Pumunta sa nilalaman

Ano ang Ibig Sabihin ng “Mata Para sa Mata”?

Ano ang Ibig Sabihin ng “Mata Para sa Mata”?

Ang sagot ng Bibliya

 Ang utos na “mata para sa mata” ay bahagi ng Kautusan ng Diyos na ibinigay ni Moises sa Israel noon, na sinipi naman ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok. (Mateo 5:38; Exodo 21:24, 25; Deuteronomio 19:21) Ibig sabihin, kapag nagpaparusa sa mga nakagawa ng kasalanan, ang parusa ay dapat na katumbas ng krimeng ginawa. a

 Ang utos na ito ay para sa sadyang pananakit o pamiminsala sa ibang tao. May kinalaman sa nagkasala nang sinasadya, ganito ang sinasabi ng Kautusang Mosaiko: “Bali para sa bali, mata para sa mata, ngipin para sa ngipin; ang katulad na uri ng kapintasan na pinangyari niya sa taong iyon, gayundin ang pangyayarihin sa kaniya.”—Levitico 24:20.

 Para saan ang utos na “mata para sa mata”?

 Ang utos na “mata para sa mata” ay hindi nagpapahintulot sa isa na maghiganti. Sa halip, tinulungan nito ang inatasang mga hukom noon na magpataw ng angkop na parusa—hindi napakalupit at hindi rin napakaluwag.

 Hinahadlangan din ng utos na ito ang sinuman na sadyain o planuhing saktan ang iba. Ayon sa Kautusan, ang mga nakasaksi sa paglalapat ng katarungan ng Diyos ay “matatakot, at hindi na sila muling gagawa ng anumang kasamaang tulad nito sa gitna mo.”—Deuteronomio 19:20.

 Dapat bang sundin ng mga Kristiyano ang “mata para sa mata”?

 Hindi, wala nang bisa ang utos na ito sa mga Kristiyano. Bahagi ito ng Kautusang Mosaiko, na pinawalang-bisa ng sakripisyong kamatayan ni Jesus.—Roma 10:4.

 Pero makikita sa utos na ito kung paano mag-isip ang Diyos. Halimbawa, ipinapakita nito na pinapahalagahan ng Diyos ang katarungan. (Awit 89:14) Ipinapakita rin nito ang pamantayan niya ng katarungan—na ang mga nagkakasala ay dapat parusahan sa “wastong antas.”—Jeremias 30:11.

 Mga maling akala tungkol sa utos na “mata para sa mata”

 Maling akala: Ang utos na “mata para sa mata” ay masyadong malupit.

 Ang totoo: Hindi pinahihintulutan ng utos ang malupit na paglalapat ng katarungan. Sa halip, kung susundin nang tama, magpapataw lang ang mga hukom ng parusa para sa isang kasalanan pagkatapos nilang isaalang-alang ang mga kalagayang nasasangkot at kung sinasadya ba ito o hindi. (Exodo 21:28-30; Bilang 35:22-25) Kaya ang utos na “mata para sa mata” ay nagsilbing pamigil sa labis na pagpaparusa.

 Maling akala: Ang utos na “mata para sa mata” ay nagpapahintulot sa walang-katapusang gantihan.

 Ang totoo: Sinabi mismo ng Kautusang Mosaiko: “Huwag kang maghihiganti ni magkikimkim ng sama ng loob laban sa mga anak ng iyong bayan.” (Levitico 19:18) Sa halip na himukin ang mga tao na maghiganti, tinulungan ng Kautusan ang bayan na magtiwala sa Diyos at sa sistema ng batas na ginawa niya para magtuwid ng anumang mali.—Deuteronomio 32:35.

a Ang simulaing ito, na minsan ay tinutukoy gamit ang terminong Latin na lex talionis, ay makikita rin sa sistema ng batas ng ibang sinaunang lipunan.