Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALIN 12

Paano Ka Magiging Malapít sa Diyos?

Paano Ka Magiging Malapít sa Diyos?

1. Pinapakinggan ba ng Diyos ang lahat ng panalangin?

Inaanyayahan ng Diyos ang lahat ng uri ng tao na lumapit sa kaniya sa panalangin. (Awit 65:2) Pero hindi lahat ng panalangin ay pinapakinggan, o tinatanggap, ng Diyos. Halimbawa, hindi niya pinapakinggan ang panalangin ng isang lalaking mapang-abuso sa asawa. (1 Pedro 3:7) Nang mamihasa sa paggawa ng masama ang mga Israelita noon, hindi rin pinakinggan ng Diyos ang mga panalangin nila. Maliwanag, ang panalangin ay isang pribilehiyo na hindi dapat abusuhin. Pero kapag totoong nagsisisi ang isa na nakagawa ng kasalanan, gaano man ito kabigat, pakikinggan ng Diyos ang panalangin niya.​—Basahin ang Isaias 1:15; 55:7.

Panoorin ang video na Pinapakinggan Ba ng Diyos ang Lahat ng Panalangin?

2. Paano tayo dapat manalangin?

Ang panalangin ay bahagi ng ating pagsamba, kaya kay Jehova lang tayo dapat manalangin dahil siya ang ating Maylalang. (Mateo 4:10; 6:9) At makasalanan tayo, kaya dapat tayong manalangin sa pangalan ni Jesus dahil namatay siya bilang pantubos sa ating mga kasalanan. (Juan 14:6) Ayaw ni Jehova ng binabasa o sauladong panalangin na inuulit-ulit. Gusto niyang manalangin tayo mula sa puso.​—Basahin ang Mateo 6:7; Filipos 4:6, 7.

Naririnig din ng ating Maylalang kahit ang tahimik na mga panalangin. (1 Samuel 1:12, 13) Gusto niyang manalangin tayo sa lahat ng pagkakataon, halimbawa, pagkagising at bago matulog, sa oras ng pagkain, at kapag may problema tayo.​—Basahin ang Awit 55:22; Mateo 15:36.

3. Bakit nagtitipon ang mga Kristiyano?

Hindi madaling maging malapít sa Diyos dahil namumuhay tayo kasama ng mga taong hindi nananampalataya sa kaniya at hindi naniniwala sa pangako niyang kapayapaan sa lupa. (2 Timoteo 3:1, 4; 2 Pedro 3:3, 13) Kaya kailangan nating makipagsamahan sa ating mga kapananampalataya para mapatibay tayo at mapatibay natin sila.​—Basahin ang Hebreo 10:24, 25.

Ang pagiging malapít sa mga taong umiibig sa Diyos ay tutulong sa atin na maging malapít sa Diyos. Ang mga pulong ng mga Saksi ni Jehova ay magandang pagkakataon para mapatibay ang ating pananampalataya.​—Basahin ang Roma 1:11, 12.

4. Paano ka magiging malapít sa Diyos?

Magiging malapít ka kay Jehova kung bubulay-bulayin mo ang mga natututuhan mo sa kaniyang Salita. Pag-isipan ang kaniyang mga gawa, mga payo, at mga pangako. Sa tulong ng panalangin at pagbubulay-bulay, maiintindihan natin kung gaano kahalaga ang pag-ibig at karunungan ng Diyos.​—Basahin ang Josue 1:8; Awit 1:1-3.

Magiging malapít ka lang sa Diyos kung magtitiwala ka sa kaniya, kung mananampalataya ka. Pero ang pananampalataya ay gaya ng halaman na kailangang alagaan para lumago. Para lumago ang pananampalataya mo, kailangan mong bulay-bulayin ang mga napag-aralan mo sa Bibliya na basehan ng iyong paniniwala.​—Basahin ang Mateo 4:4; Hebreo 11:1, 6.

5. Bakit makakabuti sa iyo ang pagiging malapít sa Diyos?

Nagmamalasakit si Jehova sa mga nagmamahal sa kaniya. Kayang-kaya niya silang protektahan mula sa anumang puwedeng magsapanganib sa kanilang pananampalataya at pag-asang buhay na walang hanggan. (Awit 91:1, 2, 7-10) Pinapaiwas niya tayo sa uri ng pamumuhay na puwedeng makasamâ sa ating kalusugan at pagmulan ng mga problema. Itinuturo ni Jehova kung paano magiging makabuluhan ang ating buhay.​—Basahin ang Awit 73:27, 28; Santiago 4:4, 8.