Pumunta sa nilalaman

Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pag-aasawa ng Magkaibang Lahi?

Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pag-aasawa ng Magkaibang Lahi?

Ang sagot ng Bibliya

 Pinapayagan ng Diyos ang pag-aasawa ng isang lalaki at isang babae na magkaiba ang lahi dahil lahat ng lahi ay pantay-pantay sa kaniyang paningin. Sinasabi ng Bibliya: “Pare-pareho ang trato ng Diyos sa lahat . . . , anuman ang lahi.”—Gawa 10:34, 35, Good News Translation.

 Isaalang-alang ang iba pang simulain sa Bibliya may kaugnayan sa pagkakapantay-pantay ng lahi at pag-aasawa ng magkaibang lahi.

Iisa ang pinagmulan ng lahat ng lahi

 Lahat ng tao ay nagmula sa unang lalaking si Adan at sa kaniyang asawang si Eva, na tinatawag sa Bibliya bilang “ina ng lahat ng nabubuhay.” (Genesis 3:20) Dahil diyan, sinasabi ng Bibliya tungkol sa Diyos: “Ginawa niya mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao.” (Gawa 17:26) Kaya ang lahat ng tao, anuman ang lahi, ay bahagi ng iisang pamilya. Pero paano kung palasak sa inyong lugar ang pagtatangi ng lahi?

Ang marurunong ay “nagsasanggunian”

 Kahit tanggap ng Diyos ang pag-aasawa ng magkaibang lahi, hindi ito tanggap ng iba. (Isaias 55:8, 9) Kung mag-aasawa ka ng iba ang lahi, dapat ninyong pag-usapan ng iyong mapapangasawa ang sumusunod:

  •   Paano ninyo haharapin ang mga problemang babangon mula sa inyong pamilya o komunidad?

  •   Paano ninyo tutulungan ang inyong mga anak na makayanan ang pagtatangi?

 Makakatulong ang ganitong ‘pagsasanggunian’ para magtagumpay kayong mag-asawa.—Kawikaan 13:10; 21:5.