Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nag-e-enjoy akong makasama ang mga kabataan sa kongregasyon

BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY

Walang Mahalaga sa Akin Kundi ang Baseball!

Walang Mahalaga sa Akin Kundi ang Baseball!
  • ISINILANG: 1928

  • BANSANG PINAGMULAN: COSTA RICA

  • DATING SUGAPA SA SUGAL AT SPORTS

ANG AKING NAKARAAN

Lumaki ako sa Puerto Limón at sa kalapít na mga lugar nito. Ang Puerto Limón ay daungang-lunsod sa silangang baybayin ng Costa Rica. Ikapito ako sa walong magkakapatid. Namatay si Tatay noong walong taóng gulang ako. Kaya mag-isa lang kaming itinaguyod ni Nanay.

Bata pa lang ako, nahilig na ako sa baseball. Noong tin-edyer ako, sumali ako sa isang amateur team. Habang naglalaro kami sa isang liga noong mga 20 anyos ako, may lumapit sa aking lalaki na naghahanap ng mga player. Inalok niya akong maglaro sa isang professional team sa Nicaragua. Pero tinanggihan ko ang alok dahil ako ang nag-aalaga kay Nanay na may mahinang kalusugan noon at ayaw kong tumira sa Nicaragua. Nang maglaon, may nag-alok ulit sa akin na maglaro sa national baseball team ng Costa Rica. Binubuo ito ng pilíng mga amateur player. Tinanggap ko ang alok. Naging player ako ng national team mula 1949 hanggang 1952, at sumali kami sa mga liga sa Cuba, Mexico, at Nicaragua. Mahusay akong baseman. Kaya kong maglaro ng sunod-sunod na 17 laro nang hindi nagkakamali. Tuwang-tuwa ako habang isinisigaw ng mga manonood ang pangalan ko!

Pero nakalulungkot sabihin na naging imoral ang pamumuhay ko. Isa lang ang girlfriend ko, pero babaero ako. Malakas din akong uminom. Minsan sa sobrang kalasingan, hindi ko matandaan kinabukasan kung paano ako nakauwi! Tumataya rin ako noon sa loterya at domino.

Noong mga panahong iyon, naging Saksi ni Jehova si Nanay. Sinubukan niyang ibahagi sa akin ang kaniyang paniniwala. Hindi ako interesado sa umpisa kasi abalang-abala ako sa sports. Kapag nasa training, kahit oras na para kumain, hindi ako nakadarama ng gutom! Laro lang ang laman ng isip ko. Walang mahalaga sa akin kundi ang baseball!

Pero noong 29 anyos ako, habang sinasalo ko ang bola, nagtamo ako ng injury. Nang maka-recover ako, tumigil na ako sa paglalaro. Pero hindi ko iniwan ang baseball. Naging trainer ako ng isang amateur team malapit sa amin.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO

Noong 1957, dumalo ako sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na ginanap sa isang istadyum kung saan ako dating naglalaro ng baseball. Habang nakaupo, kitang-kita ko ang pagkakaiba ng magagalang na Saksi sa maiingay at magugulong manonood ng baseball. Napakilos ako nito na mag-aral ng Bibliya sa mga Saksi at dumalo sa kanilang mga pulong.

Humanga ako sa maraming turo ng Bibliya. Halimbawa, inihula ni Jesus na sa mga huling araw, ipangangaral ng kaniyang mga alagad ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa buong daigdig. (Mateo 24:14) Natutuhan ko rin na hindi pinagkakakitaan ng mga tunay na Kristiyano ang kanilang ministeryo. Sinabi ni Jesus: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.”—Mateo 10:8.

Habang pinag-aaralan ko ang Bibliya, ikinumpara ko ang sinasabi nito sa ginagawa ng mga Saksi ni Jehova. Napahanga ako sa kanilang pagsisikap na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa buong daigdig. Nakita kong sinusunod nila ang utos ni Jesus sa mga Kristiyano na maging bukas-palad. Kaya nang mabasa ko sa Marcos 10:21 ang paanyaya ni Jesus, “Halika maging tagasunod kita,” nadama kong gusto ko nang maging Saksi.

Pero matagal din bago ako tuluyang nagbago. Halimbawa, maraming taon ko nang itinataya sa loterya linggo-linggo ang “lucky” number ko. Pero natutuhan ko sa Bibliya na ayaw ng Diyos sa mga sumasamba sa “diyos ng Suwerte,” at sa mga sakim. (Isaias 65:11; Colosas 3:5) Kaya nagdesisyon akong ihinto na ang pagsusugal. Noong unang Linggo na tumigil ako sa pagtaya sa loterya, tumama ang “lucky” number ko! Sinisi ako ng mga tao kasi hindi ako tumaya ng linggong iyon. Pinilit nila akong tumaya uli, pero hindi na ako nagsugal mula noon.

Muling nasubok ang “bagong personalidad” ko nang mismong araw na mabautismuhan ako sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. (Efeso 4:24) Pagbalik ko sa hotel kinagabihan, nakita ko ang dati kong girlfriend na naghihintay sa labas ng kuwarto ko. “Tara, Sammy,” ang sabi niya. “Mag-enjoy tayo!” Pero sinabi ko, “Ayoko!” Ipinaliwanag ko sa kaniya na sinusunod ko na ang mga pamantayan ng Bibliya pagdating sa moral. (1 Corinto 6:18) “Ano?” ang sabi niya. Pinagtawanan lang niya ang pananaw ng Bibliya sa seksuwal na imoralidad, at nagpumilit na ipagpatuloy namin ang aming relasyon. Pero pumasok ako sa kuwarto at saka ko ini-lock ang pinto. Natutuwa akong sabihin na mula nang maging Saksi ako noong 1958, nakapanindigan ako sa mga pagbabagong ginawa ko sa buhay.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG

Sa sobrang dami ng magagandang bagay na nangyari sa akin dahil sa pagsunod sa mga payo ng Bibliya, makakagawa siguro ako ng aklat! Nagkaroon ako ng tunay na mga kaibigan, makabuluhang buhay, at nadama ko ang tunay na kaligayahan.

Nag-e-enjoy pa rin ako sa baseball. Pero iba na ang pananaw ko ngayon. Sa baseball, nakilala ako at nagkaroon ng pera, pero pansamantala lang ang mga iyon. Ang magandang kaugnayan ko sa Diyos at sa mga kapananampalataya ko ang mananatili magpakailanman. Sinasabi ng Bibliya: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17) Ngayon, ang Diyos na Jehova at ang kaniyang bayan ang pinakamahalaga sa akin!