. Ilang beses na akong muntik nang mamatay dahil sa overdose. Nagtulak na rin ako ng droga, kaya lagi akong may dalang patalim at baril. Minsan, binaril ko ang isang lalaki; buti na lang, sa buckle ng sinturon niya tumama ang bala! Noong 24 anyos ako, namatay si Nanay, kaya lalo akong naging marahas. Kapag nakikita ng iba na paparating ako, tumatawid sila sa kabilang kalsada dahil sa takot. Dahil sa away, madalas na nasa istasyon ako ng pulis o nasa ospital kapag dulo ng sanlinggo.

Nag-asawa ako sa edad na 28. Dahil marahas ako, hindi ko nirespeto ang asawa ko. Iniinsulto ko siya at binubugbog. Wala kaming ginawang magkasama bilang mag-asawa. Akala ko, sapat nang bigyan ko siya ng mga alahas na ninakaw ko. Pero isang di-inaasahang bagay ang nangyari. Nagsimulang makipag-aral ng Bibliya ang asawa ko sa mga Saksi ni Jehova. Sa unang pag-aaral pa lang niya, huminto na siya sa paninigarilyo, ayaw nang tanggapin ang perang ninakaw ko, at isinauli niya ang mga alahas na ibinigay ko. Galit na galit ako. Sinalansang ko ang pag-aaral nila ng Bibliya. Ibinubuga ko sa mukha niya ang usok ng sigarilyo ko. Ipinahihiya ko rin siya o ginagawang katatawanan sa harap ng maraming tao.

Minsan, sa sobrang kalasingan, sinunog ko ang apartment namin. Iniligtas ako ng aking asawa, pati ang aming anak na babae na limang taon noon. Nang mahimasmasan ako, sising-sisi ako sa ginawa ko. Alam kong hinding-hindi ako mapatatawad ng Diyos. Naaalaala ko noon na sinabi ng isang pari na mapupunta sa impiyerno ang masasamang tao. Kahit ang saykayatris ko, sinabihan ako: “Suko na ’ko sa ’yo! Wala ka nang pag-asang magbago!”

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:

Pagkatapos ng insidenteng iyon, nakitira kami sa mga biyenan ko. Nang dalawin doon ng mga Saksi ang misis ko, tinanong ko sila, “Mapatatawad kaya ako ng Diyos sa lahat ng kasalanan ko?” Ipinabasa nila sa akin sa Bibliya ang 1 Corinto 6:9-11. Nakasulat doon ang iba’t ibang uri ng paggawi na hindi sinasang-ayunan ng Diyos, pero mababasa rin doon: “Ganiyan ang ilan sa inyo noon.” Tiniyak nito sa akin na puwede akong magbago. Pagkatapos, ipinabasa sa akin ng mga Saksi ang 1 Juan 4:8, para tiyakin sa akin na mahal ako ng Diyos. Napatibay ako, kaya hiniling ko sa mga Saksi na turuan ako ng Bibliya dalawang beses bawat linggo, at dumalo na rin ako sa kanilang Kristiyanong pagpupulong. Mula noon, lagi na akong nananalangin kay Jehova.

Sa loob lang ng isang buwan, huminto na ako sa pagdodroga at pag-inom ng alak. Nagsimula akong makaramdam na parang may naglalaban sa loob ng katawan ko! Nakaranas ako ng bangungot, sakit ng ulo, pulikat, at iba pang sintomas na pinagdaraanan ng mga humihinto sa bisyo. Pero kasabay nito, nadama kong hawak ni Jehova ang kamay ko at pinalalakas ako. Gaya ito ng nadama ni apostol Pablo, nang isulat niya: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” (Filipos 4:13) Nang maglaon, naihinto ko na rin ang paggamit ng tabako.—2 Corinto 7:1.

Bukod sa natulungan ako ng Bibliya na maalis ang mga bisyo ko, naging maganda rin ang ugnayan ng aming pamilya. Naging maayos ang pakikitungo ko sa misis ko. Nirerespeto ko na siya at marunong na rin akong magsabi ng “pakisuyo” at “salamat.” Naging mabuting ama rin ako. Matapos ang isang-taóng pag-aaral sa Bibliya, inialay ko ang aking buhay kay Jehova at nagpabautismo, gaya ng ginawa ng asawa ko.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG:

Kumbinsido akong nailigtas ng mga simulain sa Bibliya ang buhay ko. Kahit ang mga kamag-anak ko na di-Saksi ay nagsasabing kung hindi dahil sa Bibliya, malamang na patay na ako dahil sa droga o napatay sa isang away.

Lubusang binago ng mga turo ng Bibliya ang aming buhay pampamilya. Itinuro nito sa akin ang responsibilidad ko bilang asawa at ama. (Efeso 5:25; 6:4) Gumagawa na kaming magkakasama bilang pamilya. Sa halip na buruhin lang sa kusina ang misis ko, masaya ako ngayon na samahan siya sa kaniyang mga gawain bilang buong-panahong mángangarál. At masaya rin niya akong sinusuportahan sa mga atas ko bilang elder sa kongregasyon.

Napakalaki ng epekto ng pag-ibig at awa ng Diyos na Jehova sa buhay ko. Gustong-gusto kong sabihin ang mga katangian niya sa mga taong parang wala ring pag-asang magbago, palibhasa’y ganoon ang tingin sa akin noon ng marami. Naniniwala akong may kapangyarihan ang Bibliya na tulungan ang sinuman na magkaroon ng malinis at makabuluhang buhay. Sa tulong ng Bibliya, natutuhan kong mahalin at irespeto ang iba, mga lalaki at babae, pero higit sa lahat, ang sarili ko.